Pinaharurot ni Jess ang sasakyan nang makalabas ito ng
gate. Buo ang loob niyang puntahan ang bahay ni Ram, bago ito makaalis
ng bansa.
Bukod sa kagustuhan niyang mapatunayang hindi si Ram,
na kaniyang matalik na kaibigan, ang may pakana sa kidnapping, nais
niyang iwasan ang kaniyang mga biyenan.
"You're a worthless man!
You don't deserve my daughter!"
Bigla niyang naihinto ang sasakyan nang maalala niya
ang sinabi ng kaniyang biyenang lalaki noong binawi ito sa kaniya.
Napasubsob siya sa manibela habang tila naninikip ang
dibdib niya dahil sa bigat ng emosyon. Gayunpaman, hindi niya inaako ang
paratang na iyon, kaya kinalma niya ang kaniyang sarili. Muli niyang ini-start
ang sasakyan.
Kahit nag-aagaw pa lamang noon ang dilim at ang liwanag,
natanaw niya sa kalawakan ang libo-libong ibon. Naaninag niya ang pigura ang
isang batang lalaki, kaya nagkaroon siya ng interes na sundan iyon. Subalit, hindi
pa siya nakalalayo, bumulusok pababa ang mga ibon.
“Ang galing!” Bigla siyang nagpreno nang makita niyang
lumanding sa lupa ang isang batang lalaki, na may saklay.
Dahil wala pa naman masyadong dumaraang sasakyan sa
kalsadang iyon, sigurado siyang hindi makakaabala ang kaniyang sasakyan. Bumaba
siya pagkatapos magpasiyang lapitan ang bata.
“Salamat, mga kaibigan!”
Narinig pa niya ang boses ng bata, na noon ay
ikinukubli ng mga matataas na damo sa bakanteng lote.
Hinawi niya ang mga damo, saka niya nakita ang bata. Sigurado
siyang iyon ang batang nakita niya sa himpapawid dahil bukod sa wala nang ibang
tao roon, alam niyang galing ito sa malayong probinsiya. Maitim ang balat nito.
At kulot na kulot ang buhok.
Halos mapaurong sa gulat si Totong nang makita siya.
“Bata, nakita kita,” sabi niya. “Ang galing mo!”
“Po? Bakit po.” Umurong pa si Totong habang palapit
siya.
“Huwag kang matakot.”
“Ano pong nakita niyo?” Halata ang takot sa mukha ni
Totong.
“Nakakalipad ka, kasama ng mga ibon.”
Hindi nakapagsalita si Totong. Naglumikot ang mga mata
nito, na animo’y nakakakita ng kapahamakan. Sa halip, umiling-iling lang ito
habang umuurong palayo sa kaniya.
“Hindi ako masamang tao. Huwag kang matakot. Humanga lang
ako sa kakayahan mo, kaya kita sinundan… Alam mo bang may pambihirang kakayahan
din ako?”
Hindi na naman kumibo si Totong, pero hindi na ito
umurong. Wari’y naging interesado ito sa sinabi niya.
“May kakayahan akong kontrolin ang isang sitwasyon. Kayang
pigilan ang isang pangyayari sa pamamagitan lang ng pag-iisip,” patuloy niya. Ipinikit
niya ang kaniyang mga mata. Inalala niya ang mukha ng batang kausap niya.
Nakita niya sa kaniyang balintataw ang mukha ng bata. “Bakit ka narito sa
siyudad?” tanong niya sa isip.
Bumuka ang bibig ng batang nakikita siya kaniyang
balintataw. “May gustong manakit o pumatay sa akin at sa pamilya ko.”
Natutuwang dumilat si Jess dahil may nadiskubre na
naman siyang kakayahan. “Sino ang gustong pumatay sa `yo? Bakit gusto ka niyang
patayin?”
Nagitla na naman si Totong. “Bakit mo alam?”
“Sabi ko nga sa `yo, may pambihira din akong kakayahan…
Kaya kitang tulungan sa problema mo.”
Umiling-iling lang si Totong, at akmang lalakad na
ito.
“Sandali lang.”
Huminto naman si Totong at muli siyang tiningnan sa mga
mata.
“Kinidnap ang anak ko kanina lang. Tulungan mo ako.” Ipinaramdam niya ang kaniyang kalungkutan.
-----
Mas binilisan ni Jess ang pagmamaneho dahil sumikat na
araw, pero malayo-layo pa ang bahay ni Ram. At ayaw niyang maipit sa trapiko.
“May bata!” Napasigaw si Totong nang nais pa niyang idiretso
ang sasakyan kahit naka-red light na.
Agad siyang prumeno, pero alam niyang huli na ang
lahat. Napamura pa siya habang pababa sa kotse. “Nasaan ang bata?”
“Maging responsableng drayber naman po kayo,” sabi ng palapit
na binatilyo habang buhat-buhat nito ang batang muntikan niyang mabundol.
“Pasensiya na. Nagmamadali ako,” aniya. Hindi na niya
inaksaya ang sandali. Binuksan niya ang pinto ng sasakyan. “Sumakay na kayo.
Dadalhin ko siya sa hospital.” Habang hinihintay niya ang pagtalima ng
binatilyo, ipinikit niya ang kaniyang mga mata. “May pambihira kang kakayahan,
katulad ko, at katulad ng batang nasa loob ng sasakyan. Magtulungan tayo,” sabi
niya sa isip habang inaalala ang mukha ng binatilyo.
Pagdilat niya, tila narinig ng binatilyo ang mga sinabi
niya. Ipinasok nito ang bata, saka ito pumasok at umupo.
Bago pa nagkulay-berde ang traffic light,
nakapasok na si Jess sa sasakyan.
“Ako si Jess,” pakilala niya sa tatlo habang
nagmamaneho. “Siya si Totong. Pasensiya na, bata, kung muntikan na kitang
mabundol.” Tiningnan niya ito mula sa rear-view mirror.
“Hindi na ako bata!” galit na tugon nito. Boses-bata
ito, pero tunog-matanda ang paraan nito ng pagbigkas.
Napatingin ang tatlo sa bata. Natatawa naman si Jess,
pero pinigilan niya lamang.
“Ilang taon ka na ba?” seryoso niyang tanong. Ramdam niyang
may kakaiba sa bata, pero hindi siya maaaring pumikit upang basahin ang isip
nito.
“Eighteen.”
Napatingin ang tatlo kay Nixon, pero walang lumabas na
salita sa bibig nila.
“Believe it or not, rich kid ako, pero para akong sinumpa kasi isang araw,
paggising ko, after kong pumasok sa isang bar, naging ganito na
ako.”
“May kakaiba sa `yo, Nixon, gaya ko, gaya ni Totong,
at gaya ng nagligtas sa ‘yo kanina.” Tiningnan niya ang binatilyong hindi pa
nagpapakilala. “Lahat tayong apat ay may pambihirang kakayahan,” excited
niyang sabi. “Pinagtagpo-tagpo tayo ng Diyos. Magtulungan tayo.”
Nagpalitan ng tingin ang apat.
----
“Ram! Ram!” sunod-sunod na tawag ni Jess sa may gate
ng bahay nito, pagkatapos niyang mag-doorbell.
Ilang sandali pa, lumabas na si Ram. “Ano ba’ng
problema mo, Jess?” sabi nito habang palapit sa kaniya.
“Kinidnap si Jesrelle, at kayo lang ni Judith ang suspek
namin,” mahinahon niyang tugon.
Hindi siya pinagbuksan ng gate ni Ram, pero
nakikita nila ang isa’t isa dahil mababa lamang ang gate. “Kami? Bakit
kami?” Iniabot nito ang plane ticket sa kaniya. “Hayan! Flight ko
na mamaya. Paano ko pa magagawa ang sinasabi mo? At bakit ko gagawin `yon sa
inaanak ko? Sinasayang mo ang oras ko.”
Ibinalik ni Jess ang tiket. “Fiancée mo ba talaga
si Judith? Taga-saan siya?”
Halatang nagitla si Ram, kaya naggalit-galitan ito. “Andami
mo namang tanong! Pati buntis, dinadamay mo. Paranaoid ka na ba?”
“Sagutin mo ang mga tanong ko! Saan ko matatagpuan si
Judith?”
Binuksan ni Ram ang gate. “Pumasok ka muna.
Tatawagan ko.”
“May mga bata akong kasama.” Itinuro niya ang
nakaparadang sasakyan.
“Mga bata? Bakit? Sino sila?” Lumabas si Ram upang lumapit
sa kotse. Sumilip ito sa loob.
“Mga kaibigan ko sila. Muntikan ko nang masagasaan ang
isa, kaya kako dadalhin ko sa hospital.”
“Kaibigan? Muntikang masagasaan… Hospital… Mukhang
hindi nagdya-jibe ang kuwento mo, Jess. Child trafficker ka na
ba?” Nakalapit pa ito sa kaniya, at naitusok nito ang hintuturo sa dibdib niya.
“Ikaw yata ang kidnapper, e. Ano? Gusto mo, tumawag na ako ngayon ng
pulis?” Tinalikuran siya nito habang tumatawa na animo’y demonyo.
No comments:
Post a Comment