Followers

Saturday, May 15, 2021

Uric Acid: Ano ba ito? Paano ito Pababain?

Anomang araw, madalas may nakahaing maaalat at matatabang pagkain sa ating hapag. Kung hind tuyong isda ay adobong manok o baboy. Kung walang alamang, meron namang bagoong isda (ginamos) na sawsawan. Kung walang litson, nariyan naman ang liempo. Masasarap nga ang mga ito, pero bawal naman sapagkat nagpapataas ang mga ito ng uric acid sa ating katawan. Idagdag pa ang iba pang unhealthy food na ating kinukonsumo araw-araw, may okasyon man o wala. Pag-usapan natin ang uric acid at ang papel na ginagampanan nito sa ating katawan. Ang uric acid ay produkto ng dumi (toxins) sa ating katawan. Ito ay nabubuo kapag dinudurog ng katawan ang mga purines, na natatagpuan kapag namatay ang mga cells. Natural ding nakukuha ang mga ito ng ating katawan mula sa ilang inumin at pagkain gaya ng mga lamang-loob, dried beans, peas, seafoods, at beer. Kadalasan, nalulusaw sa dugo ang uric acid at naglalakbay patungo sa mga kidney, na siyang responsable sa pagtatanggal ng mga ito sa katawan. Sa pamamagitan ng pag-ihi at pagdumi, inilalabas ng ating katawan ang uric acid. Nagkakaroon ng mataas na uric acid ang ating katawan kapag ito ay sobra-sobra na at hindi na matanggal-tanggal dahil sa kalabisan nito. Dahil dito, tayo ay maaaring magkaroon ng hyperuricemia o mataas na lebel ng uric acid sa dugo. Minsan naman, ang labis na pagkonsumo ng mga pagkain at inuming likas na mataas sa uric acid ang sanhi ng pagkakaroon ng ganitong kondisyon. Hindi sakit ang uric acid, subalit maaari itong magdulot ng mga komplikasyon kapag manatiling mataas ang lebel nito sa ating katawan. Narito ang mga sintomas ng high level uric acid: 1. Pagkakaroon ng kidney stones; 2. Paninigas o pamamaga ng mga joints o kasukasuan; 3. Pananakit ng lower back, tagiliran, tiyan, at singit; 4. Pagiging hirap sa pag-ihi; 5. Pagkakaroon ng bahid ng dugo at kakaibang amoy sa ihi; 6. Pagsusuka; 7. Pagkakaroon ng mataas na lagnat na may kasamang panginginig; 8. Pagkakaroon ng gout. Ang gout ay isang uri ng rayuma. Ang taong may gout ay namamaga ang kasukasuan dahil sa sobrang taas na uric acid sa dugo. Kilala rin ito sa tawag na “rayuma sa paa” dahil ang madalas na apektado nito ay ang hinlalaki sa paa. Minsan naman, nararanasan ito sa mga kasukasuan sa kamay at tuhod. Bukod sa gout, narito pa ang ibang kondisyon o karamdamang maaaring maranasan dahil sa pagkakaroon ng mataas na uric acid: 1. Hypothyroidism o hindi aktibong thyroid gland; 2. Obesity o pagkakaroon ng labis na timbang; 3. Psoriasis o impeksiyon sa balat 4. Renal insufficiency o ang kakulangan sa kapasidad ng kidneys na makapagsala ng dumi sa dugo. Narito ang mga dapat gawin: 1. Kumain ng mga pagkaing mababa sa purine, gaya ng yogurt, sariwang prutas at gulay, nuts, whole grains, patatas, at itlog. 2. Kumain ng mga pagkaing mayaman sa Bitamina C, gaya ng mga citrus fruits, mga berde at madadahong gulay gaya ng malunggay at kangkong. 3. Uminom ng red wine sa halip na beer subalit inumin ito nang may moderasyon. 4. Uminom ng maraming tubig upang mapabagal, mapababa, at mapalabas nito ang uric acid sa pamamagitan ng pag-ihi at pagdumi. 5. Kumain ng hindi matatabang karne at iwasan ang pagkain ng mga laman-loob, gaya ng atay. 6. Uminom ng First Vita Plus Natural Health Drink dahil meron itong kakayahang tinatawag na diuretic o pagpapalabas ng acid sa pamamagitan ng pag-ihi. 7. Magpasuri sa doktor upang maresetahan ng tamang gamot, gaya ng Allopurinol, Celecoxib, at Colchicine. 8. Kung nagtitipid, maaaring gumamit ng halamang gamot na “pansit-pansitan.” Paalala lamang… Magpakonsulta muna tayo sa doktor bago gumawa ng mga pagbabago sa diet at bago uminom ng anomang gamot para sa pagpapababa ng uric acid. Bukod sa pagsangguni sa espesyalista, kaya nating mapanatiling malusog ang pamumuhay at pangangatawan natin. Ang tamang pahinga at sapat na ehersisyo ay makatutulong din upang mapanatiling malusog ang buong pangangatawan. Ang mga pagkain at inumin man ang nagbibigay sa atin ng mga karamdaman, subalit ang mga ito rin ang magbibigay sa atin ng kalakasan, kalusugan, at buhay. Kaya, piliin natin ang tamang pagkain at inumin. Tandaan: Ang kalusugan ay kayamanan.

No comments:

Post a Comment

Ang Pinakamasamang Kuya

  Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...