Ang Bakunawa at ang Pitong Buwan
Noong unang panahon, may isang
payapang bayan, na tinatawag na Banwa. Biniyayaan ito ni Bathala ng pitong
buwan upang tuwing nagtatago ang araw ay magbigay ng liwanag sa mga tao. Lahat
ng bahagi ng kanilang bayan ay nababanaagan ng buwan.
Samantala, hindi alam ng mga tao sa
Banwa na may nananahang dambuhalang ahas-dagat sa mga yungib sa kailaliman ng
karagatan. May mahaba, makapal, at makintab na katawan ito, na nababalutan ng
kumikislap na kaliskis. Malalaki at nagliliwanag ang mga mata nito. At sa laki ng
bibig nito, kaya nitong lamunin ang buwan.
“Ang gaganda nila! Kailan ko kaya
makakain ang isa sa kanila?” sabi ni Bakunawa habang nakatingala sa kalangitan.
Labis ang paghanga niya sa mga maliwanag at makulay na buwan. “Kung malulunok
ko lamang sila, ako na ang magmamay-ari ng walang hanggang kagandahan sa
mundo.” Tumawa pa siya nang napakalakas, kaya nabulabog ang mga hayop sa
karagatan.
Nang gabing iyon, pinag-isipan ni
Bakunawa ang mga dapat gawin upang makakuha ng buwan.
“Alam ko na!” bulalas ni Bakunawa.
“Lilipad ako habang natutulog ang mga tao sa Banwa, saka ko lulunukin ang isang
buwan upang walang makakita sa akin. Magliliwanag na sa kailaliman.” Ganoon nga
ang ginawa niya. Bumuwelo siya nang ubod ng lakas, saka mabilis na nilipad ang
kinaroroonan ng pulang buwan. Pagkatapos niyon, nagmamadaling dumaluyong
pabalik si Bakunawa nang malunok niya ang buwan. Parang nagliliyab ang kaniyang
tiyan.
“Ang ganda ko na!” sigaw niya nang
nasa kailaliman na siya ng karagatan.
Subalit lumipas ang mga araw, labis
ang kalungkutan ni Bakunawa nang natunaw ang nilamon niyang buwan.
Muling kumuha si Bakunawa ng isang
buwan. Matagumpay naman niyang nalunok ang kahel na buwan, subalit, gaya noong
una, natunaw rin ito.
“Hindi ako susuko. Susubukan kong
muli,” nakangising sabi ni Bakunawa.
Sa anim na beses at anim na buwang
nalunok ni Bakunawa, anim na beses ding natunaw ang mga iyon at anim na beses
siyang nabigo. Inis na inis siya.
“Pagpaplanuhan ko nang maigi ang mga
gagawin upang hindi masayang ang kahuli-hulihang buwan sa Banwa,” sabi ni
Bakunawa.
Samantala, tumugtog ng mga
instrumentong pangmusika ang mga tao sa Banwa. Nagsisigawan ang mga babae at
lalaki dahil sa pangambang tuluyan nang mawala ang natitirang buwan. Pinatunog
nila nang pinatunog ang kanilang mga tambol upang umabot kay Bathala.
“Bathala, nawawala ang anim na
buwan,” sigaw ng mga tao.
“Nakita ko ang isang dambuhalang
ahas, mula sa karagatan. Nilamon niya ang berdeng buwan,” salaysay ng matandang
lalaki.
“Iyon marahil ang dahilan ng
kadiliman sa Banwa. Ang Bakunawa! Siya ang lumamon sa anim na buwan,” sabi ng
kanilang pinuno.
“Kung kakainin pa ni Bakunawa ang
natitirang buwan, paano na tayo?” tanong ng mga tao. “Ano ang gagawin natin?”
Lingid sa kaalaman ng mga
taga-Banwa, natuklasan na ni Bathala ang paglamon ni Bakunawa sa anim na buwan.
Kailangan niya itong mapigilan bago pa mahuli ang lahat, kaya nag-isip siya ng
mga hakbang.
Ang unang gagawin ni Bathala ay
sabihan ang mga tao sa Banwa na manatiling alerto. Ang sunod naman ay sasabihan
niya ang mga ito na magkaroon ng mga tagabantay. Pagkatapos nito, hihikayatin
niya ang mga ito na ipagpatuloy ang pagtatambol dahil takot ang Bakunawa sa
ingay. At sa huli, magtatanim siya ng mga kawayan sa gitna ng buwan. Iisipin ng
Bakunawa na hindi na maganda at makinang ang asul na buwan, at hindi na nito
lalamunin.
Ganoon nga ang nangyari.
Salit-salitan ang mga tao sa Banwa sa pagbabantay kay Bakunawa at sa pagtugtog
ng mga tambol. Subalit, nagulat na lamang ang lahat nang biglang nagdilim ang
kanilang bayan.
“Ang Bakunawa!” sigaw ng isang
bantay.
Mabilis na tinambol ng mga tao ang
kanilang mga instrumento. Nagsigawan at naghiyawan ang mga ito. Gumawa sila ng
iba-ibang ingay.
Nang marinig iyon ni Bakunawa,
nailuwa niya ang buwan. Nagmamadali siyang bumalik sa kaniyang yungib.
Nanginginig siya sa takot at pagkabalisa.
“Salamat, Bathala! Salamat!” hiyaw
ng mga taga-Banwa. Ipinagpatuloy ng mga ito ang pagtugtog ng tambol.
Kinalaunan, muling naghari ang
kapayapaan sa Banwa. Nawala man ang anim na buwan, hindi naman mawawala sa
kanila ang pag-asa at katapangan na protektahan ang huling buwan.
Nagtanim pa si Bathala ng maraming
kawayan sa buwan, kaya nagmistula itong may madilim na anino ng mukha.
Sinusubukan pa rin ni Bakunawa na
lamunin ang asul na buwan, ngunit palagi siyang nabibigo. Laging nakaabang ang
mga taga-Banwa. Lagi silang sumisigaw, gumagawa ng mga ingay, at nagpapatugtog
ng mga tambol. Pinaniniwalaan din nila, na hanggang hindi mamatay ang mga puno
ng kawayan, hindi magtatagumpay si Bakunawa sa masamang balak nito.
“Hindi ninyo ako mapipigilan!”
banta ni Bakunawa. “Babalik-balikan ko kayo.”
No comments:
Post a Comment