Maruming kanal ba kamo? Marami niyan sa paligid mo. Kaya kapag bumaha, “Yak, kadiri!” ang sabi mo. Pagkatapos ng baha, wala ka pa ring gagawin sa kapaligiran mo. Tsk-tsk!
Mabuti ang Indian Pennywort at Brake Fern ay mga halamang
naglilinis ng kapaligiran. Ayon sa mga siyentipiko na nagsagawa ng
komprehinsibong pag-aaral sa Nanyang Technological University- Singapore, ang
mga naturang halaman ay dalawa sa labindalawang halamang may kakayahang maging detox
specialists ng kalikasan.
Sa apatnapu’t anim na halamang sinuri, ang Indian Pennywort
at Brake Fern ay nakitaan ng potensiyal na maging epektibong magtanggal ng
mapanganib na bakal mula sa maruruming lupa, na maaaring matagpuan sa mga
kanal. Ang mga halamang ito ay makatatanggal ng cadmium, lead, arsenic,
at chromium— na pawang mga mapaminsalang elemento. Phytoremediation ang
tawag sa natural na prosesong ito.
Ang mga halamang ito ay nabubuhay sa mamasa-masa o matubig
na lugar, kaya mainam itong itanim o alagaan sa mga kanal.
Ang makakalikasang solusyong ito ay dapat mabigyang-pansin
sapagkat, bukod sa natural at walang gagamiting kemikal, napakamura pa.
Magtatanim lang ng mga halamang ito, may botanical cleaners na tayo. Ang
maruruming kanal, kapag tinamnan ng mga ito ay tiyak na malilinis.
Samantalang ang paggamit ng mga tradisyonal na pamamaraan ay
magastos. Nangangailangan ito ng mamahaling makinarya at mag kemikal na
mapanganib sa kalusugan at kalikasan.
Maruming kanal ba ang gusto mo? Puwes, balewalain mo ang
impormasyong ito. Tandaan, ang kalikasang sinisira mo ay siya pang madalas ang
sumasagip sa buhay mo.
No comments:
Post a Comment