Followers

Saturday, February 21, 2026

Sina Passerine at Siloy

 

Sina Passerine at Siloy

Mahilig umawit ang magkaibigang sina Passerine at Siloy. Pakanta-kanta sila habang naghahanap ng pagkain.

Si Passerine na isang maliit na ibon at may makulay na balahibo. Itim ang ulo at balikat niya. Pula ang dibdib niya. May asul at puti naman sa ilalim ng buntot at tiyan.

Si Siloy naman ay halos itim ang buong katawan, maliban sa bahagyang puting marka sa kaniyang balakang o buntot. Pero higit na mas malaki siya kaysa kay Passerine.

Magkaiba man ang kulay ng kanilang mga balahibo, magkatulad naman sila ng misyon— ang  pangalagaan ang mga kagubatan sa Cebu.

Si Passerine ang nagpaparami ng mga halaman at puno. Siya ang mahusay sa polinasyon. Lumilipad siya papunta sa bulaklak para kumain ng nektar o maliit na prutas. Habang kumakain, dinidikit niya sa tuka, ulo, at balahibo ang mga pulbos ng bulaklak. Kapag lumipat siya sa ibang bulaklak, naipapasa niya ang mga pulbos, na nagreresulta sa pagkabuo ng bunga at buto ng halaman.

Si Siloy naman ang nangangalaga sa paglago ng mga halaman at puno sa kagubatan. Mahusay siya sa pagkontrol ng pesteng insekto. Ginagawa niyang pagkain ang mga ito. Mas marami siyang makakain, mas malaki ang pag-asang lumaki, mamunga, at dumami ang mga halaman at puno.

Isang araw, habang namamahinga at umaawit ang magkaibigan, nakarinig sila ng malakas na pagsabog. Agad nilang hinanap iyon upang alamin ang nangyari.

Sa di-kalayuan, nakita nila ang mga dambuhalang makinarya. Winasak ng mga ito ang malaking bahagi ng kagubatan.

“Ano’ng gagawin natin, Siloy? Sinisira nila ang tirahan nating mga hayop,” tanong ni Passerine.

“Wala na tayong magagawa. Mga makinarya at tao ang kalaban natin,” tugon ni Siloy.

“May magagawa tayo. May boses tayo.”

“Ano? Aawitan natin sila para tumigil?” natatawang tanong ni Siloy.

“Hindi.” Naiinis na lumipad si Passerine. “Sumunod ka sa akin.”

Tahimik na sumunod si Siloy kay Passerine hanggang sa marating nila ang santuwaryo ng mga ibon.

“Mag-iingat kayo! Minimina nila ang tahanan natin,” ilang beses na babala ni Passerine.

Nataranta ang mga kapuwa-ibon. “Ano’ng gagawin natin?” tanong ng mga ito.

“Bumaba kayo sa kapatagan. Ipagbigay-alam ninyo sa mga kinauukulan ang masamang gawain nila sa lugar natin. Dali!” utos ni Passerine.

Agad na naunawaan at nagsitalima ang iba-ibang uri ng ibon.

“Mag-iingat kayo,” pahabol ni Siloy.

Napadapo sa sanga ng malaking puno ng molave sina Passerine at Siloy.

“Magagawa kaya nila ang utos mo?” tanong ni Siloy.

“Oo. May magagawa tayong lahat,” sabi ni Passerine saka lumipad.

Tinipon ng magkaibigan ang mga hayop. At sa pamamagitan ng kanilang pag-awit, naipahayag nila ang kanilang plano.

“Tumindig tayo, mga kaibigan. Halina’t magkaisa’t iligtas ang ating kagubatan. Ipakita ang lakas ng boses ng pagkakaisa. Sabay-sabay nating ipaalam sa mga tao ang tamang gawa!” sabay na awit ng magkaibigan.

Nakiawit na rin ang iba pang mga hayop bago kumilos ang mga ito.

Mabilis na nakarating sa minahan ang ibang mga hayop. Isa-isa nilang sinalakay ang mga minero. Nanuklaw ang mga ahas. Nanuwag ang mga usa. Nangagat ang mga bayawak. Nanuka ang mga ibon.

Ilang saglit pa ang lumipas, nagtakbuhan palayo ang mga tao. Iniwan ng mga ito ang kani-kanilang makinarya.

“Tumindig tayo, mga kaibigan. Halina’t magkaisa’t iligtas ang ating kagubatan. Ipakita ang lakas ng boses ng pagkakaisa. Sabay-sabay nating ipaalam sa mga tao ang tamang gawa!” muling awit ng mga ibon at hayop nang nagawa nilang palayasin sa gubat ang mga tao.

No comments:

Post a Comment

Sina Passerine at Siloy

  Sina Passerine at Siloy Mahilig umawit ang magkaibigang sina Passerine at Siloy. Pakanta-kanta sila habang naghahanap ng pagkain. Si P...