Baon sa Puso
Mga guro’t estudyante, uwian na noon,
Sa mga gawain sa umaga ay nagutom
Pagkapananghali ay babalik sa hapon.
Si Roy, na madalas ay walang baon,
Ay muling nagpaiwan sa kanilang klasrum
Nais niyang magtago lamang doon.
Ayaw niyang may mag-usisa, magtanong
Kung bakit hindi siya umuwi, siya’t naroon.
Subalit babaeng kaklase ay may baon.
Nainis siya nang nagpaiwan din ito roon,
“Kumain ka na?” Ito pa’y nagtanong.
Mabilis na tango ang kaniyang tugon.
Pagkatapos mang-alok, sumubo, at lumulon
Kaklase niya’y lumabas sa silid na iyon
Sa pagkaawa sa sarili, muling naituon.
Para sa kaniya, mahalaga ang edukasyon
Kaya naghigpit na lang siya ng sinturon
Gutom ay hindi pangmatalagang panahon.
“Kumain ka na, Roy.” Siya’y napalingon.
Isa sa mga gurong may pusong mamon
Ang sabi pa, “Huwag kang magpapagutom.”
Pagkaing dala’y pansamantalang solusyon
Ngunit babaon sa puso ang kaniyang aksiyon
Tunay na ang bawat guro’y may mabuting layon.
No comments:
Post a Comment