Ang Mansiyon
Palaging tinitingala ni Sherwin ang mansiyon, na
malapit nang matapos. Gandang-ganda siya sa napakagarang bahay na iyon. Ang balita
pa niya, lilipat na ang pamilyang nagmamay-ari niyon. Hiniling niya sa Diyos na
sana may maging kaibigan siya sa isa sa miyembro ng pamilya.
Araw-araw nga siyang nasa harapan ng grandiyosong
tahanan iyon hanggang sa makita niyang may mga nakatira na sa loob.
“Come, Sweetie, come!” Agad na pumasok ang mayamang
bata, pagkatapos nitong makarga ang puti at mabalahibong aso.
Nalungkot siya nang hindi man lamang siya nginitian
ng kaedad niyang lalaki nang nginitian niya ito. Pero, mas nalungkot siya nang
magparinig ito sa kaniya.
“Nakakatakot lumabas, Sweetie. Maraming masasamang
loob doon. Dito na lang tayo sa loob ng bakuran natin,” sabi nito nang maisara
ang magarang gate na bakal.
Kinabukasan, bumalik si Sherwin sa harap ng
mansiyon. Naniniwala kasi siyang mabuting tao ang kaedad niyang bata roon.
Gusto niya itong maging kaibigan. Naniniwala rin siyang hindi lahat ng mayaman
ay matapobre.
Takot na takot man si Sherwin,
nagawa pa niyang sumagot nang mahinahon. “Oo, mahirap lang ang pamilya ko. Wala
kaming mansiyon kagaya ninyo, pero hindi po ako masamang tao… Humahanga lang po
ako sa bahay ninyo.” Tumalikod na siya upang umuwi, pero huminto siya at muling
nagsalita. “Gusto lang sanang kitang maging kaibigan, kaya lang hindi pala
talaga puwede. Totoo nga ang sabi ng mga magulang ko. Halos lahat ng mayayaman
ay matapobre.”
Hindi na niya narinig na nagsalita ang batang
mayaman. Ipinangako niyang hindi na siya pupunta roon kailanman.
Lumipas ang ilang araw, nagkasalubong sila sa
kalye. Malayo naman iyon sa mansiyon, kaya wala siyang narinig na masakit na
salita mula sa batang mayaman, na may kargang aso.
Pagbalik ni Sherwin, nakita niyang muli ang batang
mayaman. Nakadukwang ito sa imburnal na walang takip.
“Sweetie! Sweetie, nasaan ka na? Tulungan ninyo
ako,” mangiyak-ngiyak na sabi nito,
Nagtama ang mga mata nila, pero walang salitang
lumabas sa mga bibig nila. Dumiretso si Sherwin ang maisip niya ang masasakit
na salitang natanggap niya mula rito.
“Sweetie, nandiyan ka pa ba? Sweetie?”
Narinig ni Sherwin ang tahol ng aso. Awang-awa
siya, kaya bumalik siya upang iligtas ito. Tahimik siyang bumaba sa imburnal.
Paglabas niya, karga na niya si Sweetie.
“Sweetie, you’re safe! Thanks, God!” sabi ng batang
mayaman. Awang-awang ito sa alagang aso, kaya hindi niya namalayang nakalayo na
si Sherwin. “Salamat, Kaibigan! Ako nga pala si Richie,” sigaw nito habang
sinusubukan siyang habulin. “Punta ka sa bahay bukas. Laro tayo ng
Playstation.”
Kinabukasan, ipinakilala ni Richie si Sherwin sa
mga magulang at ate nito. Noon niya napatunayang hindi lahat ng mayayaman ay
matapobre. Napakababait ng pamilya ni Richie. Hindi niya naramdamang mahirap
lamang siya. Hindi rin ipinaramdam sa kaniya ng mga ito na may pinipiling
bisita sa mansiyon.
Nagtuloy-tuloy ang kanilang pagkakaibigan. Minsan,
isinasama rin ni Sherwin ang kaibigan sa kanilang munting tahanan. Hindi na rin
niya nakitaan si Richie ng pagiging mapag-alipusta. Kasundo nito ang mga
kapatid niya at marunong gumalang sa mga magulang niya
No comments:
Post a Comment