Followers

Thursday, September 22, 2016

Pangakong Napako

Tuwing naririnig o nababasa ko
ang bugtong tungkol sa pako,
ang mga luha ko'y tumutulo.
Sa'king pagkatao ito'y tumitimo.

Ako noon ay isa nang gradwado
at matagumpay sana sa komersiyo,
ngunit nasadlak sa dusa, nabigo,
Imbes negosyo, pamilya ang nabuo.

Araw, gabi, hangad na magkatrabaho,
subalit mapang-api talaga ang mundo.
Diskriminasyon ang namumuno
sa bawat aplikanteng 'di naman bobo.

Ako'y minartilyo, katulad ng pako.
Buhay ko'y lumubog, humina ang ulo,
pinasok pa ang kahit anong trabaho,
at mga sikmura'y kumalam, kumulo.

Sa iyak ng anak, puso ko'y dumugo,
gatas niya lang ay am na pinakulo
at sa mumurahing gatas ang halo.
Nanay niya'y wala ring maipasuso.

Isang araw, tumanaw ako sa malayo,
at nakakita ng mga kalawanging pako.
Gatas ng bata, biglang naisip ko,
kaya dagliang pinulot ko ang mga ito.

"Anak, tahan na, anak," nasambit ko.
"Heto ang mga pako, na aking ipakikilo
upang makabili ng pagkai't gatas mo."
 Anak ko'y natuwa't nginitian ako.

Bitbit ang kalakal, junkshop ay tinungo,
"O, Diyos, sumapat sana ito," dalangin ko.
Ngunit pag-asa ko'y biglang naglaho,
nang timbang nito, wala pang pito.

Habag na habag ako sa aking bunso,
hindi ko kasi nabili ang aking pangako.
Iyak ng anak ko'y dinurog aking puso.
Diyos, aking natanong, "Bakit ganito?"

Ngayon, 'di na namumulot ng pako,
ngunit nangangailangan ako nito
upang ang tahanan ko'y maitayo
at maging inspirasyon sa buhay ko.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...