Paborito naming guro si Sir Flarino. Mabait siya at
matalino. Masaya kami tuwing siya ay nagtuturo. Natututo kami nang husto dahil
laging siyang may pakulo.
Kapag may nagagawa kaming maganda, binibigyan niya kami ng
papel na puso.At tuwing nakakasagot kami nang wasto, may papuri na, mayroon
pang puso.
Binabasahan niya kami ng kuwento. Kahit tumatalsik na ang
laway niya, tuloy pa rin ang kuwento.
Gustong-gusto namin siya kapag nagkukuwento dahil bahagi raw
iyon ng buhay niya at pagkatao. Minsan, pinatatawa niya kami. Minsan naman,
nag-iiyakan kami.
Aliw na aliw kami kapag siya ay nagiging payaso. Nag-iiba
ang boses niya kahit walang mikropono. Para siyang artista ---umaarte, umaawit,
tumutula, humuhugot, at sumayaw pa. Kuwelang-kuwela talaga!
Bawat aralin niya, naunawaan naming talaga. Natuto na kami,
masaya pa. Para lang namin siyang ama. Para lang kaming nasa bahay kasi parang
kasama namin ang aming nanay at tatay.
Isang Lunes ng umaga, may bago kay Sir Flarino.
“May sakit ba si Sir Flarino?” tanong ni Benjo.
“Wala,” sagot ko.
Malungkot si Sir Flarino. Para siyang namaligno. Hindi niya
kami kinikibo.
“Sir, may I go out po?” paalam ni Faulmino.
Parang anino lang si Faulmino. Napaupo na lang ito.
“Bulag na ba si Sir Flarino?” tanong ni Gino.
“Hindi,” sagot ko.
Kinabukasan, napansin ko si Sir Flarino. May bago na naman
sa kaniya. Mas tahimik na siya. Hindi namin nakita ang ngiti niya. Parang hindi
niya naririnig ang ingay ni Ciara. Siya ang pinakamadaldal sa buong klase ng
VI-Acacia.
“Bingi na ba si Sir Flarino?” tanong ni Angelo.
“Hindi,” sagot ko.
Miyerkules. Hindi nagturo si Sir Flarino. Nagpaskil lang
siya ng tsart kung saan nakasulat ang panuto.
“Pipi na ba si Sir Flarino?” tanong ni Hero.
“Hindi,” sagot ko.
Nagpatuloy ang pagbabago ni Sir Flarino. Lagi na ring
nakakunot ang kaniyang noo. Ang tingin niya ay laging malayo. Nasasabik na ako
sa kaniyang mga kuwento. Naiiyak na ako dahil wala siyang kinikibo. Maniniwala
na rin siguro akong bulag, pipi, at bingi na ang aming paboritong guro.
Huwebes ng umaga, sarado pa ang silid-aralin ng VI-Acacia.
Unang beses mahuli sa klase si Sir Flarino. Hindi rin siya absenero.
Tahimik kaming nakaupo habang nakapila. Si Sir Flarino ang
inaabangan namin at ang pagngiti niya.
Bente minutos ang lumipas, wala pa siya. Nalungkot ako nang
sobra. Naisip ko, baka sumuko na talaga siya.
Bilang pangulo ng klase, pinaupo ko ang aking mga kaklase.
Tumayo ako sa harapan ng labing-anim na lalaki at dalawampu’t apat na babae.
“Hindi bulag, pipi, at bingi si Sir Flarino, kundi
nagtatampo. Lahat tayo ay makukulit, tamad, at magugulo,” sabi ko. Pinakinggan
naman nila ako. “Hindi na ba talaga tayo magbabago? Ayaw ba nating maging
seryoso? Mahalagang tayo ay maging edukado, pero mas maganda sana kung tayo pa
ay disiplinado.”
Hindi nga pumasok si Sir Garino. Sabi ng ibang guro, malala
raw ang kaniyang ubo. Alam kung hindi iyon totoo.
Huling araw ng linggo, maagang pumasok si Sir Flarino. Naabutan
na namin sa kuwarto. Pagkatapos naming mag-flag ceremony at mag-ehersisyo.
Pero, hindi niya kami binati at kinibo. Parang wala siyang nakitang tao.
Sobrang nasaktan ako. Ginawa ko namang lahat ang makakaya
ko. Kinausap ko ang mga kaklase ko. Hinikayat kong sila ay magbago. Kaya nga,
ilang araw na rin kaming hindi magulo. Hinihintay na lang naming magturo si Sir
Flarino.
Sa ikalawang linggo ng pananahimik ni Sir Flarino, unti-unti
ko nang nakita ang pagbabago ng mga kaklase ko.
Si Ciarra, hindi na madaldal masyado.
Si Toby, lagi nang nakaupo.
Si Somaria, hindi na madalas magpaalam para magbanyo.
Si Gabby, madalas nang nagbabasa ng libro.
Sina Alvin at Teddy, hindi na nagpapatawa at nagbibiro.
Marami pang pagbabago ang nangyari sa mga kaklase ko. Lahat
kami ay abala sa pag-rereview. Lahat din kami ay naging sensitibo sa damdamin
ng bawat guro, lalo na ni Sir Flarino.
Biyernes iyon. Ikalawang linggo simula nang magbago si Sir
Flarino. Katatapos lamang ng pagsusulit sa asignaturang Filipino.
Kinolekta ko ang mga papel pagkatapos mag-tsek ang mga
kaklase ko.
“Sir, heto na po ang mga papel,” sabi ko.
Para kaming nasa sementeryo habang iniisa-isa ni Sir Flarino
ang mga papel na iniaabot ko. Ang mukha niya ay blanko. Hindi siya na nakangiti
at hindi rin nakakunot-noo.
“Binabati ko kayo!” Sa wakas, nagsalita na si Sir Flarino.
Nagulat kaming lahat. Nagpalitan kami ng tingin at
napapalakpak.
“Natuwa ako sa resulta ng pagsusulit. Hindi na ako ngayon
galit.” Ngumiti pa ang guro naming mabait. “Sana hindi na maulit ang inyong
pagiging tamad, pasaway, magulo, makalat, at makulit. Tandaan ninyo, ang
disiplina ay hindi nabibili, narito na iyan sa ating sarili.”
“Opo, Sir Flarino. Sorry po,” sabay-sabay nilang sagot.
“O, bakit humahagulgol ka riyan, Cielo?” Napansin ako ni Sir
Flarino.
“Wala po. Natutuwa lang po ako,” sagot ko habang nagpupunas
ako ng luha at sipon ko.
Nagtwanan ang mga kaklase ko. Nakitawa na rin si Sir
Flarino.
No comments:
Post a Comment