Followers
Saturday, May 1, 2021
Gutom
“Mama, nagugutom na po ako,” reklamo ni Mel habang hinihimas-himas ang tiyan. “Wala pa po ba sa Papa?”
“Naku, Anak, wala pa… Ang mga kapatid mo nga rin, o… kanina pa kumakalam ang sikmura,” paliwanag ng ina. “Kaunting tiis pa, ha? Darating din ang papa niyo. Sigurado ako, may dalang pagkain iyon.”
“Sardinas, tuyo, noodles! Sawang-sawa na po ako sa kinakain natin,” maktol ni Mel. “Ano po ba kasi ang trabaho ni Papa? Dati naman po tayong nag-uulam ng masasarap. Noon, hindi tayo nalilipasan ng gutom.”
“Anak, unawain mo na lang ang sitwasyon… Pandemya ngayon. Ang hirap ng kalagayan ng mga tao. Hindi lang tayo ang ganito.” Inakbayan ng ina si Mel. “Halika, manalangin tayo sa Diyos.”
“Manalangin po? Bingi na po siguro ang Diyos sa panalangin natin. Sa dami ng naghihirap at nananalangin ngayon, hindi na Niya alam kung sino pakikinggan,” sabi ni Mel.
“Anak, huwag kang ganyan! Hindi mo dapat sinasabi iyan sa Diyos. Mahal Niya tayo.”
“Mahal po? Hindi ko alam… Nagugutom na po ako. Hindi ko na kaya. Buwisit na buhay ito! Ang hirap maging mahirap.” Tumakbo palabas ng bahay si Mel.
Mangiyak-ngiyak naman ang kaniyang ina. Noon lamang kasi nito naringgan ng ganoon ang anak “Mel, saan ka pupunta?” Hindi na nito narinig na sumagot ang anak.
Nagbakasakali si Mel na makahanap ng pagkain sa basurahan upang maibsan ang gutom niya, ngunit nabigo siya. Lalo lamang siyang nagkaroon ng galit sa mundo at sa Diyos.
Muli siyang naglakad-lakad hanggang sa mapagod siya. Napaupo siya sa tabi ng tabi ng matandang lalaki sa harapan ng saradong restawran.
“Iho, tanggapin mo ito,” alok ng matanda habang nakalahad ang nakaplastik na mamon.
“Po?” Nagtataka man, tinanggap agad iyon ni Mel. “Salamat po! Mabuti pa po kayo, kahit pulubi kayo, may pagkain.” Agad niyang kinain ang mamon.
“Mahal ako ng Diyos. Mahal ko rin Siya, kaya hindi niya ako pinababayaan,” sagot ng matanda.
“Nasaan po ang pamilya niyo? Bakit sa kalsada po kayo naninirahan? Hindi po ba kayo nahihirapan? Paano po kayo nakakakain nang wasto? Nakakatulog? Nakakaligo?”
Natawa ang matandang pulubi. “Andami mo namang tanong, Iho!”
“Sorry po, ‘Lo. Kasi po, kami nga pong may tirahan, nahihirapan pa, kayo pa po kaya.”
“Nakikita mo ba ang mga ibon na ‘yon?”
“Opo,” tugon ni Mel habang nilalantakan ang mamon.
“Mahal sila ng Diyos. Walang tao na nagpapakain sa kanila. Ang Diyos lamang ang gumagawa niyon. Masikap ang mga ibon. Nasa paligid lamang nila ang pagkain. Hindi nila sinisisi ang Diyos kapag wala silang makain. Lumilipat-lipat sila ng lugar upang makahanap ng makakain. Ako, katulad ng mga ibon, mahal ako ng Diyos. Ikaw, mahal ka ng Diyos. Mahal mo rin ba Siya?”
Napatingin muna si Mel sa matanda. “Maraming salamat po sa mamon at sa magagandang salita. Uuwi na po ako sa pamilya ko. Tama po kayo… Mahal ako ng Diyos.”
“Sige, Iho! Mahalin mo Siya kahit hindi mo siya nakikita. Mahalin mo Siya kahit nagugutom ka.”
“Opo… Mahala ko naman po Siya. Nagutuman lang po talaga ako.” Napangiti muna si Mel. “Pero, gagawa na po ako ng paraan para makakain… tulad ng mga ibon.”
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment