Habang may earthquake drill sa paaralan, pinagtatawanan ng mga kaklase si Juan at sumisigaw ang mga ito ng “Hayan na si Big Juan! Mag-duck-cover-and-hold na!”
“Wala na kayong pinipiling oras
para magtuksuhan! Hindi na ninyo sineryoso ang earthquake drill! Paano
kung magkatotoo ito? Maililigtas niyo ba ang sarili ninyo?” pagalit ni
Binibining Caridad nang bumalik sila sa silid-aralan.
Tahimik ang buong klase. Si Juan
naman ay hihikbi-hikbi.
“Dahil hindi
ninyo inirespeto ang earthquake drill kanina, magkakaroon tayo ng isang
gawain,” deklara ng guro.
Parang natuka ng
ahas si Paeng, na siyang pasimuno, dahil hindi nito alam ang gagawin.
“Tumayo kayo, Yolanda, Odette, at
Glenda, dahil madalas ninyong pagtawanan si Juan. Magbigay kayo ng tatlong dapat
gawin bago ang lindol,” sabi ni Binibining Caridad.
Parang lindol
ang panginginig ng tatlong bully.
Pero ang bilis
na sumagot ni Yolanda. Parang tsunami. “Iwasan ang pagsabit o pagkabit ng
mabibigat at babasagin sa dingding, gayundin ang pagpatong sa mga kasangkapan
ng mabibigat na bagay.”
Malakas na
binigkas ni Odette ang kaniyang sagot—parang pagputok ng bulkan. “Panatilihing
nakahanda ang Go bag.”
Maikli at
pabigla-bigla naman ang sagot ni Glenda—parang landslide. “Maging alerto.”
“Tumayo kayo,
Pablo, Rolly, at Ulysses dahil madalas ninyong biruin si Juan. Magbigay kayo ng
tigdadalawang paraan para mabawasan ang epekto habang lumilindol,” sabi ni
Binibining Caridad.
Parang bagyo na
nasa Signal Number 3 ang lakas ng kabog ng dibdib ng tatlo dahil sa tanong ng
kanilang guro.
“One.
Isagawa ang ‘Duck, Cover, and Hold’ kung nasa loob ng gusali. Two.
Lumayo sa mga bagay na babasagin, mabibigat, at maaaring maitumba o bumagsak,”
sagot ni Pablo.
“Three.
Maaaring tumayo, umupo, o mag-iskwat sa matibay na bahagi o poste ng bahay o
gusali habang tinatakpan ng kamay ang ulo at batok. Four. Pumunta sa
open space, kung nasa labas,” sagot ni Rolly.
“Five.
Kapag nasa sasakyan o kapag nagmamaneho, itabi at ihinto ang sasakyan. Six.
At kapag malapit o nasa dagat, lumikas at pumunta sa ligtas na lugar,” sagot
naman ni Ulysses.
“Tumayo kayo, Ompong,
Pedring, Pepeng, at Paeng dahil madalas ninyong asarin si Juan. Magbigay kayo ng mga dapat gawin pagkatapos ng lindol,” sabi ni Binibining
Caridad.
Parang malalakas
na bagyo ang ipinakitang kayabangan nina Ompong, Pedring, at Pepeng. “Ang dali
naman!” sabi ng mga ito. Samantala, natatawa pa rin si Paeng.
“Hintayin ang
abiso ng kinauukulan bago bumalik sa bahay o gusali,” sagot ni Ompong. Kumaldag
pa ito.
“Suriin ang
linya ng tubig at kuryente, LPG, at ang paligid,” sagot ni Pedring. Nag-pogi
pose pa ito.
“Tingnan kung
may nabasag, nagiba, natumba, bumitak, bumagsak, natapon, at nasira na maaaring
pagmulan ng isa pang sakuna gaya ng sunog,” sagot ni Pepeng. Sumuntok-suntok pa
ito sa hangin na animo’y may kalaban.
“O, ikaw na ang
sasagot, Paeng,” untag ni Binibining Caridad.
Pumulanghit muna
ng tawa si Paeng, kaya natawa rin sina Ompong, Pedring, at Pepeng.
“Umayos ka,
Paeng!” pagalit ng guro. “Ano’ng sagot mo?”
“Itsek din ang
mga kasamahan, lalo na ang mga bata, matatanda, may kapansanan, at buntis,”
natatawa pa ring sagot ni Paeng. “Huwag kakalimutan si Juan, baka nadaganan
kasi hindi makatakbo.”
Muling narinig
ang malakas na tawanan sa silid-aralan na parang pagputok ng bulkan.
“Tumahimik
kayo!” Parang nagbuga ng lava si Binibining Caridad.
Umiiyak
at patakbong lumabas si Juan sa silid-aralan, kasabay ang pag-uga ng gusali.
Nayugyog ang mga upuan, kaya napasigaw ang lahat ng “Hayan na ang Big One.”
“Totoo
na ito. Isagawa natin ang ating pinag-aralan, Dali!” utos ng guro.
Isinagawa ng
lahat ang Duck, Cover, and Hold habang lumilindol. May mga umiiyak. May mga
tahimik lang. At may mga nagdarasal.
Nang
matapos ang pagyanig, hinanap nila si Juan.
“Juan,
mabuti, ligtas ka rin,” sabi ni Paeng. Inabot niya ang kamay kay Juan. “Halika
ka na.”
Humingi ng
kapatawaran ang mga kaklase ni Juan. At dahil sa nangyari, ang lahat ay
maraming natutuhan.
No comments:
Post a Comment