Nakahigang nakasubsob sa kama si Maricel, nang tumunog ang door bell. Agad niyang pinunasan ang kanyang mga luha at mabilis na bumangon upang tumungo sa pinto.
Imbes na buksan niya ang pintuan, tumalikod siya dito.
"Umalis ka na, Ruel! Tama na! Ayoko nang marinig ang mga paliwanag mo..."
"Miss Maricel, Miss Maricel..." tawag ng isang lalaki mula sa labas. "...special delivery po."
Muli niyang pinahiran ang mga luhang nasa pisngi niya, saka niya pinagbuksan ang delivery boy.
"Good evening po, Mam! Special delivery po," anang binata na may hawak na maganda at malaking bouquet ng mga mamahaling bulaklak.
Alam niya kung kanino galing iyon, pero hindi na niya gustong malaman pa ng lalaki na gusto na niya itong itapon pag-alis nito.
"Pakipatong na lang doon." Itinuro niya ang kama. Hindi naman siya umalis sa may pintuan. Hawak-hawak niya ang door knob.
Pagkatapos, sundin ng lalaki ang utos ni Maricel. Tumingin ito sa kanya. Tumagos hanggang sa likuran niya.
"This is a part of my job, Mam..." wika ng binata. At, nagsimula na itong umawit.
Gumuhit sa buong katawan ni Maricel ang kakaibang sensasyon nang malaman niyang ang kinakanta ng lalaki ay ang paborito niyang kanta--- ang 'A Thousand Years'.
Naging istatwa si Maricel dahil sa lamyos ng tinig ng lalaki. Para siyang dinuduyan sa ligaya. Ramdam na ramdam niya ang kahulugan ng awitin pati ang damdamin ng umaawit.
Nayakap ni Maricel ang sarili sa kalagitnaan ng kanta, samantalang nagniningnging naman ang mga mata ng lalaki.
"Thank you, Ms. Maricel," sabi ng lalaki nang matapos niyang kantahin ang awiting kasama sa binayaran ni Ruel sa flower shop na kanyang pinagtratrabahuan. "Mr. Ruel is..."
Bago pa natapos ang speech niya, nakalapit na si Maricel upang yakapin siya.
"Thank you! Thank you!" Mahigpit ang pagkakayakap ni Maricel sa lalaki.
Mula sa labas, kitang-kita ni Ruel ang nangyari. Ramdam na ramdam niya ang init ng yakap ni Maricel sa delivery boy. Ganoon yumakap ang girl friend niya, sa loob ng anim na taon.
Bumitiw na si Maricel. "Ang ganda ng boses mo! Sana ikaw na lang si Ruel."
"Mam, andiyan po siya..." Itinuro niya si Ruel.
Pagbiling ni Maricel, wala na ang kasintahan.
Parang ayaw niyang maniwala. Sa tindi kasi ng ginawang panloloko ni Ruel ay hindi niya ito kaagad na mapapatawad.
"Mam, tutuloy na po ako. Tapos na po ang trabaho ko." Dali-dali siyang lumabas para mahabol pa niya si Ruel.
"What's your name? Sing me that song again..."
Huminto at lumingon ang lalaki nang nasa labas na siya. "I'm Edgar. Mahal ka niya. Forgive him..."
"Edgar... sing me that song again. Please..." Hindi na siya pinakinggan ng binata.
Lalong nalungkot si Maricel. Si Edgar ang dahilan niyon. Nais niya muling marinig ang boses niya. Siya lang ang makakatanggal ng hapdi sa kanyang puso. Hindi na niya mapapatawad si Ruel. Hindi na siya mahalaga sa buhay niya.
Matagal niyang pinagmasdan ang mga bulaklak, bago niya napansin ang card na nakasuksok sa bouquet. Kinuha niya ito at binasa.
Maricel, Forgive me... Happy 6th anniversary! I love you!Ruel
Hinagis niya ang card at ang bouquet, at humagulhol siya sa paanan ng kanyang kama.
Sa kanyang pag-iisa, sinamahan siya ng boses ni Edgar. Tila nakikita niya ang maamong mukha ng delivery boy, na kumurot sa puso niya. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman.
Tumayo siya't dinampot ang card. Maya-maya pa'y dina-dial na niya ang numero ng flower shop.
"Hello, good evening, Miss! I would like to order for a bouquet of flowers."
"Yes, hello! What sort of flowers do you prefer?" anang kausap.
"I would like a bouquet of red roses."
"Copy, Mam! Can I get your address?"
"No. I want Mr. Edgar to deliver it right to my door. I also want to avail your serenade promo..."
"I'm sorry, Mam. He's no longer our employee, as of today. Kakatapos lamang ng kanyang kontrata. Hindi na po siya nag-renew?''
"Why?"
"Personal reason, Mam. But, if you want, we have three singing delivery boys here, you can choose from."
"No, it's okay. Please cancel my order. Thank you!" Agad niyang binaba ang telepeno.
Ilang araw siyang nalungkot. Namimiss niya si Edgar. Pakinggan man niya sa kanyang cellphone ang paborito niyang kanta, hindi iyon nakakatanggal sa kanyang kapanglawan.
Ilang araw pa ang lumipas, hindi pa rin siya maka-move on sa tinig ni Edgar, samantalang nalampasan na niya ang sakit na dulot ni Ruel. Kailangan na nga lang niyang sumeryoso sa trabaho.
Lunes nang umaga, suot-suot na niyang muli ang uniporme sa opisina, gayundin ang ngiting nagpapaganda sa kanya kahit noon pa man.
Habang nila-lock niya ang pinto ng kanyang unit, nakita niya mula sa gilid ng kanyang mata ang lalaking nakasandal sa pader ng kabilang unit.
"Ruel?" Nilingon niya ang lalaking nakayuko at nakataas o nakalapat ang isang paa sa wall.
Humarap ito kay Maricel. Si Edgar ang naroon. Poging-pogi siya sa suot niyang pink long sleeves polo. Ibang-iba kaysa noong una silang nagkita.
"Edgar..." Nanginig na ang boses ni Maricel.
Walang bitbit na bouquet si Edgar, pero habang papalapit ito sa kanya, naaamoy niya ang mahalimuyak na amoy nito mula sa kanyang katawan.
"Wala akong bulaklak para sa'yo. Wala ring taong nag-utos para gawin ito..." Kinuha niya ang kamay ni Maricel at itinapat sa kanyang puso. "Ito... ito ang dala ko para sa'yo..."
Napuspos ng kuha ang mga mata ni Maricel. Hindi niya napigilang mayakap si Edgar. Mahigpit na mahigpit.
"Bumalik ako... to sing you a song... your favorite song... our favorite song," sabi ni Edgar nang kumawala si Maricel.
Muling niyakap ni Maricel ang binata, habang inaawit nito ang paborito nilang kanta. Napuno sila ng pag-ibig ng mga sandaling iyon.
No comments:
Post a Comment