Followers

Monday, August 27, 2018

Resiklo

Lumabas ang lalaki mula sa banko. Mukhang mayaman siya at edukado.

Nagulat ako nang binili niya ako kay Aling Tali. Siya ang tindera ng mga yosi at kendi.

Natuwa ako. Sa halagang piso, pakiramdam ko, mahalaga ako.

Hindi lang ako ang binili niya. Tatlo kami. Nilagay niya sa kaniyang bulsa ang dalawa.

"Sukli mo," sabi ni Aling Tali.

"It's okay!" sabi niya. Umalis na siya habang pinipilipit niya ako.  Samantalang nasa lalamunan na niya ang laman ko.

"Ang bait niya," bulong ko.

Sa 'di-kalayuan, itinapon niya ako sa tabi.

"Hoy, Kuya, bumalik ka rito," sigaw ko.

Humanga pa naman ako sa kaniya. Wala pala siyang disiplina. Sayang lang ang pinag-aralan niya. Balewala ang kinikita niya at binabanko niya kung kapos siya sa ugaling maganda.

Matagal akong naghintay ng taong may puso. Pero, wala ni isa mang pumulot sa akin.

Tanggap ko naman na wala na akong halaga kapag wala na akong laman. Pero, sana ilagay naman nila ako sa tamang tapunan.

Nainitan ako roon. Naulanan. Natuyo. Nilikad ng hangin patungo kung saan. Inapak-apakan.

Ang sakit-sakit!

Sa isang tahimik na lugar ako napadad. Akala ko, mabubuti ang mga naninirahan doon. Hindi pala. Nilagay nila ako, kasama ng mga dahon at iba pang kalat,  sa latang basurahan.

Okay na sana. Kaya lang, sinindihan kami ng babaeng mataba. Naghiyawan ang mga dahon. Pinilit ko namang tumakas at umahon, pero wala akong nagawa. Tinanggap ko na na oras ko na. Nagdasal ako sa Panginoon. Naniniwala ako sa Kaniya. Sabi ko, bahala na Siya.

Pumikit ako at dinamdam ang init na unti-unting lumalapit sa akin.

Lumipas ang ilang sandali, biglang umambon. Napaiyak sa tuwa ang mga kalat at dahon.

"Salamat, Panginoon!" bulong ko. Hindi ko pa talaga panahon.

Lumakas pa ang ambon. Kumulog pa. Kasunod ang pagbuhos ng malalaking patak ng ulan. Tuluyan na ngang namatay ang apoy na tutupok sana sa aking buhay.

Napuno ng tubig ang latang basurahan hanggang natakasan ko ang kamatayan.

Hindi nagtagal, inanod ako patungo sa kanal. Marami kami roon. May lata, plastik, at bakal. May nabubulok. May nangangamoy. Unti-unti rin akong sinasakal ng masangsang na amoy ng baha.

Lumakas pa ang ulan. Kung nasaan ako, hindi ko na alam. Basta, marami kami. Marami kaming sinalaula. Hindi sininop. Hindi pinahalagahan.

Paggising ko, palutang-lutang ako sa malaking ilog.

Malakas ang agos ng ilog, kaya tinangay ako. Nabangga ako kung saan-saan at kung kani-kanino. Nahilo ako. Hindi ko na alam kung nasaan ako. Hindi ko alam kung gaano katagal akong walang malay. Akala ko nga, wala na akong buhay.

Nasa ilalim pala ako ng karagatan. Tahimik doon, ngunit madilim. Okay lang dahil alam ko, ligtas ako.

Matagal ako roon. Nakilala ko na halos lahat ng mga hayop sa karagatan. Hindi naman nila ako pinakikialaman o sinasaktan. Kilala ko na sila isa't isa. Alam ko na ang mga kilos nila.

Payapa na sana ang buhay ko, pero gusto kong makita ang sikat ng araw. Kaya sinikap kong makarating sa ibabaw. Ginaya ko ang langoy ng pating. Lumangoy ako kagaya ng pugita. Ginaya ko rin ang alimango. At lumangoy ako katulad ng pawikan.

"Pawikan?!" sigaw ko. Hinabol ako ng pawikan. Akala niya, isda ako.

Matagal akong nasa sikmura ng malaking pawikan. Kung madilim sa ilalim ng karagatan, mas madilim doon.

Matagal akong umasang iluluwa niya ako, pero tila imposible na. Kaya, sumuko na ako.

"Panginoon, baguhin mo po ang mga tao. Bigyan Mo po sila ng puso para sa kalikasan at mundo," dasal ko.

Lumipas ang mga taon.

"Balat ng kendi lang pala!" bulalas ng lalaki. Inihagis niya ako sa buhangin.

Nakita ko ang pawikang lumunok sa akin. Wala siyang malay. Naisip ko, nagdusa rin siya habang nasa tiyan niya ako. Kaawa-awang nilalang. Nabiktima rin ng kawalang-awa ng mga tao.

Tulad ng sikmura ng mga tao, matibay ako. Sa dami ng pinagdaanan ko, buo pa rin ako. Kumupas man ang pangalan ko, hindi naman natinag ang kakayahan kong mabuhay sa mundo. May laban pa ako.

Naulit nang naulit ang iba kong pinagdaanan.

Inapakan-apakan.

Winalis at itinapon sa basurahan.

Naiwanan.

Naulanan.

Naarawan.

"Bart, sipa tayo," yaya ng bata sa kaibigan.

"Sige, gusto ko 'yan, Ivan. Nakakasawa naman maglaro nitong cellphone ni Mama."

"Teka lang!" Dinampot ako ni Bart. "Puwede na 'to." Ipinasok niya ako sa tingga at inayos-ayos niya. Pagkatapos, inihagis niya ako sa ere at sinipa-sipa.

"Ayos! Game na! Paramihan tayo," hamon ni Ivan.

"Sige, ako muna." Tumira si Bart, gamit ang paa niya. Hindi niya hinayaang malaglag ang sipa. Nagbibilang pa siya.

Nagbibilang din si Ivan.

Nahilo ako pero masaya ako kasi napakinangan ang isang katulad ko.

"Twenty, twenty-one..." Nilakasan na ni Ivan ang pagbilang. "... twenty-two. Twenty-two ka lang!"

Ibinigay ni Bart ang sipa kay Ivan.

Nagsimula na itong sumipa at magbilang. Nalamasan ni Ivan ang twenty-two ni Bart. Siya ang ise-serve nito.

Magaling sumipa si Ivan. Nakalima siya. Ang huling sipa, naipalayo niya. Sinubukan pa ngang habulin ni Bart, pero hindi niya ito naabot.

Naburot na si Bart. Panay pa ang habol niya. Ako naman, enjoy na enjoy akong lumilipad. Iba ang pakiramdam.

Sa ikaanim na tira ni Ivan, pumasok sa kabilang bakod ang sipa.

Bumagsak sa harapan ng binatang nakasakay sa wheel chair.

Tiningnan ako ng binata. Pagkatapos, pinaandar niya ang kaniyang wheelchair upang mas malapit siya sa akin.

Kakaiba ang binata kung ikukumpara sa ibang tao. Wala man siyang mga paa, sinikap niyang maabot ako. Ginamit niya ang kaniyang mga braso at kamay.

Nakuha niya ako. Sinipat-sipat niya ako. "Ito siguro ang tinatawag nilang sipa." Nilalaro niya ako sa palad niya. Nakatatlong lundag ako, bago niya ako ipinatong sa kaniyang binti.

Pagkatapos, dinala niya ako sa loob. Akala ko, itatapon niya ako sa basurahan nila. Sa isang kuwarto niya ako dinala.

Makulay ang kuwarto niya. Maraming nakasabit na kuwadradong bagay.

Habang palapit kami sa isang mesa, parang may nakikilala akong mga materyal.

Nagulat ako nang inisprihan ako ng binata. Nagkulay-ginto ako at ang tingga. Pagkatapos, ipinuwesto niya ako sa mga pamilyar na mukha.

Pilit ko silang kinilala. Alam kong nakita ko na sila sa kalye, sa kagaratan, sa kanal, sa ilog, at sa basurahan.

Kulay-ginto na rin sila. Bakas ang kasiyahan sa kanilang mukha.

"Kumusta kayo?" bati ko sa kanila. "Nasaan tayo, mga katoto?"

"Sa artroom tayo ni Sir Robino," sagot ng turnilyo.

"Ang bawat sa atin ay bahagi ng kaniyang obra maestra," dagdag ng lata.

Sumang-ayon naman ang screen, spring, kapirasong bakal, tanso, tubo, karton, plastic, butones, tansan, at iba pa.

"Masaya rito. Itinatangi tayo ni Sir Robino," sabi ng maliit na telang ginto.

"Welcome! Hindi ka na basura!" sabay-sabay na bati ng lahat.

Mangiyak-ngiyak ako sa tuwa, lalo na nang nakita kong nakangiti ang binata.


No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...