Followers

Thursday, December 8, 2022

Tatlong Kahina-hinalang Lalaki

 

              Maagang nagising si Lola Remedios dahil sa tahol ng mga alaga nilang aso. Nang sumilip siya sa bintana, napansin niya ang tatlong kahina-hinalang lalaki. Napansin niyang tumitingin sa kanilang bahay ang tatlong lalaki. Agad siyang kinutuban sa tatlong lalaki, kaya ginising niya ang asawa.

              “Bakit?” angil ni Lolo Renato. “Ang aga-aga pa. Matulog pa tayo.”

              “May mga lalaki sa harap ng ating bahay. Parang may masama silang binabalak sa atin,” paliwanag ni Lola Remedios.

              Nang marinig iyon, bumalikwas si Lolo Renato. Inilbas nito ang tubo sa ilalim ng kanilang kama. Pagkatapos, sinilip nilang mag-aasawa sa bintana ang mga lalaki.

              “Oo nga! Mukhang mga magnanakaw ang mga iyan. Mabuti, pinailawan ng barangay ang mga kalsada,” sabi ng lolo.

              “Ang lalakas nga ng loob ng mga iyan! Tayo pa ang bibiktimahin.”                            

              Napangiti si Lolo Renato. “Hindi sila sisinohin ng tubong ito.”

              Binuksan ni Lola Remedios ang ilaw sa kuwarto. Nagtungo rin sila sa sala at kusina at pinagbubuksan ang mga ilaw roon.

              Lumapit si Lolo Renato sa kinalalagyan ng kanilang radyo. Gusto niyang  magpatugtog upang malaman ng mga lalaki na gising na sila.

              “Mahal ko, baka marinig nila tayo,” nag-aalalang sabi ng lola.

              “Mabuti ngang marinig nila tayo para umalis na sila.”

              Maya-maya, naulinigan ng dalawang matanda ang pagtawag ng mga lalaki sa labas. Nakilala ni Lola Remedios ang boses ng mga lalaki, kaya lumabas siya ng bahay upang pagbuksan ang mga lalaking tumatawag.

              “Mga anak ko, bakit hindi kayo nagsabi, na darating kayo?” mangiyak-ngiyak na sabi ng ina.

Dedma

 

Masayang gumising si Max dahil ito ang ika-siyam niyang kaarawan. Nagsuklay siya bago lumabas ng kuwarto. Umaasa siyang babatiin siya ng kaniyang mga magulang at mga kapatid. Subalit, ikinalungkot niya ang pandededma ng mga ito sa kaniya.

Parang walang nakita ang kaniyang ina, ama, kuya, at ate. Dati-rati, binabati siya ng mga ito pagkagising niya. Pero, ngayon, para siyang multo.

Tumakbo siya patungong banyo. Gusto niyang umiyak sa kabiguan.

Matagal siyang nanatili sa banyo. Ayaw sana niyang lumabas doon kundi lang siya tinawag ng kaniyang ina.

“Max, kanina ka pa riyan. Ano ang problema? May nararamdaman ka ba?” tanong ng ina.

“Wala po. Okey lang po ako. Sandali na lang po, lalabas na ako,” sagot ni Max. Ang totoo, umiiyak na siya.

Paglabas ni Max, wala na sa hapag-kainan ang kaniyang pamilya. Mas lalo siyang nalungkot sa kaniyang naabutan.

Hindi na napigilan ni Max ang sarili. Pumalahaw na siya ng iyak.

“Happy birthday to you! Happy birthday to you! Happy birthday, happy birthday! Happy birthday, Max!” sabay-sabay na awit ng kaniyang mag-anak.

“Akala ko, nakalimutan na Ninyo ang birthday ko!” maluha-luhang sabi ni Max.

“Puwede ba naming makalimutan ang kaarawan ng aming bunso?” tugon ng ina. “Halika na, mag-almusal na tayo nang sabay-sabay.”

Inilabas ng kaniyang pamilya ang mga pagkaing handa sa kaniyang kaarawan.




Sunday, November 13, 2022

Ang Huling Pagsubok

 Pinatawag ni Maestro Kalabaw sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda dahil hindi nagkakasundo ang mga ito.

 

“Maestro, hindi po ako ang may kasalanan,” paliwanag agad ni Unggoy.

 

“Ikaw nga ang madalas mandaya sa mga laro natin,” bunghalit ni Ibon.

 

“Ikaw naman, tumatakas kapag natataya,” paliwanag ni Palaka.

 

“Kayo nga, palagi ninyo akong binuburot,” pagtatampo ni Isda.

 

“Tama na! Tama na! Dapat magkasundo-sundo na kayo ngayon.”

 

Lalong lumakas ang sisihan ng apat. Ayaw nilang magbati-bati.

 

“Sige! Kung ayaw ninyong magkasundo at magbati, idadaan natin sa karera ang lahat!” deklara ng maestro.

 

Sumang-ayon naman sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.

 

“May apat na pagsubok kayong pagdaraanan. Ang una ay paglangoy,” sabi ni Maestro Kalabaw.

 

Nagtungo sila sa lawa.

 

“Mula rito, lalangoy kayo patungo sa kabila,” sabi ni Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong lumangoy.”

 

Tuwang-tuwang sina Isda at Palaka. Hindi naman masyadong masaya sina Ibon at Unggoy.

 

“Isa, dalawa, tatlo… Langoy!” hudyat ng maestro.

 

Mabilis na nakalayo sina Isda at Palaka mula sa pampang. Si Unggoy naman ay nahirapan. Samantala, si Ibon ay hindi halos makalayo kahit isinagwan na niya ang pakpak.

 

“Pinakamatulin si Isda!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikalawang pagsubok ay pag-akyat.”

 

Nagtungo sila sa ilalim ng puno ng acacia.

 

“Mula rito, aakyat kayo patungo sa tuktok,” sabi ni Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong umakyat.”

 

Tuwang-tuwang si Unggoy. Natulala si Palaka. Napangisi si Ibon. Napakamot naman ng ulo si Isda.

 

“Isa, dalawa, tatlo… Akyat!” hudyat ng maestro.

 

Mabilis na nakaakyat si Unggoy. Sumunod si Palaka kahit painot-inot. Si Ibon, ginamit na rin ang tuka upang makaakyat. Samantala, si Isda, kinakapos na ng hininga, hindi pa makaakyat.

 

“Napakabilis ni Unggoy!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikatlong pagsubok ay pagtalon.”

 

Nagtungo sila gitna ng parang.

 

Tuwang-tuwang si Palaka, gayundin si Unggoy. Nalungkot naman si Ibon. Samantala, gusto nang umayaw ni Isda.

 

“Mula rito, tatalon kayo patungo roon sa puno,” sabi ni Maestro Kalabaw. “Sa aking hudyat, magsisimula kayong tumalon.”

 

Parang kidlat na tumalon si Palaka. Nakasunod naman sina Ibon at Unggoy. Samantala, si Isda ay kung saan-saan napupunta.

 

“Ang galing-galing ni Palaka!” deklara ni Maestro Kalabaw. “Ikaapat na pagsubok ay paglipad.”

 

Naipagaspas ni Ibon ang kaniyang mga pakpak. Napatingin tuloy sina Palaka, Isda, at Unggoy.  

 

“Maestro Kalabaw, hindi naman po maaaring ilaban mo kami kay Ibon. Matatalo kami,” reklamo ni Unggoy.

 

“Kaya nga po… Paano naman po ako makalilipad? Hindi nga po ako makaakyat at makalangoy, e,” sabi naman ni Isda.

 

“Lalo naman ako,” dagdag ni Palaka.

 

“Mahusay si Isda sa paglangoy. Magaling si Unggoy sa pag-akyat. Kamangha-mangha naman si Palaka sa pagtalon. At sanay na sanay si Ibon sa paglipad. Tiyak ako, si Ibon ang mangunguna sa huling pagsubok,” paliwanag ng maestro.

 

“Kaya wala pong idedeklarang panalo. Tig-iisa lang po kami ng panalo pagkatapos ng mga pagsubok,” tugon ni Unggoy.

 

“Ibang pagsubok na lang po, Maestro Kalabw,” sabi ni Isda.

 

“Puwede naman po ang paglakad,” suhestiyon ni Palaka.

 

“Makinig kayo… Hindi ito paligsahan, kundi pagsubok. Wala pang nanalo sa inyo sa tatlong pagsubok.”

 

Nagtataka at nagtinginan sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.

 

“Sige, bibigyan ko kayo ng sapat na oras para pag-isipan at paghandaan ang huling pagsubok. Mag-aabang ako sa gubat. Pumunta na lamang kayo roon kapag handang-handa na kayo.”

 

Bumalik sina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda sa may lawa. Tahimik silang nag-isip doon ng paraan kung paano magwawagi sa huling pagsubok ni Maestro Kalabaw.

 

Malungkot sina Isda, Palaka, at Unggoy. Awang-awa naman si Ibon sa tatlo.

 

Samantala, halos mawalan na ng pag-asa si Maestro Kalabaw na makita ang apat sa huling pagsubok.

 

Maya-maya, natanaw na niya sa himpapawid ang apat. Nakakapit si Unggoy sa mga paa ni Ibon. Hawak-hawak naman ng mga paa nito ang kalahating bao, na may tubig. Naroon sina Palaka at Isda.

 

Tuwang-tuwa si Maestro Kalabaw. “Binabati ko kayo! Nagwagi kayong apat sa huling pagsubok!” bati niya nang makalapag na sa lupa ang apat.

 

“Salamat po, Maestro Kalabaw!” tugon nina Ibon, Palaka, Unggoy, at Isda.

 

“Sigurado akong palagi na kayong magkakasundo.”

 

“Opo!” sabay-sabay na sagot ng apat.

 

“Tiyak akong marami kayong natutuhan sa mga pagsubok.”

 

“Totoo po iyon!” sabay-sabay na sagot ng apat.

 

“O, sige, tara na! Sakay na kayo sa likod ko. Ipapasyal ko kayo sa talon.”

 

Masayang-masayang nagtungo ang lima sa nakatagong talon sa gubat.

 

 

 

 

Friday, November 4, 2022

LihaM Paanyaya at Talatang Naglalarawan

 

 LihaM Paanyaya at Talatang Naglalarawan

                          

                                                                                                          Nobyembre 1, 2022


Mahal kong pinsan, Zachary,

 

Kumusta ka na? Alam kong nasa mabuti ka namang kalagayan ngayon habang kasama mo sina Ate Vanessa, Tito Martin, at Tita Marissa.

 

Okey rin ako rito sa probinsiya. Masaya ako kasi kasama ko sina Mama, Papa, Kuya Miguel, at Alice. Maayos naman ang pamumuhay namin dito.

 

Sumulat ako sa `yo para anyayahan kang magbakasyon dito sa malayo, pero kabigha-bighani naming lugar.

 

Sana makapunta ka, kasama ng iyong pamilya sa Disyembre. Dito na kayo mag-celebrate ng Pasko at Bagong Taon. Masaya ang pagdiriwang namin dito. Pambihira ang mga palaro, pakulo, at kasiyahang inihahanda ng aming masipag na punong barangay.

 

Pagdating mo rito, magka-camping tayo sa gubat. Hindi naman nakakatakot doon. Walang mababangis na hayop. Ligtas tayo.

 

Alam mo ba ang hayop na pilandok? Naku, makikita natin iyon sa malawak na gubat. Tiyak mamangha ka.

 

Siya nga pala, ipapasyal din kita sa sikat na sikat naming parke. May mga tree house doon na puwedeng akyatin. Sigurado, matutuwa ka.

 

Marami pang iba puwedeng gawin sa parke, gaya ng pagduduyan, pagsi-seesaw, at pag-i-slide. Ang paborito kong gawin sa parke ay ang pagsakay sa duyan, na gawa sa gulong ng sasakyan. Gusto mo rin ba iyon?

 

At dahil malapit kami sa dagat, maliligo tayo palagi roon. Mapuputi ang buhangin sa dalampasigan. Malinaw pa ang tubig. Hindi rin masyadong maalon.

 

Magbabaon tayo ng masasarap na pagkain. Sariwa ang mga isda, gulay, at prutas sa amin, kaya siguradong marami kang makakain. Ang sarap kayang magpiknik sa tabing dagat, `di ba?

 

Tuturuan kitang sumisid. Dadalhin kita sa kagila-gilas na coral reef. Marami tayong makikitang isda at iba pang lamang dagat. Doon mo matatagpuan ang makukulay na isda at halamang dagat.

 

At pagsapit ng gabi, magsasapin tayo ng banig sa malawak na damuhan. Doon, mag-i-stargazing tayo. Napakaganda ng kalawakan! Kay gandang pagmasdan ang maniningning na bituin, saka ang hugis-suklay na buwan.

 

Hanggang dito na lang. Saka na lang natin planohin ang iba pa nating activities kapag nandito na kayo. Aasahan ko ang inyong pagdating.

 

Ingat ka palagi.

 

Ang iyong poging pinsan,

Dwayne

 

 

 

 

Friday, October 28, 2022

Hermiiiiing!

 Pagkagising ni Herming, uminat-inat siya kagaya ng balerina. Saka siya tumalon mula sa mesa kagaya ng sirkero sa perya.


Humilahid siya sa paa ng tapag-alaga. Pagkatapos, nakatanggap siya ng dampi ng kamay at marahang himas sa kaniyang ulo. Para siyang batang may nagawang mabuti.

Napalundag sa tuwa si Herming nang marinig ang tunog ng ibinubuhos na pagkain, na parang maliliit na isda. Napangiti pa siya sa repleksiyon ng sarili sa bagong buhos na tubig. Parang nakakita siya ng anghel sa langit.

Kumaway si Herming sa tapag-alaga. Saka nagtatalon-talon sa tuwa, na animo'y nanalo sa loterya.

Parang inspektor na sinilip ni Herming sa bintana ang tagapag-alaga. Inalam niya kung ito'y nakalayo na.

Nilundag-lundag nang kay bilis ni Herming ang labindalawang hakbang na hagdan. Para siyang pulis na may puganteng tinutugis.

Tinalon niya ang kurtina sa sala. Para siyang lineman sa liksi at kisig, kaya umabot siya sa gitna. At mula roon, lumukso siya at nagpatihulog. Para siyang gymnast, dahil mga paa ang unang lumapat.

Parang siya si Wolverine si Herming. Kinalmot-kalmot niya ang sofa. Nagkahimulmol naman ang telang sapin nito.

Nagtungo si Herming sa banyo at nakita ang tissue. Hinila niya iyon nang hinila. Hindi nagtagal, nagkalat ang pira-pirasong papel.

Naamoy ni Herming ang basura sa trash can. Dinukwang niya iyon at naghanap ng mapaglalaruan. Inilabas niyang lahat ang basura. At nakita niya ang plastic bag.

Pumasok si Herming sa plastic bag at nagpagulong-gulong sa sahig. Natumba ang burnay. Nawala sa ayos ang floor mat.

Namataan ni Herming ang butiki. Nabuhay ang tigre niyang ugali. Tahimik siyang nag-abang ng pagkakataon.

Tumulay si Herming sa mesa upang siya ay makatalon patungo sa kabinet. Doon, tinalon niya ang butiki, na parang siya si Spiderman. Agad namang nakalayo ang butiki, pero bumagsak siya kasabay ng plorera.

Nagulat at natakot si Herming, kaya tumungo siya sa bintana. Inilusot niya ang katawan sa maliit na uwang upang makalabas siya.

Tuwang-tuwa si Herning sa hardin. Nagpatago-tago siya sa ilalim ng mga hilera ng halaman. Hindi niya namalayan ang mga naapakan niyang mga pananim. Natumba ang mga ito at naluray.

Narinig ni Herming ang twit-twit ng ibon. Dagli siyang naging magnanakaw. Dahan-dahan at maingat siyang nagtago. Tinantiya niya kung kakayanin niya itong sakmalin.

Mabilis na nakalipad ang munting ibon bago pa nakalukso si Herming sa dinapuang sanga nito. Sa halip, napabaras siya sa sanga at nagpaikot-ikot na parang elesi.

Nang siya'y mahilo, nagpatihulog na lang siya. Bumagsak siya sa mga tuyong dahon na nakasako. Nagkalat ang mga iyon pagkatapos niyang makalabas.

Maya-maya, nakita ni Herming ang palaka sa lupa sa paso. Naghuhukay ito roon, na parang gustong magpahinga.

"Meow! Meow!" galit na sunggab ni Herming sa palaka. Saka niya binungkal ang lupa. Nagliparan iyon sa ere, kasabay ang palaka. Sumunod ang halamang nakatanim.

Parang leon, na hinanap ni Herming ang palaka. Sa kasamaang-palad, hindi niya iyon natagpuan. Sa halip, mga lumot at putik sa mga kamay at paa ang napala.Nanlilimahid pa ang mga puting balahibo niya.

Sa nakauwang na bintana, pumasok si Herming. Lumundag siya sa sahig na puting-puti. At naglakad na parang reyna. Maruruming bakas ay sinusundan siya sa kaniyang paglalakad.

Parang may hinahanap si Herming. Paroon. Parito. Paroon. Parito. Hindi niya tuloy napansin ang buong sala ay nanggigitata na.

Sa pagod, nakatulog si Herming sa ibabaw ng sofa. Nanaginip pa yata at naghihilik pa siya.

"HermiiĆ­iiing, ano'ng ginawa mo sa bahay?!"

Parang nakuryente si Herming nang marinig ang sigaw ng tagapag-alaga. Agad siyang nagtago sa ilalim ng center table.

"Mapapalo kitang pusa ka!" sigaw uli ng tagapag-alaga, sabay palo ng tsinelas sa sahig.

Plak! Plak! Plak!

Sa takot, kumaripas ng takbo si Herming. Hindi niya nabilang kung ilang hakbang ang hagdang kaniyang inakyat.

Nataranta si Herming sa kuwarto. Hindi malaman kung saan siya magtatago. Sa ilalim ba ng kama? O sa likod ng kurtina?

"Herming! Hermiiing..." tawag ng tagapag-alaga.

"Meow! Meow!" malambing na sagot ni Herming. Mula sa likod ng pinto, lumabas siya na parang payaso. Tumayo siya sa harap ng tagapag-alaga. Saka siya humingi ng pasensiya.

"Kahit makulit ka, Herming, lab na lab pa rin kita."

Nang marinig iyon, agad siyang humilahid sa paa ng tapag-alaga, gaya ng dati niyang ginagawa.

Maya-maya pa, kinarga na si Herming ng tagapag-alaga.

"Meow! Meow!" Pangako niya, hindi na magiging makulit na pusa.

Tuesday, September 20, 2022

Wikang Filipino at mga Katutubong Wika

Kay yaman na ng ating bansa Sa mga tradisyon at kultura Maging sa mga diyalekto't wika Subalit may iyayabong pa. Kung itong ating wikang Filipino, Kasama ang mga wika ng katutubo Ay tutuklasin at lilikha ng bago, Lalo pa itong uunlad, lalago. Mga katutubong salita'y gamitin Mga makabagong salita'y tuklasin Atin silang pagsamahin at linangin Nang ang wikang pambasa natin Ay manatiling nagniningning. Bansang Pilipinas ay kikilalanin Kung Wikang Filipino'y palalaganapin At mga katutubong wika'y pauusbungin.

Balita Sample

Pamilya Modista, kinilalang ‘Ulirang Pamilya’ Kinilala ng Barangay Masagana ang Pamilya Modista bilang ‘Ulirang Pamilya ng Taon’ dahil sa inspirasyong dulot nila sa naturang pamayanan. Si Paolo Modista, ang haligi ng tahanan, ay naninilbihang barangay tanod, habang nag-aalaga sa kaniyang dalawang anak. Samantalang si Nerissa Modista, ang ilaw ng tahanan, ay nagtratrabaho sa ibang bansa. Naging inspirasyon ng lahat ng pamilya sa barangay ang pamilyang ito sapagkat hindi naging hadlang ang kanilang sitwasyon sa pagkakaroon ng masaya at masaganang pamumuhay. Palagi pang nakatatanggap ng parangal sa paaralan ang dalawang bata.

Oras

Ang oras ay mabagal kapag may hinihintay Kapag nagmamadali, ito'y kay bilis naman Ito'y tila nakamamatay kapag ika'y malumbay Sa oras ng kasiyahan, ito ay may kaiklian. Sa panahon ng sakit, oras, tila `di nagwawakas. Kapag nag-iisa, ito'y parang napakahaba Kaya ang bawat segundo, minuto, at oras, Palaging pahalagahan at gamitin nang tama.

Thursday, August 11, 2022

Balagtasan: Alisin o Panatilihin ang Araling MTB sa NCR

Lakandiwa: Magandang araw, sa inyo'y pagbati! Sa isang balagtasan, makibahagi Dalawang dalubwika’y magtutunggali Sa paksang napapanaho’t kawili-wili. Ang tanong ng mga nakararami, “Aalisin o pananatilihin sa NCR ang MTB.” Kaya, ang balana ay pumarini. Ating kilalanin ang magkatunggali. Nasa kaliwa, ang unang makikipagtagisan Ang ikalawa naman ay nasa kanan. Bawat isa’y titindig sa inyong harapan. Magpapakilala’t kanilang panig ay ilalaban. Kanilang opinyon, nawa’y inyong pakinggan Nang sariling panig, mapili’t mapanindigan At bandang huli nito, ating mahuhusgahan Kung sino ang tunay na kampeon sa balagtasan. Mambabalagtas 1: Isang mapayapang araw, mga kababayan! (Pangalan ng kalahok 1), ang aking pangalan, Kawangis ninyo, ako’y Filipino, makabayan, Kaya, pakiusap, ako’y h’wag agad husgahan Kung nais kong maalis ang MTB sa panuruan. Inyo muna akong pakinggan at pulsuhan Nang ideya ko’y pumasok sa inyong kaibuturan At mga alinlangan ay tuluyang matuldukan. Mambabalagtas 2: Pagbati ko’y para sa inyong lahat Tunay ngang ang puso ko’y nagagalak `Pagkat sa entabladong ito, ako’y haharap At mga katuwiran ko’y aking maisisiwalat Tungkol sa paksaing nagdudulot ng sugat (Pangalan ng kalahok 2), ang iyong katapat. Pagmamahal ko sa wika ay hindi masusukat Kaya, pagpapanatili ng MTB sa NCR ay nararapat. Mambabalagtas 1: Magiting kong katunggali, makinig ka Ang Wikang Filipino at Tagalog ay iisa Kaya, bakit MTB ay ginawang asignatura? Samantalang Filipino ay sapat na Upang mga mag-aaral ay maging bihasa Oras sa pagtuturo nito ay naaaksaya Disin sana’y nailalaan at nagagamit pa sa iba Pagtibayin ang asignaturang Filipino, aking panukala. Mambabalagtas 2: Linawin ko lang, magiting kong kalaban Wikang Filipino at Tagalog ay may kaibahan Ang wikang Tagalog ang pinagbasehan Ng Wikang Pambansa ng sambayanan Sa paggamit ng mga salita, mapagkakalilanlan. Wikang Filipino’y nanghihiram sa mga dayuhan Ang Tagalog ay sa ating mga rehiyon ng ating bayan. Kaya’t iyong layunin ay hindi ko masasang-ayunan. Mambabalagtas 1: Magaling! Magaling! Tunay kang dalubwika Subali’t hindi natin kailanman maikakaila Mga magulang, mag-aaral, at guro ay umaalma Sa dagdag-pasanin ng pagtuturo ng MTB sa eskuwela “Paulit-ulit. Hindi na kailangan,” ang sabi nila. Usapan sa kanilang tahanan, Tagalog naman talaga Para ano pa’t paglalaanan ng oras na mahalaga Kung ako ang masusunod, mag-aral ng ibang wika. Mambabalagtas 2: Mukhang nalilihis ang iyong ideya, Kapatid. Hindi ito tungkol sa kaalamang paulit-ulit Mithiin ng kagawaran ay napakalalim Hindi katulad ng isipan mong walang talim. Sa MTB, lubos nakikilala ang mga katutubong wika Na siyang kasangkapan sa pagtuklas at paglikha. Kung ang Tagalog ay patuloy ang ating pagtangkilik Bansa nati’y hindi magagapi, sa landas `di malilihis. Mambabalagtas 1: Ang Wikang Tagalog ay hindi ko tinatanggihan Ang akin lamang ay huwag nang ituro sa paaralan Tingnan sana ninyo ang mga resulta’t kinalabasan Naging matagumpay ba ito o pabigat lamang? Repasuhin ang sistema, pagnilay-nilayan Upang makita ang mga kamalian at pagkukulang Sa panahon ngayon, MTB-Tagalog ay kailangan Subali’t ang gawing asignatura ay maling hakbang. Mambabalagtas 2: Mali? Kailan pa naging mali ang kaalaman? Sa paaralan ka natuto’t nagkamit ng karunungan At sa mga asignatura ka naging paham Bakit ngayon MTB ay nais mong alisan ng kalayaan-- Kalayaang turuan ang mga makabagong kabataan? Ang Tagalog ay dapat panatilihin sa silid-aralan Hindi ito hadlang sa pagkatuto at paglinang Bagkus ito’y isang daan patungo sa kamalayan. Lakandiwa: Mahusay! Napakahusay ninyong dalawa! Kahanga-hanga ang bawat inilahad na kaisipan Kaya, ang madla’y may sarili nang kapasyahan Nawa’y nasanggi ninyo ang puso ng kagawaran Upang isyung ito ay kanilang mapagdesisyunan MTB, panatilihin o alisin man, sila ang nakakaalam. Maraming salamat sa inyong kaalaman! Tanggapin ninyo ang masigabong palakpakan.

Wednesday, August 3, 2022

Mga Dapat Mong Malaman tungkol sa Pneumonia

Bago ako magsimula, itanong ko lang… Nagpabakuna ka na ba? Hindi ng anti-CoViD, huh, kundi ng pneumococcal conjugate vaccine (PCV). Naku! Naku, kung hindi pa, hinihikayat kitang tapusin ang artikulong ito. Ano ang Pneumonia? Ang Pneumonia (Pulmonya) ay isang banayad, malubha, at nakamamatay na sakit sa mga baga. Wala itong pinipiling edad, subalit higit na naaapektuhan ang mga matatanda, sanggol, o mga taong may mahinang resistensiya. Paano nagkakaron ng Pneumonia ang isang tao? Dahil sa impeksiyon, namamaga ang mga alveoli sa loob ng baga. Napupuno ng nana o tubig ang mga ito, kaya nahihirapang huminga ang isang tao. Nakararanas din ng pag-ubo, pagkakaroon ng lagnat, at panginginig ng katawan ang taong may impeksiyon sa baga. Nagagamot ba ang Pneumonia? Opo! Nagagamot ito. Sa pamamagitan ng mga antibiotic at ilang makabagong paraan. Maiiwasan din ito sa pamamagitan ng pagpapabakuna. Subalit, mahalagang malaman mo muna kung anong uri ng pulmonya ang tumama sa iyo. Ano-ano ba ang uri ng Pulmonya? May mahigit tatlong uri ng Pneumonia. Ang tatlo sa mga ito ay bacterial, viral, at mycoplasma. Ano ang Bacterial Pneumonia? Ang Bacterial Pneumonia ay sanhi ng samot-saring bakterya, gaya ng Streptococcus pneumoniae. Ang Streptococcus pneumoniae ay ang pinaka-common at pinakamalimit tumatama sa mga may mahihinang immune system. Sino-sino naman ang prone sa Bacterial Pneumonia? Madalas tamaan ang mga taong may sakit, kulang sa tamang nutrisyon, o mga matatanda. Sila ang madaling pasukin ang mga baga ng mga bakteryang nagdudulot ng pulmonya. Ang mga taong naninigarilyo, nagtatrabaho sa isang kapaligiran na may maraming polusyon, nakatira o nagtatrabaho sa isang ospital ay posibleng magkaroon ng mas mataas na panganib para sa pneumonia. Ano-ano ang sintomas ng Bacterial Pneumonia? Masasabing may Bacterial Pneumonia ang isang tao kapag siya ay may ubong may makapal na dilaw o berde, o kaya’y mucus na may dugo, nakararanas ng parang sinasaksak na sakit sa dibdib, na lumalala kapag umuubo o humihinga, may mga biglaan at matinding panginginig, may lagnat na 102-105 ° F o mas mataas o mas mababa kaysa sa 102 ° F (sa mga matatandang tao), at may iba pang mga sintomas, gaya ng sakit ng ulo, sakit ng kalamnan, pagkahilo o mabilis na paghinga, malubhang pagkapagod, mamasa-masa at maputlang balat, walang ganang kumain, at pagpapawis. Paano maiiwasan ang Bacterial Pneumonia? Gawin lamang ang mga sumusunod upang makaiwas sa sakit na ito. Magpabakuna ka. Panatilihin mo ang kalinisan sa katawan at kapaligiran. Umiwas sa paninigarilyo at taong naninigarilyo. At panatilihin mong malakas ang iyong ang immune system. Ano naman ang Viral Pneumonia? Ang Viral Pneumonia naman ay sanhi ng iba’t ibang uri ng virus, gaya ng influenza virus. Ang influenza virus ay ang ikatlong sanhi ng lahat ng naitalang kaso ng pulmonya. Sino-sino naman ang prone sa Viral Pneumonia? Kung ikaw ay 65 o mas matanda pa, may hika, diabetes, o sakit sa puso, dumaan sa isang operasyon, ayaw kumain nang tama o ayaw tumanggap ng sapat na mga bitamina at mineral, naklalanghap ng iba’t ibang uri ng usok, labis na umiinom ng alcohol, HIV positive, nagkaroon ng isang organ transplant, o may leukemia, lymphoma, o malubhang sakit sa bato, ikaw ay may mas mataas na tsansa na tamaan ng viral pneumonia. Ano-ano ang sintomas ng Viral Pneumonia? Sa unang araw, mararamdaman na ang trangkaso, na may kasamang tuyong ubo, sakit ng ulo, sakit ng lalamunan, kawalang-ganang kumain, at sakit ng kalamnan. Paglipas ng isang araw o higit pa, maaaring lumala ang lagnat. Maaaring maramdaman ang paghahabol ng hininga. Paano maiiwasan ang Viral Pneumonia? Makaiiwas ang sinoman sa uri ng pulmonyang ito, kung magpapaturok ng bakuna bawat taon, regular na huhugasan ang mga kamay, lalo na pagkatapos mong pumunta sa banyo at bago ka kumain, kakain nang tama, na may maraming prutas at gulay, mag-eehersisyo, magkakaroon ng sapat na tulog, pagtigil sa paninigarilyo o mga taong naninigarilyo, at paglayo sa mga taong may sakit. Ano ang Mycoplasma Pneumonia? Ang Mycoplasma Pneumonia ay isang impeksiyon sa paghinga na madaling kumalat sa pamamagitan ng pagbahing, pagsasalita o pag-ubo. Ito ay idinudulot ng karaniwang bakterya, tulad ng Streptococcus at Haemophilus. Maaari itong maging sanhi ng epidemya. Tinatawag din itong ‘walking pneumonia.’ Mabilis itong kumakalat sa masikip na lugar. Sino-sino ang prone sa Mycoplasma Pneumonia? Mapanganib ang Mycoplasma Pneumonia sa matatanda, sa mga taong may mga sakit na nagpapahina sa immune system, gaya ng HIV, sa mga gumagamit ng steroid, sa mga nagpapa-immunotherapy o chemotherapy, sa mga may sakit sa baga, sa mga may karamdaman sa sakit sa cells, at sa mga batang mas bata sa edad na lima (5). Ano-ano ang sintomas ng Mycoplasma Pneumonia? Ang pagdanas kakapusan sa paghinga, mataas na lagnat, malubhang pagkapagod, at matinding ubo ay mga palatandaan ng Mycoplasma Pneumonia. Paano maiiwasan ang Mycoplasma Pneumonia? Sa pamamagitan ng mga sumusunod na lifestyle change, makakaiwas sa sakit na ito. Matulog nang anim (6) hanggang walong (8) oras araw-araw. Kumain ng balanced diet. Umiwas sa mga taong may mga sintomas ng Mycoplasma Pneumonia. At ugaliing maghugas ng kamay bago kumain o pagkatapos makipag-ugnayan sa mga taong may sakit. Bago ako magwakas, nais kong ibahagi ang produktong makatutulong upang makaiwas o malunasan ang anomang uri ng pulmonya. Ito ang First Vita Plus Natural Health Drink Dalandan. Mayroon itong limang gulay--- malunggay, talbos ng kamote, dahon ng sili, uray/kulitis, at saluyot. Pinalalakas nito ang immune system ng taong umiinom nito. Sa mga gustong umiwas sa pneumonia, regular itong inumin, sa halip na softdrinks, iced tea, commercial juice drinks o alak ang inumin. At sa mga may pulmonya, maaari itong inumin kasabay ng mga gamot na inireseta ng doktor sapagkat ito ay pagkaing inumin o inuming pagkain. Walang overdose sa mga gulay. Ang pulmonya ay nakamamatay, pero mas masarap mabuhay lalo na kong malusog at masaya tayong namumuhay.

Sunday, July 17, 2022

Dengue: Paano Lalabanan?

Alam mo ba? (Prangkahan na tayo.) Ang dengue ay maaaring magdulot ng shock, internal bleeding, o kamatayan. Ang dengue ay maaaring malala o hindi malala. Kapag ito ay malala, mapanganib ito sa buhay ng isang tao sa kaunting oras lamang, kaya nangangailangan ito ng confinement. Kapag hindi malala ang dengue, maaari naman itong mapagkamalang ibang sakit sapagkat nagkakatulad sa mga sintomas. Anyway, 1 out of 20 katao lamang ang madalas na nakararanas ng severe dengue. Gayunpaman, dapat pa ring mag-ingat at maghanda. Ang severe dengue ay kakikitaan ng nagdudulot din ng lagnat, na sinasabayan pa ng alinman sa mga sumusunod na sintomas—sakit sa tiyan, pagsusuka nang tatlong beses sa loob ng 24 oras, pagdurugo ng ilong o gums, pagsusuka ng dugo, pagkakaroon ng dugo sa dumi, at pakiramdam ng pagod, hapo, at iritable. Kapag nag-manifest ang mga ito, huwag nang magpatumpik-tumpik pa. Sumugod na agad sa hospital at magpasuri sa doktor. Nangangailangan na kasi ito ng agarang paglulunas. Kapag hindi malala, isa sa bawat apat na tao ang nagkakasakit kapag nahawa ng dengue. Ang mild dengue ay nagdudulot ng lagnat, na sinasabayan ng alinman sa mga sumusunod na sintomas—eye pain, muscle pain, headache, bone pain, joint pain, rashes, o nausea/vomiting. Ang mga ito ang mga pangkaraniwang sintomas ng dengue, na madalas, dahil sa pandemya, napagkakamalang sintomas ng CoViD-19. Tandaan lamang na ang mga sintomas ng mild dengue ay kadalasang tumatagal mula dalawa hanggang pitong araw. Mahalagang malunasan agad ang mga sintomas nito. Magpasuri sa doktor kung naniniwala kang dinapuan ka nito, lalo na kung sobrang taas ng iyong lagnat. Kung nagkaroon ka na ng dengue noon, mataas ang tendency na magkaroon ka ulit. Mas mataas naman ang risk sa severe dengue ng mga sanggol at buntis, kaya ingatan natin sila. Sa paunang lunas, maaaring uminom ng paracetamol. Huwag iinom ng ibuprofen o aspirin. Siyempre, damihan ang iinuming tubig upang manatiling hydrated ang iyong katawan. Mabisa rin ang pag-inom ng mga inuming may electrolytes, gaya ng sabaw ng buko o niyog, gatas, katas o tubig ng pakwan, sports drinks, at Pedialyte. Mild o severe man ang dengue, inirerekomenda ko ang pag-inom ng First Vita Plus Natural Health Drink Dalandan variant. Ang dalandan kasi ay prutas na mayaman sa Vitamin C, na kailangan ng ating katawan sa oras na may sakit tayo. Maitataas nito ang platelet counts. Ang produktong ito ay may limang gulay (malunggay, talbos ng kamote, dahon ng sili, uray/kulitis, at saluyot) na mahusay magpataas ng immune system o nakatutulong sa pagpapalakas ng resistensiya. Para makaiwas naman na madapuan ng lamok, inirerekomenda ko ang First Vita Plus Moringa Lemongrass Oil. Huwag nating maliitin ang lamok o kagat ng lamok. Maglinis ng kapaligiran. Magpalakas ng resistensiya. Ang dengue ay palaging nariyan, kaya para tayong laging nasa pandemya.

Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...