Followers

Wednesday, May 21, 2025

Elias Maticas 4

Nagsasabong ng gagamba ang tatlo nang dumating si Papay Oliver. “Uy, tama na `yan, mga bata. Umuwi na kayong dalawa, Matt at Jasper. Magdidilim na.”

 

“Opo, matatapos na po kami,” tugon ni Elias.

 

“Mamay, dumating na si Papay!” masiglang salubong ni Natasha sa ama. Pagkatapos magmano, humawak ito sa kamay ng ama, at sabay na pumasok sa bahay.

 

Nagpatuloy naman sa pagsabong ng gagamba ang tatlo.

 

“Saputan mo na! Dali! Dali!” sigaw ni Jasper.

 

“Labanan mo. Labanan mo!” bunghalit naman ni Matt.

 

“Ay, ang galing ng gagamba mo, Matt. Nakawala sa sapot,” papuri ni Elias.

 

“Elias! Hindi ka nag-igib?” galit na sigaw ng kaniyang ama paglabas nito sa bahay. Hawak nito ang lumang itim na 5-gallon water container. Kasunod nito ang ina at kapatid.

 

“Kanina ko pa `yan sinabihan, pero hindi pa kumilos. Kararating lang din namin ni Natasha galing sa paglalako ng maruya,” sumbong ni Mamay Marilou, ang ina ni Elias.

 

“Lagot ka, Elias,” pabulong na tudyo ni Jasper.

 

“Ikaw kasi, puro ka gagamba,” dagdag pa ni Matt.

 

Mabilis na lumapit si Elias sa ama upang kunin ang container. Kakamot-kamot siya ng ulo.

 

“Susunod na gawin mo ulit ito, mag-uulam ka ng gagamba,” sabi ng ama.

 

Humagikhik sina Matt at Jasper nang pumasok na ang ama ni Elias.

 

“Mamay, samahan ko po si Kuya Manoy Elias sa burabod,” sabi ni Natasha.

 

“Naku, huwag na. Malayo `yon. Ang layo na ng nilakad natin kanina.”

 

“Kaya ko naman po. Hindi pa po ako pagod.”

 

Nakasimangot na kinuha ni Elias ang kaniyang kareta. Gawa iyon ng kaniyang ama upang makatulong sa pag-iigib. Minsan, ginagamit din niya iyon upang makipagkarerahan sa mga kareta ng kaniyang mga kaibigan.

 

Ang kareta ay isang mahabang kawayan, na nilagyan ng manibelang kahoy sa bandang gitna, at may gulong na gawa sa kahoy at bearing. Itinutulak ito habang nakapatong sa balikat.

 

Isinabit na niya sa kareta ang tali ng container, saka tahimik na itinulak palayo. Sumunod sa kaniya ang kapatid at dalawang kaibigan.

 

“Sama kami sa inyo,” sabi ni Jasper.

 

“Oo nga. Tara, mauna na tayo para kapag dumaan sila sa bahay, ready na rin ang kareta natin,” sabi naman ni Matt, saka mabilis na tumakbo.

 

“Sige, bilisan niyo, ha!” aniya. “Uy, Natasha, huwag ka na kayang sumama kasi may kasama na rin naman ako.”

 

“Sasamahan pa rin kita, Manoy, kasi baka binibiro ka lang ng dalawa.”

 

Hindi na siya kumibo. Maaaring tama ang kapatid niya. Minsan na kasing ginawa iyon sa kaniya ng dalawa.

 

“ANG TAGAL NIYO naman!” reklamo ni Elias habang binabaybay ang kalsada patungo sa burabod. Tila nakikipagkarerahan siya sa dalawa kasi sigurado siyang aabutan na sila ng dilim sa burabod.

 

Ang burabod ay kilala sa kanilang sitio na isang lugar-igiban. Sa mga bahay na hindi pa nakakapagpakabit ng gripo, doon sila kumukuha ang tubig inumin. Malamig at malinis ang tubig doon na nangggaling sa ilalim ng mga ugat ng punong dita, na pitong palapag na gusali ang taas.

 

Dito ipinangalan ang kanilang sitio, na bahagi naman ng Barangay Mapulot.

 

Sa kabila ng benepisyo ng bukal na iyon, kinaiilagan ng mga residente ang lugar na iyon, lalo na takipsilim na. Marami ang nagsasabi na pinamamahayan daw ng mga engkanto ang punong iyon—na ayon sa matatanda ay siglo-siglo na ang tanda.

 

Nasa likod ng lumang bodega ng kopra na pagmamay-ari ng Instik ang burabod. Kailangang pang bumaba sa matarik na daan upang makarating sa bukal. Kaya ang mga kareta nila ay iniiwan na lang muna nila sa taas. At ang pinakamahirap na bahagi ng pag-iigib ay ang pagpasan ng container, na puno ng tubig.

 

“Dito ka na lang, Natasha. Bantayan mo ang mga kareta,” sabi ni Elias sa kapatid.

 

“E, ayaw ko. Sasama ako sa baba.”

 

Wala siyang nagawa sa makulit niyang kapatid. Pero habang nagsasahod siya ng tubig, saway siya nang saway dahil bukod sa maingay at malikot ito, dahil kinukulit nina Jasper at Matt, kung ano-ano pa ang tinuturo.

 

“Anong tao? Walang ibang tao rito, tayo lang,” sawata niya kay Natasha. “Tumigil ka nga muna kasi madilim na, o.” Hindi lang niya masabi sa tatlo, pero nakatayo na ang kaniyang mga balahibo. Dinig na dinig na rin niya ang huni ng mga panggabing ibon, gayundin ang mga kulisap.

 

“Huwag mo nang masyadong punuin, Elias,” suhestiyon ni Jasper, na kanina pa tahimik.

 

“Oo nga nang makauwi na tayo,” sang-ayon ni Matt.

 

Sinunod nga niya iyon. Plano niyang mag-igib na lang uli bukas ng umaga.

 

Habang pinagtutulungan nilang iangat ang container upang maipatong sa balikat ni Elias, napasigaw si Natasha. Muntikan na iyong bumagsak.

 

“Bakit!”

 

Bago pa nakasagot si Natasha, nadulas ito sa malumot na bato.

 

“Aray ko! Ang sakit ng puwet ko,” ungal nito.

 

Mabilis namang tinulungan ng dalawa si Natasha.

 

“Sabi ko naman kasi sa `yo, huwag ka nang sumama, e. Ano? Ayos ka lang? kaya mo pang umakyat?” Alalang-alala siya sa kapatid. Sigurado, siya na naman ang masesermunan ng kaniyang mga magulang mamaya.

 

“Buhatin ka na lang namin,” sabi ni Jasper.

 

“Oo, sumakay ka sa likod ko,” alok naman ni Matt.

 

“Huwag na. Kaya ko naman.” Humihikbi pa rin ito.

 

“Magsusumbong ka mamaya kina Mamay?”

 

“Siyempre, hindi, Manoy. Kasalanan ko naman, e.”

 

“Naku, isusumbong ka pa rin niyan,” tukso ni Jasper.

 

“Hindi, `no!” Kinurot pa nito si Jasper.

 

“Naku, tama na `yan, bilisan na natin!”

 

Nahirapan nga sila sa pag-akyat, lalo na si Elias. Makatatlong hinto siya upang ilapag ang container na pasan-pasan.

 

“Muntikan pang mabasag! Yari ka na naman sana sa papay mo,” sabi ni Jasper.

 

“Oo nga, e. Mabuti na lang, matibay itong container.” Sinuri-suri pa niya baka may yupi o butas.

 

“May basag?” tanong ni Matt.

 

“Wala naman yata. Sana wala…”

 

“Ang tibay niyan, `no?”

 

“Oo, isa ito sa mga gamit ni Lolo Leo noong gerilya siya.”

 

“Ah, talaga?” magkapanabayang sabi nina Matt at Jasper.

 

“Ang galing naman! Buhay pa,” dagdag pa ni Matt.

 

“Oo, baka patay ka na, buhay pa `to,” biro niya kay Matt.

 

Minura-mura siya nito, saka nagtawanan na lamang sila bago nagsimulang magtulak ng kareta.

 

Nakipagsalit-salit sa pagtutulak sina Matt at Jasper kay Elias hanggang sa makauwi ang mga ito sa kani-kaniyang tahanan. Pinasalamatan niya ang dalawa.

 

“Ayos ka lang ba?” tanong ni Elias nang patungo na sila sa kanilang bahay.

 

Saglit na nag-isip si Natasha. “A-ayos lang.”

 

“Sa susunod, huwag ka nang sasama sa amin lalo na kapag madilim na.”

 

“E, gusto ko rin matutong mag-igib, gamit ang kareta.”

 

“Huwag na. Hayaan mo na ako. Tumulong ka na lang kay Mamay sa paghuhugas, pagluluto, pagwawalis, o paglalaba.”

 

“E, kasi minsan, gaya ngayon, nakalimutan mong mag-igib. Mabuti, hindi ka napalo ni Papay ng sanga ng bayabas.”

 

“Oo nga, e… Siguro, marami siyang kinita sa pagpapasada.”

 

“Hindi siguro. Ang tumal nga raw ng biyahe palagi. Andami na rin kasing habal-habal sa atin.”

 

“Baka mamaya ka pa papaluin, Manoy,” biro ng kapatid.

 

“Mao ngani!”

 

Tawa nang tawa si Natasha, kaya nakitawa na rin siya kahit kinakabahan. Naisip niyang maglagay na lang uli siya ng karton sa salawal.

 

“Pero kapag pinapalo ka naman ni Papay, kakampi mo lagi si Lolo Leo.”

 

“Siyempre, lab ako ni Lolo!” nagmamayabang niyang sabi. “Napansin mo, kapag papaluin ako ni Papay, pagagalitan siya ni Lolo, at sila na ngayon ang magsasagutan. Hayun, madalas akong makalibre sa palo. Sabi nga niya, hindi raw pagmamahal na matatawag ang pamamalo.”

 

“Ay, kaya pala hindi ako pinapalo nina Mamay.”

 

“Anong hindi, noong isang araw, kinurot-kurot ka ni Mamay kasi tumalon at naligo ka sa balon natin.” Humagikhik pa siya.

 

“Kinurot-kurot, hindi pinalo.”

 

“Pareho lang `yon. Hindi lang nakakuha si Mamay ng yantok.”

 

Kinurot-kurot naman siya ni Natasha dahil sa inis.

 

Tawa siya nang tawa bago sila nakapasok sa kanilang bakuran. Pero biglang naglaho iyon nang nakita niyang nasa lamesa na sina Lolo Leo at kaniyang mga magulang.

 

“Ang tagal niyo!” mariing sabi ng ama. “Huwag nang mauulit ito, Elias, ha?”

 

“Opo.” Nakayuko niyang sabi pagkababa sa container.

 

“O, halina kayo, Elias, Natasha nang makakain na tayo,” aya ni Lolo Leo.

 

Lihim na natuwa si Elias dahil hindi siya nakatikim ng sanga ng bayabas.

 

“O, Natasha, ikaw naman ang mag-pray,” utos ng kanilang ina.

 

Tuwang-tuwa rin siya sa panalangin ni Natasha dahil hindi binanggit ang tungkol sa mga nangyari sa kanila sa burabod. Dati kasi, nanalangin ito na parang nagsusumbong sa kanilang magulang. Nabuking tuloy siya, at napalo.

 

No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...