Followers

Saturday, July 12, 2025

Bawat Isa

 Bawat Isa

 

 

“Leonardo, pakibasa nga ang unang pangungusap,” sabi ni Binibining Flordeliza.

 

Yumuko lang si Leonardo, at tila walang narinig.

 

“Ma’am, hindi po siya marunong magbasa,” sumbong ni Rance, na kaniyang katabi.

 

“Ha? Kaya pala napakatamihik mo… Sige, tutulong kaming lahat para makabasa ka? Gusto mo ba iyon?”

 

Tumango lang si Leonardo.

 

“O, sige, makinig ang tanan!” Pinukaw ni Bb. Flordeliza ang atensiyon ng klase. “Kailanman, hindi nabibigo ang taong palaging sumusubok. Sa ganang akin, anoman ang naisin natin ay ating kakamtin, kung tayo ay magpupunyagi na iyon ay abutin.”

 

Matamang na nakikinig ang balana. Ang bawat isa ay interesadong makatulong. Panaka-naka na ring tumitingin si Leonardo sa kanilang guro.

 

“Karamihan sa inyo ay mahuhusay nang magbasa. Kaya anoman ang leksiyon natin ay kaya ninyong unawain. Ang pakiusap ko sa iba sa inyo ay magbigay sana ng panahon kay Leonardo, sa bakanteng oras, na turuan siyang magbasa,” patuloy ni Bb. Flordeliza. “Sinoman sa inyo ay may obligasyong moral kay Leonardo. At mas masarap daw sa pakiramdam ang nakatutulong kaysa sa humihingi ng tulong.”

 

“Ma’am, gusto ko pang makatulong,” sabi ni Ginalyn pagkatapos magtaas ng kamay.

 

“Sige, Ginalyn, isa ka sa mga maaaring tumulong kay Leonardo,” sabi ng guro.

 

“Ma’am, ako po, saanman ako magpunta, palagi akong may dalang aklat, na maaari kong basahin, sa halip na magselpon ako,” sabi ni Mark.

 

“Maganda iyan, Mark! Ang kagalingan sa pagbabasa ay nagmumula talaga sa pagmamahal sa pagbabasa.”

 

“Ma’am!” Nagtaas muna ng kamay si Dayanara bago nagsalita. “Magdo-donate po ako ng mga babasahin para may mabasa si Leonardo.”

 

“Salamat, salamat, Dayanara,” wika ng guro. “Ilanman ang madala mong babasahin ay malaking tulong na.”

 

Marami pa ang nagtaas ng kamay, at gustong tumulong, kaya natuwa ang guro. Halos maiyak naman sa ligaya si Leonardo. Noon niya lamang napagtanto na marami pala ang nagmamalasakit sa kaniya.

 

“Ang ilan sa inyo ay hindi man nagbahagi sa ngayon, pero naniniwala akong may maganda kayong plano para kay Leonardo. Maaari kayong magsalit-salitan sa pagtuturo. Maaari din kayong magpahiram ng babasahin, na mayroon kayo sa inyong tahanan. Alinman sa mga iyon ay makabuluhang bagay.”

 

Sumang-ayon ang buong klase ni Bb. Flordeliza. At sa araw na iyon, sinimulan agad nila ang pagtulong kay Leonardo. Tinulungan din ni Leonardo ang sarili. Nakinig siya nang mabuti sa mga kaklase at guro. Nagtiyaga siyang magbasa. Minsan man siyang sumuko, pero nagpatuloy pa rin siya sa pagbabasa. Tinanggap at pinahalagahan niya ang mga tulong ng mga kaklase at guro. 

 

Sa araw-araw nilang ginagawa ang mga iyon, nagkaroon ng malaking pagbabago sa kakayahang magbasa ni Leonardo. Bumili rin si Bb. Flordeliza ng karagdagang aklat-pambata upang mabasa ni Leonardo, gayundin ng iba pang mga mag-aaral. Magkanoman ang nagastos niya ay hindi niya iyon inisip sapagkat, diumano, walang katumbas na halaga ang matulungan niyang makabasa si Leonardo.

 

Lumipas pa ang mga linggo at buwan, nakakabasa na si Leonardo. Sa tulong niya sa sarili at pagpapahalaga sa tulong ng mga kaklase at guro, hindi na lang siya marunong magbasa, mahusay siyang umunawa at bumigkas ng mga salita, parirala, at pangungusap.

 

Sa Araw ng Pagtatapos, tinawag ng gurong ng palatuntunan si Leonardo upang magbigay ng mensahe.

 

“Ang pagmamahal sa pagbabasa ay nararapat talagang kamtin ang bawat isa. At wala ako sa entabladong ito kung hindi dahil                                                                                           sa inyong pagmamahal, mga kaklase ko at Binibining Flordeliza. Muli, maraming salamat sa inyong lahat.”

 

Hindi lang nagpalakpalan ang madla, nag-iyakan pa ang ilan dahil sa ligaya at tgaumpay ni Leonardo.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

Bawat Isa

 Bawat Isa     “Leonardo, pakibasa nga ang unang pangungusap,” sabi ni Binibining Flordeliza.   Yumuko lang si Leonardo, at tila w...