Followers
Wednesday, May 19, 2021
Mga Uri ng Anxiety Disorder
Nang dumating ang pandemya, lalong umigting ang pagkilala natin sa Anxiety Disorder. Ano nga ba ito? Kilalanin natin ito nang husto at ang pinagmulan nito.
Paalala lamang na hindi biro ang kondisyong ito. Hindi rin ito basta-basta dinideklara ng kung sino-sino sapagkat tanging mga doktor lamang ang may kakayahang matukoy ito.
Ang Anxiety Disorder ay isang uri ng karamdamang pangkaisipan (mental disorder). Ang taong may ganitong karamdaman ay nakararanas ng pagkabalisa, kaba o nerbiyos sa mga bagay na maaaring nakikita o nararanasan sa totoong buhay, o mga bagay na paulit-ulit nilang naiisip.
Ang Anxiety Disorder ay may limang uri: Generalized Anxiety Disorder, Panic Disorder, Social Anxiety Disorder, Separation Anxiety Disorder, at Specific Phobia.
Ang Generalized Anxiety Disorder ay paulit-ulit at sobrang pangangamba sa isang gawain o pangyayari. Naaapektuhan nito ang kalusugan ng taong nakararanas nito dahil hindi na ito makontrol, na kadalasan ay sinasabayan pa ng ibang uri ng anxiety disorder.
Ito ay tumatagal ng ilang buwan. May ilang mga kaso nito na ang isang tao ay palaging nag-aalala mula pa sa kaniyang pagkabata. May ibang mga kaso naman na sanhi ng pagkaka-trigger ng isang krisis o nakaka-stress na pangyayari sa kaniyang buhay, gaya tulad ng pagkawala ng trabaho, pagkakaroon ng sakit, pagkakasakit o pagkamatay ng isang mahal sa buhay, pagbagsak sa pagsusulit, pagkasira ng relasyon, at iba pa.
Maaaring matapos ang krisis at stress na kaniyang nararanasan, ngunit ang hindi pa rin maipaliwanag na pakiramdam ng pagkabalisa ay maaaring tumagal ng taon.
Ang panic disorder ay karamdaman kung saan hindi maipaliwanag ang pagkabahala. Ito ay paulit-ulit na pag-atake ng pangamba (panic attacks) sa magkakahiwalay na pagkakataon at may kasamang matinding pagkatakot at iba pang karamdamang pisikal tulad ng mabilis na pagpintig ng puso, kahirapan sa paghinga, pagpapawis, panginginig, pagkirot ng dibdib, pagkahilo, at iba pa.
May mga taong nakararanas nito na nakikitaan ng hindi normal na pagkabahala, kaya sila ay madalas na inaakalang may malalang karamdaman tulad ng sakit sa puso o pagkawala ng kontrol sa sarili.
Ang Social Anxiety Disorder ay paulit-ulit na malaking pangambang mahusgahan ng iba at/o maipahiya sa harapan ng maraming tao. Maaaring ito ay maging labis, kaya’t may mga taong nakararanas ng ganitong karamdaman, ang umiiwas sa mga lugar na maraming tao o sa mga pagtitipon kung saan ipinapalagay nilang may magdudulot sa kanila ng kahihiyan.
Sakop din nito ang pananatiling tahimik sa mga sitwasyon sa lipunan upang makaiwas sa atensyon ng iba. Kapag napapalibutan ng mga tao, ang indibidwal na may social anxiety disorder ay namumula, nanginginig, namamawis, nakakaramdam ng pagkahilo, at parang kumakabog ang dibdib, nahihirapan sa paghinga, at ayaw makipag-usap sa iba.
Kadalasan, nararanasan ito ng mga batang naulila, iniwanan ng magulang o napalayo sa pamilya. Isang malaking dagok sa developmental stage ng mga bata ang pagkakahiwalay sa mga magulang o mga taong tinuturing na magulang.
Ang Specific Phobia ay ang paulit-ulit at labis na pagkatakot sa isang partikular na tao, bagay, hayop, lugar, sitwasyon o gawain dahil sa hindi magandang karanasang may kinalaman sa mga ito.
Ito ay maaaring magbunsod ng panic o anxiety attack at magdulot ng problema sa taong meron nito. Halimbawa, mayroon siyang claustrophobia o takot sa masisikip o nakakulong na lugar. Paano siya sasakay sa elevator?
May mga bagay tungkol sa Anxiety Disorder na dapat nating bigyang-linaw upang maiwasan ang maling paniniwala at haka-haka. Narito ang ilan sa mga ito:
Ang psychiatrist ay propesyonal na doktor na nagsusuri at nanggagamot sa sakit sa pag-iisip ng isang tao. Maaaring kumonsulta sa kaniya kung ang mga sintomas ng anxiety disorder ay labis nang nakakaapekto sa mga gawain sa araw-araw.
Nagagamot ang Anxiety Disorder. Sa katunayan, ito ay nagagamot sa maraming paraan, kabilang na rito ang kombinasyon ng oral medications, gaya ng mga tabletas, at psychotherapy lalo na ang CBT (Cognitive Behavioral Therapy. Ang CBT ay isang pamamaraang may magandang epekto upang matalo ng pasyente ang kaniyang anxiety disorder.
Hindi dapat nating ituring na baliw ang sinomang may Anxiety Disorder. Ang mga sintomas ng pagiging baliw ay malayong-malayo sa mga sintomas nito. Malinaw pa ang pag-iisip ng mga taong may anxiety disorder. Maraming bagay pa silang nagagawa nang normal.
Hindi rin nakakahawa ang Anxiety Disorder, kaya huwag nating layuan o iwasan ang mga taong nakararanas nito. Higit na kailangan nila ang pag-unawa, pag-alaga, at presensiya natin.
Hindi namamana ang sakit na Anxiety Disorder, pero maaaring magkaroon din nito ang mga miyembro ng pamilya. Kapag may nerbiyoso sa isang pamilya, malaki ang tsansa na maging nerbiyoso rin ang iba. Tandaang hindi namamana ang sakit mismo kundi ang potensyal. Nakakabalisa naman talaga ang ganitong karamdaman, higit lalo sa nag-aalaga.
Hayan! Sana ay naliwanagan na kayo tungkol sa anxiety disorder.
Tandaan, ang anxiety ay hindi “Ang saya, ‘te!” Hindi ito masaya. Nakakabahala ito. Subalit, huwag natin itong ikabahala dahil kayang-kaya natin itong solusyunan.
Ang Diyos ay gumagamit ng mga tao upang tulungan ang sinomang nakararanas nito. Kumapit lang tayo sa Kaniya. Ang sakit sa mentalidad ay nagagamot sa pamamagitan din ng ating wastong kaisipan. Maging positibo tayo at tingnan ang mabubuting bagay sa mundo.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment