Bata pa lamang si Cleopatra ay mahilig na siya sa ahas. Kaya, sinikap niyang makabili ng isang aalagaan.
Aspen ang ipinangalan niya sa kulay-dilaw niyang ahas. Maamo ito sa kanya. Halos, magkatabi pa silang matulog. Pinagseselosan nga ito ng kanyang mga anak at asawa.
Dalawang buwan pa lang si Aspen sa kanya pero tila ang tagal na nilang magkasama. Alagang-alaga niya ito.
"Ano ka ba naman, Cleo? Hindi mo ba titigilan ang kahibangan mo diyan sa ahas!" sabi ng babaeng biyenan niya nang minsang dumalaw sila sa mag-anak. "Hindi naman pini-pet ang ahas. Animal pa rin 'yan. Asikasuhin mo na lang ang pamilya mo."
"Animal man po siya, tao siya kung ituring ko." mahinahong sagot ni Cleopatra habang hinihimas pa rin ang balat ng ahas. "Minsan, mas animal pa nga ang mga tao kesa sa mga hayop."
"Bahala ka nga! Ayoko lang mabalitaan na nasaktan ang mga apo ko ng... ng animal na 'yan!"
"Hindi po siya gaya ng inaakala niyo!" Tumaas na ang boses ng manugang.
"Ang ahas ay mananatiling ahas! Bali-baligtarin mo man, ahas pa rin." Galit siyang tumalikod kay Cleopatra.
Pag-alis ng biyenan, inaway ni Cleopatra ang asawa.
"Ayaw na ayaw kong pinakikialaman si Aspen. Iba siya, Antonio! Iba..."
"Iba? Anong pinagkaiba?"
"A, basta! Ako lang ang nakakaalam nu'n!"
"Dahil lang diyan, aawayin mo ako... Sige, magsama kayo ng ahas mo!" Padabog na lumabas ng kuwarto ang asawa.
Hinimas-himas pa rin ni Cleopatra ang kanyang alaga. Tila kinausap niya pa ito, habang nakatitig sila sa isa't isa at habang palabas-labas ang pulang dila ni Aspen.
Umalis ng bahay si Antonio. Nagpalipas siya ng sama ng loob sa bahay ng kanyang ina. Alam naman ni Cleopatra kung nasaan ang kanyang asawa. Hindi siya apektado. Mas malamig pa sa ahas ang pakikitungo niya sa kanyang asawa.
Makalipas ang tatlong araw, saka lamang tinawagan ni Cleopatra ang asawa. "Uuwi ka pa ba o dadalhin ko na diyan ang mga damit mo?"
Hindi na kumibo si Antonio.
"Hello, Tart?!" malambing na bati niya sa kabilang linya.
"Sino 'to?" Boses babae ang sumagot. Galit ito.
"At ikaw, sino ka naman? Bakit ikaw ang sumasagot sa tawag ko kay Leonard? Nasa'n siya?"
"FYI. Asawa niya ako. Tulog na siya. Pwede ba, kung sino ka man, layuan mo ang asawa ko. Haliparot!"
Itinapon ni Cleopatra ang cellphone niya sa sobrang inis. Nagwala at nagsisigaw siya sa kanilang kuwarto. Hindi niya naririnig ang mga pagkatok ni Antonio.
"Walang hiya ka! Ahas ka. Taksil!" Nagpupuyos na sa galit si Cleopatra.
"Hindi ako nagtaksil. Ano bang pinagsasabi mo d'yan? Buksan mo itong pinto."
Patuloy na nagwala si Cleopatra. Nagbasag pa siya ng mga gamit. Tuluyan na siyang nilamon ng galit. Nalimutan niya si Aspen.
Nataranta si Antonio kaya hinanap pa niya ang duplicate ng susi ng pinto ng kuwarto niya. Natagalan bago niya ito nakuha, kaya nang buksan niya ang kuwarto, tahimik na ito, ngunit halos wala nang matinong kasangkapan. Patihaya na nakahiga naman si Cleopatra sa kama. Dilat ang mga mata.
"Cleo?" bulalas ni Antonio nang makita ang tuklaw ng ahas sa leeg ng asawa. Dali-dali niya itong nilapitan at tinapik-tapik ang pisngi. "Cleo, lumaban ka. Mahal na mahal kita. Hindi ko magagawang magtaksil sa'yo!" Niyakap niya ang malamig na katawan ng asawa. Hindi niya napansin ang paggapang palabas ng kuwarto ni Aspen. "Patawarin mo ako..." sambit niya habang pinag-iisipan niya kung paano patayin ang ahas.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment