Followers

Sunday, May 11, 2025

Si Jess at ang mga Batang Alpha -- Bentong #2

 

“Ano na po ang plano mo ngayon?” tanong ni Bentong kay Jess.

 

Natutuwa itong tiningnan siya sa rear-view mirror. “Lalaban tayo.”

 

“Po?” sabay-sabay na tanong ng tatlong kabataan.

 

“Kaibigan mo siya, `di ba po?” tanong uli niya.

 

“Right! Pero siya lang ang puwedeng gumawa nito sa anak ko… Matagal ko na siyang kaibigan. Magkasama kami sa kalokohan hanggang sa kasamaan noon. Oo, noon… Nahiwalay ako sa mag-ina ko dahil sa kaniya. At ngayong unti-unti ko nang binubuo ang pamilya ko, saka naman siya bumalik.”

 

“Ano po ba’ng kasamaan ang ginagawa niyo, niya?” tanong uli ni Bentong.

 

Nginitian siya nito, pero hindi nito sinagot ang kaniyang tanong. “Sa mga susunod na araw, malalaman niyo rin. Ang tanong ko lang sa inyo ngayon—sasama ba kayo sa akin?”

 

Nagtinginan silang apat, pero walang sumagot.

 

“Okay! I understand… Alam ko, nagulat kayo… At malamang, iniisip niyo ngayon na baka nga child trafficker ako, gaya ng accusation sa akin ni Ram kanina. But I swear to God, maganda ang intensiyon ko sa inyo. Siguro tinulot Niyang magkita-kita tayo ngayong araw para matulungan natin ang isa’t isa.” Tiningnan ni Jess isa-isa ang mga bata. “Ikaw, Totong, for sure, nagugutom ka. Malayo pa ang nilakbay mo… Ikaw, Nixon, kailangan mong makabalik sa pamilya mo at masolusyunan ang pagbabagong-anyo mo. At ikaw, ikaw… Ano nga uli ang name mo?”

 

“Bentong po. Bentong,” mabilis niyang sagot.

 

“Oh, Bentong… Bentong, hindi ko pa alam ang problema mo, pero nakita ko kung gaano ka kabilis. Malaki ang magagawa mo para sa sangkatauhan.”

 

“Hindi ko nga po kayang supilin ang masamang bisyo ng tatay ko,” aniya.

 

“Yown! Alam ko na ang problema mo… May kakayahan kang gawing maging mabuting padre de pamilya ang tatay mo… Maniwala ka sa akin… Maniwala kayo sa akin.”

 

----

 

Dinala sila ni Jess sa pambatang fast-food chain. Inorder nito ang mga pagkaing gusto ng bawat isa sa kanila.  

 

“Hindi mo ba nagustuhan ang pagkain mo?” tanong niya kay Totong, na noon ay naluluha-luha.

 

“Nagustuhan po. Masasarap pong lahat.”

 

“E, bakit ka malungkot?”

 

“Hindi po ako malungkot. Masaya nga po ako.” Sinikap nitong ngumiti. “Ngayon lang kasi ako nakakain ng ganito.”

 

Naunawaan na niya iyon, at sa tingin niya, naunawaan din iyon nina Jess at Nixon, kaya wala nang kumibo.

 

“Nakapagdesisyon na ba kayo?” Binasag ni Jess ang katahimikan nilang apat.

 

Tiningnan muna ni Bentong sina Nixon at Totong, saka si Jess. “Pangarap kong magkaroon si Papa ng marangal na hanapbuhay—hindi ang pagtutulak ng droga. Gusto kong mahuli ang mga druglords.”

 

“Pumapayag ka na?” untag ni Jess.

 

“Opo,” sabi niya with conviction.

 

Tinapik-tapik siya ni Jess sa balikat. “Nice, nice! Thank you! How about you, Nixon?”

 

Parang batang tumawa si Nixon. “How can I help? Hindi ko nga alam kung anong kaya kong gawin. Noong normal ang laki ko, I’m just a spoiled brat. Hindi ko pinahahalagahan ang oras. I’m always late. I’m always procrastinating. Palagi akong galit. Paano?” sarkastiko niyang tanong. Natatawa-tawa pa ito.

 

“Let’s discover your power, Nixon,” mapanghikayat na tugon ni Jess. “There is profound power in weakness. I’m willing to help you.”

 

Matagal-tagal ding nakatingin lang si Nixon sa malayo. “Count me in!”

 

Napapalakpak si Jess sa narinig. “Nice, nice! Thank you!” Nag-salute pa ito kay Nixon. “Ikaw naman, Totong? Magtitiwala ka ba sa akin?”

 

Bumuka-buka ang bibig ni Totong, pero wala agad lumabas na salita mula rito. “M-magtitiwala lang ako sa nagmamahal sa kalikasan.”

 

“Wow!” Totoong ligaya ang ipinakita nito. “Bihira sa mga kabataan ang tulad mo… And yes, mahal ko ang kalikasan. Simula nang binago ng Diyos ang buhay ko, lahat ng Kaniyang nilalang ay mahal ko na… So, pumapayag ka na, Totong?”

 

“Kung mapaparusahan si Ka Oka, payag na ako.”

 

“Sino si Ka Oka?” magkasabay na tanong nina Jess at Bentong.

 

Napangiti silang dalawa. Pagkatapos, ikinuwento iyon ni Totong. Kahit nahihirapan itong magsalaysay, naunawaan nila iyon.

 

Pagkatapos nilang kumain, nagkasundo silang ihatid muna si Nixon.

 

Sa mansion, nakatatlong beses na silang nag-doorbell bago bumukas ang maliit na gate.

 

Lumabas ang nakakunot-noong binata, na animo’y bagong gising pa lamang. “Yes, why?”

 

“Kuya Kennedy!” Mabilis na yumakap si Nixon sa kuya.

 

“Hey! Hey! Spare me!” Halos matumba si Nixon sa pagkakahawi ng kapatid nito. “Hindi kita kilala.”

 

“Ako `to—si Nixon.”

 

Inakbayan ni Bentong si Nixon palayo sa kuya. “I’m sorry, Sir… Mahabang istorya, pero narito po kami para ibalik sa inyo si Nixon. Kapatid mo raw siya.”

 

Tiningnan sila ni Kennedy isa-isa. “At anong klaseng modus na naman ito, ha? Gusto niyo, tumawag ako ng pulis?”

 

“No, no… Please listen first.” Pumagitna na si Jess.

 

Naging alerto si Kennedy. Samantalang hindi naman nagpakita ng aggressiveness ang mga bagets.

 

“Nawawala ang kapatid mong si Nixon, right?” simula ni Jess. Hindi na nito hinintay na tumango si Kennedy. “Maniwala ka man o hindi, siya si Nixon… Sounds ridiculous, pero that’s the truth… Hindi kami magkakakilala, pero pinagtagpo-tagpo kami ngayong araw… May dahilan.”

 

“So, what are your trying to tell me? Tanggapin ko siya? That’s impossible. Nixon, my adopted brother, is eighteen years old now. Kaya, paanong siya si Nixon?”

 

“Let’s go! Hindi niya ako matatanggap,” galit na sabi ni Nixon, sabay layo.

 

“Wait, Kennedy,” sabi ni Jess. “If ever may proof kami na si Nixon nga siya, babalik kami.”

 

“No, thank you! Huwag na… Kumikilos na ang mga kapulisan para hanapin ang kapatid ko… Besides, sanay na kami sa attitude ni Nixon. This is not the first time na umalis siya sa bahay. It’s the only first time na hindi namin siya makontak… Natagpuan na sa Antipolo ang kotseng ginamit niya, pero wala pang lead sa kinaroroonan niya.” Mabilis na isinara ni Kennedy ang gate.

 

Laylay ang balikat na pumasok ang apat sa kotse.

 

“Okey lang `yan,” sabi ni Bentong. Tinapik-tapik pa niya ang balikat ni Nixon, na noon ay umiiyak nang tahimik. “Hindi talaga siya maniniwala. Malayo sa 18 years old ang katawan at height mo ngayon.”

 

“It’s not only that, Bentong,” tugon ni Nixon. “Did you hear him say? I am an adopted brother.”

 

“Oo nga, `no!” aniya. “Narinig ko `yon.”

 

“It’s your first time to hear the truth, Nixon?”

 

“Yes… Kaya sobra akong nasasaktan ngayon.”

 

“Anong plano mo ngayon?” tanong ni Jess.

 

Lalong lumakas ang iyak ni Nixon, na parang bata. “I don’t know. I don’t know yet.”

 

“Kupkupin mo po muna sila, Sir,” suhestiyon ni Bentong.

 

“Yes. Iyan talaga ang gagawin ko. We are heading home… And it is one way to prove you that may intention is pure… May kinahaharap din akong problema ngayon—pare-pareho tayo, kaya gusto ko kayong pasalamatan sa pagtitiwala sa akin. Tulungan niyo ako. Magtulungan tayo.”

No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...