Followers

Sunday, February 9, 2025

Pagmamahal sa Kapwa

 

Pagmamahal sa Kapwa

“Ito ang Aking utos sa inyo: magmahalan kayo katulad ng pagmamahal Ko sa inyo.” Iyan ang mababasa sa Juan 15:12. Iniutos ng Diyos na magkaroon ng pagmamahalan ang bawat tao.

Sinabi pa ni Hesus, “Wala nang pag-ibig na hihigit pa sa pag-ibig ng isang taong nag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.” (Juan 15:13). Maaaring magkakaiba-iba ang pakahulugan natin sa tekstong ito, pero ang nais lamang ng Diyos na mahalin natin ang kapwa natin bilang sarili nating buhay.

Ang Bibliya ang pinakamagandang aklat na dapat na binabasa ng bawat isa. Naglalaman ito ng mga kuwento, aral, kautusan, mensahe tungkol sa Diyos. Maraming teksto rin ang nagsasaad tungkol sa pagmamahal sa kapwa.

Sabi sa Kawikaan 3:29, “Huwag kang kumatha ng kasamaan laban sa iyong kapuwa, na palibhasa't tumatahang tiwasay sa siping mo.” Ang pag-iisip o pagpaplano ng ikapapahamak ng kapwa ay ipinagbabawal nito.

Sa Exodo 20:16, sinabi ring huwag tayong magbibintang sa ating kapwa. Kung hindi tayo sigurado sila ang maysala, huwag natin silang paratangan. At lalong huwag nating ipasa ang ating mga kasalanan at kamalian sa ating kapwa.

Sinasabi sa Mateo 19:19 na “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina; at, Iibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.” Kung hindi natin kayang lapastangan ang ating sarili, hindi rin natin magagawa iyon sa ating mga magulang at kapwa. Pinag-uutos nga sa Mateo 22:39, na ibigin natin ang ating kapwa na gaya ng ating sarili. Sabi naman ng iba, wala raw tayong kakayahang magmahal ng kapwa kung ang sarili natin mismo ay hindi natin minamahal at nirerespeto.

           May mga karahasang nagaganap sa sanlibutan at sangkatauhan, subalit ayon sa Levitico 19:18, “Huwag kayong manghihiganti o magtatanim laban sa mga anak ng inyong bayan, kungdi iibigin ninyo ang inyong kapuwa na gaya ng sa inyong sarili: ako ang Panginoon.” Ipasa-Diyos na lamang natin ang paghihiganti.

           Kahit si Cristo, noong Siya’y nagkatawang-tao, ay inibig niya tayo nang lubos. Sabi nga sa Mga Taga-Efeso 5:2, “At magsilakad kayo sa pag-ibig, gaya rin naman ng pag-ibig ni Cristo sa inyo, at ibinigay dahil sa atin ang kaniyang sarili, na hain at handog sa Dios upang maging samyo ng masarap na amoy.”

Ang pagmamahal natin sa ating kapwa ang magpapakita kung gaano natin kamahal si Jesus. Pinatutunayan iyan sa 1 Juan 4:7. Sabi rito ni Juan Bautista, “Mga minamahal, mangag-ibigan tayo sa isa't isa: sapagka't ang pag-ibig ay sa Diyos; at ang bawa't umiibig ay ipinanganak ng Diyos, at nakakakilala sa Diyos.”

Ang pagmamahal sa kapwa ay maaari ring makita sa pagdadamayan, pagmamalasakit, at pagtutulungan. Sabi nga sa Mateo 25:35, “Sapagka't ako'y nagutom, at ako'y inyong pinakain; ako'y nauhaw, at ako'y inyong pinainom; ako'y naging taga-ibang bayan, at inyo akong pinatuloy.” Maging matulungin, mapagkanlong, at mapagmalasakit sa ating kapwa. Sapagkat ayon sa 1 Juan 2:10. “Ang umiibig sa kaniyang kapatid ay nananahan sa liwanag, at sa kaniya'y walang anomang kadahilanang ikatitisod.” Tinutukoy ng ‘liwanag’ ang Diyos, pagmamahal ng Diyos, at mga salita ng Diyos.

Kaya, mga kapwa ko, mahalin natin ang ating kapwa-- gaano man sila kabuti o kasama, sapagkat ang umiibig sa kapwa, sa Diyos ay may naghihintay na biyaya

No comments:

Post a Comment

Takbo!

Takbo!   Tumakbo tayo para sa kalusugan Ngunit huwag nating takbuhan Ang problemang pinagdaraanan Bagkus harapin nang buong katapa...