Followers

Tuesday, September 20, 2016

Sa Ilalim ng Buwan

Nais kong lumabas sa Kamaynilaan,
Kahit isang gabi't dalawang araw lang
Upang takasan ang aking kalungkutan
At sa malayo, kapayapaa'y maranasan.

Kung sinuman ang nais akong samahan,
Basta siya ay handa akong damayan
At sabayan sa aking mga kadramahan
At aking paglaya, kahit na panandalian.

Doon sa ilang, malayo sa kahungkagan
Ay maglalatag ng banig sa damuhan,
Sabay na hihiga, titingin sa kalangitan,
Pasasalamatan ang ganda ng kalawakan.

Mga bituing marikit, kami ay kikislapan,
Na animo'y mga tagakuha ng larawan--
magdodokumento ng aming kasiyahan
At ngingiti sa mga kulitan at tawanan.

Kung kami man, antok, doon ay abutan,
Walang dapat ipangamba't katakutan,
Pagkat ang Diyos kami ay kukumutan,
Sa paghimbing, kami ay babantayan.

Ngunit kung ang antok kami'y pagkaitan,
Doon sa ilalim ng maliwanag na buwan,
Magsasaya na lang, magkukuwentuhan
Tungkol sa buhay ngayon at nakaraan.

Sa aking kasama, nais kong malaman
Kung sa oras iyon, siya'y naligayahan,
Suliranin niya ba'y sandaling nalimutan,
At babalik ba kami, na may natutuhan.

No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...