Followers

Tuesday, May 20, 2025

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Nixon #5

 “Master Jess, may mga pulis sa bahay niyo?” sabi ni Nixon nang nasa tapat na sila.

 

“Oo nga, e… Wait.” Ibinaba nito ang bintana. “Sir, Sir, excuse me po,” sabi niya sa isang pulis na nakabantay sa nakabukas na gate. “Ako po ang father ng batang kinidnap—si Mr. Jess.”

 

“Ah, yes, Sir.” Iginiya nito na ipasok na ang sasakyan.

 

“Nandito ang mga biyenan ko. Iyan ang sasakyan nila,” sabi ni Jess sa kanila habang nagmamane-obra. “Whatever happens, hindi kayo aalis. Okay?”

 

Okay po, but what should we expect?” tanong ni Nixon.

 

“My parents-in-law hates me ever since. Tutol sila sa pagpapakasal namin ng wife kong si Rochelle. Expect niyo ang galit nila sa akin ngayong nakidnap ang apo nila, ang anak ko.” Pagkasabi niyon, bumaba na ito.

 

Bumaba na rin si Nixon, gayundin sina Totong at Bentong, saka sumunod kay Master Jess.

 

“Good morning, Sir!” bati ni Jess sa pulis na nakatayo sa tabi ng sliding door.

 

“Good morning, Sir!” Yumukod pa ito nang bahagya. Binati rin nito ang mga bagets bago pumasok.

 

“Look what you’ve done!” singhal agad ng lalaking nasa 60+ na ang edad. Itinuro nito ang babaeng may karga-kargang binilot na tuwalya.

 

Nahulaan agad ni Nixon na iyon ang father-in-law ni Master Jess. At ang babaeng nakaupo sa tabi ng isa pang babae ay ang asawa nito.

 

“Ano’ng nangyari kay Rochelle?” balisang tanong ni Jess. “Rochelle?” Hindi siya nakalapit dahil pinigilan siya ng ina nito.

 

“She’s out of her head,” mahinahong sabi ng ina ni Rochelle.

 

“No! Rochelle, no.” Nagpumilit lumapit si Jess, at napaluhod ito harap ng asawa. “Rochelle, kaya natin `to. Mahahanap natin si Jesrelle.” Niyugyog nito ang braso ng asawa, pero hindi ito tumingin.

 

“Jesrelle, are you okay? Why are you crying? Daddy will go home soon. Okay, I will sing you a lullaby now,” masuyong tanong ni Rochelle sa hawak nitong tuwalya, na animo’y sanggol. Pagkatapos, umawit ito at hinele ang tuwalya.

 

 

Napaurong si Jess nang marinig at makita iyon. Hindi nito napigilan ang pagbuhos ng luha.

 

“See? Ano’ng gagawin mo ngayon sa mag-ina mo?” galit na tanong ng biyenang lalaki.

"You're a worthless man! You don't deserve my daughter!"

 

“Honrado,” tawag ng asawa nito. “Calm down. Ang anak natin, o.”

 

“Paano ako kakalma, Eden, doble-doble na ang problemang idinulot ng damuhong ito?!” Akmang lalapitan nito si Jess upang hampasin ng tungkod.

 

“Huwag po!” Sa isang kisapmata, nahawakan ni Bentong ang tungkod ni Honrado bago pa tumama sa ulo ni Jess.

 

Mabilis ding inalalayan ni Nixon si Jess upang makatayo.

 

“Punyeta! Sino ang mga batang ito!” sigaw ni Honrado habang nakikipagtagisan ng lakas kay Bentong.

 

“Mga kaibigan ko sila,” tugon ni Jess. Naitayo na ito ni Nixon, saka nailayo nang kaunti.

 

Binitawan na ni Bentong ang tungkod.

 

“Ano’ng silbi nila sa mga problemang ito, ha? Inutil ka talaga!” Sinugod ni Honrado si Jess upang ipukol ang tungkod sa ulo niyon.

 

“Huwag!” alerto at mabilis na ipinangharang ni Nixon ang kaniyang pinagkrus na mga bisig.

 

“Honrado! Anong ginawa mo?” Napasigaw si Eden.

 

Subalit nagulat ang lahat nang nabakli lang ang tungkod.

 

“Okey ka lang po, Master Jess?” tanong ni Nixon. Nang makita niya itong tumango-tango, hinarap naman niya si Honrado. “Masyado kayong marahas, Lolo! Kahit ganito ako, maaari ko kayong patulan kapag may ginawa pa kayong hindi mabuti.”

 

Napaurong at napalunok si Honrado. “E-eden, halika na! Umuwi na tayo.”

 

Mabilis namang inalalayan ni Eden ang asawa. “Bakit ka kasi nananakit?”

 

“Walang kuwentang nilalang. Sana ikaw na lang ang kinidnap at nabaliw!” sigaw pa ni Honrado habang nahihirapang maglakad, na akay-akay ni Eden.

 

“Mang Mario, tulungan mo nga kami,” sigaw ni Eden. “Ay, Sir, pakitawag nga po ang drayber namin,” utos naman nito sa pulis sa may pintuan.

 

Nang nakalabas ang mag-asawang matanda, saka lamang tila natauhan si Jess. “Mga bata, pasensiya na kayo, ha?” Nakaupo na ito sa tabi ni Rochelle. “Dalawa na ang problema ko. Paano ko ngayon maibabalik ang katinuan ng asawa ko? Saan ko rin hahanapin ang anak namin?” Napasubsob ito sa sariling mga palad, at doon ngumuyngoy.

 

Hinayaan lamang muna nina Nixon, Totong, at Bentong na tumangis si Jess, habang pinagmamasdan nila si Rochelle na patuloy na hinihele ang tuwalya.

 

“Pasensiya na, Nixon… Nasaktan ka ba?” tanong ni Jess.

 

“Okey lang pa ako. Hindi ko nga po maunawaan kung bakit hindi ako nasaktan. Nabakli lang ang tungkod.” Mabilis na kinuha ni Nixon ang tungkod na muntikan nang mahati sa dalawa. “Sa tingin ko, gawa ito sa kamagong.”

 

“Sabi ko nga sa `yo, may pambihira tayong kakayahan… Ikaw, Nixon, bukod sa kakayahan mong magpalit ng anyo o edad, kung anoman ang tawag diyan, may pambihirang lakas ang kamay mo. Kayang mong durugin kahit ang pinakamatigas na bagay.”

 

“Naunawaan na po kita, Master Jess,” aniya.

 

“Pasensiya na, wala pong akong naitulong kanina,” wika ni Totong, na hiyang-hiyang yumuko habang hinahaplos-haplos ang saklay na kahoy.

 

“Huwag mong isipin `yon, Totong. Ang presensiya mo ngayon ay malaking tulong na… At sigurado akong marami kang maitutulong sa grupong ito.

 

Ngumiti na si Totong.

 

“Grupo? Bubuo tayo ng grupo?” maang na tanong ni Nixon.

 

“Yes! Hindi ito dahil lang sa mga problema natin sa pamilya, kundi dahil ito sa mga problemang kinahaharap sa ating lipunan at paligid. Tayo ang magiging tagapagtanggol ng mga Pilipino, ng Pilipinas!” tugon ni Jess.

 

“Yehey! Gusto ko `yan!” bulalas ni Nixon na parang bata. “Baka ito na ang pagkakataon ko para maging mabuting anak at kapatid ako sa pamilya ko.”

 

“Tama! And soon, madidiskubre mo kung paano ka babalik sa dati mong edad.”

 

“Sana nga po.” Nalungkot man si Nixon, pero bigla ring nagkaroon ng pag-asa.

 

“Excuse me, Sir!” sabi ng pulis.

 

Napatingin silang lahat sa kinatatayuan ng pulis.

 

“Dumating na po si Inspector Ruiz,” dagdag pa nito.

 

Mabilis na tumayo si Jess, kasunod ng mga bata, upang lumabas.

 

“Magandang araw, Sir!” bati ni Jess. Nakipagkamay pa ito sa inspector.

 

“Good morning!” ganting bati nito. “Pina-review ko sa CCTV footage, at natuklasan namin na tatlo kataong dumukot sa anak ninyo ay hindi konektado kina Ram and Judith, batay sa iyong salaysay.”

 

“Ho? E, sino-sino ang tatlong `yon? Bakit hanggang ngayon, hindi pa sila tumatawag para humingi ng ransom?”

 

“Nanghingi kami ng mga CCTV footages sa iba’t ibang bahagi ng kalsada na posibleng daanan ng getaway vehicle.” Inilabas nito ang cell phone, saka may ipinakita kay Jess. “Sa bahaging ito, blackout ang CCTV… At itong sasakyan na ito ay nakita naming nakaparada doon. Batay sa aming pagtatanong sa lugar na iyon, walang nakapansin o nakakita sa pangyayari kung paanong nailipat ng mga kidnaper ang anak mo sa ibang sasakyan.”

 

“E, paano niyo nasabing walang kinalaman dito sina Ram at Judith?”

 

“Pinasundan ko sa mga tauhan ko si Ram. At legit ang kaniyang flight. Pinahanap ko rin si Judith, Legit din na buntis siya at si Ram ang ama.”

 

“Sino ang may pakana nito? Sino?” Nasapo ni Jess ang sariling ulo.

 

“Anything, Sir?” tanong ng inspector.

 

“Ah, e… Update niyo na lang ako, Sir… Ayusin ko lang ang kondisyon ng asawa ko. Thank you!”

 

Nakipagkamay ang pulis bago umalis, kasunod ang iba pang pulis.

 

“Ano pong gagawin natin ngayon, Master Jess?” tanong ni Bentong habang papasok sila sa bahay.

 

“I don’t know yet.”

 

Naunang pumasok si Nixon.

 

“Jesrelle?”

 

Napahinto silang apat nang tumakbo si Rochelle palapit kay Nixon, saka niyakap ito nang mahigpit.

 

“Jesrelle? Saan ka ba galing, anak? Mommy is so worried.”  

 

Hindi nakakilos at nakakibo si Nixon.

 

No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...