Followers

Sunday, November 1, 2026

Ang Aking Journal -- Oktubre 2026

 Oktubre 1, 2026

Nag-igit na naman ako paggising ko. Hindi man kasingdami ng kagabi, pero guminhawa lalo ang pakiramdam ko. Maganda talaga ang papaya para mag-detox. Halos araw-araw kasing bilog-bilog lang ang popo ko. Palibhasa kulang sa fiber. Sa sobrang ka-busy-han, hindi na makakain ng mga gulay.

 

Wala pang 5, nasa labas na ako. Pinakikiramdaman ko ang tiyan ko. Hiniling ko sa Diyos na sana hindi ako abutan habang nasa biyahe. Ayaw ko namang um-absent. Marami ang magiging kaganapan ngayong araw. May volleyball exhibition game, bilang bahagi ng Teachers' Day celebration. May pa-lunch treat sa mga winning campus journalists at trainers ang principal. May baseball training sa Grandstand. At may bagong lesson sa Filipino, na dapat ituro.

 

Naging maayos naman ang pagtuturo ko sa Love, gayundin sa iba pang section. Nagustuhan nila ang storyboard.

 

Pagkatapos ng klase, natagalan kami sa kahihintay sa mga kasamahan. Past 2 na yata kami nakakakain. Gutom na gutom na talaga ako kaya nakapagsalita na naman ako. Gusto pa kasi magpahintay ng iba. E, may mga sakay na pasahero ang naarkilang sasakyan. Nakakahiyang paghintayin sila. Kako, "Huwag na natin silang hintayin. Irespeto natin ang oras ng iba."

 

Sa Kenny Rogers, tahimik lang akong kumain. Antok na antok din ako pagkatapos.

 

Pagbalik namin sa school, abala na ang lahat para sa palaro, na bahagi ng Teachers' Day celebration.

 

Kami naman ni Ma'am Mel ay nakinig may Ma'am Joann sa baseball class. Marami akong natutuhan sa kaniya. Nag-explain din si Sir Joel G.

 

Maaga akong nakaalis ngayon sa school kasi hindi na kami nakapag-training sa Luneta. Past 7:30, nasa bahay na ako. Agad akong naghapunan, saka gumawa ng PPT. Past 9 na nang umakyat ako para matulog.

 

 

 

 

 

Oktubre 2, 2026

Maayos akong nakapagturo sa lahat ng section, maliban sa Charity, kasi wala sila. Pumasok sa ibang silid ang ilang pumasok. Mas marami ang absent kasi nasa laban ng taekwando ang adviser nila.

 

Nagustuhan nila ang maikling kuwentong binasa ko sa kanila, kaya na-inspire ako.

 

Hindi rin masyadong nagpasaway ang Love. Dahil ba may Teachers'Day celebration sa hapon?

 

Past 1:30 na nagsimula ang selebrasyon. Nag-lunch kami. At nang nagsimula na, iprinesenta ko ang sarili ko para bigkasin ang isinulat kong tula kahapon.

 

Teacher, Ikaw Naman...

 

 

"Teacher, ikaw naman..." Iyan ang tagline ng Kagawaran

Kinilig ka naman, pero iyo bang naunawaan?

Bitin. Walang katuturan. Isipin mo: anong ibig nilang sabihin niyan?

Mayroon bang ipinangako? May sinabi bang ikabubuti mo?

Wala! Hindi ba't katulad lang ito ng kanilang napakong pangako?

Pinaasa ka lang. Sabi nila, Teacher, ikaw naman.

Ang ano? Ang yayaman? O ang kawawa? Ano nga?

 

 

Gusto mo sanang marinig mula sa kanilang mga bibig

"Teacher, ikaw naman ang giginhawa, ikaw ang liligaya."

"Teacher, ikaw naman ang aangat, hindi na maghihirap."

"Teacher, ikaw naman ang tama, karapatan mo'y mahalaga."

"Teacher, ikaw naman ang bida, ikaw ang tunay na dakila."

Subalit suntok sa buwan na ang mga iya'y mapakinggan

Ang Expanded Career Progression nga'y naging depression.

 

 

 

Wala raw mag-reretire na Teacher 1. Totoo 'yan

Dahil alam ko, gusto mo na talagang mag-resign

No disruption of classes daw, pero Sabado sa 'yo ay ninanakaw

Madalas oras na ng uwian, pero nasa school ka pa

Kung wala ka sa contest o laban, may meeting naman

"For the exingency of service," ang sasabihin lang

Kapag hindi ka sumunod, insubordination ka malamang

 

 

Kapag nagpalit ng kurikulum, ikaw ang kawawa sa implementasyon

Sila itong nasa posisyon, pero panay utos lang at opinyon

Ikaw na nasa klasrum ay hindi inuunawa, walang konsiderasyon.

Ginagawa kang clinical rat sa eksperimento nilang nakakaurat.

Palagi ngang may bago, sistema nama'y 'di nagbabago.

Kawawa ka talaga, nagdurusa, at hindi ka pa makaangal, 'di ba?

Susunod ka na lang ba? O aalis na lang sa sistema?

 

 

Kapag bumaba ang kalidad, ang salarin ay ikaw agad

Para bang wala kang ginawa, at isa kang gurong wala kuwenta

Pagkaguro mo'y nahahamak na kahit halos buong buhay, ialay mo na

Ang mga kasalanan ng iba, ikaw ang sisisihin nila.

Ikaw na madalas mag-uwi ng mga gawain sa bahay,

Ikaw pa ang madalas na nababalewala at walang karamay

Madali ka lang palitan kaya bawal kang magkasakit, mamatay.

 

 

Sa shooting incidents, ikaw na naman ang suspek

Hindi ikaw ang shooter, ikaw raw ang nagturong maging suwail

Pagiging walang modo, nakasulat ba sa LP at iyong plinano?

Tao ka lang din naman--- minsan nagkakamali, may pagkukulang

Pero sa paaralan, hindi mo iminomodelo ang kasamaan

Best teacher ma'y 'di ikaw, pero ginagawa mo ang best mo araw-araw.

Ikaw ang tumatayong magulang sa mga batang malaki ang pangangailangan.

 

Ikaw ang nagpupuno ng asal at kaalaman, na kanilang kulang

Ngunit ikaw pa itong tampulan; ang sisi sa 'yo naman.

Isang buwan man na ang Teachers' Day ay ipagdiwang,

Kung respeto at pagpapahalaga sa 'yo ay kapos, huwag na lang.

Hindi ba't hangad mo'y pahinga ng isang araw, hindi papuring paimbabaw.

 

Araw daw ng mga guro, ngunit pagod maghapon sa pagtuturo

Rest day ang kailangan mo, hindi ang pagbating di-taos sa puso.

Aanhin mo ang mga matatamis na tsokolate, kung araw-araw kang nanggagalaiti?

Aanhin mo ang mga bulaklak, kung ika'y wasak na wasak?

Wala ka nang kalayaang dumisiplina ng mga tinaguriang "pag-asa"

Wala nang bisa ang mga pangaral sa mga modernong mag-aaral

At wala nang pagpapahalagang natatamo mula sa gobyerno.

 

Teacher, ikaw naman... ikaw naman sana ang pakinggan

Mga daing mo'y dinggin, at makamit ang mga mithiin

Nawa'y ikaw naman ang protektahan; isulong ang mga karapatan

Karapatang mamumuhay nang sagana, sa mga loan ay makalaya

Upang hindi mo maisip na lumayo, at sa ibang magserbisyo

Upang kalidad na edukasyon ay matamasa ng bagong henerasyon

At upang ikaw ay patuloy na maging inspirasyon.

 

Padayon.

 

*

Sigurado akong nagustuhan nila ang mensahe ng tula ko. Tinawag nga ako ng principal pagbaba ko. Kailan ko raw isinulat iyon. Kako, kakapon lang habang nasa biyahe ako. Sinegunduhan naman ni Ate Jing. May mas mahaba pa raw akong tula. Hindi ko na narinig ang iba nilang usapan pagkatapos kong umalis.

 

Past 3, umalis kaming baseball team para mag-train sa Luneta. Kailangan ng mga players na matutuhan ang defense. Kaya pagdating doon, nagkaroon ako ng chance na tumakbo-takbo sa mga bases. Nakaka-enjoy naman, pero nakakapagod. Sumakit nga ang tagiliran.

 

Past 6, nakabalik na kami sa school. Nagkakaraoke at nag-iinuman na sa covered court ang ilang mga guro at SPTA officers. Uuwi na sana ako---five o' clock daw kasi ang call time-- para makabalik ako agad, pinakanta at pinainom naman ako. Pinigilan ako ni Sir Joel G na huwag nang umuwi, pumayag naman ako.

 

Inabot kami nina Sir Jess, Sir Joel G, Sir Joel K, Sir Archie, at Sir Hermie nang past 12 sa kakainom at kakakanta. Ang saya naman, pero hindi na kinaya ang antok at hilo. Sumuka na rin ako. Nagpaalam na ako sa kanila. At nahiga ako sa classroom ni Ma'am Joan.

 

 

 

Oktubre 3, 2026

Hindi ako nakatulog nang maayos, hindi lang dahil sa lasing ako, kundi dahil sa higaan ko. Sport foam lang ang hinigaan ko. Walang kumot at unan. Hindi rin ako nakapagbukas ng electric fan dahil walang saksakan. Mabuti na lang, binuksan ni Sir Joel G nang patulugin niya rin doon si Sir Archie.

 

Bago mag-5, gising na ako. Medyo nahihilo pa ako, pero bumangon na ako kasi may mga baseball players nang dumating.

 

Naligo at nagsipilyo na ako agad. Side B lang ang brief. Ang pantalon ay repeat. At ang damit ko ay extended. Iyon ang ipinampalit ko nang pinagpawisan ako after training.

 

Nagsisi nga ako kung bakit pa ako nakipag-inuman at hindi umuwi agad. Hindi naman pala aalis agad. Past 6 na kami nakaalis sa school. Sabagay, okey rin naman na naka-bonding ko sila. Hindi naman iyon araw-araw.

 

Tinanong ko na si Sir Hermie kung aprubado ba iyon sa aming principal. Oo raw.

 

Past 8, nasa Felino Marcelino Sr. Baseball Stadium na kami sa Taguig City. First time ko roon. Maganda naman ang lugar. Parang ang sarap maglaro.

 

Matagal kaming naghintay roon. Third game pa ang team namin, kalaban ang team ng TPES. Kaya naman, marami ang naging kaganapan at paghahanda. Nakapag-almusal kami. Nakapag-train pa nang saglit. Nakapagkuwentuhan. At nakaidlip.

 

At nang tinawag na kami, doble na ang kabog ng dibdib ko. Mukhang mahuhusay at maaangas ang players ng kabilang team. Sinabihan pa nga ang players namin ng 'puro hangin.'

 

Ang team namin ang defense. Maiiyak-iyak ako sa tuwa dahil sunod-sunod nilang na-out ang tatlong batter. Napabilis ang laro.

 

Nang ang team na namin ang batter. Naging sunod-sunod rin ang home run. May na'out na isa, pero bago maka-home run uli ng panglima, sumuko na ang catcher at third base. Hindi na nila kinaya.

 

Tuwang-tuwa kami. Napatunayan naming hindi talaga deserved ng TPES. Noon pa, DQ na dapat sila dahil hindi nila nakompleto ang 12 players. Binigyan lang sila ng chance na magdagdag kahit lampas na sa deadline.

 

Gusto kong maiyak sa tuwa hindi lang dahil sa husay ng players namin, kundi dahil na rin sa katotohanang magkakaroon ako ng P21k dahil pasok na kami sa NCR Palaro sa December. Pangarap na natupad. Worth it ang ilang araw na pagod at puyat ko dahil sa training.

 

Pagkatapos ng awarding, pictorial, at pagliligpit, bumiyahe agad kami pabalik sa Pasay. Nagbigay ang principal namin ng P3k para sa pangkain namin.

 

Sa Mang Inasal sa Harbour Square kami kumain. Dinagdagan na lamang ni Ma'am Joann ang pera para mapakain din ang mga parents ng players.

 

Past 5, nasa school na kami. Saglit kaming nagkuwentuhan nina Sir Joel, Ma'am Joann, Ma'am Leah, at Ma'am Mel. Magkakaroon ng changes.

 

Hindi na ako ang coach ng baseball. Si Ma'am Ann na. Assistant coach pa rin ako. Sabi nila noon at kanina, ibibigay nila iyon sa akin. Medyo hati ang damdamin ko, kaya okey lang na hindi ako. Kailangan ko pa namang aralin lahat ang baseball game.

 

Si Ma'am Mel ay magiging trainer ng softball. Nalungkot siya nang pauwi na ako kasi pinaghiwalay kami. Sabi ko, okey lang naman kasi sabay naman palagi ang training.

 

Past 8 na ako nakauwi sa bahay. Kumain lang ako ng dala kong pansit at tinapay, mula sa laban, saka natulog na ako. Plakda pero masaya. Very grateful and thankful.

 

 

 

Oktubre 4, 2026

Sa wakas, nakabawi na ako sa puyat! Alas-8 na ako nagising. At andami ko pang naging panaginip--- panaginip na parang totoo.

 

Bago ako naghanda at kumain ng almusal, nagbabad muna ko ng mga labahan. Pagkatapos, naglinis naman akk sa garden, saka nagdilig ng mga halaman.

 

Ang paggawa ng lesson plan at Powerpoint presentation ang ginawa ko habang nagbababad. Lumabas lang ako para bumili ng laing at mansanas. Naging impulsive buyer naman ako nang makakita ako ng bilihan ng fish bowl. Forty raw ang maliit kaya bumili ako ng tatlo. Gagawin kong moss garden ang mga ito.

 

Past 3, nakapagsampay na ako ng lahat ng nilabhan ko. Umidlip muna ako hanggang 4 bago umalis o maglakad patungo sa Palawan para magpadala kay Zillion. Pagbalik, nag-cash in naman ako para kay Zildjian, gayundin para sa housing loan at internet connection. Goodbye P16k!

 

Pagbalik ko, nagmeryenda lang ako, saka muling gumawa sa desktop. Naisingit ko rin ang pangungusina kahit riceless ang meal ko ngayon. Nakapag-ehersisyo rin ako nang kaunting minuto bago ako umakyat bandang 9:45.

 

 

 

Oktubre 5, 2026

Mainit na agad ang ulo umaga pa lang. Teachers Day raw kasinjgayon, pero may klase. Shortened pero 5 minutes lang. Pagkatapos, may misa pa. Wala mang SIKAP,  hindi pa rin okey. Mas gusto ko pang mag-SIKAP kaysa dumalo sa misa.

 

Hindi ako nagturo sa Love at Hope. Nagpasulat lang ako ng maikling kuwento tungkol sa kadakilaan ng guro. Sabi kasi ng grade leader namin, huwag na raw magpalitan. Pero nagpalitan sila. Late na tuloy ako nakapasok sa Hope.

 

Nagturo naman ako sa tatlong sections kahit tahimik at malungkot ako. Hindi ko ramdam ang Teachers Day ngayon. Bukod sa inaantok ako, wala akong naramdamang pagpapahalaga sa mga guro. Iba na ang mga kabataan ngayon. Pasaway pa nga sila, lalo na ang Love.

 

Pagkatapos ng klase, inabot sa akin ng dalawang estudyante ng Peace ang mga greeting cards at dalawang pirasong prutas. May towel at panyo rin. Sinabihan ko na silang huwag magregalo, pero ginawa pa rin nila.

 

Na-appreciate ko lang ang mga liham at mensahe nila. Nakakataba ng puso. Hindi talaga ako nase-zero. Taon-taon akong nakakaranggap ng letter may magandang mensahe. Ngayon, hindi lang isa, kundi marami.

 

Dumalo ako sa misa kahit late na akong bumaba. Ang init sa covered court. Mabuti na lang, natapos agad-- bandang 2. Nakauwi naman ako agad bago mag-4.

 

Pagkatapos kong magmeryenda, humarap agad ako sa desktop para gumawa ng PPT. Hindi ko natapos ang isa kasi nahirapan ang AI na gumawa ng pictures para sa science fiction ko. Hindi bale, naka-ready naman ang PPT ko para bukas.

 

 

 

 

Oktubre 6, 2026

Tamad na tamad akong pumasok pero hindi ako puwedeng um-absent. Hindi rin ako nagpakita sa mga estudyante ng katamaran, lalo sa Love.

 

At gaya ng halos araw-araw na pakikibaka sa mga estudyante at sa kanilang kawalang-disiplina at kawalang-pagpapahalaga sa edukasyon, nagalit na naman ako at nagsermon sa lahat ng klase, maliban sa Peace. Grabe sila. Hindi na nga nakikinig, nang-iistorbo pa ng klase. Karamihan din sa kanila, nonchalant. May pinalabas naman ako sa Faith dahil bastos siya. Pinagagalitan ko na nga, pangisi-ngisi pa. Ibang klase. Maangas pero walang laman ang utak. Puro hangin lang.

 

Pagkatapos ng klase, nag-lunch kami sa canteen. Natuloy rin ang birthday treat ni Ma'am Amy. Solb ang pananghalian. May friend chicken, butterd shrimp, tomato-cucumber salad, at cake.

 

Bumalik pa ako sa classroom para mag-print ng SF2. Naghintay rin ako lay Sir Jess sa office para maipasa sa kanya, kaya past 2 na ako nakalabas sa school.

 

Past 4,  nasa bahay na ako. Habang nagmemeryenda, nakaharap na ako sa desktop. Gumawa muna ako ng activity sheets para may gagawin ang mga estudyante habang nak-Wellness Leave ako sa October 12 at 13. Pagkatapos, nag-email ako ng lahok sa Tanza Writers Workshop. Sana mapili ako. Sana isa ako sa mga anim na fellows na kanilang pipiliin.

Ipinagpatuloy ko rin ang paggawa ng PPT na gagamitin ko sa Friday.

 

Hindi pa tapos ang 'Master Cutter,' umakyat na ako para magpahinga.

 

 

 

Oktubre 7, 2026

Ni-realtalk ko ang mga parents at guardians sa GC nang magsimula na kami sa summative test. Sabi ko: "Kabibigay lang po ng allowance kahapon, pero ang ilan sa mga estudyante ng Love ay walang papel. Parents/Guardians, please naman. Huwag po nating iasa sa iba ang pangangailangan ng inyong anak/alaga. Paano natin sila tuturuang maging responsable kung pumapasok silang walang papel o ballpen. Huwag po sana nating i-tolerate ang panghihingi lang sa kaklase. Bukod sa maingay at magulo, nakakawala ng respeto sa sarili. Salamat!"

 

May nagpatunay na talamak nga ang hingian --buraotan ng papel sa klase. Aniya, "Naubos n nga po yong isang pad ni Anjelo sir e kakabili lng nia ....panay hingi dw po ng mga kaklase nia sbi ko ibento mo 2pcs piso. Hnd nmn kasi madamot yon pag meron sia minsn pa ung baon nia kinukuha ng mga kaklase nia. Nawawala ung mga gamit nia, pera nia baon nia, bat ganon ang mga kaklase nia."

 

Sagot ko naman, "Masama ang maging maramot, pero mas masama ang palaasa. Kaya turuan po nating maging responsable ang mga bata sa kanilang pangangailangan."

 

Wala nang nag-react.

 

Maya-maya pa, napansin ko ang mga bakanteng upuan, kaya nag-send ulit ako. Kako, "1st Summative Test ngayon, pero may mga absent pa rin. Ayaw talagang pahalagahan ang edukasyon. Absent na nga madalas kapag regular classes, pati ba naman sa summative test. Haist! Parents/Guardians, be responsible po. Hindi kaya lahat ng guro. Bahagi po kayo ng development ng mga bata. Kung hindi pala mahalaga ang grades, bakit pa ninyo in-enroll ang mga anak niyo sa school. Sana sa bahay na lang ninyo turuan.

 

May nag-message, na nali-late lang ang anak niya. Ilang sandali lang ang lumipas, dumating na ang anak niya. Nakakainis ang aura, kaya nag-reply ako. Sabi ko, Sobrang late na po niya. Pangisi-ngisi pa nang dumating." Isang period na siyang late. Hindi na nga nakapag-test ng Filipino, parang natutuwa pa. Ang tindi. Mabuti, hindi na sumagot ang ina.

 

Naging maaayos naman ang unang summative testing sa Term 2. Medyo maingay ang Charity at Faith, pero hindi makabuwelo sa akin. Pinagagalitan at sinesermunan ko kaagad.

 

Pagkatapos ng klase, hindi na naman ako nag-SIKAP. Kinailangan kong dumalo sa kick-off ng ARAL Reading Program. Sa Garde 6, ang Love ang may pinakamaraming bilang ng may problema sa pagbabasa.

 

Past 2, bumalik ako sa classroom upang ipagpatuloy ang printing ng activity sheets ko, na iiwan ko sa mga kasamahan ko para may gagawin ang mga estudyante namin sa Oktubre 12 at 13, habang naka-wellness leave.

 

Past 5 na yata ako nakauwi. Bago ako nagmeryenda, umakyat ako upang matulog sana, pero biglang nawala ang antok ko.

 

Gumawa muna ako ng activity ko para sa asynchronous bukas, bago ako gumawa ng stamps, gamit ang puncher na nabili ko sa onliem shop. Nakakaadik iyon. Kulang lang ako sa oras at sa papel. Sa Term 3, stamps na ang ipamimigay ko sa recitation, hindi na stars.

 

 

 

Oktubre 8, 2026

Past 7 na ako nagising. Nagtaka ako kung bakit hindi ko narinig ang alarm. Pero nang nasa banyo na ako--- naliligo, naalala kong Huwebes pa lang pala ngayon. Nai-set ko ang 5:30 para bukas (Biyernes). Aguy! Nagmadali tuloy akong maligo. Hindi na rin ako nag-almusal. Nagdala na lang ako ng saging at biscuits para makain ko sa bus.

 

Past 9 na ako nakarating sa Cuneta Astrodome. Nakasabay ko ang ilan kong mga kaguro sa pagpasok doon. Nagsama-sama rin kaming umikot kung may freebies na. Wala pa naman, bukod sa pila sa mga wellness matters, like free haircut, manicure, etc.

 

Nang nagkayayaan ang 3 Grade 5 teachers na mag-almusal, sumama ako. Kumain kami ng lomi sa Taste of Joy.

 

Pagbalik namin sa astrodome, na-bad trip ako kasi ang haba na ng pila. Naglabas ako ng hinaing habang nakapila kasi mali ang sistema. Pinagpila pa naman nang napakalayo at napakatagal ang mga guro para lang sa tumbler ng China Bank. Sabi ng baklang SDO official, huwag daw kaming mag-alala, 3000+ plus daw ang tumblers. Mabibigyan kaming lahat. Iyon nga, e. Magtitig-isa naman pala kami, bakit pa pinapila? Dapat AO na lang ang pumila. Per school na lang ang pag-claim. Nakakagago lang. Ginawa nilang hayok sa tumbler ang mga guro.

 

Matagal pa bago nakapagsimula ang program. Pabalik-balik mjna ang mga guro sa pilahan ng mga freebies. Pumila lang ako sa ice cream, bath soap, at kalendaryo. May mga cupcakes pang ipinamigay.

 

Naging maayos naman ang selebrasyon. Nasuya lang ako sa mga dumating na politiko. Lagi na lang silang nandoon. Although may ibinibigay silang perang pampa-raffle, dapat hindi nahahaluan ng politika ang ganitong okasyon. Kahit pa nangako ng bagong laptop ang city mayor, hindi pa rin ako natutuwa.

 

At mas lalo akong nainis nang hindi man lang ako nabunot sa raffle. Almost half million ang total prize money mula sa politicians, pero kahit sa P5K, hindi ako nabunot. Mabuti na lang, may freebies ako.

 

Past 7 na natapos ang raffle. Agad akong bumiyahe pauwi. Past 9, nasa bahay na ako. Nagkape lang ako at kumain ng 2 tokneneng na binili ko sa paradahan.

 

Pasr 10:30, natulog na ako. Sobrang antok ko na. Gustuhin ko mang magbasa o mag-social media lang, hindi na kinaya.

 

 

 

Oktubre 9, 2026

Nakabawi na ako ng puyat! Ang sarap talagang matulog. Bihirang-bihira ang pagkakataong ganito kapag school days. Mabuti na lang talaga, nagdeklara ang asynchronous classes ang SDS.

 

Before 8, nasa baba na ako para maghanda ng almusal. Habang ginagawa ko iyon, nagbababad naman ako ng mga labahin.

 

Pagkatapos mag-almusal at bago ako humarap sa desktop, naglinis muna ako garden.

 

Past 10, nabalahaw ang paggawa ko ng LP dahil sa online meeting na isinagawa ng school DRRM coordinator. Tungkol aa shooting incident drill ang topic, na gaganapin sa October 14. Inabot kami ng 11:45. Saka lang tuloy ako nakalabas para bumili ng mga prutas at ulam. Mabuti na lang, tapos na akong gumawa ng LP.

 

Hindi agad ako nakapagbanlaw ng mga nilabhan ko dahil nawalan ng tulo ang gripo. Wala man lang abiso. Kaya pala ang hina ng tulo kanina. Ito na kaya ang epekto ng El Nino?

 

Hindi rin agad ako nakaligo, kaya natulog na lang ako hanggang quarter to 4. Nang magkaroon na ng tulo ang gripo, nagbanlaw na agad ako.

 

Past 5, lumabas ako para bumili ng betta fish, gayundin ng ibang pangangailangan sa bahay.  Past 6 na ako nakabalik. Wala na namang tubig. Mabuti, nakapagsahod ako nang kaunti. May panghugas ako.

 

Bago ako nakapagsimulang gumawa ng PPT, andami ko munang ginawa. Nag-punch ng mga stamps. Gumawa ang moss garden sa fish bowl. Nag-acclimate ng betta fish. At iba pa.

 

Past 10 na ako umakyat para magpahinga.

 

 

 

Oktubre 10, 2026

Bawing-bawi na ako sa tulog. Past 7 na ako nagising. Andami kong panaginip. May dalawang panaginip akong hindi ko makakalimutan. Akala ko nga, totoo. Una, nakarating ako sa isang lugar na Muslim ang mga nakatira. Maganda roon. Maalon ang dagat. Mahangin. Mababait ang mga tao. Pambihira lang kasi nakarating ako roon, lulan ng sasakyang himpapawid na gawa lang yata ng welder. Pangalawa, kaparehong lugar yata iyon, pero nasa mapunong bahagi na. Binibidyuhan ko ang maliliit na mga nilalang, na mukhang mushroom. Jelly ang texture. Green at blue. Nagtakbuhan sila pero dahil maliliit, nakuhaan ko sila ng video habang hinahabol ko. Tumigil pa ang isa, saka parang galit na nagsalita. Parang sinasabing huwag ko silang sundan at bidyuhan. Naisip kong may pang-Reels at Tiktok na ako.

 

Nagising ako sa putpot ng dump truck. Kailangan ko nang bumangon upang maitapon ko ang mga basura. Siyempre, naghanda na ako ng almusal pagkatapos kong mailabas ang mga iyon.

 

Pagkatapos kong mag-almusal, humarap na ako sa desktop upang gumawa ng PPT. Natagalan akong magpagawa sa AI ng mga pictures oara sa mga scific na gagamitin ko sa lesson. May mga kahinaan din ang nga AI, kaya paulit-ulit akong gumagawa ng prompt.

 

Bago mag-2, naglaan ako ng oras para magbasa. Ginawa ko ring pampaantok iyon. Kaya nang inantok, pinagbigyan ko. Past 4 na ako nagising.

 

Pagkatapos kung magmeryenda, ipinagpatuloy ko na ang paggawa. Past 6, bago ako naglakad-lakad sa labas o sa talipapa, nag-off na ako ng desktop. Hindi ko pa.man tapos ang dalawanflg PPT, at least, umusad na. Na-meet ko na kasi ang limit ng mga AI.

 

May gusto akong bilhin sa labas kanina, pero hindi pa open ang tindahan. Umuwi akong walang nabili kahit pagkain. Pagdating ko, nanood na lang ako ng mga arts, crafts, and hobbies videos.

 

Past 9, nasa kuwarto na ako. Nagbasa muna ako nang saglit, saka nanood uli.

 

Nag-chat nga pala si Ma'am Cristina. Actually, nabasa niya ang Note kong "Feeling sick. Need PERAcetamol." Aniya, "Malapit na, Sir." Kaya pala kumati ang kaliwang palad ko kanina. Thank God!

 

 

 

Oktubre 11, 2026

Pagkatapos kong mag-almusal bandang 8 am, naglinis muna ako sa graden, saka humarap na sa desktop. Pinulido ko ang mga PPT presentations na gagamitin ko sa Wednesday hanggang Friday.

 

Maghapon akong nag-journaling. Nakakaadik ang paggawa ng stamps mula sa mga patapong karton at papel, gamit ang L-shaped puncher.

 

Hapon, naglaan ako ng oras para sa pagbabasa, panonood, at pagtulog. Past 3:45 na ako nakamulat.

 

Hapon hanggang gabi, wala akong ibang ginawa--- bukod sa paggawa ng activity sheet sa SIKAP, kundi mag-journaling, manood ng videos tungkol dito, at mga bagay na gusto ko pang gawin. Nakakawala ng stress at problema ang mga ganitong hobbies.

 

Kahit excited ako sa mga gagawin ko kinabukasan, inantok pa rin ako bandang 11 pm.

 

 

 

Oktubre 12, 2026

Almost 8 na ako nagising. At dahil unang araw ngayon ng wellness break ko, hindi muna ako bumaba para maghanda ng almusal. Nagselpon lang muna ako. Bihira kong maranasan ito kapag weekdays, kaya susulitin ko na.

 

Past 9 na ako nakapag-almusal. Okey lang naman kasi wala naman akong importanteng gagawin ngayon araw, maliban sa mga hobbies ko.

 

Pagkatapos kong maglinis sa kusina, humarap na ako sa junk journal ko. Habang gumagawa, naisipan kong manood ng baseball game. Tiyempo, maykasisimula pa lang na laro. Live pa sa YT. Kailangan kong maging pamilyar sa larong ito.

 

Naputol ang panonood ko ng laro nang lumabas ako para bumili ng ulam. Pagbalik ko, nagha-hang na ang live. Hindi ko tuloy natapos. Nanood naman ako ng mga short videos o video clips habang nagdyo-journaling.

 

Nagyaya na si Carla bandang 1:42. Kako, matutulog lang ako. Nahiga naman ako pero hindi ako makatulog dahil sa mga gusto ko pang gawin. Past 4, nag-prepare na ako. After 30 minutes, umalis na ako.

 

Sobrang bagal ng mini-bus na nasakyan ko. Panay ang hinto. Kaya naman, 5:30 na ako nakarating sa SM Bacoor. Nag-decide akong mag-JoyRide na lang para mabilis. Kaso, natagalan din ang pag-accept sa akin. Kaya past 7 na ako nakarating kina Carla. May dala na akong Mojito at Sprite. First time kong uminom nito.

 

Naroon ang mag-asawa o ang manugang at anak ni Carla. Pero hindi sila nag-join sa amin. Umalis pa nga sila para mag-bike bandang 9 pm. Naroon din ang dalawa pa niyang anak.

 

Habang nag-iinom kami, ka-VC namin sina Marilyn, Erickson, at May. At nang nawala sina Marilyn, pumalit naman sina Rona. Nagtuloy-tuloy ang VC namin hanggang sa umuwi na ako bandang 9:45. Nag-JoyRide ulit ako patungong SM Bacoor.

 

Ang tagal kong nakauwi kasi panay ang hinto ng minibus an nasakyan ko patungong Tanza. Sa Noveleta at Rosario pa pala ang rota niyon kaya lalong napalayo at napatagal. Gayunpaman, past 11:30, nasa bahay na ako. Parang hindi naman ako nalasing.

 

Nagkape at kumain lang ako ng hopia saka ako umakyat. Nakapag-junk journal pa ako nang kaunti.

 

 

 

 

Oktubre 13, 2026

Kahit kulang pa ako sa tulog, at kahit sinubukan kong matulog uli nang magising ako bandang alas-7, nabigo ako. Sa halip, nagselpon na lang ako hanggang past 8. Nine o' clock na ako nakapag-almusal.

 

Sa sobrang kaadikan, hinarap ko kaagad ang junk journal ko. Gumawa at nagdikit ako ng mga postage stamps mula sa nakalkal kong mga papel, kasama ng mga utility bills. Inabutan ako ng 11:30 sa kagagawa.

 

Eleven-thirty, lumabas ako para bumili ng ulam. Pagbalik ko, gumawa ulit. Nakakaadik. Naghahanap nga ako sa kalye ng mga papel na maaari kong magamit. Wala naman akong napulot.

 

Nabigo akong makatulog bandang 1 pm. Naglaan sana ako ng oras para umidlip kasi last day ko na ito ng wellness leave. Bukas, balik-eskuwela na ako. Tiyak, gagabihin na naman ako ng uwi, lalo na't may baseball training kami para sa NCR Palaro.

 

Past 4, lumabas ako para maglakad-lakad. Nature trip kunwari kahit wala naman masyadong nature sa paligid. Sa manggahan o private property na may mga mangga ako madalas pumunta. Nakakakuha ako roon ng mga moss at iba pang mapakikinabangang bagay. Nakapulot nga ako ng tatlong laruan at mga buto ng Indian mast tree.

 

Pumunta rin ako sa may Anyana. Nakakuha rin ako roon ng banaba seeds. Ang bilis lang dumilim. Wala pang alas-sais, lubog na ang araw. Kaya, past 6, nasa bahay na ako. Nakapanood o nakapakinig pa ako ng balita habang ini-edit ang PPT ko para bukas.

 

Nang ready na ang mga PPTs ko hanggang Friday, hinarap ko naman ang junk journal. Hindi talaga ako mapakali. Ang sarap kasing buklatin at tingnan ang mga pahinang natapos ko nang gawin o lagyan. Excited na akong gamitin ang mga gawa kong postage stamps sa mga estudyante ko-- bilang reward sa recitation. Kapalit iyon ng stars.

 

Past 9, nasa kuwarto na ako para magpahinga.

 

 

 

 

Oktubre 14. 2026

Parang ayaw ko pang bumangon nang tumunog ang alarm bandang 3 am. Nasanay na ako sa ilang araw na walang pasok. Ang hirap ipanumbalik ang sigasig, lalo't sigurado akong maha-highblood na naman ako sa Love.

 

Hindi nga ako nagkamali. Hindi na naman sila nagsasalita o nag-rerecite. Para maituloy ko ang lesson, ako na lang ang nagsalita. Haist! Wala talaga akong aasahan sa kanila. Ang hihina. Mabuti, nakapagturo ako nang masaya sa Hope.

Naputol ang palitan ng mga klase dahil sa naka-schedule na shooting incident drill. Past 8, pinag-recess na kami. Maaga kaming natapos, pero matagal kaming naghintay. May mga pulis na hinintay, saka mga SDO personnel at barangay leaders.

 

First time kong ma-experience ang ganitong drill. Kadalasan, fire at earthquake drill ang isinasagawa namin.

 

Naging maayos naman, pero nasira ang klase. Hindi na ako nakapagturo sa dalawang section.

 

Pagkatapos ng klase, may SIKAP kami. Kakaunti lang ang dumalo. Nasa 17 lang yata. Pero katulad ng dati, naingay at excited sila sa quiz at palaro. Snakes and Ladders ngayon ang ginamit ko para isagawa ng quiz. Tuwing nakakasagot ng tama, saka lamang mag-roroll ng die.

 

Pagkatapos ng SIKAP,  nagstay ako sa covered court para sa baseball training. May bago kaming players. Ipapalit namin sila sa dalawang tamad mag-training.

 

Past 5 na natapos ang training. Saka lamang ako nakaalis sa school. Gutom na gutom ako, kaya bago ako nag-abang ng bus pa-PITX, kumain muna ako ng street food--- fries at puto bumbong. First time kong makakain ng puto bumbong. Talaga bang makunat? Nasobrahan yata sa steam.

 

Past 7 na ako nakauwi sa bahay. Agad akong gumawa ng mango-banana shake na may kaunting barley powder. Iyon na ang dinner ko.

 

Habang nanonood ng 'Anak ng Sinulid,' nagtsek ako ng mga papel ng nga estudyante, saka nag-junk journal. Pagkatapos manood, umakyat na ako lara magpahinga.

 

 

 

 

Oktubre 15, 2026

Ang bigat ng katawan, pakiramdam, at loob ko nang maalimpungatan ako sa tunog ng alarm. Parang gusto kong um-absent. Kung hindi lang ako galing sa wellness leave, aabent talaga ako para mapagbigyan ko ng tulog ang sarili ko. Parang pagod na pagod ako kahapon. Andami kasing ganap. Klase. Drill. SIKAP.  Baseball training. Na-drain yata ako.

 

Bago ako nagturo sa Love, binalaan ko silang magpakatino. At sinabi ko sa kanila na halos wala na akong ganang magturo sa kanila. Ginagawa ko na lang ang trabaho ko. Sinisisi ko sila, hindi ang kahinaan nila, kundi ang kawalan nila ng disiplina, pokus, interes, at pagmamahal sa pagkatuto. Karamihan sa kanila ay hindi responsable.

 

Nakinig naman sila sa binabasa ko, pero nang oras na para gumawa, nainis na ako. Dinahilan na naman nila ang kawalan ng papel at ballpen. Sa inis ko, nireport ko na naman sila sa GC, lalo na ang isa-- na nireport ko rin at pinasusundo kahapon.

 

Nag-chat naman ang nanay sa akin. Humingi ng pasensiya.

 

Araw-araw ko na ring sini-send sa GC ang picture ng listahan ng noisy at standing. Nakukuha ko ang pakialam ng mga magulang. Sana matulungan nila akong madisiplina ang mga anak nila.

 

Sa Hope, Charity, at Peace, naging maayos naman ang pagtuturo ko. Kahit sira na ang tv sa Charity, nairaos namin ang lesson. Pero sa Faith, hindi ako nagturo. Sinermunan ko sila kasi bago ako pumasok, maiingay at magugulo sila. Palaging ganoon. Sinayang na naman nila ang 45 minutes ko. Sana matuto na sila.

 

Pagkatapos ng klase, nag-stay ako sa classroom ni Ma'am Mel habang inaayos namin ang players' gallery ng baseball team namin. Hindi namin natapos, kasi bukod sa may lakad sina Ma'am Mel, marami pa talagang dapat gawin at i-provide, gaya ang original copies ng birth certificates at SF10.

 

Five-thirty na ako nakauwi. Agad akong nagkape at kumain ng lumpiang toge, saka atis. Isinunod ko naman ang pag-edit ng PPTs ko. Andaming mali akong nakita kanina habang nagtuturo ako.

 

Nang matapos ako sa mga gawaing pampaaralan, gaya ng pagtsek ng mga papel, nag-junk journal naman ako. Nakakawala talaga ng stress ang arts, hobbies, and crafts. Kahit noon pa, ang mga ito ang tumulong sa akin para malabanan ang depression dahil sa sakit, kahirapan, at kawalan ng trabaho.

 

Past 9, nasa kuwarto na ako. Excited na ako sa TGIF.

 

 

 

Oktubre 16, 2026

Kahit kulang sa tulog, bumangon ako nang masigla. TGIF! Naging mabilis ang weekdays.

 

Nakapagturo ako nang maayos sa lahat ng klase. Iba-ibang atake ang ginawa ko.

 

Sa Love, may sermon at inspirasyon.

 

Sa Hope, inspirasyon at patawa.

 

Sa Charity, may pananakot, sermon, inspirasyon, at paghinto. Huminto ako bago matapos ang period dahil may sumala sa pakiusap kong makinig sila. Gayunpaman, alam kong may natutuhan na sila.

 

Sa Faith, naging si Sir Pepe ako. Nagturo ako nang tahimik. Pipi ako. Sila ang pinagbasa ko. Nag-explain ako, gamit ang sign language. May mga nakaunawa. May mga hindi. Pero ang mahalaga, naiparating ko sa kanila ang mensahe--- magkaiba ang pagdadaldal at pagsasalita. Sana natutuhanan nila ang kahalagahan ng pakikinig at pagsasalita. At sana iwasan nila ang pagdadaldal at pagsasaway dahil nakakapagod maging guro nila.

 

Sa Peace, nagturo ako nang masaya, masigla, at inspiring. Karamihan sa kanila ay natuto dahil sa aking strategy.

 

Pagkatapos ng klase, nag-usap-usap muna kami nina Ma'am Wylenne at Ma'am Leah tungkol sa baseball, aka ako nakapag-lunch.

 

Nang makakain na, inasikaso ko na ang pag-print ag pamimigay ng field training permit sa mga players. One week kami sa Luneta sa October 19 to 23. Hinintay ko rin ang mga ipapasa nilang birth certificate.

 

Past 2, nagsimula na ang softball at baseball training. Nag-assist lang uli ako. At nagsaway sa mga boys.

 

Bago mag-4:30, pinauwi na ako ni Sir Joel baka raw matrapik ako. Umuwi rin agad ako. Gusto ko 'yon. Kaya naman, nasa bahay na ako bandang 6:30. Agad akong nagmeryenda ng kape at ube bread.

 

Wala akong inaksayang oras. Isiningit ko ang pagdya-junk journaling, pagbabad ng mga labahing uniporme, at pangungusina sa paggawa ng lesson plan. Kailangan kong agahan ang paglaba at paggawa ng LP kasi pupunta ako sa school bukas. Sabi sa akin ni Ma'am Joann --- nang pinauwi na ako ni Sir Joel, "Bukas na lang po." Ibig sabihin, inaasahan niya ako bukas sa training sa school.

 

Pero nang umakyat na ako-- pagkatapos kong magbanlaw ng mga uniporme-- nag-chat siya. Huwag na raw akong pumunta, sa halip, magpokus ako sa mga kailangang documents. Okey naman pero hindi ko magagawa iyon sa bahay. Sa school dapat kasi naroon ang SF10.

 

 

 

 

Oktubre 17, 2026

Alas-siyete na ako nakamulat. Kahit paano, nakabawi na ako sa ilang araw na puyat. Maayos naman ang naging tulog ko, kaya nang bumaba ako, masigla ako.

 

Nagmadali akong naghanda ng almusal. Instant seafood ramen, na nilagyan ko ng repolyo ang almusal ko. Sayang, wala nang itlog.

 

Nag-chat muna ako kay Ma'am Mel upang tiyakin na nasa school siya at alam niyang darating ako para maayos namin ang mga dokumento ng coaches at players. Nag-reply naman siya bago ako naligo.

 

Past 8, umalis na ako sa bahay.

 

Bago ako sumakay ng dyip patungong school, dumaan muna ako sa Mr. DIY. Gusto kong malaman kong nay bagong laruang naka-display. At dahil meron nga, naging impulse buyer na naman ako ng makita ko ang dinosaur na nangangagat kapag napindot ang maling ngipin. Maaari kong gamitin ito sa parlor game o sa SIKAP.  Medyo mahal ito, pero worth it naman ito at mako-compensate naman ito ng sahod ko sa nasabing special program.

 

Bumili rin ako ng iced coffee sa Lola Nena's dahil hindi ako nakapagkape sa bahay.

 

Past 10, nasa school na ako. Nakita at naramdaman kong natuwa sila (mga kasamahan ko sa baseball at softball) nang makita ako. Kahit hindi nila sabihin, bumilib sila sa akin kasi naglaan ako ng oras, kahit sinabihan na akong huwag nang pumunta.

 

Kinalap ko muna ang mga permit at birth certificate bago ako nag-stay sa room ni Ma'am Mel upang gawin namin ang task namin sa baseball. Sakto, uwian na ng mga nag-Numero.

 

Habang nagpi-print, nagkakuwentuhan kami ni Ma'am Mel. Marami kaming napagkuwentuhan. Isa na roon ang pagkakasali namin sa baseball. May hinanakit siya, kaya aniya hindi na siya sasali next year. Ang athletics na lang ang palalakasin namin. Agree naman ako sa kaniya. Wala talaga kaming security of tenure sa baseball at softball. Hindi kami ang nagsimula ng mga iyon, kaya anytime ay maaari kaming tanggalin.

 

Past 3, nagawa na namin ang 60% ng kabuuan ng task. May mga na-accomplish na, pero mayroon pa.

 

Bago kami umuwi, dumaan muna kami sa Guidance upang hiramin kay Sir Jess ang mga SF10 ng mga players namin. Nakuha namin ang pito. May kulang pang lima.

 

Past 6, nakauwi na ako. Agad akong nagmeryenda para makagawa na ako ng PPT, at siyempre... ng junk journal.

 

Before 11, nasa kuwarto na ako. Marami na akong nagawa, kabilang ang isang PPT sa Filipino. Nauna ko nang nagawa ang para sa writing activity sa Lunes.

 

 

 

 

Oktubre 18, 2026

Alas-siyete nang magising ako. Hindi na ako nagpumilit na matulog uli kasi marami pa akong gagawin. Pero hindi naman agad ako bumangon. Nagselpon pa ako. After less than 30 minutes, bumaba na ako para maghanda ng almusal.

 

Habang nagsasaing, nagsalang na ako sa washing machine ng mga labahin ko. Nakapagligpit, nakapagwalis, at nakapagpunas pa ako sa sala.

 

Past 9, tapos na akong mag-almusal. Nag-junk journaling muna ako habang nagpapahinga. Pagkuwa'y ipinagpatuloy ko na ang pagbabanlaw hanggang sa matapos ako bandang 10 am. Nakapagwalis at nakapagdilig na rin ako sa garden bago ako pumasok para magpahinga at maligo.

 

Nakapagbayad ako ng water bill ngayon. Nasa P130.50. Ang laki ng natitipid ko. Noong tatlo kami rito, umaabot ng almost P900. Grabe pala makakunsumo ng tubig ang mag-ina ko.

 

Bago ako natulog bandang 1:30, nakaligo na ako, nakatapos ng isang PPT, at nakapagpatunaw na ako.

 

Past 3, gising na ako. Agad akong humarap sa desktop upang ipagpatuloy ang paggawa ng mga PPT. Doon na rin ako nagmeryenda.

 

Bago ako nanood ng tv at nag-ehersisyo, natapos ko na ang mga PPTs para sa Filipino 6 at SIKAP. Hindi ko na kailangang mag-worry kung sakaling gabihin ako ng uwi after baseball training.

 

Habang nanonod ng KMJS, nag-junk journaling ako. Nagawa ko na rin ang mga kitchenwork ko.

 

Bago mag-10, umakyat na ako para magpahinga at matulog.

 

 

 

 

Oktubre 19, 2026

Dahil Lunes, kulang na naman ako sa tulog. Hindi ko nga alam kung natulog ba ako o nanaginip. Basta ang alam ko, mainit ang ulo ko pagharap ko sa Love. Mabuti, writing day lang kami ngayon. Pero, as usual, nagsaway pa rin ako. Hindi lahat sila ay nakakapagsulat ng pangungusap. Bilang na bilang lang sa daliri ko ang may kakayahan. Kaya naman, nagtiyaga lang akong bantayan sila habang sila ay nagkukunwaring may ginagawa.

 

Sa Hope, medyo nawala ang inis ko. Palagi silang aktibo. Although may mga ilang hindi gumagawa, pero mas nakahihigit sila sa tatlong sections.

 

Habang vacant period, inaasikaso ko ang documents ng baseball team. Nakiki-coordinate ako kay Ma'am Mel. Nakisuyo rin ako sa mga advisers para sa SF10.

 

Sa Charity, nabuwisit ako, pero hindi ako masyadong nagsalita. Pero sa Faith, hindi talaga ako nagsalita. At dahil doon, wala rin halos kumilos. Walang kusang-palo.

 

Sa Peace lang talaga ako nagkaroon ng Peace of mind. Halos lahat sila ay subsob sa kanilang pagsusulat ng siyensiyang piksyon.

 

Pagkatapos ng klase, nag-SIKAP kami. Sixteen lang ang attendees, pero worth it naman. Nakaraos sa ingay at gulo ng mga estudyante.

 

Past 3 bumiyahe na kami patungong Grandstand. Nabuwisit ako sa dyipni drayber. Sa takot niyang mahuli, kung saan-saan niya kami dinaan. Hayun, natrapik lang kami at nagpabalik-balik. Ayaw kasing maniwala na hindi naman hinuhuli roon ang dyip lalo na't tinanggal naman niya ang karatula. Past 4 na tuloy kami nakapagsimula.

 

Sumali ako sa warm-up. Pagkatapos, nagsuot ako ng baseball glove, at nakasali sa catch and throw. Nakakapagod, pero nag-enjoy ako.

 

Past 6, tumigil na kami sa training. Madilim na. Natagalan lang kami sa pagsakay, kaya past 7:30 na ako nakaalis sa school. Masakit ang ulo ko. Dehydrated yata ako.

 

Pag-uwi ko bandang 8:45, agad akong gumawa ng apple-and-grapes shake. Kumain din ako ng ube bread na may toppings na tuna flakes. Okey na ang dinner ko.

 

Nine-thirty, nasa kuwarto na ako. Nai-send ko na rin sa GC ang MOV ko sa SIKAP.

 

 

 

 

Oktubre 20, 2026

Nakapagturo ako nang payapa sa Love, pero hindi ako masaya. Ewan ko... Ang hirap nilang mahalin. Hindi ko alam kung manunumbalik pa ang sigla ko sa pagtuturo sa kanila. Nakakasawa rin kasi sila. Kahit anong gawin ko, parang wala silang natututuhan, kahit disiplina at pagmamahal sa edukasyon. Kahit panay na ang sumbong ko sa GC, wala pa ring pagbabago. Hindi ko rin alam kung tinutulungan ba ako ng mga parents at guardians o sila pa ang dahilan ng masamang pag-uugali ng mga bata. Self-love na lang siguro talaga ang dapat kong unahin. I live everyday, but I will die once. Ayaw ko pang mangyari iyon kasi marami pa akong gustong gawin. May misyon pa ako.

 

Sa Hope, Charity, at Peace, maayos akong nagturo. Nakinig sila. Pero sa Faith, ako na naman si Sir Pepe. Hindi nga lang talaga ako nagturo. Pinabasa ko lang sa kanila ang slides, at nagpagawa. Wala man akong panutong sinabi, pero naka-present naman ang Pagtataya. May ilang gumawa, pero dalawa lang ang nagpasa. Haist!

 

Pagkatapos ng klase, nag-lunch muna ako at umidlip sa classroom ko. Before 2, pumhnta na ako sa classroom ni Ma'am Mel at inalam kung ano-ano pa ang dapat i-provide na mga documents. Marami nang nagawa, pero marami pang kulang.

 

Na-stress nga lang kami nang madiskubre naming nawawala ang page 1 of 2 ng  birth certificate ng isang player. Sabi ni Ma'am Joann, dalawa raw ang inabot niya. Hindi ko na maalala. Kung dalawa nga, bakit isa lang ang hawak ni Ma'am Mel? Sino ang nakawala niyon?

 

Hindi natuloy ang field training. Sa school na lang isinagawa ang pagsasanay. Hindi tuloy ako nakapaglaro. Pero ayos lang kasi masakit ang ulo ko. Wala ako sa mood. Dahil iyon sa init at stress sa mga documents.

 

Quarter to 5, pinauwi na ako ni Sir Joel G. Umalis rin ako agad. Kapeng-kape na ako sa Lola Nena's.

 

Before 6, nagkakape na ako at kumakain ng pansit at fried siopao roon. Kahit paano, naibsan ang sakit ng ulo ko. Nakaramdam ako ng ginhawa. Kaya nga nang bumiyahe ako pa-Tanza, wala na akong naramdaman--- hanggang sa makarating ako sa bahay bandang 7:30. Nakapag-junk journaling pa nga ako.

 

 

 

 

Oktubre 21, 2026

Kung ano ang nangyari kahapon sa mga klase, ganoon din ngayon. Mas lumala lang ngayon ang pambabalewala ng Faith. Parang hindi sila apektado ng pananahimik ko. Hindi ko sila nakikitaan ng pagsisisi. Okey lang naman sa akin kasi naipahihinga ko ang boses ko.

 

Hilong-talilong kami ni Ma'am Mel kasi gusto ni Coach Joann na maipasa na ang baseball docus. Pero dahil naka-leave ang principal, walang pipirma, hindi na natuloy. Hindi rin puwede ang facsimile. Invalid rin ang memo ng OIC dahil school-based lang iyon.

 

Bago at pagkatapos ng klase, stress ako. Bukod sa masasamang ugali at study habits ng Love, pito lang ang dumalo sa SIKAP. First time iyon mangyari. Ni walang nagpaalam kung bakit absent sila.

 

Nalungkot talaga akong bigla. Past 1:30 na kamj nakapagsimula dahil sa kahihintay na may dumating pa. Pero wala na talaga. Sa halip, sinikap kong pasayahin ang mga dumalo at ang sarili. At nairaos naman namin iyon hanggang 2:30.

 

Pagkatapos ng SIKAP, nag-stay muna ako sa room ni Ma'am Mel. Nakahinga-hinga kami nang maluwag-luwag dahil kahit paano ay may bunga ang aming paghahanda ng mga papeles na ipapasa bukas. May mga kulang na original birth certifcate, pero pakikiusapan na lang na 'to follow' na lang.

 

Three-thirty, bumaba na kami. Tumulong pa ako sa training. Pinagbantay ako ni Sir Joel sa mga atleta kasi wala si Ma'am Joann, at ihahatid niya ang anak niya. Pagbalik niya, pinauwi na niya ako. Wala pang 4:30 iyon.

 

Sa bus, nag-chat ako kay Lorie. Kako, hanggang sa October na lang ako sa SIKAP. Tinanong niya ako kung bakit. Magaganda naman ang sinabi niya. Ayaw niya akong umalis. Aniya, baka nagkataon lang na sabay-sabay um-absent ang mga bata. Aalamin niya raw bukas.

 

Past 6:30, na ako nakauwi sa bahay. Agad akong naghapunan ng takoyaki, ube, bread, at apple-grapes shake. 

 

Nag-reply din muna ako sa email ng Tanza Writers Workshop. Mag-confirm daw ako kung makakadalo ako sa Palayag, isang palihan sa pagsusulat. At nag-send rin ako ng bionote. Tuwang-tuwa ako sa oportunidad na ito.

 

 

 

Oktubre 22, 2026

Pinagbigyan ko ang Love. Hindi ako nagturo. Nakipagtitigan lang ako sa kanila. Manhid sila. Wala man lang bahid ng kalungkutan. Sanay alaga silang magdaldalan at magpasaway. Wala akong nakitang interesadong makinig, matuto, at mag-aral. Mas gusto nga yata nila ang walang leksiyon. Haist! Poor people.

 

Sa Hope ko na nabawi ang kasiyahan ko. Sila ang bumalanse sa damdamin ko. Hindi man lahat sila ay matatalino, interesado naman halod lahat ang naroon.

 

Nagawa ko ring magturo nang maayos sa Charity. Nakipagtalakayan pa nga ang iba.

 

Sa Faith naman, gustuhin ko mang magturo na at magpatawa uli, nabigo naman akong madatnan ang disiplinadong klase. Dalawang beses ko silang naabutang magulo. Una, pagpasok ko pa lang may mga lalaki nang nasa table. Nagpapasikat. Nang bumaba ako para sa baseball matters, umasa akong tatahhimik na sila, pero hindi. Pagbalik ko, nasa labas pa ang mga lalaking nadatnan ko rin sa unahan. Sa halip na hindi ako kumibo, nakapagsalita na ako para sermonan at i-gaslight sila, lalo nanang pasimuno ng gulo. Kako, "Dinadala mo pa naman ang pangalan ni Kristo. At kayo, Faith pa ang section ninyo, pero para kayong mga anak ni Satanas. Ang mamanhid ninyo! Hindi kayo makuha sa tingin."

 

Nag-present ako ng lesson ko, saka ini-steady ko sa written activity. Wala halos gumawa.

 

Bago ako nagturo sa Peace, bumaba ako sa principal's office para magpapirma, pero kinausap na niya ako tungkol sa MPS. Ang baba raw ng result ng Term 1 exam. Aba! Siyempre, hindi ko inako ang sisi. Ang kahinaan ng mga estudyante at ang mahirap na curriculum ang dinahilan ko. Siya naman kasing totoo. Imagine, hirap ngang makapagbasa ang Love, tapos ang layunin ay ganito: "Nakabubuo ng dulang nagsasalaysay, gamit ang mga panandang nag-uugnay ng mga ideya." Hanep!

 

Marami pa siyang tanong. At nais niyang mapataas pa ang MPS ko hanggang 80%. Akala ko, ako ang pinakamababa, hindi pala.

 

Ang pinakaimportanteng nasabi ko ay tungkol sa pagpepeke ng test results ng mga guro (noon ag ngayon) para magmukhang mataas ang kalidad. Proud akong sinabing totoong scores ang nilapag ng mga Grade 6 teachers. Sana tingnan niya kung sino-sino ang mga mandaraya.

 

Pagkatapos ng klase, naging abala na ako sa pag-finalize ng mga ipapasang documents ng baseball. Deadline na ngayon. Akyat-baba ako para lang mapabilis ang proseso. Hindi na naman ako nakakakain ng lunch. Mabuti na lang, may handa si Ma'am Joann. Nagkainan kami bago kami pumunta sa SDO. Mga 3:20 na kami nakaalis sa school.

 

Mabilis lang naman pala ang pag-received ng documents. Akala ko, may interview pa. Hindi naman halos tiningnan. Sabagay, kukutohan pa nila iyon pagkatapos ng submission. Saka nila malalaman ang mga mali at kakulangan sa mga papeles namin.

 

Bumalik pa kami ni Ma'am Wylenne sa school para ihatid abg mga sapatos, na binigay ng SDO para sa mga players namin.

 

Natagalan lang kaming makasakay ng bus sa Buendia. Kaya naman, almost 8 pm na ako nakauwi.

 

Nalulungkot ako ngayong araw sa sinapit ni Mama. Nagpadala na siya sa clinic dahil masakit ang tiyan palagi. Sabi ni Lizbeth, my shingles si Mama. Pinagalitan nga raw sila ng doktor dahil late na nila pina-checkup. High blood na rin si Mama. Pero ayaw niyang magpareseta ng maintenance. Baka raw dahil lang daw sa puyat. At nagpa-urinalysis na rin siya. Sana maging okey na si Mama.

 

 

 

Oktubre 23, 2026

Tahimik lang uli ako sa Love. Hindi naman nila kayang manahimik. Hindi sila nag-woworry o nag-aasam na magturo ako.

 

Sa Hope, ganoon pa rin sila. Desididong matuto. Active. Tahimik. Ang sarap magturo sa kanila.

 

Nang vacant ko, pumunta sana ako sa classroom ni Ma'am Mel para makipagkuwentuhan, lalo na't bad trip ako sa message ni Sir Hermie sa GC namin.

 

Sabi niya: Ok na kayo grade-6? @Froilan F. Elizaga @Madz Paguirigan @Lingling Gracia Tabuli @Joel Keliste. Naachieve nyo na yung goal nyo na magpapansin? Pinansin nmn kayo ni principal dhil sa baba ng MPS kya lng pati grade-4 nadamay khit hnd nmn masyadong mababa MPS nmin. Nakikita ko nmn na masisipag kayo magturo pero bkit kaya ang baba ng performance ng mga bata sa test? Ayan, magreflect kayo ha? Para nmn matuwa ako sa inyo. Bka kulang pa ang efforts ninyo. O baka nmn todo effort kayo pero mali ang direksyon.

 

Ganto gawin ninyo. Sabay2 kayo mag wellness break ng 2days. Magreflect kayo for 2days. 2days dn kayo mag LAC session bale LAC LAC yun. 2days nyo rn ipagpray over mga bata nyo at mga parents nila. Wag nyo na sisihin pa ang mga bata, parents at ibng teachers kung bkit mababa ang MPS nyo. Ang mahlaga ay gawin ninyo ng mahusay at tama ang pagtuturo at higit sa lahat ay ang pagdodoktor. At nxt time kung magpapansin kayo ay wag nyo kmi balitaan pra may element of surprise prn. Always remember, “A teacher is like a candle. It consumes itself to light the way for others. Geh bye

 

Gusto ko sanang sagutin nang mahaba at palaban, pero useless. Wala akong dapat i-explain sa kaniya. Kaya nag-reply na lang ako ng ganito: "Ano ang ibig sabihin niyan?"

 

Matagal bago siya nanmg-reply ng pabiro. Aniya, "Aba malay ko! Ang alam ko ay need bumili ng balde dahil el niño na. At dpt may huling esmiringhoy bago ang hiwalayan."

 

Huwag ako. Mas nakaka-proud ang maging totoo. Hindi ko kailangang dayain ang test result para umangat. Baka mas mataas pa ang test results namin kaysa sa kanila. Kasi kung mataas ang sa kanila, bakit nila dinoktor?

 

Hindi naman nito naapektuhan ang pagtuturo ko sa Charity. Bagkus, naging maayos pa ang discussion. Nasabi nga ng mga estudyante, "Sir, good mood ka ngayon, ah." Kako, masama talaga ang pakiramdam ko at bad mood ako, pero dahil nagpakita sila ng kabaitan pagpasok ko, pinakitaan ko rin sila ng kabaitan. Hindi ko na rin binanggit ang tungkol sa SIKAP. Alam kung kinausap sila ni Mareng Lorie bago ako pumasok.

 

Recess time. Sipol at sign language lang ang gamit ko sa pagbebenta. Maiingay at magugulo pa rin sila sa kabila ng katahimikan ko. Wala talaga silang pakiramdam.

 

Sa Faith, pagpasok ko, medyo tahimik na sila. Busy ang karamihan sa Science activity nila. Plano kong magsalita, magturo, at magpatawa na, pero wala silang HDMI cord kaya hindi ko magamit ang TV. Sa halip, isinulat ko sa board ang lecture para makapagsimula akong magturo. Ajala ko kinikopya nila kahit nagdadaldalan sila. Pagtingin ko, isa lang ang nagsusulat. Sa inis ko, binura ko na lang ang sinulat ko, saka nagsermon bago nanahimik. Ang mamanhid talaga nila.

 

Vacant period. Sinikap kong makaidlip sa tambayan sa kabila ng alinsangan at sama ng pakiramdam ko. May sipon at ubo ako.

 

Sa Peace, masigla ulit akong nagturo. Marami sa kanila ang nag-participate. Takot din silang maging Sir Pepe ako, gaya ng nangyayari sa Faith at Love. Kahapon nga, nagpaalam akong um-absent para matsekan ko ang mga  siyensiyang piksyon nila, ayaw nila. Kako, dahil niyo pa ang principal. Kaya naman, ramdam kong gusto nila ako at ang subject ko. Boring daw sila kapag asynchronous o activity sheets lang ang gagawin.

 

Sa oras ng uwian, sipol at sign language lang din ang ginamit ko para mapasunod sila. Kahit paano, may pagbabago akong nakikita.

 

Nag-lunch muna ako bago ako bumalik sa classroom ko. Sinikap kong matulog bago ako bumaba para sa baseball training.

 

Matagal na paghihintay ang nangyari. Tatlong baseball players pa lang ang naroon. Nag-reply pa ako sa chat ng magulang. Good for one week ang permit na pinirmahan nila, tapos itatanong pa kung may training. Anong klase?!

 

Past 3:20 na kami nakaalis. Kasama ko ang kapatid na lalaki ni Ma'am Joann. Nauna na kasi ang mga softball players at si Sir Joel. May dadalhin ding bata si Ma'am-- mga drum and lyre members. Natrapik pa kaya bago mag-4 saka lamang kami nakarating sa Luneta.

 

Training agad pagdating. Nag-warm-up lang ang boys. Hindi na muna ako sumali kasi wala ako sa mood, saka masama ang pakiramdam ko dahil sa sipon at ubo.

 

Mabilisan ang training dahil mabilis dumilim wala pang 6, madilim na.

 

Past 7, nasa school na kami. Hindi na rin ako masyadong nagtagal. Mga 7:20, nagpaalam na ako. Grabeng antok ko, kaya nakatulog ako sa bus. Kahit paano, naibsan ang puyat, gayundin ang gutom.

 

Pagdating sa bahay, uminom lang ako ng carbonated na ginger drink na nabili ko sa Dali,  at kumain ng chicken lumpiang Shanghai at dynamite na binili ko sa kanto. Nagpakabusog pa akong lalo sa pizza crackers, na matagal ko nang nabili.

 

Hindi na ako masyadong nakapag-journaling dahil sa antok. Mga past 10, natulog na ako.

 

 

 

 

Oktubre 24, 2026

Nakabawi na ako sa puyat nang magising ako bandang 7 am. Hindi rin ako agad bumaba. Kung hindi lang bumusina ang dump truck, hindi pa sana ako bababa.

 

Nag-almusal muna ako bago ako nagbabad ng mga uniporme ko. Pagkatapos, nagwalis ako sa garden. Nadiskubre kong nawala na ang atis, na ilang araw kong inaabangan. Nakakapanghinayang. Ang laki pa naman niyon.

 

Nag-washing naman ako ng iba ko pang mga labahin. Pagkatapos nito, humarap na ako sa desktop para gumawa ng lesson plan. Nakatatlo ako bago ako lumabas upang bumili ng ulam.

 

Pagkakain, nagtsek muna ako ng mga papel ng mga bata. At nang inantok ako, pinagbigyan ko ang sarili ko kahit hindi pa ako naligo. Past 2:30 na yata ako naligo. Ipinagpatuloy ko naman ang pagtsek pagkatapos kong magmeryenda.

 

Past 6, lumabas ako para mamalengke. Bumili ako ng mga uulamin at mga prutas. Pagdating ko, gumawa naman ako ng PPT para sa SIKAP.  Nag-off ako ng desktop nang matapos ko iyon.

 

Nanood ako sa YT ng premiere ng PBB Collab 3.0 bago ako natulog.

 

 

 

Oktubre 25, 2026

Nakabawi na ako ng puyat. Napagbigyan ko ang sarili ko sa higaan. Pagbangon ko, nag-almusal lang ako, saka humarap na agad ako sa desktop.

 

Bukod sa paggawa ng LP at PPTs, naglaan din ako ng oras para sa junk journaling, gardening, at sleeping. Pagkatapos ko nang kumain nang pananghalian, nagpaantok ako sa pagbabasa ng mga akda ng estudyante ko. Kahit paano, nakatulog naman ako. Paggising ko, ipinagpatuloy ko ang pagbabasa at pagtsetsek.

 

Lumabas ako bandang 6:20 para bumili ng pagkain.

 

Maaga naman akong umakyat para matulog, pero hindi naman ako agad dinalaw ng antok.

 

 

 

Oktubre 26, 2026

Mahigat sa katawan at kalooban ang gumising nang maaga--- 3 am, para lamang humarap sa mga klaseng maraming pasaway, madadaldal, at mahihina. Pero kailangan kong pumasok para sa kanila.

 

Nagturo na ako sa Love at Faith. Hindi na ako nakaramdam ng guilt. Pero sa Love, grabe pa rin ang kahinaan nila. Tanong ko, sagot ko. Wala halos nag-rerecite. Gusto ko na namang mahayblad.

 

Gayunpaman, naging mabilis ang oras. Palibhasa, maayos ang pagtuturo ko. May takot na ang karamihan kapag maging si Sir Pepe ako. Mas gusto nilang nagsasalita ako.

 

Ginamit ko ang oras ni Ma'am Amy para magturo ng amESP. Naubos na halos sa Math pero ayos lang. Nakapagturo naman ako kahit paano.

 

Sa SIKAP, biglang dumami ang attendees. Mabuti na lang, nakahanda ako. Na-enjoy nila ang parlor game-slash-quizbee namin.

 

Pagkatapos na pagkatapos ng SIKAP, umuwi agad ako. Wala pa kasing baseball training ngayon hanggang Wednesday.

 

Maaga naman akong nakarating sa bahay, kaya pagkatapos kong magmeryenda, nakapagwalis at nakapagdilig pa ako sa garden. Isinunod ko naman agad ang paggawa ng PPT sa SIKAP, na para sa Wednesday. Naisingit ko rin ang junk journaling at pamamalengke.

 

Bago mag-9, nasa kuwarto na ako.

 

 

 

Oktubre 27, 2026

Nakapagturo ako nang maayos sa lahat ng klase. Sinikap kong maituro ang inihanda kong lesson kahit marami ang hadlang.

 

Sa Love, marami ang maiiksi ang attention span. At halos lahat sila ay ayaw mag-participate--- katulad lang ng mga dati.

 

Sa Hope, marami ang absent at tulog. May mga napagalitan ako kasi may mga ginagawa habang nagli-lesson ako.

 

Sa Charity, marami rin ang wala sa pokus. May nakita pa silang sunog sa malayo kaya saglit na nawala ang atensiyon nila.

 

Sa Faith, grabe ang panenermon ko tuwing may nagpapasaway o nagpapapansin. Natatahimik naman sila kasi talagang tagos sa buto ang mga salita ko. Takot na rin silang manahimik ako.

 

Sa Peace, marami ang nonchalant, gayundin ang active. Hindi 100% ang partisipasyon ng iba. Gayunpaman, naging madali para sa akin ang magturo sa kanila.

 

May nagsuntukan sa klase ko habang nasa Faith ako. Sinubukan kong ayusin, pero dumating na si Sir Jess. Oras na kasi niya iyon.

 

Pagkatapos ng uwian, may journalism meeting kami. Panahon na para gumawa ng school paper, pero hindi ako nagpakita ng interes. Ayaw ko nang mag-layout. Bukod sa walang bayad, napakahirap. Nakakapagod. Nauubos ang panahon ko. Mas marami akong dapat gawin. Sa November 4 to 6 daw gagawa.

 

Pagkatapos niyon, pumunta kami nina Sir Joel K at Ma'am Madz sa Guidance. Nagyaya si Sir Jess. Mayroon siyang toasted siopao. Tamang-tama, hindi pa ako nag-lunch.

 

Mga 2:45 na nang lumabas kami ni Ma'am Mel sa school. Nakasakay naman ako kaagad sa Buendia kaya bago mag-5, nasa bahay na ako.

 

Nag-late lunch ako at nag-early dinner ng fried chicken, lumpiang toge, at rice bago nag-post ng lesson sa FB page ko, at bago nag-junk journaling.

 

Nag-fruit shake na lang ako for dinner. Naging routine ko na ito. Kaya lang, nasobrahan yata sa condensed milk ang shake ko.

 

Gumawa muna ako ang Tic Tac Toe board and pieces para sa SIKAP bukas bago ako umakyat para magpahinga. Nakapagbanlaw na rin ako ng ibinabad kong uniporme para sa Huwebes.

 

 

 

Oktubre 28, 2026

Gaya kahapon, nakapagturo ako nang maayos. Medyo patigil-tigil nga lang dahil nagsasaway at nagsesermon ako. May mga estudyante talagang papansin. Akala siguro nila, hindi ko sila papansinin. Kaso, kapag pinansin ko sila, masasakit na salita ang lumalabas sa bibig ko.

 

Gustong-gusto ko pa namang i-discuss o basahin ang sanaysay kong 'May Pera sa Pagsusulat.' Naibida ko ang mga pinagkakakitaan ko para lalo silang mahikayat, since sanaysay na nanghihikayat ang topic namin.

 

Pagkatapos ng klase, isinagawa namin ang SIKAP. Halos mapuno ang classroom ko. Nasa 25 plus ang attendees. Mabuti na lang, prepared ako. At na-enjoy nila ang Tic Tac Toe at quiz bee style na game namin, lalo na't nagbibigay pa ako ng 5 stars sa bawat nagwawagi.

 

Pagkatapos ng SIKAP, nagligpit at nagdilig lang ako ng mga halaman, saka umuwi na ako. Past four-thirty, nasa bahay na ako. Agad akong nameryenda ng kape at puto para makapagwalis at makapagdilig ako ng mga halaman bago ako humarap sa desktop.

 

Gumawa at nagpasa lang ako ng MOV sa SIKAP, saka ako nagjunk journaling. Naisingit ko rin ang pag-eehersisyo. Nakadalawang routines lang ako.

 

 

 

 

Oktubre 29, 2026

Agad akong nagsimulang magbigay ang test paper sa Love kahit wala pa ang iba. Nag-notify rin ako sa GC tungkol sa mga absent. Nakakainis lang kasi alam nilang may test, aabsent pa.

 

Nakakainis din dahil may test na nga, madadaldal pa sila. Ang ilan pa, hinulaan lang ang mga sagot, palibhasa hindi makabasa.

 

Mabuti na lang, may biyayang dumating sa akin. Nag-chat si Ma'am Cristina. Aniya, "Hi, sir mag deposit ako ng 10k for partial royalty. San ko i-send. Later Yung s working fee balance."

 

Agad akong nag-send ng account number. Medyo nawala na rin ang inis ko sa mga bata. Naghiyawan din sila nang binalita ko sa kanila. Kahapon lang, binasa ko sa kanila ang sanaysay na "May Pera sa Pagsusulat." Muli kong napatunayan iyon sa kanila.

 

Hindi na kami nagpalitan ng klase. Kami na lang ang nagpa-test sa advisory class namin. Wala sina Sir Joel at Ma'am Wylenne. Si Sir Jess ang may hawak sa Faith. Wala namang nagbabantay sa Hope. Kaya naman nila.

 

Parang ang tagal ng oras dahil walang palitan ng klase. Panay lang ang pagalit ko sa Love. Nakakainis lang talaga. Mabuti na lang, may tagalista. Nakakatulong para medyo matakot sila.

 

Pagkatapos ng klase, dumalo ako sa LAC session ng aming MT. Tungkol sa CO ang agendum. Nag-schedule na ng observation. Nagpa-schedule ako sa November 20. Sa Peace ako magpapa-observe.

 

Past 2 na iyon natapos. Sakto naman, hindi rin agad nakaalis ang baseball team para sa medical kasi hinintay pa ang isang player.

 

Past 2:30 na kami nakaalis sa school. Ang haba na ng pila sa SDO clinic.

 

Habang nakapila sina Ma'am Joann, ako naman ay hiniram sa SGOD office ang medical forms namin.

 

Matagal kaming naghintay. Nagpasaway na nga ang mga bata dahil nagugutom na. Kaya naman, bumili ako ng cheeae breads sa Alfamart na malapit doon. Kahit paano, naibsan ang gutom nila.

 

Bumalik pa ako sa SGOD Office kasi hindi ko nakuha lahat ng kailangan ko. Mabuti, mabait ang clerk. Hindi ako pinagalitan.

 

Past 5:30 na kami natapos sa medical. Pinauna ko na sina Ma'am Joann at mga bata. Matatagalan kasi ako sa pag-insert ng mga hiniram kong documents. Nakaka-pressure pero nagawa ko naman. Sana wala akong na-misplace at nakalimutan.

 

Nakabalik ako sa school bandang 6:45. Kinuha ko lang ang bag ko, saka nagpaalam na akong umuwi.

 

Kumain na ako ng pares doon bago ako sumakay sa bus. Siguradong wala na akong time pang maghanda ng pagkain pagdating ko. Tama nga ako. Past 9 na ako dumating. Naghugas lang ako ng mga pinagkainan at pinagkapehan ko kaninang umaga, at nagsipilyo, saka umakyat na ako. Nanood muna ako ng PBB.

 

 

 

 

Oktubre 30, 2026

Na-bad trip na naman ako sa Love. Hindi na naman nila nasagot ang motivation question ko. Kaya naman, nagsermon na lang ako. Hindi talaga nila kaya ang mga aralin. Unang-una, hindi sila mahilig magbasa. Hindi nga sila nag-advanced study.

 

Pinagalitan ko pa ang mga magulang sa GC. Gusto kong maging bahagi sila ng pagkatuto ng mga anak nila. Huwag naman nilang iasa lahat sa mga guro, lalo ang disiplina.

 

Hindi kami nagpalitan ng klase, kaya nahirapan ako sa Love hanggang recess. Pina-drawing ko na nga lang sila ng mga scary figures, saka pinasulat ng karanasan noong nakaraang Undas. Saway pa rin ako nang saway kasi may mga kulang talaga sa pansin.

 

After recess, nakipagpalitan si Sir Jess ng klase. Sa Faith ako nagturo. Kahit nagsesermon at nagsasaway, naituro ko naman ang lesson. At ang mahalaga, napagawa ko ang more than half ng klase. Nakuwentuhan ko pa sila tungkol sa pagiging fellow ko sa writeshop at pagtanggap ng royalty fee kamakailan lang.

 

Nagpalitan din kami ng klase ni Ma'am Madz. Pagkatapos ng klase ko sa Faith.

 

Masasaya ang Peace kapag ako ang guro nila. Ayaw nga nilang iimpersonate ko si Sir Pepe. At tuwang-tuwa silang makatanggap ng dinosaurs stickers sa mga activity papers nila. Kapag may design ang papel nila, gaya ng dinosaurs, dinidikitan ko ang papel nila ng dinosaurs. Kaya karamihan sa kanila ay nagdo-drawing sa papel bago ipasa.

 

Pagkatapos kong maihatid ang mga estudyante ko, nag-lunch agad ako, saka bumalik sa classroom para mag-check ng mga papel ng mga estudyante. Hindi ko nga natapos ang pagtsek dahil nakaramdam ako ng antok. Pinagbigyan ko iyon at nagising bandang 2 pm. Bumaba na ako para sa baseball training. Hindi na kami bumiyahe patungong Luneta kasi magpala-medical ang softball team. Tumulong na lang ako kay Ma'am Joann at Coach JM sa pag-train. Nasubukan ko ring muli ang catch ang throw. Nakakapagod pero nakaka-enjoy at nakakaadik. Pinagpawisan nga ako nang husto. Basang-basa ang damit ko.

 

Five-thirty na ako nakaalis sa school. Past 6:30, nasa PITX ako. Kumain at nagkape muna ako sa Lola Nena's saka namili ng dinosaur toys at sangkalan sa Mr. DIY. Matagal din ako roon. Ang gaganda kasi ng bilihin. Nilabanan ko lang ang pagiging impulsive buyer ko. Nakontento na lang ako sa pag-video ng mga items na dinosaurs at dinosaurs ang design. Pang-Tiktok.

 

Past 9 na ako nakauwi. Agad akong nag-junk journal. Nakakaadik din ito. Naihuli ko na nga ang paghahanda para sa event namin sa sementeryo bukas. Halloween Specials ng 21st Century Teachers, Ph., Inc.

 

Past 11:30, saka lang ako umakyat.

 

 

 

 

Oktubre 31, 2026

Nang mag-alarm ang cellphone ko, ni-reset ko iyon sa 5:30, pero nahirapan na akong matulog uli. Kaya bumangon na ako para maghanda na pag-alis. Nagluto muna ako ng almusal. Naisingit ko rin ang junk journaling habang nagkakape. Mas nae-excite ako rito kaysa sa pag-alis ko.

 

Past 6 na ako nakaalis sa bahay. Past 8, nasa Rotonda na ako. Nagpahintay sa akin si Ma'am Lynette. Nakapamili na ako niyon ng mga gelatin na ipamimigay ko bilang prizes sa mga bata.

 

Naghihintay na rin sa amin si Ma'am Joann sa may entrance ng sementeryo. Kaya nagsabay-sabay na kaming pumasok. Ilang minuto lang ang lumipas, dumating na rin sina Ma'am Nhanie at Sir Edwin.

 

Ako kaagad ang sinalang. Nakahanda naman ako kaya walang problema. Dala ko pa nga ang lapel kasi alam kong marami nang tao roon sa sementeryo.

 

"SI Ching na Takot sa Dilim" ang kuwentong binasa ko. Inclined na inclined ang mga bata sa pakikinig at pagsagot sa mga tanong ko. Kaya naman, lalo akong ginanahan. Marami pa namang adults sa paligid. May mga bumisita sa puntod, na siguradong nakinig at nanood sa amin.

 

Pagkatapos ng storytelling, art activity naman. Nagpagawa sila ng mukha sa paper bag, gamit ang mga crayons. Trending ito ngayon, kaya alam ng mga bata ang gagawin--- maliban sa maliliit. Piniktyuran sila nang suot-suot ang gaawa nila.

 

Gumawa rin kami pagkaalis ng mga bata. Siyempre, nagpiktyur at nag-video pa kami para makasunod sa paper bag trend.

 

Pagkatapos niyon, umalis na kami sa venue. Nilibre kami ni Sir Edwin ang chicken burger at iced coffee sa Mc Do booth sa labas ng sementeryo.

 

Nagkuwentuhan kami habang nagmemeryenda. May plano si Ma'am Nhanie na magtinda sa booth sa Maginhawa sa QC. Mag-fund raising daw kami. Gayunpaman, wala pa namang na-finalize na usapan.

 

Nakauwi ako bandang 12:15 sa bahay. Nagsaing muna ako bago ko nagbabad ng mga uniporme.

 

At habang at pagkatapos magsaing, nag-junk journaling ako. Nakakaadik kaya maya-maya kong ginawa. Kahit nga nang matutulog na ako, after lunch, gumawa pa rin.

 

Madillim na nang nagbanlaw ako ng mga ibinabad kong uniporme, at nag-washing ng iba ko pang labahin.

 

Alas-siyete, dumalo ako sa webinar ng Global Pinoy. Inimbitahan ako ng parent ng dati kong estudyante. Maganda naman sana pero malaki ang capital. Twenty-five thousand ang starter pack. Kaya, kako, aralin ko muna.

 

Pagkatapos mag-dinner, gumawa muna ako ng dalawang araw na lesson plan. Dalawa pa ang gagawin ko. Isingit ko kasi ang pag-eeheresisyo at junk journaling.

 

 

 

 

 

 

 

 

Ang Aking Journal -- Oktubre 2026

 Oktubre 1, 2026 Nag-igit na naman ako paggising ko. Hindi man kasingdami ng kagabi, pero guminhawa lalo ang pakiramdam ko. Maganda talaga...