Followers

Thursday, July 31, 2025

Ang Aking Journal -- Hulyo 2025

 

Hulyo 1, 2025

Ang sarap na namang um-absent, pero hindi ko ginawa. Bumangon pa rin kahit tinatamad. At 5:30 nga, nasa school na ako—nagkakape at nag-aalmusal.

 

Na-bad trip nga lang uli ako sa Love kasi ayaw nilang mag-participate. Ang ganda pa naman ng lesson ko. Pinaghandaan ko talaga. Pinaghahandaan ko namang lahat ang lesson ko.

 

Dahil ayaw nilang mag-recite at magsalita, hindi rin ako nagsalita. Ni-flash ko na lang ang PPT ko, saka pinasagot ko sila pagkatapos magbasa, manood, at making. Mabuti, may voiceover ang springboard ko.

 

Sa ibang section, masigla naman ako. Maayos ang talakayan. Nag-storytelling ako sa lahat, maliban sa Peace—ang last section na tinuruan ko. Pagod na rin kasi ang boses ko.

 

Nakalibre ako ng lunch kasi may birthday girl sa Grade 1. Binigyan ako ng packed lunch ni Ms. Krizzy. May cake pa. Kinain ko pa ang food na galing sa canteen.

 

Past 1, isinagawa ang Project SIKAP (Science Innovative Knitting Academic Performance) Launching at Orientation. Maraming parents at estudyante dumalo. Sa wakas, bahagi na ako nito. Ayaw ko na kasi sa NUMERO. Nakaka-stress doon.

 

Past 2, umuwi na ako. Mga 4 pm, nasa bahay na ako. Umidlip muna ako bago nagkape at humarap sa laptop.

 

Gumawa ako ng post gamit ang photo nag awa ng AI. Naipa-restore ko ang nag-iisang ID picture ni Papa. Grabe! Malapit nga sa kaniya. Parang kamukha nga.

 

Nag-chat tuloy si Flor Rhina. Aniya, “Sana nabubuhay pa si papa di sana mas maayos siguro buhay ko kasi alam ko meron gagabay sa akin na ama.”

 

Sabi ko naman, “Oo. Nakaka-miss din. Sigurado, iba ang buhay natin kung nabubuhay siya. Two years ago, grabe ang iyak ko. Father's Day `yon. Lalo na parang kailangan ko ng kausap. Wala akong mapagsabihan.”

 

At bago ko ipinagtapat sa kaniya ang katotohanan, nagtanong siya. “Hanggang ngayon `di ko pa rin maintindhan. Ano ba kasi talaga ang nangyari?”

 

Humaba ang usapan namin. Grabe siguro ang iyak niya. Alam daw niya na mahal na mahal siya ni Papa noon.

 

Hindi ko na tinapos ang PBB. Sobrang antok ko na.

 

 

 

Hulyo 2, 2025

Medyo late akong nakarating sa school, kaya habang nagkakape at nag-aalmusal ako ay may mga bata na sa labas ng classroom.

 

Dumating ang dalawang tatay na pinatawag ko dahil ang anak ng isa ay hindi makabasa. Ang isa naman ay may babaeng muntik nang saktan.

 

Maayos naman ang klase ko sa Love. Hindi lang okey sa Faith. Nagmura muna ako at nagsermon bago ako nagturo. Sana magbago na sila. Ayaw ko nang nababastos sa klase, kaya ginawa ko iyon. In-open mind ko sila.

 

Sa kabuuan, naging maayos, madali, at mabilis ang araw ko. Nag-stay lang ako sa classroom ni Ms. Krizzy hanggang 2 pm para mag-time out sa SIKAP.

 

Nakauwi ako sa bahay bandang 3:45. Agad akong nameryenda, saka gumawa ng mga schoolwork.  Gumawa ako ng content tungkol sa uray. Nanood din ako ng PBB na aired kagabi at nag-work out.

 

Hindi na ako nanood ng latest PBB episode. Past 9:30, natulog na ako.

 

 

 

Hulyo 3, 2025

Muntikan na akong ma-late sa klase dahil sa paghinto-hinto ng bus na nasakyan ko. Panay ang hintay niyon ng mga pasahero sa bawat crossroads. Nakakainis! Nag-almusal tuloy ako habang nasa classroom na ang mga bata. May ginagawa naman sila.

 

Nagpasulat ako ng maikling kuwentong pambata, gamit ang mga Pangngalan. Hindi masyadong nabanat ang lalamunan ko. May ilan-ilan lang na pasaway at mahirap paliwanagan at makaunawa, kaya pinagalitan ko.

 

Mga 11 am, nagsuspinde ng panghapong klase. Suspended rin ang Project SIKAP class. First time ko sanang magagampanan ang aking bagong task, pero hindi pa natuloy.

 

Nagsalo-salo kaming Tupa friends sa classroom ni Ms. Krizzy. Andaming ulam, kaya nabusog ako nang husto.

 

Past 1, umuwi na kami. Past 3, nasa bahay na ako. Hindi na ako umidlip. Gumawa agad ako ng mga schoolwork. Nagbasa ng mga sulatin ng mga bata. Gumawa ng content. Nag-record. At nag-send ng worksheet sa mga SIKAP participants. Nag-workout. At nanood ng PBB at balita.

 

Hindi ko natapos basahin ang mga sulatin ng tatlo pang sections.

 

 

 

Hulyo 4, 2025

Tamad na tamad akong pumasok. Umaasa akong sinuspinde ni Mayora ang mga klase, gaya ng pagsuspinde ng Tanza mayor, pero nabigo lang ako. Okey lang naman kay Friday na ngayon.

 

Masigla at masaya kong hinarap ang Love. Nagturo ako ng bagong aralin, pero naputol iyon dahil nagkaroon ng Nutrition Month parade. Pagbalik, pinasulat ko ng pabula ang Love. Hindi na rin ako lumipat sa ibang section hanggang dumating si Ma’am Madz para makipagpalitan ng klase. Hayun, nagturo ako sa Peace.

 

Ang bilis ng oras, uwian na agad. Pero hindi pa ako umuwi agad. Pagkatapos naming mag-lunch at magkuwentuhan ni Ms. Krizzy, bumalik ako sa 5th floor para sa Sinag Writing Club meeting. Iyon ang unang pulong namin.

 

Past 1, nag-start na kami ni Ma’am Mel. Nag-elect muna kami ng officers, saka pinag-usapan namin ang zines at journalism contest. Madugong pagsisimula na naman ito, pero dahil gusto ko ang ginagawa ko, ay kakayanin.

 

Past 2:40, tapos na ang meeting.

 

Katatanggap ko pa lang pala ng memo ng invitation sa akin ng SDO-Valenzuela para maging resource speaker sa kanilang writeshop. Natuwa naman ako kasi tunay na imbitado ako. Kaya lang parang may mali. May 21 pa kasi natanggap ng SDO-Pasay ang memo at invitation, pero ngayon lang nakarating sa akin.

 

Pag-uwi ko, sinned ko ang picture ng memo kay Ma’am Mina. Nagpasalamat ako sa kaniya dahil sa mga tulong niya. Hinakayat niya muli akong mag-apply ng higher position, pero tumanggi uli ako. Kako, hindi pa ako ready sa leadership.

 

Umidlip nga pala ako pagdating ko. Mga past 5:30 na ako bumangon para magkape. Pagkatapos niyon, gumawa na ako sa laptop ko. Sumulat ako ng mga balita tungkol sa election of officers at parade. Nag-edit ako ng akda ng bata at nag-post niyon sa Babasahin. Nag-finalize ako ng isang zine, at nag-post pagkatapos. Then, nanood ako ng PBB, balita, at BQ. Hindi na ako masyadong nakapag-workout. Grabe! Napaka-busy ko na. Kulang na sa akin ang 24 hours.

 

 

 

Hulyo 5, 2025

Maaga akong nagising at bumangon. Nagsalang agad ako ng labahan sa washing machine habang nag-aalmusal.

 

Umalis si Emily patungong FVP office. Inutusan ko siyang bumili ng tatlong boxes ng FVP products. Hindi niya alam na ireregalo ko sa kanila ni Ion ang dalawang boxes.

 

Wala pang 8:30, nakapagsampay na ako. Humarap na agada ko sa laptop para magbasa at magrekord ng mga akda ng mga estudyante ko.

 

Pagkatapos niyon, nagbasa naman ako ng mga submitted articles and stories ng SWC members. Marami ang nagpasa. Marami rin akong napili at nai-post sa Babasahin. May ilan ding hindi ko nagustuhan.

 

Naglabas uli ako ng isa pang Writing Challenge para sa SWC members. Tungkol iyon sa Romeo Forbes writing contest. Ang mapipili ko ay isasali ko.

 

Past 3:30 na ako inantok kaya pinagbigyan ko. Past 5, saka lang ako bumaba para magkape. Pagkatapos magmeryenda, gumawa naman ako ng PPT para sa SIKAP.

 

Past 7, dumalo ako sa Grand Accreditation Day ng Vista Land. Invited ako ni Paul C. Matagal ko nang pangarap na maging close uli kami ni Paul C, kaya noong nag-invite siya na i-like ko ang FB page niya, hindi na ako nagdalawang isip, since nag-rereal estate na rin naman ako. Shini-share ko rin ang mga posts niya.

 

Past 8:30, tapos na ang Zoom meeting. Marami akong natutuhan. Interesado akong maging marketing partner niya. Kaya naman, pagkatapos niyon ay nagpa-accredit na ako. Nag-send ako ng picture para magawan ako ng banner. Sana ito na ang simula.

 

Past 10, nanood ako ng PBB Big Night. Almost 12 na yata ako natulog.

 

 

 

Hulyo 6, 2025

Grabe! Ang aga kong nagising. May dilim pa, gising na ako. Hindi na ako nakatulog. Kaya nag-cell phone na lang ako hanggang 7 am. Ako na ang naghanda ng almusal. Birthday ngayon ni Zillion kaya naglagay ako ng number balloons sa sala. Paggising nila, nag-aalmusal na ako.

 

Pagkatapos mag-almusal, gumawa muna ako para sa Sinag Writing Club. Nag-edit. Nag-post. Nag-layout. Ang bilis ng oras.

 

Nagyaya na si Emily. Kahit hindi ko naman sinabi ang plano ko, siya na ang nagkusa. Alam niyang lalabas na lang kami para mag-celebrate. Nauna na silang naligo.

 

Past 10, umalis na kami sa bahay. Nagsimba muna sila. Sa labas lang ako naghintay. Matagal din akong naghintay, saka natapos ang misa.

 

Mga past 12:30 na siguro kami nakarating sa SM Foodcourt para kumain. Sila ang pinapili ko ng kakainin. Sa Kain kami kumain. Lutong Pinoy ang mga inorder namin. Worth P740 na good for 4 pax. May 8 na ulam na. Sulit naman!

 

Bago kami umuwi, bumili muna kami ng skin care products sa Watson’s, at school polo at pants ni Ion.

 

Past 2:30 na kami nakauwi sa bahay. Antok na antok ako kaya pinagbigyan ko. Mga past 5 na ako bumangon para magkape.

 

Pagkatapos magkape, sinimulan kong gumawa ng PPT para bukas. Hindi ko kaagad natapos kasi may nag-inquire sa akin tungkol sa unit na pinost ko, na galing kay Emily. Interesadong-intersado Talaga siya kaya pati si Paul C ay chinat ko para magpatulong sa paghahanap ng preferences ng client. Game na game naman ang huli sa paghahanap. Nais niya at umaasa siyang mako-closed deal ko iyon. Manifesting, kako.

 

 

Past 10, natulog na ako.

 

 

 

Hulyo 7, 2025

Ang bigat ng katawan ko sa paggising nang maaga, pero nang naisip ko ang pamilya ko, gayundin ang mga estudyante ko, bumangon ako. Sinikap kong maging masigla at positibo.

 

Wala pang 5:30, nasa malapit na ako sa school. Medyo maaga akong dumating, kaya hindi na nila ako naabutang nag-aalmusal.

 

Kahit gaano ako kasigasig magturo, may mga estudyante talagang mapapainit ng ulo ko. Karamihan sa kanila, hindi nakikinig, kaya kapag oras na ng gawain, nangangapa. Saka lamang magtatanong kung anong gagawin. Kadalasan, wala silang maipasa. Haist! Grabe na ang mga kabataan ngayon. Kawawang henerasyon.

 

Pagkatapos ng klase, umuwi agad ako. Sa PITX na ako kumain ng lunch.

 

Past 2, nasa bahay na ako.

 

Umalis si Emily bandang 2:30, kaya nasolo at natahimik ako sa sala. Nakatulog ako kahit paano. Past 4 na ako bumangon para magkape at gumawa ng mga schoolwork. Past 7, nakatapos na ako ng PPT sa Filipino. Gumawa naman ako ng content tungkol kay Tata Usteng.

 

 

 

 

Hulyo 8, 2025

Maaga akong nakarating sa school. Nakapag-almusal pa ako bago nagsidatingan ang mga estudyante ko. Masaya ko silang sinalubong. Masaya at masigla rin akong nagturo. Maganda talaga kapag hindi ka galit kapag nagtuturo.

 

Nainis lang ako sa pagpapakuha ng aming DLL. Wala nga akong hard copy. Hayun, ako lang ang hindi nakapag-submit. Bahala sila. Basta wala akong printer.

 

Pagkatapos ng klase, mabilisan akong nag-lunch para sa Project SIKAP.

 

Past 12:30, sinimulan ko na agad ang pagtuturo. Twenty lahat ang estudyante ko. May dalawang galing sa ibang section.

 

Sa una, nainis ako kasi maiingay ang boys, pero nagamay ko naman agad. Pinagalitan ko. Pero bago matapos ang klase, alam kong nag-enjoy sila sa experiment namin at iba pang activities. Sana palaging complete attendance.

 

Past 2, umuwi na ako agad. Past 4, nasa bahay na ako. Hindi na ako natulog. Agad akong nagmeryenda at naghanda ng PPTS sa Filipino at ESP. Pagkatapos, gumawa ako ng zine. Nag-workout na rin at nanood ng balita at BQ.

 

Ang bilis ng oras!

 

 

 

 

Hulyo 9, 2025

Medyo maaga ulit akong nakarating sa school. Pero nasa loob na ng silid-aralan ang ibang estudyante ko nang nag-almusal ako.

 

Masaya akong nagturo sa lahat ng section. Nagalit man ako pero hindi masyado. Nag-inspire ako siyempre, as always. Sa ESP naman, nagkuwento ako upang maikonekta ang lesson.

 

After class, nag-lunch ako sa karinderya sa labas ng school. Then, tumambay ako saglit sa room ni Ms. Krizzy. Hindi kami nakapagkuwentuhan kasi may meeting sila with Sir Jess. Inaantok na rin ako. Pero bago mag-one o’ clock, umakyat na ako para mag-print ng zines.

 

Past 2 na ako nakauwi. Nai-print ko ang mga samples ng bagong zines. Magpapa-preorder ako bukas.

 

Past 4, nasa bahay na ako. Hindi na ako umidlip. Diretso meryenda at gawa na ako ng schoolwork. Sumulat ako ng isang kuwento para sa Filipino. Hindi man iyon buo, pero kahit paano ay puwede nang maging springboard ng bago kong lesson.

 

Nakagawa pa ako ng isang content. At Nakagawa rin ako ng PPT sa ESP. Handang-handa na ako bukas.

 

 

 

Hulyo 10, 2025

Ang bigat ng katawan ko nang magising ako. Hiniling ko na sana i-suspend ni Mayora ang mga klase, pero hindi. Naunawaan ko naman kasi hindi naman ganoon kalakas ang ulan nang umalis ako sa bahay.

 

Naging maayos naman ang mga klase ko. Na-enjoy nila ang kuwento, lesson, at palaro ko. May ilan-ilang nagpakulo ng dugo ko, lalo na sa Charity, pero all-in-all, okey ako.

 

Pagkatapos ng klase, SIKAP naman. Mabilisan lamang ang lahat, pero nag-enjoy naman ang mga participants ko. Active ang karamihan. Ilang araw pa, masasanay rin sila sa klase naming iyon. Sana palaging 20+ ang attendance ko.

 

Past 2, nanghiram ako ng printer kay Ma’am Mel. Printer iyon ng journalism at ink ng SWC. Nahiya ako, pero kailangan kong kapalan ang mukha ko kasi kinausap ako kanina ng principal. Hinahanapan niya ako ng printouts ng DLL. Ayaw ko namang maging suwail. Maayos naman niya akong kinausap.

 

Past 3, nakapag-print na ako ng Quarter 1 sa Filipino at ESP. Nothing to worry na sa mga susunod na linggo.

 

Past 5 na ako nakauwi sa bahay. May dala akong Red Ribbon cake para kay Emily. Agad kaming nagmeryenda.

 

Pagkatapos niyon, umakyat na ako para gumawa ng mga schoolwork—PPT, SIKAP MOV, at iba pa. Nakasulat uli ako ng isang buong kuwento para sa Filipino 6 bukas. Natutuwa talaga ako sa kakayahan ko. Kapag kinakailangan, nakakaisip agad ako ng ideya at naisusulat ko agad.

 

 

Pagkatapos kong manood ng BQ, nag-off na ako ng laptop para makapagpahinga na.

 

 

 

Hulyo 11, 2025

Thank God, it’s Friday! Masigla akong pumasok. Masigla rin akong naturo. Kahit kulang kami ng guro, kasi nag-tripping si Ma’am Amy sa Batangas, kasama ang dati naming estudyante, naging maayos naman ang palitan namin ng klase. Wala masyadong pasaway ngayon sa VI-Faith. Tinablan siguro sila sa mga pagalit ko kahapon. Kaya naman, hindi masyadong sumakit ang dibdib ko ngayong araw.

 

Past 12:30, miniting kami ni Ma’am Joan R. Siya ang aming bagong assigned MT. Inabot kami ng past 2 sa meeting at kuwentuhan. Umuwi rin agad ako pagkatapos. Past 3:45, nasa bahay na ako. Agad akong nameryenda upang makapag-check ako ng mga papel at makapag-record ng scores.

 

Bago magsimula ang BQ, tapos na ako. Nakapag-workout na rin ako.

 

Grabe! Kahit sa bahay, schoolwork pa rin ang ginagawa ko. Sakripisyo talaga ang pagiging guro. Sana pahalagahan ng mga kabataan ang mga turo namin sa kanila.

 

 

 

Hulyo 12, 2025

Six pa lang, gising na ako. Nag-stay ako sa higaan hanggang 7 am—nagselpon lang ako. Ako na rin ang naghanda ng almusal.

 

Pagkatapos ng almusal, humarap na agad ako sa laptop. Gumawa ako ng PPT para sa SIKAP. Natapos ang para sa Martes. Nakapag-download naman ako ng YT videos para sa Huwebes.

 

Alas-dos, inantok ako. Naglatag ako ng higaan sa may study area ko, pero hindi naman ako nakatulog, kaya nag-laptop na lang ako. Nag-edit ako ng mga akda ng mga estudyante kong members ng SWC.

 

At bandang 2:45, nag-walking kami ni Emily patungo sa Barangay Bunga. Double purpose ito. Mag-walking at mag-vlog. Kaya, narito ang voiceover ko.

 

 

Hello, guys! Nag-walking kami ng aking maybahay, bandang quarter to 3. Umaambon, pero hindi kami nagpatinag. May baon kaming payong.  Hyper pa ang aking maybahay sa unang barangay na aming nilakad.

 

Sa ikalawang barangay, medyo mabilis pa ang aming mga hakbang. Mabilis din ang takbo ng mga sasakyan sa highway. Nakakatakot. Muntikan na nga akong masagi ng kotse. Gilid na gilid na nga ako, sa gilid rin dumaan ang kamoteng driver na iyon. Muntikan ko na ngang habulin. Mabuti na lang, naalala kong walking lang pala kami. Charot.

 

Nalampasan na namin ang ikatlong barangay. Nasa liblib na lugar na kami. Parang probinsiya.

 

Plano ko talagang manguha ng mga gulay sa daan. Ito ang ginagawa ko dati noong nagba-bike ako.

 

Mga isang oras na kaming naglalakad. Malayo na rin ang aming nilakad, pero hindi pa namin ramdam ang pagod dahil sariwa ang hangin. Malamig ang lugar.

 

Alam niyo ba, ang 10,000-step goal ay nagsimula sa Japan. Maraming benepisyo ang naidudulot ng paglalakad, kabilang na ang pagtatanggal ng stress at pagpapasarap ng tulog.

 

Ang paglalakad kasama ang pamilya o mga kaibigan ay isa ring magandang bonding. Para nga kaming nasa Korean novela ng aking maybahay nang sumakay siya sa likod ko upang hindi mabasa ang sapatos niya. Binuhat ko siya kasi may nakita akong maliit na ahas—green snake sa damuhan. Pero hinayaan ko naman siyang maglakad sa putikan.

 

Masarap maglakad-lakad sa ganitong lugar. Wala masyadong tao. Bihira ang sasakyan. Walang polusyon. Wala masyadong ingay. Sabi ko nga sa asawa ko, huwag siyang matakot sa ahas. Mas takot ang ahas sa mga tao. Kaya nga kusang lumayo ang ahas nang makita ako.

 

Noong nagba-bike ako sa lugar na ito noong 2022, hindi pa gaanong masukal ang magkabilang daan. Tanaw ko pa mula sa gitna ng daan ang magagandang tanawin sa paligid. Andami nang pagbabago. Pero mabuti na lang, kakaunti pa rin ang kabahayan kaya kahit maingay kami, hindi masyadong nakakahiya.

 

Bukod sa benepisyo ng paglalakad na aming makukuha sa activity na ito, kailangan ding makapag-uwi kami ng mga gulay, gaya ng kulitis, saluyot, dahon ng ampalaya, o dahon ng sili. Kaso, hindi kami pinalad na makakuha ng dahon ng sili. 

 

Mas maraming dahon ng ampalaya ang nakuha namin. Masarap sana itong isahog sa monggo, pero ayaw ko nang kumain ng monggo. Kagabi, Biyernes, nag-ulam kami ng monggo, kaya paghiga ko hanggang kinabukasan, umatake na naman ang sakit sa tuhod ko. Pakiramdam ko, mauulit na naman ang masalimuot kong karanasan noong 2022. Ayaw ko na!

 

Kaya pinush ko ang paglalakad na ito--- itinigil ko nga ang paggawa ng mga schoolwork—upang mapagbigyan ko ang sarili ko. Baka kako, kulang lang ako sa lakad. At heto nga, halos dalawang oras na kaming naglalakad. 

 

Nakakita pa nga kami ng baby bayawak. Ang cute niya. Ang safe ng pinagtataguan niya. Safe na safe.

 

Nakarami na nga kaming napitas na gulay.

 

Pinasakay kami ng mabait na sikyu ng isang subdivision. Nakita niya raw kami habang nanunungkit siya ng santol. Kung hindi niya kami hinatid, baka inabutan kami ng alas-siyete sa daan. Sobrang layo pala ng nilakad namin.

 

May mga good Samaritan pa rin talaga sa panahon ngayon. Okey lang din kahit hindi niya kami binigyan ng inani niyang santol. Hindi na rin naman niya kami pinagbayad. Charot.

 

Nang ibinaba kami ng sikyu, malayo pa rin ang nilakad namin. Panay ang tanong ko sa misis ko kung kaya niya pa. Ako? Yakang-yaka pa. Laking probinsiya yata ako.

 

Pagkatapos ng dalawang oras ng paglalakad, deserve naman namin ang malamig na kape. Hindi na namin natiis ang gutom at uhaw.

 

---

 

Past 6 na kami nakauwi sa bahay. Agad kong hinimay ang mga gulay na napitas naman sa daan. At habang nakababad ang mga iyon sa tubig, gumawa ako ng vlog tungkol sa walking namin.

 

Nai-post ko naman bandang past 9, pero splitted na naman ang video ko. Nakakainis tingnan, kaya dinelete ko ang eleven splitted videos. Tinira ko ang may pinakamaraming views. Pero halos maiyak ako nang madiskubre kong 19 seconds lang pala ang video na natira. Gusto kong umiyak sa panghihinayang. Na-delete ko pa naman ang mga videos sa files ko.

 

Humanap ako ng YT video na makakatulong sa akin. Inabutana ko ng 11:30 sa pag-rerecover. May nahanap naman ako, pero kailangan kong maghintay. Sana maibalik sa akin ang lahat ng nawala.

Almost 1 am na ako nakatulog dahil sa stress na idinulot nito sa akin. Sobrang panghihinayang ko.

 

 

 

Hulyo 13, 2025

Past 6, gising na ako, pero hindi agad ako bumangon. Alas-7 na ako bumaba. Sinubukan ko ulit i-retrieve ang videos ko, pero nabigo ako. Kailangan ko na lang hintayin ang request ko sa FB. Sana maibalik agad.

 

Naglaba ako agad pagbaba ko. Before 9, tapos na ako. Nakapag-almusal na rin. Kaya humarap na ako sa laptop. Nag-send ako ng writing challenge sa Sinag Writing Club. May mga nagpasa agad, pero rejected ko. Binigyan ko sila ng mga suggestions kung paano pagandahin ang mga akda nila. May dalawa akong napili, at nai-post sa Babasahin.

 

Past 3, pag-alis nina Emily at Ion, kasi nagsimba sila, umidlip ako. Kahit paano ay nakabawi ako ng puyat kagabi.

 

Gabi, nag-layout ako ng mga zines, pagkatapos kong gumawa ng summative test sa Filipino. Nagsulat din ako ng nobela para sa Inkitt. Mabilis ko na lang ginawa kasi may 800+ words na akong naisulat last week.

 

Maaga akong natulog para makatulog man lang ako ng at least 5 hours.

 

 

 

Hulyo 14, 2025

Ang bigat na naman ng loob at katawan ko nang tumunog ang alarm. Ang sarap matulog. Pero nang maalala ko ang mga kabataang umaasa sa akin, sinikap kong maging masigla.

 

Sa school, naging masigla ako. Humarap ako nang masaya sa mga estudyante, pero bandang past 9, nang magtuturo na ako sa Love, nagpasaway sila. Kaya hayun, hindi mo itinuloy ang pagtuturo. Gusto ko silang turuang maging disiplinado dahil nasa disiplina ang tunay na pagkamit ng kaalaman.

 

Pagod na pagod ang boses at ngalangala ko pagkatapos ng pagtuturo sa limang section. Pero ayos lang kasi natutuhan naman ng karamihan ang lesson ko.

 

After class, umuwi agad ako. Kinausap ko lang si Ms. Krizzy tungkol sa birthday treat ko sa Friday. Sasabihan niya si Ma’am Sherry na lutuan kami ng asawa niya— with pay.

 

Past 2, nasa bahay na ako. Sinikap kong matulog, pero hindi ako nagwagi. Ang init sa kuwarto. Andaming lamok sa sala. Kaya wala akong tulog at pahinga. Mabuti pa sa bus, nakaidlip ako.

 

Past 5, nagkape na ako, saka gumawa ng kung ano-anong schoolwork sa laptop. Nakapag-workout din ako kahit paano—dalawang push-up routines.

 

Past 7:30, tumawag si Andeng—ang dati kong estudyante na naging client namin ni Ma’am Amy sa lote sa Batangas. Ikinuwento niya ang paniningil sa kaniya ni Ma’am Amy ng P4k bilang danyos daw sa abala sa tripping nila noong Friday. Masama ang loob niya, pero para matapos na ang galit ni Ma’am Amy, babayaran na lamang niya—P2k na lang ang hiningi sa kaniya. Haist! Napasubo yata ako.

 

 

 

Hulyo 15, 2025

Nagpadala si Andeng ng GCash worth P2k para ibayad kay Ma’am Amy. Kaya pagdating ko sa school, bago ako bumili ng almusal at umakyat, kinausap ko siya. Masama rin talaga ang loob niya. Ibang bersiyon na naman ang narinig ko mula sa kaniya. Gayunpaman, hindi ako masyadong nag-comment. Bahala na sila. Ang mahalaga, nag-settle na si Andeng. Nakabawi na si Ma’am Amy sa gastos niya.

 

Nagpa-summative test lang ako sa limang section, kaya hindi masyadong nagasgas ang lalamunan ko. Nagawa ko silang patahimikin kahit isang araw. Masasabi kong may takot na sila sa akin, at may respeto.

 

SIKAP day na naman ngayon! Na-eenjoy ko na rin ang pagtuturo nito. Masaya rin ang mga participants sa aming experiments, discussion, at game-based learning, lalo na’t may pa-star ako sa nanalong group.

 

Natawa lang ako kasi 1:30 pa lang, nagpauwi na ako. Alas-2 pala ang uwian namin. Tumambay muna ako sa room ni Ma’am Madz, saka gumawa ng MOV.

 

Nagutom ako pagkatapos ng SIKAP, kaya nagmeryenda muna ako sa Chowking sa PITX, bago bumiyahe. Past 4, nasa bahay na ako. Hindi na ako umidlip. Gumawa agad ako ng PPT para sa SIKAP sa Huwebes. Quiz Bee style naman ang ginawa ko. Hindi na tuloy ako masyadong nakapag-workout. Okey lang naman. Mas okey na ang kaunti, kaysa wala. 

 

 

 

Hulyo 16, 2025

Hirap Talaga akong gumising nang maaga. Pinipilit ko lang bumangon. Hirap din ako sa biyahe. Hindi palaging komportable sa bus. Nakaupo nga ako kanina, pero kalahating puwet lang. Ang upuan pa, naka-recline. Halos nakatingala na ako kapag nakasandal. Kung kailan pababa na saka ako nakaidlip. Haist!

 

Pagdating pa sa klase, bad trip pa. pagkatapos naming mag-spelling, nagsimula na agad akong magturo. Pero ayaw nilang mag-response sa mga simpleng tanong ko. Ikalawang beses na iyon. Inihinto ko ang pagtuturo, at nagsermon ako. Ayaw ko silang ganoon, kasi madadaldal talaga sila. Kapag pinatatahimik, lalong nag-iingay. Kapag pinagsasalita, nananahimik. Ano’ng klase?

 

Sa ibang section, maayos naman akong nakapagturo. Medyo nabuwisit lang uli ako sa Faith at Charity. Sa Hope at Peace, maayos naman akong nakapagturo.

 

Bad trip din ako sa principal. Pinababa ba naman kami nang biglaan para lang mag-video recording ng birthday greetings sa DepEd Secretary. Gaano kahalaga iyon kaysa sa kapakanan at seguridad ng mga estudyanteng iniwan namin. Noong kailangan niya kaming ipagtawag para mag-meeting, hindi niya ginawa.

 

Nakita na naman tuloy nila ang pangit kong ugali. Sinimangutan ko siya nang pinansin niya ako. Dedma na, sinimangutan ko pa. Kakaasar! Andaming dapat unahin, nagawa pang mag-video. Dapat nag-chat na lang siya kay Angara.

 

Past 1, nasa Korean restaurant kaming Grade 6 teachers para mag-lunch. Samgyup. Birthday treat natin iyon ni Ma’am Madz. Hati kami sa gastos. Sulit naman. Busog na busog ako nang umuwi kami bandang 2:30.

 

Past 4, nasa bahay na ako. Sinikap kong umidlip pagdating ko, pero hindi naman ako nahimbing masyado dahil dumating na si Emily. Bumaba pa ako para pagbuksan siya.

 

Past 5:45, nagkape ako saka humarap sa laptop upang gumawa ng PPT sa Filipino. Naisingit ko rin ang pag-workout. Nakaapat na routine ako.

 

Hindi na ako nag-dinner. Uminom na lang ako ng First Vita Plus Dalandan.

 

 

 

Hulyo 17, 2025

Binati ko si Hanna ng ‘Happy Birthday’ through chat habang naglalakad ako patungo sa tricycle terminal. Pinadalhan ko siya kahapon ng GCash—pang-cake niya.

 

Nagsermon na naman ako sa Love dahil ayaw na naman nilang magsalita. Bad trip pa naman ako sa isang estudyante kong gusto ko nang i-drop. Hindi na nga makabasa, maingay, bastos, at nananakit pa.

 

Sinamahan siya ng tatay kanina. Ni-realtalk ko na, kaya wala na raw siyang magagawa. Binigyan ko naman siya ng last chance, pero ayaw mangakong magbabago. Umuwi silang mag-ama nang hindi nagdesisyon.  

 

Nasira din ang mood ko sa Charity. Hindi ako nagturo. Nagsermon ako nang mahinahon. Naramdaman kong naisapuso nila ang mga sinabi ko. Ayaw rin naman nilang hindi ako nagtuturo. Sabi ko sa kanila, kung ayaw nila akong magturo, ayaw ko ring magturo. Babantayan ko na lang sila.

 

Nagsermon din muna ako sa mga SIKAP participants ko bago ako nagsimula ng klase, kasi ang iingay nila habang naghihintay na makalinis sa classroom ni Ma’am Wylene. Nakakahiya.

 

Past 4, nasa bahay na ako. Hindi na ako umidlip. Diretso na ako gawa ng PPT para bukas. Magpapasulat lang ako ng akda, kaya tatlong slides lang ang ginawa ko. Mas matagal ang oras na ginugol ko sa paggawa ng stars na ipamimigay ko during recitations. Recycled lang—mula sa box ng cake.

 

Pagkatapos manood ng BQ, nag-off na ako ng laptop.

 

 

 

Hulyo 18, 2025

Nagising ako bandang 3:30 dahil sa alarm. Hindi ako alam na suspended na pala ang mga klase. Kaya natulog uli ako hanggang 7 am. Haist! Hindi man lang ako nakatulog nang mas mahaba. Kinailangan ko pang maghanda ng activity upang may magawa ang mga estudyante sa bahay. Kailangang may maipasa akong MOV.

 

Nag-workout ako sa kama bago bumaba at nagkape. Pagkatapos niyon, tumanggap na ako ng mga inquiries at mga sagot at pictures. Sinimulan ko na rin ang paggawa ng MOV.

 

Isinunod ko ang pagsusulat ng kuwentong isasali ko sa GTA2025. Bandang 1;30, nag-decide akong pumunta sa school kasi sa Lunes na ang simula ang one shift. Pang-umaga na kaming lahat. Nailipat na ni Ma’am Joelli ang mga gamit ko sa kabilang room upang maipasok naman niya ang mga upuan nila.

 

Nagtungo muna ako sa Chinabank sa SM Tanza para mag-deposit ng amortization sa lupa. Nainis ako kasi pinalitan pa ng developer ang banko, na dating BDO. Nakakainis kasi bukod sa bihira ang bankong iyan, may charge pa. Fifty pesos agad sa P8000. Grabe! Hindi ko mainidtidihan bakit may service charge ang deposit. Tubong lugaw, ampota! Kaya naman, nag-chat ako kay Ma’am Amy, na pakiusapan ang developer na balik sa BDO ang deposit. Pumayag naman.

 

Past 4:30, nasa school na ako. Ipinuwesto ko lang ang mga gamit ko. Naglinis nang kaunti. Bandang past 5, umalis na rin ako. Twenty-six lang ang upuan namin. Wala pa kaming basurahan, dustpan, walis, at mop. Haist!

 

Nagkita kami ni Michael sa EDSA Rotonda. Bonding lang. Kumain kami sa karinderya.

 

Past 10 na ako nakauwi. Hindi na ako nag-dinner. Uminom na lang ako ng coffee-choco drink habang nanonood ng BQ.

 

Hindi agad ako natulog. Sinalubong ko ang aking kaarawan. Nagsulat ako ng pang-caption sa post ko. Narito:

 

Sa aking ika-45 na taon sa mundo, may 45 na bagay rin akong mga nagawa.

 

1.         Tumira sa bahay kubo, na may mga dambuhalang gabi.

2.         Nangapa ng barya sa ilalim ng Gabaldon building.

3.         Namulot ng mga lapis at pambura.

4.         Nagkaroon ng mga kaklaseng anak-mayaman, at nakapasok sa kanilang mga tahanan.

5.         Nanlibre sa mga kaklase, gamit ang perang pambili pala namin ng bigas at ulam.

6.         Nanghuli ng mga hito sa palayan at namulot ng suso.

7.         Kumain ng kung ano-anong prutas sa paligid, kaya naabutan ng diarrhea sa paaralan.

8.         Nahiya sa mga crush nang iuntog sa board ang ulo ko ng aking guro dahil matagal kong na-solve ang long division.

9.         Nagkaroling para may pambili ng pang-Noche Buena.

10.       Nangalkal ng mga laruan sa mga basurahan.

11.       Kumain ng mga kakaibang pagkain sa feeding program.

12.       Nag-transfer ng eskuwelahan sa kalagitnaan ng school year.

13.       Nagpatuli sa tradisyunal na manunuli.

14.       Nagtinda ng pandesal, ice candy, at iba pa.

15.       Nag-rupdop ng mga natalong manok sa sabungan.

16.       Nag-alaga sa kapatid, at mag-alaga ng itik, na hinuli ko sa palayan.

17.       Muntik nang magpaampon sa mag-asawang guro.

18.       Tumigil sa pag-aaral.

19.       Nakitira sa mga kamag-anak nang maraming beses.

20.       Tumira sa iba’t ibang uri tirahan. May dating manukan. May pahilis na bahay.

21.       Naglabada tuwing Sabado upang may pambaon sa eskuwela.

22.       Nagtrabaho sa garment factory ng tiya tuwing Sabado para may allowance pang-isang linggo.

23.       Nag-drop agad pagkatapos mag-enrol sa isang college.

24.       Sumali sa editorial board, at nabigo.

25.       Tumira nang mag-isa sa bahay na walang kuryente.

26.       Nag-ulam ng tuyo sa almusal, tanghalian, at hapunan.

27.       Tumanggap ng bayad sa mga kaklase kapag may pinapagawa sila.

28.       Nagbasa nang nagbasa sa school library, at nanghiram pa ng books.

29.       Umibig sa pinakamagandang babae sa paningin ko.

30.       Pumasok sa school nang nakainom.

31.       Sumuka sa labas ng library dahil sa kalasingan.

32.       Nagpaliwanag sa propesora dahil na-involve sa love triangle.

33.       Nakipag-inuman sa mga barkada, na parang wala nang bukas.

34.       Nagsulat ng tula—first time, dahil iniwan ng pinakamagandang babae (sa paningin ko).

35.       Nag-aral nang mabuti.

36.       Sumali sa mga contest, nanalo. At napili na rin, sa wakas, bilang feature editor ng school paper.

37.       Umiyak sa graduation night.

38.       Nag-asawa agad pagkatapos magtapos ng pag-aaral, kaya nahirapan nang sobra-sobra.

39.       Naging caretaker ng barren land at naging washer sa garment factory.

40.       Uminom ng malalaking tabletas sa loob ng walong buwan para gumaling ang baga.

41.       Sumama sa pamamalakaya.

42.       Nag-aral ulit, nag-board exam, nagturo sa private school, at piniling baguhin ang buhay.

43.       Nagtiis dahil sa nawasak na pamilya, ngunit bumangon.

44.       Nagpunyagi. At patuloy na nagpupunyagi.

45.       At heto ako ngayon… nagsi-celebrate ng 45th year.

 

Ala-una y medya na ako natulog.

 

 

 

Hulyo 19, 2025

Past 7 na ako nagising. Nagbasa ako ng mga comments sa post ko. Natutuwa ako sa mga greetings at komento. Past 8 na ako bumaba. Past 9 naman kami nakapag-almusal.

 

Humarap ako sa laptop para mag-edit ng mga kada ng SWC members. Gumawa ng PPT sa Sikap.

 

Past 2, umidlip ako. Past 4 na yata ako bumangon para magkape. Ipinagpatuloy ko ang paggawa ng PPT.

 

Past 6, umalis kami para mag-dinner sa labas. Pumunta kami sa Maple Grove. May event doon pero para sa mga riders. Hindi kami maka-relate. Inilibot ko ang mag-ina, pero dahil masama ang panahon, kakaunti ang food stall, na nagbukas.

 

Past 7;30, nag-dinner kami sa McDo. Doon ang gusto nila, kaya pinagbigyan ko.

 

Past 8:30, nakauwi na kami. Bumagsak ang ulan, ilang minuto pagdating namin.

 

Agad kong binigyan ng feedback ang mga SWC members na nagpasa ng akda. Sana i-enhance nila ang mga kuwento nila. At sundin nila ang aking mga suggestions. 

 

Bago ako natulog, nag-comment muna ako sa lahat ng bumati sa akin.

 

 

 

Hulyo 20, 2025

Past 7 ako nagising. Hindi muna ako bumaba para maglaba. Nag-cell phone muna ako hanggang 7:45.

 

Isang salang lang ang ginawa ko kasi kaunti lang ang labahan ko. Pero nilabhan ko rin ang mga rags. Nakapag-gardening din ako kahit paano bago ako natapos.

 

Past 9 na ako nakapag-almusal. Kundi ko pa ginising bandang 8:30 si Emily, hindi pa babangon.

 

Pagkatapos mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Nag-edit ako ng mga akdang pinasa ng SWC members. Nag-send rin ako ng feedback sa kanila. Wala ako halos nagawa maghapon kundi ito.

 

After lunch, pinagbigyan ko ang sarili ko. Past 3:30 na ako nagising. Saka lamang ako naligo. Saka ko ipinagpatuloy ang ginagawa ko.

 

Bandang 5:30, lumabas ako para magpa-cash in. Nag-send ako ng pera sa husband ni Ma’am Sherry, na siyang magluluto ng birthday treat ko bukas sa mga kaTupa ko, saka sa Grade 1 teachers. Sana ma-invite ko rin ang Garde 6 teachers.

 

Gabi, ipinagpatuloy ko ang pag-eedit at paggawa ng zine. Hindi ko nga lang natapos kasi nannood ako ng series sa YT.

 

 

 

Hulyo 21, 2025

Kahit masama ang panahon, hindi sinuspende ng mayor ang mga klase, kaya nakapasok pa ako sa dalawang tatlong section, bago nag-anunsiyo si Mayora. Hindi ko tuloy napasukan ang Faith at Peace. Mabuti na lang din kasi may birthday treat ako sa mga kaTupa at Grade 1 teachers. Mas maaga kaming nakakain.

 

Five thousand plus lahat ang gastos ko, pero andaming nakakain. Mahigit 30 katao ang nakisalo sa amin. May take out pa ako. Thank you, Lord, sa biyaya. Nahiya pa nga akong mangimbita kasi akala ko kukulangin ang handa ko.

 

Past 4, nakauwi na ako sa bahay. Muntik na akong maabutan nang malakas na ulan. Although nabasa ang medyas ko, okey lang naman.

 

Hindi na ako umidlip. Gumawa na lang ako ng PPT para bukas. Pero hindi pa ako tapos, nag-anunsiyo na agad si Mayora. Gayunpaman, ipinagpatuloy ko pa rin. Nag-edit din ako ng mga kada ng SWC members. Saka nagturo ng pagsulat ng kolum via Messenger. Sa palagay ko, naho-hook na sila sa pagiging club members. Sana dumami pa sila. Mahirap maging mentor, pero sisikapin kong maging matiyaga para sa kanila. Gusto kong mag-acquire sila ng kaalaman at skills. 

 

 

 

Hulyo 22, 2025

Kahit walang klase, maaga pa rin akong nagising, or should I say, gumising. Nag-send ako individually sa mga magulang ng activity ng mga bata. Antagal kong magawa iyon. Choice ko namang hindi magkaroon ng GC, kaya kailangan kong magtiyaga at magtiis. Okey lang naman kasi nakikita ko kung sino ang seeners lang.

 

Past 9 na ako bumaba. Tulog pa rin ang mag-ina ko. Ang tindi nila! Ako na ang nagluto ng almusal. Habang kumakain ako, saka bumaba si Emily. Pinagsabihan ko nga siya. Ilang minuto na lang, 10 am na. Kako, “Talo pa ninyo ang anak mayaman.” Sabi ko pa noong una, “Kahit anong gawin niyo, hindi nagtatagumpay ang taong ganyan ang oras ng gising.” Mabuti, wala siyang sagot.

 

Past 12, hinatiran niya ako ng lunch. Gusto niya raw bumawi.

 

Past 1, pinagbigyan ko ang sarili ko. Natulog ako hanggang past 3:30. Gusto ko pa sanang magtagal sa higaan, pero marami pa akong gustong gawin habang walang pasok.

 

Bago ako nag-off ng laptop para matulog, napagtanto kong marami pala akong accomplishment ngayong araw. Thanks, God!

 

 

 

Hulyo 23, 2024

Eight-forty-five na ako nagising. Grabe! Ang sarap matulog. Kundi pa ako ginising ni Emily, tulog pa ako. Napuyat din kasi ako kagabi dahil sa bagyo.

 

Siya naman ang nanggising sa akin. Nainit na niya ang sopas. Nag-almusal na lang ako.

 

Back to work agada ko pagkatapos mag-almusal. Tungkol sa zine at Sinag Writing Club ang trinabaho ko. Nagturo ako ng pagsulat ng editoryal. Nag-edit. Nag-post. Nag-layout ng zine. May isa nang zine sa Volume 2.

 

Bago ako natulog, nag-iwan ako sa mga members ng writing challenge. Paggising ko, back to work ulit hanggang bago at pagkatapos manood ng BQ. Bukas naman ang iba. Time to rest na. Kahit wala pa ring pasok bukas, kailangan pa ring magpahinga nang maaga.

 

 

 

Hulyo 24, 2025

Katulad kahapon, late na ako nagising. Siyempre, hindi ganoon kahimbing ang tulog ko dahil sa ingay ng ulan at hangin sa labas. Okey lang naman, at least, wala akong pasok ngayon.

 

Si Emily pa rin ang naghanda ng almusal. Kumain na lang ako pagbaba ko. Then, gumawa na ako sa laptop ko. Nag-edit at nagbasa ng akda ng SWC members. Nag-post. Nagsulat. Nakapag-post ako ng isang chapter ng nobela sa Inkitt. Umidlip din ako bandang hapon.

 

Bandang gabi, bago ako nanood ng balita, gumawa muna ako ng YT vieo, mula sa downloadable na story. Nag-translate muna ako, then naglagay ng audio. Pagkatapos kong mai-upload iyon, ginawan ko naman ng 9:16 ratio na pang-Reels.

 

At pagkatapos manood ng BQ, naghanap pa ako ng websites na may free and downloadable websites ng illustrated children’s storybooks. Huminto ako bandang 10:30 para magpahinga na.

 

Bukas, wala pa ring pasok. Whew! Halos isang linggo akong nakapagpahinga. 

 

 

 

Hulyo 25, 2025

Pasado alas-8 na ulit ako nagising. Worth it!

 

Pagkatapos kong mag-almusal, humataw agad ako sa mga gawain. Una, ni-reply-an ko ang client ko ng house and lot. Nagtanong siya kagabi kung ano ang requirements para sa bank loan. Late nang nakapag-reply si Paul C. Pero dahil sa kaniya, nagkaroon kami ng GC, kasama siya ang assistant niya at ang client ko. Hindi naman agad naka-reply ang client ko.

 

Nakapag-finalize muna ako ng entry ko sa Romeo Forbes. At nahikayat ko sina Ma’am Mel at Ma’am Joann na magpasa rin.

 

Nag-send si Ma’am Mel ng story ideya. Ako ang nagsulat ng story niya. Nagustuhan naman niya iyon.

 

Natarantaa ko kanina kasi gumawa rin ng GC ang client ko. Kasama ako at ang ate niya. Hanapan ko raw sila ng single-detached na may terrace sa GenTri. Hayun, nag-chat ako sa isang agent, na na-search ko sa FB. Mabuti, nag-reply agad.

 

Nagpa-schedule ako ng tripping bukas, with permission naman ng client ko. Ako ang pupunta kasi nasa abroad sila. Mag-virtual tour na lang kami bukas.

 

Naghanap din si Emily ng unit sa GenTri, kaya bukas mga 9, may tripping din ako sa Lanello Heights.

 

Panay pa ang paramdam ni Paul C. Gabi nan ang magkasundo kaming i-update ko siya tungkol sa trppings ko. Kapag kaya ko pa, isusunod ko ang tripping sa Camella-GenTri para isahang lakad na. Pinangakuan niya ako ng 3% commission.

 

Hindi na ako nakaidlip ngayong araw. Okey lang, worth it naman.

 

Gumawaa ko ng video, gamit uli ang free story na na-download ko. Natagalan  ako sa pag-retell, paglagay ng voiceover, at pag-layout. Natagalan din ako sa editing. At bago mag-10:30, nakapag-post din ako ng video sa Reels.

 

May SWC member pang nais makipag-chat tungkol sa zine-making. Prinangka ko nga. Gusto niya yatang magsarili ng paggawa ng zine.

 

 

 

Hulyo 26, 2025

Hindi agad ako nakatulog kagabi. Excited yata ako sa tripping. Excited ako sa unang commission ko as sub-agent.

 

Past 6, bumangon na ako para magkape. Naghanda na rin si Emily ng aming almusal.

 

Before 8, umalis na kami. Tinagpo namin ang ka-sister ni Emily, na si Sister Leony. Siya ang nagyakag kay Emily sa real estate.

 

Past 8, naghihintay naman kami sa broker nila na si Sir Niel. Siya ang maghahatid sa amin sa Lanello Heights dahil may sasakyan siya.

 

Eksaktong 9, dumating na siya. May driver siya.

 

Nasa location na kami wala pang 9:30. Maganda naman ang mga units pati ang location. Kaya lang siyempre, hindi ako ang magdi-decide. Nag-video lang ako para makita ng client.

 

Bago mag-10, hinatid naman kaming tatlo, sa Minami. Medyo naguluhan lang ako kasi hindi pala roon ang model house. Mali na pumunta kami roon, at hind isa sinabi kong Robinson’s Tejero. Kaya pinauna ko na sina Emily at Sister Leony. Naghintay ako roon hanggang past 11.

 

Saglit lang naman akong naghintay sa Lancaster. Nahuling dumating si Ma’am Jamie, ang ahenteng kinontak ko kahapon para sa tripping na iyon. Pero may nag-assist naman sa aking lalaking agent. Sinamahan niya ako sa mga model houses para mag-video. Ang gaganda rin ng units, lalo na ang dressed-up model houses. Pero siyempre hindi pa rin ako ang magdedesisyon.

 

Kumain muna kami roon, saka ni-trip nila ako sa isang subdivision kung saan itatayo ang P8M-worth na unit, na tiningnan ko.

 

May in-offfer pa sila sa akin para ialok ko sa client bago nila ako inihatid sa Kalayaan.

 

Past 4, nasa bahay na ako. Pagod man, pero masaya ako dahil sa karanasan ko. Fuirst time ko iyon.

 

Mga past 6, naka-chat ko ang client. Wala siyang nagustuhan sa mga units. Pero gusto pa rin niyang hanapan ko siya, ayon sa mga preferences niya. Natuwa ako dahil sa kabila ng kagustuhan ng ate niya na maghanap ng ibang agent, ayaw niya. Mas gusto niyang ako ang agent niya. Nakakataba ng puso. Kaya kinontak ko uli si Ma’am Jamie. Kinausap ko si Sir Aniel. At binalitaan ko si Paul C. Lahat sila ay interesadong makahanap ng unit para sa client ko. At bukas, may tripping uli ako with Sir Niel.

 

Kumati ang kaliwang palad ko kanina… Alam na this.

 

 

 

 

Hulyo 27, 2025

Past 6, nagwo-workout na ako sa higaan. Tatlong routines lang ang ginawa ko, saka ako bumaba para magkape at makipagkuwentuhan kay Emily. Puro real estate at pag-aahente na ang usapan namin ngayon.

 

Past 8, lumabas na kami para pumunta sa Riverdale Trail. May tripping kami roon. Umaasa akong magugustuhan na iyon ng client ko.

 

Bago mag-9, nandoon na kami. Nagustuhan ko agad ang bungad pa lang. Napakalapit niyon sa highway. Nadaanan ko nga iyon noong nagba-bike pa ako.

 

At nang makita namin ang nag-iisang available unit, napa-wow talaga ako. Highly recommended ko iyon sa client ko. So far, iyon na ang pinakamagandang unit na nakita ko sa tripping. Sayang na-videohan ko lang. Hindi online ang client.

 

Pagkatapos ngtripping, isinama kami ni Sister Leony sa sales operations manager namin sa subdivision na iyon. Pinameryenda kami. Ang ganda ng unit niya. Iyon din ang unit na iaalok namin sa client ko.

 

Sa mga oras na iyon, umaasa kaming makakapagdesisyon na agad ang client ko, lalo na’t may kasabay kaming nag-tripping. Mukhang interesado rin at may kakayahang pinansiyal.

 

Past 10, umuwi na kami. Masaya ako at umaasa.

 

Past 11, nakauwi na ako. Nai-send ko na sa client ko ang mga pictures at videos. Akala ko Talaga, magugustuhan niya. Disappointed ako kasi ayaw niya sa hagdanan. Hanggang sa nagpahanap na naman siya sa may Aguinaldo. Sobrang lungkot ko Talaga. Pero dahil tiwala siya sa akin, pinahanapan ko pa rin siya ng unit kay Paul C. Agad siyang nakahanap ng units sa Camella-Dasma.

 

Hinayaan ko muna si Paul sa GC hanggang sa nagsabi na ang client na next week ay may tripping uli ako. Nabuhayan ako ng loob.

 

Nakatulog ako pagkatapos niyon. At paggising ko, nag-chat na naman siya. Mukhang interesado talaga sa isang unit na worth P9M. Akala ko, up to P6M lang ang budget niya. Pero dahil iyon ang gusto niyang unit, nagpa-compute siya.

 

Mabuti na lang, online at ready si Paul C na sumagot sa mga tanong. Hayun, mukhang naka-50% chance na akong ma-close deal ko iyon.

 

Bago ako nagmeryenda bandang 5PM, I claimed na ang 3% commission. Masayang-masaya kong ibinalita iyon sa aking mag-ina.

 

Past 6, gumawa ako ng videos, na sinumulan kong gawin kahapon. Natapos at na-post ko bago mag-8:45 pm.

 

So far, hindi pa nag-chat uli ang client ko. Ipapaalam niya sa akin kung nagustuhan ng husband niya ang unit. Sana…

 

 

 

Hulyo 28, 2025

Nagkulang ako sa tulog. Baka wala pang 3 hours ang tulog ko kasi bandang past 1:00 am, nagising ako dahil sa ulan. Nag-check ako sa page ng Pasay PIO upang tingnan kung may suspension of classes. Wala. Nahiga uli ako, pero hindi na ako inantok. Na-excite akong biglang sa real estate. Nagplano ako. Gusto kong karerin ito.

 

Nang hindi na talaga ako makatulog, nag-FB na lang ako, at nanood ng videos hanggang bago mag-3:30. Nauna pa ako sa alarm ko. Ganito talaga ako kapag Lunes—laging puyat.

 

Maaga akong nakarating sa school. Pero may mas maaga pa sa akin. Nag-aalmusal pa lang ako, may mga estudyante na ako sa labas. Pinapasok ko lang sila pagkatapos kong kumain.

 

Twenty 23 lang ang pumasok kong estudyante dahil sa masamang panahon. Okey lang naman dahil halos lahat ng klase ay ganoon din ang bilang. Hindi pa sila nagsawa sa ilang araw na walang pasok. Pero nagpalitan pa rin kami ng mga klase, kaya napakabilis ng oras.

 

Pagkatapos ng klase, tinulungan ko si Ma’am Mel na ipasa ang entry niya sa Romeo Forbes children’s story writing contest. Pagkatapos, nakikain kami sa Grade 1 dahil may birthday treat doon si Ma’am Judy. Nakalibre na naman ang pang-lunch ko.

 

Past 2, pagkatapos kumain, umuwi na ako. Sobrang antok ko sa biyahe. Kahit paano ay nakaidlip ako. Muntik na nga yata akong maglaway.

 

Past 4, nakauwi na ako. Saka ko lang na-reply-an ang mga tanong ng client ko. Andami niyang tanong na hindi ko kayang sagutin, kaya nagpatulong na ako kay Paul C. Natutuwa ako kasi unti-unti nang nagma-manifest ang 3% commission ko. Sa katunayan, sabi niya, huwag daw akong mag-alala, kukuha talaga siya ng unit. At P9.7M nga. Wala ngang mapagsidlan ang excitement ko. 

 

Pang-down payment na lang ang hinihintay. At by August, uuwi na ang client ko para i-process ang DP.

 

Pinahikat pa sa akin ni Paul C ang client na magpa-reserve na, pero sinabi nito sa akin na August pa Talaga ito magkakapera. So kailangan lang talaga naming maghintay.

 

Nag-chat si Ma’am Cristina—ang aking project coordinator sa Filipino 6 textbook. Nag-chat daw sa kaniya ang layout artist ng book ko. May magkaparehong chapters daw. Pina-check niya sa akin. Hindi naman. Itsi-check daw niya uli pag-uwi sa bahay. Sana wala na akong revision na gagawin. Nakakapgod na.

 

 

 

 

Hulyo 29, 2025

Four o’ clock na ako nagising. Masyado kasi akong maaga kahapon. Maaga pa rin naman akong nakarating sa school kanina, nakapag-almusal ako bago ako nag-time in.

 

Naging maayos naman ang mga klase ko. Hindi ako nakapagturo sa Faith kasi may activity ang Bethany sa kanilang classroom. Hindi ulit ako nagsalita sa Charity. Hindi pa rin sila tumitigil sa pagpapasaway, lalo na ang mga lalaki. Ayaw ko lang talagang ma-stress sa kanila, kaya dinadaan ko na lang sa titig. At nilalapitan ko sila.

 

After class, nag-Sikap kami. Maaga nga lang ako nagpa-uwi kasi wala nang gagawin. Pagkatapos ng filtration experiment, nagpauwi na ako. Nag-stay ako roon hanggang 2:40. Naglinis nang kaunti. Gumawa ng iba pang school-related task.

 

Nakisabay sa akin si Ma’am Mel sa pag-uwi. Naglakad kami hanggang sa Buendia.

 

 

 

 

 

Hulyo 30, 2025

Ang mga nangyari kahapon sa mga klase ko ay parang naulit lang ngayong araw. Ang kaibahan lang ay lumabas na ngayong araw ang memo ng workshop sa GTA. Nag-chat din si Ma’am Mina at na-stress ako dahil parang lumalabas na winners na kaming nasa memo. Hindi kasi siya nagpa-division level, Ngayon, hahanapan niya kami ng mga entries. Ang masaklap pa, illustrated na dapat ang mga ito.

 

Past 1, nagkaroon ng LAC session at election of Faculty Club Officers. Inabot kami ng almost 5 sa school. Mabuti na lang, isinabay ako ni Ma’am Wylenne pauwi. Past 6:30 na ako nakauwi. Agad ko namang ginawa ang editing ng Karunungan book. Naiinis ako kay Ma’am Cristina. Matagal ko na sanang tapos iyon kung inayos niya ang editing at proofreading.

 

Mabuti, may mga naitabi akong Alamat. Pero bad trip ako nang hindi ko nai-save ang ilang actions sa ini-edit ko, kaya kailangan kong ulitin. Aguy! Sayang ang oras at effort. Hindi na nga ako nakapag-workout. Mabuti, hindi natuloy ang Zoom meeting with Ma’am Mina.

 

 

 

Hulyo 31, 2025

Naging maayos naman ang pagtuturo ko sa apat na sections. Hindi ulit ako nakapasok sa Faith dahil sa Math survey ng Bethany. Mabuti namang ganoon ang nangyari kasi nakapagsulat ako ng alamat para sa textbook. Nakapag-fill out sa IPCRF.

 

Naging matagumpay rin ang Sikap namin. Naubos nga lang ang oras sa paglilinis. More than one hour lang akong nagpa-games. Enjoy na enjoy sila sa pagsagot.

 

Past 5 na ako nakauwi sa bahay. Agad akong nagkape at sumulat ng alamat para sa textbook. Grabe! Mabilisan kong sinulat. Gumagana talaga ng utak ko kapag may time-pressure. Kaya bago mag-BQ, nai-submit ko na kay Ma’am Cristina. Nag-heart lang siya. Nakakainis!

 

Marami pa akong gustong isulat ngayon, pero pagod na ang utak ko. Sa mga susunod na araw na lang.

 

 

 

 

No comments:

Post a Comment

May Kuwentong Nananahan sa Abandonadong Tahanan

Sa aking paglalakad-lakad, nadaanan ko ang abandonadong bahay na ito. Hindi ko maiwasang maalala ang dati naming tahanan, na malayo sa sentr...