Followers

Tuesday, July 22, 2025

Karosel na Manok

Malapit na ang pista sa Barangay Mabini. Eksayted na si Jip-Jip na sumakay uli sa karosel, kaya inihanda na niya ang kawa.

 

Nagtungo naman siya sa ilog at kumuha ng tatlong bato, na mas malaki at mas mahaba pa sa kaniyang ulo. Ibinaon niya ang mga iyon nang kaunti sa lupa nang magkakaharap.

 

Pagkatapos, nagtungo siya sa kakahuyan, habang sukbit ang sundang ng kaniyang ama. Kukuha siya ng mga tuyong sanga ng punongkahoy, na gagamitin niyang panggatong. Kumuha rin siya ng palapa ng niyog at tuyong kawayan.

 

Kinabukasan, maaga siyang pumunta sa sabungan, na bagong gawa. Gusto niyang mauna roon upang makapili siya ng puwesto.

 

“Wow! Ang ganda naman!” sabi niya nang makita ang sabungan.

 

Gawa sa kagingking ang mga bakod ng sabungan. Ang mga poste nito ay mula sa troso ng punong niyog. Ang mga upuang nakapaligid rito ay malalapad na tabla.

 

“Tiktilaok!”

 

Napalingon si Jip-Jip sa mag-amang parating.

 

“Kumusta, Jip-Jip? Magrurupdop ka rin ba?” bati sa kaniya ni Tiyo Atong.

 

Bago siya nakasagot, nakita niya ang pinsang si Luloy, na may dala ring kawa. “Opo! Dito ako pupuwesto.” Itinuro niya ang kaniyang kawa, mga panggatong, at mga bato.

 

“Diyan ako nakapuwesto dati! Bakit kukunin mo?” naiinis na sabi ni Luloy.

 

“Oo nga, pero ako naman ang nauna rito ngayon. Maghanap ka ng puwesto mo.” Nagmadali siyang naglagay ng mga panggatong sa pagitan ng mga bato.

 

Tinulungan naman ng kaniyang Tiyo Atong ang si Luloy na maghanap ng puwesto. Subalit ramdam niya ang galit ng kaniyang pinsan. Kasingtalim ng tari ang tingin nito sa kaniya.

 

“Dapat tulungan na lang niya si Tiyo Atong,” bulong ni Jip-Jip. Kasing tulis ng sundang ang nguso niya.

 

Kinahapunan, unti-unti nang dumarating ang mga sabungero at mga mananaya sa sabungan. Bukod sa tilaok ng mga panabong na manok, maririnig din ang usapan ng mga naroon.

 

“Manoy Julian, dito ka sa akin magparupdop, ha?” Tiningnan siya ni Luloy.

 

Tiningnan naman siya ni Manoy Julian. “O, sige.”

 

Habang nagpaparikit siya ng apoy, natanaw niya si Luloy na iniisa-isa ang mga sabungero. Hindi naman niya iyon magagawa agad. “Palibhasa katulong niya ang tatay niya sa pagpaparikit.” Nag-aapoy na rin siya sa inis.

 

Habang kumukulo ang tubig sa kawa, pinagmamasdan niya si Tiyo Atong. Tinatarian nito ang bulawong manok ni Manoy Julian.

 

“Pangalawang laban na nito,” pagbibida ni Manoy Julian.

 

“Ako ang nagrupdop ng manok na tinalo niyan noong nakaraang taon. At ako ang humawak niyan habang tinatarian ni Papa. Ang suwerte ko talaga,” pagbibida rin ni Luloy.

 

“Ako na po ang hahawak ng manok niyo, baka suwertihin po kayo,” alok ni Jip-Jip kay Tata Lucio habang tinatarian ang manok nito.

 

“Sige nga, baka ikaw nga ang magpanalo sa akin ngayon.” Maingat na ibinigay sa kaniya ni Tata Lucio ang pulang manok.

 

“Kapag nanalo po ito, rupdupan ko po ang kalaban, ha?”

 

“Siyempre naman.”

 

Nakangisi niyang tiningnan si Luloy. Sa tingin niya, kumukulo na rin ang dugo nito sa inis.

 

Pagkatapos ng pagtatari, agad na sinimulan ang pustahan.

 

“Sa pula! Sa bulawon!” sigaw ng kristo. “Sa pula! Sa bulawon!”

 

Labis ang kaba ni Jip-Jip habang nakasilip sa ilalim ng upuan. Nakita niya ang mga senyasan ng mga mananaya. Naririnid din niya ang mga sinasabi ng kristo.

 

“Diyes!”

 

“Sobra! Sobra!”


“Pares!”

 

Sa kabila ng ingay ng pustahan, mas naririnig niya ang boses ni Luloy. Kumukulo ang dugo niya sa kaniyang pinsan, kaya bumalik na lamang siya sa pinakukulo niyang tubig.

 

Hindi nagtagal, lumakas pa ang sigawan. Naisip niyang parang nagboboksing na ang magkalabang manok. Napapasigaw ang madla tuwing may natatamaan.

 

Lumipas ang ilang sandali, may nanalo na. Natanaw niya si Luloy, na laylay ang balikat. Napalitan ng awa ang inis niya.

 

Tahimik na ginatungan ni Jip-Jip ang pinakukulong tubig sa kawa.

 

“O, Jip-Jip, rupdupan mo na ito.” Inabot sa kaniya ni Tata Lucio ang natalong manok.

 

“Salamat, Tata Lucio! Ang suwerte ko!”

 

“Oo, kaya heto ang bayad ko sa `yo, kasama na ang balato.”

 

“Salamat!” Nakangisi siyang tumingin kay Luloy.

 

“Nakatsamba ka lang.” Parang narinig niyang nagsalita ito.

 

Natatawa na lamang siya habang inilulubog niya sa kumukulong tubig ang natalong manok. Pagkatapos, mabilis siyang tumakbo patungo sa ilog upang tanggalan iyon ng balahibo.

 

“Sa puti! Sa talisayon!” sigaw ng kristo.  “Sa puti! Sa talisayon!”

 

Iyan ang narinig ni Jip-Jip nang makabalik siya sa kaniyang puwesto. Isinabit muna niya sa puno ng bayabas ang nilinisang manok, saka dali-dali niyang inayos ang mga gatong.

 

“Llamado ang talisayon. Dehado ang puti,” sabi ng kristo, saka nagsimulang ang pustahan at senyasan. “Kumpra na!”

 

Sa kabila ng ingay, hinanap niya si Luloy. At natagpuan niya ito malapit sa may pintuan ng sabungan.

 

“Bakit nandito ka rin? Nauna na ako rito,” galit na sabi ni Luloy sa kaniya.

 

“Mag-aabang din ako.”

 

“E, nauna na nga ako. Ako naman ang kukuha sa natalong manok.”

 

“Bahala na, kung kanino ibibigay.”

 

“Ang daya mo! Katatapos mo lang.”

 

“Hindi kita dinadaya.”

 

“Pero ako nga ang nauna rito.”

 

“Kahit na… Hindi mo naman kausap ang mga may-ari ng mga panabong.”


“A, basta! Ako naman!” 

 

“Ganito na lang para hindi tayo mag-away,” mahinahong sabi ni Jip-Jip. “Ikaw sa llamado. Ako sa dehado.”

 

Saglit na nag-isip si Luloy. “Sige. Pustahan, hindi mananalo ang dehado.”

 

“Tingnan natin.” Bumalik na siya sa kaniyang puwesto.

 

“Sultada na!” deklara ng kristo.

 

Hindi pa nagtatagal, nagsigawan na ang mga sabungero at mananaya. Sigurado siyang nagsasalpukan na ang mga tandang.

 

“Sapul! Nasa tagiliran!”

 

“Tumirik na!”

 

“Nagkubkob! Ayaw na!”

 

Lumalaglab ang apoy ng pinakukuluang tubig ni Luloy, katulad. Kulong-kulo naman ang tubig sa kawa ni Jip-Jip.

 

“Nanalo ang dehado,” narinig niyang sabi ni Tiyo Atong kay Luloy.

 

Parang panabong na manok na tumikwas si Jip-Jip dahil sa narinig. At kaagad na bumalik sa may tarangkahan ng sabungan upang abangan ang natalong manok.

 

Habang binabanlian ni Jip-Jip ang manok na talisayon, nilapitan siya ni Luloy. “Hoy, siguro naman pagbibigyan mo na ako sa ikatlong sultada.”

 

“Hindi puwede! Kailangang mamili tayo, katulad kanina. Dehado na nga ang pinili ko,” natatawa niyang sagot. “Suwertihan lang `yan,”

 

“Paano kung ikaw na naman ang manalo?”

 

“E, `di, ako ang suwerte.” Humagikhik siya, kaya lalong nainis si Luloy. Nakita niyang umamba na ito ng suntok.

 

“Ooops! Oops! Ano `yan?” sawata ni Tiyo Atong.

 

“Si Jip-Jip po kasi Papa, ang daya! Palagi na lang siya,” sabi ni Luloy.

 

“E, bakit mo siya susuntukin? Hindi naman kayo mga manok para magsabong. At ayaw kong lagyan kayo ng tari,” pagalit ni Tito Atong. “Bakit hindi kayo magkasundo?”

 

Hindi na nagpansinan sina Jip-Jip at Luloy pag-alis ni Tiyo Atong. Hindi na rin sila nag-away habang ginagatungan nila ang kani-kanilang pinakukuluang tubig.

 

 

Muling narinig ang sigawan ng mga mananaya at sabungero. Hudyat iyon ng panibagong sultada. Kung gaano kaingay sa paligid, ganoon naman katahimik ang magpinsan.

 

May naalala si Jip-Jip.

 

Nasa bundok sila noon para magbitag ng manok na labuyo.

 

“Luloy, kapag nahuli ba natin iyan, ipansasabong natin?” tanong niya.

 

“Hindi. Aalagaan lang natin. Paparamihin,” tugon ni Luloy.

 

“Paano? Isa lang iyan?”

 

“Magbibitag uli tayo ng isa pa. Sana inahen ang mabitag natin.”

 

Noong araw na iyon, umuwi silang may dalawang labuyong manok—isang tandang at isang inahen.

 

“Ang galing natin, `no?” sabi ni Jip-Jip. “Akala natin, imposibleng makahuli tayo.”

 

“Walang imposible sa pagtutulungan,” sabi ni Luloy.

 

Napangiti siya sa alaalang iyon. Tiningnan niya si Luloy. Napatingin din ito sa kaniya. Nagtagpo ang mga paningin nila at kusang ngumiti ang mga labi nila.

 

“Walang imposible sa pagtutulungan,” pabulong na sabi ni Jip-Jip.

 

Nahiya silang dalawa, kaya agad na nagliko ng tingin.

 

“Jip-Jip, rupdupan mo ito,” sabi ni Mang Pilo, sabay abot sa manok.

 

“Jip-Jip, rupdupan mo rin ito,” sabi ni Mang Oka, sabay abot sa manok.

 

“Parehong talo?” nagtatakang tanong niya.

 

“Oo, Jip-Jip. Tabla ang laban,” tugon ni Mang Pilo.

 

“Wala talagang nananalo sa sugal,” dagdag ni Mang Oka.

 

Tiningnan ni Jip-Jip si Luloy. Nginitian niya ang pinsan. Nginitian din siya nito.

 

“O, tig-isa tayo… Walang nananalo sa pag-aaway.” Inabot niya kay Luloy ang isang manok. “Magtulungan na lang tayo.”

 

“Talaga?” Walang mapagsidlan ng ligaya si Luloy.

 

“Oo, kasi walang imposible sa pagtutulungan.”

 

Inulit iyon ni Luloy, saka sabay nilang itinaas ang mga manok. “Rupdop na!”

 

Sa ilang araw nilang pagtutulungan sa kanilang munting kabuhayan, nakaipon sila ng sapat na pera. Kaya sa bisperas ng pista ng kanilang barangay, masayang-masaya silang sumakay sa karosel na manok.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

      

No comments:

Post a Comment

Karosel na Manok

Malapit na ang pista sa Barangay Mabini. Eksayted na si Jip-Jip na sumakay uli sa karosel, kaya inihanda na niya ang kawa.   Nagtungo na...