Followers

Monday, May 5, 2025

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Jess #5

“Jess, Jess! Nasaan si Jesrelle?”

 

Naalimpungatan si Jess dahil sa sigaw at yugyog ni Rochelle sa kaniyang balikat. “N-nasa room niya.” Gusto niyang sigawan ang asawa, pero hindi niya ginawa. Sa halip, tiningnan niya sa wall clock ang oras. Alas-dos na ng umaga.

 

“Wala siya ro’n!” Hindi na naitago ni Rochelle ang pag-aalala at pagkataranta. Hinila na siya nito. “Hanapin natin siya, dali! Ang hinala ko, kinidnap siya ni Ram.”

 

Noon lamang natauhan si Jess. Kaya kahit nahihilo pa, mabilis niyang tinakbo ang hagdanan. “Jesrelle! Jesrelle, where are you?”

 

Nang marating ng mag-asawa ang bedroom ni Jesrelle, halos halughugin nila ito—sa ilalim ng kama, sa loob ng kabinet, sa likod ng mga kurtina, sa banyo, at kahit sa bintana. Wala.

 

“Diyos ko, nasaan po si Jesrelle?” Napaupo na lamang si Rochelle sa paanan ng kama, habang sapo-sapo ang mukha—humahagulhol.

 

“Hindi kaya lumabas siya o nasa baba siya?” Hindi na niya hinintay ang tugon ng asawa. Dali-dali siyang lumabas sa kuwarto. Pumasok muna siya sa kuwarto nilang mag-asawa. Katulad ng ginawa niya sa kuwarto ni Jesrelle, hinalughog niya rin ito, pero wala siyang nakita.

 

“Jesrelle! Jesrelle?”

 

Nang marinig niya ang sigaw ni Rochelle habang pababa ito ng hagdan, lumabas na siya sa kuwarto.

 

Sa baba, hinalughog nila ang bawat sulok hanggang sa mapagod sila.

 

“Diyos ko, nasaan ang anak namin?” muling tanong ni Rochelle. “Jess, humingi na tayo ng tulong sa awtoridad.”

 

Noon lamang naalala ni Jess na hagilapin ang cell phone niya. May CCTV sa may gate nila, kaya agad niyang pinanood ang footage niyon.

 

“Ano na?” untag ng kaniyang asawa.

 

“Sandali. Pinanonood ko ang CCTV footage sa gate baka nakalabas siya.”

 

Lumapit si Rochelle sa kaniya at nakinood. “Sana mali ang nasa isip ko, Jess. Sana…”

 

“Tumahimik ka!” singhal niya. “May tatlong tao akong nakita.”

 

“Nasaan?”

 

“Ayan, o… Kahina-hinala ang mga galaw nila. Bakit nandiyan sila sa tapat natin?”

 

“Anong oras na ba `yan?”

 

Past 12.”

 

“Hindi ba, nandito pa niyan sina Judith at Ram?”

 

“Oo. Mga 1 am sila nagpaalam, right?”

 

“Yes. Ako pa nga ang naghatid sa kanila sa may gate kasi bagsak ka na. Nahihilo na rin ako no’n.”

 

“Look, look…”

 

Agad na sumilip uli si Rochelle sa cell phone.

 

“Bago pa kayo lumabas, nakalayo na ang tatlong lalaki… Pero bumalik sila pag-alis ng dalawa.”

 

“I-fast forward mo na lang kaya.”

 

Ganoon nga ang ginawa ni Jess, at nakita nila ang isa sa tatlong kahina-hinalang lalaki na pumasok sa kanilang gate habang kausup ni Rochelle si Judith.

 

“Ayan! Ayan! Kasabwat nila sina Ram at Judith,” bulalas ni Rochelle.

 

“Tapusin natin ang video. Nanghuhusga ka kaagad, e… Hindi nila napansin ang pagpasok ng lalaki.”

 

“That’s impossible!”

 

Hindi na pinansin ni Jess ang asawa, sa halip, nagpokus siya sa panonood hanggang sa makalayo na ang sasakyan ni Ram at maisara ni Rochelle ang gate.

 

“Pahiram.” Kinuha ni Rochelle ang hawak na cell phone ni Jess. “Fast forward natin.”

 

Hinayaan niya ang asawa. Tinatambol na ang dibdib niya dahil sa lalaking nakapasok sa kanilang tahanan.

 

“Oh, my God! Look, Jess, look… pinapasok pa ng lalaki ang kasamang dalawa!”

 

Napatingin siya sa video. Hindi na niya alam ang kaniyang mararamdaman.

 

Muling nag-fast forward si Rochelle ng video hanggang sa makita nilang isinasakay na sa van ng mga lalaki ang walang malay na si Jesrelle.

 

“My God! They kidnapped our son, Jess. Ano’ng gagawin natin?” tarantang tanong ni Rochelle. Halos mapunit ang damit ni Jess sa paghila at pagyugyog nito sa kaniya.

 

“I don’t know yet!” singhal niya, sabay tayo. “Kumalma ka muna. Puwede?”

 

“Paano ako kakalma? Tinangay nina Ram ang anak natin.”

 

“How did you know that it’s him? Huh?”

 

Dinampot ni Rochelle ang cell phone niya. “Ito, ito… tawagan mo siya.”

 

Kahit hindi siya naniniwalang magagawa iyon ni Ram, tinawagan pa rin niya ito. “Ram, nasaan ka ngayon?”

 

“Ha, bakit? Nasa kalsada ako—nagmamaneho?”

 

“Nasaan si Judith?”

 

“Kakahatid ko lang sa bahay nila. Narinig mo naman kanina, na hinahanap siya ng daddy niya. Bakit?”

 

“Si Jesrelle, kinidnap ng tatlong lalaki.”

 

“Ha? Paanong nangyari?”

 

“Pinasok kami. Nang hinatid kayo ni Rochelle, nasalihan siya.”

 

“I’m sorry to hear that…. How can I help you? Puwede ko namang hindi ituloy ang flight ko.”

 

“Ram… Ram.”

 

“Yes, Jess?”

 

“May kinalaman ka ba? Tell me frankly. I can give you all you want.”

 

“What? Ganyan ba ang tingin mo sa akin, Jess? Matagal na tayong magkaibigan, pero pararatangan mo ako ng ganyan.” Hindi nito naitago ang pagkadismaya at inis.

 

“Kaya nga, e. Matagal na tayong magkaibigan… Kilalang-kilala na natin ang likaw ng bituka ng isa’t isa… Bakit ang anak ko pa?”

 

Minura-minura siya ni Ram. “Patunayan mong ako nga, kundi idedemanda kita.” Binabaan na siya nito ng tawag.

 

Halos maibato niya ang kaniyang cell phone dahil sag alit at kabiguan.

 

“Defense mechanism niya lang `yon, Jess. He’s the culprit. Halika na, i-report na natin ito sa pulisya.”

 

Hindi na nagmatigas pa si Jess. Sinunod niya ang kaniyang asawa. Tinungo nila ang pinakamalapit na police station.

 

Inasikaso naman agad sila roon. Kinuhaan sila ng salaysay. Ipinanood at binigay rin nila ang CCTV footage. Inalam din mula sa kanila ang mga taong maaaring sangkot sa kidnapping. At pagkatapos ng mahabang proseso, nakauwi na sila.

 

“I’m sorry, Rochelle.” Niyakap niya ang kaniyang asawa, na wala pa ring humpay sa pagtangis. “Sana nakinig ako sa `yo.”

 

“Noon pa man, wala na talagang ginawang mabuti sa buhay mo `yang Ram na `yan.”

 

“Paano natin ito ipaliliwanag sa family mo? Lalo silang magagalit sa akin, Rochelle.”

 

“Exactly! Kaya gawan natin ng paraan, Jess. Magpakatatay ka. Hiyang-hiya na ako sa pamilya ko. Hindi ko na alam kung paano pa kita ipagtatanggol.”

 

“Nakikiusap ako… Huwag mo muna nating ipaalam sa kanila. For sure, mapapatunayan naman nating si Ram ang mastermind nito.”

 

“No!” Napatayo si Rochelle. “It’s their right to know what happened. In fact, they are on their way here.”

 

“What? Papunta na sila rito? Bakit naman, Rochelle. Sana hinayaan mo munang ma-solve natin ang problema. It’s a matter of misunderstanding between me and Ram. Maabawi natin si Jesrelle.”

 

“Hindi biro ang kidnapping, Jess! Huwag mo nang ipagtanggol `yan demonyo mong kaibigan. Hindi ko makuha ang point niya kung bakit kailangan niyang gawin `to sa amin natin.”

 

Napasapo na lamang ni Jess ang ulo niya. Hindi niya ang alam ang gagawin. Subalit namamayani sa kaniya ang takot na harapin ang mga magulang ni Rochelle.


“Now, tell me… Paano mo ipapaliwanag ito kina Mommy at Daddy?” untag pa ni Rochelle. “At hindi tayao puwedeng umasa na lang sa pulisya. Kailangan nating kumilos. Puntahan na natin ang bahay ni Ram.”

 

“Hindi nga si Ram ang kidnapper!” Singhal niya.

 

“E, sino? Bakit hanggang ngayon, wala pa ring tawag mula sa kidnapper?

 

“Maghintay pa tayo.”

 

“Maghintay? Palibhasa ngayon ka lang magiging ama kay Jesrelle. You don’t know the pain inside me, Jess.” Ngumuyngoy na naman si Rochelle.

 

Sa kabila ng halo-halong emosyon, buo ang loob niyang puntahan ang bahay ni Ram. Kaya kinuha niya ang car key, saka lumabas.

 

“Saan ka pupunta, Jess?” sigaw ni Rochelle.

 

“Magpapakaama ako.”

 

Narinig pa niya ang sigaw at pagtangis ni Rochelle, pero hindi na niya iyon inintindi.

 


No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...