Followers

Friday, May 9, 2025

Elias Maticas 2

Sa kabila ng pagdududa sa sariling kakayahan, buo ang loob ni Elias na matulungan si Matt. Mas umigting pa ito dahil kasama ang isa pa niyang kaibigan—si Jasper, na walang tigil ang bibig sa kakasalita.

"Huwag kang masyadong maingay, Jasper," sawata ni Tio Augusto. "Papasok na tayo sa kapunuan."

"Opo. Sorry po."

Dahil natahimik sina Jasper at Elias, noon lamang nila naramdaman ang pagod sa paglalakad. Isang oras na rin silang naglalakad, pero hindi sila nagsalita. Alam nilang malayo-layo pa sila.

"Malayo pa ba?" hinihingal na tanong ni Tio Augusto. Nailapag nito ang bayong, at marahan at maingat nitong dinukot sa loob ang lumang mineral bottle.

"Medyo malapit na po," sabi ni Elias habang umiinom si Tio Augusto. Pagkatapos, inilabas din niya ang kaniyang tubigan mula sa pasiking, na bigay sa kaniya ni Apu Ad-waya, ang kaniyang lola sa ina.

"Uy, painom din!" sabi ni Jasper habang umiinom si Elias. "Tirhan mo naman ako." Halos agawin na nito sa kaniya ang bote.

"O, hating-kapatid." Inabot niya iyon kay Jasper.

"May madaraan ba tayong ilog? Kailangan natin ng tubig," ani Tio Augusto.

"Wala po, pero may maliit na talon doon. Malinis at presko ang tubig."

"Ayos! Tayo na?"

"Wait lang po... Hinihingal pa ako," sabi ni Jasper. "Mas napapagod ako kapag tahimik tayo. Kaya sana payagan mo na po akong magsalita, Tio Augusto."

Natawa na lamang sina Elias at Tio Augusto.

Nang muling nagpatuloy sa paglalakad ang tatlo, daldal na nang daldal si Jasper. Hinayaan na lamang ito ni Tio Augusto, at kinakausap naman ito ni Elias.

"Kailan na siya luluwas?" tanong ni Elias nang may ikinuwento si Jasper tungkol sa ama nito.

"Hindi pa siya nagsabi sa amin. Parang ayaw ni Mamay na paalisin siya."

"Bakit naman?"

"Mas bale na raw na magdildil kami ng asin kesa magkakalayo."

"Tama naman siya. Ganyan din si Papay. Gusto niyang mag-abroad, pero kami ni Natasha ang pumipigil sa kaniya, saka ayaw rin ni Mamay."

"Magkakaibigan nga kayong tatlo!" singit ni Tio Augusto. "Si Matt din, ayaw niya akong pasamahin sa pamamalakaya sa Samar, kahit anim na araw lang naman akong mawawala. Sa pagkokopra na lang ako."

Nagtawanan sina Elias at Jasper, saka nag-high five pa. "Kami po kasi ang... JEM Brothers!" sabay na sigaw ng magkaibigan.

Kasunod ng sigaw nila ay ang pagliparan ng mga ibon sa paligid nila.

"Ano 'yon?" nababahalang tanong ni Tio Augusto. "Sabi ko sa inyo, huwag masyadong maingay, e."

Hindi pa nakakapagsalita ang dalawa, nagtakbuhan naman ang usa at baboy-ramo mula kung saan. Halos mabangga pa nga sila ng mga ito.

"Ay! Ano ba 'yon!?" sigaw ni Jasper. "Tutuloy pa ba tayo?"

Tiningnan ng magkaibigan ang ama ni Matt.

"Oo naman. Nandito na tayo, e."

Inihanda ni Elias ang kaniyang tirador. Kumuha siya ng bato sa kaniyang bulsa.

"Sige po! Hindi sila sasantuhin nitong arnis ko." Iwinasiwas pa ito ni Jasper.

"Sus! Anong magagawa niyan kung paglaruan tayo ng tambaluslos," tudyo ni Tio Augusto.

Hindi nakakibo si Jasper dahil parang natakot ito.

"Tara na! Tara na nang magawa na natin ang ritwal doon," aya ni Elias. Siya na ang naunang naglakad. Sinikap niyang mawala ang daga sa kaniyang dibdib. Gayunpaman nasa isip pa rin niya ang pagliparan ng mga ibon at ang pagtakbuhan ng mga usa at baboy-ramo. Naalala niya tuloy ang sabi ni Lolo Leo. Signus daw iyon ng kalamidad o supernatural phenomena. Inokupa nito ang katahimikan ng gubat hanggang sa madaanan nila ang maliit na talon.

"Wow! May ganito kagandang falls pala rito!" Manghang-mangha si Tio Augusto. Wala loob na nagtanggal ito ng damit, saka lumusong sa tubig.

"Tio Augusto, bakit maliligo ka pa po?" takang-takang tanong ni Elias habang natatawa naman si Jasper.

Parang walang narinig si Tio Augusto. Lumusong pa ito hanggang maabot ang dibdib nito.

"Jasper." Inginuso niya sa kaibigan si Tio Augusto, saka mabilis niyang tinanggal ang pasiking na nakasukbit sa kaniyang likod, gayundin ang tirador sa kaniyang leeg. "Kakaiba na 'to! Tulungan natin siya. Dali!" Mabilis niyang tinakbo-langoy ang kinaroroonan ni Tio Augusto.

"Tio Augusto!" sigaw naman ni Jasper habang nakasunod kay Elias.

Buong lakas na hinila pabalik ni Elias si Tio Augusto. "Ano pong nangyayari sa inyo? Ahon na! Ahon na!"

Walang reaksiyon si Tio Augusto, pero parang ang hina nito, kaya nahihila ito ni Elias pabalik. At nang makaabot na si Jasper, mas napagtulungan nila itong ibalik.

"Tio Augusto, naengkanto lang po kayo sa tubig," sabi ni Jasper.

"Hindi ganoon kaganda at kalinaw ang tubig dito," dagdag pa ni Elias.

At nang makaapak sa lupa ang tatlo, saka lamang natauhan si Tio Augusto. "Bakit niyo ako binasa?"

Napapulanghit muna ng tawa ang magkaibigan.

"Ikaw po ang may gawa niyan," tugon ni Jasper.

"Naengkanto po kayo," dagdag pa niya.

"Ha? Talaga?"

"Opo... mahabang istorya. Mamaya na lang natin pagkuwentuhan... Baka abutan tayo ng gabi rito," paliwanag niya habang isinusukbit ang bag at tirador.

"Tama, tama. Pasensiya na, hindi ko alam ang nangyari," ani Tio Augusto.

"Okey lang po. Mag-iingat na po tayo. Mahiwaga pala talaga ang lugar na ito."

"Ayan na naman!" bulalas ni Jasper nang napansin ang biglang pagdilim ng paligid.

"Uy, mukhang uulan pa," komento ni Tio Augusto, saka tumingala.

"May kakaiba talaga rito... Bilisan na natin." Lumakad-takbo na siya.

Sumunod na rin sa ginagawa niya ang dalawa. At wala nang umimik sa kanilang tatlo hanggang sa makarating sila sa kakaibang puno, na inihian ni Matt.

"Ito pala 'yon," ani Tio Augusto. Nahaplos nito ang braso. "Tumayo ang balahibo ko."

"Isasagawa ko na ang ritwal," deklara ni Elias, saka inilabas sa pasiking ang mga kakailanganin.

Inilabas naman ni Tio Augusto mula sa bayong ang native na manok, saka maingat nitong hinawakan.

Sa bao ng niyog, naglagay siya ng uling at sahing o dagta ng puno ng pili, at sinindihan niya iyon ng posporo.

Tahimik nilang pinagmasdan ang pag-apoy niyon at pagbuo ng baga.

Inilagay na ni Elias ang kamangyan sa ibabaw ng baga. Agad nilang nalanghap ang mabangong usok na nagmula roon.

Hinanap naman agad ni Elias sa librito ang dasal na kailangan niyang iusal. At nang mahanap, kagyat niya iyong binasa nang wasto at malinaw, kahit dahan-dahan. "Dileximus naturam. Dileximus plantas, arbores, et animalia in silvis. Si peccavit amicus meus ad vos, ignoscite. Desinite cruciare eum. Accipite dona nostra pro sanitate eius. Expecta quod non iterum fiet. Multas gratias."

Pagkatapos, sinenyasan niya si Tio Augusto na ilapag na ang manok sa paanan ng puno. Ginawa naman nito agad.

Buhay na buhay ang manok—walang tali ang mga paa, pero hindi ito umalis o lumipad. Nanatili itong nakaupo, na animo'y nakikipag-usap sa kanila.

Nagtataka man si Jasper, pero hindi ito nagsalita. At lalo itong nagtaka nang muling lumiwanag ang paligid.

Alam nilang tatlo na wala pang alas-onse ng umaga sa mga sandaling iyon, kaya naniniwala silang pinakinggan ng espiritu ang kanilang dasal.

"Maraming salamat, Ungmanan. Tutuloy na po kami, at hindi na kailanman babalik at mangangambala sa lugar na ito," sabi ni Elias, saka tahimik na tumalikod.

Sumunod sa kaniya ang dalawa. Walang nagsalita sinoman sa kanila. Pero habang binabagtas nila ang daan pabalik sa Sitio Burabod, nakatayo ang mga balahibo ni Elias sa braso at bisig.


No comments:

Post a Comment

Tatlong Letter Z

Estudyante: “Tulog po si Juan.” (Yuyugyugin sana ang balikat ng kaklaseng tulog.)   Guro: Huwag mong gisingin. Hayaan mo lang. Mahirap m...