Followers

Tuesday, July 1, 2025

Ang Aking Journal -- Hunyo 2025

 Hunyo 1, 2025

Past 8:30 na ako nagising. Ang sarap matulog! Tiyak na mami-miss ko ito kapag nagsimula na ang klase. Kaya habang wala pa, susulitin ko na.

 

Pagbaba ko, naglaga agad ako ng kamote. Hindi pala ako nakabili ng itlog kagabi, kaya kamote at kape lang ang almusal ko. Okey na iyon. Nag-workout na rin ako habang naghihintay na maluto.

 

Past 9:30, humarap na ako sa laptop. Nag-post muna ako ng journal ko nitong Mayo 2025 sa Wattpad at sa Blogger.

 

Hindi ako agad nakaisip ng susulatin kasi nag-video ako sa feeding time ng sunbird na namugad sa garden ko. Antagal bago ko nakuhaan ang aktuwal na pagpapakain. Pero worth it naman.

 

Bandang 12:30, nakatapos na ako ng isang pang chapter ng superhero novel ko. At bandang ala-una, pagkatapos maligo, nagsimula naman akong mag-encode ng dati kong journal sa notebook.

 

Alas-9 na ako nakapag-post ng isang chapter sa Inkitt. Andami ko kasing ginawa— nakipag-chat, nagbasa, naglinis, namalengke, nagluto, at iba pa. Hindi na nga rin ako nakaidlip kahit naglatag pa ako ng kutson sa sala. Okey lang naman kasi hindi naman ako puyat.

 

Sa sala na pala ako matutulog. Tinatamad na akong umakyat. Sana mahimbing pa rin ang tulog ko.

 

 

 

Hunyo 2, 2025

Nagsisi ako kung bakit hindi ako sa kuwarto natulog. Bukod sa hindi kaya ng electric fan na itaboy ang mga lamok, nakitabi pa si Herming. Alam ko namang tatabi siya, pero hindi ako inaakalang papagitna siya sa higaan. Ako pa ang nag-adjust ng higa. Panay rin tuloy ang kamot ko, may pulgas (kuto) siguro. Haist!

 

Past 8 na ako bumangon. Past 9, nakapag-almusal na ako. Humarap na ako sa laptop para sa mga usual na gawain. At bandang 12:30, nakapagsulat ako ng ikalimang kabanata ng Elias Maticas. Na-eenjoy ko na ang nobelang ito.

 

Six o’ clock, naisulat ko na ang Chapter 152 ng nobela ko sa Inkitt. Halos maghapon kong isinulat ito dahil marami akong ibang ginawa – nag-exercise, umidlip, nagbasa, naglinis, at nagdilig. Okey na rin. Nakadalawang chapters ako ngayong araw. Bukas naman.

 

 

 

Hunyo 3, 2025

Seven-thirty, gumising na ako. Pagkalipas ng ilang minutong pagsi-cell phone, bumaba na ako para maghanda ng almusal.

 

Eight-thirty, humarap na ako sa laptop para gawin ang mga usual na gawain—encoding and writing. Sana marami akong maisulat ngayong araw.

 

At bandang 9:30, nakapag-post ako ng isang chapter. Mabilis ko lang itong nagawa kasi ginamit ko ang recovered chapter. Parang alaala lang ng tauhan.

 

Nag-workout muna ako bago nagsulat ulit. After an hour, sinimulan kong sulatin ang Chapter 154. Past 12:30, tapos ko nang isulat.

 

Pagkatapos kong umidlip, nagsulat ulit ako. Hindi ko natapos kasi lumabas ako before 6. Naglakad-lakad uli ako sa may Anyanna. Kaya lang inabutan ako ng ulan. Okey lang kasi nakabili ako ng ulam, dalawang maong pants sa ukay-ukay, avocado, at kamote. Past 7:30 na ako nakauwi.

 

Pagkatapos kumain, gumawa ako ng vlog tungkol sa sunbird. Nadiskubre ko kasi kanina bago ako umalis, na isa na lang ang inakay. Dahil pala ito sa sibling competition. Inihulog ng isa ang kapatid. Hindi ko na nakakita ang patay na inakay. Maaaring kinain na iyon ng daga.

 

 

 

 

 

Hunyo 4, 2025

Alas-siyete, gising na ako. Ginusto kong matulog uli, pero hindi na ako inantok. Past 7:20, bumaba na ako. Agad kong tiningnan ang inakay ng sunbird sa pugad. Nalungkot ako kasi wala na ito. Inisip kong nakalipad na ito, kaya okey lang.

 

Naglaga ako ng kamote para sa aking almusal. Pagkatapos mag-almusal, nagsulat na ako. Ipinagpatuloy ako ang chapter na hindi ko natapos kagabi. Sa kalagitnaan ng pagsusulat, isinisingit ko ang workout. Nakapag-vlog din ako. Sa content na iyon, gumamit ako ng dalawang saknong na tula na may pipituhing taludtod, na kasusulat ko lamang.

 

Past 10:20, nagpatuloy na ako sa pagsusulat. Ang bilis ng oras! Pero mabilis din akong magsulat, kaya quarter to 11, tapos ko na ang Chapter 155.

 

Twelve-thirty, bago ako nananghalian, Nakagawa pa ako ng isang content tungkol sa avocado. Kumain kasi ako ng isa bago ito. Hindi na ako nakapagsulat uli.

 

Mga 5:00, naglakad-lakad ako patungo sa Anyana. Inagahan ko ngayon para maliwanag pa ang pag-picture-picture.

 

Six-thirty, umuwi na ako. Mabuti, hindi umulan.

 

 

 

 

Hunyo 5, 2025

Alas-5, gising na ako. Pupunta ako sa school. Magkikita-kita kami ng Tupa friends. At ipamimigay ko na rin ang cards ng tatlong estudyanteng hindi kumuha noong April 16. Ipapamigay ko na rin ang graduation pictures.

 

Alas-8 naroon na ako. Nakapagsulat ako ng sanaysay, na gagamitin ko sa vlog, habang naghihintay.

 

Hindi ko naipamigay ang pictures kasi wala si Sir Joel. At may natira pang isang card. Buwisit talaga ang isang iyon.

 

Naging masarap ang kainan at kuwentuhan naming magkakaibigan. Napuno na naman kami ang tsismisan at tawanan.

 

Past 2, umuwi na kami kasi sinundo na si Ms. Krizzy. Ako naman, tumambay muna sa PITX dahil sobrang init pa. At inaantok ako.

 

Mga past 4, bumiyahe na ako pauwi. Past 5 ako nakarating sa bahay. Gumawa ako ng content pagkatapos magkape.

 

Isinulat ko muna ito:

 

Malaya Ka ba?

 

Isang araw, nakaramdam ako ng pagkabagot. Parang paulit-ulit lang ang ginagawa ko. Nakakasawa. Nakakapagod.

 

Kaya naisipan kong maglakad-lakad.

 

Bakasyon pa naman, pero para akong nakakulong. Malaya naman akong gawin ang gusto ko, pero hindi ko alam kung bakit hindi ko nagagawa.

 

Nakaka-miss maging bata dahil nagagawa nila ang mga bagay na gustuhin nila.

 

Ayaw ko rin namang mainggit sa baka, na panay lang ang sabsab ng damo.

 

Gusto ko sanang maging katulad ng mga sasakyan, malayang magtungo kung saan. Subalit, sa panahon ngayon, bawat kibot ay gastos. Kulang na lang, bilhin na natin ang sariwang hangin. Ang tubig nga'y ibinubote na para ipagbili.

 

Sa sobrang kalayaan ng mga tao, nakakalimutan na ang kalikasan, ang kasimplehan ng buhay. Pulos na lang pagpapaunlad. At ginagawang pamantayan ng tagumpay ang kayamanan.

 

Sa sobrang kalayaan sa mundo, parang nakakulong na ang lahat sa teknolohiya at pagbabago.

 

Naupo nga ako sa concrete barrier nang patalikod sa kalsada. Noon ko napansin ang mataas na gusaling hitik sa CCTV cameras, matataas na bakod, at makakapal na rehas.

 

Bigla akong nalungkot nang mapansin ko ang isang lalaking kumakaway sa akin, na animo'y nagsasabing "Hello! Mabuti ka pa-- malaya."

 

Nais tumulo ng aking luha nang aking mapagtanto na dapat kong ipagpasalamat ang kalayaang aking natatamasa. Hindi katulad ng mga lalaking nakatanaw sa akin, mula sa rehas, malaya akong gawin ang aking mga naisin, pero hindi dapat lumabis sa kalayaang nararapat.

 

Ang aking paglalakad-lakad ay nagbukas sa aking mga mata at kumatok sa aking puso. Marami akong napagtanto. At sa susunod kung paglalakad-lakad patungo kung saan, sigurado akong marami na naman akong aral na mapupulot at matutuhan.

 

 

Hunyo 6, 2025

Alas-otso na ako nagising. Ang sarap matulog! Kahit paano ay nakabawi ako sa puyat ko kagabi.

 

Past 9, tapos na akong mag-almusal. Humarap na ako sa laptop para magtrabaho. Gusto kong makagasa ako nang marami ngayon. Nagsulat ako ng narrative essay para sa content ko habang nagwo-workout. Past 11, nai-post ko na iyon.

 

Tamad na tamad ako ngayong araw. Hindi ko nga natapos ang chapter ng nobela na sinimulan ko. At bandang 10 pm, antok na antok na ako kaya nag-off na ako ng laptop, cell phone, at wifi. Hindi na ako nakapanood ng PBB.

 

 

 

Hunyo 7, 2025

Past 6 nang nagising ako. Gusto ko pa sanang matulog pero hindi na ako pinagbigyan ng mga mata ko. Okey lang din naman kasi marami pa akong aasikasihin, gaya ng inquiry ni Auntie Emole sa beach front na inaalok namin ni Ma’am Amy. Nais niyang puntahan.

 

Hayun nga! Chinat ko agad si Ma’am Amy habang nagluluto ako ng almusal. Past 9, okey-okey na. Na-chat ko na rin si Auntie Emole. Waiting na lang ng update sa aming broker na si Ma’am Amy Drilon Aguila.

 

Na-reply-an ko na rin si Ma’am Lea. Tumawag siya noong isang araw. Hindi ko sinagot. Tungkol pala iyon sa speakership ko sa Valenzuela City about writing. Naramdaman ko na iyon, pero nanaig ang akala kong ililipat uli ako sa Grade 4.

 

Past 9, gumawa ako ng content. After 30 minutes, posted na iyon. Nag-workout naman ako.

 

Tamad na tamad na naman ako ngayong araw. Bago at pagkatapos ngang kumain, nahiga ako at sinikap na makatulog. Past 2:30, saka ako naligo. Wala na naman akong na-accomplish maghapon.

 

Alas-kuwatro y medya, lumabas ako para magmeryenda at maglakad-lakad. Nabuburyong na kasi ako sa bahay. At nagsawa na rin ako sa paulit-ulit na meryenda. Hayun, nag-enjoy naman ako sa labas. Marami akong nakuhanang videos, na pang-content.

 

Past 6:30, umuwi na ako. Dumaan muna ako sa Dali para magpa-cash in, na isi-send ko kay Emily—pamasahe nila ni Ion pabalik dito. Namili na rin ako ng pagkain para bukas.

 

Pagkatapos manood ng PBB saka maghugas ng mga pinagkainan, nagsulat na ako. Sa wakas, nakapag-post din ng isang chapter.

 

Maaga akong natulog. Siguro, mga passado alas-diyes iyon.

 

 

 

Hunyo 8, 2025

Grabe! Almost 9 o’ clock na akong nagising. Hindi na ako nagbabad sa higaan. Bumaba agad ako para maghanda ng almusal. Pagkatapos mag-almusal, naglaba ako. Isang salang lang naman ang labahin ko, pero ayaw kong abutan pa iyon ng pasukan. Past 10:30, nakapagsampay na ako.

 

Naputol ang pagwo-workout ko kasi kinailangan kong bumili ng lulutuin. Nag-crave ako sa tinolang manok, kaya iyon ang niluto ko. Ipinagpatuloy ko ang pagwo-workout kahit nagluluto.

 

Ang sarap ng kain ko! Lutong bahay is the best! Inantok ako, kaya pinagbigyan ko pagkatapos kong maligo. Pero hindi naman ako nakatulog dahil nanood ako ng movie sa YT.

 

Past 6, nakapagsulat at nakagawa ako ng content, gamit ang video na nakuhaan ko kahapon.

 

Narito ang voiceover:

 

Ang Guryon

 

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang dalawang bata, na nagpapalipad ng guryon. Ang guryon ay isang uri ng malaking saranggola. Naging interesado ako dahil ni minsan ay hindi pa ako nakapagpalipad ng guryon. Nakapagpalipad naman ako ng saranggola, pero sa tingin ko, mas mahirap paliparin ang guryon.

 

Pinagmasdan ko sila. Sa una, nahirapan silang paliparin ang guryon dahil wala raw hangin.

 

At habang kinukuhaan ko sila ng video, marami akong napagtanto at natutuhan.

 

Napagtanto ko na may mga taong mapagkontrol. Paliliparin ka nga niya ngunit nakatali ka at hawak ka niya. Kahit gaano pa kataas ang marating mo, kaya ka niyang hilaan pababa.

 

Natutuhan ko rin ang tamang pagpapalipad ng guryon. Upang mapalipad ito, kailangan may isang hahawak sa guryon at may ipa pang hahawak sa pisi. Kailangang itong ihagis pataas upang maitangay ng hangin. Doon magsisimulang magmaniobra ng taong may hawak ng pisi.

 

Kapag mataas na ng guryon, layunin ng nagkontrol nito na mas mapalayo at mapatas pa ito. Napansin kong niluluwagan niya ang hawak sa pisi upang bumaba ang guryon, saka niya muling hihilain upang lalong lumipad pataas.

 

Napagtanto ko na ang mga taong nagtatagumpay ay kadalasang nakararanas ng pagbulusok at pagbagsak. Sa buhay, maging guryon tayo. Huwag tayong matakot bumagsak kung ang kapalit nito ang mas mataas na pag-angat.

 

Bago ko iniwan ang dalawang bata na nakilala ko na sina Ken at Jay-- si Ken ang batang may hawak ng pisi, Nakita kong bumagsak sa bubungan ang kanilang guryon. Ngunit hindi sila sumuko. Nang makuhang muli ang goryon, nagpatuloy sila sa pagpapalipad hanggang sa tuluyan silang nagtagumpay.

 

Nagpatuloy na rin ako sa paglalakad-lakad. Madilim na nang bumalik ako. Pauwi na rin sila. Naabutan ko pa silang nagliligpit. May pagkakataon pa akong sabihan sila ng “Ang galing niyo.”

 

Meron pa silang mas malaking guryon. Kako, napalipad niyo ba ito? Hindi raw. Bukas naman daw dahil madilim na. “Ingat po!” sabi pa sa akin ni Ken. Nakakatuwa! Bukas, kung papalarin, nais kong makita ulit kung paano silang magpalipad ng guryon.

 

 

 

 

Hunyo 9, 2025

Alas-3 pa lang, gising na ako para dyuminggil. Alas-4 pa dapat ako babangon para maghanda sa pagtungo sa school, pero hindi na ako nakatulog. After 20 minutes, bumaba na ako.

 

Past 4, umalis na ako sa bahay. Past 6, nasa school na ako. Pang-apat ako sa teachers na dumating. Nauna sina Mareng Lorie, Sir Jess at Ma'am Amy.

 

Matagal pa nagsimula ang parada kaya nakapag-bonding pa kaming magkakaibigan. At nang nagsimula, may tatlong Sinag Writing Club members akong kasama sa paglakad. Mabuti may tatlo pa, ang isa kasi, nasa kabilang asosasyon.

 

Mabilis lang ang parada, gayundin ang opening program. Wala masyadong kaik-ikan. Kaya nagsimula agad ang paglilinis ng mga volunteers. Ako naman ay nagturo sa dalawang members kung paano magsulat ng balita at lathalain upang maisulat nila ang kaganapan.

 

Namigay na rin ako ng graduation pictures sa classroom ni Ms. Krizzy habang nakikipag-bonding sa kaniya at kay Sir Erwin. Hinihintay na rin namin ang inorder naming pagkain.

 

Alas-3, umuwi na kami. Inabutan ako ng ulan sa Baclaran. Mabuti, nakabili na ako ng payong.

 

Past 4, nasa PITX na ako. Since nanghihingi sina Hanna at Zildjian ng pambili ng sapatos at gamit sa school, nag-cash in ako sa PayN'Go sa Rustan's PITX.

 

Alam na alam kung successful ang transaction. Four thousand pesos ang pinadala ko, at wala namang iniluwang pera. Resibo ang inilabas. Pero kakaiba angnakasulat.

 

Transaction Status: Cancelled

Amount: P4,000

Cash Inserted: P3,000

 

Nag-chat at tumawag ako kay Hanna. Offline siya, kaya umuwi na ako. Dapat pala bumalik ako sa Rustan's. Kaya pala ayaw ko pang umuwi.

 

Haist! Nakauwi na ako saka nag-reply si Hanna. Wala raw siyang natanggap. Sobrang nakaka-depress.

 

Kinailangan kong bumalik sa PITX para mabawi ang pera. Kung kinain nhmga, dapat iniluwa. Kaya lang, may kasunod ako sa pila. Baka nakuha na niya. Pero sana kung iluluwa, hindi muna nagluwa ng resibo. Sana may nakalagay na 'Failed.' Wala e, kaya umaasa akong okey na, lalo na't antok na antok ako. Isa pa, sanay ako na kapag may resibo, successful na iyon. Iba pala.

Maaaring nagkulang ako, pero sana makabalik sa akin. Ito ang panalangin ko habang nasa bus ako.

 

Six, dumating ako sa PITX. Nagpakahinahon ako para matulungan ako ng mga staff doon. At nalaman ko nga na dapat makuha ko ang OTP na sinend kay Hanna.

 

Nadismaya ako nang wala raw dumating. Pero willing tumulong ang guard. Tinuruan niya akong pag-log in sa Pay and Go site. Nagawa ko naman, pero matagal. Tapos, pinangakuan akong tatawagan kapag nabawi nila sa GCash ang pera. Kapag pumunta raw doon, iri-raise nila ang concern ko. Kinuha niya an details ko.

 

Uuwi na sana ako nang mag-chat si Hanna. Dumatin na ang PIN. Hayun, bumalik ako. At nadiskubre kong hindi lang ako ang nabiktima. Marami kami.

 

Tinuruan ako ng babaeng staff, nabawi ko ang P3k. Mas okey na kesa wala. Pero binigyan pa ako ng pag-asa ng guard. Tutulungan pa rin niya ako, kaya umuwi na ako. Kahit paano, nabawasan ang stress ko. Sayang ang P1k, kaya sana makabalik sa akin.

 

Alas-8 na ako nakabiyahe pauwi. Gutom na gutom ako, kaya bago ako umakyat, kumain muna ako. Mainit pa rin ang ulo ko. Grabeng panghihinayang ko. Dalang-dala na ako.

 

Bago ako natulog, gumawa ako ng balita. Literal na balita. May voiceover din. Hindi man ganoon kaganda ang speaking voice ko, pero okey na. Mahahasa rin ako.

 

Nagsulat din ako ng isa pang salaysay tungkol sa biyahe ko kanina, na ginawa ko ring content. Narito:

 

Biyaheng May Misyon

 

Pasado alas-4 pa lang, naglalakad na ako patungong tricycle terminal. Mas maaga pa rito ang alis ko kapag may pasok sa eskuwela, kaya sanay na ako.

 

Pagkatapos nga ng isang buwang uninterrupted vacation at tatlong linggo pang pahinga, muli akong bibiyahe nang maaga patungong school.

 

Sa pag-aabang pa lamang ng bus ay pahirapan na. Suwerte na lamang na maituturing kung makakaupo ka. At kapag minalas-malas, standing ovation ka mula pagsakay mo hanggang sa pagbaba mo.

 

Ngayong araw, hindi ako pinalad na makaupo at makaidlip man lang sa loob ng 45 minutes na biyahe mula Tanza hanggang PITX.

 

At kung mahirap ang pagsakay, mahirap din ang pagbaba. Nag-uunahang makababa ang lahat. Ikaw na nakatayo mula sa Cavite hanggang terminal, baka ikaw pa ang mahuling bumaba kung papatay-patay ka. Kung mamalasin pa, baka may naiwanan ka pa sa bus o baka nadukutan ka pa.

 

Ngayong araw, ang uminit ang ulo ko sa konduktor kasi pasakay siya nang pasakay. Nais niyang magsiksikan kami sa likod, kaya sabi niya, “Pakisuyo naman, urong nang kaunti. Pakisuyo.” Sabi ko nga, “Wala pa namang sasakay, ah.”

 

Hindi pa nakuntento ang konduktor… Sabi niya, “Pakisuyo, sa isang side lang. Sa isang side lang.”

 

Sinagot siya ng nasa dulo… “Saan kami sasandal?”

 

Inulit pa ng konduktor ang sinabi niya kaya lalo akong nainis. Sabi ko, “Pati pa naman pagtayo namin, iuutos mo pa sa amin.” Hindi siya nakaimik.

 

Kadalasang napapaaway ako sa konduktor tuwing nakatayo ako. Kaya mas gusto kong nakaupo sa may bintana para wala akong pakialam. Hindi ako nasasagi-sagi, at higit sa lahat, nakakaidlip ako. Power nap. Kailangan iyon ng isang gurong katulad ko para pagdating sa school, haharap ako sa klase ko nang masaya at masigla.

 

Kaya sa mga estudyante at mga magulang na hindi makaunawa sa sitwasyon ng mga guro, na araw-araw bumibiyahe nang malayo, salamat sa inyo! Patuloy pa rin kaming bibiyahe dahil kailangan. Hindi lamang ito usaping suweldo, kundi misyon. Sana unawain, suportahan, at tulungan niyo kami sa misyong ito.

 

Pasado alas-sais na nang makarating ako sa school. Dumaan man ako sa animo’y giyera, pero masaya pa rin akong magseserbisyo sa paaralang aking minahal ng mahigit labing-apat na taon na.

 

 

 

 

 

Hunyo 10, 2025

Six, umalis na ako sa bahay. Nakapag-almusal pa ako ng kanin. Past 8, nasa school na ako. Naroon na ang mga kaTupa ko.

 

Past 8, naisipan kong mag-storytelling sa mga estudyanteng naroon, na naghihintay ng culminating activities para sa summer reading camp. Natuwa ako sa pagiging attentive at active nila. Muli ko na namang napatunayan na kailangan talaga ng mga bata ang ganoong gawain.

 

Nine, nag-zumba kami. Isa ito sa mga activities na nasa matrix. Bago magsimulang maglinis ang mga magulang, nagpapawis muna sa pagsasayaw.

 

Nakalibre naman ako ng lunch ngayon kasi nagpakain si Sir Jess. Masarap na sinigang ang aming pinagsaluhan.

Siyempre, hindi nawala ang umpukan, tawanan, biruan, at tsismisan naming magkakaibigan. Kompleto kami dahil dumating na si Ate Bel. May magulang pang nagbigay ng biko kaya bago kami umuwi bandang 2:45, nakapagmeryenda na kami.

 

Sa dalawang araw na pagpunta sa school, wala pa akong nagalaw sa classroom ko. Halos wala pang gumagalaw dahil wala pang pa-meeting ang principal. Ang lahat ay nagtatanong kung anong grade at saan room kami. May mga magaganap kaming lipatan, palitan, tanggalan, at dagdagan. Subalit bukas, magpapamiting siya sa mga MTs at GLs.

 

Umidlip muna ako pagdating ko, bandang alas-singko.

 

Past 6, nagsulat ako ng journal na ito. Then, nag-workout na ako habang nanonood ng balita.

 

Bago mag-9, nakagawa ako ng isang content. Thirty-eight seconds lang kaya mabilis ko lang natapos lagyan ng voiceover. Pero hindi na ako nakapanood ng PBB kasi sobrang antok ko na.

 

 

 

Hunyo 11, 2025

Ayaw ko sanang pumunta sa school dahil umuulan at nag-diarrhea ako bandang 4 am. Pero bumangon pa rin ako. Six-thirty na ako nakaalis sa bahay. Nag-almusal muna ako. Past 9 na ako nakarating sa school.

 

Nagkaroon ako ng chance na makakuwentuhan si Ma’am Joelli—ka-roommate ko last school year.

Kahit paano ay nakilala ko siya at naipakilala ko rin ang sarili ko sa kaniya.

 

After ng aming sagana at masayang lunch, nag-isa ako sa room ni Ms. Krizzy dahil may meeting ang mga GLs at MTs sa principal. Hinintay ko sila nang napakatagal. Natapos sila bandang 6, pero kailangan ko pang hintayin si Ms. Krizzy kasi piniwan siya ni Madam. Hayun, 7:30 na yata kami nakaalis sa school. Okey lang naman. Same grade level at room pa rin ako.

 

Past 9:30 na ako nakauwi sa bahay. Kumain agad ako.

 

Mga 10 pm, nag-online meeting kami nina Ma’am Vi at Ms. Krizzy tungkol sa mga lipatan issue sa school. Nagpapalipat na si Ma’am Vi. Ayaw na niya sa Grade 6. 

 

 

 

 

 

 

Hunyo 12, 2025

Alas-otso na ako nagising. Ang sarap matulog dahil malamig ang panahon. At dahil holiday ngayon—Araw ng Kalayaan, hindi ko kailangang pumunta sa school.

 

Gumawa ako ng content bago ako nakapag-almusal. Si Emily ang naghanda.

 

Na-inspired akong maging content creator dahil unti-unti ko nang nararamdaman si Meta. Sana dumami ang followers at sumusuporta sa content ko. At sana rin mapanatili ko ang paggawa ng interesting contents.

 

Dahil dumagsa ang followers, hindi ako natulog para ma-follow back ko sila. Kailangan ko munang panoorin o i-like ang kanilang post bago ko pindutin ang Follow button.

 

Hapon, Nakagawa pa ako ng content tungkol sa bagong pitas na atis. Nakakuha ako ng dalawang hinog. For the first time, nakatikim ako ng bunga ng tanim ko. Si Emily ang unang nakatikim ng unang bunga. Ang tatlong hinog na bunga kasi ay nalaglag lang noong isang araw.

 

 

 

Hunyo 13, 2025

Alas-3:30, gising na ako. Gusto kong makarating ng school nang maaga upang maaga akong makapaglinis. Nagawa ko naman iyon. Quarter to 6, nakapaga-almusal na ako at nakapag-time in.

 

Agad kong sinimulan ang paglilinis. Namorblema ako sa mga gamit ni Sir Rey. May isang cabinet siya at tatlong shelves sa room namin ni Ma’am Joelli. Mas marami pa ang gamit niya kesa sa amin.

 

Past 8, saka dumating si Ma’am Joelli. Tinulungan na niya akong maglinis. Siya ang nag-mop. Ako naman ang naglinis ang apat na wall fan.

 

Ten-thirty, bumaba na ako para hintayin ang mga ka-Tupa ko. Eleven kasi ay tutungo kami sa Teamway para mag-lunch. Birthday blowout iyon ni Ma’am Mel sa amin.

 

Past 11, nasa Tramway na kami. Gutom na gutom na ako kaya agad akong lumantak ng pagkain. Marami akong nakakain kaya pag-uwi namin ay parang ambigat ng tiyan ko.

 

Past 2, pagbalik sa school, sinimulan ko ulit ang paglilinis. Nagbuhat pa kami ni Ma’am Joelli ng long table mula 2nd floor. Nagbuhat din ako ng mga monoblock chairs mula sa covered court.

 

Past 5:30, umuwi na kaming Tupa. Bukas naman.

 

Alas-8, nasa bahay na ako. May trangkaso ang maybahay ko, pero may pagkain naman.

 

Past 11 na ako natulog kasi nanood pa ako ng PBB.

 

 

 

 

Hunyo 14, 2025

Nag-decide akong hindi na lang pumunta sa school kasi walang mag-aasikaso kay Emily. Kailangang gumaling na siya. Maipagluto ko man lang siya ang sinabawang isda.

 

Pagkatapos mag-almusal, naglaba na ako. Mabilis ko lang natapos iyon kaya nakapamalengke pa ako. At habang nakaasin ang isdang iluluto ko, humarap na ako sa laptop. Gumawa muna ako ng content.

 

Nag-content din ako habang nagluluto.

 

Five o’ clock, habang nagsusulat ako ng nobela para sa Inkitt, nawalan ng internet. Nainis ako kasi kailangan ko pa naman ng connection. Marami akong isinisingit-singit habang nagsusulat, gaya ng pag-eedit ng nobela. Nagri-research din ako. Sumasagot sa mga comment ng mga followers at friends sa mga post ko. Haist! Kakabuwisit ang Converge!

 

Past 7:30, bumalik ang connection, pero ilang minuto lang, nawala na naman. Mabuti, nakapag-post na ako ng isa pang video at nakapag-comment back. 

 

After an hour, bumalik na ulit. Kaya nakapag-post na ako ng isang chapter sa Inkitt.

 

Past 10, nasa taas na ako. Eleven ako nag-off ng ilaw at wifi.

 

 

 

 

Hunyo 15, 2025

Father’s Day ngayon. Hindi maayos ang tulog ko dahil sa init at mga panaginip na parang nakikipag-usap lang sa mga pamilyar na tao.

 

Past 6:30, gising na ako. Nag-cell phone lang ako bago bumaba. Nakipag-engage ako sa mga followers ko.

 

Past 8, nakapag-almusal na kami ni Emily. Siya ang naghanda. Si Ion, kababangon lang. Aalis pa naman kami ngayon.

 

Bago mag-10 umalis na kami sa bahay. Dumaan muna kami sa ShoePrise PH sa may Tejero para bumili ng rubber shoes nina Ion at Emily. Gusto ko sanang mamili siya ng dalawa, pero isa lang daw ang gusto niya. Okey lang naman. At least P1299 lang ang dalawang sapatos. Ang isa para kay Emily.

 

Sunod, pumunta kami sa Rosario, sa may EPZA. Pumasok kami sa isang RTW store doon para naman bumili ng iba pa niyang kailangan, gaya ng maong pants, leather shoes, medyas, at iba pa. Bumili rin si Emily ng sapatos niya at iba pa. Almost P3000 din ang nagastos ko roon.

 

Sa Giligan’s SM Rosario kami nananghalian. Nag-dessert kami sa Yogurtime. Bumili kami ng alcohol at altar candle sa Ace Hardware bago umuwi.

 

Past 1:30, nasa bahay na kami. Masaya ako sa araw na ito dahil napasaya ko ang aking mag-ina. May bibilhin pang school supplies si Ion, it means, may gagastusan pa, pero okey lang. May tira pa naman.

 

Gumawa ako ng maraming content, na ipo-post ko bukas kasi tiyak na mabi-busy ako sa first day of school.

 

Maaga akong natulog, pero nahirapan akong makatulog nang mahimbing. Hindi naman ako excited, pero sanay na ako na tuwing maglulunes ay puyat ako o minsan ay wala talagang tulog.

 

 

 

 

Hunyo 16, 2025

Kulang na kulang ako sa tulog. Grabe ang parusa sa akin ng tuwing Lunes. Palagi na lang akong puyat. Pero kahit gayon, bumangon ako para makapasok nang maaga. Ayaw kong matrapik.

 

Nagawa ko namang makarating sa school at makapag-almusal bago ang flag ceremony.

 

Naging maayos din naman ang first day of school. Mukhang mababait na bata ang mga napunta sa akin kahit kami ang lowest section.

 

Nagawa ko agad silang pasulatin ng mga salaysay. Marami pang dapat i-develop sa kanila, pero handa akong tulungan sila upang lumago.

 

Hindi ako nagalit sa kanila buong six hours na kami ay magkakasama. Marami ang mahihina at kulang na kulang sa kasanayan, kaya kailangan kong maging matiyaga para sa kanilang paglago.

 

After class, nakisalo ako kay Ms. Krizzy. Kanin lang ang binili ko kasi may ulam na siya. Nakipagkuwentuhan na rin ako sa kaniya tungkol sa isyu sa aming school.

 

Bago mag-2 pm, nauna na akong lumabas para mai-withdraw ko ang cash allowance at mai-deposit ko para sa lote sa San Juan. Nagawa ko iyon bandang 2:45. At past 3;30, nasa bahay na ako.

 

Tiyempo, paalis na si Emily, kaya nasolo ko ang bahay. Nasa school kasi si Ion. Panghapon na siya. Nakaidlip ako kahit paano bago ako nagkape at gumawa ng content.

 

Nagsulat muna ako ng pang-voiceover. Narito:

 

Espesyal ang Araw na Ito

 

Kagabi pa lang, June 15, handang-handa na ako sa isa na namang school year sa buhay ko. Plantsado na ang limang uniporme para sa isang linggong pagtuturo sa mga kabataang nagbibigay sa akin ng pambihirang lakas, katatagan, at inspirasyon.

 

Kaya kinabukasan, pagkatapos maligo at magbihis, maaga akong umalis sa bahay. Wala pang alas-kuwarto ay naglalakad na ako patungong tricycle terminal. Ito ang normal na oras ng pag-alis ko upang hindi ako maipit sa trapiko pagdating sa Kalakhang Maynila.

 

Sa terminal pa lamang, kadalasang natatagalan na ako sa paghihintay sa mga kapuwa-pasahero ko. Kung bibiyahe akong mag-isa, espesyal iyon. Mahal ang babayaran ko. Kaya, no choice, kundi maghintay ng tatlo pang kasama.

 

Nagyong araw, tila pumabor sa akin ang pagkakataon dahil nakasakay kaagad ako. At pagdating sa highway, tila hinintay ako ng bus na makababa sa traysikel.

 

Kahit nakasakay ako agad sa bus, natagalan naman ito sa pagpuno ng mga pasahero. At dahil marami pang bakanteng upuan, matagal ang naging biyahe namin. Mabuti na lang, nakapagsuot ako ng jacket. Sobrang lamig ng bus na iyon.

 

Sasakay uli ako ng bus patunggong Baclaran, at doon sasakay uli ako ng dyip patungo sa pinapasukan ko. Kadalasan, sa dyip ako nangangamba na baka ito ang makapagpa-late sa akin.

 

Subalit sa araw na ito, parang sinusuwerte ako dahil naging mabilis ang aking pagbiyahe. Nakakapagod lang.

 

Bago ako nag-time in, bumili muna ako ng almusal sa katapat na karinderya.

 

Ang almusal ang hinding-hindi ko pinalalampas tuwing pumapasok dahil ito ang nagbibigay ng sigla at lakas sa akin para sa anim na oras na pagtuturo at pag-handle sa mga mag-aaral.

 

Kailangan ko lang bilisan ang pagkain ko para makababa agad ako. First day of school ngayon kaya kailangan kong salubungin sa ground ang mga bago kong mag-aaral. Isa pa, magkakaroon muna ng flag ceremony.

 

Sa wakas, na-meet ko na ang bago kong mga anak. Sila ang makakasama ko sa loob ng sampung buwan. Espesyal sila sa akin dahil sila ang magmamarka ng aking ikalabinlimang taong teaching experience sa paaralang ito. Sila ang ikalabinlimang advisory class na tuturuan, tutulungan, iddi-develop, aalagaan, mamahalin, at i-inspire ko. 

 

Espesyal ang araw na ito para sa akin dahil ito ang eksaktong araw ng aking 15 years in service. Puwede na akong mag-retire, pero hindi muna.

 

---

 

Marami agad ang naka-view ng content na ito. Marami-rami na rin ang nagpaabot ng pagbati.

 

Nahirapan na naman akong matulog ngayong gabi. Hatinggabi na, gising pa ako. Haist!

 

 

 

Hunyo 17, 2025

Second day of School Year 2025-2026. Puyat na puyat na rin ako. Para na akong zombie. Pero hindi nito napigilan ang eagerness at determinasyon kong pumasok.

 

Past 5:30, nasa classroom na nga ako—nag-aalmusal ng suman at kape.

 

Sa klase, mas gamay ko na sila. Pero nagsisimula na silang maging magulo at maingay. Kaya naman, kinailangan kong magsermon at magalit paminsan-minsan. Sa tingin ko, kayang-kaya ko sila.

 

Nagpabasa ako sa kanila upang malaman ko ang reading level ng bawat isa. Mabuti na lang, nag-devise ng material si Sir Joel K. Helpful iyon para sa kanila. Mabilis ko lang natukoy ang kanilang level.

May isa lang akong Level 2 sa English at Level 3 sa Filipino. Kailangan kong tulungan siyang makabasa.

 

Nagpa-activity rin ako— writing. At pinatikim ko na sila ng game-based learning. Tuwang-tuwa sila.

 

Nakaraos din ang ikalawang araw. Dumaan pa ang mga supervisors habang may pa-game ako. Mabuti, wala silang negatibong komento. Or else, makakatikim sila sa akin ng resbak.

 

After class, nag-lunch kami ni Ms.Krizzy sa room niya. And nag-dessert kami ni Ate Bel ng cake na pangmayaman, na bigay ni Mayora, na galing sa kapatid niya.

 

Before 1, umuwi na kami. Nakisabay ako sa sundo ni Ms. Krizzy, gayundin si Ate Bel.

 

Antok na antok ako sa biyahe pero nang nakauwi ako bandang 2:30, hindi naman ako nakatulog. Past 3:30, bumaba na ako para magkape at gumawa ng content.

 

Past 6, nag-workout ako. Nakakatamad pero kailangan ko itong ipagpatuloy kahit pakonti-konti.

 

Nanghiram ako ng isang sachet ng First Vita Plus kay Emily para maaga akong antukin. So, hayun nga, mga past nine, nag-off na ako ng wifi at ilaw. Hindi na rin ako nanood ng PBB. Effective!

 

 

 

 

Hunyo 18, 2025

Kahit paano, mahaba-haba ang naging tulog ko. Ang ganda talaga ng epekto ng FVP.

 

Past 5;30, nasa classroom na ako. May estudyante akong nauna pa sa akin. Nakita pa tuloy nila ang pag-aalmusal at pagkakape ko. Pero marami rin naman ang late, kaya nang oras na para magklase, pinagsabihan ko muna sila. Sinabi ko kung gaano ko pinahahalagahan ang bawat minuto.

 

Naging maayos naman ang 3rd day namin. Unti-unti ko na silang nakikilala. Unti-unti ko na rin nila akong nakikilala.

 

Nag-test kami ng Phil-IRI at NMP, nag-elect kami ng class officers, at nagpa-height and weight sa nurse.

 

Nag-birthday treat si Sir Jess sa lahat ng guro, pero mas marami kaming pagkain sa Guidance. Nagsalo-salo kaming Grade 6 teachers doon. Pagkatapos, bandang 1:45, umuwi na kami.

 

Sumabay ako kay Ma’am Wylenne. Nagkuwentuhan kami tungkol sa writing contest. Hinikayat ko siyang sumali sa mga sinasalihan namin ni Ma’m Joann.

 

Past 3:30, nasa bahay na ako. Agad akong umidlip. Nagising na lang bandang past 5 nang humingi si Emily ng pambayad sa FVP na inorder niya.

 

Bago mag-6, nagkape at kumain na ako ng hapunan. Kinain ko ang pagkaing pinaorder ko kay Ms. Krizzy. Pagkain sana namin iyon kung walang handa si Sir Jess. Late na kasi siyang nagsabi.

 

Nakagawa ako ng isang content bago ako nanood ng BQ. Pagkatapos nito, nag-off na ako ng laptop para magpahinga.

 

 

 

Hunyo 19, 2025

Effective talaga ang First Vita Plus! Alam kong tuloy-tuloy ang tulog ko kagabi. Nagising na lang ako sa alarm bandang 3;30. Kaya naman, masigla akong pumasok sa eskuwela. After 2 hours, nasa classroom na ako—nakapag-almusal na.

 

Nagpalitan kami ng klase bandang 7:00. Tig-iisang oras kami sa bawat section. Okey naman ang ideyang iyon. At least, na-meet namin ang lahat ng estudyante. Naikumpara ko ang bawat isa. Kapansin-pansin talaga ang mga pasaway na estudyante.

 

Nagpa-written activity at performance task agad ako. Halos lahat ay gumawa, pero kakaunti lang ang nag-perform.

 

After class, nakikain ako sa late birthday blowout ni Ms. Krizzy sa Grade 1 teachers. Nakalibre na naman ako. Nakisabay rin ako, gaya ni Ate Bel, sa Grab car na ni-book niya.

 

Past 3:30, nasa bahay na ako. Natagalana ko kasi nagpa-cash in pa ako.

 

Umidlip muna ako pagkatapos magbayad ng bills through GCash. Bandang 5:00, nagkape ako.

 

Gumawa ako ng content. Ginamit ko ang mga pictures ko noong GTA2024 awarding. Ginamit ko rin ang sanaysay ko na isinulat ko noon sa journalism training. Past 7, nai-post ko na ito. Pagkatapos, gumawa uli ako habang nagwo-workout— pasingit-singit lang. Nakagawa pa ako ng dalawa.

 

 

 

Hunyo 20, 2025

Thank God, it’s Friday. Masigla akong pumasok. Confident din ako sa suot ko, kaya nag-manifest iyon sa bawat klaseng ni-handle ko nang nagpalitan kami ng klase.

 

Isang napakalungkot na balita ang natanggap naming mga guro. Pumanaw na ngayon ang dati naming kaguro na si Ma’am Dang. Kahit nailipat siya bago mag-pandemic sa VABES, kilala namin siya. Alam namin ang hirap na pinagdaanan niya sa buhay may-asawa. Sa laki ng sahod niya, hindi niya naipagamot ang sarili. Humantong iyon sa enlargement of the heart.

 

Haist! Nakakalungkot. Wala na nga siyang anak, maaga pa siyang binawi.

 

After class, nag-birthday treat si Sir Joel sa Tramway, kasama ang mga kasamahan namin sa Grade 6. Nabusog lang ako. Umalis agad kami. Mahina rin silang kumain.

 

Pagbalik sa school, nag-out lang ako, saka umuwi agad. Past 3, nasa bahay na ako.

 

Umidlip hanggang 5 pagkatapos mag-post sa FB.

 

 

Hunyo 21, 2025

Past 6 pa lang gising na ako. Grabe! Nasanay na naman ang mata at katawan ko sa maagang gising. Gustuhin ko mang matulog, hindi na ako pinagbigyan. Kaya nag-cell phone na lang ako hanggang 7.

 

Pagbaba ko, nag-stay ako sa garden. Naghanap ako ng mako-content. Ang mga African giant land snail ang nakita ko. Kay ang-video ako, and later, ginawan ko ng video, gamit ang voiceover na ito:

 

Pest or Pet

 

Nag-uulan-ulan na naman! Kaya ang mga Giant African land snail ay nagsisilabasan. Mula sa mahabang hibernation ang kanilang pinanggalingan. Oo, ang mga susong ito ay nag-hibernate o natulog lang. Sa panahon ng tag-init, sarili nila’y kailangang protektahan.

 

 Noong kasagsagan ng tag-init, bihira silang gumalaw upang gutom ay maiwasan. Kumakain din sila, pero paunti-unti lang.

 

Sa tagal nilang nag-hibernate, sikmura nila ngayon ay kumakalam. Kaya ang aking mga halaman, kanilang nilalantakan. Para silang mga politikong gumastos nang milyon-milyon noong halalan, kaya ngayon oras na ng singilan.

 

At ngayong mamasa-masa na ang lupa, sila’y nagsisilabasan mula sa kanilang pinagtaguan-- upang manginain nang ang sikmura ay malamnan at mabundat ang tiyan. Nagpapalaki sila at nagpapayaman, tag-init ay kanilang pinaghahandaan. Kagaya ng ilang mga may katungkulan, na ang susunod na eleksiyon na agad ang pinopokusan, hindi ang problema ng bayan.

 

Ang African giant land snail ay maaaring peste sa ating halamanan. Nasa ating mga kamay ang paraan.

 

---

 

Nakuhaan ko rin ng video ang pagpitas ko ng hinog na atis sa aming bakuran.

 

Dahil si Emily ang namalengke at nagluto, inilaan ko naman ang oras ko para sa pag-eedit ng nobela ko. Gusto ko sanang magsulat ng YA novel, pero hindi pa ako inspired. Nasimulan ko naman ang Chapter 6 ng Elias Maticas pero hindi ko natapos. Pagkatapos kasi ng lunch, natulog ako. Gumawa rin ako ng content.

 

Past 6, nang huminto ang ulan, lumabas ako para i-withdraw ang living allowance na pumasok sa ATM kahapon. Past 7 na ako nakauwi. Nanood agad ako ng PBB. Hindi pa ako nakapag-workout.

 

Maaga akong natulog. Mga past 10. He-he!

 

 

 

 

Hunyo 22, 2025

Maaga na naman akong nagising—mga past 6. Nag-cell phone muna ako isinagawa ang isang abs routine bago bumaba para magkape at maglaba.

 

Habang naglalaba, gumawa ako sa garden. Tinabas ko ang mga halamang gumagapang sa bakod, na patungo na sa bubong ng kapitbahay. Nag-tanim din ako ng ilang cuttings, at nag-video ng wasps versus bee.

 

Past 8, tapos na akong maglaba. Dahil tulog pa ang mag-ina ko, ako na rin ang naghanda ng almusal. Before 9, humarap na ako sa laptop. Andaming inquiries sa post kong lote. Kaya lang, wala palang location iyon, kaya kinailangan ko pang mag-chat kay Ma’am Amy.

 

Na-inspire akong mag-real estate kaya gumawa ako ng isa pang content. Heto ang ginamit kong voiceover:

 

Napakahalaga ng sariling bahay.

 

Lumaki ako’t nagkapamilya nang walang sariling bahay. Sobrang hirap talaga ang pakikipisan, pagpapalipat-lipat,  gayundin ang pangungupahan.

 

Nang nagkaroon ako ng permanenteng trabaho, may nag-alok sa akin ng bahay. Dalawa. Dalawang beses akong nakasama sa tripping sa location, pero hindi ako kumuha dahil sa takot.

 

Takot akong makipagsapalaran. Akala ko, hindi ko kayang bayaran o hulugan sa takdang panahon, kaya nagpatuloy ako sa pangungupahan.

 

Anim na taon ang lumipas, saka lamang ako nagdesisyong kumuha ng sariling lupa’t bahay sa Cavite dahil walang napupuntahan ang sahod ko. Dumidiretso lang sa bulsa ng landlord o landlady.

 

Nagsisi talaga ako.

 

Ngayon, masasabi kong hindi nakakatakot ang pagkakaroon ng sariling bahay, basta mayroon ka lamang permanenteng trabaho. Mas nakakatakot ang manatiling walang bahay, samantalang may trabaho naman.

 

Kaya kumuha ka na. Huwag ka nang mag-alinlangan pa. Nagmamahal ang lupa, kung hindi ka pa kukuha ngayon, baka mas lalong hindi mo na kayang ma-avail. Nakakapagsisi ang gano’n.

 

Sana na-inspire ka… Usap tayo, kaibigan.

 

After a few minutes, posted na ito sa wall ko. Sana may ma-closed deal ako.

 

---

 

Ipinagpatuloy ko ang pagsusulat ng YA. Bago mag-1, natapos ko na ang isang kabanata. Sinikap ko namang makatulog, pero nabigo ako. Sa halip, ay nagbasa ako ng mga winning entries sa Palanca. Then, naghanda ako ng entries ko. Ang ‘Puyos’ ang ipapanlaban ko. Nilikom ko rin ang mga tulang pambata na magkakapareho ng paksa. Kulang pa ako ng apat. Dapat kasi ay sampu hanggang 15.

 

Past 5, pagdating ni Emily mula sa simbahan, umalis ako para magpagupit. Inabutan ako ng almost 7 sa barber shop. Andami na namang clients na naunang pumila.

 

 

 

 

Hunyo 23, 2025

Nahirapan naman akong matulog nang maayos, pero mas okey-okey ngayon kesa noong nakaraang Lunes. Hindi naman ako excited pumasok, pero parang atat na atat akong magising. Nauna pa ako sa alarm.

 

Maaga akong nakarating sa school. Nakapag-almusal pa ako sa karinderya. Kanin at itlog nga lang kasi iyon pa lang ang available. Okey na rin naman kaysa walang laman ang sikmura ko.

 

Naging maayos naman ang palitan namin ng klase. Hindi ako nakapagturo sa Love kasi dumating ang Bethany. At ang nalalabing oras ay ginamit ko sa pagkuha ang kanilang birthdays, na kailangan sa mga reports.

 

Ang kuwentong ‘Si Dindo Pundido’ ang ginamit kong springboard sa pagtuturo ng aralin sa Filipino 6. Na-enjoy ko ang storytelling. At sa palagay ko, sila rin. Nadaan pa nga ako ng principal habang hawak ang aklat. Narinig niya ako, sigurado ako.

 

Naging mabilis ang oras dahil nagpalitan kami. Napakagaan. Kaya lang may LAC session kami bandang 1:00 tungkol sa RMA, Phil-IRI, at CRLA. Natapos kami bandang 2:00. Umuwi agad ako.

 

Basang-basa ang laylayan ng slacks ko at medyas ko nang nakauwi ako. Mabuti na lang talaga, hindi na ako nagsasapatos papunta at pauwi. Tsinelas na lang. Nasa classroom na lang ang sapatos ko.

 

Hinarap ko agad ang mga reports ko pagdating. Isiningit ko na lang ang pagmemeryenda. Nag-record na rin ako ng mga quizzes. Pagkatapos, gumawa ako ng PPT sa Filipino 6, na gagamitin ko bukas. Tiyak na mag-eenjoy ang mga estudyante ko dahil game-based ito.

 

Past 6:30, nag-stay na ako sa kuwarto para mag-workout. Gumawa muna ako ng content. Tula at video ng walking ang ginawa ko.  

 

Hindi ko natapos panoorin ang PBB kasi kailangan ko nang matulog nang maaga.

 

 

 

Hunyo 24, 2025

Ang hirap talagang gumising nang maaga, pero hindi puwedeng hindi. Kailangan kong magtrabaho. Kailangan kong pumasok para sa mga kabataan at pamilya ko.

 

Mainit ang ulo ko kaya hindi ko itinuloy ang palaro ko sa Love. Sa kalagitnaan kasi ng lesson ko, ayaw nilang tumayo para mag-participate. Sinermunan ko sila kasi kapag kailangan tumahimik at umupo, hindi nila ginagawa, pero kanina nang pinatatayo para magsalita, ayaw nila. Bad trip! Naging demonyo na naman tuloy ako.

 

Bumawi ako sa lahat ng natitirang sections. Naging maayos at masaya naman ako sa kanila. Natutuwa ang lahat. Gustong-gusto nila ang palaro pagkatapos ng discussion.

 

Umuwi agad ako pagkatapos kumain sa karinderya. Ang init sa Pasay nang umalis ako, pero sa Cavite, hindi masyado. Umulan pa nga pagdating ko sa bahay.

 

Umidlip muna ako bago ako nagmeryenda. At pagkatapos niyon, humarap na ako sa laptop para mag-record at gumawa ng kung ano-anong reports. Kasali rin pala ako sa SIKAP Program. Ito ay Science-based remedial program, kaya gumawa ako ng masterlist mula sa draft ng listahan na nakalapa namin kanina ni Ma’am Madz. Before 7, almost na ang mga reports ko. Nanood na ako ng PBB at balita. Isiningit ko na rin ang pagwo-workout. Pero hindi na ako nanood ng live na PBB.

 

 

 

 

Hunyo 25, 2025

Medyo maayos ang tulog ko ngayon. Nasa mood rin akong pumasok at magturo. At sa wakas, nang hinarap ko ang Love, naging maayos ang talakayan namin. Sa palagay ko, na-enjoy nila ang aming lesson, lalo na’t may pa-game ako.

 

At sigurado akong nag-enjoy ang apat pang section sa aking lesson at palaro. Gustong-gusto at inaabangan talaga nila ang aking pa-game. Sana hindi ako magsawang maghanda ang ganitong teaching material.

 

After lunch sa classroom ni Ms. Krizzy—bandang 1, umuwi na kami. Past 2:30, nasa bahay na ako. Hindi na ako natulog. Nagmeryenda na lang ako at gumawa ng PPTS-- lesson para bukas at summative test sa Friday.

 

Inabutan ako ng gabi sa paggawa, pero nakapag-workout ako, nakagawa ng content, at nakapanood ng PBB, na aired kagabi. At maaga ulit akong natulog.

 

 

 

Hunyo 26, 2025

Naging maayos ang lahat ng klase ko sa Filipino. Nag-enjoy ang lahat sa lesson at palaro ko. Naging mabilis ang oras, kaya hindi ko ramdam ang stress at pagod.

 

After class, pumunta kami sa burol ni Ate Dang sa St. Peter Parañaque. Kasama ko sina Ma’am Anne, Ma’am Bel, Ms. Krizzy. Nakisakay kami sa sasakyan ng kumare nilang teacher sa PVES.

 

Pagdating doon, lungkot na lungkot ako sa nangyari kay Ate Dang. Halata sa hitsura ng kaniyang mga labi ang hirap, pagod, at sakit na pinagdaanan. Pero okey na rin na binawi na siya ng Diyos para hindi na siya mahirapan.

 

Past 4, nakisabay naman ako sa sasakyan ni Ma’am Amy. Nakisabay rin sina Ma’am Anne at Mareng Lorie.

 

Past 6 na ako nakauwi. Masakit ang ulo ko, kaya wala ako sa mood mag-workout. Nakadalawang routine lang ako.

 

Natulog ako nang maaga.

 

 

 

Hunyo 27, 2025

Nagpalitan kami ng klase kahit shortened classes at hindi umakyat si Ma’am Amy. Nagpasulat ako ng kuwento mula sa isang larawan. Okey naman ang Love at Faith, pero nagalit ako sa Charity, especially kina RB at Mika. Nakaka-highblood ang mga ugali. Mabuti na lang, tumigil sila agad.

 

Medyo naglabas din ako ng sama ng loob sa 1st HRPTA Meeting dahil nang nag-start ako, wala pang sampu ang kaharap ko. Disappointing ang attendance, pero sinimulan ko. At namalayan ko na lang na halos mapuno na ang classroom.

 

Nasabi ko halos ang mga gusto kong sabihin. Wala naman silang negative reactions at disagreements dahil alam kong nasapol ang mga puso nila. Isa pa, para sa mga estudyante naman ang iniisip ko.

 

May ilan lang akong nakalimutan, pero ayos lang. Ang mahalaga, mas marami ngayon ang attendance kaysa sa mga dati kong homeroom meeting. Nasa 30 plus ngayon ang attendees.

 

Pagkatapos niyon, kumain muna ako saglit, saka kami nagtuos ni Ma’am Mel. Nag-accounting kami ng sales namin sa mga zines noong April 15. Umaabot na ng P4,100 ang gross sales namin.

 

Past 1:45, umuwi na ako. Past 3 ako nakarating sa bahay. Hindi na ako naka-idlip, nag-reply kasi ako ng mga chats ng parents at iba pa. Pagkatapos, gumawa ako ng contents, nag-workout, at nanood ng PBB.

 

Pagkatapos manood ng BQ, inantok na ako. Hindi ko na nahintay ang PBB.

 

 

 

Hunyo 28, 2025

Past 6, gising na ako. Hindi na ako nakatulog. Nag-cell phone na lang ako sa higaan. At past 7, bumaba na ako para mag-almusal. Naramdaman ko na kasi si Emily. Ready na ang almusal. Naglalaba na siya.

 

Pagkatapos mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Nga-record muna ako ng ilang quizzes ng mga estudyante ko. Then, nag-chat ako kay Ma’am Joann kung ready na ang kaniyang Palanca entries. Nagkasundo kaming sa Monday na kami magpa-notary.

 

Isinunod ko ang paghahanda ng isa ko pang entry—mga tulang pambata. Pagkatapos nito, nagbasa na ako ng mga pinasulat kong kuwento tungkol sa larawan. May napili akong isa, na isasali ko sa Romeo Forbes. Lalo naman akong na sumulat ng entry ko.

 

Pagkatapos mag-record ng scores, gumawa naman ako ng content.

 

Hapon, umidlip ako. Hindi man ako nakatulog, pero nakapagpahinga ako.

 

Past 5, nag-walking kami ni Emily sa may Anyana. Sinamahan niya rin akong mag-withdraw sa may munisipyo. Bumili na rin kami ng saging at avocado sa palengke, kung saan kami dumaan.

 

Past 6, umuwi na kami. Nag-video lang ako roon para may pang-content ako.

 

Naghiwalay kami bago umuwi kasi nagpa-cash in ako para pambayad sa Pagibig Housing Loan.

 

Pagdating ko, sumulat ako ng lathalain tungkol sa benepisyo ng paglalakad, na gagamitin ko sa content. Past 9:30 na ako natapos mag-edit.

 

Pagkatapos kong manood ng PBB, natulog na ako.

 

 

 

Hunyo 29, 2025

Almost 7, gising na ako. Nag-workout lang muna ako bago bumaba para mag-almusal at maglaba. Umalis si Emily nang maaga pero wala siyang inihandang almusal, kaya ako na ang naghanda.

 

Bago mag 7:30, tapos na akong magsampay ng mga nilabhan ko. Humarap na ako sa laptop para magsulat at gumawa ng PPT.

 

Past 10:30, nakatapos na ako ng isang PPT sa Filipino 6 at Nakagawa ako ng content tungkol sa basura. Narito ang voiceover ko:

 

 

Ang mga tao raw ang pinakamatalinong hayop sa balat ng lupa. Pero tingnan ninyo ang gawa ng mga tao!

 

Basura!

 

Katalinuhan bang natatawag ito? Ni sariling basura ay hindi maisinop at maitapon sa tamang basurahan. Kawawa ang kalikasan. Kawawa ang mga hayop at ibang taong naaapektuhan.

 

Winawasak natin ang kalikasan. Kahit saan na lang may basurang nakakalat. Ginagawa nating tapunan ang ating kapaligiran. Pero kapag nakaranas ng matinding baha, nagsisisihan.

 

Talo pa tayo ng mga hayop! Kagubatan, na kanilang tirahan, ay hindi nila dinudumihan. Kadalasan tayo pa nga ang nagkakalat at nag-iiwan ng basura. Tayo pa ang sumisira ng kanilang tahanan.

 

Kung magpapatuloy ang ating kawalang-disiplina sa pagtatapon ng basura, mas mabuti pa sa atin ang mga hayop.

 

---

 

Gusto ko sanang mag-walking, kaya lang inaantok ako. Pinagbigyan ko na lang ang sarili ko. Pero hindi naman yata ako nakatulog. Nagsulat na lang ako. Gumawa ng content. Nag-finalize din ako ng zines, saka gumawa ng ads. Kahit paano, naging productive ako ngayong araw.

 

 

 

 

Hunyo 30, 2025

Maaga akong nakarating sa school. Nakapag-almusal pa ako bago nagsidatingan ang mga estudyante ko.

 

Nagpa-summative test lang ako sa lahat ng sections, kaya hindi masyadong stress. Sa Charity lang talaga ako nagalit. Nakakainis kasi ang ugali ng isang estudyanteng babae. Nadadamay ang isa pang pasaway. Kung wala siya, okey naman kami. Haist.

 

Pagkatapos ng klase, nag-lunch lang ako sa classroom ni Ms. Krizzy. Naabutan ko rin doon si Ate Bel. Nagkuwentuhan kami saglit bago sila umuwi. Nagpaiwana ko kasi magpapanotaryo kami ni Ma’am Joann ng entries namin sa Palanca Awards.

 

Inayos muna namin ang entry form namin bago kami pumunta sa notary public sa may Comelec. Nagpa-print din kami niyon kay Ate Jing. At bandang 3, notarized na iyon.

 

Umuwi na ako. Bumalik naman si Ma’am Joann sa school. Siya na at si Ate Jing ang mag-i-scan niyon.

 

Past 5 na ako nakauwi sa bahay. Gutom na gutom ako, kaya nagkape ako at kumain ng bahaw. Mabuti may tirang ulam si Emily, kaya napunan ang sikmura ko. Nai-submit ko na ang dalawang entries ko—maikling kuwentong pambata at tula para sa mga bata. Natulungan ko rin si Ma’am Joann sa editing ng entry niya. At nakasulat ako nito upang gamiting caption sa cropped photo ng Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature-- `yung medal:

 

Dear Carlos,

Kumusta na ba ako pagkatapos kitang hanapin noon sa Makati dalawampu’t limang taon na ang nakalipas?

 

Heto, lumalaban pa rin. Ito na ang pangalawa. Hindi, pangatlo. Ito na ang pangatlong beses kong lalaban para sa `yo.

 

Noong 2000, kung hindi ako nagkakamali, dinala ko ang kayumangging enbelop, na naglalaman ng makinilyadong manuskrito. Nakiusap pa ako sa guwardiya, na sana ipaabot sa iyo ang aking lahok. Ang totoo, hindi ko alam kung wasto ba ang paraan ng aking pagsumite, pero umasa akong natanggap mo iyon.

 

Alam kong suntok sa buwan ang pangarap kong mapansin mo, pero umasa ako. Ilang beses kong inabangan sa Liwayway ang listahan ng mga nagwagi sa atensiyon mo. Alam kong doon lamang din lalabas ang resulta sapagkat doon ko rin nakuha ang impormasyon tungkol sa iyo.

 

At sa tagal ng aking paghihintay, nainip ako. Kinalimutan kita… Oo, pero panandalian lang. Ikaw pa rin ang lagi kong nasa isip. Kaya nagpatuloy ako sa pagtipa. Pagkatha. At paglalakbay sa mundo ng panulat. Hanggang lumipas ang mahigit labinlimang taon… Naalala kita.

 

Muli kitang hinanap. Kasama ko ang kapatid ko sa panulat. Bago ang pandemya noon, nilakad-takbo namin ang tanggapan mo sa Makati. Ikalawang beses kong gagawin iyon. Halos maligaw kami sa paghahanap sa ‘yo. Pero bago kami mapagsarhan ng pinto, nakapagpasa kami ng aming mga lahok— sa unang pagkakataon. Hindi, pangalawa. Pangalawa na iyon, pero unang beses na alam kong tama ang proseso ko.

 

Umaasa ulit akong mapapansin mo ako, subalit nabigo ako. Masakit. Oo, masakit. Pero hindi katulad ng sakit na naramdaman ko nang ipinagpalit ako ng babaeng mahal na mahal ko.

 

Nanghina ako. Nawalan ng pag-asa. Nawalan ng tiwala. Pero hindi ako sumuko. Hindi susuko. Kaya naisip kong lumaban ulit pagkatapos kong magpalakas.  

 

At sa pangalawang beses, hindi pala—pangatlo, hinanap kita. Hindi na kita pinuntahan sa iyong tanggapan. Naabot kita online. Sa unang beses, ito na ang pinakatamang prosesong nagawa ko upang ipasa ang aking lahok.

 

Sa wakas, one click away ka na lang. At sana… mapansin mo na ako.

 

Umaasa,

Froilan

 

----

 

Nanood pa ako ng PBB bago natulog.

Ang Aking Journal -- Hunyo 2025

 Hunyo 1, 2025 Past 8:30 na ako nagising. Ang sarap matulog! Tiyak na mami-miss ko ito kapag nagsimula na ang klase. Kaya habang wala pa, ...