Followers

Wednesday, April 30, 2025

Ang Aking Journal -- Abril 2025

 

Abril 1, 2025

Past 7 ako nagising. Kulang pa ang tulog ko, pero okey lang. Andami kong dapat gawin. Kaya bago ako nag-almusal, nagdilig muna ako. Si Emliy naman ang nagluto, kaya habang nagpapakulo ng tubig na pangkape, nasa garden ako.

 

Pagkatapos mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Maghapon hanggang gabi akong gumawa ng zines. Andami kong na-accomplish, kahit nanood pa ako ng isang episode ng WLGYT, saka umidlip ako. Kaya nga lang, puro simula ang zines. Wala pang maipi-print bukas. Kulang pa ng ilang articles. Hindi naman kasi puwedeng manggaling sa akin lahat ang akda. Naglagay na ako ng isang akda sa bawat article. Ang isa ngang zine ay may anim na akda akong nilagay.

 

Natagalan akong gumawa dahil sa paggawa ng cliparts. Gusto ko kasi. As much as possible, na sariling gawa ang mga image na ilalagay sa zine.

 

Sana bukas may magpasa pa ng akda, na sakto sa kailangan ko. Gusto kong madagdagan ang unang zine na ‘Salamat!’ At sana makarami na ako bago pa ang Parangal 2025. Balak kong magbenta sa araw na iyon.

 

 

 

Abril 2, 2025

Hiniling ko na sana hindi magpalitan ng klase. Gusto kong masolo ang advisory class ko, since nalalapit na ang graduation. Kaya lang, nakipagpalitan si Ma’am Vi, lalo’t busy sina Sir Jess at Ma’am Amy, at absent pa si Sir Joel. Pinaghati-hati namin ang Hope. Haist! Nasira na naman ang mood ko. Gayunpaman, nagpasulat ako ng piksiyon sa bawat klase. Hindi na nga lang nila masyadong pinahahalagahan. Alam nilang wala nang bearing iyon. Hindi na lang ako naghigpit. Ayaw ko lang na maingay, madaldal, at magulo sila. Nakaraos din sa gayong set-up.

 

Bago kami umuwi, nag-meeting muna kami sa Guidance’ Office tungkol sa graduation rehearsal at sa NAT bukas. Sumabay na ako kay Ma’am Wylene pauwi. Pinahiram ko nga pala sa kaniya ang 21 storybooks na galing sa GTA.

 

Bago mag-3 pm, nasa bahay na ako. Hindi ako nag-stay sa room ko kasi sobrang init. Naki-join ako sa mag-ina ko sa sala. Nakatipid pa kami ng konsumo sa electric fan.

 

Gumawa agad ako ng zines. Kahit paano, umusad ang gawain ko. Bale anim na ang Sinag-a-Zines ng Sinag Writing Club. Hindi nga lang ako nakaidlip. Humiga at pumikit naman ako sa sala, pero ang ingay at ang kalabog ni Wifey. Hindi ako nakatulog.

 

Past nine, almost done na ang 6 zines. Bukas, maipapasa ko naman iyon kay Ma’am Mel para ma-print. Ipinahinga ko na ang kamay ko. Nanood na ako ng teleserye.

 

 

 

Abril 3, 2025

Masigla akong pumasok kasi ngayon ang National achievement Test (NAT). Nararamdaman ko na ang bakasyon. Ilang araw na lang, makakapagpahinga na rin ako sa bahay.

 

Maayos naman ang NAT, kaya lang may ilan-ilang aberya. Tumulong pa nga ako sa paglalagay ng itlog sa sopas, na ipapakain sa mga test takers. Nang matapos, naki-join na ako kina Ma’am Madz at Ma’am Vi sa 5th floor. Hinintay naming matapos ang test. Mabuti rin na naroon kami kasi from time to time ay may sinasabi sa amin ang mga proctors from ABES.

 

After niyon, mga 12 noon, nanlibre ng lunch si Ma’am Vi sa pinakamalapit na karinderya. May pa-softdrinks pa. Nakatipid ako ngayong araw. Nakatipid rin ako kasi sumabay uli ako kay Ma’am Wylene.

 

Past 2, nasa bahay na ako. Agad akong humarap sa laptop para gawin ang PPT ng pictures ng gradutes sa VI-Love. Umidlip din ako nang inantok.

 

Dumating ang dalawang ka-FVP ni Emily bandang past 3:30. Naabutan ako sa sala. Okey lang kasi nakapagsuot na ako ng damit. Nagmeryenda lang sila, then umalis ulit.  Naituloy ko naman ang ginagawa ko. At nang matapos, zine-making naman ang isinunod ko.

 

Mga 6:30, saka ako umakyat sa kuwarto. Nag-workout ako habang nanonood ng balita at gumagawa ng zine. Kahit paano ay umuusad na ang Sinag-a-Zines.

 

 

 

Abril 4, 2025

Excited akong pumasok kasi mag-i-start na kami sa graduation practice. At hayun nga nag-start agad bandang 6 am. Nakapag-almusal pa ako sa classroom ni Ms. Krizzy, at nakapagkuwentuhan pa kami.

 

Si Sir Jess ang nanguna sa practice. Kahit paano, naging maayos kami. Hinigpitan namin ang mga bata kaya umayos sila.

 

Kaya lang pagkatapos ng practice, kinailangan pang umakyat para mag-recess, doon sila nagpasaway. Haist! May lalaki at babae pang nagbugbugan. Mga walanghiya talaga! Hindi na lang ako nagpaapekto masyado kasi nagkukuwentuhan, nag-uusap, at nagpaplano kami ni Ma'am Mel para sa Sinag Writing Club.

 

Nag-stay ako sa room ni Ma'am Mel hanggang hapon since wala naman siyang mga estudyante. May Numero culminating program sila. Ako naman, gumawa lang ng zine at naglagay ng number of school days sa cards.

 

Niyaya niya ako sa room ni Janelyn para kumai after ng program. May palabok, pichi-pichi, chicken inasal, at softdrink doon. Kaya kahit paano naibsan ang gutom ko. Kaunti lang kasi ang ni-lunch ko-- galing sa canteen.

 

Uuwi na sana kami ni Ma'am Mel, bandang 4 pm, nang tinawag ako nina Sir Hermie at Ma'am Joann sa may stage-- nagdi-decorate sila. Pinauna ko na siya, at nagpaiwan ako para tumulong. Mabilis lang naman. Wala pang 30 minutes, nagpaalam na ako. Gayunpaman, almost 7 na ako nakauwi. Sobrang traffic na.

 

Agad akong gumawa ng zine. Hindi na muna ako nag-workout. Kahit paano, umusad ang zines. Nakapag-finalize ako ng isa. Bale 6 zines na.

 

Inantok agad ako bandang 9:30, kaya hindi ko na pinigilan ang sarili ko. Maaga akong natulog kahit Sabado naman bukas.

 

 

 

April 5, 2025

Late na akong bumangon kahit 7 am pa ako nagising. Hinayaan kong si Emily ang maunang bumangon. Kahit paano ay nakabawi ako ng ilang araw na puyat.

 

Pagkatapos kong mag-almusal, ibinaba ko na ang mga gamit ko. Sa sala ako gumawa ng zines. Maghapon hanggang gabi ako gumawa. Naisingit ko lang ang pag-idlip, kaya nakapag-finalize ako ng dalawang zines bago mag-10:30 pm. Bale 8 zines na.

 

 

 

 

Abril 6, 2025

Past 7 nang bumangon ako para maglaba. Isang salang lang ang labahan ko, kaya natapos agad ako.

 

Pagkatapos kong mag-almusal, naglatag na ako ng carpet sa sala para mapagpuwestuhan ko. Sa lapag ako gumawa maghapon ng zines, at nagbasa ng mga akda. Kailangan kong makapili ng mga isasama ko sa zines, kaya dapat basahin ko muna ang mga dati pang ipinasang papel ng mga estudyante ko. Nahirapan akong maghanap ng mga akdang kailangan ko—na nasa tema.

 

Naglaan ako ng oras para umidlip. Hindi man ako nakahimbing nang maayos, okey lang kasi naipahinga ko naman ang mata, kamay, at isip ko.

 

Hapon, pagkatapos magmeryenda, nagdilig muna ako ng mga halaman.

 

Bago mag-9 pm, nakatapos na ko ng ikasiyam na zine. Isa na lang para maging sampu. Sampu ang usapan naming ni Ma’am Mel bago niya ipaalam kay Madam ang aming planong pagbebenta sa Recognition Day sa April 11. 

 

Bago ako nag-off ng laptop, gumawa muna ako ng crafts mula sa karton. Nakita ko lang iyon sa social media. Nagandahan ako, kaya gagayahin ko. Nakagawa na ako ng dalawang ethnic faces. Kukulayan ko na lang ng watercolor paints, kapag may oras na ako.

 

 

 

Abril 7,  2025

Kulang na kulang ako sa tulog dahil sa mga panaginip ko, saka sa sobrang init. Kahit gayon, bumangon pa rin ako para pumasok. Pero wala ako sa mood. Lalo pa nga akong nainis nang magpasaway ang Love sa pila bago kami nagpraktis. Hanggang sa classroom, nadala ko iyon.

 

Mabuti na lang, nagpauwi na kami bandang 10:30, at may pagkain kaming pinagsaluhan sa room ni Ms. Krizzy. Kapag ganitong panahon, andaming nabo-blowout.

 

Past 12, naki-join ako sa mga kasama. Nagmiting kami sa Guidance. Nagkaproblema ako sa dalawa kong estudyante. Wala pa rin silang SF10. Baka hindi sila makasali sa graduation rites.

 

Mga past 1, nagpaalam kami ni Ma'am Mel sa principal na magbebenta kami ng zines bukas at sa mga susunod pang events. Mabilis siyang umuo, kaya agad rin kaming bumalik sa 5th floor para mag-print.

 

Bago mag-6, nakapag-print kami ng 90 zines-- 10 pieces per title. May 9 titles kaming ibebenta bukas during Moving Up Ceremony.

 

Nakauwi ako sa bahay, bandang past 8. Pagod man, pero nag-post ako sa GC ng mga announcements. Gumawa rin ako ng pang-post sa FB tungkol sa zines para mai-market ko. Inabot ako ng past 10 bago ako nakatapos. Hindi na ako nakapag-workout. Hindi ko na rin na-enjoy ang BQ.

 

 

 

 

Abril 8, 2025

Six-twenty, umalis ako sa bahay. May Moving Up Ceremony ngayon sa school, at wala kaming graduation practice, kaya ganitong oras na ako umalis.

 

Nainis ako sa traffic! Late na ako nakarating sa school. Nauna pa sa akin ang Sinag Team members para sa aming unang beses ng pagtitinda ng Sinag-a-Zines. Gayunpaman, ayos lang kasi nasa processional pa lang nang dumating ako. Nakapaglatag din naman kami kaagad pagdating ko kasi ni-ready na ng guard ang table.

 

Pinabantayan ko sa mga Sinag Team members ang booth habang nasa Guidance kaming Grade 6 teachers. Inayos namin ang mga SFs namin para sa checking. Mabuti na lang, hindi ako nabunot for reading. Sina Ma’am Madz at Ma’am Wy ang nabunot.

 

Naging matagumpay naman ang ceremony. Nakabenta rin kami kahit paano. Naituloy ang pagbebenta sa mga pumasok na Grade 5.

 

Past 2 na ako nakaakyat kay Ma’am Mel kasi nag-ayos pa kami ng mga upuan sa covered court, at nagkaroon kami ng deliberation with the parents/guardians of learners with honors.

 

Nag-print pa si Ma’am Mel ng mga zines. Nakabenta kami ngayong araw ng 56 copies. Not bad, huh!

 

Bago kami umuwi bandang past 4, nagawa ko pa ang zine no.10. Mas maaga akong nakauwi ngayon. Pagod ako, pero masaya. Ramdam ko na ang success ng SWC naming. Marami-rami na rin ang nakakapansin nito dahil sa socmed, kabilang sina Auntie Emol at Auntie Vangie.

 

 

 

Abril 9, 2025

Araw ng kagitingan ngayon, kaya walang pasok. Nagawa kong matulog hanggang past 7.

 

Pagbaba ako, agad akong naglatag ng carpet sa sala upang doon gumawa ng zines. Maghapon akong nag-stay roon. Marami akong na-accomplish, lalo na’t umalis si Emily. Nag-encode. Nagbasa. Nanood ng series. Umidlip.

 

Past 6, lumabas ako para bumili ng ulam at prutas. Nag-shake ako ng melon at mangga.

 

Past 7, nag-workout na ko sa kuwarto. Itinuloy ko rin ang pag-encode ng mga akda. Wala man akong nabuong zine ngayon, pero marami akong naidagdag sa bawat title ng zine. May sampung zine pa akong bubuuin bago matapos ang Volume 1. Kaninang umaga, inuna kong tapusin ang special edition ng Sinag-a-Zine – ang Hanap Salita. Talas Diwa. Nakagawa ako ng dalawang zines, na may tigsasampung hanap-salita grids. Balak kong ibenta iyon ng P10/copy. Five pesos ang mapupunta sa SWC. Five din sa akin.

 

 

 

 

Abril 10, 2025

Grabe! Wala akong tulog magdamag dahil sa sobrang init. Napagod ako sa kapapabaling-baling. Para akong inasuwang.

 

Kahit walang tulog, pumasok pa rin ako. May general rehearsal kami ngayon, kaya hindi puwedeng hindi ako pumasok.

 

Past 6, nag-start ang practice. Maraming magulang ang hindi dumalo. May isa ring estudyante ang hindi pumasok. Haist! Nakakabuwisit Talaga. Nabuwisit din ako sa lola ng isa kong estudyante. Gusto pa akong scam-in. Kung puwede raw niyang iuwi na ang framed toga pic nang wala pang bayad. Hindi ako pumayag. Ano siya, hello? Inabunuhan ko iyon, tapos tatakbuhan niya ako.

 

Past 8, tapos na ang practice. Nag-stay kami sa Guidance. May mga inayos kami roon, gaya ng SFs, diploma, ribbons, at iba pa. Nagbigay rin si Ma’am Madz ng mga pagkain, mula sa closing party nila, kaya busog na busog ako. Pero dahil walang kanin, parang may kulang sa akin.

 

Nnag pauwi na kami, dumaan ako sa classroom ni Ms. Krizzy. Nagkakainan pa sila roon, kaya nakikain din ako kasi may kanin at seafood. May cake pa. Hindi bale nang hindi ako nakasabay sa car ni Ma’am Wylene.

 

Sa PITX, nag-stay ako ng almost 30 minutes bago ako umuwi. Doon na rin ako inabutan ng sama ng loob. Nailabas ko sa CR bago ako bumiyahe pauwi.

 

Mga past 4, nasa bahay na ako. Hindi ako nakatulog dahil sa sobrang init sa kuwarto. Pero nagkape pa ako.

 

Pagkatapos mag-workout, naligo ako, saka ibinaba ko ang higaan ko. Nag-decide akong matulog sa sala. Gusto kong makatulog nang mahimbing ngayong gabi. Malamig naman kahit paano sa sala.

 

 

 

Abril 11, 2025

Nakatulog nga ako nang maayos kahit paano. Pero wala pang 5:30, gising na ako. Okey lang naman.

 

Mabilis akong naghanda para dumalo sa Recognition Day. Past 7, nasa school na ako. Hinanap ko kaagad si Ma’am Mel para makuha sa classroom niya ang mga zines. Kaya lang, wala pa yata siya.

Tumambay muna ako sa room ni Ms. Krizzy.

 

Nang magsisimula na ang processional, saka kami nagkita. Naipababa na pala niya ang mga zines at iba pang gagamitin sa pagbebenta. Naglalatag na ang mga Sinag Team members namin nang lumapit ako.

 

Si Jhon Marly ang punong abala habang nasa bulwagan kami. Nanood ako ng awarding. Pinakinggan ko ang speech ang guest speaker, na dating estudyante namin. Bata pa siya. Year 2011 siya nag-graduate, pero hindi ko siya kilala. Gayunpaman, humanga ako sa achievements niya bilang ballet dancer. Mahusay rin ang pagkakasulat niya sa kaniyang speech. Na-inspire ako, at nag-asam na sana may kumuha rin sa akin bilang guest speaker sa Recogniiton Day sa San Francisco Elementary School. May mga achievements na rin naman siguro akong isi-share sa mga estudyante. Katulad nga ng Gawad Teodoro Alonso 2024.

 

Speaking of it, ginawaran ako certificate sa araw na ito. Naiiba ang aking certificate kaysa sa mga kaguro ko. Inilagay niya sa plastic frame. At ako ang pinakahuling tinawag sa Grade 6. Nag-thank you ako kay Mareng Lorie na siyang over-all committee.

 

At hapon, nabasa ko sa email na pinadalhan na ako ng e-certificate ng GTA. Sayang hindi nakaabot ang trophy. Hindi bale, at least, naka-state sa email na may trophy pa akong matatanggap.

 

Pagkatapos kumain, umakyat ako sa room ni Ma’am Mel para mag-print ng zines. Almost sold out ang mga zines na ibibenta kanina sa event. Sa tulong ni Sir Erwin at ng school nurse, halos maubos ang babasahin namin. Si Sir Erwin ang tagapilit o tagatawag ng bibili. Ang nars naman ay nagbibigay ng freebies sa mga bumili. Sa halip na ipamigay lang ang goodies from Feeding Program, ganoon ang ginawa niya. Nice tandem!

 

Kahit paano, marami-rami na ang nakakaalam sa Sinag-a-Zines ng Sinag Writing Club. Kaya naman inspired kaming magbenta uli ng zines sa April 15, kung kailan magaganap ang releasing of cards. Iyon ang huling araw ng teachers sa school bago mag-summer vacation o ang uninterrupted vacation.

 

Past 5, nakapag-print naman kami kahit paano ng mahigit-kumulang 80 zines. May tumawag kay Ma’am Mel kaya napilitan naming tapusin ang printing. 

 

Hindi naman ako agad umuwi. Kanina pa kasi nagyayaya si Sir Hermie---inuman, kaya dumaan ako roon. Hindi ko na nga lang naabutan sina Sir Archie at Sir Joel G. Naroon lang sina katukayong Froilan ng PVES, Kuya Mange at ang isang pang guard. Hindi rin nagtagal, umalis na rin ang dalawang guard. Si Sir Froilan, maoy na. Nakatulog na sa upuan. Nagsalang naman si Sir Hermie ng karaokae at nagkantahan kami habang umiinom. Pinakanta niya lang ako nang pinakanta. At bago ako umuwi, bandang 8, naghati kami sa ilang songs.

 

Lasing ako habang nasa biyahe, pero masaya.

 

Past 10 na ako nakarating sa bahay. Agad akong naglatag ng kutson sa sala. Gising pa ang mag-ina ko, pero agad rin silang umakyat pagkatapos nilang makain ang pasalubong.

 

Hindi ko pa nga natapos ang pinanonood ko, inantok na ako. Hayun, pinagbigyan ko.

 

 

 

 

Abril 12, 2025

Past 7 na ako nagising. Ang sarap ng tulog ko, hindi katulad kung nasa kuwarto ako.

 

Ngayong araw, ginamit ko ang mga oras sa paggawa ng zine. Nagbasa ako, nag-encode, nag-illustrate, at nag-edit. Kaya bandang past 11 pm, nakapag-post na ako ng Volume 1 No 11. Ready to print na ito.

 

Dahil umalis si Emily, after lunch, natahimik kami ni Zillion. Naglaan ako ng oras para magpahinga at matulog. Past 3 na ako nagising.

 

Past 6:30, lumabas ako para magpagupit. Inabutan ako ng 8 pm sa barber shop dahil marami ang customers. Pangwalo yata ako sa pila.

 

After dinner, saka lamang ako nakapag-workout, habang nanonood ng PBB at PGT.

 

 

 

Abril 13, 2025

Akala ko, masarap na palagi ang tulog ko sa sala, hindi pala. Napuyat na naman ako kagabi. Siguro, 2 hours lang ang naging tulog ko.

 

Past 9, umalis ako para ipaayos ang leather shoes na maaari kong gamitin sa graduation day. Kaya lang, hindi ako nakahanap sa Puregold Tanza, gayundin sa kalapit na mga stalls. Akala ko may Mr. Fix It doon, wala pala.

 

Namili ako ng pagkain at prutas bago ako umuwi. Before 12, nasa bahay na ako. Nag-melon shake naman ako pagdating ko.

 

Then, maghapon na akong gumawa ng zine, At siyempre, umidlip ako. Hindi man ganoon kahimbing, pero okey na rin.

 

Past 9, namalantsa ako ng barong. Naiakyat ko na rin ang mga kutson at iba ko pang gamit. Sa kuwarto ko na uli ako matutulog.

 

Wala akong natapos na zine, pero marami akong na-input na akda. Nakagawa na rin ako ng cover ng zine #12

 

 

 

 

Abril 14, 2025

Bago mag-6, gising na ako. Hindi na ako nagtagal sa higaan. Naghanda na ako sa pag-alis. Bago mag-9 nasa school na ako. Almost done na ang venue ng Pagtatapos 2025. Nahiya ako kasi ako lang sa Grade 6 ang pinakahuling dumating. Halos wala na akong ginawa. Haist!

 

Nag-stay kami sa guidance pagkatapos naming sa covered court. Ang ganda ng stage at bulwagan. Mabuti na lang talaga, nag-insist si Ma’am Vi na doon na ganapin ang graduation, sa halip na sa ABES na naman.

 

Nakalibre ako ng lunch. Nag-blowout si Ma’am Angelica. Ampon daw kasi ako ng Grade 1.

 

Past 12:30, nag-print kami ni Ma’am Mel ng zines. Kahit paano nakarami kami bago kami tinawag sa bulwagan para sa photo op.

 

Alas-3, nag-start na ang graduation. Very smooth ang ceremony. Successful. Sa wakas, after 5 years, nakabalik na ako sa Grade 6. Naranasan ko ulit mapabilang sa Grade 6 fam.

 

Quarter to 5, tapos na ang graduation. Natagalan kami sa bulwagan para sa mga selfies at picture-taking. Haggard man, kailangan pa ring ngumiti. Maraming estudyante ang nagpa-picture sa akin.

 

After niyon, nagsalo-salo kami sa Guidance. Nagplano rin kami ng gala sa May 6 to 9 sa Mindoro. Sana matuloy na. Hindi kasi matutuloy ang Bicol trip namin.

 

Past 8, nasa bahay na ako. Hindi na naman ako nakapag-workout. Hindi pa naman ako pagod, pero hindi na kaya. Inuna ko ang tungkol sa zine at pagbebenta naming bukas. Nag-reply pa ako sa mga chats.

 

 

 

Abril 15, 2025

Tumunog ang alarm bandang 3:30. Nagulat ako at nagtanong kung may lakad ba ako. Nang maalala ko, bumangon na ako. Last day pala ngayon ng pasok para sa SY 2024-2025. Bigayan ng card.

 

Quarter to 6, nasa school na ako. Nakasabay ko si Ma’am Madz sa pag-aalmusal. Then, dumating na si Ma’am Vi. Sinimulan na naming baklasin ang mga decorations sa stage. Inabot din kami ng isang oras. Tumigil na kami at hinayaan ang mga janitors at janitress, kasi dumating na ang mga parents.

 

Naglatag ako ng zines sa may makeshift stage. Pinagsabay ko ang pagbebenta at pamamahagi ng card. Nahirapan lang akong magbenta at maghikayat. Hindi ko talaga forte ang mag-sales talk. Wala pang dumarating na member ng Sinag Team. At nang dumating man sina JM at Jeus, hindi rin nakatulong. Okey lang naman, at least, may kasama ako.

 

Dumating si Ma’am Mel bandang 8, pero antagal niya sa classroom niya para mag-print. Gumawa rin siguro siya ng kung ano-anong report.

 

Nakatulong din uli si Sir Erwin kahit paano, kaya pastb 12, nang tumigil na kaming magtinda, nakabenta kami ng worth P1320. Nakakatuwa! Hindi pa masyadong sikat ang Sinag Writing Club, pero kahit paano ay kumikita na. Sana sa susunod naming pagbebenta ay mas dumami pa.

 

Past 1, umalis kaming Tupa Group, maliban kay Sir Archie para kumain sa Max’s. Labag sa loob ko iyon, pero hindi ko pinahalata kasi bahagi iyon ng aming bonding. Kahit P500 anggastos ko, okey lang. Hindi naman iyon, araw-araw. Worth it naman sa tawanan at kuwentuhan… at Maritesan.

 

Antok na antok ako habang nasa biyahe. Kahit hindi ko naramdaman ang traffic. Past 8, nasa bahay na ako. Hindi na muna ako nag-workout, pero tinapos ko ang zine #12. Hindi na rin ako nag-dinner. Uminom na lang ako ng FVP.

 

 

 

 

Abril 16, 2025

Nakatulog ako nang mahaba-haba. Salamat sa Diyos! Si Emily na ang naghanda ng almusal, palibhasa ay aalis siya. Nag-almusal muna ako bago nagsalang ang mga labahin sa washing machine. At habang umiikot, nagdilig naman ako ng mga halaman. Wala pang 9:30, nakapagsampay na ako. Hindi na ako nagpahinga. Sinimulan ko agad ang paglilinis sa sala. Ibinaba ko ang study table since bakasyon na at napakainit sa kuwarto.

 

Ten-thirty, lumabas ako para bumili ng ulam at magpa-cash in para mabayaran ko ang toga picture na naka-frame. Naglakad lang ako. At naghanap ng cash-in machine na walang charge.

 

Past 1:30, tapos na akong maglinis at mag-ayos sa sala. Sinimulan ko naman ang paggawa ng zine. Nanood rin ako ng series para antukin. Kahit paano, nakapagpahinga ako.

 

Gabi, ako ang nagluto ng ulam kasi wala pa si Emily. Past 8 na ako nakapag-workout. Marami-rami rin akong na-accomplish sa zines.

 

 

 

 

Abril 17, 2025

Past 7 ako nagising. Sobrang init na kasi. Gustuhin ko mang matulog hanggang 8, pero hindi ko na kinaya. Bumangon ako pagkatapos mag-cell phone.

 

Habang nagkakape, nagsimula na akong maglinis sa kuwarto ko. Tahimik lang akong naglinis. Huwebes Santo ngayon. May respeto ako sa paniniwala ng iba. At hindi ko na nga tinapos ang paglilinis. Hanggang past 10 lang ako. Kahit paano, matanggal ko na ang mga dumi at alikabok, at nailabas at naitapon ko na ang mga gamit na hindi na mahalaga.

 

Maghapon na akong gumawa ng zine. Bandang 9 pm, nakapag-finalize ako ng isa—No.13 zine.

 

Siyempre, umidlip ako habang nanonood ng movie. Past 5 na nga kami nakapagmeryenda.

 

Past 8:30, saka lang ako nakapag-workout.

 

 

 

 

Abril 18, 2025

Paggising ko, agad akong nagdilig ng mga halaman. Pagkatapos, ginising ko na si Emily. Kako, aalis ako. Nais kong iparamdam sa kaniya na kailangan niyang maghanda ng almusal. Hayun, naramdaman niya naman agad.

 

Habang nagluluto siya, saka ko sinabi kung saan ako pupunta. Pinaimbitahan ako ni Auntie Emole dahil 65th birthday niya. Ito ang pangalawang beses na makakarating ako sa kanila, since 2020s (ba `yon?)

 

Sa Robinson’s Tejero ako sumakay ng van patungong Lucena. Mga past 9:30 na nakalarga ang van kasi nagpuno pa. Okey naman ang biyahe naman—maluwag ang mga kalsada, mainit nga lang sa van. Hindi kinaya ng aircon. At nahuli pa ng LTO ang van kasi natatakpan ng bumper ang plate number, kaya pinara ng enforcer sa Turbina. At dahil doon, nalaman na colorum ang sasakyan na iyon. Matagal kaming naghintay bago naayos. Nakumpiska ang plaka at lisensiya ng driver. Kung hindi nangyari iyon, baka before 12, nasa Lucena na ako.

 

Past 1, sinundo ako nina Taiwan at Nat-Nat.

 

Nahihiya man ako, pinakalma ko ang sarili, at sinikap kong ilapit ang sarili ko sa mga kamag-anak ko. Ramdam ko naman ang tuwa nang makita nila ako. Pinakain nga muna nila ako kasi malapit nang umalis. Nabigla ako na sa resort pala gaganapin ang birthday celebration. Hindi kasi detalyado ang chat ni Jano. Okey lang, sapat naman ang damit kong dala. Wala nga lang akong pang-swimming.

 

Past 2:30, nasa Leoncio’s Farm Resort na kami. Ang ganda ng lugar. Malawak. Nature na nature kasi may mga niyog sa likuran. Well-maintained ang carabao grass. Malinis. At ang hotel room, maganda, malinis, at malakas ang aircon.

 

Hindi ko napigilan ang sarili kong libutin ang lugar at mag-selfie at mag-picture-picture. Hindi muna ako nakisalamuha sa kanila. Hindi ko alam kung paano ko ilalapit ang sarili ko sa kanila. Iyon ang pinakaunang beses kong makipag-reunion sa kanila pagkatapos noong high school pa lang ako. Ang hirap pala. Subalit kailangan kong gawin dahil hindi na rin naman healthy ang pagiging mapagtanim ng sama ng loob. Kaya kahit si Ate Eiza ay nagawa kong pakiharapan.

 

Nakilangoy rin ako kasama sina Reggie, Sassy, at Ging-Ging. Mabilis lang, pero worth it. Pinktyuran at binidyuhan pa nga kami ni Ate Vangie.

 

Nang gabing iyon, pagkatapos ng hapunan, sinimulan ko ang karaoke. Wala na akong hiya-hiya. Pero iyon ang simula para magsikantahan na rin sila. Nakipag-inuman na ako kina Tito Boy. Sinikap ko ring ilapit ang loob ko sa kaniya. Kahit paano nagbunga iyon ng maganda.

 

Late na ako nahiga. Hindi rin ako nakatulog agad kasi panay ang bangon ni Jano para mag-nebulizer. Hinihika siya. Maghapon siyang nakakulong lang sa hotel room.

 

Anyways, apat kami sa room—ako, si Taiwan, si Jano, at si Tito Boy. Pero hindi roon natulog si Taiwan, kaya nasolo ko ang bed.

 

 

 

 

 

Abril 19, 2025

Maaga akong nagising. Okey lang. Inasikaso ko si Mama. Then, naki-bonding ako kina Auntie Emole, Auntie Vangie, at Ate Eiza habang nag-aalmusal. Naroon din sina Tito Rey, Tito Melo, at Kuya Aldrin—partner ni Ate Eiza.

 

Pinagkuwento nila si Mama tungkol sa pagkabulag niya. Bini=video iyon ni Ate Eiza para sa YT nito. Nahingi ko tuloy ang FB account niya. Nakipagpalitan din siya ng FB. Sana iyon na ang start ng Magandang pakikitungo ko sa mg Diokno. Kakalimutan ko ang lahat ng masasamang alaala sa kanila at mga sama ng loob ko. Ang mahalaga, alam nilang may pagkakamali at pagkukulang sila sa amin, lalong-lalo na kay Mama. At naipakita kong nagsumikap ako para maabot ko ang estado ko sa buhay. Hindi na ako nila puwedeng sinohin dahil may silbi na ako sa lipunan. At ramdam ko naman ang respeto at pride nila sa akin.

 

Natutuwa rin ako sa kuwento ni Mama. Ang talas pa ng memorya niya. Ramdam ko ang hirap niya para lang magampanan niya ang tungkulin bilang kapatid at ate. Grabe ang sakripisyo niya kay Auntie Belen, mapaarala lang ito ng abogasya. Totoo pala talagang nangatulong si Mama para masuportahan ang ate niya.

 

Humanga ako sa kaniya kasi naiparating niya kay Ate Eiza kung anong klaseng mga tao ang mommy at daddy niya. Mabuti, tinanggap niya ang katotohanan.

 

Nakipagkuwentuhan din sa akin si Kuya Ijit. Ramdam ko ang hirap niya sa buhay, bilang Grab driver. Pero sana ramdam niya rin ang ginhawa ko pagkatapos ng masalimuot na buhay namin noon. Naki-join na sa amin sina Taiwan, Tito, at iba pa hanggang abutan kami roon ng dilim. Panay ang inom ko. Pero okey lang kasi ang mahalaga ay mailapit ko ang sarili at ang loob ko sa kanila. Kumanta rin ako, kasama sila para madagdag ng comfort. Inasikaso ko rin ang pagpindot ng mga kakantahin ni Tito Boy.

 

Nang malasing ako, humiwalay muna ako. Lumublob ako. At nang inantok, natulog ako sa hotel room. Kahit paano ay nakabawi ako ng puyat.

 

Paggising ko, meryenda na. Then, naglibot-libot na naman ako. Instagrammable ang lugar kaya kahit anong anggulo ay picture-worthy.

 

Gabi, habang abala silang lahat, abala rin ako sa paliligo. In-enjoy ko ang pool nang mag-isa. Malapit ko nang maramdaman ang self-confidence ko. Kailangan ko na lang ituloy-tuloy ang workout, lalo na sa legs. Kaya ko nang maghubad ng pang-itaas, gaya ng mga kapatid at pinsan ko.

 

Before dinner, nakipag-inuman ako sa mga pinsan at kapatid ko. Hindi ako masyadong nakisali kasi naalangan din sila sa akin. Kaya nang tumagal, kumain na lang ako, then nakisalamuha ako kay Tito Boy. Nagkantahan kami. Marami na kaming nakanta nang naki-join sila sa table namin. Nagkantahan na rin sila. Natuwa kami kay Reggie kasi hilig niya pala ang mga tunog-kalye.

 

Sa pagkukuwentuhan namin ni Tito Boy, marami akong natutuhan at natuklasan. Proud siya sa akin. Natutuwa siya kasi nag-reach out ako sa kaniya. Kabaligtaran naman ang nararamdaman niya para kina Kuya Ijit at Reggie. Hate niya ang mga ugali nilang walang pakialam at pakisama. Marami pa. Basta, natutuwa ako. Sana maalala niya ang bonding namin. Makulit na nga lang siya kapag lasing na.

 

Naglayasan na sila. Kami na lang nina Tito Boy, Jano, at Nat-Nat ang naroon. Niligpit muna nila ang mga pagkain bago kami nag-akyatan. Mga 2 am na iyon. Naligo pa nga ako bago nahiga. May heater naman kasi.

 

Abril 20, 2025

Past 6:30 ako nagising, pero nagtalukbong uli ako at nag-cell phone. Pinauna ko silang bumangon. Hindi na naman doon natulog si Taiwan.

 

Past 7, nagkape na ako. Nagkuwentuhan uli kami ni Tito Boy. Pinabuksan niya sa akin ang karaoke.

 

Inasikaso ko muna si Mama. At nang maayos na, naki-bonding na ako kay Tito Boy. Gusto niya talagang uminom at kumanta lang. Nakatakas lang ako nang tinawag niya si James—ang asawa ni Ging-Ging. Siya naman ang nagsalang ng mga kakantahin ni Tito Boy.

 

Hayun! Nag-swimming akong mag-isa. Solo ko na naman ang pool kasi nasa kabilang side sila para sa egg hunting contest.

 

Muntik na akong mahuli sa groufie. Mabuti, nakatuwalya ako nang tinawag ako. Bumalik na lang ako para magdamit. Hindi man kami kompleto, pero kahit paano may mga pictures kaming sama-sama.

 

Naligo ulit ako habang naghihintay ng lunch.

 

After lunch, nag-pack up na. Nagbihis na rin ako para makapaglibot-libot pa ako.

 

Past 2 pm, bumalik kami sa bahay nina Auntie Emole sa Cuesta Verde. Nakipagkuwentuhan ako kina Auntie Vangie, Auntie Emole, at Ate Eiza and Kuya Aldrin. Naroon din sina Sassy at Mama. Pero nang mawala ang kuryente, napilitan kaming lumabas. Naki-join naman ako kina Taiwan, Jano, Nat-Nat, at Jek-Jek. Nag-iinuman sila ng RH. Hindi na ako uminom.

 

Sa magkakapatid, si Nat-Nat lang ang nakikipagkuwentuhan sa akin. Okey lang. Nahihiya rin naman ako.

 

After an hour, bumiyahe na pauwi. Isinabay nila ako hanggang Diversion Rd. Gusto sana nilang isabay nila ako hanggang Antipolo, pero dahil may idi-deliver akong zines kay Felix, bumaba ako roon.

 

Past 4, nagkita kami. Sinama niya muna ako sa kanilang bahay. At bago mag-six, nag-aabang na kami ng dyip na patungong Grand Central. Madilim na nang makasakay ako.

 

Sa Grand Central, natagalan ako sa pagpila para makasakay ng van. Past 9 na kami nakalarga.

 

Kahit hirap na hirap ako sa posisyon ko, nakatulog din ako kahit paano. Na-traffic pa kami.

 

Past 12, nasa bahay na ako. Safe and sound.

 

Sobrang worth it ang karanasang iyon! Sana maulit pa.

 

 

 

 

 

Abril 21, 2025

Past 6:30 nang magising ako, pero hindi muna ako bumangon agad. Hinayaan kong si Emily ang maghanda ng almusal.

 

Nagdilig muna ako ng mga halaman bago nagkape at kumain. At before 9, humarap na ako sa laptop para magsulat ng journal. Ilang araw ding hindi ako nakasulat. Nahirapan akong alalahanin ang mga nangyari nang magkakasunod-sunod.

 

Past 11, tapos na akong magsulat. Saka lang ako nag-upload ng mga pictures. Halos wala naman akong na-accomplish ngayong araw. Bukod sa nakapagsulat ako ng isang chapter ng nobela, hindi ako nakatapos ng isang zine. Nanghingi naman ako ng akda sa mga members ng SWC, pero hindi pa napuno ang isang zine, kasi hindi ko nagustuhan. Panay lang ang social media ko. At bandang hapon, nanood ako ng movie, at umidlip ako sa harap ng pinanonood ko.

 

Hindi bale na. Babawi na lang ako sa mga susunod na araw.

 

Ngayong gabi, nag-register ako sa Himig at Tugman a gaganapin sa Vista Mall Tanza sa April 27. Open mic ito. Gusto kong maranasang mag-perform sa harap ng mas malaking audience. Sana natanggap ako.

 

 

 

 

Abril 22, 2025

Hindi na naman ako nakatulog ng walong oras. Pero mas okey na rin ito kaysa noong may pasok pa. Nag-cell phone lang ako bago bumaba para mag-almusal.

 

Pagkatapos mag-almusal, agad akong gumawa sa labas ng garden o bakod. Nilinis ko ang mga nakapasong halaman sa may gutter o sa harap. Mga 10 am na ako natapos. Natuwa ako kasi gumanda at umaliwalas na. Tinanggal ko na ang ibang patay na halaman. Nagdilig na rin ako.

 

Pagkatapos niyon, humarap na ako sa laptop. Gumawa ako ng zine. Nag-illustrate muna ako para sa cover, saka nag-edit ng akda ng bata. Kailangan ko pa ng isang akda upang matapos ang No.14 zine.

 

Maghapon uli akong nasa harap ng laptop—nag-encode ng diary, nanood, umidlip, at iba pa. Nag-post din ako nang nag-post – paunti-unti lang, ng mga pictures sa Leoncio’s Farm Resort.

 

Past 6, nag-leg workout ako.

 

Maaga akong umakyat para magpahinga. Hindi na ako nanood ng PBB.

 

 

 

 

Abril 23, 2025

Past 7, gising na ako. Sobrang init na. Hindi na rin ako masyadong nagbabad sa cell phone.

 

Pagbaba ko, ako na ang naghanda ng almusal. Siyempre, tulog pa ang aking butihing maybahay. Nang nag-aalmusal na ako, saka siya bumaba.

 

Past 9, papunta ako sa BDO para mag-deposit ng pera, bilang hulog sa loteng kinuha ko sa San Juan, Batangas, na pagmamay-ari dati ni Flordeliza Malabanan.

 

Gusto ko pa sanang mag-stay sa Puregold o SM Tanza para magpalamig, kaya lang ay nanghihinayang ako sa oras. Mas gusto kong mag-stay sa bahay para may magawa ako.

 

Nanghinayang din ako sa pamasahe kaya naglakad ako pauwi. Nag-shortcut ako. Mainit, pero kinaya ko. Pahinto-hinto lang ako. Wala pang 11 am, nasa bahay na ako.

 

Nakatapos ako ngayon ng isang zine. Okey na ito. Kahit paano ay umuusad ang aming writing club.

 

After lunch, pinanonood ko ang restored version ng ‘Himala’ ni Nora Aunor. First time kong mapanood iyon nang buo.

 

Past 5, nag-leg workout lang ako nang saglit, saka nagdilig ako ng mga halaman. Nakakapagod ang sobrang init, kaya hindi ko na sinige.

 

 

 

 

Abril 24, 2025

Naglaba agad ako pagkatapos kong mag-almusal. Si Emily ang naghanda niyon kasi aalis siya.

 

Before 10, nakapagsampay na ako. Agad akong humarap sa laptop para mag-encode ng chapter ng nobela ko na na-video record ko mula sa banned Wattpad account ko. Maghapon kong ginawa ito.

 

Hapon, nanonood ako ng movie sa YT. At bukod sa pag-idlip at pagselpon, wala na akong nagawang iba. Pero nakapag-workout naman ako. Puro leg workout ako ngayon. Kailangan kong mapaganda ang hita ko para sa pagbo-Boracay namin ni Emily sa July.

 

Nag-chat si Ma’am Amy. Sa halip na silang mag-asawa, kami na lang daw. Hindi raw kasi sila puwede. At hindi rin daw apat ang sagot ng realty, kundi dalawa lang. Pumayag na ako kahit nakakahiya kasi wala naman akong naibenta. Nakapag-reserved na raw kasi ng hotel sa Boracay.

 

Hingian na rin niya ako ng details namin para sa plane tickets. Sana maitaon nila sa birthday ko.

 

 

 

 

Abril 25, 2025

Past 7:30 nang magising ako. Sobrang init na agad. Hindi ko na kayang matulog pa hanggang 8 am kahit gustuhin ko pa.

 

Nag-exercise muna ako bago bumaba.

 

Nakaluto na si Emily pagbaba ko, kaya after ilang minutes kong pagtambay sa garden, kumain na ako at nagkape. Hinayaan ko siyang humikbi. Palagi na lang siyang ganoon.

 

Pagkatapos mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Nag-encode ako ng mga dati kong diary/journal. Nag-edit din ako ng mga akda ng SWC members para sa zines.

 

Sudenly, nagsalita si Emliy. Aniya, “Dapat coconut farm na lang ang binili mo.”

 

Hindi ko alam kung bakit iritable ako ngayon. Kaya agad ko siyang binara. Kako, “Pasalamatan na lang natin kung ano ang binigay ng Diyos. Magagalit ang Diyos sa ‘yo.”

 

“Bakit magagalit?” tanong niya pa.

 

“Hindi mo pinasalamatan ang biyaya niya. Pagsumikapan nating makabili ulit. Nakaka-offend kasi na parang nagkamali ako ng desisyon sa pagbili ng lote.”

 

Parang lagi raw akong galit. At ayaw ko silang makausap na mag-ina.

 

Kako, “Minsan kasi, hindi na kailangang magsalita.”

 

Umakyat siya. “Mas gusto mo pang kausap ang iba.” Ibinagsak pa niya ang pintuan ng kuwarto.

 

Naiinis ako, na naaawa sa kaniya. Ayaw ko namang palagi kaming ganito. Nasasaktan din ako kapag napagsasalitaan ko siya. Pero siya ang hindi marunong magkontrol sa bibig niya.

 

Gaya noong isang araw. Ibinigay ko sa kaniya ang leggings na bigay (talaga) ni Mama para kay Ion. Alam kong hindi niya magugustuhan. Susubukan ko lang siya. Kaya sabi ko, “Bigay sa `yo ni Mama. Walwal na.” Sinabi ko iyon para alam niya. Pero maganda pa naman. Garter lang ang problema.

 

“Mataba baa ko? Hindi ako magsusuot niya,” mataray niyang sabi. Hindi na nga niya tinanggap, ni hinawakan o tiningnan, nagsalita pa siya ng negative. Hindi ko talaga nagustuhan. Aniya, “It reflects to your personality.”

 

“Hindi kasi nakikita iyan ni Mama. Pero inaalala ka niya, kaya ka niya binigyan.” Tinalikuran ko na siya. “Ayaw ko talagang nagdadala ng kung ano-ano kapag gumagala, pero tinanggap ko ang mga iyan. Binigyan niya nga rin ako ng kumot at kobre-kama. Tinanggap ko.”

 

“Akin ba talaga binigay o sa `yo?”

 

“Leggings? Akin?” Bumaba na ako.

 

Maya-maya pagbaba niya, bumawi ako. “Hindi ka man lang nagkunwari. Sana tinanggap mo na lang.” Hindi ko na sinabi na, puwede naman niyang tanggapin at huwag isuot kung ayaw niya, o kaya ipamigay niya rin.

 


“Hindi ako plastic, e.”

 

Lalong sumulwak ang dugo ko. Hindi ko na sinabing “Hindi mo naman kailangang magpakaplastik. Tatanggapin mo lang.” Grabe ang pilosopiya niya, kaya binanatan ko siya. Sabi ko, “Wala kang kuwenta. Kaya ayaw kitang bilhan ng mga gamit, ganyan ang ugali mo. Huwag mo na akong aasahang bigyan ka pa.”

 

Hayun, nag-walk-out siya. Nakakaawang nakakainis!

 

Dahil sa nangyari, hindi ko siya pinansin maghapon. Gusto ko talagang tahimik lang kami. Andami kong dapat at gustong gawin. Kaya hangga’t maaari ay walang nakakaistorbo sa akin.

 

Sinubukan kong umidlip pagkatapos mananghalian. Kaya lang, ang ingay niya—panay ang nood ng Reels. Gusto ko na naman siyang sigawan. Wala talagang pakiramdam, ampota!

 

Sumatotal, hindi naman ako nakatulog.

 

Past 5, lumabas ako para magpa-cash in para makabayad ako ng electric bill. Namili na rin ako ng ulam, iba pang pagkain, at prutas.

 

Pagkatapos kong magdilig ng mga halaman, bumalik ako para bumili naman ng cat food. Nanghihingi na kasi si Herming. Nakalimutan ko siyang bilhan.

 

 

 

 

Abril 26, 2025

Quarter to eight na ako nagising. Katulad kahapon, napakainit na, pero nag-exercise muna ako sa kama bago bumaba.

 

Wala na o nakaalis na si Emily pagbaba ko. Naka-ready na ang almusal.

 

Tahimik kami ni Ion maghapon. Humarap ako sa laptop. Nakatapos ako ng isang zine. Nakapanood ng movies. Nakapag-encode ng diary. At nakaidlip.

 

Past 7, lumabas ako para mag-grocery. Parang ayaw ko nang ipaubaya ang budget kay Emily. Parang may magic, e.

 

Hindi na ako tumuloy sa event ng Packing Sheets sa NYC Café Tanza. Malapit lang sana. Nanghihinayang ako sa gastos. Malamang kasi, oorder ako ng kape roon habang nanonood. Mamasahe pa ako. Twenty-six pesos lang naman, back-and-forth na. Next time na lang, kapag nasa mood na ako.

 

 

 

Abril 27, 2025

Past 7, nag-eehersisyo ako sa kuwarto. Past 8, nag-aalmusal na ako. Si Emily ang naghanda ng pagkain. Akala ko, aalis siya, hindi pala.

 

Humarap ako sa laptop pagkatapos mag-almusal. Nag-encode ako ng journal. Mga past 10, natapos ko na ang February 2009. Nai-post ko na rin ito sa Blogger at Wattpad.

 

Bago iyon, nag-chat si Sir Hermie. Inimbitahan niya ako sa kanilang bahay, since birthday niya bukas. Nag-commit ako. Mga 5 pm daw ay dapat nandoon na ako sa kanila. Invited niya rin si Sir Vic.

 

Nanood ako ng suiseki videos sa YT. Nakaka-miss mag-rockhounding.

 

Past 4, bumiyahe ako patungo sa Imus. Grabe ang traffic! Almost 7 pm na ako nakarating sa bahay nina Sir Hermie at Ma’am Anne. Naroon na rin ang bisita niyang si Sir Richard, na ninong nila sa kasal. Wala si Sir Vic. Sabi niya, hindi talaga niya inimbita kasi susunduin at ihahatid niya pa. Kung pupunta si Sir Gilbert, ito na lang daw ang susundo.

 

Agad kaming kumaing apat ilang minuto ang lumipas pagdating ko. Ako lang talaga ang hinihintay nila. Andami ring handa. May alak siyempre. Kaya nga kumain ako nang marami.

 

Naglabas agad ng alak at nag-play ng karaoke. Sa una, nahihiya ako kasi first time kong makasalamuha ang ninong nila, pero nang nalasing na ako, sige na ang kanta ko.

 

Past 1:30 na kami natapos. Nakatulog na si Sir Hermie sa upuan, kaya ako na ang nagligpit ng mga pagkain. Umuwi na rin ang ninong niya. Tulog na si Ma’am Anne. At nang matapos ako sa pagliligpit, nahiga ako sa sofa. Hinintay kong magising si Sir. Gusto kong palipatin niya ako sa kuwarto, pero hindi. Sa mga upuan din siya natulog. Awts. Hindi ako nakatulog.

 

 

 

Abril 28. 2025

Past 7, bumangon ako para umuwi na. Pero hindi pa agad nila ako pinauwi. Nag-almusal muna kami at nagkuwentuhan. Mga past 9 na ako hinatid ni Sir Hermie sa Kalayaan. Siya naman ang nag-insist na ihatid ako.

 

Past 10, nakauwi na ako sa bahay. Inilapag ko lang ang belt bag ko, saka ako nagdilig ng mga halaman.

 

Antok na antok ako, kaya umidlip muna ako. Halos maghapon akong nakahiga.

 

Past 5, pagkatapos magmeryenda, nag-workout ako sa kuwarto.

 

Past 7, nagluto ako ng chicken pochero. Nakalimutan kong magpabili kay Ion ng saging na saba. Pero, masarap pa rin naman ang luto ko.

 

 

 

Abril 29, 2025

Quarter to eight, nag-eexercise ako sa kuwarto bago bumaba.

 

Si Emily ang naghanda ng almusal. Nagwalis at tumambay muna ako sa garden bago nagkape at nag-almusal.

 

Then, mga 9 am, nasa harap na ako ng laptop. Nag-finalize na ako ng zine. Ilang minuto ang lumipas, tapos ko na ang zine no.16. Sinimulan ko naman ang special edition for Mothers’ Day. Nag-chat ako sa GC ng club na magpasa sila ng akda. Habang naghihintay, nag-encode naman ako ng journal. Nakatapos ako ng isang date.

 

Hapon, nag-encode ako ng isang chapter na na-recover ko sa banned Wattpad account. Past 5:45 ko na ito natapos.

 

Dahil nag-request si Hanna na i-advance ang allowance niya, kinailangan kong lumabas para mag-cash in. Mga 6 pm, nasa labas ako. Dumiretso na rin ako sa Landbank sa bayan para i-withdraw ang sahod ko. Naglakad lang ako back-and-forth. Mga past 6:30, nakauwi na ako. Wala pang isang oras.

 

 

Bago ako umakyat para magpahinga at matulog, nag-post muna ako ng isang chapter sa Inkitt, gamit ang chapter na in-encode ko kanina. Naging alaala na lamang iyon ng isang character sa nobela.

 

 

 

 

Abril 30, 2025

Parang hindi ako natulog dahil sa mga realistic dreams ko. Ang una nga ay parang nasa GC ako. Kaya nagdasal ako sa Diyos na bigyan niya ako ng ibang panaginip. Hayun nga, binigyan niya ako ng isang panaginip, kung saan nasa workshop ako. Tungkol sa audio or something technology ang tema ng workshop. At dahil mainit na, nagising na ako. Hindi ko na natapos ang workshop sa panaginip. Mukhang nakaka-enjoy pa naman. Mga bagong mukha ng tao ang naroon.

 

Before 8, nasa harap na ako ng laptop. Nakapag-workout na rin ako kahit paano. Nakatatlong routines ako.

 

 

Habang nagkakape at nag-aalmusal, nanonood ako ng PBB Collab na inere kagabi. Pagkatapos niyon, nag-encode ako ng journal ko—dated March 2, 2009. Isinunod ko na ang pag-encode ng isa pang recovered chapter sa Wattpad.

 

Past 1, nakapag-post na naman ako ng isang chapter sa Inkitt. Nanood na ako ng documentaries sa YT. At nang inantok, umidlip ako.

 

Gabi na ako nagpatuloy sa paggawa ng zine. Nag-illustrate din ako para sa design nito.

 

Pagkatapos ng BQ, nag-off na ako ng laptop, at naghanda na ako para sa pag-akyat at pagpapahinga sa kuwarto.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...