Followers
Saturday, September 24, 2016
Ugaliin Mo, Bata
Pinagmulan ng Tagumpay
Hindi naman basta na lang tumutubo ang halaman.
Gaya ng pagtatagumpay, dapat pinaghihirapan.
Ang binhing ipinunla mo, diniligan, inalagaan,
ay magiging isang puno, na iyong masisilungan.
Hindi ito nakukuha sa magdamag na tulugan,
bagkus mga sakripisyo't nalampasang kabiguan.
Ang tagumpay raw ay alak, na binuro sa tapayan.
Pag hininog sa panahon, mas lumilinamnam pa nga.
Ang halama'y 'di lalago, kung hindi naaarawan.
Kaya nga'y kapurihan, sa Kanya'y dapat ilaan,
tuwing tugatog naabot at langit nasisilayan.
Thursday, September 22, 2016
Pangakong Napako
ang bugtong tungkol sa pako,
ang mga luha ko'y tumutulo.
Sa'king pagkatao ito'y tumitimo.
Ako noon ay isa nang gradwado
at matagumpay sana sa komersiyo,
ngunit nasadlak sa dusa, nabigo,
Imbes negosyo, pamilya ang nabuo.
Araw, gabi, hangad na magkatrabaho,
subalit mapang-api talaga ang mundo.
Diskriminasyon ang namumuno
sa bawat aplikanteng 'di naman bobo.
Ako'y minartilyo, katulad ng pako.
Buhay ko'y lumubog, humina ang ulo,
pinasok pa ang kahit anong trabaho,
at mga sikmura'y kumalam, kumulo.
Sa iyak ng anak, puso ko'y dumugo,
gatas niya lang ay am na pinakulo
at sa mumurahing gatas ang halo.
Nanay niya'y wala ring maipasuso.
Isang araw, tumanaw ako sa malayo,
at nakakita ng mga kalawanging pako.
Gatas ng bata, biglang naisip ko,
kaya dagliang pinulot ko ang mga ito.
"Anak, tahan na, anak," nasambit ko.
"Heto ang mga pako, na aking ipakikilo
upang makabili ng pagkai't gatas mo."
Anak ko'y natuwa't nginitian ako.
Bitbit ang kalakal, junkshop ay tinungo,
"O, Diyos, sumapat sana ito," dalangin ko.
Ngunit pag-asa ko'y biglang naglaho,
nang timbang nito, wala pang pito.
Habag na habag ako sa aking bunso,
hindi ko kasi nabili ang aking pangako.
Iyak ng anak ko'y dinurog aking puso.
Diyos, aking natanong, "Bakit ganito?"
Ngayon, 'di na namumulot ng pako,
ngunit nangangailangan ako nito
upang ang tahanan ko'y maitayo
at maging inspirasyon sa buhay ko.
Wednesday, September 21, 2016
Isipin Mo
paano pa kaya ang walang bahay?
Hindi ba't ikaw ay mas mapalad
sapagkat may kama ka o papag?
Isipin mo na lang ang nasa kariton
o kaya ang natutulog sa karton.
Kaya, huwag kang magrereklamo,
na may mahirap kang trabaho
o kaya'y may pinagdadaanan ka,
na akala mo'y hindi mo na kaya.
Tingnan mo ang mga taong grasa.
Nahihirapan sila, pero sumuko ba?
Bakit 'di ka na lang magpasalamat?
Hindi ikaw ang taong pinakasalat.
Dapat makuntento ka na lamang
kung ano ang iyong nakayanan.
Hindi nasusukat ang kaligayahan
ng mga bagay na kinahuhumalingan.
Tuesday, September 20, 2016
Sa Ilalim ng Buwan
Kahit isang gabi't dalawang araw lang
Upang takasan ang aking kalungkutan
At sa malayo, kapayapaa'y maranasan.
Kung sinuman ang nais akong samahan,
Basta siya ay handa akong damayan
At sabayan sa aking mga kadramahan
At aking paglaya, kahit na panandalian.
Doon sa ilang, malayo sa kahungkagan
Ay maglalatag ng banig sa damuhan,
Sabay na hihiga, titingin sa kalangitan,
Pasasalamatan ang ganda ng kalawakan.
Mga bituing marikit, kami ay kikislapan,
Na animo'y mga tagakuha ng larawan--
magdodokumento ng aming kasiyahan
At ngingiti sa mga kulitan at tawanan.
Kung kami man, antok, doon ay abutan,
Walang dapat ipangamba't katakutan,
Pagkat ang Diyos kami ay kukumutan,
Sa paghimbing, kami ay babantayan.
Ngunit kung ang antok kami'y pagkaitan,
Doon sa ilalim ng maliwanag na buwan,
Magsasaya na lang, magkukuwentuhan
Tungkol sa buhay ngayon at nakaraan.
Sa aking kasama, nais kong malaman
Kung sa oras iyon, siya'y naligayahan,
Suliranin niya ba'y sandaling nalimutan,
At babalik ba kami, na may natutuhan.
Monday, September 19, 2016
Dalawang Tanga
sa maliit na butas, sarili'y pinagkakasya.
Kaya, siya'y nasasaktan, hindi makawala.
Kapag siya ay nasa loob at naiipit na,
saka kakawala, luluha't hihingi ng awa.
Sisihin pa ang iba sa kanyang ginawa,
na dapat sana ay ikatututo na niya.
Tanga rin naman ang taong itinulak siya,
at tumulong upang makulong sa lungga.
Natuwa pa siya nang ito'y nasa loob na,
humihiyaw, kumakawag, at nagwawala.
Palibhasa siya'y manhid at sadista.
Kapag may nasasaktan, siya'y maligaya,
Kahit alam niyang ikapapahamak niya.
Sunday, September 18, 2016
Minsan, May Kalapati
na sa tagapag-alagang lalaki
ay kumawala, lumayo't nagkubli.
Nang narinig nito ang kanyang huni,
"Paalam, mahal ko" kanyang nasabi.
"Kung saan ka masaya, ika'y sumige.
Umasang siya'y magbabalik muli.
Mga alaala niya'y kasama kahit gabi.
"Nasakal ko ba?" ang tanong sa sarili.
Lumipas ang malulungkot na sandali,
nagkaroon siya ng ibong kabigha-bighani,
na kanyang inibig, siya'y napangiti.
Nang bumalik ang kalapating puti,
ang hawla niya'y wala nang silbi.
"Malaya ka na. Hayaan mo na kami,"
ang pakiusap ng mabuting lalaki,
sa kabila ng pananabik niya dati.
Kulay man niya ay hindi na maputi,
at katawan niya man ay marumi,
ang mga ito ay hindi na bale,
'wag lamang siyang maging kulasisi.
Kaya, pagsamo niya'y iwinaksi,
dahil puso niya ngayo'y nakatali
sa isang ibon, na tiyak mamamalagi.
Saturday, September 17, 2016
Paano
Paano ba itago ang kalungkutan?
Nais ko'y walang makakaalam,
at dapat 'di nila maramdaman
na ako'y lumuluha at nasasaktan.
Paano ko bang maikukubli
sa mga tula kong hinahabi
ang mga luhang nasa pisngi
at magkunwaring nakangiti?
Ayaw ko kasing marinig
mula sa kanilang mga bibig
na ako'y talunan at nagpadaig
sa mga pagsubok sa daigdig.
Paano? Sino ang makakasagot
sa aking mga katanunga't hugot?
Nais kong isipin, ito'y bangungot
upang drama ko'y tuluyang malagot.
Friday, September 16, 2016
Ama=Ina
Sino ang higit na mahalaga--
Ang nagdala, nag-aarugang ina
O ang naghahanap-buhay na ama?
Ama't ina, hindi ba't pinag-isa,
kinasal ng Diyos, pinagsama?
Bakit para sa inyo ay ang ina?
Bakit sa iba, matimbang ay ama?
Mabubuo ba ang bata, mag-isa?
Hindi ba'y kailangang silang dal'wa?
Sila ang magkatuwang sa tuwina,
Sa pagpapalaki at pag-aalaga?
Pareho dapat ang kanilang halaga,
Sapagkat misyon nila ay iisa---
Ang bumuo ng matatag na pamilya
At pagmamahala'y manatili sa kanila.
Panganganak, 'di man kaya ng ama,
May kakayahan naman siyang iba,
Na maipapantay sa abilidad ng ina
Sakripisyo nila'y 'di natin maikakaila.
Ama... Ina, parehong kahanga-hanga,
Sa bawat pamilya, sila ay biyaya.
Pag-ibig ng Panginoon, sa gitna nila
Upang ang mag-anak ay maligaya..
Thursday, September 15, 2016
Dakila Pa Bang Maging Guro?
kung mga mag-aaral, ayaw matuto?
Ginawa na ang lahat ng pinakamabuti,
tila kulang pa at lagi pa ring nasisisi.
Masarap ba pang maging guro
kung mga kabataan, iba ang gusto?
Mag-enjoy daw habang bata pa,
kaya pala dinadala nila sa eskuwela.
Bayani pa rin bang maituturing,
kung karapatan nila't mga hinaing
ay hindi man lamang pakinggan
at bigyan-pansin man lamang?
Nakaka-proud pa bang maging guro,
kung sa tingin ay 'di na sila masuweto,
kung mga bata'y kapos sa disiplina,
sa edukasyon, walang pagpapahalaga?
Maganda kayang mabalitaan
na ang isang guro ay pinaslang
dahil lamang nais niya'y disiplina?
Hindi ba'y nakakapanghina?
Pag-ibig sa Tamang Panahon
"Magandang hapon po," bati
ni Ma’am Serrano sa may-ari ng barumbarong.
"Magandang hapon din,"
turan ng ale. Nataranta ito kung paano itatabi ang mga nakaharang na batya,
timba, at mga basang damit.
"Kayo po ba ang magulang ni
Angelo?"
"Opo, Ma’am! Naku, pasensiya na
po. Hindi na po siya nakakapasok. Sinama kasi siya ng ama niya sa ginagawang building
diyan."
Alam ni Ma’am Serrano ang tinutukoy
ng ina ni Angelo, kaya pagkatapos niyang magpaalam, tinungo niya ang underconstruction
na condominium.
Bilang guro ng ALS, kailangan niyang
mahikayat si Angelo na ipagpatuloy nito ang pagpasok, lalo na't sa dalawang
beses na pagpasok ng estudyante ay nakitaan na niya ito ng determinasyon at
katalinuhan. Nanghihinayang siya.
"Sir, good afternoon
po!" nakangiting bati ni Ma’am Serrano sa bigotilyong security guard
ng construction site.
"Good afternoon, Miss!"
nakangising bati ng sikyu.
"May hinahanap po ako. Si
Angelo Corrales. Puwede po ba siyang makausap?"
Tumawa muna ang sikyu. "Miss,
sa dami ng trabahador dito, hindi ko kilala ang hinahanap mo. Nandito naman
ako." Kumindat pa ito at binasa ang mga labi.
Naaasar man, hindi siya nagpahalata.
"Sir, anong oras po ba ang uwian nila?"
"Uwian? Boyfriend mo ba
siya o asawa?" Tiningnan nito si Ma’am Serrano, mula mukha hanggang
dibdib.
"Teacher niya po ako.
Dalawang Sabado na po kasi siyang absent."
Tila napahiya ang manyakis na sikyu.
Tumingala ito sa building. "Sorry, Ma’am... Hindi ko po alam
kung mag-o-overtime sila o hindi."
Nalungkot si Ma’am Serrano.
"Pero, Ma’am, kung walang OT
ngayon, pauwi na ang mga trabahador. Alas-singko na, e." Medyo naging
pormal na ang pananalita ng guwardiya.
Magpapaalam na sana si Ma’am
Serrano, nang marinig at makita niya ang mga parating na construction
workers. Natuwa siya.
"Ma’am, labasan na pala sila.
Sana nandiyan ang estudyante mo."
"Sana nga." Ngumiti siya,
saka pumuwesto siya sa gilid ng guard house.
Bawat palabas na empleyado ay
napapatingin sa kaniya. Ang iba ay may mga positive side comments
pa. Nahiya tuloy siya.
"Ma’am!" Narinig na niya
ang malakas na boses ni Angelo.
Nginitian niya ang estudyante.
"Pinuntahan kita sa bahay ninyo. Nandito ka pala."
Nahiya si Angelo sa pagharap sa
guro. Itinapon nga niya ang kasisindi lamang na sigarilyo. Pinagpagan pa niya
ang kaniyang maalikabok na uniporme. "Ma’am, sorry po kung napasugod pa
kayo... Doon po tayo."
Bago tumalikod si Ma’am Serrano,
sumenyas muna siya sa sikyu. Nagpasalamat siya. Kumaway at ngumiti naman ang
guwardiya at tila kinilig pa ang mga mata.
"Si Papa ko pala. Pa, si Ma’am
Serrano po... Siya po ang naikukuwento ko sa inyo," pakilala ni Angelo sa
dalawa.
Kagyat na napaisip ang guro.
Naikukuwento, tanong niya sa isip niya. "Magandang hapon po, 'Tay!"
Mabilis na nagmano si Ma’am Serrano.
Tila naalangan pa ang ama, nang
abutin ang kamay ng guro. "Magandang hapon po, Ma’am. Pasensiya ka na po
rito sa anak ko, e, kailangan daw niyang kumayod."
"Naunawaan ko po, kaya nga po
ako nandito ako para..."
"A, Pa, puwedeng mauna na po
kayo?" sabad na tanong ni Angelo sa ama. Napakamot pa siya sa ulo.
Pumayag naman ang ama at agad na
nagpaalam sa dalawa. Sinundan naman nila ng tanaw ang ama.
"Angelo, kailangan mong pumasok
next week," simula ni Ma’am Serrano habang naglalakad na sila
pauwi.
"Angelo, hayop, a! Saan ang date
niyo?" biro ng katrabaho niya na nasa kanilang likuran, kasama pa ang
tatlo.
Napangiti at napakamot muna si
Angelo. "Sssh. Si Ma’am Serrano."
"Hi, Ma’am!" bati ng
kausap ni Angelo.
Nagtawanan na lamang sila. Pagkatapos,
nauna na sa paglakad ang mga iyon. Natahimik namang bigla si Angelo.
"Angelo, humahanga ako sa
determinasyon mong makatapos. Noong una pa lamang kitang makita, alam ko,
makakapasa at makakatapos ka."
"Salamat po, Ma’am... pero
hindi ko na po yata kayang maipagpatuloy."
Huminto si Ma’am Serrano. Napalunok.
"Sabi mo, gusto mong maging pulis. Sa palagay mo, makakamit mo ang
pangarap mo kapag sumuko ka?"
Hinarap ni Angelo ang guro, ngunit
agad ding yumuko. "Ma’am, suntok sa buwan ang pangarap ko. Sa kalagayan ng
buhay namin, mas gugustuhin ko na lang maghanapbuhay kaysa mag-aral. Ma’am,
tama na po ako sa ganito."
"Walang masama sa trabaho mo.
Marangal `yan. Kaya lang, mas maganda sana kapag nakatapos ka. Hindi naman
mahirap maabot ang pangarap mo. Determinasyon lang. Tiyaga. Inspirasyon.
Nariyan ang pamilya mo. Gawin mo silang inspirasyon. O kaya ang girlfriend mo."
Napangiti na si Angelo. "Kung
inspirasyon lang po, Ma’am... punong-puno ako niyan. Pero, girlfriend...
imposible, Ma’am. Masasaktan lang ako, Ma’am. Wala namang gugusto sa hamak na construction
worker lamang."
"Huwag kang magsalita ng gan’yan,
Angelo. Huwag mong maliitin ang sarili mo." Kusa na lang naipatong ni Ma’am
Serrano ang kaniyang kanang kamay sa kaliwang balikat ni Angelo. "Angelo,
tingnan mo ako."
Nahihiyang tumitig si Angelo sa
guro, pero tila nakuryente siya. Isang pambihirang karanasan sa kaniya ang
ganoong tagpo. Pakiramdam niya'y napakapalad pa rin niya.
"Kung susuko ka, para mo na
ring isinuko ang obligasyon mo sa mga magulang at kapatid mo. Sabi mo noon,
gusto mong mapag-aral ang mga kapatid mo sa private school. Paano mo
magagawa iyon, kung ikaw mismo ay tumigil na sa pangangarap?" Saka lamang niya
namalayang nakapatong ang kaniyang kamay sa balikat ng estudyante.
Patay-malisya niya itong inalis. "Angelo, laki rin ako sa hirap. Sa
probinsiya namin, kami na yata ang pinakasalat, pero nagsumikap ako. Nangarap,
hanggang... hanggang heto ako."
Nang nagtama ang kanilang mga
paningin, parang matagal na silang magkakilala. Parang malalim na ang kanilang
samahan.
"Ma’am, napakabuti po ng loob
ninyo. Alam kong hinanap at hinintay niyo pa ako para lang sabihin sa akin kung
gaano kahalaga ang edukasyon at pangarap. Salamat, Ma’am!"
Natawa si Ma’am Serrano.
"Masyado ka namang pormal, Angelo. Ilang taon ka na ba? Hindi ba't
magkasing-edad lang tayo?"
"Opo!"
Lalong natawa ang teacher.
"Ayan, pinatatanda mo talaga ako."
"Sorry, Ma’am. Ganyan kasi ang
turo sa akin ng mga magulang ko. Sabi nila, kahit hindi rin sila nakapagtapos
ng pag-aaral, malaki raw ang serbisyo ninyo sa bansa. Kayo raw po ang tunay na
bayani."
"Siguro... Ako, kasi, palibhasa
unang taon ko pa lamang sa serbisyo, hindi ko pa iyan masasabi. Basta ang alam
ko, nagmamalasakit ako sa `yo."
"Sa akin, Ma’am?"
inosenteng tanong ni Angelo.
"Hindi lang sa `yo, kundi sa
lahat ng estudyante ko." Namula ang pisngi ni Ma’am Serrano, kaya
nagsimula na siyang maglakad.
Natahimik sila nang ilang sandali.
"Ma’am, saan ka po umuuwi
ngayon? Ihahatid na po kita."
"Gusto mong malaman?"
Ngumiti ang guro.
"Yes, Ma’am!"
"Tapusin mo muna ang ALS. Ipasa
mo. `Tapos, mag-aral ka sa kolehiyo. Saka ko sasabihin sa `yo."
"Hala, si Ma’am! Ang tagal pa
no'n!" Napakamot si Angelo sa ulo.
"Sabi nga, kapag may tiyaga,
may nilaga."
"Ang lalim mo, Ma’am. Ganyan ka
ba mangusap sa boyfriend mo?"
"Palasak na ang kasabihang `yan.
Saka, sinong boyfriend? Wala, `no!"
Hindi makapaniwala si Angelo sa
narinig. Lalong lumakas ang kabog ng dibdib niya, kaya lang bigla rin itong
nawala. Naisip niya kasi ang kalagayan niya sa buhay.
"Bakit parang tinakasan ka ng
ligaya sa katawan?" Napansin ni Ma’am Serrano ang pagkahulog ng kasiyahan
ni Angelo.
"Ma’am, kasi... pareho tayo.
Mahirap palang maging mahirap."
Napatigil uli sila sa paglakad.
Hindi rin agad nakasagot ang guro.
"Ma’am, kung iibig ba ako sa
katulad ninyo, may pag-asa ba akong sagutin?"
Lalong napipi si Ma’am Serrano. Hindi
niya natingnan si Angelo. Aaminin niya, kumurot sa puso niya ang binata. Isa
marahil ito sa mga dahilan ng panghihikayat niyang magpatuloy sa pag-aaral ang
estudyante. Bonus na lamang sa kaniya ang magandang panlabas na kaanyuan nito.
Ang labis niyang binigyan ng pansin ay ang taglay nitong lambing at respeto.
Gayunpaman, ayaw niyang lumampas sa limitasyon. Guro pa rin siya at mag-aaral
niya lamang si Angelo. "Ang pag-ibig ay para sa lahat. Walang kasarian,
edad, relihiyon, o katayuan sa buhay,'' ang tangi niyang nasambit.
"Ma’am, hindi niyo po nasagot
ang tanong ko."
"Kapag pumasok ka sa Sabado,
malalaman mo ang sagot ko."
"Talaga, Ma’am?" parang
bata niyang tanong.
Tumango at ngumiti lamang ang
titser, saka sila muling naglakad.
Dumating ang Sabado, pursigidong
matuto si Angelo. Hindi pa rin niya nakakalimutan ang usapan nila ni Ma’am
Serrano. Kaya, nang uwian na, tinanong niyang muli ang kaniyang guro.
"Sa tingin ko sa `yo, hindi ka
mahirap mahalin," sagot ng guro. Pagkatapos ay nagligpit na siya ng mga
gamit para makauwi na.
Natahimik naman si Angelo, habang
pinagmamasdan ang guro. Lalong tumaas ang paghanga niya kay Ma’am Serrano.
"Ma’am, ihahatid na kita."
Akmang kukunin ni Angelo ang mga gamit ng titser.
Hindi binigay ng guro ang mga gamit.
Kumurba pa ang kaniyang mga kilay. "Hindi ba't may usapan na tayo. Sana
natandaan mo pa `yon."
Kagyat na nag-isip si Angelo.
"Magtatapos ako sa ALS. Mag-aaral sa kolehiyo... Okay. Matagal iyon,
pero... pero, kaya ko `yon, Ma’am!"
"Salamat naman kung gano’n!
Mauna ka nang umuwi."
"Yes, Ma’am! Ingat po
kayo."
"Ingat ka rin."
Sa mga sumunod na Sabado, mas naging
masigasig si Angelo na matuto. Labis namang ikinatutuwa iyon ni Ma’am Serrano.
Pareho rin silang may itinatago at pinipigilang damdamin. Ang tangi lamang
nangungusap sa kanila ay ang mga mata, pintig ng puso, at ang pag-alala sa
bawat isa.
Seryoso si Angelo na tapusin ang ALS
at maipasa ito. Sinikap niyang magtrabaho kapag araw ng Lunes hangang Biyernes
upang makatulong sa pamilya at makapag-ipon para sa kaniyang pagkokolehiyo. Ang
kaniyang pamilya, ang kahirapan, at ang pangako ni Ma’am Serrano ang kaniyang
pinanghahawakang inspirasyon. Aminin man niya o hindi, gusto niyang ibigin ang
kaniyang guro.
Pagkatapos na pagkatapos malaman ni
Angelo na nakapasa siya sa test ng ALS, nagpaalam naman sa kaniya si Ma’am
Serrano.
"Gragraduate ka na sa
Agosto... I'm sure, proud na proud sa `yo ang mga magulang at mga
kapatid mo. Hindi ba't sabi ko sa `yo na matutupad mo ang pangarap mo? Hayan
na, malapit ka na," malungkot na litanya ng guro. "Hindi na ako
makakadalo sa graduation rite ninyo... Huwag kang mag-alala, may
teacher naman na papalit sa akin."
Hindi naitago ni Angelo ang kaniyang
luha. "Ma’am, pinilit kong makapasa para marating ko ang tirahan mo, tapos
ganito lang pala."
Napangiti si Ma’am Serrano.
"Uuwi ako hindi dahil ayaw kong tuparin ang usapan natin. Uuwi ako sa
probinsiya dahil kailangan ako ng Mama ko. May sakit siya. Doon na rin ako
magtuturo para may mag-aalaga na sa kaniya. Isa pa, ang bahay ko rito sa Manila
ay inuupahan ko lang."
Kumbinsido na si Angelo. "Ma’am,
salamat sa inspirasyon!"
"Walang anuman. Trabaho ko
iyon. Proud ako sa `yo. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasaya nang
malaman kong pasado ka. Salamat din dahil isa ka sa nagpatunay kung gaano
kahalaga ang papel ko bilang guro." Napaluha na rin siya. "Mauna ka
nang umuwi, Angelo."
Mabigat ang loob na umalis si
Angelo. Pero, bago siya tuluyang lumabas sa silid-aralan, nagsalita siya.
"Ma’am, magiging pulis po ako... And, I'll see you."
"See you,
Angelo..."
Hindi napigilang bumuhos ng mga luha
ni Ma’am Serrano, nang nakaalis na si Angelo. Hindi siya nasasaktan sa
pagkakalayo nila, kundi sa katotohanang imposibleng magkita pa silang muli.
Aniya, ang apat o limang taon ay sapat para magbago ang tao.
Kumuha ng kursong Criminology si
Angelo. Sinikap niyang kayanin ang pisikal at pinansiyal na pagsubok para
lamang sa ikatutupad ng kaniyang pangarap. Simula nang makilala niya si Ma’am
Serrano, malaki ang naging pagbabago sa kaniyang pananaw sa buhay. Naging
positibo siya at nagkaroon ng tiwala sa sarili. Kung anuman ang katutunguhan ng
kaniyang buhay, utang na loob niya iyon sa dating guro.
Mahigit apat na taon ang lumipas,
guro na ng Grade 3 si Ma’am Serrano. Mas kilala siyang Binibining Laarni sa
kanilang paaralan.
Isang Lunes ng umaga, sinimulan niya
ang kaniyang aralin tungkol sa mga hanapbuhay o trabaho ng mga Pilipino.
Tumawag siya ng mga bata upang sabihin ang trabaho ng kanilang magulang.
"Joan," tawag niya sa
estudyanteng nasa unahan.
"Ang nanay ko po ay tindera.
Ang tatay ko naman po ay magsasaka."
"Salamat, Joan!" Isinulat
niya muna ang sagot ng bata, saka nagtawag uli.
"Ang Papa ko ay kapitan. Ang
Mama ko naman po ay mananahi," sagot ng katabi ni Joan.
Nang ang ikaapat na estudyante na
ang sasagot, natahimik ang lahat ng bata.
"O, bakit?" tanong ni Binibining
Laarni.
"May pulis po!" sagot ng
nakatayong bata. Itinuro pa iyon sa may pinto.
"Magandang umaga, Binibining
Laarni!" seryosong bati ng bisita. "Ang tatay ko po ay construction
worker. Ang nanay ko naman po ay labandera."
"Angelo?"
"Ma’am, maaari ba kitang ihatid
mamaya sa bahay ninyo?"
Nag-uuy ang mga bata.
Namula ang pisngi ng dalaga, saka
nagsabing batiin nila ang bisita.
"Magandang umaga po, Sarhento
Angelo Corrales!" chorus na bati ng Grade 3.
"Bakit niyo kilala si
Sir?"
Nagtawanan ang mga bata.
Hindi na naitago nina Laarni at
Angelo ang pagkasabik nila sa isa't isa. Mabilis na nagyakap sila sa harap ng
mga bata. Pagkatapos, magkahawak-kamay silang nagpaliwanag kung ano ibig
sabihin niyon.
Ang Aking Journal -- Hulyo 2026
Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...
-
Ano ang Kolum (Column)? Paano ito isinusulat? Ang kolum o pitak ay regular na lathalain o serye ng mga artikulo sa pahayagan, magasi...
-
Si Baltog Noong unang panahon, may isang maginoo at makisig na binata—si Baltog. Anak siya ng datu sa tribu ng Botaera ...
