Followers

Thursday, July 10, 2025

Maraming Tanong si Tinong

“Mama, magkano ang bili mo sa isda na `yan?” tanong ni Tinong

 

“Dalawandaang piso,” sagot ng ina habang nagkakaliskis ng isda.

 

“Ano ang tawag sa isda na `yan?”

 

“Ito ang tinatawag na isdang lapulapu.”

 

“Ha? Hindi po ba bayani si Lapu-Lapu?”

 

Natatawa ang ina. “Oo, pero wala itong kinalaman sa bayaning si Lapu-Lapu. Kapangalan lang.”

 

“E, sino ang nagpangalan ng lapulapu?”

 

“Hindi ko alam, Tinong. Ang alam ko lang, tinatawag din itong pugapo o abo-abo sa ibang lugar.”

 

“Bakit po abo-abo?”

 

“Kadalasan kasing abuhin ang kulay nito.”

 

“E, bakit hindi naman iyan kulay-abo?”

 

“May iba’t ibang kulay ng lapulapu. May kulay-kahel. May itim. May pula. At may batik-batik din ang iba.”

 

Sandaling natahimik si Tinong habang hinihiwa ng ina ang isda.

 

“Mama, ilang hiwa ang gagawin mo riyan?” tanong ni Tinong.

 

“Anim na hiwa.”

 

“Aling bahagi po ang akin diyan?”

 

Nginitian muna siya ng ina. “Itong ulo, gusto mo?”

 

Napaurong si Tinong sa takot. “Yay! Ayaw ko po niyan. Nakakatakot ang itsura.”

 

“Kanino na lang pala ito?”

 

Biglang nalungkot si Tinong. Hindi siya agad nakasagot. “Kay Papa sana, kaya lang hindi pa siya umuuwi.”

 

Nagpatuloy ang ina sa paghiwa ng isda hanggang sa matapos.

 

“Kailan uuwi si Papa?” tanong ni Tinong.

 

Hinuhugasan na noon ng ina ang mga hiniwang isda.

 

“Hindi ko alam. Maglaro ka na roon. Andami mo na namang tanong, Tinong,” pabulyaw na tugon ng ina.

 

“Bakit hindi mo alam, Mama?”

 

“Tinong, pakiusap, tama na ang tanong.” Kinuha nito ang asinan, at binudburan ng asin ang mga hiniwang isda.

 

“Saan si Papa ngayon, Mama? Kailan siya uuwi?” Humihikbi na si Tinong.

 

“Hindi na siya uuwi. May iba na siyang pamilya. Okey ka na? Nasagot ko na ba ang mga tanong mo?”

 

“Ha? Totoo po ba?”

 

“Oo, Tinong, totoo, kaya tumigil ka na sa kahihintay sa pagbabalik ng ama mo.”

 

“Paano na ako? Paano ka na? Paano na tayo?” Umiiyak na si Tinong.

 

Naghugas muna ng kamay ang ina, saka hinarap si Tinong. “Kahit gaano kahirap, Tinong, kakayanin natin. Tuloy lang ang buhay. Kakayanin nating dalawa kahit wala ang papa mo. Kaya tama na ang pagtatanong tungkol sa kaniya kasi kung gaano karami ang tanong mo, ganoon din karami ang kasagutan. Napakahirap."

 

“Gaano karami ang kasagutan sa mga tanong ko?”

 

Niyakap na lamang siya ng ina. “Kasingdami ng pagmamahal ko sa ‘yo. Huwag nang maraming tanong, ha? Tahan na. Ipagluluto kita nga cocidong lapulapu. Tiyak magugustuhan mo iyon.”

 

“Yehey! Salamat, Mama!” Yumakap pa si Tinong sa ina.

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Tatlong Letter Z

Estudyante: “Tulog po si Juan.” (Yuyugyugin sana ang balikat ng kaklaseng tulog.)   Guro: Huwag mong gisingin. Hayaan mo lang. Mahirap m...