Followers

Monday, October 1, 2018

Ang Aking Journal -- Setyembre 2018

Setyembre 1, 2018
Very late na nang dumating si Dr. Libuit. Nakapagkuwentuhan na nga kaming magkakaklase. Nainis lang ako kasi hindi ako nakaabot sa awarding ng journalism. Na-miss ko ang iyakan moments. Gayunpaman, masayang-masaya ako sa mga panalo namin. Mas marami ngayon ang panalo namin kaysa last year. Hindi ko rin inaasahang mananalo ang column writer ko na si Elyza dahil ang sinulat niya ay English na sa halip ay Filipino. Gayunpaman, naka-10th place pa siya. Pasok pa siya sa regional. Naiyak nga ako sa tuwa habang nasa masteral ako.

Dahil late ako, pinasaya ko na lang ang mga bata sa pamamagitan ng pangungulit ko. Tuwang-tuwa sila.

Sa Jollibee-Libertad kami nag-lunch. Sobrang ingay ng mga bata. Ang saya-saya nila, talo man o panalo.

Nag-restructure ako ng classroom pagkatapos niyon. Masundan pa ako ng mga bata. Naniniwala talaga silang lilipat na ako. Hindi nila alam na kailangan ko talagang maglinis sa silid.

Past 5, halos tapos ko na ang pag-aayos. Ang reading corner na lang ang hindi pa.



September 2, 2018
Sa halip na makagawa ako ng mga school works, nagkaproblema pa ako. Na-expired kasi ang Microsoft Office ng laptop ko. Gabi na nang ma-open ko. Kaya lang, na-reset na. Nawala ang mga kailangan kong files, or I should say, hindi nabasa. Pending tuloy ang pag-print. Hindi ako nakapaghanda ng lesson ko. 

Nabuwisit talaga ako maghapon. Mabuti na lang, nasisiyahan ako sa mga reaksiyon ng mga estudyante at iba pa tungkol sa posts ko at sa nalalaman nilang lilipat ako. Natutuwa ako sa ibang bata na nagsulat pa ng tula at kuwento. ang VI-Love naman ay gumawa ng 101 reasons para hindi na ako lumipat, nang sabihin ko. 

Naramdaman ko tuloy ang kahalagahan ko sa buhay nila. 

Nasiyahan din ako sa balagtasan namin ng mga dati kong kaklase sa elementary na sina Gina, Daba, at Josie.



Setyembre 3, 2018
Maaga akong pumasok para sana maipagpatuloy ko ang pag-aayos. Kaya lang, dumating si Chealsey. Naniniwala kasi siyang lilipat na talaga ako ng school.

Nag-selfie-selfie kami. Bumili rin siya ng libro. Dalawa. Nakabenta ako ng P580.
haharapin ko na sana ang mga estudyante ko, kaya lang suspended ang klase. Dumating pa ang mother ng kambal. Matagal kaming nag-usap tungkol sa anak niyang mga pasaway. 

Pagkatapos, nagmiting kaming Grade Six.
Naging makabuluhan iyon. Nakapagplano kami. Kaya lang, kinailangan naming magmadali para makapagkainan na kaming 1000 group. Nanlibre si Ma'am Mj sa KFC. Kaya, busog ako bago umuwi.

Alas-dos, umidlip ako. Alas-5 na ako bumangon.

Okay na ang laptop ko. Hindi ko nga lang na-download ang tamang MS Office. Hindi latest. Pero okay lang, at least nababasa ang mga files ko. Nakapag-print na ako.

Grabe talaga ng impact ng paglipat ko. Pati mga guro at mga magulang, halos pigilan ako. Ang mga estudyante ko, nagawa naman nila ang 101 reasons. Sobra akong natuwa. Nakakataba ng puso.



Setyembre 4, 2018
Nagkaroon ng pangkalahatang Values class mula sa Bethany Baptist Church kanina, sa covered court. Naputol tuloy lesson ko. Magtuturo na sana ako sa VI-Love. Kaya lang, maingay pa rin sila. Balewala ng ginawa nilang 101 reasons.
Gayunpaman, nakapagturo sa tatlong sections. Pinipigilan din nila akong lumipat. Naintriga na rin ang mga kasamahan ko sa grade level, kaya kinausap na nila ako. Pinanindigan ko na. Sabi ko pa nga, aabsent ako bukas para magmuni-muni. Ang totoo, nai-stress ako sa mga walang kapararakang reports na hinihingi. Wala na ang essence ng teaching. 

After class, kumain lang ako, saka bumiyahe na ko auwi. Agad akong natulog. Tama nga ang nabasa ko. Kapag malungkot daw ang isang tao, natutulog lang. Pasado alas-singko na ako bumangon. Ang sarap! 

Gabi, binasa ko ang mga sulat ng VI-Peace. Natuwa ako sa mga tinuran nila. Ang lahat ay nagsasabing huwag na akong lumipat. Mami-miss nila ako.

Ang pinakamagandang natanggap ko ay ang scrapbook mula kay Chealsey. Ipapakita ko iyon sa VI-Topaz sa aming alumni homecoming. Worth it. 




Setyembre 5, 2018
Ang sarap ng tulog ko kagabi. Alas-nuwebe na ako bumangon. Sulit ang pag-absent ko. 

Nagawa ko naman ang agenda ko ngayong araw--ang pag-fill out bg report cards. Hindi ko pa nga lang naisulat ang mga grades kasi hindi pa kami nagbigayan. Okay lang. Sa Sabado pa naman ang issuance. 

Bandang hapon, nakapagsulat ako ng spoken word poetry, na bibigkasin ko bukas sa mga estudyante ko. Nakapaghanda rin ako ng learning materials ko. Back to normal na kasi. Tama na ang drama. Sana lang may magbago sa kanila, gayundin sa mga kaguro ko. Alam kong may natuwa. Pero tiyak akong marami ang nalungkot at nanghinayang. 


Setyembre 6, 2018
Maaga akong na-badtrip dahil sa masamang balita. May nag-text kay Ms. Kris. Anonymous pero kilalang-kilala namin kung sino siya. Siya lang naman ang nag-iisang ahas sa school. Kagaya ng mukha niyang tinapalan ng makapal na foundation, makapal din ang mukha niyang nagtatalak against us. Dinamay niya pa ang health ko. Aniya, may virus ako. Nag-post ako ng sputum result with caption, "FYI, Bes. Wala akong VIRUS. Hindi ako inuubo. Ikaw? Get well soon." 

Pero mas malala ang sinabi niya against Ms. Kris. Hindi lang Bell's Palsy ang binanggit niya, kundi pati ang professional side niya. Very foul.

Dahil dito, nagawa kong i-post sa group namin ang resibo ng working money ko sa St. Bernadette Publishing at sabihing tinatapos ko na ang "Alamat ng Parang" dahil nabanggit niya ang tagak para sa contract signing. Siguro akong mamatay na siya sa inggit.

Kaya naman, naka-chat ko sina Ma'am Joann at Ma'am Fatima. Interesado silang makakuwentuhan ako dahil kagaya ko, marami rin silang complain sa mga nangyayari at specific na tao.

Past 3, nasa Baclaran Church Bell Tower kami. Nilibre nila ako ng meryenda. Sinagot ko naman ang topic at kuwentuhan. 

Sobra talaga pala ang kasamaan ng bruha sa school. Ang ugali niya at parang ang mukha niya---inaagnas.

Gayunpaman, nasentro ang kuwentuhan namin sa buhay-buhay. Nmarami akong natutuhan sa dalawa. Pinayuhan nila akong maging affectionate at bawasan ang oras sa trabaho at pakikipaglaban against masasamang tao sa school.

Na-realize kong marami pala akong naging pagkakamali at pagkukulang sa aking pamilya. 

Past 8:30 na kami natapos. Past 10 na ako nakauwi. Pagod at antok na ako, pero sobrang saya ko. It's so reviving. 



Setyembre 7, 2018
Pagpasok ko, nakasuot ako ng masayang mood. Kabaligtaran iyon ng naramdaman at emosyon ko kahapon. Ramdam ng mga bata ang pag-aliwalas ng mukha ko, lalo na nang nagsimula na akong magturo, magkuwento, at magpatawa. 

Effective talaga para sa mga bata ang pagtuturo nang may puso. May learning at bagong karanasan iyon para sa kanila. 

After class, nagtampo lang ako sa VI-Hope at Love kasi maiingay sila. Ang Hope, matagal gumawa ng group work at magulo ang mga tapos na. Ang Love, walang pakiramdam. Hindi sila magbe-behave kung hindi ako tatahimik. Hindi ko nga sila pinansin hanggang makauwi sila.

Nang wala na sila, nag-ayos ako ng reading corner, umidlip, at sumubok mag-research para sa thesis. Nainis lang ako sa Office 2007 kasi hindi ko magamit. Ayaw ng copy-paste. Hindi rin ma-edit. Nangamba tuloy akong baka hindi ko matapos ang chapters 1-3. 

Gayunpaman, nag-stay ako sa room till 5. Nagbasa ako ng tungkol sa pag-research na maaari kong magamit. 

Past 8, nasa bahay na ako. Masaya akong sinalubong ng aking mag-ina. Mas natuwa sila nang matanggap nila ang pasalubong kong ubas.



Setyembre 8, 2018
Alam kong late na naman darating si Dr. Libuit, kaya hindi ako pumasok nang maaga. Tama ako. Past 9:30 na siya pumasok. Nakakainis! Hindi naman niya kami tinuturuan. Panay lang ang critic niya sa mga title proposals. Halos reject naman lahat. Attendance lang ang habol ko. 

After class, pumasok ako sa library. Doon daw kasi makakahingi ng permit para makagamit ng library ng ibang school. Nagawa ko naman agad, kaya bumiyahe agad ako pauwi.

Maghapon kong sinubukang mag-download ng MS Office 2010, kaya lang bigo ko. Hindi ko na yata magagamit ang laptop ko sa mga paperworks. Ayaw nang ma-open ng mga files ko. Pending ang paggawa ng zine. Pati ang pag-download ng DLL, hindi ko na magagawa, kasi hindi ko rin mae-edit at maipi-print.



Setyembre 9, 2018
Napaka-gloomy ko maghapon dahil sa kawalan ng internet at MS Office ng aking laptop. Feeling useless and unproductive ang araw ko. Gayunpaman, may mag-ina ako, na siyang naging dahilan ng kasiyahan ko. Nag-gardening din kami ni Emily. Kahit paano umaliwalas ang paligid at ang pakiramdam ko.

Gusto ko sanang gumawa kami ng artwork o handicrafts, kaya lang wala palang materials. 

Nalulungkot ako sa nangyayari sa budget ko.



Setyembre 10, 2018
Na-highblood ako kanina. Umagang-umaga, uminit ang ulo ko dahil sa mabagal na aksiyon at maling pagharap sa problema. 

Paano ba naman kasi, e, kailangan kong gamitin ang library dahil ang lesson ko ay tungkol sa 'pangkalahatang sanggunian.' Mas mae-enjoy at mauunawaan ng mga estudyante kung totoong atlas, almanac, encyclopedia, and like, ang ituturo ko. Ang kaso, walang kuryente. Last week pa raw. Hindi man lang naglagay ng emergency lights. Sabi nila, gamitin daw. Kung kailan ako gagamit, nabigo pa. 

Maiyak-iyak si Ma'am Irika sa galit ko. Bahala siya. Pati tuloy si Papang nakita ang tantrum ko. Ayaw ko kasi ng hindi nila nari-regard ng problema. Maliit pa lang sana, inaayos na nila. 

Dahil kulang ako sa materyal, invisible ang ibang reading material. Kahit paano, nagawa ko namang ipaunawa sa ibang section. Sa advisory class ko, hindi ako nakapagturo dahil nawala ako sa mood.

After class, tinapos ko ang report cards. Issuance na bukas.



Setyembre 11, 2018
Sinikap kong maging epektibong guro sa bawat seksiyon. Nagturo ako. Nagpa-groupwork. Nagpasulat sa iba. Kaya lang, nagsermon ako sa isa. 

Pagkatapos ng recess, nanermon ako sa advisory class ko. Ikinumpara ko na naman sila sa tuod. Malala na talaga ang kakulangan ng disiplina nila. Gusto ko nang sumuko. Hindi na sila makuha sa tingin.

After class, kuhaan ng card. Na-delay ang pagkain ko ng lunch kasi napasarap ang kuwento ko sa mga parents. Binuksan ko ang isip nila sa mga nangyayari sa GES at binigyan ko sila ng ideya tungkol sa MOOE. Nagpasalamat nga ang ilan dahil 7 years silang binulag sa katotohanan.

After ko sa classroom, may meeting naman kami sa coop. Naglabas ako ng saloobin tungkol sa planong alisin si Ma'am Amy sa canteen, na siyang nagmamalasakit sa operation at overall supervision nito. Alam kong may may tao sa likod ng plot na iyon, kaya tinutulan ko. 

Hindi naman ako nakadalo sa meeting ng Filipino teachers. Okay lang. At least natuloy sila. Nai-report ni Ma'am Karen ang tirang pera sa fundraising. 

Past 3 na ako nakakain. Meryenda at lunch in one na iyon. Nagkape pa ako. 

Nang hinarap ko ang laptop ko, na-disappoint ako kasi hindi talaga gumagana ang MS Office ko. Hindi na rin ma-open ang files. Kailangan ko pa namang maghanda ng LMs para sa observation bukas.

Ilang sandali ang lumipas, dumating sina Ma'am Fat at Ma'am Joann. Nag-imbestiga raw sila. Mali raw kami ng akala. Hindi raw si Bes Palsy ang nag-text kay Ma'am Joan V. Iba raw. 

Nag-isip ako. Nang nagbigay sila ng clue, na-gets ko, kaya agad akong pumunta kay Marekoy. Mangiyak-ngiyak kong itinanong kong may tampo siya sa akin. Nag-usap kami sa labas. Pinabasa niya rin sa akin ang chat convo nila ni Bes Palsy. And, napatunayan kong hindi siya ang tinutukoy ng dalawa.

Sa dami ng aming napag-usapan at nabasa, na-realize kong sobra na ang galit sa akin ng ahas naming kaguro. Okay lang dahil kaya ko siyang saktan sa pamamagitan ng aking panulat.

Bago ako umuwi, nakausp ko si Sir Hermie. Mas malala ang problema niya. Nakarating na sa SDO ang reklamo sa kaniya ng principal. May summon na. Nakasaad doon ang posiblemg penalty niya. Nakakaiyak! Hindi niya iyon deserve. Naniniwala akong may kinalaman doon si Bes Palsy. Binigyan ko siya ng words of encouragement at assurance of support.

Kinausap ko rin sina Ma'am Edith at Ma'am Anne.

Nang makauwi ako sa bahay, hindi agad ako nakakain. Nakipag-chat ako kay Ma'am Madz tungkol sa mga nangyayari sa GES. Nag-chat din si Marekoy. Itinuturing niya nga ako at si Sir Joel na mga tunay na kaibigan. Nakisali rin ako sa GC ng faculty officers. Ipinaramdam ko kay Sir Hermie ang willingness ko na suportahan ang laban niya.

I asked guidance of God bago ako natulog.



Setyembre 12, 2018
Naging masaya ang pagtuturo ko kanina kahit nasa gitna kami ng problema sa samahan. Hindi ko sila binigyan ng dahilan para malungkot. Naging joker ako kanina habang nag-lelesson. Enjoy na enjoy na sila sa spelling bago magsimula ang discussion. Second day ko nang ginagawa ng pagbabaybay.

Nakita ko ang support ng grade level para kay Sir Hermie tungkol sa memo at summon. Kaya lang, nagkaroon na naman ng panibagong problema. Si Mareng Janelyn at Sir Joel naman ngayon ang kaaway ni Bes Palsy. 

Grabe! Gayunpaman, natutuwa ako. Dumarami na kaming galit sa ahas.

Past 5, nasa bahay na ako.



Setyembre 13, 2018
Gumising ako ng para tingnan sa FB kung may suspension of classes. May nakita ako, kaya nahiga ulit ako at natulog. Palibhasa, antok pa, hindi ko napansing August 13 ang nakalagay. Nagising ako ng bandang pasado alas-7:30 na kaya no choice ako kundi um-absent na lang. Pero dahil kailangan kong ipasa ang registration forms at fees ng campus journalists at SPA, napilitang akong pumunta sa Pasay. Gumawa muna ako ng template. 

Hindi naman ako nanghinayang sa pag-absent ko. Kailangan ko naman talagang pumasok dahil sa petition letter na palalagdaan namin sa aming mga kaguro.  paaalisin na namin si Ma'am Laarni dahil sa mga naidudulot niyang stress, kaguluhan, at pagbabangayan ng mga guro. 

Isa pang pangyayari ang naganap kanina ay ang paghaharap-harap ng mga gurong involve sa pagkalat ng chat conversation. Humarap sa apat na MTs ang apat na sangkot. Naging mainit ako sa taong may pakana. Kaya hinikayat ko ang tatlo na ituloy ang paghanap ng tunay na salarin.

Hindi rin napalampas ang pakikinig sa side ni Ma'am Venus na siya talaga dapat ang totoong biktima, ngunit pinaparatangan ng suspek na siya ang nagpakalat ng screenshots.

Nag-meeting din kaming GES Faculty. Pinag-usapan namin ang mga nangyari, nangyayari, at mangyayari. 

Bago ako umuwi, nagkuwentuhan pa kami ni Marekoy. Ikinuwento niya sa akin ang mga kaganapan sa paghaharap, na hindi naman naikuwento sa akin ni Sir Joel. 

Sobrang sakit ng ulo ko habang pauwi ako. Past 8 na ako nakauwi. Masakit na masakit pa rin. Nagkape lang ako at kumain ng dalawang sandwich bago natulog.

Suspended na ang klase bukas.



Setyembre 14, 2018
Suspended na ang klase dahil sa bagyong Ompong. Good thing is hindi malakas ang hangin at walang ulan. Kaya lang, hindi naman natuloy ang hearing ni Sir Hermie with Atty. Litusquen. Hindi rin tuloy ako nakaluwas para sa MIBF.

Gumawa lang ako ng registration receive copy ng journalism fees at nag-edit ng zine. Then, maghapon na akong nakipagbalitaktakan tungkol sa kaguluhan sa school. Inis na inis ako sa mga post ni Lester. Hindi ko siya pinalampas. Barado siya sa akin. Nakapag-rant pa kami ni Marekoy.



Setyembre 15, 2018
Hindi masyadong malakas ang ulan at hangin kagabi. Thankful ako dahil hindi kami nasalanta ng bagyong Ompong. Gayunpaman, nakakalungkot ang mga lubos na naapektuhan. 

After lunch, nag-grocery kami ni Zillion. Nawala ako sa wisyo pag-uwi namin kasi masakit ang ulo ko. Matagal bago nabawasan ang sakit.



Setyembre 16, 2018
Nakatulog ako nang mas mahaba-haba kahit dinadalaw ako sa panaginip ng mga mahal ko sa buhay. Past 8 na ako bumangon. 

Pagkatapos kong mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Tinapos ko na ang 'Mag-aral Tumula.' Nakapag-print na rin ako ng tatlo kopya ngayong araw. 

After lunch, umidlip ako. Past 2:30 ako nagising. Nanuod lang kami ni Zillion ng tv maghapon. 

Tapos na ang long weekend. Back to work na bukas. I hope ma-observe na ako ni Sir Erwin. I'm ready na. Gusto ko ring mabigyan ng katarungan ang mga kaguro kong ginago ni Bes Palsy.




Setyembre 17, 2018
Nakalulungkot pa rin ang nangyayari sa school. Apektado ang teaching-learning process. 

Gayunpaman, nagpa-observe na ako sa master teacher ko --kay Sir Erwin. Hindi man ako gaanong handa, sinikap kong mai-deliver nang maayos at mahusay ang aralin ko. Nagawa ko naman kahit ang klase inobserbahan ay section 4.

After class, nag-stay ako sa classroom ko para mag-check ng mga papel at mag-record ng mga scores. Umidlip din ako.

Past seven, nasa bahay na ako. 




Setyembre 18, 2018
Before 5, gising na ako para maghanda sa pagpunta sa UP Diliman. Dadalo ako sa Stakeholders'Conference ng NCCA, PETA, at PRRC. 

Nahiya ako kina Ma'am Fatima at Ma'am Joann. Naghintay sila sa akin sa may Sanitarium. Tapos, may libre pa akong French fries at burger mula kay Ma'am Fat. Libre niya pa ang pamasahe namin sa FX. 

Hindi naman kami na-late sa conference. In fact, may naupuan pa kami. 

Namangha ako sa venue. Ang ganda pala ng Bahay ng Alumni. Sobrang lamig.

Nagustuhan ko rin ang mga talks mula sa mga bisita. Naumigting lalo ang kagustuhan kong makatulong sa rehabilitation ng Ilog Pasig at conservation na rin ng Mother Earth.

Medyo hindi ko lang nagustuhan ang catering. Nabitin ako. Gayunpaman, na-enjoy ko ang first half ng conference. 

Ang parallel session naman na pinili naming tatlo ay theatre workshop. Nakakatuwa ang mga activities. Sobrang saya. Nakakawala ng stress. Hindi ko lang nagustuhan ang performance namin kasi parang hindi organisado. gayunpaman, nagawa naming tila walang mali.

Nakasalamuha na naman ako ng mga bagong kapwa. Hindi man kami nagalitan ng FB, alam kong magkukrus uli ang mga landas namin sa iisang adbokasiya. 

Nakarating ako sa bahay, pasado alas-nuwebe. Gising pa ang aking mag-ina. 




Setyembre 19, 2018
Bago kami bumiyahe ng trainee ko sa spelling bee na si Princess Ann Sajulga, nakapag-review pa kami. Nakapagkape rin muna ako at nakapag-iwan ng writing activity sa VI-Love.

Past 7:20 kami dumating sa TPES. Maaga pa kaya nakapag-almusal pa ako sa canteen doon. Nauna pa nga ako kay Karen, na siyang coordinator ng Filipino at emcee ng palatuntunan. 

Nang magsimula ang spelling contest, nagulat ako--hindi lang ako, lahat kami. Hindi iyon ang mga inaasahan naming words na lalabas. Ang hihirap. Translation yata iyon, hindi spelling. Isa pa, mga two to 4 words ang iba kada item. Idyimatikong pahayag. 

Kaya naman, hindi nanalo ang trainee ko. Nineteen points ang siya. Ang first ay 39 points. Ang 2nd at 3rd ay parehong 27 points. Nag-clincher round na lang. 

No regrets naman dahil marami akong natutuhan. Next time, alam ko na ng ire-review ko.

Past 11:30 kami nakarating sa school. Hindi na ako nakpagturo. Ukopado lahat ang klase ng ibang teacher pati ang advisory class ko. Kaya, nakipagkuwentuhan na lang ako kay Ma'am Belinda. Na-disappoint ako sa meeting kahapon. Aniya, walang nangyari. Hindi lumabas ang tunay sa salarin. Absuwelto.

Mabuti na lang din at wala ako. Ako pa sana ang naging kontrabida sa mga suspek.

Past 3 nasa bahay na ako. Sinubukan kong umidlip, pero hindi ko nagawa. Pinapak kasi ako ng mga langgam. Ang sweet ko na siguro. 

Past 4, gumawa ako ng video entitled "Ang Ilog Pasig Ngayon." Gagamitin ko iyon bukas sa lesson ko. In-upload ko rin iyon sa youtube.



Setyembre 20, 2018
Turong-turo sana ako, gamit ang video presentation ko about Ilog Pasig, kaya lang ayaw naman gumana ang mga speakers ko. Nanghiram pa ako kay Sir Joel. Ayaw rin. May problema sa settings ng laptop ko. Hindi tuloy na-enjoy ng bata ang ipinalabas ko. Gayunpaman, napa-groupwork ko sila. Na-enjoy nila ang tableau ng pagbibigay ng solusyon sa problemang naobserbahan.

After class, may kinausap akong parent (nanay). Suki na siya. Ang problema ngayon ay ang pag-uumit ng isa sa kambal niya. May nag-report sa akin na kumuha siya ng paninda sa canteen at liptint sa Watson.

Nag-stay ako ng ilang oras sa classroom, habang nagbabasa ng akda ng mga bata. May na-encode na rin ako.

Then, nakisabay sa akin si Papang paglabas sa school. Kinuwentuhan niya ako tungkol sa hearing ni Sir Hermie. Okay na raw. Sana lang...

Past 4, nasa bahay na ako. Agad akong gumawa ng LMS at MPS sa Filipino. Late ko na naihanda ang lesson materials ko. 

Thanks, God for this wonderful day!




Setyembre 21, 2018
Halos wala na namang pormal ang klase. Wala si Ma'am Madz. nasa Jamboree. Ang ibang estudyante ay nasa training at alaro. Absent naman ang karamihan dahil sa announcement ng Manila. Kami namang teachers ng Grade Six ay nagkuwentuhan tungkol sa nangyaring hearing kahapon. Gayunpaman, vacant ko iyon. Isa pa nagturo na ko sa dalawang sections. Pagsulat ng talaarawan ang lesson namin ngayong araw. Napasulat ko ang section 4. 

After class, nag-stay ako sa classroom ko. Nagbasa ng mga akda/sulatin ng pupils. Nag-record. Umidlip. At nag-encode at nag-post ng mga napiling akda para sa zine na 'Ilog Pasig.'

Past 7 na ako nakauwi. 

After dinner, nai-send ko na kay Ma'am Teresa Padolina ang CV para sa invitation niya sa akin sa speaking engagement. Kahapon, tinanong niya ako kung willing akong magturo ng pagsulat ng kuwentong pambata. Siyempre, it's my honor to be speak for them, lalo na't teacher ko siya noong high school at sa former high school ako mag-i-speak. Nakatutuwa naman dahil napansin niya ang kakayahan ko.

Natapos ko na rin ngayong gabi ang layout ng zine na 'Sir.' Ready to print na iyon.



Setyembre 22, 2018
Before 8 ako nakarating sa CUP. Nag-attendance lang ako roon at nakipagkiwentuhan sandali sa kaklase. Then, naglakad na ako papunta sa SDO. Naroon na sina Ma'am Edith at Ma'am Rose. Doon ko lang nalamang tungkol pala sa 'Intra at Interpersonal Intelliegence' ang topics sa seminar. 

Nagustuhan ko naman. Sakto iyon sa need ko. Nakasalamuha ko si Ma'am Tracy, guro ng TPES, na nakasama ko sa BigBook Making workshop. 

Bago matapos ang seminar, nayaya ako ni Ma'am Vi kina Ma'am Fatima para mag-bonding. Kasama ang nga Kinder at Grade Six teachers. Nag-confirm naman ako ng pagdalo, kaya agad kong chinat si Emily.

Past 8 na ako nakarating sa Chester Place. Agad akong hinainan ng pagkain. Hindi natuloy ang mga kaguro namin sa Grade Six. Okay lang, masaya pa rin naman ang kuwentuhan.

Past 10, nagkayayaan nang umuwi. Past 12 ako nakauwi.



Setyembre 23, 2018
Napasarap ang tulog ko kanina. palibhasa ala-una na ako nakatulog. Past 7:30 na ako bumangon. Mainit at maingay na kasi.

After breakfast, sinimulan ko ang printing ng zine na 'Sir.' Naisipan ko ring mag-gardening pagkatapos. Then, hapon, natapos kong i-layout ang zine na 'Ilog Pasig.' Nakapag-print na rin ako bago nakagawa ng learning materials para bukas.

Kahit isang araw na lang ang pahinga, sulit naman na kasama ang aking mag-ina. 




Setyembre 24, 2018
Inspired akong magturo kanina. Bukod sa pinaghirapan ko ang lesson at learning materials, gusto kong simulan ang week nang masaya.

Nagawa ko namang makapagbigay ng group activity sa bawat section. Alam kong na-enjoy nila ang kuwento at activity namin. 

After class, umuwi na sana ako, kaya lang bumalik ako sa school dahil nag-diarrhea ako. Umidlip ako, pero hindi nagtagal, nagdesisyon akong umuwi na. 

Before 4, nasa bahay na ako.

Ginawa ko ang zine ng student ko--ang 'Mecha.'

Natutuwa ako ngayong araw dahil sa blessings na natanggap ko. Nagbayad na si Ma'am Milo. Okay lang kahit one month lang. May 5 months delay pa siya, na unaabot ng P9,000. Sana tuloy-tuloy na ang pagbayad niya. 



Setyembre 25, 2018
Kahit sira na naman ang klase dahil sa isang bakanteng section o dahil absent ang isang adviser, tuloy pa rin ang palitan namin ng klase. Pagbubuod ang lesson namin. Na-motivate ko rin sila sa pagbabaybay (spelling). 

Inasikaso ko ngayong araw ang schedule at ang tungkol sa RSPC bukas. May tatlong campus journalist na ilalaban. 

After class, nagturo ako ng Science newswriting sa CJ na sasabak bukas. After that, umuwi na ako. 

Alas-4 ako nakauwi. Naihanda ko ang LMs ko para bukas at nasimulan ko ang zine (comics-style) ng isa kong estudyante.



Setyembre 26, 2018
Naabutan ko pa ang tatlong young campus journalists na sasabak sa RSPC ngayong araw sa Marikina City. Late kasi si Sir Joel. Pero, hindi nagtagal, dumating naman siya. Alam kong nakaalis din agad  sila at hindi sila na-late.

Tatlong sections lang ang may klase kanina dahil nasa Marikina City nga ang dalawang adviser. Nagturo ako at nagpalitan kami ng klase. Na-enjoy nila ang mga group works. 

Samantala, nakapag-bonding kaming Grafe Six teachers. Nagpabili si Ma'am Vi ng ice cream. Pinag-usapan namin ang Child Protection Policy. Nakakalungkot isiping halos wala na kaming karapatang disiplinahin ang mga estudyante. Magturo na lang talaga ng lesson, mag-record ng grades, at gumawa ng reports ang dapat naming gawin. Bawal naming salingin o pagsalitaan ang mga bata dahil protektado sila ng batas. Samantalang pabata nang pabaya ngayon ang kriminal. Kung hindi namin madidisiplina ang mga bata, goodluck sa PNP. Dadami ang krimen at preso. 

After class, nag-stay ako sa classroom. Tinapos ko ang komiks ni Cedric, na may pamagat na 'Traydor na Ibon.'

Past 7 na ako nakauwi. 



Setyembre 27, 2018
Sumasakit ang ulo ko kagabi pa. Pasulpot-sulpot. Parang may kung anong tumatama sa ulo ko every five minutes. Halos hindi ako makatulog. 

Naramdaman ko pa ito nang nasa Makati na ako.

Maaga kong nahanap ang opisina ng Diwa Publishing, pero hindi muna ako pumasok dahil 12 noon pa naman ang simula. Tumambay muna ako sa dalawang parke malapit doon. Nakakain pa ako ng lunch. 

Aspiring Authors' Camp ang nadaluhan ko. Sponsored ng Diwa Publishing at University Press of First Asia (UPFA). Another learning naman. Ang maganda rito, mas na-open ang eagerness kong magka-textbook. Kailangan lang na mapili ako for next level of trainings. Sana magustuhan nila ang sample lesson ko. 

Past 5 na ako nakalabas sa venue. Pagod at masakit man ang ulo ko, fulfilled naman ako. Confident akong magiging bahagi ako ng Diwa. Pangarap ko noon pang maging textbook author, sana ito na iyon. Marami raw ang nag-apply, kaya privileged ako dahil napili ako sa unang batch. 




Setyembre 28, 2018
Maaga akong pumasok para ma-goodluck ko man lang ang mga radio broadcasters ng GES na lalaban ngayon sa RSPC. Kaya lang, hindi pala si Ma'am Irika ang kasama, kundi si Sir Erwin at ako. Okay lang naman. Gusto ko namang ma-experience. Taon-taon naman akong sumasama. Ngayon lang muntikang hindi makadalo dahil hindi nga kasama ang column writing sa regional schools press conference. 

Kahit paano, nasilayan kong muli ang ganda ng Marikina. Nakapasyal ako at nakapag-sight seeing. Marami rin akong nakuhaang larawan. 

Matagal nga lang kaming naghintay. Mga past 3 na natapos ang pag-broadcast ng dalawang team.

Umuwi agad kami. Past 4:45 pm kami nakarating sa school. Nagyaya naman si Ma'am Edith na kumain. Nag-Mang Inasal kami. Treat niya kami ng palabok at halohalo. Hindi na ako nakapaghapunan pagdating ko. 



Setyembre 29, 2018
Hindi na naman pumasok nang maaga si Dr. Libuit. Wala na rin halos pumapasok sa klase niya. Kalahati na lang yata kami kanina. Wala na rin halos magpa-check ng chapter 1 to 3. Kaya, napilitan siyang magturo. First time. Mabuti naman dahil nakapulot talaga ako ng kaalaman. Na-inspired akong ituloy ang research ko.

After class, pumunta ako sa PNU para mag-research. Kaya lang, nang pinahanap sa akin sa computer ang anumang related sa topic ko, wala akong nakitang bagong reference. May nag-iisa nga, outdated naman. Haist! Sayang ang punta ko.

Kaya naman, dumaan na lang ako sa dalawang museum sa Luneta. First time ko sa isa. Ang ganda! Andami kong selfies at shots ng mga naka-exhibit. 

Past two, umuwi na ako kahit sobrang init. 

Natulog ako pagdating ko sa sobrang pagod at antok. 

Hindi muna ako nag-open ng laptop ngayon. Bukas ko na gagawin ang mga paperworks ko. 



Setyembre 30, 2018
Hindi ko nagawang magtagal sa higaan. Gusto ko sanang matulog hanggang 8 am. Gayunpaman, thankful pa rin ako kasi maganda ang tulog at gising ko.

After breakfast, nag-print lang ako ng DLL at nag-research para sa thesis. Then, nagpaligo na ako sa aso at naglinis ng banyo. Itinuloy ko ang paggawa ng thesis after maligo. 

Fulfilled naman ako ngayong araw kahit hindi ako nakapagsulat kahit isang akda, maliban sa diyalogong gagamitin ko sa lesson bukas.









Saturday, September 15, 2018

Mag-aral Tumula

ARALIN                                                                                        

Guro ko'y pakikinggan.
Tiyak may matututuhan
sa mahahalagang aralin,
na aking kakailanganin.

Magbibilang, makikinig,
magbabasa, at magsusulat...
Iyan ang aking mga gagawin.
Makikipagtalakayan na rin.


BAG

Ang bag kong dala-dala,
punong-puno ng gamit at iba pa.
Katulad ng utak ko,
sa kaalaman, hitik ito.

Anoman ang gawain,
walang hindi kakayanin
sapagkat ako'y may bag,
saka may lakas at utak.


CLASSROOM

Dito tayo nililinang,
hinahasa, at tinuturuan
ng magagandang asal
at mahahalagang aral.

Edukasyon ay binubuo,
hinuhubog ang talento't talino.
Ang mga gurong magigiting,
nais nila, tayo'y may marating.


DepEd

Ang Department of Education
ay ang sangay ng edukasyon.
Inaalis nito ang kamangmangan
ng mga Pilipinong kabataan.

Ang apat na core values nito---
"Maka-Diyos, Makatao
Makalikasan, at Makabansa,"
ay nararapat lamang isagawa.



EDUKASYON

Magmula elementarya
hanggang maging kolehiyo na,
edukasyon ay mahalaga.
Ito ang susi sa ginhawa.

Tiyak, tagumpay' makikita;
pangarap ay matutupad pa;
kinabukasan ay gaganda,
kung ikaw ay magtitiyaga.



FIRST DAY OF SCHOOL

Sa unang araw ng pasukan,
marami ang aking karanasan--
may masaya at katatawanan,
may pambihira at kahihiyan.

Gayunpaman, ang bawat isa,
totoong nagkintal sa puso't diwa.
First day of school, nakakakaba,
subalit puno ng mga alaala.


GURO

Nagpupunyagi, nagsisilbi,
gumagabay, umaagapay,
nagpapayo, nagtuturo...
Iyan ang ating guro.

Ikalawang magulang,
nars, doktor, dietician,
tagapayo, at kaibigan...
Nagawa na niyang lahat iyan.


HONORS

Sa pag-aaral nang mabuti
At sa iyong pagpupunyagi
ay karangalan ang kapalit,
at karunungang ‘di mawawaglit.

Magulang lubos na liligaya
kung sasabitan ka ng medalya.
Ang paaralan ay magbubunyi pa
dahil sa edukasyon, nagpahalaga.


INCLUSIVE EDUCATION
Ang edukasyon ay para sa lahat,
Anoman ang kulay ng iyong balat,
Bata, matanda, babae, at lalaki
Sa DepEd, ang lahat ay kasali.

Kahit ang bulag, pipi, at bingi,
Hindi maaaring tanggihan at iwaksi
sapagkat lahat ay nangangailangan
ng kalidad na edukasyon at kaalaman.


JOURNAL/DIARY

Araw-araw akong nagsusulat
upang tumalas lalo ang utak.
Sa journal/diary ko inuulat
ang mga alaalang tatatak.

Dito ako tumatawa, umiiyak,
Dito sinasabi, lahat-lahat.
Dito ako bumubuo ng balak.
Emosyon, dito ko naisisiwalat.


KAALAMAN

Utak ko'y pupunan ng kaalaman
at gagamitin sa kabutihan.
Sa bawat aralin, ito ay kailangan
at sa ano pa mang larangan.

Paliliparin ang aking isipan
hanggang sa kalawakan,
maging sa kailalim-laliman
upang tagumpay, matagpuan.


LAPIS

Anoman ang haba at hugis
nitong panulat kong lapis,
kinabukasan ko at ninanais,
dito nakasalalay, dito tatamis.

Pagkakamali ko ay buburahin,
buhay ko ay pagagandahin,
Isusulat ko at pangangarapin
ang makinang na hangarin.


MATALINO

Hindi sa husay sa pagmemorya,
nasusukat ang talino ng bata.
Hindi rin sa dami ng medalya
o sa matataas na marka.

Ang mag-aaral na matalino,
siya ay talagang disiplinado.
Sa kapwa, magulang, at guro
ay may paggalang at respeto.


NANAY/TATAY

Mga guro, katulad ng magulang—
Mapagmahal, laging nariyan.
Sila ang aking nanay at tatay.
Sa paaralan, sila’y gumagabay.

Sa praktikal at akademiko man,
sina Sir at Ma’am, maaasahan.
Pang-unawa nila’y sobra-sobra,
katulad ng ating mga ina at ama.


ORAS

Nakatingin ka na naman
sa relo o orasan,
at nag-aabang ng uwian.
Bawat minuto ay kinaiinipan.

Bakit ka pa pumasok sa paaralan
kung utak mo, uwian ang laman?
Bakit hindi mo na lang
lamnan ito ng mga kaalaman?


PAARALAN

Oras ko ay aking ilalaan
sa aking mahal na paaralan.
Buhay ko, dito makukulayan
at mapupuno ng mga kaalaman.

Dito rin ako hahakbang paakyat
patungo sa tugatog ng pangarap.
Dito magsisimulang lumipad
at mamumuhay nang may dignidad.


QUALITY EDUCATION

Ang kalidad na edukasyon,
hangad sa bawat henerasyon.
Kaluluguran ng ating bayan,
kung pag-aaral ay pagsisikapan.

Turo ng guro, pakikinabangan,
kaya leksiyon ay pakikinggan,
ako ay makikipagtalakayan,
at mga aralin ay pahahalagahan.


RECESS

Bahagi ito ng pag-aaral.
Kumain ay hindi bawal.
Dito maaari nang dumaldal.
Utak kasi ay napapagal.

Ngunit pagkatapos naman,
may aralin pang nag-aabang.
Recess ay hindi asignatura,
pero paborito ng lahat, 'di ba?


SINA SIR AT MA’AM

Sina Sir at Ma’am,
gabay sa paaralan,
ikalawang magulang,
maituturing na kaibigan.

Kanilang pangaral, kailangan
aming aralin, pahahalagahan.
Magandang kinabukasan,
sa akin, inilalaan.



TALENTO

Samot-sari ang mga talento.
Bawat mag-aaral, nagtataglay nito,
gaya ng pagsayaw, pag-awit,
pagtula, at pagguhit.

Anomang kakaibang kakayahan,
talento ang tawag diyan.
Sa anomang gawain at larangan,
ito ay mapakikinabangan.


UWIAN

Sa bawat pagpasok, may uwian,
ngunit sana, bitbit ang kaalaman.
Pag-uwi mo sana ay pagbabalik
sa paaralang nakasasabik.

"Uwian na!" masayang sambit
ng gurong mahusay at mabait.
Umaasa siyang, bawat isa,
may karanasang bago at kakaiba.


VALEDICTORIAN

Siya ay nagsunog ng kilay,
nagsumikap, nagsikhay,
umangat sa bawat pagsusulit,
kaya karangalan ay nakamit.

Dangal siya ng paaralan.
Paghanga ng madla, nakamtan.
Edukasyon ay pinahalagahan,
kaya ang kapalit ay katalinuhan.


WIKA

Wikang Ingles man o Filipino,
kailangan sa ating pagkatuto.
Pagyamanin nating pareho
upang kaalaman ay buong-buo.

Sa pagsulat man o sa pagbasa,
magagamit ang nakagisnang wika.
Sa pakikipagtalakayan at pagsasalita,
ito ay mapakikinabangang talaga.


 X

Ekis ang simbolo ng kamalian
Ekis din ang marka sa pagliban.
Ang X ay senyales ng kawalan
at kakulangan ng kahulugan.

Ngunit, sa ating alpabeto,
mahalaga ang letrang ito.
Gaya ng pagiging matalino,
hindi dapat binabalewala ito.


YESO

Panulat ito sa pisara,
katuwang sa tuwi-tuwina,
isinusulat ang kinabukasan,
at naghahatid ng kaalaman.

Sa bawat linya, sa bawat guhit,
sa bawat hugis, sa bawat titik,
yeso ang laging nagagamit.
Sa kaniya, wala pang hihigit.


ZERO

Kung sa pagsusulit, ikaw ay zero,
itlog na bugok ang katulad nito.
Kung ipapareho naman sa talino,
hindi ito ang sukatan ng pagkabobo.

Gayunpaman, dapat maghangad tayo
ng iskor na mataas o kaya ng perpekto
upang ina’t ama, ‘di mapakamot sa ulo
at upang makaakyat sila sa entablado.


Wednesday, September 5, 2018

Minsan May Isang Guro

Minsan, may isang guro,
na sa inyo masayang nagtuturo.
Oo, katulad ng iba, siya'y ordinaryo--
nagagalit, nanenermon,
at nagbibigay-inspirasyon.
Katulad ng ordinaryong tao,
siya ay problemado--
problemado sa inyong grado,
sa bawat kilos at pananalita ninyo,
gayundin sa pananamit ninyo.
Bahagi siya ng buhay ninyo,
ng mundo mo,
ng kuwento mo.
Sa loob at labas ng paaralan,
lagi niya kayong binabantayan.
Laging may puso ang kaniyang aralin,
Hindi ba't na-eenjoy mo rin?
Sa kaniyang pagtawa at pagngiti, nawawala ang inyong pighati
Kapag siya'y malungkot, ang puso mo'y para ring kinukurot.
Patunay iyan, na siya ay mahalaga.
Mahalaga nga ba?
Mahalaga nga ba siya sa inyo?
Mahalaga ba kung paano ninyo siya itrato?
Sabi ninyo, siya ang pangalawang magulang ninyo.
Ngunit, hindi kayang ipakita ang nasa puso ninyo.

Minsan, may isang guro, na sa inyo ay nagturo,
kung gaano kasaya ang mundo,
kung paanong ang buhay ay nagiging isang istorya,
kung paano ang istorya mo ay maikukuwento,
kung paano ang isang kuwento
ay maibahagi sa iba,
kung paano pahalagahan ang iba,
kung paano pahalagahan ang pagbabasa,
kung paano ipakita na sa pagbabasa ay may buhay,
kung paanong ang buhay ay magkakakulay,
kung paanong ang makulay na mundo
ay maging mundo ng iba,
kung paano ang iyong buhay
ay maging inspirasyon sa iba,
kung paano ang iba, ay maging siya--
walang takot, walang itinatago,
kung paanong siya ay maging kung ano ang gusto niya.

Minsan may isang guro,
nagpaalam siya sa inyong harapan.
Nalungkot ang karamihan,
umiiyak naman ang iba.
Ngunit buo na ang loob niyang lisanin ang paaralang minahal niya
sa loob ng walong taon,
kung saan pagkaguro niya ay umusbong,
kung saan pagmamahal niya sa bagong henerasyon ay yumabong...
Sumibol.
Wala kayong nagawa kundi ang humiling na sana magbago pa ang isip niya.
Walang nakapagpigil kahit ang mga liham ninyong kay sarap dinggin.
Walang nakapagbago sa kaniyang damdamin.
Wala...

Minsan, may isang guro
mula sa isang araw na pagmumuni-muni,
siya tahimik na nagbalik.
Sa inyong harapan ay tila isang blankong papel na tumayo.
Siya pa rin ang inyong ordinaryong guro,
ngunit hindi alam kung nasa kaniya pa rin ang puso,
ang pusong ginagamit niya tuwing siya ay nagtuturo...
tuwing ibinabahagi niya ang kuwento.

Isang paimpit na ligaya ang kaniyang narinig
mula sa mga labi ninyong nananabik,
mula sa mga puso ninyong humihibik,
ngunit kayo ay biglang natahimik,
walang nais umiimik.
Pintig ng mga puso ninyo at dibdib,
pati ang mga labi ay nanginginig,
habang abot-langit ang paghiling
na sana, na sana... siya nga ay hindi na umalis.
"Huwag ka na pong umalis," nais ninyong ipabatid.
Ngunit siya ay isa nang bulag, pipi, at bingi,
na kayo rin ang dahilan at sanhi.
Kayo ang bumulag,
kayo ang bumusal sa kaniyang bibig,
kayo ang sumira sa kaniyang pandinig,
at kayo rin ang naghahangad ng kaniyang pagbabalik.

Sa oras na iyon, hinintay ni'yo siyang marinig ang tinig.
Walang salitang lumabas sa inyong mga bibig.
Walang nag-ingay,
walang nagpasaway.
Ngunit walang nakababatid kung siya ba'y talagang aalis.
Ngunit siya ay nanatiling nakatindig,
nakamasid.
Mga mata niya'y hindi mabatid kung siya ba'y nagagalit o nasasabik.

Minsan, may isang guro...
na minsan ninyong naging guro, ama, kaibigan, tagapayo, at taga-kuwento,
na minsan ninyong hindi inirespeto,
binastos, at binalewala,
na minsan ninyong kinainisan, at tinawanan,
at minsan ni'yo lang naunawaan.

Paglipas ng mahabang sandali,
sa wakas, tinig niya ay narinig.
Damdamin ninyo'y kumakandirit...

Minsan, may isang guro
na magbabago sa inyong buhay,
na magbabago sa inyong pananaw
kung gaano ang edukasyon ay katulad ng gintong nakakasilaw,
kung gaano ang buhay ay isang paglalakbay,
kung gaano kahalaga ang kuwento ng bawat isa ay kapupulutan ng inspirasyon.
Minsan, may guro kayong mamahalin,
pero mapagtatanto ninyong huli na pala ang lahat...

Minsan, may isang guro...
na aalis, lalayo...
at babalik sa inyo
dahil kayo ang kaniyang buhay,
ang kaniyang mundo,
dahil kayo ang bubuo
sa kaniyang pagkatao,
sa kaniyang pagkaguro,
at sa kaniyang kuwento.

Minsan, may isang gurong nagtampo.
Ako.





Sunday, September 2, 2018

Ang Aking Journal -- Setyembre 2018

Setyembre 1, 2018 Very late na nang dumating si Dr. Libuit. Nakapagkuwentuhan na nga kaming magkakaklase. Nainis lang ako kasi hindi ako nakaabot sa awarding ng journalism. Na-miss ko ang iyakan moments. Gayunpaman, masayang-masaya ako sa mga panalo namin. Mas marami ngayon ang panalo namin kaysa last year. Hindi ko rin inaasahang mananalo ang column writer ko na si Elyza dahil ang sinulat niya ay English na sa halip ay Filipino. Gayunpaman, naka-10th place pa siya. Pasok pa siya sa regional. Naiyak nga ako sa tuwa habang nasa masteral ako. Dahil late ako, pinasaya ko na lang ang mga bata sa pamamagitan ng pangungulit ko. Tuwang-tuwa sila. Sa Jollibee-Libertad kami nag-lunch. Sobrang ingay ng mga bata. Ang saya-saya nila, talo man o panalo. Nag-restructure ako ng classroom pagkatapos niyon. Masundan pa ako ng mga bata. Naniniwala talaga silang lilipat na ako. Hindi nila alam na kailangan ko talagang maglinis sa silid. Past 5, halos tapos ko na ang pag-aayos. Ang reading corner na lang ang hindi pa. September 2, 2018 Sa halip na makagawa ako ng mga school works, nagkaproblema pa ako. Na-expired kasi ang Microsoft Office ng laptop ko. Gabi na nang ma-open ko. Kaya lang, na-reset na. Nawala ang mga kailangan kong files, or I should say, hindi nabasa. Pending tuloy ang pag-print. Hindi ako nakapaghanda ng lesson ko. Nabuwisit talaga ako maghapon. Mabuti na lang, nasisiyahan ako sa mga reaksiyon ng mga estudyante at iba pa tungkol sa posts ko at sa nalalaman nilang lilipat ako. Natutuwa ako sa ibang bata na nagsulat pa ng tula at kuwento. ang VI-Love naman ay gumawa ng 101 reasons para hindi na ako lumipat, nang sabihin ko. Naramdaman ko tuloy ang kahalagahan ko sa buhay nila. Nasiyahan din ako sa balagtasan namin ng mga dati kong kaklase sa elementary na sina Gina, Daba, at Josie. Setyembre 3, 2018 Maaga akong pumasok para sana maipagpatuloy ko ang pag-aayos. Kaya lang, dumating si Chealsey. Naniniwala kasi siyang lilipat na talaga ako ng school. Nag-selfie-selfie kami. Bumili rin siya ng libro. Dalawa. Nakabenta ako ng P580. haharapin ko na sana ang mga estudyante ko, kaya lang suspended ang klase. Dumating pa ang mother ng kambal. Matagal kaming nag-usap tungkol sa anak niyang mga pasaway. Pagkatapos, nagmiting kaming Grade Six. Naging makabuluhan iyon. Nakapagplano kami. Kaya lang, kinailangan naming magmadali para makapagkainan na kaming 1000 group. Nanlibre si Ma'am Mj sa KFC. Kaya, busog ako bago umuwi. Alas-dos, umidlip ako. Alas-5 na ako bumangon. Okay na ang laptop ko. Hindi ko nga lang na-download ang tamang MS Office. Hindi latest. Pero okay lang, at least nababasa ang mga files ko. Nakapag-print na ako. Grabe talaga ng impact ng paglipat ko. Pati mga guro at mga magulang, halos pigilan ako. Ang mga estudyante ko, nagawa naman nila ang 101 reasons. Sobra akong natuwa. Nakakataba ng puso. Setyembre 4, 2018 Nagkaroon ng pangkalahatang Values class mula sa Bethany Baptist Church kanina, sa covered court. Naputol tuloy lesson ko. Magtuturo na sana ako sa VI-Love. Kaya lang, maingay pa rin sila. Balewala ng ginawa nilang 101 reasons. Gayunpaman, nakapagturo sa tatlong sections. Pinipigilan din nila akong lumipat. Naintriga na rin ang mga kasamahan ko sa grade level, kaya kinausap na nila ako. Pinanindigan ko na. Sabi ko pa nga, aabsent ako bukas para magmuni-muni. Ang totoo, nai-stress ako sa mga walang kapararakang reports na hinihingi. Wala na ang essence ng teaching. After class, kumain lang ako, saka bumiyahe na ko auwi. Agad akong natulog. Tama nga ang nabasa ko. Kapag malungkot daw ang isang tao, natutulog lang. Pasado alas-singko na ako bumangon. Ang sarap! Gabi, binasa ko ang mga sulat ng VI-Peace. Natuwa ako sa mga tinuran nila. Ang lahat ay nagsasabing huwag na akong lumipat. Mami-miss nila ako. Ang pinakamagandang natanggap ko ay ang scrapbook mula kay Chealsey. Ipapakita ko iyon sa VI-Topaz sa aming alumni homecoming. Worth it. Setyembre 5, 2018 Ang sarap ng tulog ko kagabi. Alas-nuwebe na ako bumangon. Sulit ang pag-absent ko. Nagawa ko naman ang agenda ko ngayong araw--ang pag-fill out bg report cards. Hindi ko pa nga lang naisulat ang mga grades kasi hindi pa kami nagbigayan. Okay lang. Sa Sabado pa naman ang issuance. Bandang hapon, nakapagsulat ako ng spoken word poetry, na bibigkasin ko bukas sa mga estudyante ko. Nakapaghanda rin ako ng learning materials ko. Back to normal na kasi. Tama na ang drama. Sana lang may magbago sa kanila, gayundin sa mga kaguro ko. Alam kong may natuwa. Pero tiyak akong marami ang nalungkot at nanghinayang. Setyembre 6, 2018 Maaga akong na-badtrip dahil sa masamang balita. May nag-text kay Ms. Kris. Anonymous pero kilalang-kilala namin kung sino siya. Siya lang naman ang nag-iisang ahas sa school. Kagaya ng mukha niyang tinapalan ng makapal na foundation, makapal din ang mukha niyang nagtatalak against us. Dinamay niya pa ang health ko. Aniya, may virus ako. Nag-post ako ng sputum result with caption, "FYI, Bes. Wala akong VIRUS. Hindi ako inuubo. Ikaw? Get well soon." Pero mas malala ang sinabi niya against Ms. Kris. Hindi lang Bell's Palsy ang binanggit niya, kundi pati ang professional side niya. Very foul. Dahil dito, nagawa kong i-post sa group namin ang resibo ng working money ko sa St. Bernadette Publishing at sabihing tinatapos ko na ang "Alamat ng Parang" dahil nabanggit niya ang tagak para sa contract signing. Siguro akong mamatay na siya sa inggit. Kaya naman, naka-chat ko sina Ma'am Joann at Ma'am Fatima. Interesado silang makakuwentuhan ako dahil kagaya ko, marami rin silang complain sa mga nangyayari at specific na tao. Past 3, nasa Baclaran Church Bell Tower kami. Nilibre nila ako ng meryenda. Sinagot ko naman ang topic at kuwentuhan. Sobra talaga pala ang kasamaan ng bruha sa school. Ang ugali niya at parang ang mukha niya---inaagnas. Gayunpaman, nasentro ang kuwentuhan namin sa buhay-buhay. Nmarami akong natutuhan sa dalawa. Pinayuhan nila akong maging affectionate at bawasan ang oras sa trabaho at pakikipaglaban against masasamang tao sa school. Na-realize kong marami pala akong naging pagkakamali at pagkukulang sa aking pamilya. Past 8:30 na kami natapos. Past 10 na ako nakauwi. Pagod at antok na ako, pero sobrang saya ko. It's so reviving. Setyembre 7, 2018 Pagpasok ko, nakasuot ako ng masayang mood. Kabaligtaran iyon ng naramdaman at emosyon ko kahapon. Ramdam ng mga bata ang pag-aliwalas ng mukha ko, lalo na nang nagsimula na akong magturo, magkuwento, at magpatawa. Effective talaga para sa mga bata ang pagtuturo nang may puso. May learning at bagong karanasan iyon para sa kanila. After class, nagtampo lang ako sa VI-Hope at Love kasi maiingay sila. Ang Hope, matagal gumawa ng group work at magulo ang mga tapos na. Ang Love, walang pakiramdam. Hindi sila magbe-behave kung hindi ako tatahimik. Hindi ko nga sila pinansin hanggang makauwi sila. Nang wala na sila, nag-ayos ako ng reading corner, umidlip, at sumubok mag-research para sa thesis. Nainis lang ako sa Office 2007 kasi hindi ko magamit. Ayaw ng copy-paste. Hindi rin ma-edit. Nangamba tuloy akong baka hindi ko matapos ang chapters 1-3. Gayunpaman, nag-stay ako sa room till 5. Nagbasa ako ng tungkol sa pag-research na maaari kong magamit. Past 8, nasa bahay na ako. Masaya akong sinalubong ng aking mag-ina. Mas natuwa sila nang matanggap nila ang pasalubong kong ubas. Setyembre 8, 2018 Alam kong late na naman darating si Dr. Libuit, kaya hindi ako pumasok nang maaga. Tama ako. Past 9:30 na siya pumasok. Nakakainis! Hindi naman niya kami tinuturuan. Panay lang ang critic niya sa mga title proposals. Halos reject naman lahat. Attendance lang ang habol ko. After class, pumasok ako sa library. Doon daw kasi makakahingi ng permit para makagamit ng library ng ibang school. Nagawa ko naman agad, kaya bumiyahe agad ako pauwi. Maghapon kong sinubukang mag-download ng MS Office 2010, kaya lang bigo ko. Hindi ko na yata magagamit ang laptop ko sa mga paperworks. Ayaw nang ma-open ng mga files ko. Pending ang paggawa ng zine. Pati ang pag-download ng DLL, hindi ko na magagawa, kasi hindi ko rin mae-edit at maipi-print. Setyembre 9, 2018 Napaka-gloomy ko maghapon dahil sa kawalan ng internet at MS Office ng aking laptop. Feeling useless and unproductive ang araw ko. Gayunpaman, may mag-ina ako, na siyang naging dahilan ng kasiyahan ko. Nag-gardening din kami ni Emily. Kahit paano umaliwalas ang paligid at ang pakiramdam ko. Gusto ko sanang gumawa kami ng artwork o handicrafts, kaya lang wala palang materials. Nalulungkot ako sa nangyayari sa budget ko. Setyembre 10, 2018 Na-highblood ako kanina. Umagang-umaga, uminit ang ulo ko dahil sa mabagal na aksiyon at maling pagharap sa problema. Paano ba naman kasi, e, kailangan kong gamitin ang library dahil ang lesson ko ay tungkol sa 'pangkalahatang sanggunian.' Mas mae-enjoy at mauunawaan ng mga estudyante kung totoong atlas, almanac, encyclopedia, and like, ang ituturo ko. Ang kaso, walang kuryente. Last week pa raw. Hindi man lang naglagay ng emergency lights. Sabi nila, gamitin daw. Kung kailan ako gagamit, nabigo pa. Maiyak-iyak si Ma'am Irika sa galit ko. Bahala siya. Pati tuloy si Papang nakita ang tantrum ko. Ayaw ko kasi ng hindi nila nari-regard ng problema. Maliit pa lang sana, inaayos na nila. Dahil kulang ako sa materyal, invisible ang ibang reading material. Kahit paano, nagawa ko namang ipaunawa sa ibang section. Sa advisory class ko, hindi ako nakapagturo dahil nawala ako sa mood. After class, tinapos ko ang report cards. Issuance na bukas. Setyembre 11, 2018 Sinikap kong maging epektibong guro sa bawat seksiyon. Nagturo ako. Nagpa-groupwork. Nagpasulat sa iba. Kaya lang, nagsermon ako sa isa. Pagkatapos ng recess, nanermon ako sa advisory class ko. Ikinumpara ko na naman sila sa tuod. Malala na talaga ang kakulangan ng disiplina nila. Gusto ko nang sumuko. Hindi na sila makuha sa tingin. After class, kuhaan ng card. Na-delay ang pagkain ko ng lunch kasi napasarap ang kuwento ko sa mga parents. Binuksan ko ang isip nila sa mga nangyayari sa GES at binigyan ko sila ng ideya tungkol sa MOOE. Nagpasalamat nga ang ilan dahil 7 years silang binulag sa katotohanan. After ko sa classroom, may meeting naman kami sa coop. Naglabas ako ng saloobin tungkol sa planong alisin si Ma'am Amy sa canteen, na siyang nagmamalasakit sa operation at overall supervision nito. Alam kong may may tao sa likod ng plot na iyon, kaya tinutulan ko. Hindi naman ako nakadalo sa meeting ng Filipino teachers. Okay lang. At least natuloy sila. Nai-report ni Ma'am Karen ang tirang pera sa fundraising. Past 3 na ako nakakain. Meryenda at lunch in one na iyon. Nagkape pa ako. Nang hinarap ko ang laptop ko, na-disappoint ako kasi hindi talaga gumagana ang MS Office ko. Hindi na rin ma-open ang files. Kailangan ko pa namang maghanda ng LMs para sa observation bukas. Ilang sandali ang lumipas, dumating sina Ma'am Fat at Ma'am Joann. Nag-imbestiga raw sila. Mali raw kami ng akala. Hindi raw si Bes Palsy ang nag-text kay Ma'am Joan V. Iba raw. Nag-isip ako. Nang nagbigay sila ng clue, na-gets ko, kaya agad akong pumunta kay Marekoy. Mangiyak-ngiyak kong itinanong kong may tampo siya sa akin. Nag-usap kami sa labas. Pinabasa niya rin sa akin ang chat convo nila ni Bes Palsy. And, napatunayan kong hindi siya ang tinutukoy ng dalawa. Sa dami ng aming napag-usapan at nabasa, na-realize kong sobra na ang galit sa akin ng ahas naming kaguro. Okay lang dahil kaya ko siyang saktan sa pamamagitan ng aking panulat. Bago ako umuwi, nakausp ko si Sir Hermie. Mas malala ang problema niya. Nakarating na sa SDO ang reklamo sa kaniya ng principal. May summon na. Nakasaad doon ang posiblemg penalty niya. Nakakaiyak! Hindi niya iyon deserve. Naniniwala akong may kinalaman doon si Bes Palsy. Binigyan ko siya ng words of encouragement at assurance of support. Kinausap ko rin sina Ma'am Edith at Ma'am Anne. Nang makauwi ako sa bahay, hindi agad ako nakakain. Nakipag-chat ako kay Ma'am Madz tungkol sa mga nangyayari sa GES. Nag-chat din si Marekoy. Itinuturing niya nga ako at si Sir Joel na mga tunay na kaibigan. Nakisali rin ako sa GC ng faculty officers. Ipinaramdam ko kay Sir Hermie ang willingness ko na suportahan ang laban niya. I asked guidance of God bago ako natulog. Setyembre 12, 2018 Naging masaya ang pagtuturo ko kanina kahit nasa gitna kami ng problema sa samahan. Hindi ko sila binigyan ng dahilan para malungkot. Naging joker ako kanina habang nag-lelesson. Enjoy na enjoy na sila sa spelling bago magsimula ang discussion. Second day ko nang ginagawa ng pagbabaybay. Nakita ko ang support ng grade level para kay Sir Hermie tungkol sa memo at summon. Kaya lang, nagkaroon na naman ng panibagong problema. Si Mareng Janelyn at Sir Joel naman ngayon ang kaaway ni Bes Palsy. Grabe! Gayunpaman, natutuwa ako. Dumarami na kaming galit sa ahas. Past 5, nasa bahay na ako. Setyembre 13, 2018 Gumising ako ng para tingnan sa FB kung may suspension of classes. May nakita ako, kaya nahiga ulit ako at natulog. Palibhasa, antok pa, hindi ko napansing August 13 ang nakalagay. Nagising ako ng bandang pasado alas-7:30 na kaya no choice ako kundi um-absent na lang. Pero dahil kailangan kong ipasa ang registration forms at fees ng campus journalists at SPA, napilitang akong pumunta sa Pasay. Gumawa muna ako ng template. Hindi naman ako nanghinayang sa pag-absent ko. Kailangan ko naman talagang pumasok dahil sa petition letter na palalagdaan namin sa aming mga kaguro. paaalisin na namin si Ma'am Laarni dahil sa mga naidudulot niyang stress, kaguluhan, at pagbabangayan ng mga guro. Isa pang pangyayari ang naganap kanina ay ang paghaharap-harap ng mga gurong involve sa pagkalat ng chat conversation. Humarap sa apat na MTs ang apat na sangkot. Naging mainit ako sa taong may pakana. Kaya hinikayat ko ang tatlo na ituloy ang paghanap ng tunay na salarin. Hindi rin napalampas ang pakikinig sa side ni Ma'am Venus na siya talaga dapat ang totoong biktima, ngunit pinaparatangan ng suspek na siya ang nagpakalat ng screenshots. Nag-meeting din kaming GES Faculty. Pinag-usapan namin ang mga nangyari, nangyayari, at mangyayari. Bago ako umuwi, nagkuwentuhan pa kami ni Marekoy. Ikinuwento niya sa akin ang mga kaganapan sa paghaharap, na hindi naman naikuwento sa akin ni Sir Joel. Sobrang sakit ng ulo ko habang pauwi ako. Past 8 na ako nakauwi. Masakit na masakit pa rin. Nagkape lang ako at kumain ng dalawang sandwich bago natulog. Suspended na ang klase bukas. Setyembre 14, 2018 Suspended na ang klase dahil sa bagyong Ompong. Good thing is hindi malakas ang hangin at walang ulan. Kaya lang, hindi naman natuloy ang hearing ni Sir Hermie with Atty. Litusquen. Hindi rin tuloy ako nakaluwas para sa MIBF. Gumawa lang ako ng registration receive copy ng journalism fees at nag-edit ng zine. Then, maghapon na akong nakipagbalitaktakan tungkol sa kaguluhan sa school. Inis na inis ako sa mga post ni Lester. Hindi ko siya pinalampas. Barado siya sa akin. Nakapag-rant pa kami ni Marekoy. Setyembre 15, 2018 Hindi masyadong malakas ang ulan at hangin kagabi. Thankful ako dahil hindi kami nasalanta ng bagyong Ompong. Gayunpaman, nakakalungkot ang mga lubos na naapektuhan. After lunch, nag-grocery kami ni Zillion. Nawala ako sa wisyo pag-uwi namin kasi masakit ang ulo ko. Matagal bago nabawasan ang sakit. Setyembre 16, 2018 Nakatulog ako nang mas mahaba-haba kahit dinadalaw ako sa panaginip ng mga mahal ko sa buhay. Past 8 na ako bumangon. Pagkatapos kong mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Tinapos ko na ang 'Mag-aral Tumula.' Nakapag-print na rin ako ng tatlo kopya ngayong araw. After lunch, umidlip ako. Past 2:30 ako nagising. Nanuod lang kami ni Zillion ng tv maghapon. Tapos na ang long weekend. Back to work na bukas. I hope ma-observe na ako ni Sir Erwin. I'm ready na. Gusto ko ring mabigyan ng katarungan ang mga kaguro kong ginago ni Bes Palsy. Setyembre 17, 2018 Nakalulungkot pa rin ang nangyayari sa school. Apektado ang teaching-learning process. Gayunpaman, nagpa-observe na ako sa master teacher ko --kay Sir Erwin. Hindi man ako gaanong handa, sinikap kong mai-deliver nang maayos at mahusay ang aralin ko. Nagawa ko naman kahit ang klase inobserbahan ay section 4. After class, nag-stay ako sa classroom ko para mag-check ng mga papel at mag-record ng mga scores. Umidlip din ako. Past seven, nasa bahay na ako. Setyembre 18, 2018 Before 5, gising na ako para maghanda sa pagpunta sa UP Diliman. Dadalo ako sa Stakeholders'Conference ng NCCA, PETA, at PRRC. Nahiya ako kina Ma'am Fatima at Ma'am Joann. Naghintay sila sa akin sa may Sanitarium. Tapos, may libre pa akong French fries at burger mula kay Ma'am Fat. Libre niya pa ang pamasahe namin sa FX. Hindi naman kami na-late sa conference. In fact, may naupuan pa kami. Namangha ako sa venue. Ang ganda pala ng Bahay ng Alumni. Sobrang lamig. Nagustuhan ko rin ang mga talks mula sa mga bisita. Naumigting lalo ang kagustuhan kong makatulong sa rehabilitation ng Ilog Pasig at conservation na rin ng Mother Earth. Medyo hindi ko lang nagustuhan ang catering. Nabitin ako. Gayunpaman, na-enjoy ko ang first half ng conference. Ang parallel session naman na pinili naming tatlo ay theatre workshop. Nakakatuwa ang mga activities. Sobrang saya. Nakakawala ng stress. Hindi ko lang nagustuhan ang performance namin kasi parang hindi organisado. gayunpaman, nagawa naming tila walang mali. Nakasalamuha na naman ako ng mga bagong kapwa. Hindi man kami nagalitan ng FB, alam kong magkukrus uli ang mga landas namin sa iisang adbokasiya. Nakarating ako sa bahay, pasado alas-nuwebe. Gising pa ang aking mag-ina. Setyembre 19, 2018 Bago kami bumiyahe ng trainee ko sa spelling bee na si Princess Ann Sajulga, nakapag-review pa kami. Nakapagkape rin muna ako at nakapag-iwan ng writing activity sa VI-Love. Past 7:20 kami dumating sa TPES. Maaga pa kaya nakapag-almusal pa ako sa canteen doon. Nauna pa nga ako kay Karen, na siyang coordinator ng Filipino at emcee ng palatuntunan. Nang magsimula ang spelling contest, nagulat ako--hindi lang ako, lahat kami. Hindi iyon ang mga inaasahan naming words na lalabas. Ang hihirap. Translation yata iyon, hindi spelling. Isa pa, mga two to 4 words ang iba kada item. Idyimatikong pahayag. Kaya naman, hindi nanalo ang trainee ko. Nineteen points ang siya. Ang first ay 39 points. Ang 2nd at 3rd ay parehong 27 points. Nag-clincher round na lang. No regrets naman dahil marami akong natutuhan. Next time, alam ko na ng ire-review ko. Past 11:30 kami nakarating sa school. Hindi na ako nakpagturo. Ukopado lahat ang klase ng ibang teacher pati ang advisory class ko. Kaya, nakipagkuwentuhan na lang ako kay Ma'am Belinda. Na-disappoint ako sa meeting kahapon. Aniya, walang nangyari. Hindi lumabas ang tunay sa salarin. Absuwelto. Mabuti na lang din at wala ako. Ako pa sana ang naging kontrabida sa mga suspek. Past 3 nasa bahay na ako. Sinubukan kong umidlip, pero hindi ko nagawa. Pinapak kasi ako ng mga langgam. Ang sweet ko na siguro. Past 4, gumawa ako ng video entitled "Ang Ilog Pasig Ngayon." Gagamitin ko iyon bukas sa lesson ko. In-upload ko rin iyon sa youtube. Setyembre 20, 2018 Turong-turo sana ako, gamit ang video presentation ko about Ilog Pasig, kaya lang ayaw naman gumana ang mga speakers ko. Nanghiram pa ako kay Sir Joel. Ayaw rin. May problema sa settings ng laptop ko. Hindi tuloy na-enjoy ng bata ang ipinalabas ko. Gayunpaman, napa-groupwork ko sila. Na-enjoy nila ang tableau ng pagbibigay ng solusyon sa problemang naobserbahan. After class, may kinausap akong parent (nanay). Suki na siya. Ang problema ngayon ay ang pag-uumit ng isa sa kambal niya. May nag-report sa akin na kumuha siya ng paninda sa canteen at liptint sa Watson. Nag-stay ako ng ilang oras sa classroom, habang nagbabasa ng akda ng mga bata. May na-encode na rin ako. Then, nakisabay sa akin si Papang paglabas sa school. Kinuwentuhan niya ako tungkol sa hearing ni Sir Hermie. Okay na raw. Sana lang... Past 4, nasa bahay na ako. Agad akong gumawa ng LMS at MPS sa Filipino. Late ko na naihanda ang lesson materials ko. Thanks, God for this wonderful day! Setyembre 21, 2018 Halos wala na namang pormal ang klase. Wala si Ma'am Madz. nasa Jamboree. Ang ibang estudyante ay nasa training at alaro. Absent naman ang karamihan dahil sa announcement ng Manila. Kami namang teachers ng Grade Six ay nagkuwentuhan tungkol sa nangyaring hearing kahapon. Gayunpaman, vacant ko iyon. Isa pa nagturo na ko sa dalawang sections. Pagsulat ng talaarawan ang lesson namin ngayong araw. Napasulat ko ang section 4. After class, nag-stay ako sa classroom ko. Nagbasa ng mga akda/sulatin ng pupils. Nag-record. Umidlip. At nag-encode at nag-post ng mga napiling akda para sa zine na 'Ilog Pasig.' Past 7 na ako nakauwi. After dinner, nai-send ko na kay Ma'am Teresa Padolina ang CV para sa invitation niya sa akin sa speaking engagement. Kahapon, tinanong niya ako kung willing akong magturo ng pagsulat ng kuwentong pambata. Siyempre, it's my honor to be speak for them, lalo na't teacher ko siya noong high school at sa former high school ako mag-i-speak. Nakatutuwa naman dahil napansin niya ang kakayahan ko. Natapos ko na rin ngayong gabi ang layout ng zine na 'Sir.' Ready to print na iyon. Setyembre 22, 2018 Before 8 ako nakarating sa CUP. Nag-attendance lang ako roon at nakipagkiwentuhan sandali sa kaklase. Then, naglakad na ako papunta sa SDO. Naroon na sina Ma'am Edith at Ma'am Rose. Doon ko lang nalamang tungkol pala sa 'Intra at Interpersonal Intelliegence' ang topics sa seminar. Nagustuhan ko naman. Sakto iyon sa need ko. Nakasalamuha ko si Ma'am Tracy, guro ng TPES, na nakasama ko sa BigBook Making workshop. Bago matapos ang seminar, nayaya ako ni Ma'am Vi kina Ma'am Fatima para mag-bonding. Kasama ang nga Kinder at Grade Six teachers. Nag-confirm naman ako ng pagdalo, kaya agad kong chinat si Emily. Past 8 na ako nakarating sa Chester Place. Agad akong hinainan ng pagkain. Hindi natuloy ang mga kaguro namin sa Grade Six. Okay lang, masaya pa rin naman ang kuwentuhan. Past 10, nagkayayaan nang umuwi. Past 12 ako nakauwi. Setyembre 23, 2018 Napasarap ang tulog ko kanina. palibhasa ala-una na ako nakatulog. Past 7:30 na ako bumangon. Mainit at maingay na kasi. After breakfast, sinimulan ko ang printing ng zine na 'Sir.' Naisipan ko ring mag-gardening pagkatapos. Then, hapon, natapos kong i-layout ang zine na 'Ilog Pasig.' Nakapag-print na rin ako bago nakagawa ng learning materials para bukas. Kahit isang araw na lang ang pahinga, sulit naman na kasama ang aking mag-ina. Setyembre 24, 2018 Inspired akong magturo kanina. Bukod sa pinaghirapan ko ang lesson at learning materials, gusto kong simulan ang week nang masaya. Nagawa ko namang makapagbigay ng group activity sa bawat section. Alam kong na-enjoy nila ang kuwento at activity namin. After class, umuwi na sana ako, kaya lang bumalik ako sa school dahil nag-diarrhea ako. Umidlip ako, pero hindi nagtagal, nagdesisyon akong umuwi na. Before 4, nasa bahay na ako. Ginawa ko ang zine ng student ko--ang 'Mecha.' Natutuwa ako ngayong araw dahil sa blessings na natanggap ko. Nagbayad na si Ma'am Milo. Okay lang kahit one month lang. May 5 months delay pa siya, na unaabot ng P9,000. Sana tuloy-tuloy na ang pagbayad niya. Setyembre 25, 2018 Kahit sira na naman ang klase dahil sa isang bakanteng section o dahil absent ang isang adviser, tuloy pa rin ang palitan namin ng klase. Pagbubuod ang lesson namin. Na-motivate ko rin sila sa pagbabaybay (spelling). Inasikaso ko ngayong araw ang schedule at ang tungkol sa RSPC bukas. May tatlong campus journalist na ilalaban. After class, nagturo ako ng Science newswriting sa CJ na sasabak bukas. After that, umuwi na ako. Alas-4 ako nakauwi. Naihanda ko ang LMs ko para bukas at nasimulan ko ang zine (comics-style) ng isa kong estudyante. Setyembre 26, 2018 Naabutan ko pa ang tatlong young campus journalists na sasabak sa RSPC ngayong araw sa Marikina City. Late kasi si Sir Joel. Pero, hindi nagtagal, dumating naman siya. Alam kong nakaalis din agad sila at hindi sila na-late. Tatlong sections lang ang may klase kanina dahil nasa Marikina City nga ang dalawang adviser. Nagturo ako at nagpalitan kami ng klase. Na-enjoy nila ang mga group works. Samantala, nakapag-bonding kaming Grafe Six teachers. Nagpabili si Ma'am Vi ng ice cream. Pinag-usapan namin ang Child Protection Policy. Nakakalungkot isiping halos wala na kaming karapatang disiplinahin ang mga estudyante. Magturo na lang talaga ng lesson, mag-record ng grades, at gumawa ng reports ang dapat naming gawin. Bawal naming salingin o pagsalitaan ang mga bata dahil protektado sila ng batas. Samantalang pabata nang pabaya ngayon ang kriminal. Kung hindi namin madidisiplina ang mga bata, goodluck sa PNP. Dadami ang krimen at preso. After class, nag-stay ako sa classroom. Tinapos ko ang komiks ni Cedric, na may pamagat na 'Traydor na Ibon.' Past 7 na ako nakauwi. Setyembre 27, 2018 Sumasakit ang ulo ko kagabi pa. Pasulpot-sulpot. Parang may kung anong tumatama sa ulo ko every five minutes. Halos hindi ako makatulog. Naramdaman ko pa ito nang nasa Makati na ako. Maaga kong nahanap ang opisina ng Diwa Publishing, pero hindi muna ako pumasok dahil 12 noon pa naman ang simula. Tumambay muna ako sa dalawang parke malapit doon. Nakakain pa ako ng lunch. Aspiring Authors' Camp ang nadaluhan ko. Sponsored ng Diwa Publishing at University Press of First Asia (UPFA). Another learning naman. Ang maganda rito, mas na-open ang eagerness kong magka-textbook. Kailangan lang na mapili ako for next level of trainings. Sana magustuhan nila ang sample lesson ko. Past 5 na ako nakalabas sa venue. Pagod at masakit man ang ulo ko, fulfilled naman ako. Confident akong magiging bahagi ako ng Diwa. Pangarap ko noon pang maging textbook author, sana ito na iyon. Marami raw ang nag-apply, kaya privileged ako dahil napili ako sa unang batch. Setyembre 28, 2018 Maaga akong pumasok para ma-goodluck ko man lang ang mga radio broadcasters ng GES na lalaban ngayon sa RSPC. Kaya lang, hindi pala si Ma'am Irika ang kasama, kundi si Sir Erwin at ako. Okay lang naman. Gusto ko namang ma-experience. Taon-taon naman akong sumasama. Ngayon lang muntikang hindi makadalo dahil hindi nga kasama ang column writing sa regional schools press conference. Kahit paano, nasilayan kong muli ang ganda ng Marikina. Nakapasyal ako at nakapag-sight seeing. Marami rin akong nakuhaang larawan. Matagal nga lang kaming naghintay. Mga past 3 na natapos ang pag-broadcast ng dalawang team. Umuwi agad kami. Past 4:45 pm kami nakarating sa school. Nagyaya naman si Ma'am Edith na kumain. Nag-Mang Inasal kami. Treat niya kami ng palabok at halohalo. Hindi na ako nakapaghapunan pagdating ko. Setyembre 29, 2018 Hindi na naman pumasok nang maaga si Dr. Libuit. Wala na rin halos pumapasok sa klase niya. Kalahati na lang yata kami kanina. Wala na rin halos magpa-check ng chapter 1 to 3. Kaya, napilitan siyang magturo. First time. Mabuti naman dahil nakapulot talaga ako ng kaalaman. Na-inspired akong ituloy ang research ko. After class, pumunta ako sa PNU para mag-research. Kaya lang, nang pinahanap sa akin sa computer ang anumang related sa topic ko, wala akong nakitang bagong reference. May nag-iisa nga, outdated naman. Haist! Sayang ang punta ko. Kaya naman, dumaan na lang ako sa dalawang museum sa Luneta. First time ko sa isa. Ang ganda! Andami kong selfies at shots ng mga naka-exhibit. Past two, umuwi na ako kahit sobrang init. Natulog ako pagdating ko sa sobrang pagod at antok. Hindi muna ako nag-open ng laptop ngayon. Bukas ko na gagawin ang mga paperworks ko. Setyembre 30, 2018 Hindi ko nagawang magtagal sa higaan. Gusto ko sanang matulog hanggang 8 am. Gayunpaman, thankful pa rin ako kasi maganda ang tulog at gising ko. After breakfast, nag-print lang ako ng DLL at nag-research para sa thesis. Then, nagpaligo na ako sa aso at naglinis ng banyo. Itinuloy ko ang paggawa ng thesis after maligo. Fulfilled naman ako ngayong araw kahit hindi ako nakapagsulat kahit isang akda, maliban sa diyalogong gagamitin ko sa lesson bukas.

Mga Guro Tayo

Mga Guro Tayo
ni Makata O.


Mga, kuguro kong kinaluluguran,
magandang araw sana inyong kamtan.
Ako'y sa inyo ay nanggigising
at mga damdamin ni'yo, nais pukawin.

Hangad ko lang ng magandang samahan
sa loob at labas ng ating paaralan.
Ang respeto sa isa't isa ay nasaan?
Pagtutulungan meron, pero kulang.

Kung sana, tayo ay nagkakapit-kamay
upang bawat isa'y umangat at makasabay,
wala sanang hidwaan, walang away,
walang inggitan, walang sira ang buhay.

Kung sana, tayo ay nagtutulungan
upang mga bata'y lumago man lang.
Kung sana, bawat isa'y nagmamalasakit,
wala sanang nakakaranas ng pasakit.

Nakakalungkot ang pagkakanya-kanya--
may sari-sarili tayong balakin at agenda.
Ang iba nga'y nagiging makasalanan na
'pagkat ang nais, sarili ay umangat na.

Ako tuloy sa inyo'y nagiging kontabida,
tuwing papansin ang mga maling gawa.
Ngunit ang totoo, malasakit ang aking nais,
Kaya ako'y lubos na nalulungkot, naiinis.

'Wag ninyong masamain, aking gawain.
Kung walang mali, wala akong pupunain.
Ngunit kung may mabuting hangarin,
siyempre, papuri ko, sa inyo'y ipatitikim.

Panghihikayat ko ay para sa lahat.
Halina't bumangon, mga mata'y idilat
Edukasyon, pasan natin sa ating balikat,
kaya kabutihan sana sa kanila'y imulat.

Anumang gawin natin, sa kanila'y tama.
Kung mali at liko, iwasan na lang sana
upang hindi tayo pamarisan ng mga bata
at upang hindi maging isang kultura.

Mga guro tayo, 'di tayo trapong politiko,
kaya huwag nating paitimin ang puso,
at huwag ring magpapadala sa tukso.
Mga guro tayo, kabutihan ang iminomodelo.

Ang mga kabataan, tayo'y kanilang mahal,
subalit kong tayo'y magiging hangal,
ihahambing nila tayo sa imburnal,
o kaya sa mabaho at baradong kanal.

Mga guro tayo, hindi mga sanggano.
May puso, may talento, at may talino.
Gamitin natin, para sa kanilang pagkatuto.
Huwag lang upang tayo ay umasenso.

Mga guro tayo, sumumpa sa gobyerno,
ngunit bakit parang nasa impyerno?
Tila yata kasamaan ang ating gusto.
Nakalimot na yata at naging bobo.

Patawad kong nasagi ko ang inyong ego,
Patawad kong sandali ni'yo'y nakain ko,
pero sana... pagkatapos mabasa ito,
may maganap na mabuting pagbabago.

Monday, August 27, 2018

Resiklo

Lumabas ang lalaki mula sa banko. Mukhang mayaman siya at edukado.

Nagulat ako nang binili niya ako kay Aling Tali. Siya ang tindera ng mga yosi at kendi.

Natuwa ako. Sa halagang piso, pakiramdam ko, mahalaga ako.

Hindi lang ako ang binili niya. Tatlo kami. Nilagay niya sa kaniyang bulsa ang dalawa.

"Sukli mo," sabi ni Aling Tali.

"It's okay!" sabi niya. Umalis na siya habang pinipilipit niya ako.  Samantalang nasa lalamunan na niya ang laman ko.

"Ang bait niya," bulong ko.

Sa 'di-kalayuan, itinapon niya ako sa tabi.

"Hoy, Kuya, bumalik ka rito," sigaw ko.

Humanga pa naman ako sa kaniya. Wala pala siyang disiplina. Sayang lang ang pinag-aralan niya. Balewala ang kinikita niya at binabanko niya kung kapos siya sa ugaling maganda.

Matagal akong naghintay ng taong may puso. Pero, wala ni isa mang pumulot sa akin.

Tanggap ko naman na wala na akong halaga kapag wala na akong laman. Pero, sana ilagay naman nila ako sa tamang tapunan.

Nainitan ako roon. Naulanan. Natuyo. Nilikad ng hangin patungo kung saan. Inapak-apakan.

Ang sakit-sakit!

Sa isang tahimik na lugar ako napadad. Akala ko, mabubuti ang mga naninirahan doon. Hindi pala. Nilagay nila ako, kasama ng mga dahon at iba pang kalat,  sa latang basurahan.

Okay na sana. Kaya lang, sinindihan kami ng babaeng mataba. Naghiyawan ang mga dahon. Pinilit ko namang tumakas at umahon, pero wala akong nagawa. Tinanggap ko na na oras ko na. Nagdasal ako sa Panginoon. Naniniwala ako sa Kaniya. Sabi ko, bahala na Siya.

Pumikit ako at dinamdam ang init na unti-unting lumalapit sa akin.

Lumipas ang ilang sandali, biglang umambon. Napaiyak sa tuwa ang mga kalat at dahon.

"Salamat, Panginoon!" bulong ko. Hindi ko pa talaga panahon.

Lumakas pa ang ambon. Kumulog pa. Kasunod ang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Tuluyan na ngang namatay ang apoy na tutupok sana sa aking buhay.

Napuno ng tubig ang latang basurahan hanggang natakasan ko ang kamatayan.

Hindi nagtagal, inanod ako patungo sa kanal. Marami kami roon. May lata, plastik, at bakal. May nabubulok. May nangangamoy. Unti-unti rin akong sinasakal ng masangsang na amoy ng baha.

Lumakas pa ang ulan. Kung nasaan ako, hindi ko na alam. Basta, marami kami. Marami kaming sinalaula. Hindi sininop. Hindi pinahalagahan.

Paggising ko, palutang-lutang ako sa malaking ilog.

Malakas ang agos ng ilog, kaya tinangay ako. Nabangga ako kung saan-saan at kung kani-kanino. Nahilo ako. Hindi ko na alam kung nasaan ako. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay. Akala ko nga, wala na akong buhay.

Nasa ilalim pala ako ng karagatan. Tahimik doon, ngunit madilim. Okay lang dahil alam ko, ligtas ako.

Matagal ako roon. Nakilala ko na halos lahat ng mga hayop sa karagatan. Hindi naman nila ako pinakikialaman o sinasaktan. Kilala ko na sila isa't isa. Alam ko na ang mga kilos nila.

Payapa na sana ang buhay ko, pero gusto kong makita ang sikat ng araw. Kaya sinikap kong makarating sa ibabaw. Ginaya ko ang langoy ng pating. Lumangoy ako kagaya ng pugita. Ginaya ko rin ang alimango. At lumangoy ako katulad ng pawikan.

"Pawikan?!" sigaw ko. Hinabol ako ng pawikan. Akala niya, isda ako.

Matagal akong nasa sikmura ng malaking pawikan. Kung madilim sa ilalim ng karagatan, mas madilim doon.

Matagal akong umasang iluluwa niya ako, pero tila imposible na. Kaya, sumuko na ako.

"Panginoon, baguhin mo po ang mga tao. Bigyan Mo po sila ng puso para sa kalikasan at mundo," dasal ko.

Lumipas ang mga taon.

"Balat ng kendi lang pala!" bulalas ng lalaki. Inihagis niya ako sa buhangin.

Nakita ko ang pawikang lumunok sa akin. Wala siyang malay. Naisip ko, nagdusa rin siya habang nasa tiyan niya ako. Kaawa-awang nilalang. Nabiktima rin ng kawalang-awa ng mga tao.

Tulad ng sikmura ng mga tao, matibay ako. Sa dami ng pinagdaanan ko, buo pa rin ako. Kumupas man ang pangalan ko, hindi naman natinag ang kakayahan kong mabuhay sa mundo. May laban pa ako.

Naulit nang naulit ang iba kong pinagdaanan.

Inapakan-apakan.

Winalis at itinapon sa basurahan.

Naiwanan.

Naulanan.

Naarawan.

"Bart, sipa tayo," yaya ng bata sa kaibigan.

"Sige, gusto ko 'yan, Ivan. Nakakasawa naman maglaro nitong cellphone ni Mama."

"Teka lang!" Dinampot ako ni Bart. "Puwede na 'to." Ipinasok niya ako sa tingga at inayos-ayos niya. Pagkatapos, inihagis niya ako sa ere at sinipa-sipa.

"Ayos! Game na! Paramihan tayo," hamon ni Ivan.

"Sige, ako muna." Tumira si Bart, gamit ang paa niya. Hindi niya hinayaang malaglag ang sipa. Nagbibilang pa siya.

Nagbibilang din si Ivan.

Nahilo ako pero masaya ako kasi napakinangan ang isang katulad ko.

"Twenty, twenty-one..." Nilakasan na ni Ivan ang pagbilang. "... twenty-two. Twenty-two ka lang!"

Ibinigay ni Bart ang sipa kay Ivan.

Nagsimula na itong sumipa at magbilang. Nalamasan ni Ivan ang twenty-two ni Bart. Siya ang ise-serve nito.

Magaling sumipa si Ivan. Nakalima siya. Ang huling sipa, naipalayo niya. Sinubukan pa ngang habulin ni Bart, pero hindi niya ito naabot.

Naburot na si Bart. Panay pa ang habol niya. Ako naman, enjoy na enjoy akong lumilipad. Iba ang pakiramdam.

Sa ikaanim na tira ni Ivan, pumasok sa kabilang bakod ang sipa.

Bumagsak sa harapan ng binatang nakasakay sa wheel chair.

Tiningnan ako ng binata. Pagkatapos, pinaandar niya ang kaniyang wheelchair upang mas malapit siya sa akin.

Kakaiba ang binata kung ikukumpara sa ibang tao. Wala man siyang mga paa, sinikap niyang maabot ako. Ginamit niya ang kaniyang mga braso at kamay.

Nakuha niya ako. Sinipat-sipat niya ako. "Ito siguro ang tinatawag nilang sipa." Nilalaro niya ako sa palad niya. Nakatatlong lundag ako, bago niya ako ipinatong sa kaniyang binti.

Pagkatapos, dinala niya ako sa loob. Akala ko, itatapon niya ako sa basurahan nila. Sa isang kuwarto niya ako dinala.

Makulay ang kuwarto niya. Maraming nakasabit na kuwadradong bagay.

Habang palapit kami sa isang mesa, parang may nakikilala akong mga materyal.

Nagulat ako nang inisprihan ako ng binata. Nagkulay-ginto ako at ang tingga. Pagkatapos, ipinuwesto niya ako sa mga pamilyar na mukha.

Pilit ko silang kinilala. Alam kong nakita ko na sila sa kalye, sa kagaratan, sa kanal, sa ilog, at sa basurahan.

Kulay-ginto na rin sila. Bakas ang kasiyahan sa kanilang mukha.

"Kumusta kayo?" bati ko sa kanila. "Nasaan tayo, mga katoto?"

"Sa artroom tayo ni Sir Robino," sagot ng turnilyo.

"Ang bawat sa atin ay bahagi ng kaniyang obra maestra," dagdag ng lata.

Sumang-ayon naman ang screen, spring, kapirasong bakal, tanso, tubo, karton, plastic, butones, tansan, at iba pa.

"Masaya rito. Itinatangi tayo ni Sir Robino," sabi ng maliit na telang ginto.

"Welcome! Hindi ka na basura!" sabay-sabay na bati ng lahat.

Mangiyak-ngiyak ako sa tuwa, lalo na nang nakita kong nakangiti ang binata.


Hanggang Kailan Magluluksa ang Ilog Pasig

Nasilayan mo ba ang asul na tubig
at nakaligo’t nakasisid sa Ilog Pasig?
Itong biyayang galing sa langit
May kayamang mabibingwit.

Nang ang mga Tagalog ay nakalimot,
Mga dumi at basura ang idinulot
Kinitil ang pag-asang natitira
Kasaganaan, biglang nawala.

Hanggang kailan magluluksa ang Ilog Pasig,
Hanggang kailan maghihintay ng pag-iibig,
Hanggang kailan luluha ng pagdurusa,
Hanggang kailan iiyak ang Maynila?

Ilog noon na kay ganda,
Ngayon ay lumuluha’t nagluluksa.
Tila imposible nang humalimuyak
Kay baho’t kay itim na nitong burak.

Sikapin mong magbalik-tanaw,
Kung kailan ka huling nagtampisaw,
Sa ilog na makasaysayan
Sa Ilog Pasig na bahagi ng kabataan.

Kung tutulong ka’t sumagwan
Patungo sa bukana ng kasagaanan
Maaaninag ang tubig sa kailaliman,
At mga isda, mabubunyi nang tuluyan.

Magkaisa tayo’t magkapit-bisig
Pasiglahing muli ang Ilog Pasig
Ibandera natin sa buong daigdig
Mabuhay, Mabuhay, ang bukambibig.

Wikang Filipino, Saliksikin at Gamitin


 Mga kapwa ko, mag-aaral, tayo nang tuklasin
ang wikang pambansa, atin nang dakilain
Huwag lang ang mga salitang kanluranin
ang ating binibigyang-halaga at pansin.


Sa pagsasalita, pananaliksik, at aralin,
Sa anumang babasahin at mga sulatin,
ang wikang Filipino ang mainam gamitin
Nauunawaan na, napayayabong pa ang kultura natin.


Sa pagsasaliksik, wikang Filipino ang gamitin
Huwag na ang ibang wikang tunog-bigatin,
ngunit ang totoo, hindi naman lubhang magaling.
Sariling atin, ating gamitin at pagyamanin.


Yaman ng wikang Filipino, atin nang saliksikin,
alamin ang pinagmulan at katutubong atin.
Baul ng mga gintong salita, buksan na natin,
Ang buong mundo, kaya nitong sakupin.

Tuesday, August 21, 2018

Isang Araw nasa Siyudad si Zack

Bumuhos ang malakas na ulan. Halos wala nang masilungan ang mga hayop at insekto sa parang.

Takot na takot naman si Zack, ang batang tagak. Kaya, lumipad siya nang lumipad. Hindi niya namalayang napadpad siya sa Kamaynilaan. Doon, marami ang kaniyang nasilungan.

Sa pagsilay ng araw, si Zack ay nauhaw. Lumipad uli siya at naghanap ng tubig. Nakarating siya sa Ilog Pasig. Sumakay siya sa bahaghari. Lumagpak siya sa tubig na kulay-tsokolate.

Pagkatapos uminom ni Zack, muli siyang lumipad. Para siyang may hinahanap. Kaya lang, napagod ang kaniyang mga pakpak. Sa basurang nakatambak siya lumapag at umapak.

“Ganito pala sa siyudad,” natutuwang sabi ni Zack. “Kakaiba! Kay ganda!” Sa kaniyang tuwa, lumublob siya tubig na parang sirena. Nang siya ay umahon, ang mukha niya ay may nakabalumbon. Muntikan pa siyang mawalan ng hininga dahil sa plastic bag na sumakal sa kaniya.

“Pambihira,” nakangiti pang sabi pa niya. Saka isang tumpok ng halamang nakalutang ang kaniyang nakita. Sumakay siya. Gusto niyang malaman kung ano ang meron pa sa dulo ng ilog na mahaba.

Bumilog ang kaniyang mga tuka at halos lumuwa ang mga mata. Natanaw niya ang sementadong talon sa mga gilid ng ilog. Napansin niya ang mga dambuhalang lata, na naglalabas ng maiitim na ulap. “Wow! Wala nito sa parang,” bulalas niya.

“Ang ganda!” Napalukso pa siya nang isang bata ang nakita niya. Nagsaboy ito ng basura. Naghabulan ang mga plastic, bote, papel, at iba pa sa ibabaw ng tubig. Tuwang-tuwa niyang inabangan kung alin ang mauuna.

Pero, hindi na niya nakita dahil napansin niya ang isang mama. Inis na inis siya. Kasi may nabingwit siyang tabla. Maluha-luha si Zack sa katatawa. Pero nagtataka siya. “Ano kaya ang hinuhuli niya?”

Mula sa halamang lumulutang, lumipat si Zack. Sa ibabaw ng barge, siya umapak. Inabangan niya ang mamimingwit. “Bakit kasi ito nagagalit?”

Ilang minuto ang lumipas, pumisik-pisik sa bingwit ang isdang maliit.

“A, isda pala ang kaniyang hinuhuli,” sabi ni Zack. Pumalakpak siya sa galak.

 Nagalit naman ang lalaki. Itinapon pabalik ang isdang nahuli.

Nalungkot si Zack. “Bakit kay liit ng mga isda sa ilog na malawak?” Dumukwang siya sa tubig, ngunit wala siyang nasilip. “Hindi katulad sa aking pinaggalingan, may mga isda sa mga katubigan.”

Malungkot na lumipad si Zack. Dumapo siya sa may gilid ng kung saan may mga basurang nakatambak. Nagpalipat-lipat siya, nang biglang sa lusak siya bumagsak. Nalubog sa mabaho at itim na burak ang kaniyang mga binti. At natilamsikan din ang balahibo niyang puti.

 “Tulong! Tulong!” sigaw niya. Kumawag-kawag pa siya, pero wala man lang tumulong sa kaniya.

Sinikap niyang makaalpas sa putik. Buong higpit siyang kumapit sa lubid na nakatali sa malapit. Hingal na hingal siya roon habang nakaapak. “Kay baho naman!” reklamo ni Zack. Kumawag-kawag pa siya para tumalsik ang mga putik.

“Kay baho naman pala ng putik dito!” Iniling-iling niya ang kaniyang ulo. Saka dumukwang sa tubig upang manalamin. “Wala na ba akong paningin?” nangangambang tanong niya. Hindi kasi niya nakita ang kaniyang mukha.

“Waaaah! Ayaw ko na rito sa siyudad!” sigaw ni Zack, saka mabilis na lumipad. Bumalik siya sa parang. “Kay sarap pa ring tumira sa tunay kong tahanan.”


Monday, August 20, 2018

Sino ang Tunay na Mangmang?



Guro: Juan, how can you show your patriotism?
Juan: (Kumamot sa ulo) Ma’am, hindi ko po masabi sa Ingles ang sagot ko.

Nagtawanan ang mga kaklase niya.

Guro: What’s wrong, class? Ano ang nakakatawa sa sinabi niya?

Natahimik ang lahat.

Guro: Sige, Juan, sagutin mo ang tanong ko sa wikang alam mo.

Juan: Ma’am, maaari po ba ninyong sabihin sa wikang Filipino ang tanong?

Guro: (Ngumiti muna) Sige. Heto ang tanong: Paano mo maipapakita ang iyong pagkamakabayan?

Juan: Salamat po! Maraming paraan upang maipakikita ko ang aking pagkamakabayan, subalit kung ipakikita ko lamang iyon at hindi isasagawa, hindi rin po pagkamakabayan ang tawag doon. Nais kong isagawa ang mga sumusunod: pagsunod sa mga alituntunin sa paaralan, sa bahay, sa kalsada, sa komunidad, pagsunod sa mga batas, pag-aaral nang mabuti para sa sarili, sa bpamilya, at sa bansa, pagtangkilik sa mga produktong Filipino, pagpapahalaga at pagmamalaki sa kultura at wikang Filipino, at napakarami pang iba. Hindi ko rin po ikinahihiyang hindi ako bihasang magsalita ng wikang banyaga. Sino ang nakakatawa: ang mangmang sa sariling o bihasa sa banyagang wika? Hindi ba’t ang taong bihasa sa banyagang wika dahil binulag siya nito. Sa kaniyang pakiwari, siya ang pinakamatalinong tao sa bansa.

Guro: (Napapalakpak) Maraming salamat, Juan! Napakaganda ng iyong tinuran!

Napayuko ang mga kaklase ni Juan nang tiningnan niya isa-isa.


Si Sir Flarino


Paborito naming guro si Sir Flarino. Mabait siya at matalino. Masaya kami tuwing siya ay nagtuturo. Natututo kami nang husto dahil laging siyang may pakulo.

Kapag may nagagawa kaming maganda, binibigyan niya kami ng papel na puso.At tuwing nakakasagot kami nang wasto, may papuri na, mayroon pang puso.

Binabasahan niya kami ng kuwento. Kahit tumatalsik na ang laway niya, tuloy pa rin ang kuwento.

Gustong-gusto namin siya kapag nagkukuwento dahil bahagi raw iyon ng buhay niya at pagkatao. Minsan, pinatatawa niya kami. Minsan naman, nag-iiyakan kami.

Aliw na aliw kami kapag siya ay nagiging payaso. Nag-iiba ang boses niya kahit walang mikropono. Para siyang artista ---umaarte, umaawit, tumutula, humuhugot, at sumayaw pa. Kuwelang-kuwela talaga!

Bawat aralin niya, naunawaan naming talaga. Natuto na kami, masaya pa. Para lang namin siyang ama. Para lang kaming nasa bahay kasi parang kasama namin ang aming nanay at tatay.

Isang Lunes ng umaga, may bago kay Sir Flarino.

“May sakit ba si Sir Flarino?” tanong ni Benjo.

“Wala,” sagot ko.

Malungkot si Sir Flarino. Para siyang namaligno. Hindi niya kami kinikibo.

“Sir, may I go out po?” paalam ni Faulmino.

Parang anino lang si Faulmino. Napaupo na lang ito.

“Bulag na ba si Sir Flarino?” tanong ni Gino.

“Hindi,” sagot ko.

Kinabukasan, napansin ko si Sir Flarino. May bago na naman sa kaniya. Mas tahimik na siya. Hindi namin nakita ang ngiti niya. Parang hindi niya naririnig ang ingay ni Ciara. Siya ang pinakamadaldal sa buong klase ng VI-Acacia.

“Bingi na ba si Sir Flarino?” tanong ni Angelo.

“Hindi,” sagot ko.

Miyerkules. Hindi nagturo si Sir Flarino. Nagpaskil lang siya ng tsart kung saan nakasulat ang panuto.

“Pipi na ba si Sir Flarino?” tanong ni Hero.

“Hindi,” sagot ko.

Nagpatuloy ang pagbabago ni Sir Flarino. Lagi na ring nakakunot ang kaniyang noo. Ang tingin niya ay laging malayo. Nasasabik na ako sa kaniyang mga kuwento. Naiiyak na ako dahil wala siyang kinikibo. Maniniwala na rin siguro akong bulag, pipi, at bingi na ang aming paboritong guro.

Huwebes ng umaga, sarado pa ang silid-aralan ng VI-Acacia. Unang beses mahuli sa klase si Sir Flarino. Hindi rin siya absenero.

Tahimik kaming nakaupo habang nakapila. Si Sir Flarino ang inaabangan namin at ang pagngiti niya.

Bente minutos ang lumipas, wala pa siya. Nalungkot ako nang sobra. Naisip ko, baka sumuko na talaga siya.

Bilang pangulo ng klase, pinaupo ko ang aking mga kaklase. Tumayo ako sa harapan ng labing-anim na lalaki at dalawampu’t apat na babae.
“Hindi bulag, pipi, at bingi si Sir Flarino, kundi nagtatampo. Lahat tayo ay makukulit, tamad, at magugulo,” sabi ko. Pinakinggan naman nila ako. “Hindi na ba talaga tayo magbabago? Ayaw ba nating maging seryoso? Mahalagang tayo ay maging edukado, pero mas maganda sana kung tayo pa ay disiplinado.”

Hindi nga pumasok si Sir Garino. Sabi ng ibang guro, malala raw ang kaniyang ubo. Alam kung hindi iyon totoo.

Huling araw ng linggo, maagang pumasok si Sir Flarino. Naabutan na namin sa kuwarto. Pagkatapos naming mag-flag ceremony at mag-ehersisyo. Pero, hindi niya kami binati at kinibo. Parang wala siyang nakitang tao.

Sobrang nasaktan ako. Ginawa ko namang lahat ang makakaya ko. Kinausap ko ang mga kaklase ko. Hinikayat kong sila ay magbago. Kaya nga, ilang araw na rin kaming hindi magulo. Hinihintay na lang naming magturo si Sir Flarino.

Sa ikalawang linggo ng pananahimik ni Sir Flarino, unti-unti ko nang nakita ang pagbabago ng mga kaklase ko.

Si Ciarra, hindi na madaldal masyado.

Si Toby, lagi nang nakaupo.

Si Somaria, hindi na madalas magpaalam para magbanyo.

Si Gabby, madalas nang nagbabasa ng libro.

Sina Alvin at Teddy, hindi na nagpapatawa at nagbibiro.

Marami pang pagbabago ang nangyari sa mga kaklase ko. Lahat kami ay abala sa pag-rereview. Lahat din kami ay naging sensitibo sa damdamin ng bawat guro, lalo na ni Sir Flarino.

Biyernes iyon. Ikalawang linggo simula nang magbago si Sir Flarino. Katatapos lamang ng pagsusulit sa asignaturang Filipino.

Kinolekta ko ang mga papel pagkatapos mag-tsek ang mga kaklase ko.

“Sir, heto na po ang mga papel,” sabi ko.

Para kaming nasa sementeryo habang iniisa-isa ni Sir Flarino ang mga papel na iniaabot ko. Ang mukha niya ay blanko. Hindi siya na nakangiti at hindi rin nakakunot-noo.

“Binabati ko kayo!” Sa wakas, nagsalita na si Sir Flarino.

Nagulat kaming lahat. Nagpalitan kami ng tingin at napapalakpak.

“Natuwa ako sa resulta ng pagsusulit. Hindi na ako ngayon galit.” Ngumiti pa ang guro naming mabait. “Sana hindi na maulit ang inyong pagiging tamad, pasaway, magulo, makalat, at makulit. Tandaan ninyo, ang disiplina ay hindi nabibili, narito na iyan sa ating sarili.”

“Opo, Sir Flarino. Sorry po,” sabay-sabay nilang sagot.

“O, bakit humahagulgol ka riyan, Cielo?” Napansin ako ni Sir Flarino.

“Wala po. Natutuwa lang po ako,” sagot ko habang nagpupunas ako ng luha at sipon ko.

Nagtwanan ang mga kaklase ko. Nakitawa na rin si Sir Flarino.















Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...