“Rochelle, he’s not Jesrelle,” halos maiyak na sabi ni Jess sa asawa habang dumudulog ito kay Nixon. “Siya si Nixon. Kaibigan ko siya.”
“He’s Jesrelle. I missed you.” Lalong humigpit ang yakap ni Rochelle kay Nixon.
“Umarte ka na lang na Jesrelle, Nixon, baka
makatulong,” suhestiyon ni Bentong.
Napatingin sa kaniya si Jess, at tila kumbinsido ito
sa tinuran niya. Kaya lumayo na ito kina Nixon at Rochelle. “Baka nga tama si Bentong,
Nixon. Give it a try please.”
Tumango-tango si Nixon, saka nginitian sila nito.
“Jesrelle? Are you hungry?” tanong ni Rochelle.
“No, Mommy… I want to play.”
Pinilit na hindi matawa ni Bentong dahil napansin
niyang seryoso at natutuwa si Jess, gayundin sina Nixon at Totong.
“Halika…” Inakay nito si Nixon patungo sa taas.
“Goodluck, Nixon. Kaya mo `yan,” sabi niya.
“Yes, Nixon… Do it for me.
Thank you!” sabi naman ni Jess.
Nag-okay sign pa si Nixon, saka kumindat sa
kanila habang paakyat sa hagdanan.
“Ano po ang plano niyo, Master Jess?” tanong niya.
Umupo muna ito sa tabi ni Totong. Tinapik-tapik nito
ang balikat ng bagets. “Salamat sa inyo! Kahit paano, naibsan ang bigat sa dibdib
ko.”
Tahimik lang si Totong.
“Ano po ba ang maitutulong ko sa inyo?”
Tila lumiwanag ang mukha ni Jess. “Gusto kong sanayin natin
ang mga kakayahan natin upang maging ganap tayong tagapagtanggol ng mundo!
Napatayo ito at hinarap ang dalawang bagets. “Tatawagin ko kayong… Mga Batang
Alpha!”
“Batang Alpha?” ulit ni Bentong.
“Yes! Kayo ang mga Batang Alpha! Kayo ang simula ng
pagbabago sa mundo.”
Napansin niya ang galak sa mga mata ni Totong. Katulad
niya, nasasabik siya sa mga susunod na pangyayari. Nais niya ring tuklasin ang
kaniyang pambihirang bilis, at magamit iyon para sa pagpapalaganap ng kabutihan
at pagpupuksa sa kasamaan. Naisip niyang pigilan ang ama sa pagtutulak ng
droga, gayundin ang puno nito. “G ako diyan, Master Jess!” Tumayo pa siya, at
sumaludo.
Kusa na ring tumayo si Totong, gamit ang saklay. “Gusto
ko rin po!”
“Yes! Nice one, Totong.” Nilapitan niya si Totong, saka tinapik-tapik ang
balikat. “Sana game din si Nixon.”
“Yes! For sure, game iyon. Game nga siyang mag-pretend na si
Jesrelle,” sabi ng kanilang master.
Tumango-tango muna siya. “Ano na po ang gagawin natin?
Kailan po tayo magsisimula?”
Biglang napaupo si Master Jess. Nasapo nito ang
sintido. “Kailangan ko munang malaman kung sino ang kumidnap sa anak ko. Wala
pang tumatawag.”
“Dito na po muna si Totong. Ako naman po, uuwi muna.
Hindi na po ako nakapasok ngayon sa eskuwela, pero okey lang po.”
“Tama. Umuwi ka muna… Aasahan ko ang pagbabalik mo…
Aayusin ko lang ang asawa ko at ang anak ko.”
“Babalik po ako, Master.”
“Ingat!”
Punumpuno ng pag-asang lumabas si Bentong. Buong-buo
ang loob niyang makiisa sa misyon ni Master Jess, kasama ang iba pang mga Batang
Alpha.
Nilakad-takbo niya ang kalsada patungo sa sakayan ng
dyip. Ayaw niya sanang sumakay, pero malayo masyado.
Alas-dose y medya na nang makarating siya sa kanilang
barangay.
Sa daan pa lang papunta sa kanilang bahay, napansin na
naman niya ang mga galawan ng mga adik at tulak sa kanilang lugar. May nadaaan pa
siyang pot session, habang nasa sa isang masikip na pasilyo siya.
Pagdating niya sa kanilang bahay, nadatnan niya ang
dalawang binatilyo at kaniyang ama. Kitang-kita niya ang palitan ng droga at
pera, pero mabilis na naitago ng mga ito.
“Uy, saan ka galing? Nag-cutting ka?” galit na
tanong ng ama niya, habang palabas na ang dalawang bagets.
“Pinauwi po ako ng coach ko. Magpalit daw ako ng training
gear.” Mabilis siyang umakyat. Hindi na niya narinig ang kaniyang ama. Agad
siyang naghubad ng uniporme, saka nagsuot ng running shorts, sando,
at shoes.
“Saan ka naman pupuntang, animal ka?”
“May training po ako.”
“Training, training! Puro training! Wala
ka namang napapala sa pagtakbo mo. Aanhin mo ang medalya at trophy?
Nakakain ba `yan?”
“Meron. Patutunayan ko po sa inyo.” Pagkasabi niyon,
para siyang hanging naglaho sa paningin ng ama. Hinabol niya ang dalawang
binatilyo. Alam niyang hindi pa nakalalayo ang mga ito.
Sa may kalsada na niya namataan ang mga ito. Bumilang
muna siya sa isip ng isa hanggang tatlo, saka siya tumakbo patungo sa dalawa.
Parang kisapmata niyang narating iyon, saka buong puwersa niyang hinawakan ang
braso ng isang binatilyo, na siyang nakita niyang nagbulsa ng sachet. Tagumpay
niyang nadukot iyon sa bulsa nito habang naghuhulagpos, ngunit sa lakas ng
puwersang nakadikit sa braso nito, wala itong nagawa.
Nagmura lang ng nagmura ang mga ito. Sinubukan pa ng
isa na sunggaban siya, pero sinampal niya ito nang ubod ng lakas.
“Mga adik! Ang babata niyo pa, sinisira niyo na ang
buhay niyo!”
“Ibalik mo `yan sa amin!” sabi ng inagawan niya.
“Ibabalik ko `to sa inyo o ipapupulis ko kayo?” tanong
niya habang nakaamba ang kamao niya.
Sinunggaban siya nito. “Akin na `yan.”
Halos mabali ang leeg nito nang mabilis niyang
nasampal ito sa panga.
“Takbo na, Par!” aya ng isa, sabay karipas ng takbo.
“Gago ka!” Sumunod na rin ito sa kasamahan. “Isusumbong
ka namin sa tatay mo.” Nag-dirty finger pa ito sa kaniya.
Alam niyang may mga nakakita sa ginawa niya, pero
sigurado siyang hindi alam ng mga ito ang dahilan. Naglakad siya nang mabilis patungo
sa direksiyon ng dalawang binatilyo. Hindi siya puwedeng bumalik sa kanilang
bahay dahil nasabi na niyang may training siya.
Nang mapansin niyang nawala na ang dalawa, tumakbo na
rin siya. Isang paraan na rin iyon ng kaniyang training habang pabalik
siya sa bahay ni Master Jess.
Sa kabila ng matinding init, hindi tumigil si Bentong
sa pagtakbo. Humihinto rin siya paminsan-minsan upang magpahinga.
Sa isang waiting shed, malapit sa isang pampublikong
paaralan, natagpuan niyang pawis na pawis ang katawan. Naisip niyang hindi siya
nakapagdala ng bimpo, gayundin ng inuming tubig.
Hindi pa nagtatagal, may humintong motorsiklo sa
bandang unahan. Ibinaba ng ama ang nakaunipormeng batang lalaki, na ang tantiya
niya ay nasa sampu hanggang labindalawang taong gulang na.
“Late na late ka na. Ang bagal mo kasing
kumilos! Para kang hindi lalaki,” alimura ng ama sa anak habang kinukuha nito
ang helmet. “Mamaya, hindi kita masusundo. Magpahatid ka na lang sa
traysikel.”
Walang reaksiyon ang bata. Nanatili itong nakatayo
habang nakayuko. Hinihintay nitong makaalis ang ama.
Sa tingin niya, may problema ang bata sa kaniyang pamilya,
kaya nagkaroon siya ng interes. Katulad niya ito. Ang ama nito ay katulad ng
kaniyang ama.
Nang makalayo ang ama ng bata, palinga-linga ito
hanggang sa naglakad ito nang mabilis sa direksiyong tinahak ng ama, hindi sa direksiyon
kung saan naroon ang gate ng eskuwelahan.
Nang medyo nakalayo na ang bata, sinundan niya ito
nang palihim. Tiniyak niyang hindi nito mararamdaman na sumusunod siya. At
naisipan niya ngang lumipat sa kabilang kalsada upang mas kapani-paniwalang
nagkataong lamang na pareho sila ng tinatahak na direksiyon. Bumili na rin siya
ng tubig sa tindahan.
Sa isang malaking bahay na napapaligiran ng matataas
na pader, huminto ang bata. Napansin siya nito, kaya agad siyang tumakbo na
animo’y nagdya-jogging, habang tinitingnan niya ang gate. Wala
siyang makita sa loob. Sigurado siyang may security guard doon.
Lumampas siya sa kalye iyon, saka lumiko. Pagkatapos gumawa
siya ng paraan upang maikubli ang sarili sa mga nakaparadang sasakyan. Mula
roon, tiningnan niya ang bata, na palinga-linga sa paligid. Sigurado siyang
hindi siya nito nakikita.
“Whoah!” bulalas niya nang makita niya ang paglusot ng
bata sa makapal at mataas na pader, na animo’y may portal doon. “Isa siyang
Batang Alpha!”
No comments:
Post a Comment