Followers

Sunday, September 1, 2024

Ang Aking Journal -- Agosto 2024

 Agosto 1, 2024

Putol-putol ang tulog ko dahil sa pag-ihi. Isinisi ko iyon sa instant 3-n-2 coffee na ininom ko sa school kahapon. Hindi na siguro ako iinom niyon lalo na't malapit nang maging pang-umaga ang pasok ko.

 

Past 6, bumangon na ako upang gawin ang kakaibang morning ritual. Ilang araw ko na ring ginagawa ito, at ramdam kong nakaka-boost ng confidence. Gayunpaman, ihihinto ko next week dahil mas maraming bagay na akong dapat i-prioritize.

 

Nainis ako kay Jano. Sagot ko na ang private resort, na worth P15,000 for 22 hours, sa akin pa itinotoka ang cake, disposables, at drinks. Sinagot ko. Hindi raw kasama sa budget ang venue. Ginulat ko raw sila. Ayaw ko sa lahat ang nai-invalidate ako. Pinababawi ko ang reservation. Si Taiwan ang nagsabi na "Okay na 'yan." Kako, ang layo pa namin. Hayun, ia-adjust nila ang mga putahe.

 

Before 8:30, umalis na ako sa bahay. Maaga ako kasi gusto kong ma-withdraw ang YT salary ko. Kaso, wala pa rin. Ang tagal pumasok sa account ko. Noony July 21 pa iyon ni-release ng Google Adsense. Haist!

 

Pagdating ko sa school, agad kong hinanap si Ma'am Vi. Saglit kaming nagkausap tungkol sa paglipat ko. Sabi ko, gusto ko sanang makalipat na sa Lunes, kaso maliwanag naman ang sinabi ng principal na lilipat lang ako kapag dumating na ang bagong guro. Nanghihinayang lang kasi ako sa pag-stay ko sa Grade 4, samantalang puwede naman sanang lumipat na ako para makapagsimula na.

 

Ngayong araw sa classroom ng Grade 4-Buko, kalmado lang ako. Hindi sila mahirap pasunurin. Pero hindi talaga mawawala ang mahihinang umuwa ng mga panuto. Sa paulit-ulit na tanong nila ako naiinis. Gayunpaman, maayos sila at tolerable ang kulit nila. May nangilan-ngilang pasaway, pero masasabi kong kayang-kayang i-handle ng parating na guro.

 

Sumabay uli ako kay Ma'am Joan. Asawa niya ang nagmaneho. Sa Gahak nila ako ibinaba kay mas mabilis akong nakauwi.

 

Pagkatapos kong manood ng mga inaabangan kong teelserye, natulog na ako. Sobrang kulang na ako sa tulog.

 

 

Agosto 2, 2024

Past 6, nagising ako. Nauna na naman ako sa alarm ko. Okey lang naman kasi kailangan kong makarating sa school ng 10:30 para sa faculty meeting.

 

Wala pang 8:30, nakasakay na ako sa bus. Sinubukan kong magsulat ng nobela. Kahit paano ay nadugtungan ang sinulat ko kahapon.

 

Sa school, hindi pa agad nagsimula ang faculty meeting. Bukod sa napaaga ako ng 20 minutes, hindi pa dumating ang iba.

 

Past 12 na natapos ang meeting. Nasa classroom na ang mga estudyante. Binantayan sila ni Sir Hermie.

 

Natuwa ako kay Kapitana Tubo kasi binigyan niya ako ng limang kilo ng bigas. Tinawag niya talaga ako nang makita para lang sabihing magbibjgay siya ng bigas, at huwag ko ang ipaalam sa ibang guro.

 

Ngayong araw, natapos kong ma-identify ang reading level ng Buko. Natutuwa ako dahil iilan na lang ang hindi makabasa. Isa na lang yata iyon. Ang iba naman ay mabagal lang. Karamihan sa kanila ay good readers.

 

Sa limang araw na pagharap ko sa Buko, masasabi kong mababait sila. At upang malaman nila ang nararamdaman ko, sinabi ko iyon sa kanila. Hiniling ko rin na sana magtuloy-tuloy iyon kahit nakalipat na ako sa Grade 6. At kung hindi man, sila ang magiging dahilan para umurong ako. Ramdam ko ang kasiyahan nila nang sabihin kong "Baka hindi na ako lumipat."

 

Hindi talaga ako na-stress sa Buko. Thank God, natapos ang isang linggo nang payapa, masaya, at produktibo.

 

Pagdating ko sa bahay, tumawag si Ma'am Vi. Masabi ko ang mga pinag-usapan naming Grade 4 teachers. Nasabi ko rin ang kagustihan kong magsimula na sa Lunes sa Grade 6 kasi kapag natagalan pa ako sa Grade 4, baka hindi na ako lumipat dahil na-attached na ako. Alam ko, gagawa siya ng paraan para mangyari iyon since payag naman na sina Ma'am Joan at Marekoy na   mag-adjust sila habang hinihintay ang kapalit ko.

 

After niyang tumawag, saka lang ako nakapaglaba. Naglaba na ako kasi Sunday night na kami makakauwi mula sa party.

 

Almost 12 na ako nakatulog.

 

 

Agosto 3, 2024

Wala pang 6 nang magising ako, pero past 6 na ako bumangon para maghanda ng almusal. At dahil late na bumangon si Ion, 8:30 na kami nakaalis sa bahay.

 

Past 12 na kami nakarating sa Robinson's Antipolo. Kumain na agad kami sa food court doon. Pagkakain, hinanap ko agad ang venue ng suiseki show. Mabilis naming nahanap iyon, kaya agad akong nag-video para sa YT. Pagkatapos, nakinig naman ako sa talk tungkol sa suiseki. Marami rin naman akong natutuhan.

 

Past 3 na kami umalis, kaya lang naabutan kami ng malakas na buhos ng ulan. Hindi tuloy namin naabutan si Taiwan. Mabuti na lang, naisip niyang sunduin kami sa Bagumbayan.

 

Past 5:30, nasa resort na kami. Nadatnan ko siya Romeo at Tintin, Chriz at Bajoyce, at si Ryan at kaniyang mga anak at asawa. Siyempre naroon na rin ang pamilya ni Taiwan.

 

Maganda ang private resort. Worth it ang P15k. May tatlong cabin kaming tutulugan.

 

Dumating din ang mag-amang Roy at Kia, gayundin ang mag-anak ni Ryan. May mga kasama pang kaibigan si France, kaya andami namin. Late na nga lang nasundo nina Flor ang mga anak ko. Past 8 na yata iyon. Tuwang-tuwa ako nang makita sila. Nagkasama-sama uli kami.

 

Nakipag-inuman ako sa mga kapatid at pinsan ko hanggang 2:30. Nag-inuman din ang mga bagets, kasama si Zj. Nakita ko siyang sumuray-suray at sumalampak sa sofa. At nang makatulog, niyaya at hinatid ko siya sa maayos na higaan.

 

 

Agosto 4, 2024

Maaga akong nagising kasi si Mama, maaga ring nagising. Naghahanap siya ng pagkain. Binigyan ko muna ng maja blanca. Ayaw naman na niya ng pansit.

 

Mga past nine, naligo ako sa pool. May mga naliligo na ring mga bata. Naengganyo ko ring maligo si Zj. Pero, bago mag-11:30, umahon na ako at nagbanlaw.

 

Natutuwa ako sa event na ito. Marami akong napasaya dahil sa pag-rent namin ng resort na iyon. Malaki man ang nabawas na pera sa bulsa ko, malaki naman ang kasiyahang naidulot niyon sa lahat, lalo na sa mga bata. Sila talaga ang nag-enjoy nang husto sa paliligo. At sigurado akong puspos din ng kaligayahan si Mama.

 

Alas-4 na kami nakapag-check out sa resort. Hinatid kami ng van ni Taiwan sa kanto ng Boso-Boso. Ang lakas ng ulan sa mga oras na iyon.

 

Past 8:30 na kami nakauwi sa bahay—safe and sound. Mabuti, wala nang ulan nang dumating kami sa PITX hanggang sa makarating sa bahay.

 

Dahil sa pagod at puyat, natulog ako nang maaga. Siguro mga 10:30 pa lang iyon. Desidido na ako sa oras na iyon na um-absent knabukasan bilang silent protest sa mabagal na desisyon ng paglipat ko sa Grade 6.

 

 

 

Agosto 5, 2024

Past 7 na ako nagising. Kahit paano ay nakabawi na ako ng tulog. Pagkatapos kong mag-almusal, humarap na ako sa laptop para gumawa ng video ng The National Stonefest 2024. Habang ginagawa ko iyon, dalawang balita ang natanggap ko sa chat.

 

Ang unang balita ay mula sa nanay ni Bernard. Patay na siya. Nabigla ako sa balitang iyon. Ni hindi na kami nagkita pagkatapos niyang pumunta sa bahay. Grabe talaga ang sakit sa puso. Nambibigla.

 

Ang ikalawang balita ay chat ni Mareng Janelyn. Tinanong niya ako kung nakalipat na ako sa Grade 6. Sabi ko, sa bahay ako, at baka hindi ako makakapasok dahil masakit ang ulo ko. Hayun, sinabi niyang kakausapin ko niya ang principal para tuluyan na akong makalipat sa Grade 6. Kaya baka makapasok na ako bukas. Gabi na nang chinat niya ako. Tuwang-tuwa talaga ako. Chinat ko rin agad si Ma’am Vi para ma-notify siya tungkol sa pagpasok ko bukas. Mga past 8:30 niya ako na-reply-an, pero worth it naman kasi matutuloy na rin ako sa wakas.

 

Ngayong araw, nakagawa ako ng vlog, gamit ang mga videos sa ‘The national Stonefest 2024.’ Nkaasulat din ako ng isang chapter ng nobela. At siyempre, nakaidlip ako habang nanonood ng Showtime’s Exspecially for You.

 

Past 9:30, pagkatapos manood ng ‘Pamilya Sagrado,’ nag-off na ako ng laptop, ilaw, at wifi. Alas-tres na ako magigising every weekday, kasama na rin ang Sabado para sa Project NUMERO.

 

 

 

Agosto 6, 2024

Wala pang 3, gising na ako. Hindi na ako nakatulog uli. Okey lang naman. Naninibago pa ang katawan ko. Makukuha ko rin ang tamang timpla.

 

Paat 4, nakasakay na ako sa bus patungong PITX. Past 5:30,  nasa school na ako. Mabuti, nasa school na rin si Ma'am Vi, kaya napagkuwentuhan pa kami.

 

Nagpatawag ng meeting si Sir Jess. Ang totoo, itutuloy lang nila ang parent's orientation na naudlot noong Sabado dahil walang quorum. Ipinakilala niya ako bilang bagong adviser ng VI-Love. At ako na ang nag-takeover ng meeting.  Nag-orient ako at nagpa-elect ng officers. 

 

Pagkatapos niyon, ni-meet ko na ang ibang sections. Faith, Peace, at Love lang ang napasukan ko. Maiingay lang ang Love, pero mababait naman sila. Kailangan ko lang talagang ma-implement nang maayos ang mga rules and regulations.

 

Mabilis natapos ang klase, pero hindi pa ako umuwi. Hinintay ko ang mga ex-coteachers ko para i-treat sila ng hapunan. Habang naghihintay, gumawa ako ng class records at PPT sa EPP para sa mga klase ko bukas.

 

Past 6, bumiyahe kaming apat (ako, Marekoy, Ma'am Joan, at Ma'am Ivy) patungong MOA. Nag-dinner kami sa Giligan's.

 

Sa huling pagkakataon, nakipagkuwentuhan ako sa kanila habang kumakain. Inabutan kami roon ng almost 8:30.  Natutuwa ako't napagbigyan ko sila, at nakasama bago ako tuluyang magpokus sa Grade 6. Natutuwa rin ako kasi wala pang P1000 ang gastos ko.

 

Past 10 na ako nakauwi sa bahay. Past 11 na ako natulog. Siguradong kulang na naman ang tulog ko kahit makatulog ako nang straight hanggang 3 am.

 

 

 

Agosto 7, 2024

Ikalawang araw na paggising nang alas-3. Medyo mabigat sa katawan, pero nakasisiguro akong masasanay ako. Kailangan ko lang matulog nang maaga para hindi ako magkasakit.

 

Mabuti na lang, bumangon din si Emily ilang minuto ang lumipas pagbangon ko. Siya ang naghanda ng almusal. Kaya bago mag-4 am, nakaalis na ako sa bahay.

 

Muntik na akong ma-late sa klase ko. Nakaupo na ang mga estudyante ko nang dumating ako. Mabuti na lang talaga ay makahabol pa ako sa bundee clock.

 

Nagpalitan kami ng klase, pero pagdating sa VI-Charity, hindi na ako nakalipat kasi isinagawa ang picture-taking para sa school ID.

 

Maayos naman ang ibang klase. Sadyang maiingay lang talaga ang Love. Kaunting ayos pa ng disiplina nila, magiging magaan din ang pag-handle ko sa kanila. Matatalino naman sila  madadaldal lang.

 

Naiinis lang ako kasi ang sikip ng classroom ni Sir Rey. Hindi pa ako nakakalipat. Wala nang mapaglagyan ng mga gamit ko.

 

Pagkatapos ng klase, nag-train naman ako ng estudyante para sa national writing contest. Siya lang naman ang interesado at higit na potensyal, kaya siya ang sinisikap kong mailaban.

 

Alas-tres na kami natapos sa training. Pagkatapos niyon, dumating naman ang dati kong estudyante, na pinagtanungan ko kung saan siya nagdyi-gym.

 

Willing siyang i-share ang kaniyang alam kaya pinuntahan na lang niya ako. Grabe! Nakaka-inspire ang transition ng katawan niya. Ang galing din niyang magturo. Andami kong natutuhan. At sa halip na mag-gym, ipinanukala niya ang calesthenics. Aniya pa, dagdagan ko ang dami ng kinakain ko para mag-gain ako ng weight.

 

Interesado siyang matulungan ako. Nag-send siya ng workout plan. May mga additional info, na talaga namang kapaki-pakinabang. Bukod sa mga ito, hinanapan pa niya ako sa online shopping site ng dumbbell para magamit ko sa workout. Kaya naman nag-order agad ako.

 

Pagkatapos manood ng mga sinusubaybayan kong teleserye, natulog na ako. Ang inaasahan kong tulog ay 5 hours.

 

 

 

Agosto 8, 2024

Thank God, nakatulog ako nang maayos. Limang oras din ang nabuo ko. Higit na mas marami kaysa kahapon.

 

Four-five, nakasakay na ako sa bus. Sa minibus ako nakasakay, kaya mabilis akong nakarating sa school, saka mabilis ding napuno ang dyip sa PITX. Five-thirty pa lang, nakarating na ako. A lang talaga ang gising kong 3 am.

 

Ang sigla kong nagturo sa lahat ng section. Na-miss nila ang story reading ko. At nakatutuwa dahil gustong-gusto pa rin nila iyon. Buhay na buhay sila sa participation. Sana ma-maintain ko ang ganoong energy.

 

Maayos naman ang palitan namin ng klase kahit wala si Sir Jess. Ginamit ko ang time niya saka ang vacant ko sa pag-handle ng Love.

 

Past 1:20 na nakarating si Benjo sa training namin. Kahit busy siya, naisingit niya pa rin ang pagpunta sa akin. Nakatapos naman siya ng isang kuwento habang itinuloy ko ang pag-record ng mga quizzes.

 

Past 3, umuwi na kami. Kailangan ko ring makauwi nang maaga nang makaidlip pa ako. Past 4, nakauwi na ako.

 

Binasa ko ang kuwentong sinulat ni Benjo. Okey naman, pero hindi pang-national contest. Kailangan ko pa siyang turuan. Kaya naman, inihanda ko ang mga storybooks mula sa bookshelf ko. Dadalhin ko bukas para sa Catch-Up Friday, at para mabasa niya sa writeshop namin upang ma-inspire siyang mag-isip ng great story idea.

 

 

 

 

Agosto 9, 2024

Ang bilis ng oras at araw! Katutulog ko lang, tumunog na ang alarm. At parang kailan lang. Panghapon pa ang klase ko, ngayon ay kailangan ko nang gumising nang maaga. Hindi pa ako nakakabawi ng puyat. Sana hindi ito magdulot ng masamang epekto sa aking kalusugan. Sana makabawi ako sa mga susunod na araw.

 

At dahil mabilis ang oras, binilisan ko rin ang kilos ko para makalabas ako sa bahay bago mag-4 am. Nagawa ko naman. Past 4 nasa bus na ako.

 

Aysus! Muntik na naman akong ma-late. Ang haba kasi dyip na sinakyan ko. Dosehan ang upuan. Ang tagal mapuno.

 

Naging maayos naman ang mga klase ko ngayong Catch-Up Friday. Binasahan ko sila ng kuwentong pambata, at pinasulat ko sila ng sariling wakas. Inspired ang halos lahat na sumulat.

 

After class, nakipagkuwentuhan ako kay Ms. Krizzy. Sabay na rin kaming nag-lunch. At bandang 1:30, dumating si Benjo. Sinabi ko sa kaniya na kailangan niyang sumulat ng bagong kuwento na pang-contest.ay naisip naman agad siyang ideya, kaya binigyan ko siya ng mga pagkakasunod-sunod na pangyayari. Sana maisulat niya nang maayos ang mga ideya niya, gayundin ang mga sinabi ko.

 

Past 2, umalis na ako sa school. Bumiyahe ako patungong PITX. Tumambay muna ako roon at nagmeryenda. Nag-search na rin ako kung paano pumunta sa Samson Funeral Homes.

 

Bago mag-4:30, nakasakay na ako sa bus na patungong SM Molino. Pagdating doon, nalaman kong mali pala ako ng napuntahang chapel. Mabuti, alam ng mga tauhan ang isang branch na dapat kong puntahan. Itinuro nila ang mga sakayan ko.

 

Past 6:30 na ako nakarating sa Samson Funeral, Dulong Bayan. Agad akong in-entertain ng nanay ni Bernard. Nagkuwentuhan kami sa harap ng ataul. Ipinakilala rin niya ako sa mga kamag-anak niya.

 

Andaming pagkain, pero nahiya akong kumain. Nagkape lang ako, kaya bandang 8, gutom na gutom na ako. Nahiya pa akong magpaalam, kaya inabot pa ako ng 8:30 roon. Nagbigay ako ng P2000, bilang limos. Sana maunawaan niya ang aking kalagayan.

 

Nagpagpag ako sa gotohan. Kumain ako roon bago umuwi. Past 9:30 na ako nakarating sa bahay.

 

Past 10:30, nag-off na ako ng wifi. Maaga na naman bukas.

 

 

 

Agosto 10, 2024

Dapat 4:30 pa ako babangon, pagtunog ng alarm ko, pero namulat na ako nang anim na minuto pa bago mag-4 am. Okey lang naman kasi 7 am dapat at nakapag-time in na ako para ala-una ay makauwi na ako. At pagkalipas ng isang oras ng paghahanda, nasa highway na ako-- nag-aabang ng bus.

 

Wala pang 7, nasa school na ako. Halos magkasunuran kami ni Ma'am Mel, kaya sabay na kaming nag-almusal.

 

At bago mag-8, nag-decide kaming sa baba na idaos ang parents-pupils orientation, sa halip na sa bawat klase. Hindi iyon sang-ayon sa aming focal person, pero sinikap naming maidaos sa baba. Walang nagawa si Mareng Janelyn. At mas okey nga ang kinalabasan. Nag-welcome address pa sina Ma'am Lea at Sir Jess. At dahi masyadong maeksena ang programa, nagpa-game ako. Pinag-recite ko ng multiplication ang mga bata. Nagbigay pa ako ng premyo. Nasa mood akong mangulit kanina.

 

Past 9, umakyat na kami sa kani-kaniya namin klase. Sinikap kong mag-enjoy ang mga pupils ko habang natututo. Nagpalaro ako.

 

Nagsalo-salo kami nina Ma'am Mel at Ma'am Ivory. Nagkuwentuhan na rin kami bago umuwi.

 

Past 3 na ako nakarating sa bahay. Agad akong umidlip kahit napakainit. Past 5 na ako bumangon para magmeryenda.

 

Pagtapos magmeryenda, nag-unbox ako ng order kong dumbbell and barbell set. Then past six, sinimulan ko ang workout. Sobrang hirap, pero na-enjoy ko. Ramdam ko ang pagbanago sa katawan ko. Unti-unti tuloy akong na-inspire, lalo't worth it ang order ko. Sa halagang P745, may equipment na ako, na maaaring makatulong sa development ng body mass ko. Nagpapasalamat talaga ako sa estudyante ko dati na si John. Kapag nag-chachat ako para magtanong, ready siya para sumagot.

 

Past 11 na ako natulog.

 

 

 

Agosto 11, 2024

Grabe, ang sakit ng leeg ko. Noong isang ko pa ito naramdaman. Mas masakit ito magdamag, kaya wala akong maayos na tulog. Hindi ko iniisip na dahil ito sa pag-workout ko.

 

At dahil walang ibang gagawa, naglaba ako sa kabila ng stiffed neck ko. Natapos ko naman ang maayos, tahimik, at maaga. Bago mag-9:45, nasa kuwarto ako, hindi upang magpahinga, kundi gumawa ng DLL at learning materials. Nag-record din ako ng mga checked papers.

 

Bandang 2 pm, umidlip ako. Past 4 na ako bumangon para magmeryenda.

 

Past 5:30, nagsimula akong mag-workout. Ito amg second day ko. Ramdam ko ang pagod, kaya alam kong may pagbabagong magaganap sa katawan ko. Sana lang ay tama ang posture at posisyon ng mga katawan ko.

 

Akala ko makakatulog agad ako dahil sa pagod, hindi pala. Nahirapan akong makatulog. Siguro ay inabot rin ako ng mahigit isang oras bago nakatulog. Ang init pa. Haist!

 

 

 

Agosto 12, 2024

Muntikan ko nang hindi madala ang salamin ko. Mabuti, narinig nagising si Emily.

 

Four-thirteen, nasa bus na ako. Maaga akong makarating sa school, pero hindi ko na-enjoy ang nalalabing minuto bago mag-6 am kasi may flag ceremony pala. Iyon ang unang beses ko.

 

Maayos naman ang pagtuturo ko sa lahat ng section, pero pagbalik ko sa advisory class ko para magpalinis, napakaiingay nila. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Sinigawan, pinagalitan, at tinakot ko silang isusumbong at ipapatawag ko ang mga magulang nila. Hayun nagsitahimik. Kailangan ko pang ma-stress at ma-highblood bago sila mag-behave.

 

Past 1:30 na dumating si Benjo. Nakapag-record na nga ako ng mga quizzes. At nakaidlip na ako, saka siya dumating. Mabuti na lang dahil hindi nasayang ang paghihintay ko. Pinauslat ko siya ng buod ng kaniyang kuwento. At nag-decide kami kung anong pamagat ng kaniyang akda. "Si Custos" ang napili niya. Ni-research ko iyon. Mabuti, nagustuhan niya.

 

Almost 2:30, lumabas na ako sa school. Kailangang makauwi ako kaagad. Mabuti na lang, mahigit isang oras lang ang biyahe. Grabe nakakapagtaka. Quarter to 4, nasa bahay ako. Agad kong ni-register sa Category 6 si Benjo. Ibinalita ko iyon sa kaniya, kay Ma'am Joann at kay Ma'am Mina. Hinikayat ko rin si Ma'am Joann na magpasa kami sa Category 3. Kaya after kong mag-workout, naghanda na ako ng objectives na gagawa ko ng stories. Bukas, magsusulat na ako ng buod nang makapag-register na rin.

 

Past 10 na yata ako nakatulog kahit quarter to ten pa ako nahiga. Dalawang beses pa akong kinatok ni Emily. Haist! Kulang na naman sa tulog.

 

 

 

Agosto 13, 2024

Ang bilis ng oras. Four-fifteen na ako nakasakay sa bus. Kaya wala dapat akong aaksayahing minuto. Mabilisang kilos dapat.

 

Maaga sana akong dumating sa PITX, antagal namang mapuno dyip doon. Dosehan ba naman.   Nakalarga kami after 25 years. Haist! Mabuti na lang, mabilis iyon at walang traffic. Quarter to six ako nakarating sa school.

 

Grabe ang sakit ng braso at binti ko. Halos hindi ko maiunat ang kamay ko, at hindi ako makalakad anng mabilis. Mabuti na lang, maayos pa rin ang mood ko. Nakapagturo ako nang masigla. Ramdam ko tuloy ang kasiyahan at interes ng mga estudyante. Natutuwa ako sa Love kasi behave sila ngayong araw.

 

After class, nag-record ako ng quizzes sa Guidance Office habang nagla-lunch at nagkukuwentuhan kami ni Ma'am Vi. Birthday ngayon ni Ma'am Wylene, kaya nagpakain siya.

 

Past 2, isinabay na niya kami ni Ma'am Vi pauwi. Sa Robinson's Tejero na niya ako ibinaba. Nilakad ko na lang pa-Umboy. Past 3:30 na ako nakauwi. Sobrang init, kaya sa sala ako nag-stay.

 

Hindi muna ako nag-workout ngayon. Kailangan munang mawala ang sakit. Sa halip, nagsulat ako ng buod ng kuwentong isasali ko sa GTA. Hindi rin nagtagal, inantok ako, at umidlip. Pagbangon ko, nakapag-register na ako. Isinunod ko naman ang pag-encode ng isinulat na kuwento ng estudyante ko. Ipinost ko iyon sa Babasahin at shinare ko sa GC ng mga parents upang maging proud sila.

 

Past 9:30, nag-off na ako ng wifi. Sinikap kong makatulog bago mag-10. Kulang pa rin naman ang magiging tulog ko kahit magkaganoon.

 

 

 

Agosto 14, 2024

Masakit pa rin ng leeg, lower back, at braso ko. Pabaling-baling ako sa pagtulog, kaya sigurado ako, wala pang limang oras ang naging tulog ko.

 

Maaga akong nakarating sa school kasi nag-iba ako nang ruta. Sa halip na PITX-Divisoria, nag-PITX-Baclaran muna ako. Kaaalis lang kasi ng dyip. Matagal pa magpuno uli. Ganoon uli ang gagawin ko bukas.

 

Mabilis lumipas ang oras kapag nagpapalitan ng klase lalo na't 40 minutes lang ang nakalaan para sa bawat subject. Ayos naman iyon para hindi magamit sa pagsasaway at paghihintay. Kaya naman ang mabilisang pagtuturo. May natutuhan naman ang mga estudyante.

 

Pagkatapos ng klase, hinintay ko si Ma'm Joann. Umidlip muna ako sa sports room kahit sobrang init doon. Past 2 na siya naging bakante. Naturuan ko siyang mag-register sa Gawad Teodora Alonzo 2024. Past 4 naman kami nakabiyahe patungong SM Prestige Lounge upang i-meet si Ma'am Fatima. Sasali rin siya sa Category 3.

 

Doon, agad kaming nag-brainstorming. Tinulungan ko silang makabuo ng synopsis ng kuwento. Nagkuwetuhan din kami.

 

Past 8, nag-dinner kami sa Kenny's. Doon na rin nila nai-register ang kanilang kuwento.

 

Past 9:30 kami natapos doon. At almost 11 na ako makauwi. Past 11:30 na ako nagpatay ng ilaw para matulog. Estimated ko na ang haba ng tulog --3 hours na lang. Aguy! Sana gabayan at ingatan ako Diyos. Bigyan niya ako ng lakas at kalusugan.

 

 

Agosto 15, 2024

Past 4, nakasakay na ako sa bus. Kulang ang isang oras na paghahanda kaya palagi akong nagmamadali.

 

Past four-thirty, sa PITX na ako. Matagal din akong naghintay sa paglarga ng dyip. Nagkamali na naman ako ng desisyon. Dapat pala ang ruta kahapon ang sinunod ko. Mas maaga sana akong nakarating sa school.

 

Dahil tatlong oras lang ang tulog ko, mainit ang ulo ko. Napagalitan ko ang VI-Faith. Nasermunan ko ang VI-Charity, at namura-mura ko VI-Love. Iritable ako sa kanila. Grabe kasi ang mga bunganga--walang tigil, walang pakundangan, at walang konsiderasyon. Kahit sa VI-Hope, nainis ako. Ibinalik ko ang mga papel nila. Ipinakita kong zero sila sa class records ko. At umalis ako nang hindi nagpaalam pagkatapos ng period ko.

 

After class, kumain lang muna ako sa classroom ni Ms. Krizzy at nakipagkuwentuhan saglit, bago ako umidlip sa sports room. Nang magising ako, sinimulan kong i-edit ang synopsis na sinulat ko kaninang umaga. At bago mag-2, nakapag-register ako sa Category 3, Grade 2. Math integration iyon.

 

Past 3:30 ako dumating sa bahay. Kahit mainit sa kuwarto, humiga ako at nagpaantok. Naglatag lang ako carpet sa sahig. Kahit paano ay nakaidlip ako bago ako bumangon para magkape.

 

Past 5:30, nag-workout nw ako. Mabuti, gumaling na ang DOMS ko. Natapos ko ang routine bandang 7:30, kaya nakapagsulat pa ako ng synopsis. Bago ako naligo, nakapag-register na ako sa GTA. Iyon na ang ikatlo kong entry.

 

Past 9:30, nagpatay na ako ng ilaw at wifi.

 

 

 

Agosto 16, 2024

Eksakto 4 am, umalis na ako sa bahay. Dala ko ang energy na kailangan ko para sa mga estudyante. Sana maging maayos ang pagtuturo ko sa kanila. At sana maging disiplinado na ang VI-Love.

 

Hindi ako nagsalita sa VI-Love. Nakuha ko sila sa  pananahimik. Kahit paano ay nanahimik din sila.  Sa ibang section naman, hindi ako makulit. Mabilis akong mainis sa mga paulit-ulit na tanong.

 

After class, may training ako sa writing. At past 1, may LAC session kami with MT Erwin C. Mabilis lang iyon. Narinig nila ang sentimennts ko tungkol sa maling paraan sa pagpapamudmod ng mga printer at TV. Idadaan sa contests ng reading corner at Math Corner. Samantalang, puwede namang bigyan na lang ang mga walang TV. At ang printer ay per grade level.

 

Na-hack ang FB account ni Emily ngayon. Nag-chat sa akin ang hacker. Minura ko nga ng PI, at sinabihan ko na mamamatay rin siya. Capslock iyon. Bago pa siya makapag-reply, na-block ko na siya.

 

Past 5 na ako nakauwi. Nag-home workout uli ako. Past 7, tapos na ako sa mga routine.

 

At sa sobrang pagod at antok, nagawa kong mahiga nang maaga para matulog. Mga past 9:30 pa lamang iyon, kaya more or less 6 hours ang magiging tulog ko.

 

 

 

 

 

Agosto 17, 2024

Four-thirty nang tumunog ang alarm ko. Wala akong inaksayang sandali, kaya alas-singko ay nakaalis na ako sa bahay. Antok pa rin ako, pero okey pa. Sinubukan kong umidlip sa bus.

 

Six-thirty, nasa school na ako. Nagsalo kami ni Sir Rey sa almusal. Doon uli siya natulog sa school. Naabutan kami ni Ma'am Mel, kaya nagkuwentuhan kaming tatlo.

 

Nagsimula ang pre-test ko nang bandang past 8:00 kasi late na dumating si Focal Person. Naiinis na ako sa kanya talaga last Saturday pa. At lalo akong nainis sa kaniya nang bigla niyang kinampihan ang principal namin. Kinuyog nga namin sa GC tungkol sa iresponsable at pagsasawalambahala sa mga hinaing ng mga guro ukol sa printers at TV sets, siya naman ay tila umayon sa kagustuhan nito. Gusto niyang ituloy ang contest sa pagandahan ng reading at Math corner, samantalang ang majority ay ayaw. Sabi pa niya, sumunod na lang daw kami sa kagustuhan ni Ma'am. Natigalgal kaming lahat. Panalo na siya. Winner ang kasipsipan.

 

Si Ma'am Gigi ang tumapos ng lahat. Finorward niya ang message ng division ICT coordinator tungkol sa mga TV. Dapat ipamahagi sa mga gurong nangangailangan, hindi gawing prizes sa cheap na contests.

 

Kawawa siya. Lalo siyang lilibakin ng mga kaguro. At lalo siyang mawawalan ng kaibigan. Sigurado rin ako na magsisisi siya sa pagsisipsip. Hindi niya magagamit sa promotion iyon.

 

Past 3 nang makauwi ako sa bahay. Kahit sobrang init, sinikap kong makatulog. Kahit paano naman ay nakaidlip ako bago ako bumaba para magmeryenda.

 

Hindi ako nag-home workout ngayon kasi may DOMS uli ako. Nag-cell phone lang ako. Gabi, after dinner at bago matulog, nag-record ako ng mga quizzes. Andami kong dapat gawin bukas kaya binawasan ko na.

 

 

 

 

Agosto 18, 2024

Maaga na ako nagising, pero at least mahaba-haba ang naging tulog ko. Naghanda ako ng almusal ko, saka umakyat uli kasi may tatapusin lang labahan si Emily. Mahilig talaga siyang mag-iwan ng labahan o damit sa laundry area. Hindi niya natatapos ang paglaba sa isang araw. Alam niyang every Sunday ako naglalaba, nakikisabay pa.

 

Hayun, gumawa muna ako ng mga schoolwork, bago naglaba. Mga quarter to 11 na ako nakapagsimula at past 12 na natapos. Habang nagpapahinga, humarap na ako sa laptop.

 

Past 12, pagkatapos maligo, lumabas ako para magpagupit sa suking parlor. May mga naunang kliyente kaya hindi agad ako naisalang. Alas-3 na ako nakauwi.

 

Umidlip muna ako bago nag-workout. Mula 4:45 to 6:45 pm. Two hours din. Hindi ko na tuloy naituloy ang pagsusulat ng nobela. Sobrang init pa naman.

 

Maaga sana akong inantok at nahiga, pero dahil sa sobrang init  hindi rin naman agad ako nakatulog. Ang sarap sumigaw lalo na't wala ring respeto ang isang kabahayan nang hanggang past 10 sila nag-karaoke. Haist! Ang sarap magwala.

 

 

Agosto 19, 2024

Parang ang light ng tulog ko. Nananaginip ako pero alam kong gising ako-- naiinitan, kaya pabaling-baling ng higa. At namalayan ko na lang, 3 am na dahil sa alarm. Alam kong kapos na naman ang tulog ko.

 

Five-thirty, nasa school na ako. Wala ngayon si Ma'am Vi kasi namatay ang kaniyang ina. Nagpalitan pa rin kami ng klase kahit absent siya. Maayos naman naming nairaos ang mga kani-kaniya naming klase. Kaya lang, biglang nag-declare ng suspension of classes ang city mayor dahil sa smog ng Taal. Mga past 11, nagkaingay na ang mga klase. Bad trip ako sa Love. Pinamura at pinasigaw na naman nila ako.

 

Maaga akong umuwi dahil sa suspension. Postponed din ang training ko sa writing. Past 3 nasa bahay na ako. Gusto ko sanang matulog, pero hindi naman ako inantok. Sa halip, nag-record ako ng quizzes. Saka ipina-register ko si Jhaylo kay Ma'am Mel sa GTA. Siya ang trainer nito. Nagawa naman niyang i-register ito. At pinahikayat ko sa kaniya si Sir Ren na i-register naman si Marian.

 

Natanggap ko na ang codes sa Grade 1 and 2 entries ko. Ang kulang na lang ang sa Grade 3 , gayundin ang sa Category 6. Sana makapasok iyon.

 

Past 5, nag-workout ako. Medyo nasasanay na ang katawan ko. Naaadik na rin ako. Sana magtuloy-tuloy na ito.

 

Before 9:30, hindi pa tapos ang pinanonood kong teleserye, natulog na ako..Sobrang antok ko na. Mabuti, tahimik na ang paligid, pati ang mag-ina ko.

 

 

 

Agosto 20, 2024

Past 4 na ako nakalabas sa bahay dahil sa kahihintay sa announcement ng suspension of classes. Nakakabuwisit. Baka kung kailan nakapasok na ako, saka na naman mag-aanunsiyo. Pati mga magulang, nababaliw na sa anunsiyo.

 

Hindi talaga na-suspend ang mga klase, pero 16 lang ang pumasok sa VI-Love. Okey lang naman para hindi masyadong marami ang sasawayin ko.

 

Sa buong Grade Six, ang advisory ko ang may pinakakaunting attendance. Gayunpaman, tuloy ang palitan ng klase. Hindi ako masyadong na-stress ngayong araw.

 

After class, nagpakita sa akin si Marian para magsulat ng kuwento. Ipinakita ko ang proof na registered na ang title at buod ng kuwento niya. Hanggang alas-tres kami sa classroom ni Ms. Krizzy. Pagkatapos kong umidlip, simabayan ko siyang magsulat. Sinimulan kong isulat ang entry ko sa Grade 3.

 

Dahil dumating na ang PBB, namili ako ng mga prutas sa PITX bago umuwi. Bumili rin ako ng fruit shake doon.

 

Nag-workout na agad ako ilang minuto ang lumipas pagdating ko sa bahay. Wala pa noon si Emily. Past 7:30 na ako natapos. Gutom na gutom ako, pero hindi pa naka-ready ang ulam. Iinitin na lang naman niya ang sabaw.

 

Past 9, hindi ko na naman natapos ang 'Pamilya Sagrado,' natulog na ako. Sobrang antok ko na sa mga sandaling iyon. Pero maingay pa ang mag-ina. Inuubo si Ion. Kaka-cell phone daw nito, anang asawa ko. Pinababangon niya para magtimpla ng First Vita Plus.

 

 

 

 

Agosto 21, 2024

Tuloy-tuloy naman ang tulog ko. Hindi nga ako nagising para umihi, pero nang tumunog ang alarm, parang ang bigat ng katawan ko. Gayunpaman, kailangan kong bumangon at maghanda sa pagpasok. Hayun nga, alas-4 ay nakaalis na ako sa bahay.

 

Nakaidlip pa ako sa classroom ko bago nagklase. Ang iingay lang ng Love, kaya ang babaw lang ng tulog ko.

 

Maayos kong naituro ang aralin ko sa Filipino. Masaya ako kasi natuto ang karamihan. Kaya lang nang malapit na ang uwian, bad trip na ako mga cleaners. Hindi maayos ang kanilang paglilinis. Naabutan pa kami ng Grade 5. At mas lalo akong nanggigil nang ikuwento ni Sir Rey ang pagpapatawag at pagkausap sa kaniya ng principal. Anito, magka-roommate pala kami. Maglinis at mag-decorate daw kami, hindi panay hingi.

 

Gaga, ampota! Squammy magsalita. Hindi nga ako agree sa contests niya, at sa classroom decos. Ang hinihingi ko ay TV para sa teaching-learning process, para sa mga estudyante, at printer para sa lahat. Obligasyon niyang i-provide, pero hindi ko tungkuling sumali sa contest. Hindi mahirap gawin iyon dahil maraming unit. Kulang lang talaga siya sa tamang kaisipan. Mahina ang disposiyon at may poor leadership.

 

Kahit gusto kong sumugod sa principal's office, nagawa ko pang mag-train ng bata para sa national writing contest. Nagpokus ako sa training hanggang 3 pm.

 

Wala pang 5 pm, nasa bahay na ako. Wala rin si Emily, kahit may sakit si Ion.

 

Nagmeryenda muna ako bago nag-workout. Past 7, tapos na ako. Wala ka akong nagawang school work maliban hanggang sa matulogh ako bandang past 9.

 

 

 

Agosto 22, 2024

Past 2, gising na ako. Sinubukan kong matulog uli, pero hindi ko na nagawa. Sa halip, bumangon  na ako. Bago ako bumaba, nag-reply muna ako sa GC ng VI-Love. May parent na magpapakain sa mga bata dahil birthday ng anak. Nais din niyang i-treat ang teachers sa kanilang Samgyup resto.

 

Nag-reply din ako kay Ma'am Vi, na nangungumusta kung nabigyan na kami ni Sir Rey ng tv. Kaya ikinuwento ko sa kaniya ang sinabi ni Sir Rey sa akin kahapon. Naunawaan niya ako at ang maruming classroom.

 

Nag-Hi din ako kay Janelyn. May two deleted messages siya sa akin kagabi. Naisip kong baka may issue siya sa akin. O kaya baka pinalalayas na ako o ang mga gamit ko sa dati kong classroom.

 

Maaga akong nakarating sa school. Nagawa ko pang sabihan ang mga estudyante na magsuot ng foot rag o magtanggal ng sapatos bago pumasok. Na-reorganize ko rin ang mga upuan.

 

Maayos naman ang pagtuturo ko sa lahat ng section. Naisingit ko pa ang pag-announce ng Buwan ng Wika culminating program at mga contests. Tinawagan ako ni Ma'am Vi na dapat isagawa namin ito. Sa una, parang hindi ko kayang gawin, pero tinanggap ko na at nagustuhan, lalo na't interesado naman ang karamihan ng Grade 6.

 

Bandang 9, may nag-celebrate ng birthday sa amin. Nagpakain sa mga kaklase. Inalok din kaming mag-Samgyup ng mga magulang nito sa kanilang restaurant. At dahil pupunta kami sa burol ng nanay ni Ma'am Vi, kumain muna kami roon. Grabe, busog na busog ako kahit parang kaunti lang ang nakain ko.

 

Bumalik kami sa school para maghintay ng oras. Six pm pa kasi mailalagak ang mga labi ng nanay ni Ma'am Vi sa.St. Peter Chapel sa Imus. Wala kaming mapagtatatambayan doon.

 

Past 4:30 na kami bumiyahe. Kasama namin sina Ma'am Anne at Ate Ging. Past 6 na namin nahanap ang chapel.

 

Nilibre kami ni Ma'am Vi ng dinner  sa kainan sa tapat ng chapel. Hinintay namin na dumating si Sir Jess. Ang saya-saya ng kainan, kuwentuhan, at kulitan namin.

 

Then, bumalik kami sa chapel. Nandoon si Ma'am  Loida at anak niya. Nagkuwentuhan uli kami. Nauna siyang umuwi. Kami, mga 11 na. Before 12, nasa bahay na ako. Past 12:30 na ako natulog.

 

 

 

Agosto 23, 2024

Kahit paano ay mas mahaba-haba ang tulog ko ngayong araw. Past 7 na iyon nang magising ako. Past 8 na ako bumangon para mag-almusal. Paalis na rin si Emily.

 

Bago ako nag-record ng mga quizzes ng mga estudyante, naglagay muna ako ng kasoy cream sa mga skin tag at nunal ko sa mukha at leeg. Ang hapdi! Ang tagal matapos. At nang makita ko sa salamin ang mukha ko, grabe ang pagkasunog. Ang lalaki ng sugat. Natakot ako at nagsisi. May lakad pa naman ako bukas. Makikita ako ng mga ka-Tupa ko na parang may MPox.

 

Hapon, natulog ako hanggang past 4. Ang sarap sa pakiramdam. Unti-unti ko na ring natanggap ang nangyari sa mukha ko. Tiis-pogi  kumbaga. Alam kong matutuyo at magiging maayos na ang mukha ko.

 

Hapon, inayos ko ang mga entry sa GTA 2024 ng mga estudyante ko. Si Ma'am Madz ang nakapag-register agad kay Rhian. Sina Sir Joel K at Ma'am Wylene na lang.

 

Nakapag-post din ako sa Babasahin ng akdang diyalogo ng isang estudyante ng VI-Love.

 

Past 6, nag-workout ako. Gumugol ako ng dalawang oras. Nanonood din ako ng balita. At habang nagpapahinga, nanood ako ng mga sinusubaybayang kong teleserye.

 

Bago ako natulog, gumawa muna ako ng lesson plan sa Numero, gayundin ng worksheet na isi-send ko bukas dahil asynchronous ang klase namin.

 

 

 

 

Agosto 24, 2024

Napakaaga kong nagising. Quarter to six pa lang yata iyon. Hindi na ako nakatulog uli. Past 7, bumangon ako para mag-send sa mga GC ng Numero worksheet.

 

Problema ko pa rin ang mga sugat ko sa mukha. Nabakbak ang ibang langib, pero halatang-halata pa rin.

 

Past 9, umalis na ako sa bahay. Past 11 na ako nakarating sa Food Club. Nakasabay ko si Ma’am Mel sa paghanap sa venue. Naroon na sina Ma’am Edith, Sir Erwin, Ma’am Joan, at Kuya Allan. Nahuling dumating sina Putz at mag-ina niya.

 

Nalula ako sa dami ng pagkain. Andami ring tao. Ang tagal naming nakapila. At siyempre, hindi ko na naman nasulit ang P988. Sa dami ng pagpipilian, hindi ko naman nakain lahat. Bukod pa roon, masakit ang ngipin ko. Hindi ako makanguya nang maayos.

 

Pagkatapos naming magsawa sa mga pagkain, pumunta kami sa burol ng nanay ni Ma’am Vi. Sa hindi inaasahang pagkakataon, wala siya roon, kaya kami-kami na lang ang nagkuwentuhan bago kami umuwi. Ibinaba nila ako sa SM Bacoor. Tamang-tama iyon dahil bibilhan ko ng payong si Ion at sinturon si Emily. Past 5 na ako nakarating sa bahay. Nag-workout ako pagkatapos kong magpasa ng IDLAR sa Numero.

 

Grabe! Nanalo si Sir Randy sa Instabright Creative Writing contest. Third place siya. Ang suwerte niya. Ginamit niya ang kuwentong ipina-edit niya sa akin. Pangako niyang babayaran niya ako kapag nakatanggap siya ng differential. Sana nga.

 

Ten-thirty, nag-off na ako ng wifi. Nakapagdugtong pa ako sa isang kabanata ng nobela ko. May nakita rin akong patimpalak ng pagsulat ng tula sa LIRA. Naging interesado akong sumali. Sana makasali ako.

 

 

 

Agosto 25, 2024

Past 6:30 ako nagising, pero past 7 na ako bumangon para magsimulang maglaba. Mabuti, bumangon naman si Emily para maghanda ng almusal. Hayun, before quarter to 9, tapos na akong maglaba. Humarap na agad ako sa laptop para sa mga susulatin ko.

 

Past 10, nakapag-post ako ng isang chapter ng nobela sa Inkitt. Saka ako naligo. Pagkatapos niyon, ipinagpatuloy ko naman ang kuwentong pambata na isasali ko sa GTA 2024. Natapos kong isulat ang draft bandang 12 ng tanghali. Babasahin ko ulit iyon pagkalipas ng ilang araw, saka isasagawa ang editing.

 

Pagkatapos kong umidlip, nagsulat na ako ng kuwentong pambata para sa GTA. At bandang 5:20, naisulat ko na ang draft ng ‘Ngumingiti na si Sittie.’

 

Pagkatapos magmeryenda bandang alas-singko y media, nag-home workout na ako. Natapos ako after two hours.

 

Pagkakain, humarap na uli ako sa laptop para magsulat ng nobela. Sasamantalahin ko na ang long weekend.

 

Quarter 10 ten, huminto na ako sa pagsusulat. Almost done na ang isang chapter. Bukas ko na lang itutuloy at ipo-post. Antok na antok na ako, e.

 

 

 

Agosto 26, 2024

Past 7 ako nagising, pero hindi agada ko bumangon. Sa kahihintay kay Emily upang siya ang unang bumangon, inabot kami ng almost 9 am bago nakapag-almusal. Masakit na ang tiyan ko habang kumakain. Haist!

 

Past 9:30, nai-post ko na sa Inkitt ang ika-93 na chapter ng nobela ko. Isusunod ko namang isulat ang entry ko sa GTA. Siyempre, naghanda muna ako ng DLL bago nagsimula. At nang sinimulan ko, tinuloy-tuloy ko ang pagsusulat nang walang distractions, kaya bandang 11:50, tapos ko na ang draft ng ‘Ang Bodegang Bayan ng Barangay Mabunga.’

 

Hapon, natulog ako. Ang sarap magpahinga. Kahit paano ay nakaidlip ako, sa kabila ng init. Nakapag-recharge ako.

 

Past 5 hanggang past 6, nagho-home workout ako. Isang oras na lang. Dati umaabot ako ng two hours.

 

Wala na akong ginawa after workout. Nanood na lang ako ng balita at teleserye hanggang sa antukin ako. Ready na ako sa pagbabalik-eskuwela after 4-day long weekend. Pero nang nahiga ako bandang 9:30, nahirapan akong matulog. Siguro 11 pm na ako nahimbing. Haist! Kulang na naman ako sa tulog.

 

 

 

Agosto 27, 2024

Eksakto 4 am, lumabas na ako sa bahay. Sinikap kong makasakay agad para makaidlip ako. Sus! Hindi yata ako nakatulog kahit isang minuto. Nakapikit lang ako. Ang bilis ng biyahe. Sa classroom na ako umildip, pero hindi na naman yata ako nakatulog kasi ang iingay ng VI-Love.

 

Naging maayos naman ang pagtuturo ko. Nagbasa ako ng kuwentong pambata bago nagturo at nagpagawa ng activity. Ang bilis din ng oras kaya kailangang mabilisan ang salita at kilos.

 

Pumasok sa classroom na tinuturuan ko ang PSDS na kinaiinisan ko para i-judge ang reading at Math corner doon. Hindi naman pumasok ang principal. Mabilis lang siya roon. Hindi ko siya inintindi. Nagpatuloy ako sa pagtuturo.

Nag-train ako ng estudyante sa pagsulat ng kuwentong pambata. Alas-dos na siya dumating kaya after one hour lang ay umuwi na kami. Maiksi lang ang naisulat niya.

 

Past 5 na ako nakarating sa bahay kasi tumingin-tingin ako sa ukay-ukay sa may Umboy. Wala akong napili. Puro jacket na may lumang style, maiinit, at makakapal na telang naroon. Naghahanap sana ako ng checkered polo. Wala naman.

 

Pagdating sa bahay, nagtsek at nagrekord ako ng mga papel ng mga estudyante. Hindi rin naman akp nakapag-workout agad kasi nakipag-chat ako kina Mareng Lorie, Ma'am Bel, at Ms. Krizzy.

 

Past 9:30, pagkatapos ng Pamilya Sagrado, natulog na ako. Good thing, nakatulog agad ako kahit malakas ang ulan.

 

Inulan na naman ang bisperas ng fiesta ni Tata Usteng!

 

 

 

Agosto 28, 2024

Ang himbing ng tulog ko. Tuloy-tuloy. Nagising na lang ako sa alarm. Thank God!

 

Nasa dyip na ako sa Baclaran, kasasakay lang, nang marinig ko sa isang teacher, na kasakay ko na sinabi niya sa mga estudyante na suspended na ang klase. Kaya pala kagabi, gusto kong um-absent ngayong araw. Sana pala sinunod ko ang instinct ko. Gayunpaman, pumunta ako sa school. Alam kong may mga kaguro akong nakapasok na rin. Hindi nga ako nagkamali. Naabutan ko sina Ma’am Vi at Ma’am Madz na nagkukuwentuhan.

 

Natuwa ako nang sabihin sa akin ni Ma’am Vi na ang napanalunan niyang TV ay ipakakabit niya sa classroom ko. Siyempre, hindi ako makapaniwala sa una. Sinabi ko pang kahit ang maliit na lang ang sa akin. Pero in-insist nila na para daw sa akin iyon. Nais ni Ma’am Vi na ipakita sa principal na hindi ito nagwagi sa maling desisyon nito.

 

Dumating na rin si Ma’am Wylene, kaya bago kami umuwi, pinuntahan muna namin si Sir Jess. Since siya ang OIC, ibinigay na kay Ma’am Vi ang 58 inches na Xitrix TV, at ipinabuhat naman ng AO sa mga janitors patungo sa room ko. Nagtatawanan kami kasi “Ako pa rin ang nagwagi!”

 

Isinabay na kami ni Ma’am Wylene sa kotse niya. Nakauwi ako bandang nine. Kagigising lang din ng mag-ina ko. Ako naman, natulog agad. Pagbangon ko, nakaalis na sila. Narinig kong umalis sila, pero hindi ko alam kung saan pumunta. Past 12 na ako nakapag-lunch. Mabuti, nagluto muna siya. Pagkakain ko, saka lamang ako nakapag-send ng gawain sa Filipino.

 

Bago mag-4, nakapag-upload ako sa YT ng video ng kuwentong pambata. Si Emily ang nag-VO niyon. Mabuti, dumating sila bago mag-3 pm. Wala kasi sa mood ang boses ko. Pagkatapos nito, nagsulat ako ng nobela, at gumawa ako ng PPT sa Filipino 6 para bukas. Sana may pasok na. Excited na akong magamit ang TV sa classroom ng VI-Love.

 

Hindi muna ako nag-home workout ngayon kasi masakit ang right lower back ko. Sana mawala na ito bukas.

 

 

 

Agosto 29, 2024

Nagulat ako pagpasok ko sa classroom kasi nakakabit ang 32 inches na Tv, sa halip na ang 58 inches na ibinigay ni Ma’am Vi. Tinawag ko agad siya upang sabihin iyon sa kaniya. Naisip na lang namin na naikabit na iyon noong Martes pa ng hapon. Natuwa na lang ako kasi nagbunga ang pagra-rant ko sa GC. Ayaw ko naman kasi talagang mapunta sa akin ang 58, since hindi ko naman iyon napanalunan. Wala naman akong effort kundi ang pagiging negative ko sa admin.

 

Nagamit ko rin ang TV sa pagtuturo after akong mahirapang magkabit ng HDMI. Pinahiram sa akin ni Ma’am Vi ang HDMI ng new TV niya. Mas madaling magturo kaysa ang walang TV.

 

Naiinis ako sa pagbabago ng Buwan ng Wika program. Hindi na raw puwedeng gamitin ang stage kasi may Holy Spirit Mass bukas. May mga magpi-perform pa namang mga estudyante. Sigurado rin akong marami ang magsusuot ng costume. Nakakainis! Nagbago rin ang prizes. Mas mababa na. Ako ang mapapahiya sa mga estudyante, e.

 

After class, agad akong kumain para ihanda ang sarili ko sa pagpunta ni Benjo para sa aming last time na pag-edit ng kuwento niya. Mabuti, dumating siya bandang ala-una. Natapos namin iyon bandang alas-tres. Umuwi agad ako.

 

Past 5 na ako nakauwi sa bahay kasi nagtingin-tingin pa ako ng bibilhin sa mga tiangge ng Tanza Town Fiesta. Nakabili ako ng mga kakanin, worth P150, at ethnic necklace at black beads na pulseras—worth P150 ang dalawa.

 

Pagkatapos kong magmeryenda, nag-record ako ng mga quizzes. Then, nag-home workout. Past 7 na ako natapos. Nakagawa pa ako ng slides para sa Buwan ng Wika Closing Program at Patimpalak sa Pagsulat ng Kuwentong Pambata.

 

Maaga akong nag-off ng wifi ko, pero gising pa ang mag-ina ko. Naistorbo ako kaya, binunot ko ang saksak ng router. Mga past 10 na rin siguro ako nakatulog.

 

 

 

Agosto 30, 2024

Medyo tinanghali ako ng dating sa school. Nasa classroom na ang ilang estudyante ko nang dumating ako. Nagkakagulo at nagkakaingay na sila. Natuwa naman ako dahil may ilang nakasuot ng kasuotang Pinoy kahit hindi naman magpi-perform.

 

Ang gulo pa rin ang plano ng culminating activity. Uunahin ang Holy Spirit Mass, kaya sa classroom pa rin kami. Pero mabuti na lang, sa baba pa rin ang bagsak. Bababa ang mga Grade 6 para sa misa, kaya pagkatapos niyon, isusunod na naming ang program.

 

Nakakatuwa ang mga performers dahil kahit sila-sila lang ang nagpraktis, okey naman ang performance nila, maliban sa dalawa kong pupils na hindi nakuha ang tamang paraan ng storytelling. Nahiya tuloy ako. Pinatigil ko ang isa, at sinabi kong ituloy na lang niya per classroom sa pagkakaklase ko. Ang totoo, wala namang nakikinig sa kaniya. Parehong mahinang magbasa. Mahina ang boses, at walang damdamin. Haist! Lesson learned. Kailangan kong praktisin bago iharap sa audience.

 

Nagbigay ng pagkain si Ma’am Leah G, kaya bago kami nagpababa ng mga bata ay busog na kami. At pagbaba ko, may kainan sa Grade 1. Nagpakain si Ate Bel. Nakikain ulit ako. Andami ko pang na-Sharon. Siya naman ang nagbigay sa akin. 

 

Past 4 na ako nakauwi sa bahay. Hindi na ako nakatulog. Agad akong nagbasa ng mga ipinasang kuwento ng mga sumali sa patimpalak. Siyempre, bigo akong makahanap ng winning entries, pero may mga napili akong magagandang ideya, kaya bibigyan ko sila ng incentives.

 

Bago ako nag-workout, gumawa muna ako ng Learning Log sa Numero para bukas. Maaga akong natulog. Nag-alarm ako ng 4 am.

 

 

 

Agosto 31, 2024

Mabigat ang katawan ko nang bumangon ako, pero pinilit ko ang sarili. Hindi ako puwedeng um-absent. Wala ring chance na mag-declare ng suspension kasi hindi naman umuulan. At hayun nga, nagawa ako namang maghanda sa pag-alis. Past 5, naglalakad na ako patungo sa tricycle terminal.

 

Nag-almusal ako sa PITX, kaya pagdating ko sa school, bago mag-seven, nakagawa pa ako ng PPT ng lesson ko. May nagawa rin akong drill.

 

Thirteen lang ang pumasok sa klase ko. At dahil may bisita—si JT raw, binigyan ako ng Grade 4 ng dalawang estudyante nila para mabuo ang 15. Mabuti, pumayag naman ang 2 batang iyon. Nag-enjoy naman sila sa games ko.

 

Nakaraos din sa 3 oras na klase. Agad kaming nananghalian. For the first time, nagkasalo-salo kaming apat na implementers.

 

Pagkatapos kumain, itinuloy ko ang paglipat ng mga gamit ko, mula sa 4th floor hanggang 5th. Naipuwesto ko naman nang maayos ang mga abubot ko. Masikip na ang classroom namin ni Sir Rey, pero kasya pa naman ang 44 na estudyante ko. Bahala na.

 

Past 2, tapos na akong maglinis sa silid ko. Umuwi na ako.

 

Umidlip pa ako sa PITX. Peste kang ang langaw roon kasi kinakagat ako. Nagigising ako, kaya umuwi na lang ako. Sa bus naman ako nakaidlip. Muntikan na akong lumampas. Mabuti, ginising ako ng katabi ko.

 

Bago mag-six, nakapagpasa ako ng pre-test result na hinihingi ng focal person namin sa Numero. Isinunod ko na ang home workout.

 

Kahit Linggo bukas, hindi na ako nagpuyat. Past 10, antok na ako, kaya pinagbigyan ko ang sarili ko. Kailangang mabawi ako sa anim na araw na puyat.

 

 

 

 

 

 

Wednesday, July 31, 2024

Ang Aking Journal -- Hulyo 2024

 

Hulyo 1, 2024

Quarter to 8 ako nang magising. Past 8, nasa baba na ako para magkape. Eight-thirty na ako nagluluto ng almusal.

 

Ang bilis ng araw! Akalain mo, tapos na ang isang buwan na mandatory teacher’s leave. Haist, magbibilang na ako ng araw para sa nalalapit na school year.

 

Three-thirty, pagkatapos manood at umidlip, natapos ko na ang isang chapter ng nobela.

 

After dinner, nag-edit ako ng nobela kasi may napansin akong discrepancy sa sinusulat kong chapter. Past 10:30 na ako tumigil para umakyat na. Nag-post din muna ako ng isang chapter.

 

 

 

Hulyo 2, 2024

Wala pang 7, gising na ako. Ang babaw ng tulog ko, ang gaganda ng panaginip ko—parang totoo. Wala pang 8, bumaba na ako para maghanda ng almusal ko. Scrambled eggs, daing na isda, at kanin ang almusal ko. Busolb!

 

Eight-thirty, humarap na ako sa laptop para magsulat. Past 12:30 na ako nakapag-post ng isang chapter.

 

Habang nanonood ng Showtime, inantok ako, lalo na’t mahina ang signal ng wifi. Paggising ko, bandang 3, saka ko ipinagpatuloy ang panonood. Isinunod ko na ang pagluluto ng ‘pinakro.’ Matagal na rin ang huli akong nagluto nito.

 

Past 6:30, nakapagsulat naman ako ng isa pang chapter ng nobela. Bukas naman ako magsusulat. Quota na.

 

Past 9:30, nasa kuwarto na ako. Hindi naman ako natulog nang maaga.

 

 

 

 

Hulyo 3, 2024

Grabe! Nine-twenty na ako nagising. Ang sarap matulog. Kundi lang pumangit ang panaginip ko, hindi ako magigising. Past 10 na tuloy ako nakapag-almusal. Ininit ko lang ang pinakro, na natira kagabi. Mabuti na lang nagluto ako niyon. May meryenda na ako, may dinner na, at may almusal pa.

 

Past 10:20, gumawa ako ng PPT ng kuwento para gawing video. Twelve-thirty ko na iyon natapos. Saka lang ako nakapaghanda ng tanghalian.

 

Pagkatapos kong maligo at manood ng Showtime, naglagay na ako ng audio sa PPT ko. Bandang 3:30, tapos ko na iyon.

 

Eight-forty-five ng gabi, nakapag-post ako sa Inkitt ng isang chapter ng nobela. Ngayon lang ako natagalan makatapos ng isang chapter. Andami kasing distractions. Nanood pa ako ng balita at BQ, saka bumili ng ulam.

 

Late na ako natulog kasi may nakipag-chat pang kaibigan sa aking akin. Napag-usapan namin ang kaibigan niyang may HIV. Nakapagtanong tuloy ako ng marami para sa nobelang sinusulat ko. Marami akong natutuhan sa kaniya.

 

 

 

Hulyo 4, 2024

Almost 8 na ako nagising. Naghanda pa ako ng almusal at susuotin ko, kaya almost nine na ako nakaalis sa bahay. Traffic pa kaya eleven na ako nakarating sa PZES. Hinintay ako nina Ma’am Mel, Ma’am Edith, at Ma’am Ivory doon. Natagalan pa ako sa pagpapa-photocopy ng ID ko. Gayunpaman, hindi na kami pumila. Naghintay lang kami ng kaunting minute, nai-release na ang P3000 sports allowance namin.

 

Nag-lunch kami sa KFC sa Libertad. Nakapagkuwentuhan kaming tatlo –ako, Ma’am Mel, at Ma’am Edith bago kami pumunta sa school para puntahan si Sir Erwin kasi pangako niya sa amin na magpapa-Samgyup siya pagdating ng pera.

 

Nainis ako kasi wala man lang siyang paramdam sa GC. Pagdating namin sa school, nakaalis na rin siya para kunin ang allowance niya. At sabi ng mga clerks na kasama pagpunta, umuwi na raw. Haist! Pagdating talaga sa pera, nagbabago ang ugali ng tao. Lesson learned para sa amin.

 

Past 3:00, umuwi na kami.

 

Sa sobrang antok, nakalampas ako sa Umboy. Sa Amaya II na ako nang dumilat ako. Bumaba ako sa Calibuyo. Past 6 na ako nakarating sa bahay. 

 

Pagkatapos kong maghapunan, nagsulat na ako ng nobela. Ginawa ko iyon habang patalastas ang mga teleseryeng pinanonood ko. Kaya bandang 10 pm, nakapag-post na ako sa Inkitt.

 

Almost 12:30 na ako natulog dahil sa kakapanood ng edited version ng Tiktok Live.

 

 

 

 

Hulyo 5, 2024

Grabe! Alas-nuwebe na ako nagising. Ang sarap matulog, palibhasa umulan kagabi o sa madaling araw. Basta! Nabulahaw din ang tulog ko kaya nag-adjust ang gising ko.

 

Ten, nagsusulat na ako. Inuna ko ang pag-edit sa kuwentong pambata ni Sir Randy.

 

Past 1:30 yata iyon nang matapos kong maisulat ang isang chapter. Dahil malamig ang panahon, umakyat ako sa kuwarto para matulog. Hindi naman ako nabigo. Past 4 na ako nagising.

 

Pagkatapos kong magmeryenda, ipinagpatuloy ko ang pag-eedit o pagsusulat ng kuwento na ibebenta ko kay Sir Randy. Medyo gumanda na ang dati niyang kuwento. At marami pa akong nais idugtong upang lalong gumanda.

 

Past 6 na ako nakaligo. Tinamad akong maligo kanina dahil sa antok, Grabe. First time ito mangyari sa akin.

 

Before 7, lumabas ako para i-withdraw ang FA. Bumili na rin ako ng pagkain pagbalik ko. Past 7:30 na ako nakapagsaing. Naglakad kasi ako pauwi.

 

Bago mag-alas-diyes, naipasa ko na kay Sir Randy ang Word Doc ng kuwento niya na “Ang Bangka ni Mario.”

 

Kahit past 10 ay nasa kuwarto na ako para magpaantok, hindi pa rin ako dinalaw ng antok. Nagpatay nga ako ng wifi, nagbukas naman ako ng data maya-maya. Umabot yata ako ng past 1:30 bago nakatulog.

 

 

 

 

Hulyo 6, 2024

Wala pang 8, gising na ako. Binati ko sa chat si Ion. Birthday niya ngayon. Fourteen na siya. Grabe! Ang bilis ng panahon.

 

Past 9, nakapag-almusal na ako. Nagsimula na akong magsulat. Past 12 ko na natapos ang isang chapter.

 

Pagkatapos kong manood ng isang segment ng noontime show, natulog ako sa kuwarto. Past 3 na ako nagising, pero five na ako bumaba para magmeryenda.

 

Gabi, sinimulan kong mag-digital illustrate ng mga larawan ng kuwentong pambata ko na “Bakit Nakakaiyak ang Sibuyas?’ Quarter to eight, nakaisang page na ako, at naiayos ko na ang mga text.

 

Ten o’ clock ako umakyat para magpahinga. Nakatapos ako ng tatlo’t kalahating pahina sa digital illustrations ko, kasama ang cover. Bukas naman ang iba.

 

 

 

Hulyo 7, 2024

Para akong adik kaninang madaling araw. Sobrang babaw ng tulog ko. Ni hindi nga siguro ako nakatulog kahit sampung minuto. Past 4, nag-cell phone na lang ako para antukin. Mga 5:30 na siguro ako inantok. Past 8:30 ako nagising, at nine-thirty na ako bumangon.

 

Pagkatapos mag-almusal, nag-digital illustrate na ako. Past 3 na ako tumigil para magsulat naman ng nobela. All-in-all, may 8 illustrations na ako.

 

Bandang 6:15, pagkatapos kong umidlip, natapos ko nang isulat ang isang chapter ng nobela ko. Nag-digital illustrate naman ako.  Bago mag-8:30, huminto na ako, since mabagal na ang PPT. Pagod na rin ang kamay ko.

 

Umakyat na ako bandang alas-nuwebe. Sana antukin ako agad.

 

Past 12 na ako nag-off ng wifi para matulog.

 

 

 

 

Hunyo 8, 2024

Past 9 na ako nagising. Gusto ko pa sanang matulog, pero hindi na kinaya.

 

Past 10:30, nakapag-almusal na ako. Nag-start na akong gumawa sa laptop. Digital illustrations muna ang inuna ko.

 

Lumabas ako para bumili ng gulay na langka, na pangpares ko sa pritong idsa, bandang 12:30, matapos kong magawa ang pang-11 na illustrations.

 

Pagkatapos kong maligo at manood ng Showtime, bandang 2:20, nagsulat ako ng nobela. Quarter to five, natapos ko na ang isang chapter.

 

Bago mag-ten, nag-off na ako ng laptop. Medyo masakit na ang ulo at mata ko. Kailangan ko nang umakyat para matulog.

 

 

 

Hulyo 9, 2024

Grabe! Hindi na naman maayos ang tulog ko. Hindi ko alam kung panaginip ba ang mga iyon o mga iniisip ko. Para kasing totoo. Parang hindi ako nakatulog. Kaya naman, 9:40 na ako nagising. Past 10 na ako nakapag-almusal.

 

Sa kabila ng puyat, naglinis muna ako sa kusina at sala. Nag-disinfect ako. Ayaw kong mapulaan ni Emily pagdating niya mamaya. Mga past 11:30 na ako natapos. Nakapagdilig na rin ako ng mga halaman.

 

Past 4, dumating na si Emily. Good mood niya. Dinalhan niya ako ng secondhand na blackvelvety shoes, na puwedeng pangpasok sa school. After an hour, tapos ko na ang digital illustrations ng ‘Bakit Nakakaiyak ang Sibuyas?’ Agad ko ring nilagyan ng voiceover para mai-upload ko na sa YT.

 

Before 6, tapos ko nang lagyan ng audio ang kuwento. Saving as MP4 na lang ako, saka ako nag-post. Productive na ang bakasyon ko.

 

Past 10, umakyat na ako para magpahinga, pero pagdating sa kuwarto, nanood pa ako ng Reels hanggang 12. Nahirapan na naman akong matulog.

 

 

 

Hulyo 10, 2024

Quarter to nine ako nagising, pero kulang na kulang ang tulog ko. Ang sakit ng ulo at mata ko. Siguro, kailangan ko nang tanggalin ang blackout curtain sa kuwarto ko.

 

Mga 10 am na nakaalis si Emily patungo sa Smart Araneta para sa 22nd year anniversary ng First Vita Plus. Sana maiuwi niya ang milyong papremyo dahil birthday niya ngayon. Binigyan ko nga rin siya ng P500 para may pangkain siya.

 

Pagkatapos kong maglinis ng lumot sa garden, naligo ako’t nagpagupit. Past 12 na ako nakauwi sa bahay. Nagsulat naman ako ng nobela. Mga 6 pm na ako nakapag-post sa Inkitt kasi umidlip muna ako hanggang past 3 at nanood ng kung ano-ano sa FB.

 

Past 7, lumabas ako para puntahan o sorpresahin ang kaibigan ko sa Bagbag, Rosario na may computer shop. Kaya lang ako ang nasorpresa. Wala siya roon at hindi siya nag-reply sa chat ko. Okey lang. Kumain na lang ako milktea-han sa tabi ng shop niya, saka umuwi. Before nine nasa bahay na ako. Nakapanood pa ako ng BQ at PS.

 

Quarter to 12 na nakauwi si Emily. Hindi siya nabunot sa raffle. Okey lang naman. Natulog na rin ako agad.

 

 

 

Hulyo 11, 2024

Past 8 na ako nagising. Medyo Maganda na ang tulog ko ngayon. Past nine na ako bumaba para mag-almusal.

 

Bago ako nagprito ng isda para sa lunch, gumawa ako ng video, gamit ang isang kuwentong pambata, na downloaded ko sa isang free website. Posted na rin bago mag-11:30.

 

Bago mag-12, umalis na naman si Emily. May meeting daw sila sa FVP office.

 

Pagkatapos manood ng isang segment sa Showtime, umakyat ako para matulog. Umuulan, kaya malamig-lamig sa kuwarto. Past 3 na ako nagising.

 

Four-thirty, pagkatapos magmeryenda, nagsulat ako ng nobela. Past 10 pm na ako nakapag-post sa Inkitt kasi lumabas pa ako para bumili ng mga sangkap, nagluto pa ako, kumain, naghugas, at nanood. 

 

 

 

Hulyo 12, 2024

Quarter 8 ako nagising, pero hindi agad ako bumangon. Paalis na naman si Emily, kaya siya ang naghanda ng almusal. Past 9 na siya umalis, habang kumakain ako.

 

Pagkatapos mag-almusal, nag-karaoke muna ako. Before 10 naman, dineklara ko sa GC naming magkakapatid na sagot ko na ang resort para sa 75th birthday ni Mama. Sila kasi ang naglapag ng menu list. Kaya na-excite sila. Pinahanap ko na sila ng accessible na resort.

 

Bandang 12:40, nagsulat ako ng nobela pagkatapos kong maligo at kumain. Past 6:30 na ako nakapag-post kasi natulog ako at nanood ng videos sa FB.

 

Before 7, lumabas ako para mag-withdraw. Inabutan ako ng ulan pagbaba ko sa tricycle, kaya imbes na mamimili ako ng sangkap para sa kangkong sisig, bumili na lang ako ng lutong ulam. Bukas ko an lulutuin iyon.

 

Past 9 na nakauwi si Emily.

 

 

 

 

Hulyo 13, 2024

Dahil almost 1 am na ako nakatulog, 8:45 am naman ako nagising. Kundi pa pumasok si Emily sa kuwarto, hindi pa ako magigising. Ang sarap matulog! Mami-miss ko ito kapag pasukan na. Bukas lang, magsisimula na akong gumising nang maaga dahil may Matatag seminar kami for one week. Haist!

 

Past 10, lumabas ako para bumili ng pansahog sa kangkong sisig. Sinimulan ko nang ihanda pagdating ko. Isiningit ko sa pagluluto ang paggawa ng PPT o pag-illustrate ang kuwentong pambata kong ‘Ang Kambal.’

 

Alas-dos, pagkatapos manood at maligo, itinigil ko muna ang digital illustration para magsulat naman ng nobela. Gabi ko na natapos ang isang chapter kasi agad rin akong inantok nang nakapagsulat na ako ng 200 words. Kaya ko naman sanang tapusin agad, pero may mga isinisingit-singit kasi ako.

 

Past 10, ready to go to bed na ako. Nakadalawang slides na ako sa ginagawa kong PPT o digital illustrations. Worth it naman para sa araw na ito.

 

 

 

 

Hulyo 14, 2024

Ang aga kong nagising. Nag-adjust na agad para sa pasukan. Mabuti na lang, nakatulog ulit ako sa loob ng 30 minutes. Past 8 na ako bumaba para maghanda ng almusal.

 

Nine-thirty, humarap na ako sa laptop para gumawa. Inuna ko ang digital illustration. Marami-rami rin akong nagawa bago ako huminto para maligo at maglaba. Bandang 2 pm, nakasalang na sa washing machine ang kakaunti kong labahan.

 

Before 3:30, nakapag-post ako ng isang kabanata ng nobela. Mabilis lang ako ng nakapagsulat kasi nag-recycle ako ng chapter. Memory lang ng isang tauhan. Ginamit ko ang chapter na na-recover ko sa WP. Magsusulat uli ako para umusad ang kuwento ng mga tauhan.

 

Six-thirty hanggang 8 pm, nag-karaoke ako. Sabi ko kay Emily, naghahanda ako para sa birthday celebration ni Mama.

 

Nine-thirty, natapos ko nang isulat ang ika-82 na chapter ng nobela ko. Ready na rin ang isusuot ko bukas. Naplantsa ko na ang polo ko. Ready to sleep na ako.

 

 

 

Hulyo 15, 2024

Alas-singko, tumunog na ang alarm ko. Mabuti, nakatulog ako kahit apat na oras. Past 6, nakaalis na ako sa bahay. Past 8 na ako nakarating sa venue ng Cluster-Based Training for Teachers on the Matatag Curriculum dahil sa bagal ng bus na nasakyan ko. Traffic pa. Okey lang naman kasi nananalangin pa lang naman. Nainis lang ako kasi sobrang sikip ng venue.

 

Bukod sa masikip, andami pang kaartehan sa seminar. Masikip nan ga, nagpasayaw pa. At nang nag-health break, hindi man lang in-announce ang sistema sa pagpila sa pagkain. Ang haba ng pila sa lugaw. Puwede namang by school na lang ang pila. Nainis talaga ako kaya nasabi ko na “walang sistema.”

 

Mabuti na lang, naging maayos na nang lunch na. At nag-breakaway session bandang 2:30. Maluwag na kami sa isang classroom. Kaya lang, malayo na kami sa tubig at kape.

 

Naging maayos naman ang unang araw ng seminar. Sana maging okey pa sa mga susunod na araw.

 

Nakauwi ako bandang 7 pm.

 

Bago mag-ten, nakasulat ako ng isang chapter ng nobela. Isinulat ko iyon habang patalastas ang mga pinapanood kong teleserye.

 

 

 

Hulyo 16, 2024

Nagising ako apat na minuto bago ang naka-set kong alarm. Hindi naman ako excited sa seminar, kaya nakatulog ako nang medyo mahimbing.

 

Past 5:30, nakaalis na ako sa bahay. Seven-thirty ako nakarating sa JRES. Nakita ko si Ms. Krizzy, kaya nagkaroon kami ng coffee bonding. Naroon din sina Ma'am Hannah at Ma'am Judy.

 

Second day na ng training. Noong umaga, nangangapa kami dahil ang hirap ng pinagagawa sa amin, pero nang ma-gets na, napakadali na lang.

 

Hapon, sa presentation of output, nagpakitang-gilas ako sa pag-share ng aking teaching practice. Humanga pala sila sa akin, kaya nang lumabas ako, at pagbalik ko, hiniritan nila akong mag-demo teaching. In-offer-an na ako, pero dahil may division demo certificate na ako, hindi ko na tinanggap. Subalit ngayong araw, dahil interesado nilang makita akong magturo, pinagbigyan ko sila.

 

Past 6, nakauwi na ako. Mas maaga ako ngayon kaysa kagabi, siguro dahil hindi umulan. Pasalamat naman ako kasi kailangan kong gumawa ng lesson plans para sa demo teaching ko.

 

Agad ko ngang sinimulan, pagkabihis ko. Dinner lang ang pahinga ko. Kaya bandang 10 , nakatapos na ako isang LP. Apat dapat. Nasimulan ko na ang pangalawa.

 

 

 

Hulyo 17, 2024

Quarter to 5 pa lang gising na ako. Thirty minutes after, nakaalis na ako. Kailangan kong makapagpa-cash in para mapadalhan ko si Hanna at Zildjian. Birthday ngayon ni Hanna. Kailangan naman ni Zildjian ng gamit para sa pagsisimula niya sa senior high school.

 

Past 7, nasa school na ako. Ako ang pinakaunang dumating sa aming grupo, pero hindi rin nagtagal dumating na sila paisa-isa bago nagsimula ang seminar. Inantok ako sa topic. Hindi ko na-enjoy. Mabuti na lang, bumalik kami sa breakout venue. Mas masaya kami roon sa small group. At mas nakakapag-share ako ng ideas. Gustong-gusto nga nila akong pinagsasalita. Good news din kasi hindi na ako magdedemo sa Friday. Okey lang kung nakapagsimula na akong gumawa ng lesson plan. Hindi naman masasayang iyon.

 

Past 4, tapos na kami sa seminar. Nakauwi ako sa bahay bandang 6:30.

 

Eight, nagsulat ako ng nobela. Isang araw din hindi ako nakapagsulat.

 

Past 9:30, pagkatapos ng Pamilya Sagrado, nag-off na ako nga laptop. Naka-363 words lang ako sa sinusulat kong chapter ng nobela. Kahit may ideya pa ako, hindi ko na muna isinulat. Pahinga naman. \

 

 

 

 

Hulyo 18, 2024

Bago mag-6, nakasakay na ako sa bus na patungong PITX. Doon na rin ako kumain ng malunggay pandesal. Past 9 na kasi sini-serve ang almusal sa seminar. Nagugutom ako nang husto.

 

Nakakatuwa ngayong araw. Bumida ako sa seminar.

 

Sa topic pa lang ng unang resource speaker—ang aming principal, nagpaepal na ako. Sa motivation niya, ano raw ang iw-wish ko sa genie tungkol sa classroom assessment. Nagtaas ako ng kamay. Sabi ko, “Puwede po bang magtanong na lang ako kay Genie, sa halip na mag-wish?” Pumayag naman siya.

 

“Bakit kailangan pa ang assessment kung ipapasa naman (lahat ang estudyante)?” Umani ako ng approval at applause. Maaaring may tumaas ang kilay, pero karamihan ay natuwa sa akin.

 

Sinagot iyon ng principal, pero hindi na iyon napansin ng mga guro dahil pinag-usapan nila ang sinabi ko. Tapos, nagtawag pa siya ng ibang wisher. Saka niya ako binalikan at itinanong, kaya mas nailabas ko pa ang saloobin ko. Kako, para saan ang assessment kung mass promotion naman. Noon nga, kapag hindi makabasa, hindi magmo-move. Ngayon, tambak na reading programs, pero kulelat pa rin sa PISA result. Dahil kahit ang estudyanteng letter or word reader, umangat man nang kaunti, passado pa rin. Ang resulta, hindi makasabay sa mga kaklase. Sabihin na nating ginawa na ng guro lahat, pero hindi talaga kaya ng bata dahil dapat nasa lower grade pa rin siya. Hindi naibibigay ang angkop na kasanayan para ma-address ang totoong problema.

 

Next speaker is the principal, I heard a corrupt one, but she’s a good speaker. Nag-share ako ng insights ko about writing a reflection at the end of the lesson plan. Kako, “In reality, hindi ko gingagawa iyan. Bilang na bilang lang sa daliri ko na ginawa ko iyan. Pero, araw-araw akong nagda-diary. Since 2006 hanggang ngayon, nagda-diary ako. Sa diary ko nilalagay dahil mas detalyado. Saka, sayang ang sinulat ko kung sa lesson plan ko ilalagay. Ipapakilo lang naman pagkatapos. Samantalang ang diary ko, puwedeng maging libro o memwa.” Nagtawanan sila sa sinabi kong pinapakilo, kasi iyon ang reality.

 

Last topic ay tungkol sa classroom observation. Mag-share daw ng experience tungkol sa class observation. Bago pa may unang tinawag, desidido na akong magtaas ng kamay. Isa pa, malakas ang loob ko dahil gusto ng mga kasamahan ko sa Filipino na magsalita ako o sabihin ko ang sinabi ko sa kanila kahapon. Hayun nga! Pagkakuha ko sa inabot na mikropono, umakyat ako sa entablado. Doon pa lang natawanan na sila sa akin.

 

“Hello, Madlang People! Nagsuot ako ng face mask para hindi ako makilala. Mamaya naman magpapakulay na ako ng buhok para hindi niyo talaga akong makilala. Wala akong masamang karanasan sa mga class observations. Ito ay para sa lahat. Ito ay para sa mga heads. Hindi kami kampante na may nag-oobserve sa amin. Tama ba ako?” Sumagot sila ng affirmation. Ang lakas. Buhay na buhay. May nagpalakpakan pa.

 

“Mas magaling kami kung wala kayo!” Lalo silang naghiyawan.

 

“Hindi naman kayo kailangan para gumaling kami. Tama ba?” Sumagot uli sila ng affirmation. Marami pa rin ang natutuwa.

 

“Mas gusto namain ang informal observation. Iyong kunwari nagpupunas lang ng alikabok sa jalousy. Ang mga guro, magagaling na ‘yan. Ako, sa observation, ginagalingan ko pa para hindi ako mapulaan. Gusto kong positive naman ang feedback sa akin. Minsan kasi paepal din ako. Mahiyaan ako, pero paepal minsan. One time, nagsumbong sa akin ang kasamahan ko. Ramdam ko ang sakit sa puso niya kasi pinasok siya ng observer—unannounced, tapos na siya noon magturo. Kung ano-ano ang hinahanap. Not evident daw. Alam niyo ba, ako ang sumugod sa principal kasi ayaw kong maranasan iyon. Kayo nga observer, kung gusto niyong mag-judge ang kakayahan ang teacher pumasok kayo sa klase niya from start to end o kaya araw-araw niyo. Hindi iyong pumasok kayo for 3 minutes, or less, or more, pero na-judge niyo na ang guro na hindi magaling. Nakapa-unfair no’n. That’s all. Thank you!”

 

Umani ako ng palakpakan. Pagkatapos, sinabihan pa ako ng iba ng ‘Salamat!’ “Ang galing mo!’, ‘Tama ka, Sir!’ Nakilala ako nila. At sigurado akong titimo ako sa mga puso nila. Salamat sa Diyos dahil nasabi ko ang aking saloobin nang maayos at malaya.

 

Bukod sa papuri, papasalamat, at pride, nakatanggap din ako ng apat na chips at chocolate sticks as prizes sa bawat pag-share ko. Ibinigay ko ang malaking chips sa mga kasamahan ko. Naiuwi ko naman ang tatlo.

 

Masaya akong umuwi, lalo na’t nakasabay ako sa car ni Ma’am Joan. Nasabay rin si Ma’am Ivy.

 

Sa Tejero ako bumaba. Bumili ako ng sneakers sa isang boutique doon. Dalawang pares na for P999. Affordability over quality ang pinili ko. Every Friday lang naman ako magsusuot ng sneakers, e. Masaya na ako sa ganito. Besides, birthday gift ko na ito sa sarili ko.

 

Before 6, nasa bahay na ako. Wala si Emily pagdating ko.

 

Past 9:30, nakapag-post ako sa Inkitt ng isang chapter ng nobela. Sa wakas!

 

 

 

Hulyo 19, 2024

Nang nagising akong bandang 4:10, sinikap kong makatulog uli hanggang tumunog ang alarm ng 5:00, pero hindi na yata ako nakatulog. Bumangon ako bago mag-five.

 

Sa limang araw na pagbiyahe nang maaga, ngayon lang ako nag-almusal. Kahit kape at peanut butter sandwich lang, okey na 'yon hanggang 10, kung kailan sini-serve ang almusal.

 

Six-twelve, nasakay na ako sa bus. I'm wearing my new kimono-style clothing and my new high-cut sneaker. Suot ko rin ang kasiyahan sa araw na ito.

 

Labis akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa 44 years na ipinagkaloob niya sa akin. Masayang-masaya ako sa buhay na mayroon ako ngayon. Pangako kong pagbubutihin o ang serbisyo ko sa aming paaralan.

 

Bago ako nakarating sa school bandang 7:45, nai-chat ko sina Ms. Krizzy at Ate Bel. Niyaya ko silang lumabas. Pumayag naman sila. Nag-suggest ako na mag-Seaside Paluto kami, pero parang ayaw nila kasi mahal daw. Nag-suggest si Ms. Krizzy sa MOA. May alam daw siya na masarap na kainan, pero mura. Pero desidido na akong sa Seaside ko sila i-treat.

 

Sa venue ng demo teaching ng kasama ko sa training, ako palagi ang tinatawag. Mabuti na lang ready ako. Nakapagsulat pa ako ng tula bilang group activity namin. Maayos naman niyang nairaos ang kaniyang pakitang-turo.

 

Hindi sana malalaman ng mga kaguro ko sa GES na birthday ko kung hindi nag-post si Emily ng birthday greetings. Naka-tag pa ako. Nag-post din si Flor, kaya marami ang bumati na hindi ko naman kilala. Next year, sasabihan ko sila.

 

Si Hermie nga, hindi niya talaga alam. Ayaw pang maniwala.

 

After lunch, nag-post test na lang kami, saka nag-closing program, at nag-photo op. Past 3 na natapos, kaya mga 4 pm, nasa Seaside na kami. Nagsara na pala ang suki naming paluto restaurant, kung saan ako nag-celebrate twice ng birthday ko. Pero, nakahanap kami ng masarap magluto sa MeSeaNa. Katapat niyon ang tindahan ng seafood na kilala ni Ms. Krizzy.

 

Hindi na kao nagulat nang nagbayad ako ng P2,500 sa isang kilo ng scallop, isang kilo ng suwahe, isang kilo ng sugpo, isang kilo ng pusit, at isang kilo ng isda. Kahit ganoon, wala akong pagsisisi dahil gusto kong masaya ako at mapasaya ko ang dalawa. Bihira kami magka-bonding-bonding. Isa pa may nais akong idulog sa kanila.

 

Sobrang dami ng pagkain namin. Hindi naman nakayang ubusin kaya lahat kami ay may takeout. Ang scallop ang inuwi ko. Buttered shrimp at pusit ang kay Ms. Krizzy. Tempura, sinigang, at kanin ang kay Ate Bel. Masaya ang lahat. Busog na busog.

 

Alam ko, magtatampo ang iba naming kaibigan, pero may rason naman kung bakit kaming tatlo lang ang lumabas-- kami kasi ang dumalo sa Matatag training.

 

Past 10 na ako nakauwi. Magkasunuran lang kami ni Emily. Sa sobrang pagod at antok, hindi na ako nakapagsulat kagabi bago natulog.

 

 

 

 

Hulyo 20, 2024

Parang nasanay ang katawan at ang mga mata ko na gumising nang maaga dahil sa limang araw na pagpunta sa training. Kaya naman ngayong araw, nagising ako bandang 6 am. Pagkaalmusal, bumalik ako sa kuwarto para magsulat ng nobela. Nag-reply din ako sa mga birthday greetings.

 

Ikinuwento ko kay Emily ang mga nangyari noong Huwebes sa Matatag training namin. Natawa rin siya.

 

After lunch, umalis kami ni Emily para maghanap ng skin care clinic na makakasolb sa problema namin. Ipatatanggal niya ang syringoma niya sa mukha. Ipatatanggal ko naman ang mga warts at skin tags sa mukha at leeg ko.

 

Sa Gluta Avenue kami pumunta. Located iyon sa gilid ng SM Rosario. Pag-inquire namin, at nang sinuri na ang skin tags ko, ni-refer kami sa ibang clinic, kung saan may dermatologist kasi may hindi raw ma-identify na black dots sa face ko. Parang nunal daw ang iba. Siguro natatakot magkamali o magtanggal, kaya itinuro sa amin ang ibang clinic.

 

Pagpunta namin doon—malapit lang naman, Lunes at Huwebes lang daw ang derma. Nakakabuwisit lang. Nag-decide na lang akong magtiis.

 

Pumasok muna kami sa SM at bumili ng dragon fruit-mango shake, bago namili sa RTW shop. Binilhan namin ng mga sando si Ion. Binikan ko rin si Emily ng shorts, payong, at sandalyas. Bumili rin ako ng sando, bucket hat, at shorts.

 

At bago umuwi, nag-grocery muna kami nang kaunti sa Puregold.

 

Past 3 na kami nakauwi. Umidlip ako hanggang 5.

 

Gabi, nagluto ako ng tortang talong with scallop. Yummy!

 

Pagkatapos mag-dinner, nakipagkuwentuhan muna saglit ako kay Emily, saka ako umakyat para magsulat. Isiningit ko ang panonood ng Reels hanggang sa malaman kong nag-start na pala ang PBB Gen 11, kaya nanonood ako sa YT.

 

Ten-thirty, nag-off na ako ng laptop. Hindi ako nakatapos ng isang chapter.

 

 

 

Hulyo 21, 2024

Past 6 ako nagising, pero hindi agad ako bumangon. Before 8 na ako bumaba para mag-almusal. Maagang nagising si Emily para magluto.

 

Past 8:30, humarap na ako sa laptop upang magsulat. Before 11, nakapag-post na ako sa Inkitt ng isang chapter. Pagkatapos, naisip kong gumawa ng video. Hinanap ko ang mga illustrations ko ng kuwentong “Ang Magkaibigang Langaw.” Sa paghananap ko, nakalkal ko nang halos lahat ang mga gamit ko, pero hindi ko pa nahanap. Naging kalat, Nagdesisyon na akong maglinis na lang ng kuwarto. Five na ako huminto. Although may hindi pa ako nakalkal, pero okey na rin. Natanggal ko na ang 80% ng alikabok. Nakapag-rearrange na rin ako ng mga gamit.

 

Bago mag-8, nakapag-transact ako ng renewal of PRC ID. Sa July 26 ko ipina-deliver.

 

Bago ako nahiga para matulog, nagsulat muna ako ng nobela. Nakasulat ako ng 400+ words.

 

 

 

 

Hulyo 22, 2024

Ako na ang naghanda ng aming almusal kasi halos ayaw pang bumangon ni Emily, since maaga naman akong nagising.

 

Pagkatapos naming mag-almusal, bandang 8:45, umakyat na ako para gumawa ng vlog. Dahil nahanap ko na ang illustrations ng isa kong kuwentong pambata, iyon na ang ginawaan ko ng video.

 

Dahil aalis si Emily, tumigil muna ako sa pagbu-voiceover. Nagluto muna ako ng aming pananghalian. Before 11, nakaluto na ako. Malakas naman ang ulan, kaya hindi ko pa maituloy ang paglalagay ng boses sa PPT ko.

 

Five-thirty, nakapag-post ako sa Inkitt ng isang chapter ng nobela. Nakapghugas pa ako ng mga pinagkainan.

 

Past 8, tumawag si Ma’am Vi. Binalitaan niya ako tungkol sa posibilidad na makalipat ako sa Grade 6. Mas malaki na ang tsansa dahil sa nalalapit na early retirement ni Ma’am Amy. Kailangan na lang talagang mapapayag si Ma’am Lea.

 

 

 

Hulyo 23, 2024

Ang ganda ng mga panaginip ko. Ang last na panaginip ko nga ay tumatakbo ako pataas ng burol na may man-made na lupang hagdan, habang may dala akong mabigat na bagay. First time mangyari sa akin ang gayon. Kadalasan, napapagod ako sa panaginip. It means ba na magsa-succeed na ako sa aking mga ginagawa? Sana.

 

Gumising ako bandang 6:30 kasi sabi ni Emily, dapat makaalis daw siya bandang 8 am para sunduin si Ion sa airport.

 

Bumangon naman siya before 7 at naghanda na kami ng almusal. Past 8 na siya nakaalis.

 

Itinuloy ko ang paglalagay ng voiceover sa PPT. Gabi ko na ito nai-post. Ang sarap lang kasing manood, humilata, at magselpon dahil sa bagyo.

 

Past 9 na dumating ang mag-ina ko. Basang-basa sila.

 

 

 

 

Hulyo 24, 2024

Past 7:30 na ako nagising. Pinilit kong gumising kasi naisip ko na baka past 9 na—madilim lang. Past 8, bumaba na ako para maghanda ng almusal. Naglaga ako ng itlog, At naggisa ako ng corned beef.

 

Past 9:30, humarap na ako sa laptop para magsulat.

 

Ngayong araw, wala akong masyadong nagawa. Puro cell phone ako. Nakasulat din naman ako ng isang chapter, at nakapagsimula ng bagong kabanata. Nakapag-encode din ako ng na-screen capture ko sa WP. Then, bandang alas-2:30, umidlip ako hanggang 5 pm.

 

Gabi, nanood lang ako ng mga sinusubaybayan kong teleserye, then nahiga na ako. Hindi naman agada ko natulog. Mga 12 na ako nag-off ng wifi.

 

 

 

Hulyo 25, 2024

Past 7:30, gising na ako. Gusto ko pa sanang matulog, pero maliwanag na, at tumigil na ang ulan. Naghanda ako ng almusal namin ni Ion. Umalis na kasi si Emily, bago pa ako nagising.

 

Eight-thirty hanggang ten, naglalaba ako. Nakapag-gardening na rin ako nang kaunti. Nagkuskos ako ng semento dahil puro lumot na.

 

Past 10, humarap na ako sa laptop. Sana marami akong ma-accomplish ngayon. Nalalapit na angpasukan, kaya kailangan ko nang sulitin ang mga nalalabing araw ng bakasyon. Baka bukas ay makapunta na ako sa school.

 

Bago mag-twelve, nakaligo na ako, nakalinis sa banyo, nakapagtapon ng mga basura kasi dumating ang dump truck, at nakapag-post ng isang chapter ng nobela sa Inkitt.

 

Past 5, lumabas ako para bumili ng mga sangkap ng sinigang na lulutuin ko para sa dinner. Nakaka-miss magluto. Hindi kasi masarap ang nabibili naming sinigang. Bukod sa puro sabaw, hindi pa malasa.

 

Pagkatapos manood ng mga sinusubaybayan kong teleserye, nahiga na ako. Naisip kong pumunta sa school bukas, pero binawi ko rin agad. Sa Sabado na ako pupunta. Ayaw kong maraming tao sa school kapag naglinis ako sa classroom ko. Besides, naglinis na roon si Marekoy. Nagpaalam naman ako.

 

 

 

Hulyo 26, 2024

Ang aga kong nagising! Mga quarter to 6 pa lang yata iyon. Hindi na ako nakatulog kaya nag-cell phone na lang ako bago ako bumaba para maghanda ng almusal. Hindi naman bumangon si Emily nang maaga. Sabi niya aalis siya ngayon, hindi pala.

 

Eight-thirty, humarap na ako sa laptop. Susulitin ko na ang araw na ito para magsulat dahil bukas nasa school ako.

 

Ngayong araw, nakapagsulat ako ng isang chapter ng nobela. At ang ibang oras ko ay ginugol ko sa social media. Mami-miss ko rin ito kapag may pasok.

 

Gabi, nagluto ako ng kangkong-mushroom sisig para sa aming hapunan.

 

Nalulungkot lang ako ngayong araw dahil wala nang balita kay Ma’am Vi. It means, Grade 4 pa rin ako.

 

Hindi makakauwi ngayong gabi si Emily.

 

 

 

Hulyo 27, 2024

Nauna pa akong magising sa alarm ko. Kaya past 5 pa lang, umalis na ako sa bahay. At bandang 7, nasa school na ako. Naroon na sina Ma’am Vi at Ma’am Madz.

 

Kinausap ako ni Ma’am Vi tungkol sa paglipat ko sa Grade 6. Sinabi niya sa akin na hindi matutuloy.

 

Nagkuwentuhan naman kami ni Ma’am Madz bago ako nagsimulang maglinis sa classroom.

 

Unang dumating ang isang nanay ng nagiging estudyante ko. Nag-mop siya ng sahig. Hindi nagtagal, dumating naman ang isang tatay. Nagpunas siya ng mga glass windows.

 

Past 10, tapos na kami. Matutuwa ang Grade 3-Cassoepia dahil sila ang unang gagamit sa classroom.

 

Dahil maaga pa, naki-bonding muna ako kay Sir Hermie, then tumambay ako sa classroom ni Ms. Krizzy. Nandoon si Kuya Allan. Doon na rin kami nag-lunch.

 

Hapon, bandang 2 pm, nakipagkuwentuhan ako kay Mareng Janelyn. Then, tumambay uli ako kay Ms. Krizzy. Nagpa-pizza si Kuya Allan.

 

Past 5, umuwi na ako. Past 8 na ako nakarating sa bahay. Wala pa rin si Emily.

 

 

 

 

Hulyo 28, 2024

Past seven, gising na ako. Anim na oras lang ang tulog ko. Kahapon, apat lang. Haist! Sana makabawi ako ng puyat.

 

Past 8, bumaba na ako para maghanda ng almusal. Before 10, bumalik ako sa kuwarto ko para magsulat. Kailangan kong makasulat ng isang chapter ng nobela ngayong araw. Subalit, wala akong naisulat ni isang salita. Hindi dahil nablangko ako, kundi dahil sa mga chat ng mga bago kong kaibigan sa social media. Gusto ko naman iyon kasi kailangan kong lumawak ang aking mundo.

 

Alas-tres, pagkatapos makiusap sa kaibigan ko sa Cebu, na 19 years old, umidlip ako. Past 4 na ako nagising.

 

Past 5, humarap uli ako sa laptop upang sumubok magsulat ng nobela. Before 10, nakapag-post na ako sa Inkitt ng isang chapter.

 

 

 

Hulyo 29, 2024

Nauna pa yatang akong nagising sa mag-ina ko. Paulit-ulit kong narinig ang alarm nila ng 4 am. Bumangon ako at kinatok ko ang wall para magising sila. Natulog uli ako, pero dahil umulan bandang quarter to 6, hindi na ako nakatulog. Hindi naman ako excited na pumasok, lalo na't umuulan, pero positibo akong magiging maayos ang unang araw ng klase sa Taong Panuruan 2024-2025.

 

Bago mag-8:45, nakasakay na ako sa bus. Sinikap kong makarating sa school kahit masama ang panahon. Wala namang suspension ng klase sa Pasay. Mabuti pa sa Tanza, meron na kahit late ang anunsiyo. Nakapasok na nga si Ion.

 

Before 11, nasa school na ako. Sabay-sabay kaming nag-lunch, maliban kina Sir Hermie at Sir Joel. Pagkatapos, sinalubong na namin ang mha estudyante namin.

 

Nahing maayos naman ang unang araw ng pasukan. Kalmado lang ako. Mukhang mababait ang mga estudyante ko. Kaya lang, ako yata ang may pinakamaraming estudyante. Nasa 43 na ang warm bodies ko. May mga nakiusap na ilipat sa akin. May 4 pang transferred in. Siguro, kilala ako nila bilang mabuti at mabait na guro

 

Nagpa-self introduction ako, nagpasulat ng pangalan, at nag-orient tungkol sa grading system ko. Binigyang-diin ko ang disiplina. At para hindi sila mainip, nagpalaro ako--bugtungan. Enjoy na enjoy sila lalo na't may premyong stars. Nainis lang ako kasi hindi pa sila masyadong marunong maglinis.

 

Past 8:30 na ako nakauwi sa bahay. Hindi naman ako masyadong pagod. At masaya ako sa mga nangyari.

 

Mas maaga akong natulog ngayong gabi kaysa kagabi.

 

 

 

Hulyo 30, 2024

Six-thirty, namamalansta na ako. Gusto kong pumasok nang maaga, kaya bandang 8, umalis na ako sa bahay. Nakapag-almusal ako. Maganda namang pang-umaga na ang pasok ni Zillion kasi si Emily na ang naghahanda ng almusal, hindi na ako. Ang gagawin ko na lang ay asikasuhin ang sarili at mga gamit ko sa pagpasok.

 

Ngayong araw, hiniling ko sa Diyos na sana maging maayos uli ang klase ko. Ilayo sana Niya ako sa matitinding pagsubok. At gabayan Niya ako sa aking pagiging adviser.

 

Hindi ko nagawang magsulat nobela habang nasa biyahe. Bukod sa inaantok ako, wala pa ako sa mood.

 

Past 10 or before 10:30, nasa school na ako. Gusto ko sanang gumawa sa laptop ng mga schoolwork, pero mahina ang net sa sports room, kung saan doon lang ako puwedeng tumambay. Hindi ako nakagawa nang kahit ano hanggang sa inabutan na kami ng lunch time.

 

Second day na. Medyo maayos na ang sistema sa pag-akyat ng mga panghapong estudyante. Sumunod rin ang karamihan sa sinabi kong magdala ng foot rug.

 

Nag-flag ceremony muna kami bago ang diagnostic test. Isinunod ko ang four fundametals. Ang addition amd subtraction muna ang pinagawa ko, bago lumipat si Sir Hermie. Nakapagpahinga ako kahit kaunting minuto. At nakapag-health break ako. Paglabas niya, nagpalinis na ako dahil almost 5:30 na.

 

After class, nag-send ako ng Gcash kay Taiwan para sa inabuno niya sa downpayment ng private resort, na pagdarausan ng birthday celebration ni Mama sa August 3 to 4.

 

Ngayong araw, marami-rami akony nadiskubre sa bagong klase ko. Mas nakilala ko ang ilan sa kanila. May hindi makabasa at makasulat. May Inglisero daw, kaya hindi makaintindi ng mga panuto. Maraming madadaldal. May nananakit. May mahiyain. May nanginginig ang kamay kapag tinatawag para sumagot sa pisara. Magkakaiba man sila, sigurado akong kayang-kaya ko silang i-handle.

 

Tuwang-tuwa naman ang former Buko. Dalaw sila nang dalaw sa akin, lalo na't nag-e-"eyyy muna" sign ako sa kanila. Ang ilan, sinasabihan ko na galingan palagi o kaya ay mag-aral nang mabuti.

 

 

 

Hulyo 31, 2024

Grabe! Alas-singko pa lang, gising na ako. Kulang na naman ako sa tulog. Haist! Mabuti, 11 pa lang yata kagabi, tulog na ako.

 

Past 6, natulog uli ako. Nag-alarm ako ng 7 am. Hayin, kahit paano ay nakaidlip ako.

 

Before quarter to nine, nasa bus na ako. Hindi na naman ako nakasulat ng nobela. Parang nawala na yata ang inspirasyon ko. Kailangan kong maibalik iyon dahil may mga followers akong nag-aabang.

 

Ngayong araw, may good news akong natangggap. Maililipat na ako sa Grade 6 dahil magre-retire na si Ma'am Amy. Ako ang ipapalit. Tinawagan ako ni Ma'am Vi. Kailangan ko raw i-confirm kay Ma'am Lea na gusto kong magpalipat. Kaya pumunta ako sa opisina niya. Medyo malungkot lang kasi kailangan ko pant hintayin ang parating na bagong guro, na siyang papalit sa akin. Baka mga 3 weeks pa raw iyon. Okey na lang din kaysa hindi. Mas gusto ko talagang mag-handle ng Grade 6 kaysa lowergl grades.

 

Natutuwa ako sa Grade 4 Buko ngayon kasi mas mababait sila kaysa sa last school year. Mas madali ko silang napapasunod. Kaunti lang ang makulit at tamad. Sana nga magtuloy-tuloy silang mabuti at responsableng mag-aaral. Kung hindi pa ako na-stress sa loob ng tatlong araw, sana palagi na hanggang sa makalipat ako. Gusto ko ring ipasa sila sa bagong guro nang disiplinado na.

 

Sinabay kami ni Ma'am Joan sa kanilang kotse. Siya ang nagmaneho. Nakatipid ako ng pamasahe. Pero nakarating ako sa bahay ng kaparehong oras.

 

 

Saturday, July 20, 2024

Pagtulong sa Kapwa (tula)

Hindi kailangan ng rason upang tumulong

Dahil ito ay isa sa mga layunin ng buhay

Kung hindi makapagbigay ng tulong,

Huwag na lang manakit o mang-away.

 

Tandaang ang pagtulong ay kasiyahan

Ang matulungin ang pinakamasayang tao

    sa sandaigdigan

Ang taong nagbibigay o tumutulong ay

     hindi nawawalan,

Bagkus biyaya’y umaapaw, at kinagigiliwan.

Baon sa Puso

 Baon sa Puso     Mga guro’t estudyante, uwian na noon, Sa mga gawain sa umaga ay nagutom Pagkapananghali ay babalik sa hapon.  ...