Followers

Monday, February 1, 2016

Ang Aking Journal --- Pebrero, 2016

Pebrero 1, 2016 Unang araw ng Pebrero. Unang araw ng love month. Unang Lunes na rin. Sinimulan ko ito nang masaya at may ngiti. Hindi ako masyadong nagalit sa mga estudyante. Slight lang. Palibhasa, may test pa sila kaya nakontrol ko pa. Nagpasulat din ako sa kanila ng articles na ipampupuno ko sa aming diyaryo. Malapit na itong matapos. Unti-unti ko na ring kinikibo si Mam Rose. Hindi ko nga lang alam kung kaya kong gawin ito sa kanyang manugang, na sagad-sagaran ang tampo ko. Nagkita nga kami sa mata kaninang umaga. Nasa office siya. Kausap niya ang principal. Ayaw kong bigyan iyon ng masamang kahulugan. Ang mahalaga sa akin, patuloy kong mabago ang pag-uugali at pagpapahalaga sa edukasyon ng V-Mars. Sila ang priority ko, bukod sa aking anak. Speaking of anak, pinakain ko si Ion sa fast food chain na pinili niya para manumbalik ang lakas, sigla at gana niya. Natuwa na ako kahit nakalahati niya lang ang fries, chicken at rice. Pagdating sa bahay, pinatulog ko na siya. Makabawi man lang ng puyat kagabi. Hindi kasi siya makahinga kaya paingit-ingit. Ako naman, hinarap ko ang pagli-layout ng The Martian. Ilang space na lang ang pupunuin ko. Pwede na itong i-print sa mga susunod na araw. Nakachat ko maghapon si Emily. Ibinalita ko ang kondisyon ni Ion. Tapos, niyaya ko siyang mag-Valentine dito para masundo niya na rin si Zillion. Kako, ako ang sasagot sa plane ticket niya. Hindi pa siya nag-confirm. Pebrero 2, 2016 Nagsisimula na akong mag-discuss sa Math nang matigil ako dahil kailangang mag-Phil-IRI. Inabot sa akin ni Mam Dang ang mga materyales para sa post-test ng oral at silent reading sa Filipino. Sinipag ako magpabasa. Inabutan kami ng hapon. Naisunod ko pa ang sa English, though, hindi na ganun karubdob. Nakapagpasulat pa ako ng mga akda sa mga pupils ko habang nagpapabasa. Sumakit tuloy ang ulo ko. Umuwi agad kami ni Zillion. Umidlip kami pagkatapos ko siyang pagmeryendahin. Paggising ko ay okay na ang pakiramdam ko, kaya nakapagbanlaw na ako at nakapagbabad uli. Naisingit ko rin ang pagli-layout. Almost done na ang 'The Martian'. Isang article na lang sa sports page ang kulang. Pebrero 3, 2016 Nakipagpalitan na ako ng klase kay Mam Rose. Sinimulan ko na kasi ang lesson ko tungkol sa volume. Hindi nga lang ako nakapagturo sa Section Earth dahil wala si Sir Rey. Walang papasok sa advisory class ko. Pagkatapos ng klase, pumunta agad kami ni Zillion sa Max's para sa birthday blowout ni Papang. Pinuntahan kasi ako ni Tita Lolit sa klase ko. Niyayaya raw ako ni Papang, exclusive para sa aming apat lang. Okay na nga kami ni Tita Lolit. Natulungan ako ni Sir Erwin na manumbalik ang dati naming mabuting samahan at respeto sa isa't isa. Naiipit nga lang siya sa mga sutsot ng iba. Marami ang natirang pagkain. Ipinabalot ito ni Sir at ipinadala sa akin. Naisip ko kaagad ang hideout, kaya pagkatapos naming kumain, tumuloy na kami doon. Tamang-tama naman na dumating ang asawa ni Mam Dang, na si Kuya Win. Nakapagkuwentuhan kami. Makabuluhan ang aming naging kuwentuhan. Sayang nga lang at nagmamadali nang umuwi si Zillion. Nakauwi kami ng pasado alas-8. Nagbanlaw pa ako. Plakda naman si Zillion. Pebrero 4, 2016 Kahit nagturo ako buong araw, naisingit ko pa rin ang pagpi-print ng classroom paper namin. Nakapag-print ako maghapon ng 12 copies. Excited na nga akong i-launch ito, gayundin ang mga estudyante ko. I'm sure, big issue na naman ako sa mga kasamahan kong guro dahil nagsarili ako ng journalism. Hindi ko sila tinulungang gumawa ng school paper. Iyon ang consequence ng ginawa nila sa akin. Hindi nila ako inalagaan, bagkus, dinown pa. Umuwi agad kami ni Zillion pagkatapos ng kkase. Umidlip kami. Nag-group chat kaming 3some ngayong gabi. Tuloy na tuloy na ang trip namin sa Laguna on Sunday. Marami pa kaming essential na napag-usapan. Naisip naming lumaban, mandedma at magpatawad. Enero 5, 2016 Masaya akong nagturo sa klase ko at sa ibang seksiyon. Inspired kasi ako ngayon. Ni-launch na kasi namin ang "The Martian" newspaper. Volume 2 na ito. Masayang-masaya ang mga estudyante ko sa isa na naman nilang achievement. Mas marami ngayon ang contributors. Isa itong milestones para sa kanila. Sana lang ay may magpahalaga pa sa kakayahan nila pagdating sa Grade Six. Pagkatapos ng klase, nagdeposit ako sa aking Now account. Then, bumili ako ng pantalon at synthethic na sapatos. Ngumanga na kasi ang pampasok kong leather shoes. Gabi. Naka-chat ko si Ms. Kris. Napag-usapan daw nila ni Mam Loids ang 'The Martian' namin. Tila nanghihinayang naman ang huli sa akin. Nasabi naman ni Ms. Kris na pinakawalan kasi nila ang matalino. Tumpak, kako. Sinayang nila ako. Nasabi niya rin na sana nagpatulong siya sa mga nagmamarunong, na nanggagalaiti pa sa akin. Si Lorna naman, nagpapatulong sa akin na gawin ang write-ups tungkol sa mga indie musician na kilala niya para naman sa website ng isa pa. Sana magawa ko ang mga binilin niya, ganitong busy rin ako. Pebrero 6, 2016 Nag-make-up class kami kanina. Apat lang ang dumating na estudyante. Dahil siguro ito sa ulan kanina, kaya hindi nagsipasok ang 40 pa. Nagpasagot muna ako ng word problem, habang nag-aalmusal naman ako. Pagkatapos, nag-general cleaning kami. Nilipat ko na naman ang mga puwesto ng tables at steel cabinet ko. Nagawa namin ito sa loob ng tatlong oras. Hindi ko nga lang nai-assort ang mga materials, papers, documents at records ko. Andami ko pang dapat itapon, piliin at itago para sa nalalapit na national election. Naglagay na rin ng mga paper hearts sa gilid ng chalkboard ang apat na estudyante para raw sa Valentine's Day. Kinausap nga pala ako ng principal habang naglilinis ako. Tungkol sa pagpapalabas ko ng sarili kong estudyante na walang assignment. May tumawag daw sa kanya na dalawang parents. If I know, kasamahan ko ang nagsumbong, kasi tutee niya ang isa doon. Nahihirapan siya sa disiplina ko. Akala niya ay kinukuwesityon ko ang pagtututor niya. Labas iyon sa kanya. Consistent lang ako sa sinasabi ko. Part iyon ng aking classroom management. Na-misinterpret na naman ako, pati ang pagpapasulat ko sa mga pupils ko. Hindi ba nila alam na sa English at may writing talaga? Sa lesson plan naman ay panglima ang assignment sa component nito. So, I think, hindi dapat big deal sa kanila ang ginagawa ko. Kaya ko namang panindigan ang ginagawa ko. Kahit paano ay nagbago na ang mga suki kong tamad na estudyante. Gumagawa na sila. Gayunpaman, thankful ako sa effort ng principal. Nagustuhan ko ang approach niya sa akin. Ayaw ko lang na nagbulid pa siya ng sinulid para mapaniwala akong may tumawag ngang parents. Sana pinakausap niya sa akin, kung totoo man. Gusto kong kausapin ang concern o ang taong nagsumbong. Dapat ako muna ang kinausap niya. Wala namang problema. Sana sinabi niya na excuse na ang tutee niya. Madali lang akong kausap. Kesa naman, sa iba ko pa malaman. Masama ang loob ko sa kanya. Hindi ko siya masyadong pakikiharapan. Gusto kong ma-realize niya ang mali niyang ginawa. Hindi rin ako ang dapat mag-explain sa kanya. She has already prejudged me. Ala-una, nagpameeting ang principal. Pinauwi na namin ang mga bata ng bandang alas-12:30. Ang haba lang ng meeting namin. Inabot ng alas-3. Nagutom ako. Nagawa ko na ang pinapagawa sa akin ni Lorna. Naisend ko na rin kay Sir Bides. Nagustuhan niya ang article ko tungkol sa kanya. Enero 7, 2016 Alas-siyete y medya ng umaga ay nasa Padre Pio Shrine na kaming Tupa-Hideout group. Namangha ako sa ganda at konsepto ng dambana. Native at nature ang tema. Bukod pa doon, napaka-holy ng lugar. Walang duda, dinarayo ito ng mga deboto. Hindi man ako Romano Katoliko, na-appreaciate ko ang ganda nito. Kung hindi nga lang umuulan, baka mas lalo ko itong na-enjoy. Pagkatapos ng simba, tumuloy kami sa pinsan ni Mamah sa Tiaong. Hindi siya nakapag-text nang maaga kaya hindi sila nakapaghanda ng aming lunch. Umalis din kami after few minutes. sa "Kambingan sa Bypass" na kami nag-lunch. Treat sa amin ni Papang ang pananghalian, since birthday niya noong Feb. 2. Past one o'clock ay nasa Kamay na Hesus na kami. Umulan doon kaya, hindi kami nakapagpicture-picture. Nagkuwentuhan na lang kami nina Emiritus at Papang tungkol sa kabulukan ng mga pinuno namin at iba pang kasamahan. Hangad namin na magbago na sila. Alas-kuwatro, umauwi na kami. Inabutan na naman kami ng hapunan sa daan. Nag-fast food na lang kami. Nag-treat uli si Papang. (Sarap ng libre.) Alas-10, nasa boarding house na kami. Pagod at least antok na ako, pero sulit. Kakaibang trip at bonding. Pebrero 8, 2016 Pasado alas-9 ng umaga ay nasa Quezon City Circle na kami ni Zillion para sa 40th Hortikultura Extravaganza. Hindi naman nakapunta sina Papang. Ito na ang ikalawang taon kong makapunta sa kanilang garden show and exhibit, gayundin sa daily lecture. Magaganda ang garden na naka-exhibit, kaya lang kumonti ang entries. Mas maganda noong kami ni Emily ang magkasama. Gayunpaman, na-enjoy naming mag-ama ang pagpunta namin. Sulit. Marami na naman akong pictures na ia-upload. Marami ring akong ipopost sa 'Poresgraphy'. Alas-dos, umattend kami ng lecture tungkol sa 'Basic Moss Garden and Terranium" na pinangunahan ni Niel Ambrosio. Marami akong natutunan. Nagustuhan ko ang arts na iyon. Nagkainteres akong subukan. Ginabi na kami dahil alas-kuwatro na iyon natapos. Nag-grocery pa kami. Pebrero 9, 2016 Hindi naman nakipagpalitan si Mam Rose sa klase ko. May backlog tuloy ako. Naplastikan ako sa bating-tanong sa akin ng principal namin. Kumusta na raw ako. Alam naman niya na hindi okay ang samahan sa school, itatanong pa. Dapat nga, inaayos niya, e. Ang siste, siya pa ang nagiging dahilan. One-sided kasi siya e. Maano man lang ba na pagharapin niya ang dalawang nagbabangayang indibidwal. Ayusin niya. Wala, e... Mabuti pang dedmahin ko na lang sila at ipadamram na hindi ko sila ma-feel. Hindi naman apektado ang sahod ko. Tuloy pa rin! Pinag-iisipan ko nga kung tatanggapin ko ang alok na tulong sa akin ni Emily. Tutulungan niya akong makalipat sa Aklan. Madadala ko raw ang item ko. Gusto ko rin naman. Hindi ito dahil magulo sa school, kundi gusto kong mamuhay ng simple, buo, malusog at tahimik. Masarap tumira sa Aklan. Pakiramdam ko, kakayanin ko. Kaya lang, isasaalang-alang ko pa si Mama. Malalayo na ako sa kanya. Bahala na! May oras pa naman para pag-isipan. Alas-12:30, pinauwi na namin ang mga bata para makapaghanda kami sa pagpunta sa PZES. Idi-discuss doon ang result ng test namin sa English, Math, at Science. Nandoon din si Papang. Magkatabi kami, pero hindi kami nakapagkuwentuhan. Moderate ang result ng test ko. Hindi high, hindi low. Okay na, kesa sa mababa. May binigay pang fare allowance, na P200. Alas-5 na kami nakaidlip ni Zillion. Ang sarap na sanang matulog, kaya lang, andami ko pang dapat gawin at tapusin. Naghanda ako ng learning materials bandang alas-siyete ng gabi, pagkatapos kong maglaba. Gagawin kong mas interesting ang discussion ko bukas tungkol sa temperature. Pebrero 10, 2016 Turong-turo pa naman sana ako sa Section Mercury, kaya lang wala pala sila sa kuwarto nila. Umalis ang adviser nila. Hinabilin sila sa adviser ng Section Earth. Gustuhin ko mang magturo sa kanila, hindi na pwede dahil pagkatapos ng misa para sa Ash Wednesday, lunch break na. Andami ko nang backlog. Kailangang maging even ang turo ko sa tatlong section. Naging effective sa advisory class ko ang pagpapalista ng mga maingay. Kapag nailista, kailangang sumulat sila ng tula, sanaysay, kuwento, o balita, ayon sa numero ng tagalista at numero ng isusulat nilang uri ng akda. Nakakapagsulat naman ang karamihan ng nakalista, pero tahimik halos sila buong maghapon. Nakakatuwa dahil hindi ako nai-stress masyado. Nakakapili pa ako ng ipo-post ko sa KAMAFIL at FB group ng section namin. After class, umuwi agad kami ni Zillion. Umidlip kami pagkatapos niyang magmeryenda. Ako naman, alas-4:30 na nagmeryenda, bago naglaba. Iniisip ko ngayong gabi ang plano ni Emily na palipatin ako ng pagtuturo sa Aklan. Gusto ko naman, kaya lang, nakaplano na nga pala ang pagpapa-publish ko ng mga akda ko. Ito ang priority ko. Hindi magiging kumpleto ang karera ko kung hindi ko ito magawa ngayong taon. This year is my year. So, I have to do it. Pebrero 11, 2016 Ngayong gabi, kahit 'di ako kumain ng saging, alam kong mahihimbing ako. Isa siguro sa mga dahilan ay ang pagkausap sa akin ng principal. Nakapag-confide ako sa kanya. Pati nga ang plano kong lumipat sa Aklan ay nasabi ko na. Lumuwag ang dibdib ko. Ilang tao na lang kasi ang mga ma-pride pa rin. Ma-pride rin, gaya ko. Gayunpaman, nalaman ko kanina na may mahalaga ako sa school, lalo na nang magsilapitan sa akin ang mga journalists na itinalaga sa kanya-kanyang topic. Nagtanong. Ang iba ay iinterbyuhin ako. Ngayon nila nakikita ang halaga... kung kailan, ayaw ko nang magtrabaho para sa kanila. Masaya kaming umuwi ni Zillion. Positibo akong may mga taong nagsisisi na ngayon dahil sa pandurusta sa akin. Alam nilang hindi ko sila kinanti. Ang mga akda kong double-meaning ay hindi puwedeng sabihin na patama sa kanila. Pero ang mga binitiwan nilang salita ay obvious na para sa akin. Hindi lamang ako nag-react dahil hindi naman iyon talaga para sa akin, kundi para sa sarili nila. Pebrero 12, 2016 Nagulat ako nang makita ko ang anak ko na nasa entablado para sa Chubby Dance Showdown. Natuwa ako dahil malakas ang loob niya. Mula sa malayo ay nakita ko kung paano hindi siya nakaramdam ng hiya. Nakakaproud. Kaya, nagpaka-stage father ako. Piniktyuran ko siya nang Piniktyuran habang abot-abot ang aking kasiyahan. Siya ang pinakabata. Isa rin siya sa mga humahataw. Hindi man siya ang nanalo, panalo naman siya sa akin. Nagsisimula nang madevelop ang kanyang self-confidence. Binigyan niya rin ako kanina ng Valentine card. Ginulat niya rin ako nang iabot niya sa akin. Tapos, bigla na lang siyang tumakbo pabalik sa classroom nila. Natutuwa ako kung paano niya iyon binigay. Nahihiya siya pero parang hindi niya pa alam ang ginawa niya. First time kong mabigyan ng sarili kong anak. Limang taon din akong nakakatanggap ng Valentine cards, mula sa aking mga pupils, pero ang ikaanim na taon, mula na sa aking anak. Hindi kasi ako nagpagawa sa advisory class ko ngayon. Sunday kasi pumatak ang Feb. 14. Isa pa, nalimutan ko. Gayunpaman, nakatanggap pa rin ako. Sapat na iyon para aking ikaanim na taon. Pagkatapos ng klase, may GPTA meeting sana. Tumakas lang ako para maaga kaming makarating sa Antipolo. Ginabi naman kami dahil sa traffic. Okay lang naman, dahil safe kaming nakarating. Pebrero 13, 2016 Nakipagkuwentuhan ako kina Mama at Flor habang nasa kusina kami at naghahanda ng pananghalian. Sinabi ko sa kanila ang plano kong magturo sa Aklan at manirahan doon for good. Pumayag naman si Mama. Para sa kanya, mahalaga na magkakasama kaming mag-anak. Positibo naman niya. Kaya naman, lalong lumakas ang loob ko. Desidido na ako. Isa na lang ang magiging problema ko. Ito ay ang kinukuha kong bahay sa Tanza, Cavite. Masasayang ang equity ko na P17,000 plus kung hindi ako makakahanap ng sasalo. Pero, kaya kong tanggapin iyon, kesa pangmatagalan akong mangungupahan sa Pasay. Nagsuka-suka na naman si Zillion. Nakakainis! Wala na kaming bakasyon dito na hindi siya magkakasakit. Pebrero 14, 2016 Inipon ko ang bawat chapter ng nobelang Red Diary para maipublish ko ito sa issuu.com. Nasimulan ko na ito kahapon. Mabagal lang amg net, kaya konti lang ang natapos ko. Nakapagsulat din ako ng love story, since Valentine's Day ngayon. Nagsuka na naman si Zillion habang kumakain. Hindi na niya naubos, sinuka pa. Grabe! Wala na talaga kaming dalaw sa Antipolo na hindi sumasama ang pakiramdam niya. Sabi ni Mama, wala raw kasing basbas ang bahay na iyon. Kaya sakitin ang mga tao. Okay naman siya nang umalis kami, bandang alas-6:30. Bago mag-alas-9:30 ng gabi ay nasa boarding na kami ng anak ko. Nagbabad muna ako ng mga damit bago gumawa ng instructional material sa Math 5. Hindi ko nga lang natapos dahil naubusan ako ng ink. Hindi ko pala naiuwi. Nasa school. Ilang araw na lang, matatapos na ang kalbaryo sa paghahanda ng IMs. Pebrero 15, 2016 After ng klase, nagpa-medical kami ng mga kasamahan ko. Required kasi kami sa annual check up. Natatakot na naman ako sa result nito dahil may makikita na namang dots. Aakalain na naman nila na may TB ako. Ang totoo, may mga warts ako sa likod. Iyon ang nakikita sa xray. Ilang beses na akong nagpa-sputum test, negative naman ang resulta. Oo nga't humina ang baga ko noon at nagka-pneumonia ako, pero it doesn't mean na ganun na naman. Sana negative ang result ng chest xray ko. Pumunta kami sa hideout dahil nagyaya si Sir Erwin. May kailangang akong idagdag at ayusin sa thesis niya. Nagsuka-suka at pumupoo ng ilang beses si Zillion maghapon. Nagkalat pa nga raw siya sa school, sabi ng teacher. Nag-worry ako, kaya sinabi ko na ito kay Emily. Nag-worry na rin siya kaya nagdesisyon siyang lumuwas na ng Maynila para sunduin si Zillion. Kanina lang, ang usapan namin ay tungkol sa pagtira at pagturo ko sa Aklan. Pumayag na siya na hindi na lang ako tutuloy sa plano dahil mas mataming opportunity sa Pasay. Hindi ko pa nasabi sa kanya ang tungkol sa balitang ang intern ko ay anak ng may-ari ng printing business. Nagpa-publish daw ng libro at newspaper. Dream come true. Lumapit na sa akin ang oportunidad. Nakatulog na si Zillion bago pa kami natapos magchat ni Emily. Sana um-okay na ang health niya bukas. Pebrero 16, 2016 Kahit paos ako, nagturo pa rin ako sa tatlong sections ng Grade V. Pinilit kong banatin ang vocal cords ko kahit masakit. Natutuwa ako ngayong araw dahil nakausap ko si Sir Thomas, student teacher ko, tungkol sa self-publication ko. Kumpirmado. Siya na nga ang hulog ng langit sa akin. Dahil sa kanya, masisimulan ko na ang pagpapalimbag ng mga akda ko. Marami pa siyang tulong na magagawa para sa akin dahil member pa siya ng isang foundation na may advocacy na tumulong sa mga mahihirap na Pilipino. Ipakikilala niya raw ako sa mga kasamahan niya na maaaring bumili ng libro ko. Kaya nga, iniimbitahan niya akong magsimba sa simbahan nila. Pagdating ni Emily, magsisimba kami doon. Salamat sa Diyos! Nakikita ko na ang tagumpay ko. Chineck up ni doktora Enriquez amg result ng tests at xray ko kahapon. Ganun pa rin amg impression. PTB. Kaya kailangan ko na namang magpa-sputum test. Pagkatapos naming magpadala ng pera kay Emily para sa kanyang planr ticket papunta dito, kumain kami ng taho sa Sanitarium. Akala ko, nanumbalik na ang gana ni Ion dahil hindi na raw siya pumupoo at sumuka magahapon, sabi ng teacher, hindi pa pala. Hindi niya kasi naubos ang isa. Dati naman, kulang pa ang isa sa kanya. Mabuti na lang, nakatulog siya pagdating namin. Magdamag na naman siyang tulog. Babawi sa ilang araw na puyat. Sa Sabado ang flight ni Emily. Iyon daw ang mura kesa kung bukas siya aalis. Tama lang yun. Antagal kong tinaype ang related literature para sa thesis ni Sir Erwin. Ang hirap kapag hindi copy-paste. Andami ko pang dapat tapusin. Sana maibigay ko na sa kanya bukas. Nahinto pa ang pag-type ko dahil kailangan kong makipag-chat kay Lorna. Nagkuwentuhan kami. Naikuwento ko sa kanya ang mga mangyari sa buhay ko. Excited kaming pareho sa mga career namin. Pebrero 17, 2016 Paos pa rin ako pero nagturo ako. Sa Section Mercury lang ako 'di nagturo dahil nainis ako sa kadaldalan nila. Isa pa, minadali ko ang thesis ni Sir Erwin. Natapos ko naman maghapon bago siya dumating. Nakauwi kami ng maaga. Sinubukan kong umidlip, pero bigo ako. Umuubo kasi ako. Hindi ako nakapagbabad dahil walang powder. Hindi rin ako makalabas dahil tulog si Ion. Ayokong iwanan siyang mag-isa. Nang nagising naman siya, tinamad na akong lumabas. Sinisimulan ko na rin kasing pagsama-samahin ang mga sanaysay ko para sa self-publication ko. Marami-rami na rin akong natapos ngayong gabi. Natuwa siguro si Sir Erwin sa effort ko, kaya niyaya niya ako at sina Emily sa isang bonding. Sa Sunday daw. Kasama si Tita Lolit. Pumayag na ako. Pebrero 18, 2016 Hindi pa tapos ang klase ko sa V-Mars, nagpatawag na ng meeting si Mam Rose. Para mag-brainstorming kaming project committee tungkol sa absenteeism ng mga bata at ng intervention dito. Past nine nang matapos namin ang trabaho. Natuwa ako nang iabot sa akin ni Sir Thomas, ang aking student teacher, ng sample ng libro nig kanilang clientele. Medyo disappointed ako sa physical looks nito, pero ikinatuwa ko na posible nang matupad ang pangarap kong magkalibro. Nagsisimula pa lang naman sila, gayundin ako, kaya okay na iyon. Desidido na akong magpa-print, lalo na't sila na pala ang mag-aasikaso ng copyright ng akda ko. Natapos ko ngayong araw ang powerpoint ng Chapter 1-3 ng thesis ni Sir Erwin. Pinasalamatan niya rin ako dahil approved na ang thesis niya. Gusto niya rin daw na makadalo ako sa graduation niya. Umoo na ako, since kukunin na ni Emily si Zillion. Bago mag-9:00 ng gabi, nasa boarding house na kami ni Zillion. Galing kami sa hideout. Pinag-usapan namin ang tungkol sa Palawan trip namin sa April. Inaasikaso na ng kapatid ni Mam Dang ang tour package at hotel namin. Pebrero 19, 2016 Pagkatapos ng flag ceremony, nireplyan ko si Mam Rodel na sasama kami ni Zillion sa Ifugao, since niyaya niya ako kagabi. Sayang ang opportunity na makarating kami. Kumontra nga si Emily pero wala siyang nagawa. Sabi ko'y ipagpasalamat na lang niya at ipagpray na safe kami. Sa huli, pumayag naman siya. Walang palitan, kaya nagawa ko ang remedial reading program na kailangan ni Tita Lolit. Nakapagsulat din ako ng mga akda. Tahimik sila maghapon. Nagmadali kaming umuwi pagkatapos ng klase para makapaghanda ng mga gamit. Hindi na kami nakatulog. Five-45, nasa Our Lady of Sorrows Parish Church na kami. Antagal naming naghintay doon kay Mam Nelly. Seven-thirty, umalis na ang van na magdadala sa amin sa Ifugao. Kasama pala namin si Mam Deliarte. Hindi ko alam na niyaya rin pala siya ni Mam Rodel. Nice! Makakabonding ko siya. Pebrero 20, 2015 Mga alas-4:30 yata iyon ng umaga nang dumating kami sa bahay nina Dra. at Governor Habawel sa Lagawe, Ifugao. Ang bilis ng biyahe. Ang sarap ng tulog namin dahil halos nakahiga kami ni Zillion sa isang tatluhang upuan. Kami nina Mam Deliarte, kanyang kapatid, Mam Rodel, Zillion at ang driver ang sakay ng Hi-Ace. Hindi na kami nakaidlip. Mga alas-8:30, nag-aalmusal na kami. Noon lang namin na-meet ang mag-asawang may-ari ng bahay, na paalis naman para sa isang engagement. Inihabilin niya kami sa kanilang tauhan para i-tour kami sa paligid ng poblacion. Naglakad-lakad kami sa palengke. Market day raw kasi nang araw na iyon. Maraming paninda -- mula gulay hanggang mga damit. Ang mumura ng mga gulay. Hindi nga lang agad kami bumuli dahil gagala pa kami. Pumunta kami sa DepEd- Ifugao. Nagpicture-picture kami doon. Dinala rin kami ng tour guide sa capitol. Pinapasok niya kami sa opisina ng gobernador. Dumaan kami sa kanilang plaza. Doon at may nakatayong mga traditional houses ng mga Igorot. Pumunta rin kami sa St. Magdalene Church. Pagbalik namin sa bahay, naghintay lang kami ng ilang sandali, ipinagdrive na kami ng isang kasama naming driver kagabi. Dinala niya kami sa mga bundok ng mga ifugao. Ipinakita niya sa amin kung paanong ang governor ay dinidevelop ang probinsiya. Kasalukuyang nasa consturcton pa ang ilang kalsada. Ang sarap ng hangin doon. Nakakalula nga lang ang paikot-ikot, habang papataas na daan. Ag gaganda ng mga tanawin, lalo na ang mga palayang kahawig sa Banaue Rice Terraces. Mahusay na tour guide ang driver namin Andami niyang ikinukuwento sa amin. Marami rin kaming napulot na impormasyon tungkol sa butihing gobernador. Bago kami nag-lunch sa The Gazebo Restaurant, na pag-aari ng kapatid ng gobernador, dumaan kami sa Kaingan Shrine. Doon daw nahuli si Yamashita. Pagkatapos mag-lunch, dumiretso na agad kami sa Banaue Rice Terraces. Sa wakas, narating ko ang Hagdan-Hagdang Palayan, na ang dat-rati ay sa libro at sa isanglibong piso ko lang nakikita. Medyo disappointed lang ako dahil hindi kami nakababa. Nahiya naman akong lumayo at magpahintay sa kanila. Hindi rin namin naabutan ang panahon ng pagtatanim. Hindi tuloy masyadong green ang mga palayan. Gayunpaman, sulit ang punta namin. Thankful na ako sa pagyaya sa akin ni Mamah. Isa pa, nakabonding ko si Mam Deliarte at ang kanyang kapatid na si Mam Emily. Hindi na rin kami pumunta sa Batad, kung saan naroon ang thrill na makalakad kami sa mga pilapil, makarating sa falls, at makita ang mga kubo. Okay na rin. May next time pa naman. Mahaba ring biyahe ang naganap nang pumunta kami sa bilihan ng mga souveneirs. Ang mumura lang sana ng mga wood carvings. Wala pa nga lang akong bahay na maaaring pagdisplayahan kaya dalawang maliit na inukit na kahoy ang binili ko. Ilalagay ko sa classroom ko. Past five na kami nakauwi. pagod na pagod pero enjoy na enjoy. Nagpahinga lang nang kaunti habang nakikipagkuwentuhan sa kapatid ni Mam Evelyn, nag-dinner na kami para naman makabiyahe na kami bandang alas-8 ng gabi. Naiba ang plano. Dapat bukas pa kami uuwi dahil dadaan pa sa Baguio. Okay lang naman. At least, mauunahan na namin si Emily sa boarding house. Hindi na siya maghihintay. Kahit may kasabay na kaming dalawang doktor sa pag-uwi. Gayon pa rin naman. Nakahiga at nakatulog kami nang maayos. Ang bilis nga ng biyahe. Mahusay ang driver. Pebrero 21, 2016 Ang bilis ng biyahe namin. Alas-4:30 nasa boarding house na kami. Nakatulog pa kami ng apat na oras. Alas-dose na dumating si Emily. Nilutuan ko siya ng ginisang broccoli. At sa sobrang busog, nakatulog kami kahit maingay si Zillion at kahit sobrang init ng panahon. Gabi, sinimulan ko na ang pag-search para sa Chapter 1 to 3 ng thesis ni Sir Erwin. Binago kasi ang title. Bale ire-recast. Panibagong gawa dahil teachers na ang interviewees. Mabuti nakahanap ako. Natuwa siya nang magchat kami. Angel niya raw ako. Pebrero 22, 2016 Ako lang mag-isa ang pumasok sa eskuwela dahil hinayaan naming matulog si Zillion. Kahit hindi na nga siya pumasok. Sa school, nagpakain si Mam Rose ng pansit at puto. Birthday niya. Iyon ang unang salu-salo namin pagkatapos ng tampuhan. Nagturo ako sa estudyante ko. Walang palitan kaya nag-self-contained ako. Naging maayos at tahimik naman ang klase ko. Natuwa ako kanina nang ibigay sa akin ni Sir Thomas ang quotation ng printing expenses. Aabutin lang ng P4000 ang 100 copies. Kayang-kaya kong i-provide. Ang proproblemahin ko na lang ay ang marketing, pero sabi naman ni Sir Thomas na kailangan ko lang talaga ng membership sa mga grupo. After ng klase, nagpatawag ng meeting si Mam Deliarte. Mga grade leders at master teachers ang mga andun, kasama ako. Nainis ako dahil sa dami ng trabaho. Kakainis ang mga reports! Inabot pa kami ng lampas 3:30. Nabawasan pa tuloy ang oras ko para sa thesis ni Sir. Kailangan ko pa namang matapos iyon bago mag-Sabado para maipa-check na uli. Pagdating namam sa bahay, hindi ako maka-focus dahil sa ingay ni Zillion. Nag-empake pa si Emily kaya gumulo ang kuwarto. Tinulungan ko na lang siya. So far, marami na akong natapos. Konting edit at dagdag na lang. Nagawa ko na rin ang questionnaire. Nag-usap kami Emily tungkol sa biyahe nila. Imbes na mag-airplane sila, magto-2Go na lang sila at ipapadala sa bus ang mga bagahe. Bibigyan ko na lang siya ng P4000. Marami siyang matitira dun. Pebrero 23, 2016 Nagpameeting ako sa Grade V teachers. Ang agenda namin ay tungkol sa mga reports na kailangan naming ipasa sa office. Nagawa naman namin ang lahat. Pero, may gagawin pa ako. Ako pa ang mag-eencode. Andami kong dapat tapusing paperworks. Nandiyan ang Chapter 1-3 ng thesis ni Papang. Nandiyan ang reports ng grade level namin. Isama pa ang mga short stories ng mga pupils na dapat kung i-encode. Kailangan kong maipasa sa Huwebes ang dalawang nauna sa mga kinauukulan. Kailangan ding madaliin ang pagpublish ng librong "Trip To Mars Antolohiya" ng advisory class ko. Excited na kaming lahat. Hindi ko na mapapalampas ang oportunidad na ito. Ang saya ko ngayong araw dahil nakapag-inspire ako ng mga estudyante. Nai-relate ko ang mga topics namin sa iba't ibang anggulo ng buhay at pangarap. Nakita ko sa kanila ang kagustuhan nilang magkaroon ng sariling libro. Pebrero 24, 2016 Maghapon naming pinag-usapan ang librong "Trip to Mars" na gusto namong ipublish. Hindi nga yata ako nakatulog nang maayos kagabi dahil sa excitement. Ang mga estudyante ko rin ay sobrang natutuwa at nae-excite sa libro. Halos lahat sila ay gusto makapagsulat ng kuwento. Maiingay nga lang sila, kaya medyo naasar ako. Sinubukan ko pang magkunwaring hindi ko na itutuloy ang balak namin. Nagprotesta sila at nagsisihan. Naiinis kasi ako sa ingay at gulo nila. Imbes na marami akong ma-encode na story, wala tuloy halos akong magawa dahil magsasaway pa ako. Inuna ko pa naman ang reports naming teachers. Gayunpaman, desidido talaga akong ituloy ang pagpapalimbag ng libro. Baka nga mauna ang ang anthology kaysa sa libro ko. Okay lang naman. Ang mahalaga ay matupad ko ang pangarap ng mga pupils ko. Nakausap ko pa si Sir Thomas. Andaming opportunities na maaari kong makamit. Pwede akong maging art teacher sa school na gustong i-put up ng foundation niya. Kulang ang ilang oras para makilala namin ang isa't isa. Nang dumating si Sir Erwin, nalaman niya ang tungkol sa kanya. Nagkainteres din siyang sumali at sumama. Bukas, ihahatid ko ang mag-ina ko sa Batangas. Magto-2Go sila. Ang mga bagahe ay isasakay namin sa Dimple Star bus. Pebrero 25, 2016 Alas-singko pa lang ng umaga ay nasa kalsada na kami. Nag-aabang ng taxi na maghahatid sa amin sa bus terminal. May dalawang karton kaming dala, kaya 'di puwedeng commute. Masyado kaming maaga. Alas-onse pa raw darating ang bus na dadaan sa Aklan. Ipapadala lang namin ang mga bagahe. Ang mag-ina ko naman ay magto-2Go. Hindi na sila nagtagal doon. Alas-10 kasi ang alis ng barko sa Batangas port, kaya kailangan na nilang umalis sa Pasay. Ako naman, nakakabagot ay nakakainis na paghihintay ang naranasan. Hindi naman kasi alas-onse dumating ang bus. Mag-aala-una na. Nalipasan na ako ng gutom. Okay lang naman. At least, naipadala ko. Alas-singko, pagkatapos kung magpahinga, ang 'Trip to Mars' naman ang hinarap ko. Napagdesisyunan kong isama ang mga sanaysay at tula ng V-Mars. Kukulangin kasi kapag kuwento lang ang laman ng libro. Marami-rami akong natapos. Ang tahimik kasi. Wala na si Ion na maingay. Pebrero 26, 2016 Ala-una y medya pa pala dumating ang mag-ina ko sa Aklan. Nakuha rin nila ang dalawang karton. Thanks, God! Nag-meeting kami kanina. Nagbonding na rin at the same time. Tungkol sa test ang usapan. Nagpasaway na naman ang V-Mars. Mas marami pa rin ang walang disiplina kaysa sa mga interesadong mag-grow. Sayang... Late na rin akong umuwi dahil kinailangan kong hintaying matapos ang ilang estudyante sa paggawa ng activity sa English. Naglinis ako boarding house pagkatapos kong magkape. Inabot ako ng alas-7, mula alas-singko ng hapon. Hindi pa nga ako tapos. Pebrero 27, 2016 Maaga akong bumangon para masimulan ko ang mga gawain, lalo na ang paghahanda ng librong "Trip to Mars". Napakatahimik ng paligid ko. Ang sarap mag-encode, mag-edit, at magbasa ng mga akda ng mga bata. Andami ko tuloy natapos. Kung hindi nga lang ako gumawa ng report cards ng mga estudyante ko, baka mas marami pa akong nagawa. So far, almost 100 pages na ang libro. Fifty pages na lang siguro ay pwede nang i-publish. Kaya naman dahil marami pa akong babasahing sinulat nila. Bukas, mamamasyal kami nina Epr sa Circle. At hapon, magsisimba ako. Pebrero 28, 2016 Bago mag-alas-9 ng umaga ay nasa Quezon City Circle na ako. Doon na ako nag-almusal, habang hinihintay sina Epr at Judilyn. Past ten na sila dumating. Dinala ko sila sa orchid show ng Philippine Orchid Society. Sana ay nag-enjoy sila sa mga halaman. Inilibot ko rin sila sa ibang amenities ng QC Circle. At pagkatapos mag-lunch, pumasok kami sa Manuel L. Quezon Musuem. Doon ay nag-umigting ang kagustuhan kong magturo ng Araling Panlipunan. Ang gaganda kasi ng mga sinaunang larawan at kasangkapan na nasa exhibit doon. Nakakaengganyo. Alas-tres, umalis na kami. Magsisimba pa kasi ako sa The Tent of Elijah. For the first time. Sakto lang ang dating ko sa venue ng Sunday service ng Elijah. Naramdaman ko ang espiritu santo na pumasok sa puso ko. Iyon lagi ang narararamdaman ko tuwing totoo ang aking paglilingkod sa Kanya. Grabe! Nanumbalik ang kagustuhan kong magserbisyo para sa kaluwalhatian niya. Natutuwa ako sa hangarin ng pastor na maipakilala sa mga tao ang salita ng Diyos. Ang mga mahihirap na tinutulungan niya ang kanyang mga members. Nakita at naramdaman ko ang kanilang tunay na ligaya nang nakilala nila si Kristo. May libre pang hapunan. Sana lumaki pa ang kanilang ministry. Pinanalangin niya rin ang librong 'Trip to Mars' namin, bago ako nagpaalam. Pebrero 29, 2016 Ipinakita ko na sa pupils ko ang draft ng 'Trip to Mars'. Natuwa sila, lalo na ang mga may naisulat. Bukas ay ipapakita ko iyon kay Sir Thomas. Baka kailangan ko pang i-adjust o palitan ng font style at font size. Marami rin akong ii-edit. Typos. Dumating si Papang bago ako umuwi. Inabot niya sa akin ang corrected copy ng 3 chapters ng thesis niya. Kailangan ko na namang dagdagan. Okay lang naman. Masaya ako kapag nakakatulong. Pasasaan ba't matatapos din 'yun. Hindi ko nga lang naharap ang pag-edit ng libro namin. Hindi ko pa nga natapos. Kailangan kasing palitan ang questionnaire dahil hindi ko mahanap ang reference ng unang questionnaire.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...