Ang Hiling ni Aryan
Habang papalapit ang kaarawan ni Aryan, lalo siyang nalulungkot. Hindi siya nasasabik sa pagtuntong niya sa ikasampung taon. Limang taon na rin kasi siyang nabibigong makamtan ang kaniyang hiling. "Aryan, ano ang gusto mong handa sa kaarawan mo?" minsang tanong ng kaniyang ina. "Kahit ano po, Mama," matamlay na sagot niya. "Aryan, saan mo gustong ipagdiwang ang kaarawan mo?" tanong ng kaniyang ina, pagkalipas ng isang linggo. "Kahit saan po, Mama," matamlay na sagot niya. "Aryan, anong hiling mo sa iyong kaarawan?" tanong ng kaniyang ina, tatlong araw bago ang kaniyang kaarawan. "Wala po, Mama," matamlay na sagot niya. "Bakit wala? Kaya ko namang tuparin anoman ang iyong hilingin." Tumango muna si Aryan. "Pero, Mama, hindi po materyal ang hiling ko." Nanlaki ang mga mata ng kaniyang ina. Tila sumakit din ang ulo nito. "Ilang beses ko bang sasabihin sa 'yo, ha, Aryan, na hindi puwedeng mangyari ang gusto mo?" "Gusto ko lang naman po siyang makasama sa bertdey ko." "Hindi na babalik iyon. Matagal ko na siyang pinalaya, pero hindi siya nagbalik. Kaya huwag ka nang umaasa." "Babalik siya, Mama, kaya sana napatawad mo na siya." "Kahit mabigat ang kasalanan niya sa atin, napatawad ko na siya noon pa, pero hindi ko iyon nakakalimutan." "Gaano man kabigat ang nagawa niya, siya pa rin ang tatay ko." "Oo, pero hindi na natin siya kailangan, Aryan! Kaya kong tumayong ama at ina sa 'yo." "Pero kailangan ko siya, Mama... Sana tuparin mo po ang aking hiling na makasama siya sa kaarawan ko." "Hindi ko na yata siya kayang makita." Kasunod ng pagtalikod ng kaniyang ina ang pagtulo ng luha niya. Pagkatapos, tumakbo siya patungo sa balkonahe. "Aryan! Aryan!" bati sa kaniya ng itim na ibon na nasa hawla. "Mina, tulungan mo ako," mangiyak-ngiyak na sabi ni Aryan. "Bakit? Bakit?" "Nami-miss ko si Papa. Sana sa bertdey ko, kasama ko siya." "Papa! Papa!" "Hanapin mo siya, Mina. Hanapin mo siya. Pakiusap." "Kruuk! Kruuk!" sang-ayon ni Mina. Lumiwanag ang mukha ni Aryan, saka masiglang tumungo sa kaniyang kuwarto. Agad siyang kumuha ng pluma at papel. "Papa, kaarawan ko na sa makalawa. Sana bumalik ka na. Gusto ka na naming makasama ni Mama. Aryan." Pagkatapos, niyang isulat iyan, nirolyo niya ang maliit na papel. Tinalian niya iyon ng pising gawa sa jute. Nagmistulang kuwintas iyon. "Aryan! Aryan!" bati ni Mina sa kaniya pagbalik niya sa balkonahe. Naglulumikot ito, na parang batang sabik na sabik na makawala sa hawla. "Pakakawalan na kita ngayon, Mina. Kapalit nito ang pagdala mo ng sulat ko kay Papa. Sana mahanap mo siya." "Sulat! Sulat!" "Oo, sulat... Umaasa akong matutulungan mo ako. Maraming salamat!" "Salamat! Salamat!" Sumilay ang malapad na ngiti sa pisngi ni Aryan. "Mahal ni Mama si Papa, kaya pinalaya niya. At kung babalik si Papa, mahal niya rin si Mama." "Kruuk! Kruuk!" sang-ayon ni Mina. "Mahal din kita, Mina. Matagal ka nang alaga nin Papa. Bago pa ako ipinanganak ni Mama, kasama ka na nila. Pero ngayon, malaya ka na." "Malaya! Malaya!" "Oo, malaya ka nang bumalik sa tunay mong tahanan at pamilya." Binuksan na niya ang hawla ni Mina. Ikinuwintas niya sa ibon ang nakarolyong sulat. "Paalam at mag-iingat ka sana." "Paalam! Paalam!" sabi ni Mina, saka lumipad palayo. Kumaway pa si Aryan kay Mina. Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman niya. Dumating ang araw na pinakahihintay ni Aryan. Maraming handang pagkain at inumin. Maraming bisita ang dumating. Masasaya ang mga kapuwa-bata niya, pero malungkot siya. Hindi pa natutupad ang kaniyang hiling. Ang inaasahan niyang bisita ay hindi pa dumarating. Gusto na niyang umiyak, nang makarinig siya ng pagbati. Tunog-ibon iyon. "Happy birthday! Happy birthday!" "Mina! Mina, nasaan ka?" nagtataka niyang tanong. Napatingin ang lahat, nang lumipad si Mina palapit kay Aryan. Dumapo ito sa kamay niya. "Sulat! Sulat!" sabi ni Mina. Hindi iyon ang ginawa niyang sulat, kaya agad niyang kinuha iyon kay Mina, saka binasa. "Maligayang kaarawan, Aryan. Bumalik na ako. Nais ko kayong muling makasama. Papa." "Papa? Papa!" Hinagilap niya ang ama. "Kruuk! Kruuk!" hiyaw ni Mina. Mula sa loob ng bahay, lumabas nang magkahawak-kamay ang kaniyang mga magulang. "Happy birthday! Happy birthday!" bati ng kaniyang ama. Tunog-ibon iyon. "Papa! Mama!" Tumakbo si Aryan palapit sa kaniyang mga magulang, saka niyakap sila. "Salamat po sa inyo, tinupad ninyo ang munti kong hiling." Nanatili si Mina kaniyang balikat. "Salamat! Salamat!" Nagtawanan ang lahat sa kadaldalan ni Mina.
No comments:
Post a Comment