Followers

Monday, March 31, 2025

Ang Aking Journal -- Marso 2025

 

Marso 1, 2025

Past 4 am, bumiyahe na ako patungong school para dumalo sa BSP Day Camp sa aming paaralan. Isa ako sa mga scouter na magha-handle ng isang base. Ituturo ko ang kasaysayan ng boy scouts. Nai-ready ko na ang game-based lesson ko.

 

Wala pang six, nasa school na ako. Nakapag-almusal na rin ako. May mga scouts na ring naroon.

 

Past 6, si Sir Rey pa lang ang naroon. Since siya naman ang coordinator, siya ang punong abala. Medyo nagsisi nga ako dahil napakaaga ko. Pero napagtanto kong tama lang ang nangyari dahil nagpapakita iyon ng respeto, disiplina, at suporta. Hindi katulad ng iba, na late nang dumating. Tumulong na lang ako iba’t ibang paraan gaya ng pagkuha ng mga larawan.

 

First time kong humawak ng base at magturo ng BSP history. Hiniling ko na sana ay hindi ma-boring ang mga bata.

 

Naging maayos at masaya ang day camp ng mga boy scouts. Nanariwa ang karanasan ko noong high school ako, kung kailan sumama ako sa camporal sa isang barangay sa aming bayan. Malapit sa dam ang venue, kaya panay lang ang ligo namin. Napakasaya ng ganoong karanasan. Sana maranasan din iyon ng mga boy scouts na nakatira sa siyudad.

 

Past 4, tapos na ang day camp. Tagumpay na maituturing iyon. Nagawa ko nang maayos ang aking parte. Nabusog din ako sa mga pagkain, gayundin sa kasiyahan at karanasan.

 

Isinama ako ni Ma’am Mel sa panonood ng ballet sa Solaire. Binigyan siya ng libreng ticket ng kaniyang estudyante, na ang tatay ay isa sa mga performers doon. Matagal na nang huli akong makapanood ng ballet, kaya hindi na ako nagdalawang-isip.

 

Past 5, nasa Solaire na kami. First time kong makapasok doon. Hindi man namin naikot ang kabuuan niyon, nagandahan na ako sa lugar. Malinis pa ang mga banyo.

 

“Ang Panaginip” ang pamagat ng show. Magagaling ang performers, pero hindi ko pa—hanggang ngayon—na-gets ang istorya. Masyado yatang malalim. O baka masyadong mababaw ang aking kaisipan. He-he. Gayunpaman, may mga ideya na ako sa aking isipan. Sa kabuuan, napakagandang karanasan iyon, lalo’t nakasama ko pa si Kelzy, ang aming estudyante, at si Ate Jing, na aming clerk.

 

Past 9, nang matapos ang show. Nakapagpa-picture pa kami sa tatay ni Kelzy. Aniya, “Sa uulitin.” Sinabi pa niya ang titles ng susunod nilang show. Interesado ako sa ‘Ivatan.’

 

Past 11:00 na ako nakauwi sa bahay. Hindi na ako nakapag-dinner. Uminom na lamang ako ng FVP Dalandan bago natulog.

 

 

 

Marso 2, 2025

Nagising ako bandang 6 am, pero dahil Linggo naman ngayon, at kulang ako sa tulog, natulog uli ako hanggang past 8. Thank God dahil nakabuo ako ng 8 hours.

 

Pagkalipas ng ilang minute, bumaba na ako para mag-almusal at maglaba. Ako na ang naghanda ng pagkain kasi tulog pa ang aking mag-ina. Tinuloy-tuloy ko ang trabaho sa ibaba. Naglaba. Nagdilig. Nagsampay.

 

Past 10, humarap na ako sa laptop para magsulat. Mag-post ng poster sa mga FB pages ng tungkol sa Women’s Month.

 

Wala pa ring nagyayaya at nag-commit ng tripping sa San Juan, Batangas. Hindi ako nagmamadalai. Alam kong may mga taong interesado, pero wala pa silang pera. Pasasaan ba’t may mako-closed deal din ako.

 

Bago ako umalis para pumunta sa dental clinic, natapos ko nang gawin ang PPTs sa Filipino at ESP. Ready na ako bukas.

 

Mga ala-una ng hapon, kasagsagan ng init, pumunta ako sa clinic kung saan ako nagpabunot noong Sabado. Pagdating doon, napagtanto kong Linggo pala ngayon, kaya pala walang nagbukas ng sliding door nang nag-doorbell ako. Nabasa ko pa ang karatulang ‘Closed.’

 

Nagpadala na lang ako ng pera kay Zildjian. Nag-chat din ako na pagpasensiyahan na ang aking nakayanan. Idinahilan ko ang pagkuha ko ng hulugang lupa.

 

Past 2, nakabalik na ako sa school. Nagpaantok muna ako sa panonood ng rom-com series. Kahit mainit, nakatulog naman ako. Paggising ko, ipinagpatuloy ko ang panonood hanggang past 9. Naisingit ko lang ang pagwo-workout.

 

 

 

Marso 3, 2025

Wala pang 3 am, gising na ako. Kulang na kulang pa ako sa tulog, kaya nag-reset ako ng alarm. Ginawa kong 3:30 am, pero hindi ako nagtagumpay. Bumangon na lang ako after 15 minutes.

 

Maaga akong nakarating, pero bad trip ako sa dalawang estudyante kong hindi man lang binuksan ang pintuan. Ako pa talaga ang pinaakyat sa bintana. Hayun, nagtuloy-tuloy na. Wala ako sa mood humarap sa klase. Kaunting ingay, iritable ako. Hindi ako naging mabuting guro ngayong araw sa lahat ng section. Naging tahimik ako. Naging masungit. Pinasulat ko lang sila pagkatapos kong mag-present ng lesson.

 

After recess, nagsumbong ako sa GC. Inireport ko ang mga estudyante kong hindi nagpasa ng output sa Filipino. Sana matuto na silang magpokus sa pag-aaral. Ayaw kong maging bisita lang sila sa klase ko.

 

Nagpabasa rin ako ng PHILIRI. Natuklasan kong mahihina pa silang bumasa.

 

Nag-suspend ng klase ang city mayor dahil sa mataas na heat index bago mag-uwian ang pang-umagang klase. Kakabuwisit! Lugi na naman kaming mga AM teachers.

 

Sinabay na ako ni Ma’am Wylene sa kaniyang car, kaya past 2, nasa bahay na ako. Sinikap kong matulog. Hindi naman ako nabigo. Siguro, mahigit isang oras din akong nahimbing. Mga past 4 na nang bumangon ako para magmeryenda.

 

Nagdilig muna ako ng mga halaman bago nagkape. At pagkatapos magkape, humarap na ako sa laptop para gumawa ng PPTs sa ESP at Filipino. Six o’ clock na ako natapos at nakapag-workout.

 

Quarter to 8, nadiskubre kong hindi pa pala bayad ang electric bill namin. Due date na noong March 24. Aguy! Muntik na kaming maputulan. Nakakahiya kapag nangyari iyon.

 

Agad akong lumabas para magpa-cash in. Mabilis ko lang nagawa kaya bago magsimula ang BQ, nasa bahay na ako.

 

 

 

Marso 4, 2025

Masigla akong nagturo. Gusto ko ang lesson, kaya kailangan kong ngumiti at maging masigla. Naging epektibo naman iyon, kaya halos lahat ay napasulat ko. Napag-recite ko rin ang iba sa kanila. Pinabasa ko ang kanilang talata sa harapan ng klase, bilang graded recitation.

 

Na-bad trip lang ako sa dalawang katekista na umubos ng oras ko. Ni hindi nagpaalam na papasok sa klase ko. Twelve-fifteen na lumabas. Hindi na ako nakaupo, gaya ng ginagawa ko dati, habang naglilinis ang mga cleaners. Pinagalitan ko ang VI-Love kasi hindi nila ni-remind ang dalawang katekista. Ipinarinig ko sa kanila ang galit ko. Bad trip tuloy ako habang nagla-lunch.

 

Bago umuwi, nag-meeting muna kaming Grade 6 teachers sa Guidance. Tungkol sa graduation ang agenda. Biglang nausog ang unit test kasi sinuspende ang mga klase bukas hanggang Marso dahil sa heat index. Wala ring pasok sa Friday dahil may misting at fogging. Long weekend!

 

Mabilis lang naman ang meeting, kaya nakauwi agad ako. Sumabay ulit ako kay Ma’am Wylene.

 

Pagdating sa bahay, sinikap kong makatulog. Past 4:30 na ako nagising.

 

Hindi muna ako gumawa ng anomang schoolwork. Nanood na lang ako ng inaabangan kong series. Saka nag-workout din ako. 

 

 

 

Marso 5, 2025

Nasanay akong magising nang maaga, kaya bago mag-seven, gising na ako. Pero natulog ulit ako hanggang 8 am. Ginising ko si Emily para siya ang maghanda ng almusal. Almost 9 am na kami nakapag-almusal. Okey lang naman.

 

Agad akong humarap sa laptop para mag-send ng activity sheet sa GC. Asynchronous ang mga klase namin ngayon.

 

Then, nagsulat ako ng info sa SF10 duplicate. Tinapos ko lang iyon, saka ako gumawa ng periodic test sa Filipino 6. Isiningit ko ang panonood ng series.

 

Hapon, sobrang init na, nanood na lang ako ng movies, saka umidlip. Grabe, hindi yata ako nakatulog dahil sa sobrang taas ng heat index.

 

Bago ako nag-workout, nag-chat si Joy, ang pinsan ko, tungkol sa lupang inaahente ko. Andami niyang tanong, kaya sigurado akong interesado siyang makabili rin. At hindi nga ako nagkamali. Nagpa-sked siya at ang katrabaho niya ng tripping sa March 13. Sayang, hindi pa bukas o hanggang Sunday. Available sana sina Ma’am Amy. Pero, hinikayat ko pa rin na magpa-reserve na o kaya magpa-tripping na this week.

 

 

 

 

Marso 6, 2025

Wala pang eight nang magising ako. Sakto iyon para makagawa at makapag-send pa ako sa GC ng activity sheet. Kaya lang, natuklasan kong walang internet. Sa halip na mai-send ko ang naihanda ko kahapon, gumawa ako ng bago, gamit ang cell phone ko, na may natitirang mobile data.

 

Ngayong araw, matindi ulit ang init. Kaya hindi ako nakatulog sa hapon. Gayunpaman, nasulatan ko ng grades (mula Q1 to Q3) ang original copies ng SF 10. Nakapagsulat din ako ng ilang items ng PT. Nakanood ako ng series sa Moviebox. At makapagsulat ako ng nobela para sa Inkitt.

 

Gabi, bandang quarter to 7, nag-chat si Hanna. Ni-remind niya ako ng allowance niya. Kaya naman dali-dali akong nagpa-cash in sa Dali. Nakapagpahangin na ako, nakapag-time out pa ako sa screen. Nakabalik din ako after 20 minutes. Itinuloy ko na ang pagwo-workout.

 

 

 

Marso 7, 2025

Past 6:30, gising na ako. Hindi na ako nakatulog. Hindi rin maayos ang tulog ko kasi, bukod sa sobrang init, andami ko pang realistic na panaginip. Parang gising lang ako, kaya pagod na pagod ako sa pabaling-baling ng higa.

 

Pagbangon ko, agad akong nag-send ng activity sa GC. Then, bumangon na ako para mag-almusal. Pagkatapos kong mag-almusal, hinarap ko na SF 10 duplicates para sulatan ng grades. Past 9;30, tapos na ako. Hindi ko pa nga lang nasulatan ang mga transferees at may problema. Marami pang dapat gawin.

 

Nakapagdilig na rin ako ng mga halaman, kaya itinuloy ko na ang pagsusulat ng nobela. Bago mag-lunch, nakapag-post na ako sa Inkitt.

 

Hapon, hindi na muna ako gumawa ng kung ano-ano. Nanood na lang ako ng series at movies habang kinakaya ang matinding init.

 

 

 

Marso 8, 2025

Eight-twenty na ako nagising. Grabe, ang sarap matulog! Andami ko na namang panaginip na parang totoo. Hindi ko nga ma-distinguish kong natulog ba ako o nag-isip lang.

 

Past nine na ako nakapag-almusal. Humarap na agad ako sa laptop para gumawa ng periodic test sa Filipino 6. Twenty-five items pa ang bubunuin ko.

 

Past 12, tapos ko nang mai-draft ang periodic test. Editing na lang ang susunod, bago ko ipasa sa GC.

 

Naglaan ako ng oras para maituloy ang pagsulat ko ng tula para sa mga lalaki, na maaaring bigkasin ko sa Women’s Month celebration ng school namin. Kaya lang, nakaisang stanza lang ako.

 

Maghapon akong nagpahinga—habang nanonood ng series at movies. Actually, inabot pa ng past 11:30 pm.

 

 

 

Marso 9, 2025

Past 7 nang magising ako. Gustuhin ko mang matulog ulit, hindi ko na ginusto kasi maglalaba pa ako. Habang nga nagpapainit ng tubig, nagsimula na akong maglagay ng tubig sa washing machine. Nasimulan ko na agad ang magpaikot nito. Kaya bandang 9 am, nakapagsampay na ako. Kakaunti lang ang labahan ko kasi dalawang araw lang ang pasok nitong week. Nagso-shorts lang naman ako sa bahay, kaya isang ikot lang ang nangyari sa washing machine.

 

Maghapon akong nanood ng ‘La Casa de Papel: Berlin’ series. Naisingit ko rin ang pagtulog kahit paano.

 

 

 

Marso 10, 2025

Lunes na naman! Tamad na tamad akong bumangon, pero kailangan kong maging masigla para sa mga estudyante.

 

Past 6, nagkaroon ng flag raising ceremony, saka parade para sa launching ng Women’s Month at Fire Prevention Month. Mabilis lang ang parada. Matagal lang ang pagsasalita ng principal. Gayunpaman, okey lang naman.

 

Hindi na kami nakapagpalitan ng klase. Tatlong period ang naapektuhan. Hindi ko nagamit ang vacant period ko. Mabuti na lang, nasa wisyo akong magturo. Naging mabait ang mga estudyante.

 

Pagkatapos kong mag-lunch. Umuwi na agada ko. Hindi na ako nakisabay sa car ni Ma’am Wylene.

 

Past 2, nasa bahay na ako. After 30 minutes, pinagbigyan ko ang sarili ko. Mabuti na lang, hindi masyadong mainit. Three hours yata ang naging tulog ko. Worth it! Nakabawi ako ng puyat kagabi.

 

Nagdilig ako ng halaman bago nagkape. Mga 5:45 na siguro iyon.

 

Dahil ready na ang pang-class observation ko bukas, ginawa ko naman ang video ng launching kanina. Ako ang pinagawa ni Ma’am Mel. Natagalan akong gawin. Sobrang hirap.

 

 

 

Marso 11, 2025

Ako ang pinakamaagang dumating sa 5th floor. Tumayo ang balahibo ko habang naglalakad sa pasilyo. Pero kaagad ring nawala nang nabuksan ko na ang ilaw.

 

Masaya akong nagturo sa Love. Marami silang natutuhan sa akin. Pero sa Hope, nagsermon ako. Naramdaman ko ang kawalang interes nila. May mga tulog. May naghaharutan. May nagsi-cell phone. Haist! Napasaringan ko na naman sila. Sabi ko, kung ganoon sila ka inactive, magmumukha silang tae at langaw pagdating nila sa Grade 7. Pinangako ko na bukas, magtititigan lang kami since ayaw nilang nagtuturo ako nang maayos. Pagdating naman sa Charity, Faith, at Hope, okey naman sila.

 

Nagpa-observe na ako sa Hope kay Sir Erwin. Maayos ko namang nai-deliver ang lesson ko. Magaganda ang comments sa akin. Thank God.

 

Na-delay ako ng uwi kasi nahuli ang bus conductor ng LTO sa may MOA. Antagal nilang nag-deal. Panay na nga ang sigaw ko, gayundin ang mga kasakay ko. Inabot yata kami ng kalahating oras doon. Nakakainis ang dalawang galing sa LTO--- Salen at Soliven. Wala silang puso. Talagang tiniketan nila ang nagmamakaawang konduktor. Simpleng violation lang naman. Nagtawag ng pasahero. Nagsabi lang ng “Fairview.” Haist! Power trippers!

 

Past 3:30 na ako nakatulog. Isang oras lang akong nahimbing. Gayunpaman, okey na rin iyon.

 

Paggising ko, ginawan ko ng ‘Certificate of Originality’ si Ate Bel. May reading materials siyang sinulat para sa reading remedial nila.

 

Bago ako nag-workout, gumawa muna ako ng PPT ng summative test sa Filipino 6. Copy-pasted lang naman iyon mula sa periodic test ko. 

 

 

 

 

Marso 12, 2025

Tamad na tamad na naman akong pumasok, pero hindi ko hinayaang lamunin ako ng katamaran.

 

Nagpasulat ako ng argumento sa paraang debate sa bawat section. Tahimik lang ako sa Hope, gaya ng sinabi ko sa kanila. Nakipagkulitan naman ako sa Peace. Tuwang-tuwa sila kapag makulit ako, kaya lang sumusobra naman ang boys. Magugulo at maiingay na.

 

Bago ako nagpauwi, nakipagkulitan naman ako sa Love. Grabeng sigla ng klase ko kapag tungkol sa love team ang kulitan.

 

Umuwi agada ko pagkatapos ng klase. Hindi na ako nag-lunch dahil may nagpakaing parents ng Peace dahil sa 3rd Quarter honors.

 

Pagdating ko sa bahay, hindi ako nakatulog dahil nag-chat si Joy. Hindi raw sila matutuloy bukas sa tripping. She failed me. Akala ko pa naman, makakapag-close deal na ako. Isasama pa naman ako sana ni Ma’am Amy sa Boracay dahil sa reward. Mabuti na lang, naunawaan niya ako.

 

Gumawa muna ako ng PPT para sa summative test # 2, bago ako nag-workout.

 

 

 

Marso 13, 2025

Alas-3 ako nagising. Gusto ko naman kasing mag-almusal bago umalis. Paraan ko rin iyon para makatipid. Mahal din ang almusal sa Pasay. Kadalasan, nakaka-worth P50+ ako.

 

Nagpa-summative ako sa lahat ng sections ngayong araw. Nagkaroon lang ng earthquake drill, kaya nagamit ang ilang minuto sa isang section. Pero ang sumatotal, ayos naman. Magulo lang talaga ang Peace. May isang estudyante na walang pakialam kung nagti-test ang ga kaklase niya. Panay ang gala niya sa loob at panay ang pagpapapansin. Hinayaan ko lang kasi ayaw kong sumakit ang dibdib ko. Gusto ko pang nabuhay nang matagal.

 

Sa Love, bago mag-uwian, nanahimik ako. Statement ko iyon.

 

Past 7 na ako nakauwi. Nakipag-meet kasi ako sa kaibigan ko. Ni-treat niya ako sa fast-food chain.

 

Hindi na ako nakapag-workout ngayong gabi, pero nakapag-record ako ng scores ng Charity, at nakapaglaba ng white shirt at nakapaghanda ng susuotin ko bukas.

 

 

 

 

 

Marso 14, 2025

Past-3:30 ako bunangon at bumaba para maghanda sa Pagpasok. Thank God, it’s Friday!

 

Tatlo lang kaming guro ngayon sa Grade 6. Sina Sir Jess, Sir Joel, at Ma’am Amy ay nasa electoral board seminar. Si Ma’am Wylene naman ay nasa closing program ng Division Palaro, kasama ang mga atheletes. Ang saya! Nagpalitan kami ng klase every one hour. Nagpa-second summative test ako at nagturo pagkatapos. Hindi naman ako nakapasok sa Charity kasi may katekista.

 

Kinuha rin ng katekista ang halos kalahati ng klase ko para magpraktis sa ibaba, kaya habang naghihintay sa kanila, pinanood ko ang kalahati ng “Ang Mutya ng Section E.” Gustong-gusto nila iyon. Natapos ang period nang nanonood sila. Saka lang din nakabalik ang mga nagpraktis.

 

After class, napatambay ako sa room ni Ms. Krizzy. Pinakin pa ako roon ng ginisang monggo, kanin, at hinog na mangga. May sofdrink pa. Hanggang past 1, nagkuwentuhan kami nina Ate Bel doon. Nakisabay na ako sa sundo ni Ms. Krizzy hanggang sa EDSA. Tamang-tama, patungo ako sa SM Megamall para dumalo sa Philippine Book Festival 2025 sa SM Mega Trade Hall.

 

Past two, naglilibot-libot na ako sa venue. Hinanap ko kaagad ang booth ng St. Bernadette Publishing House Corporation. Nahanap ko naman agad iyon, pero hindi ko muna in-approach ang sinomang maaari kong kausapin tungkol sa royalty fee. Nag-ikot-ikot muna ako.

 

Ang saya talaga ng vibes sa mga book fairs! Nakakapagod, pero worth it. Andaming puwedeng gawin. Andaming puwedeng bilhin. Pero kinontrol ko ang sarili ko. Hindi ako bumili ni isang libro. Kailangan kong magtipid para sa hinuhulugang lote.

 

Past 4, kumain muna ako sa paborito kong Chinese fast-food chain. Iyon lang kasi ang kaya ko. Meryenda at early dinner ko na iyon kung sakali.

 

Pagkatapos kumain, lumapit na ako sa booth ng SBPHC. Pinakausap sa akin ng napagtanungan ko si Ma’am Remie. Hayun! Nasabi ko ang mga dapat kung sabihin. Naipakita ko ang Sinag 6 module. Kako, hindi pa ako nakatanggap ng royalty fee. Siya na mismo ang nagbigay ng calling card. Tawagan ko raw siya upang maasikaso na niya.

 

Nagtanong din ako kung bakit wala silang naka-display na textbooks. Aniya, hindi updated. Walang naisulat. Kaya sinamantala ko na ang pagkakataon. Kako, baka naghahanap sila ng textbook writer. Willing pa rin daw ba akong maging writer nila? Sagot ko: “Opo naman.” Naibida ko rin na katatapos ko lang magsulat ng textbook sa Triumphant Pub. Kilala niya ang may-ari niyon.

 

Nagtanong naman siya kung anong grade ang gusto kong isulat. Parang interesado siyang kunin ako. Sana nga. Naisip ko nga rin na maaari akong mag-pitch ng project gaya ng ginawa ni Ma’am Nhanie. 

 

Nang nasa biyahe na ako pauwi, nag-update ako kay Ma’am Joann. (Sayang! Hindi siya nakasama. Dalawa sana kaming nakausap ni Ma’am Nhanie. Mas marami sana kaming naitanong.) Naengganyo siyang pumunta rin bukas.

 

Bago ako umuwi, sumali muna ako sa talk ng Bente-Bente Zine. Naka-join din ako sa talk nila noong sa MIBF sa SMX. Pero this time may pa-workshop sila. Pinagawa kami ng title at cover page ng zine, na plano naming gawin. Akala ko nga, susulat kami, hindi pala. Naka-ready pa naman ang manuscript ko. Kokopyahin na lang. Pero okey lang kasi namigay sila ng mga zines. Hindi na ako lugi.

 

Past 10:30 na ako nakarating sa bahay. Ang dilim pagdating ko. Akala ko walang tao. Naisip kong si Zillion lang ang tao sa loob ng kuwarto nila. Si Emily, wala pa. Nasabi niya kasi kahapon na may station of the cross sila. Naisip kong baka sa Antipolo City sila pumunta.

 

Nagutom ako, kaya ininit ko ang mga ulam. Kumain ako at nagkape. May fruit salad pa.

 

Before 12 na ako natulog.

 

 

 

Marso 15, 2025

Kahit hindi pa ako nakabuo ng 8 hours ng tulog, nagising na ako bandang 6:30. Sinubukan kong matulog ulit, pero nabigo lang ako. Kaya pagkatapos mag-cell phone, mga past 7 na iyon, bumangon na ako para maghanda ng almusal.

 

Habang kumakain ako, bumaba si Emily. Maag apala silang natulog dahil sa pagod. Si Ion, nag-swimming daw sa dagat kahapon. Mga 8 pm na umuwi. Siya naman, sa bahay lang pala nag-set up ng station of the cross.

 

Pagkatapos magdilig ng mga halaman, mga 8:30 am na iyon, umakyat na ako para humarap sa laptop. May gusto akong gawin. Nag-browse ako ng files ko. Nakita ko ang unfinished works ko, specifically ang tula para sa mga lalaki. Iyon ang ginawa ko, lalo na’t may meeting kami sa GAD sa Lunes. Sigurado akong pag-uusapan ang closing program para sa Women’s Month.

 

Bago mag-lunch, na-finalize ko na ang tula. Hapon, naisulat ko naman iyon sa bond paper na ginamit ko sa workshop kahapon sa PBF. Nang inantok ako, pinagbigyan ko muna ang sarili ko. Kahit mainit, nakatulog naman ako.

 

Pagkatapos magmeryenda, gumawa naman ako ng PPT, gamit ang tula. Iyon din ang gagamitin ko sa performance ko. Ikatlong taon na akong nagpi-perform para sa mga kaguro ko tuwing Women’s Month.

 

Gabi, sinimulan kong gawin ang zine ng ‘Mga P’re.’ Cover muna ang inuna ko. Gumawa ako ng clipart ng mga lalaki, mula sa silhouttes na na-download ko. Nakatapos ako ng dalawa. Itinigil ko ang pangatlo kasi naisipan kong manood ng PBB Collab episodes. Past 9:30 pm na ako natapos. Updated na iyon—I mean, hanggang March 14 na. Inabangan ko naman ang episode ngayong gabi.

 

 

 

Marso 16, 2025

Past 7, naglalaba na ako. Ginising ko ang mag-ina. Pinaghanda ko si Emily ng almusal, hindi dahil para sa akin, kundi para kay Ion, na may OJT sa office ng HOA President. Grabe pala ang junior high ngayon, may pa-OJT na.

 

Before 9 am, tapos na ako akong maglaba. Saka lang ako nakapag-almusal ng kanin.

 

Naglagay ako ng voiceover sa PPT ng tula ko para sa kalalakihan, na bibigkasin ko sa Women’s Month culminating program. Ipo-post ko ito sa YT, pero hindi muna sa mga FB pages ko, kasi baka mapanood na ng mga co-teachers ko.

 

Pagkatapos kong umidlip, ginawa ko naman ang pag-finalize ng zine na ‘Mga P’re.’ Gumawa ako ng mga cliparts ng bulaklak para mailagay ko sa mga pahina nito.

 

Habang nagwo-workout, nanood ako ng series at PBB Collab.

 

 

 

Marso 17, 2025

Kulang na kulang ako sa tulog. Nang magising ako bandang 12:30 am, hindi na ako nakatulog. Inisip ko nang inisip ang royalty fee na matatanggap ko sa SBPHC, na sinabi ni Ma’am Remie. Naisama ko rin sa pag-iisip ang bayarin ko sa loteng kinuha ko sa San Juan, Batangas. Hindi lang iyon. Napagplanuhan ko rin ang pagbili ng printer upang sa next school year ay maisagawa ko ulit ang paggawa ng zines.

 

Unang araw ng unit test. Naging mahigpit ako sa klase ko. Sinikap kong maging seryoso, firm, at istriko. Grabe kasi ang mga estudyante ngayon—wala na silang pagpapahalaga masyado sa edukasyon o kahit sa pgkakaroon ng mataas na test scores. Hindi nila masyadong siniseryoso ang mga test. Multiple choice na nga lang, hindi pa nila ma-perfect.

 

Ala-una, dumalo ako sa meeting ng GAD. Isa ako sa mga TWGs ng school GAD. Pinag-usapan namin ang nalalapit na culminating program ng Women’s Month. Wala ang principal, pero nairaos namin.

 

Past 2, umuwi na ako. Sobrang antok ko, kaya lumampas ako sa Umboy. Sa Puregold Tanza na ako namulat at nagising. Kinailangan ko pang maglakad pauwi. Alas-4 na tuloy ako nakarating sa bahay. Wala na akong time matulog. Mga 5 pm, after magkape at magmeryenda, nagdilig ako ng mga halaman.

 

Isinunod ko na ang pag-record ng mga test scores. Then, tinapos ko nang isulat ang isa pang tulang bibigkasin ko sa March 31. Nagawan ko na rin iyon ng PPT bago mag-7 pm.

 

Hindi ko itinuloy ang pag-workout kasi masakit ang kamay ko. Hindi ko maitukod. Push-ups pa naman ang routines ko ngayon. Nakatatlong sets lang ako ng regular push-up.

 

Maaga akong nag-off ng laptop at wifi para makatulog ako nang maaga.

 

 

 

Marso 18, 2025

Maagang natapos ang lahat ng tests, kaya maaga ring nagpasaway ang VI-Love. Siyempre, hindi ko sila hinayaang maging ganoon nang matagal. Sinermonan ko sila habang pinasusulat. Tatlong akda ang pinasulat ko sa kanila after ng recess—talata, tula, at sanaysay. At bago nag-uwian, pinabasa ko pa ang akda nila sa harapan ng klase.

 

Uuwi na sana ako nang makita ako ni Ma’am Madz. Late ko na kasing nabasa ang message sa GC na may meeting with the principal. Akala ko, nagsimula na sila. Napilitan akong dumalo kasi hindi pa naman pala nagsimula.

 

Hayun nga! Pinagmitingan ang tungkol sa NAT, graduation, at GAD program. Nabanggit din ni Madam ang tungkol sa pagsusulat ko. Aniya, gusto raw niyang marami pa ang matutong magsulat. Gumawa raw ako ng proposal upang magkaroon ng writing workshop during LAC session. Nabanggit ko tuloy ang hinaing ko. Kako, last year pa ako nag-alok sa mga teachers ng ganiyan. Wala lang pumansin sa akin. Sa isip-isip ko, ngayon lalapit-lapit kayo sa akin.

 

Naibahagi ko pa naman kay Ma’am Mel ang plano ko sa journalism at creative writing. Naipakita ko ang zines ko, at naikuwento ko ang zine making ko noong bago mag-pandemic. Agree naman siya sa plano ko.

 

Past 2:30 na natapos ang meeting namin. Almost 5 na ako nakauwi. At dalawang araw na akong lumalampas. Sobrang antok ko kasi. Kung kailan malapit na ako sa Umboy, saka naman ako nakakatulog nang mahimbing. Hayun, sa Puregold Tanza na naman ako bumaba. Naglakad uli ako pabalik.

 

Hindi na ako natulog at nagpahinga. Sinagot ko agad ang comments ni Auntie Emole sa post ko tungkol sa loteng mina-market ko. Kailan daw ang tripping?

 

Gumawa rin ako ng ‘Dates to Remember’ batay sa meeting namin kanina, saka ko pinost sa GC ng section ko.

 

Then, nag-record ako ng test scores. Gumawa rin ako ng grading sheet. Almost ready na para ipamigay sa mga advisers. Bukas, baka magpalitan na kami ng grades.

 

 

Before 7, nag-workout na ako. Wala pa rin ang maybahay ko. Wala pang ulam. Ayaw ring mag-asikaso ni Ion. Pero inutusan ko nang bumili. Binigyan ko ng pera. Ako na rin ang nagsaing.

 

 

 

Marso 19, 2025

Ang sarap ng tulog ko nang biglang tumunog ang alarm. Maganda pa naman sana ang panaginip ko. Haist! Gusto ko nang magbakasyon!

 

Sa school, sinimulan ko nang seryoso ang klase. Nag-explain ako tungkol sa mga activities na mangyayari sa mga susunod na araw. Pinasulat ko sa kanila ang mag dates at details na sinulat at sinabi ko. Pagkatapos, pinakanta ko nang ilang ulit ang mga graduation songs.

 

Nang ma-boring sila, nagpalaro ako. Tinawag kong “Ituloy Mo” game iyon kasi itutuloy nila ang parirala upang maging pangungusap, gaya ng “Natutuwa ako…” Gustong-gusto nila ang part na may ‘crush.’ Kaya lang, sobrang OA at ingay nila kapag kinikilig. Umakyat pa naman ang principal.

 

Nagpalaro din ako ng ‘3 Truths, 1Lie,” pagkatapos ng review/test sa AP6. Itinuloy naman namin ang palaro pagkatapos niyon. Nakaraos din kami nang walang palitan. Parang antagal ng oras kapag ganoon.

 

After class, nakipag-kuwentuhan ako nang saglit kina Ms. Krizzy at Ate Bel. Mga past 1, nag-deposit ako ng P8,000 sa account ni Flordeliza Malabanan para sa monthly amortization ng loteng kinuha ko sa San Juan, Batangas. Iyon ang unang hulog ko.

 

Past 2:30, nasa bahay na ako. Hindi ako lumampas.

 

Nakatulog ako hanggang 5:20. Ang sarap sa pakiramdam!

 

Nagdilig muna ako ng mga halaman at nagmeryenda, bago humarap sa laptop. Gumawa ako ng PPT ng NAT review-test para bukas.

 

 

 

Marso 20, 2025

Masigla akong pumasok dahil Huwebes na, kaya lang pagdating sa school, na-bad trip ako saw along lalaking estudyante ko. Pinagkaguluhan nila ang dalawang mag-bestfriend na umihi. Sinundan nila sa CR, at sinabing nag-masturbate daw ang mga ito.

 

Noong una, hindi ko alam na ganoon ang nangyari o ang dahilan ng mga boys kung bakit 6:08 na ay nasa labas pa rin sila. Sinermonan ko sila, saka ko pinasundo sa mga magulang nila. Alam ko namang hindi sila susunduin. Gusto ko lang ipaalam sa mga magulang nila ang nangyari.

 

Bumaba ang lahat ng Grade 6 teachers at learners para igrupo ang mga NAT takers according sa alphabetical orders ng mga pangalan nila. Pagkatapos, dinala namin sila sa kani-kanilang testing room. Past 8, bumalik na kami sa kani-kaniya naming classroom.

 

Binalikan ko ang mga pasaway. Bago ko sila pinapasok, pinasulat ko muna sila ng explanation. Doon ko nalaman na may nag-masturbate nga. Posible naman talagang gawin iyon, lalo’t may nagsabi o may nakakita. Kaya lang, pare-pareho ko silang pinagalitan dahil pare-parehong may kasalanan. Kako, Karapatan nilang gawin iyon kasi pangangailangan iyon ng mga lalaki, kaya lang maling oras at lugar. Mali rin na sinundan nila. Nilabag nila ang privacy ng dalawa.

 

Grabe, ang mga estudyante ngayon. Halatang mulat sa mga kalaswaan. Kahit sa kilos at pananalita nila, alam kong marami na silang napapanood o nakikita sa paligid. May mga babae ring nanonood raw ng scandal sa Telegram. Haist! Iba na talaga ang panahon ngayon.

 

Past 1, gumawa ako ng Human Bingo cards para ipampa-game bukas sa activity. Nag-isip din ako ng isa pang game. Nagustuhan naman ni Ma’am Mel ang – 2 Truths, 1 Lie.

 

Past 2, bumaba kami para gumawa at magkabit nga banderitas sa may stage. Tinulungan kami ng isang SPTA officer at ni Ma’am Judy. Dumating din si Sir Erwin. Natapos kami bandang past 3:30. Saka lamang ako nakauwi.

 

Sa PITX, nagmeryenda muna ako ng ice cold coffee at cheeseburger, bago ako sumakay sa bus pauwi. Sinikap kong hindi makatulog.

 

Past 5:30 na ako nakarating sa bahay. Hindi na ako nagpahinga. Humarap agada ko sa laptop upang manood ng PBB Collab, na inere kagabi. Isinunod ko na ang pworkout at pagplano tungkol sa zine, Sinag, at iba pa.

 

Natutuwa ako sa comment ni Ma’am Mina sa shared post ko tungkol sa #roadtobohol. Aniya, may writeshop daw for that. Nag-yehey ako at napasalamat. Sana matupad niya. Hindi niya kasi natupad ang division awarding ng GTA2024.

 

 

 

Marso 21, 2025

Maaga akong nakarating sa school kahit wala namang estudyanteng papasok sa school, kasi didiretso sila sa Our Lady of Sorrows Parish Church para sa Thanksgiving Mass.

 

Nagkasabay kaming bumaba sa dyip ni Ma’am Vi. Hinang-hina kami pareho kasi nakita namin ang road accident na kinasangkutan ng motorsiklo at dyip. Kawawa ang motorista, nakahandusay sa kaniyang motorsiklo. Kaya ayaw ko talagang matutong magmaneho.

 

Nagsabay rin kaming nagkape. Nagkuwentuhan kami hanggang datnan kami ni Ma’am Wylene. Tatlo na kaming nagkuwentuhan tungkol sa mga estudyante, grades, graduation, at iba pa.

 

Bago kami pumunta sa OLSPC, pinuntahan namin si Sir Jess. Nag-stay kami roon hanggang 8:30.

 

Gamit ang sasakyan ni Ma’am Wylene, pumunta kami sa simbahan. Si Sir Joel lang ang hindi namin kasama.

 

Almost ready na ang mga estudyante. Parang kami na lang ang hinihintay. Nasa loob na ang lahat. Naroon na rin si Sir Joel. At agad namang sinimulan ang misa. Nakapagsulat ako roon ng balita na pinost ko sa FB page ng Sinag.

 

Past 9 nang natapos ang mass, nagkayayaang kumain sa labas. Since nakapag-closed deal si Ma’am Amy, siya ang taya. Agad kaming bumiyahe patungong MOA. Mga quarter to nine, naroon na kami—hinahanap namin ang Lechoneria.

 

Kami ang unang customers doon. Nag-alfresco kami since overlooking ang seaside o Manila Bay, na kasalukuyang tinatambakan ng lupa o buhangin. Nakakalungkot lang tingnan.

 

Napagdesisyonan doon na magta-travel kami sa April 26 to 29 sa Bicol. Isusunod naman namin nina Ma’am Amy ang trip to Boracay, bilang incentive ng real estate na kinaaaniban namin. Kahit wala pa naman akong nai-closed deal, gusto niyang isama ako at ang wifey ko. Apat kami--- kasama ang husband niya. Sana nga matuloy sa May 1.

 

Ang sarap ng mga pagkaing inorder ni Ma’am Amy. Busog na busog kami, tapos may natira pang lechon.

 

Past 11:30, nasa school na kami. Busy na ang lahat doon para sa paghanda ng boodle fight table.

 

Hindi na ako nakakain. Hinayaan at tiningnan ko na lang silang maglaban sa mahabang dulang. Masaya ako para sa kanila.

 

Past 1, nagsimula na ang Part 2 ng program. Marami ang wala, kaya naiinis ako. Naiinis ako kasi gusto kong marinig at matunghayan ng lahat ang dalawang tulang inihanda ko para sa kanila. Gayunpaman, wala akong magagawa kundi ang ibigay ang aking best. Ang mahalaga, may audience ako.

 

Sa tingin ko naman, hindi ko uli sila nabigo.

 

Nagpalaro din kami ni Ma’am Mel. Gustong-gusto nila ang “Human Bingo” at “2 Truths, 1 Lie,” na inisip at plinano ko.

 

At nang ipi-perform ko na ang pangalawang tula, halos wala na ng mga kaguro ko. Nagsiuwian na dahil maghapon na nga naman sila, gaya ko. Nakakalungkot lang kasi walang unity sa school. Palaging may hidwaan. Palaging may issue.

 

Gayunpaman, ginalingan ko. Sana na-touch ko ang mga puso nila.

 

Pagkatapos niyon, malapit nang mag-six pm, kaming Tupa Group ay pumunta sa Shakey’s Malate para i-celebrate ang 60th birthday ni Tiyay. Andami rin niyang inorder. Walo naman kasi kami—kasama si Kuya Allan.

 

Ang say-saya namin kahit wala sa mood si Papang. Busog na busog ulit ako. Nagpa-ice cream pa si Putz.

 

Ten-thirty na ako nakarating sa bahay.

 

Bago ako natulog bandang 12 mn, nakapag-QATAME pa ako, at nakapag-send ng application sa Bureau of Learning’s call for applications for Storybook Forum 2025 sa Bohol sa May 26 to 30. Sana matanggap ako.

 

 

 

Marso 22, 2025

Past 7 ako nagising. Kulang ng isang oras ang tulog ko, pero okey na rin kaysa sa limang oras o tatlo.

 

Pagkatapos mag-almusal sinumulan ko nang isulat sa cards ang mga 4th Quarter grades. Nag-compute na rin ako para makuha ang average, at malaman ko kung sino-sino ang magkaka-honors.

 

Past 9, nag-chat ako kay Ma’am Remie. Humingi ako ng updates.

 

Hapon, naglaan ako ng oras, kahit mainit, para makatulog. Hindi naman ako nabigo. Past 4:30 na ako bumangon.

 

Seven-thirty na ako natapos mag-compute. So far, may tatlo na akong honors—sina Samantha Nicole. Jhaylo, at Christine. Gusto kong ipasok sina Sean at Monica, pero ang hirap hilutin ng mga grades nila. Mababa sila masyado sa Math.

 

Bukas, isasalin ko naman sa SF10 ang mga grades.

 

Ngayong gabi, naisipan kong gumawa ng PPT ng tribute ko sa Grade 6-Love. Nilagay ko ang mga ID picture nila. Naglagay ako ng mga mensahe sa bawat isa.

 

Nalungkot ako sa pagbigo sa akin ni Ma’am Remie. Hindi siya nag-reply. Tapos, nawala ang message sent ko sa kaniya. Hindi ko alam kung na-delete ko o ano. Nakakapagtaka talaga. Wala pa namang message history ang phone ko. Nag-chat agad ako kay Ma’am Joann. Sana siya naman ang mag-text. 

 

 

 

 

Marso 23, 2025

Past 7 na naman ako nagising. Hindi ko na talaga magawang matulog nang up-to-sawa. Pero okey lang, kahit paano ay maayos naman ang naging tulog ko kagabi.

 

Umangon ako bandang 8:30 para magsimulang maglaba. Nagkape lang muna ako. Kaunti lang naman ang labahan ko, kaya after an hour ay tapos na ako. Kanin naman ang inalmusal ko.

 

Bago ako naglagay ng grades sa SF10, gumawa muna ako ng Sinag Writing Club Membership Form. Plano namin ni Ma’am Mel na nakahanap na ng mga members from Grade 5 ngayon para sa June ay ready na kami. Magsisimula agad kami sa aming mga planned activities and fund raising.

 

Past 12, tapos ko nang lagyan ang original copies ng SF10, maliban sa ilang forms na may problema pa.

 

Umidlip ako siyempre bandang past 2. Past 4 na ako bumangon para magmeryenda. Isinunod ko ang panonood ng Squid Game 2. Tinapos ko lang iyon. Napanood ko na kasi ang Episodes 1 to 5.

 

Mga 7:00 na ako nag-start maglagay uli ng grades sa duplicate ng SF10. Natapos ko naman after more than one hour.

 

Pagkatapos kong manood ng PBB, natulog na ako. Alam kong mapupuyat na naman ako. Palagi namang nangyayari ito tuwing maglulunes.

 

 

 

Marso 24, 2025

Hindi nga ako nagkamali. Nang nagising ako bandang 1:30 AM, nahirapan na akong makatulog uli. Sumatotal, puyat ako. Kulang sa tulog. Gustuhin ko mang um-absent, hindi puwede. May mock test kami ng NAT.

 

May stiffed neck ako paggising ko, kaya wala ako sa mood habang nagbabantay ako sa mga nagma-mock test sa classroom ko. Pasaway pa naman sila at maiingay. Nang nag-BP nga ang school nurse, 100/60 lang ang blood pressure ko. Medyo low blood daw ako. Haist!

 

Pinatawag ko ang isang parent ko para ipaunawa sa kaniya na ang anak niya ay nakakuha lang ng 89.25 na average. Kako, gusto kong bigyan ng honors ang anak niya, kaya magkakaroon ng bura-bura sa card. Pumayag naman siya.

 

Umuwi agada ko pagkatapos kong kumain at makibalita kay Ma’am Joann tungkol sa pag-text namin kay Ma’am Remie. Nagkasundo kaming maghintay sa magandang balita tungkol sa inaasahan naming royalty fee at panibagong privileges at opportunities. At kung hindi kami ma-compensate hanggang April, bibisita na kami sa opisina ng St. Bernadette Publishing House Corporation para maningil ng mga atraso nilang royalty fees.

 

 

Past 2, nasa bahay na ako. Past 2:30 na ako inantok. Siyempre, kahit mainit, sinikap kong makatulog. Past 4:30 na ako nagising.

Nagdilig ako ng mga halaman bago nagmeryenda. Isinunod ko na ang paggawa ng Key to Correction sa NAT Reviewer sa Filipino kanina. Tanong sila nang tanong kanina. Hindi ako handa. Hindi ko alam na magtse-check pala. Haist!

 

Sinimulan kong panoorin ang Netflix series na ‘When Life Gives You Tangerines.” Tama ang mga nabasa ko, maganda nga pala talaga ang istorya.

 

 

 

 

Marso 25, 2025

Nagpalitan kami ng klase kahit absent si Ma'am Madz at hindi umakyat sina Ma'am Amy at Sir Jess. Marami silang ginagawa. Okey naman iyon kasi nakapagpasulat ako sa tatlong klase, na may nakahalong iilang estudyante sa VI-Peace. Hindi na nga lang kinaya sa Faith kasi recess na.

Pagkatapos ng recess, nagpasulat naman ako a Love ng akda na ang pamagat at "Salamat sa Love."

Nagpalaro ako ng 'Ituloy Mo,' bago kami nanonood ng "When Life Gives You Tangerines." Nagustuhan naman iyon ng karamihan.

 

After class, naki-lunch ako kina Ms. Krizzy, Papang, at Ate Bel. Matao sa room niya kay dumating ang mananahi ng aming graduation attire. Inabot kami room ng past 2 bago nakauwi.

 

Past 4, nasa bahay na ako. Hindi na ako nakaidlip. Marami akong ginawa bago ako nanood ng PBB at series na "When Life..."

 

Naisingit ko naman ang pagwo-workout, pakikipag-chat, at panonood.

 

Bago ako natulog, nabasa ko muna ang karamihan ng ipinasang sulatin ng mga estudyante. Nakaka-touch ang ibang akda, lalo na ang Love. Naluha ako.

 

 

Marso 26, 2025

Alas-3 pa lang, gising na ako. Kulang na kulang tuloy ang tulog ko. Kaya naman, mainit ang ulo ko nang humarap ako sa mga estudyante ko. Pinasulat ko sila kasi bumaba kami sa ground para tingnan ang covered court, na kaba-vacate lang. Pinabaklas ang makeshift roooms at pinatanggal ang barracks ng construction workers para doon na idaos ang graduation.

 

Medyo okey na. Marami pa ang dapat gawin, ayusin at tanggalin. Bukod sa mga ito mabaho pa---amoy-tae ng mga pusa.

 

Nakausap ko si Ma'am Mel habang nagpapasulat ako sa Love. Nagplano kami tungkol sa Sinag Writing Club. Napagdesiyunan din naming magpamiting sa mga co-trainers namin sa journalism.

 

Past 8, umakyat ang mga parents/guardians para kunin ang graduation framed photo. Nalito ako sa mga ibinayad nila.

 

Sumunod, na-stress na ako sa Love. Ang lilikot na nila. Wala pa naman ako sa mood na magpatawa.l, kaya panay ang saway ko. Tumitigil naman, pero maya-maya ay babalik sa dati.

 

After class, ma meeting kami with the principal. Hindi ko feel ang meeting niya. Nagugutom pa naman ako. Mema lang siya tungkol sa NAT. Parang akala niya  wala kaming effort. Pati pre at post-test itinanong pa. Wala namang nakakaalam kung anong mga tanong ang lalabas, kaya kahit mag-tumbling ako sa kakaturo at kaka-review, wala ring kuwenta. Hindi niya alam, iba ang itinuro ko. Itinuro kong pagbutihan ng mga estudyante ang NAT test bilang pagtanaw ng utang na loob sa paaralang kanilang naging tahanan sa loob ng ilang taon o pitong taon.

Ey

Past 1:30, nagsimula na kaming Grade 6 teachers na mag-cross check ng SF10. Nakakaantok pero sinikap kong gisingin ang diwa ko. Isa lang ang mali ko. Actually, hindi mali , kundi kulang. Hindi ko naisulat sa original form ang grades kasi kararating lang niyon from other school. Mabuti rin na nagpameryenda si Ma'am Vi. Nabawasan ang pagkalam ng sikmura ko. Eleven pa kasi nang kumain ako.

 

Past 7 na ako nakarating sa bahay. Na-traffic kami ni Ma'am Wylene. Pero okey lang kasi marami kaming  napagkuwentuhan.

 

 

 

Marso 27, 2025

Gusto ko sanang um-absent, kaya lang naisip kong may TOFAS pala si Sir Jess. Kailangan kong tumulong—sa paraang pagpasok para hindi na siya ang mag-handle ng klase ko. Isa pa, patapos na rin naman ang school year. Sayang ang araw ko.

 

Gayunpaman, nag-prank ako sa klase ko. Hindi ako nagpakita sa kanila agad. Nag-almusal ako sa classroom ni Ms. Krizzy. Nagulat nga siya nang pagpasok niya ay naroon ako--- madilim pa naman. Hindi ako nagsindi ng ilaw.

 

Pag-akyat ko sa 5th floor. Naroon ang mahigit 20 na Love. Nasa labas pa rin sila, naghihintay sa akin. Tuwang-tuwa sila nang makita ako. Akala raw nila, hindi talaga ako papasok. Natuwa naman akong kakaunti lang sila kasi magagawa ko nang tuloy-tuloy ang mga dapat kong gawin.

 

Bago ako nagpasulat sa Love ng akda tungkol sa ina, biniro ko sila na aalis din ako—may meeting ako. Hindi sila naniwala.

 

Buong period, pinasulat ko lang sila, pinakanta ng graduation song, at pinanood ng “Ang Mutya ng Section E.” Hindi ako masyadong nahirapan sa kanila, kahit may limang babaeng taga-Faith sa classroom namin. Nakabawas din sa sawayin ko ang pagbaba ng ilan para mag-test ng TOFAS. Absent pa ang worst student.

 

Pagkatapos kong makipagsalo ng tanghalian sa mga Tupa friends ko at makipagkuwentuhan hanggang bago mag-1 pm, umalis na ako sa school. Past 2:30 na ako nakauwi sa bahay. Sobrang init, pero sinikap kong makatulog.

 

Four-thirty na ako bumangon para magdilig at magmeryenda.

 

Past 5, nakapagsulat ako ng isang article para sa Sinag habang nanonood ng na-miss kong PBB Collab episode.

 

Bago ako natulog, nakapag-encode pa ako ng mga napiling akda para sa Sinag-a-Zine. Excited akong makabuo ng isang volume, na may 20 titles.

 

 

 

Marso 28, 2025

Almost 5:50 na ako nakarating sa school. Nasa harapan ko na ang Love nang nag-aalmusal ako ng champorado. At ilang minuto ang lumipas, nagsimula na ang practice ng NAT test. Nag-shading lang sila sa bubble sheet. Pagkatapos niyon, nagpalitan na kami ng klase.

 

Natuwa naman ako kahit paano kasi na-meet ko ang lahat ng sections. Nahikayat ko silang i-follow ang Sinag page at mag-comment sa pasasalamat thread roon. Saka nag-discuss na ako tungkol sa Sinag-a-Zine. Hinakayat ko silang mag-contribute para sa Mothers’Day special. Nagsulat naman ang karamihan. Nakapagpasa pa ang ilan bago natapos ang period.

 

Past 1, nagulat ako sa dami ng interesadong estudyante na maging bahagi ng Sinag Writing Club. Mahigit 60 ang dumating at hinarap namin ni Ma’am Mel. Natutuwa ako sa dami, pero dahil sobrang init, parang hindi advisable kapag ganoon. Gayunpaman, itinuloy ko ang paghihikayat sa kanila na maging member ng SWC. Subalit kailangan nilang makapagpasa ng akda bago sila bigyan ng membership form. Naniniwala akong hindi matatanggap ang iba. Paano kasi nayaya lang ng mga kaibigan. Ang iba, curious lang. May tatlo nang nag-backout pagkatapos kong i-reveal ang challenge. Akala nila, gano’n-gano’n lang.

 

Nakitaan ko rin ang ilan ng interes. Pero disappointed ako sa teacher-trainers na hindi dumalo. Naiinis talaga ako. Kung ako ang masusunod, hindi na sila dapat maging trainers. Andami nilang dahilan.

 

Past 2 na namin pinakawalan ang mga estudyante. Nag-post con naman kaming tatlo nina Ma’am Mel at Sir Erwin bago ako umuwi. Sila pa rin ang SPA. At ako ang consultant. Sana suportahan nila ang advocacy ko. Marami akong maitutulong sa mga estudyante, kaguro, at school.

 

Almost 4 na ako nakarating sa bahay. Hindi na ako nakaidlip. Sumulat agad ako ng article tungkol sa kaganapan kanina.

 

Pagkatapos, nanood na ako ng PBB at “When Life…”

 

After kong manood ng BQ, gumawa naman ako ng zine. Isinali ko ang kuwento kong ‘Mader Nos Bes.’

 

 

 

Marso 29, 2025

Past 7 nang magising ako. Gusto ko sanang matulog hanggang 8, pero hindi na ako pinagbigyan ng mga mata ko. Nag-cell phone na lang ako hanggang 8. Si Emily naman ang naghanda ng almusal, kaya pagbaba ko, naka-ready na ang pagkain.

 

Pagkatapos kong mag-almusal, humarap na ako sa laptop. Nag-encode ako ng mga akda ng mga estudyante. Ginawa ko ang PPT para sa Love o para sa announcement of honors. May mga nilagay akong mensahe nila roon para sa mga kaklase at sa akin, gayundin ang toga pictures nila. Nag-layout din ako ng zines. Naisingit ko rin ang panonood ng Korean series.

 

Bago ako umalis para pumunta sa Maple Grove upang dumalo sa P.S. Cavite Reads by Packing Sheets, umidlip muna ako hanggang past 3:00.

 

Sa venue, na-enjoy ko ang inihanda ng mga exhibitors at organizers. Nakakatuwa at nakaka-inspire ang event na iyon. Nais kong muling makaranas ng gayon. May mga booths na nagbebenta ng books, stickers, zines, artworks, beads, toys, crocheted items, at marami pang iba. May mga performances, gaya ng spoken word poetry, rap, at kanta. Nakabili ako ng dalawang kuwentong pambata, worth P150, at limang stickers, worth P20. Happy na ako.

 

Inabangan ko ang open mic. Naghanda rin ako ng piece kong ‘Mga Kahanga-hangang Babae,’ na tinula ko last year sa NWM celebration namin sa school. Kaya lang, inabot na ng 9 pm, hindi pa rin nagsisimula ang open mic. May nagpi-perform pa nga ng umalis ako. Hindi na ako puwedeng magtagal doon.

 

Past 9:30, nasa bahay na ako. Hindi na ako nakapaghapunan, since bumili naman ako ng makakain sa food bazaar sa kalapit na venue. Nanonood na lang ako ng PBB.

 

 

 

Marso 30, 2025

Past 7 na ako nagising. Okey na rin kahit pitong oras lang ang tulog ko.

 

Alas-otso, bumaba na ako para maglaba. Habang nag-iinit ng tubig, nagsasahod naman ako ng tubig sa washing machine. Naisingit ko rin ang pagdidilig ng mga halaman at pag-iinit ng ulam para sa almusal, habang nakasalang ang mga damit.

 

Past 9, nakapagsampay na ako. Agad akong humarap sa laptop. Andami kong gustong gawin ngayong araw, lalong-lalo na ang Sinag-a-Zines.

 

Marami akong na-accomplish ngayong araw, kahit naglaan ako ng oras sa panonood ng series at pag-idlip. Nakagawa ako ng logo ng Sinag Writing Club. Nanghingi ako ng suggestion kay Ma’am Mel nang mabuo ko na. Nakagawa rin ako ng isang zine – “Salamat!” Ito ay bahagi ng Sinag-a-Zine Volume 1. To be printed na lamang ito. Almost done na rin ang No. 2 zine—ang ‘Ang Ina.”

 

 

 

 

Marso 31, 2025

Gusto ko na namang um-absent, pero hindi puwede kasi naka-schedule ang pagbili naming Grade 6 teachers sa Divisoria ng susuotin namin sa graduation.

 

Nainis ako nang nagpalitan kami ng klase. Gusto ko sanang mag-stay lang sa classroom ko, lalo na’t kaunti lang ang pumasok. Gusto ko lang sanang pasulatin sila nang pasulatin habang nag-eencode ako.

 

Gayunpaman, nagpasulat pa rin ako ng akda sa bawat klaseng pinasukan ko. Pero wala ako sa mood. Wala namang kuwenta na ang pagpalitan ng klase. Hindi na rin naman ako nag-rereview ng NAT. Bahala na. Alam kong kakayanin nila ang test.

 

After class, nai-print na ni Ma’am Mel ang ‘Salamat’ zine. Excited na rin siya sa mga plano namin sa Sinag Writing Club.

 

Past 12:30, umalis kami patungong Divisoria. Hindi pa ako nag-lunch, pero nagmeryenda naman ako bandang past 9, kaya kakayanin pa.

 

Mabilis lang naman kaming nakapamili. Nakabili ako ng Barong Tagalog na worth P650 lang. Pareho rin kina Sir Jess at Sir Joel.

 

Past 2, kumain kami sa food court ng isang mall doon. Kahit paano ay naibsan ang gutom ko bago umuwi.

 

Past 5 na ako nakarating sa bahay kahit sumabay na ako kay Ma’am Wylene. Hindi na ako nagpahinga o natulog. Hinarap ko agad ang paggawa ng zine. Manifesting talaga ang excitement ko sa zine-making. Alam kong may kahihitnan ang mga plano ay bisyon ko. Kapag sumakses ako rito, mas mapapatunayan ko sa karamihan kung gaano kahalaga ang pagbabasa, pagsusulat, at paggawa ng mga babasahin.  

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Sunday, March 23, 2025

BABAE? ABA, EBA. IBA!

BABAE? ABA, EBA. IBA!

 

 

Aba! Siya’y isang magandang babae

Sentinaryo noon, siya’y dise siyete

Makinis, balingkinitan, at maputi

Tangkad niya’y bihira sa binibini

O kay sarap halikan ang mga labi

Taglay niyang karisma’y galing sa ngiti

Siya ay pangarap ng bawat lalaki.

 

 

Ebang maganda’y may pamilyang masaya

`Di man buo’t `di nakasama ang ama

Siya’y maligayang kapiling ang lola

Edukasyon ay suportado ng ina,

Na kumakayod-kalabaw sa Maynila

Kolehiyo’y pinaghuhusayan niya

Upang pangarap ay maabot talaga.

 

 

Maganda kung may inspirasyon, hindi ba?

Kaya naman siya’y mas lalong sumigla

Kay tibok ng dibdib, kay kislap ng mata

Nang isang kaklase, tumabi sa kan’ya

Sining na ginagawa ay nabuhay na

Hiling na iyo’y huwag nang matapos pa

Upang katabi’y palagi n’yang makita.

 

 

Aba! Pangarap na maging isang guro

Ay nag-ibayo nang bumukas ang mundo—

Asignaturang sining sa kolehiyo

Biyaya’t obra maestrang magpupuno

Sa matang malamlam, malungkot na puso

Kinabukasan, siya’y naghihingalo

Bukas pa, makakatabi ang guwapo

Kaya ang pananabik ay itatago.

Siya’y tinamaan ng pana ni Kupido

‘Di siya maharot, kundi marahuyo

‘Di kailangang magbigay ng motibo

Pagkat walang Adan, na `di matutukso

Sa taglay niyang kagandahan at anyo

Talagang mahahalina kahit sino

Lalo’t may layon, pananaw ay positibo.

 

Ibang ngiti, sumilay sa mga labi

Nang hinahangaa’y muling nakatabi

Dulot ay sigla at matamis na ngiti

Kulang na lang ay humiyaw at tumili

Tinging nakatutunaw, lumbay’ napawi

Mga kaklase, sa inggit ay napangiwi

At ang matandang propesora, nagsisi.

 

Bakit niya hinayaang magkatabi

Ang nagsusuyuang babae’t lalaki

“Hoy, Babae, gan’yan ba ang ‘yong ugali?”

‘Di na napigilan, bibig na makati

“Ikaw, Lalaki, lumayo ka sa giri.”

Nagtawanan na lamang ang buong klase

At sumunod na ang tuksuhang matindi.

 

Kaya si Eba’y nag-iba ng upuan

Sining na nililikha ay pinokusan

May markang mataas, `pag pinaghusayan

Nang maipasa, grado’y kay baba naman

Para sa propesora, pipitsugin lang

Matandang dalaga’y tila nalamangan

Animo sa pag-asa ay ninakawan.

 

Dumiskarte ang dalawang umiibig

Sa bahay ng lalaki, doo’y nagniig

Doo’y walang asungot, walang sisingit

Matamis na suyuan, walang maninilip

Likhang sining at pag-ibig: nagkatinig

Simpleng guhit, nagiging kaibig-ibig

Hanggang mga kamay, tuluyang magdikit.

 

 

Aba, ang maginoong Adan, may nobya!

Habang abala, pagdating nito’y bigla

Kailangang magtago, makitang wala

Patuloy sa pagtawag dahil sa duda

Pero nang abang babae’y umalis na

“Huwag kang mag-alala,” sabi sa kan’ya,

Sabay halik sa noo, na parang lola.

 

Maraming panahon sila’y nagkasama

Sa bahay ng maginoo, napag-isa

Pero ang respeto ay natanggap niya

Pagkakataon ay `di sinamantala

Kaniyang hiyas ay binigyang-halaga

Lalaking nakilala, handang magt’yaga

Sapagkat pangarap ay aabutin pa.

 

Si Babae’t si Lalaki’y laging magkasama kung saan

Sa mga biruan, tawanan, at maging sa iyakan

Walang nag-aalinlangan at walang nakahahadlang

Damdamin at isipan ay nasasambit kung ano ang laman

Bawat pintig ng puso ay pinakikinggan, nararamdaman

Hanggang si Babae at si Lalaki ay nagsumpaan

Na sa takdang panahon, silang dalawa ay mag-iibigan.

 

Ibang kasiyahan at karanasan ang hatid ng bawat isa

Kahit kasama ang mga barkada, magkaulayaw sila

Kahit may nagseselos na, tuloy pa rin ang tinginan nila

Mabuti ay mapagtimpi at matiisin ang tunay na nobya  

Unang minahal, pero natatanggap na atensiyon, kulang na

Dahil tunay na mahal ay siya— siyang ibang-ibang Eba.

Babaeng ibang-iba ang prinsipyo, ibang-iba ang karisma.

 

Babae, aba, siya’y nakahandang magpaubaya

Tunay na nagmamay-ari sa lalaking mahal niya

Nais niyang kausapin, at sabihing “Pasensiya na,

Kung napalagay ang loob, nahulog ako sa kaniya.

Kaya ngayon, ako’y iiwas, tatakas, at lalayo pa.”

Subalit, hindi nila sinubukan dahil hindi nila kaya

Isang pagdadalamhati ang mawalay sa isa’t isa.

 

Pagsusuyua’y muling nagpatuloy, lalong tumibay

Sa dalampasigan, sila’y nangarap sa buhay

Sa isang hardin, sila’y magkahawak ng kamay

“Dahong ito ang nais ko kapag ako’y ikinasal.”

Tumingin siya sa lalaking kaniyang minamahal

“Sige, basta tayo’y magtatapos muna ng pag-aaral,”

Tugon ng lalaking maginoo at mapagmahal.

 

Aba, semestral break na! O, kay bilis ng panahon!

Mga puso nila’y waring nanghihingi ng karugtong

Hiling nila’y mabilis sanang matapos ang bakasyon

Ang pagkikitang muli ay kanilang baon-baon

At sa kanilang pagbabalik, muling magkatabi, puhon!

Pangako sa isa’t isa’y hindi hadlang ang panahon

Mananatiling tapat, maghihintay sa tamang pagkakataon.

 

Taong 1999 noon, liham ang mabilis na komunikasyon

Subalit ang dalawa’y nagtiis nang walang ganoon

Sapagkat tiwala, pagmamahal, at pag-asa ay naroon

Naroon sa mga puso nila— nakaukit at nakabaon

Pangako’y tutuparin, na oras ay buong-buo nang itutuon.

Wala nang aaksayahin pang oras at panahon

Si Lalaki’y handang-handa na sa anomang hamon.

 

Nagbukas ang pamantasan, pananabik ay nawakasan

Pagkikita nilang dalawa, sa pasilyo isinakatuparan

Aba si Eba, lalong kapansin-pasin ang kagandahan

Kaya si Adan, nag-aasam na ang dalaga’y mahagkan

Subalit mga mata niya’y may hatid na kalungkutan

Mga labi ng babae’y salitang “Sorry” ang pinakawalan.

Sa pagtataka, mga luha ng lalaki ay nais mag-unahan. 

 

“Bakit ka nagso-sorry?” maang na tanong ng Adan.

Hindi na inalintana ang mga estudyanteng nagdaraan

Pagtangis ng kaniyang mahal, nais niyang maunawaan.

Bulong man ay kay lakas ng ugong nang maulinigan

Kay saklap na katotohanan, kay sakit pakinggan

Ebang itinatangi ay iba na ang napupusuan

Kaya ang pakiusap, iyon na ang huling tagpuan.

 

Aba, si Adan ay sakbibi ng lumbay at lungkot

Sa pagtataka, pagsisisi, at poot, siya’y nabalot

Nagtataka, bakit pagmamahala’y biglang nilagot

Nagsisisi, bakit sa piling niya’y babae’y nabagot

Napopoot sa lalaking nang-agaw at sumulot

Subalit walang nagawa kundi maghanap ng sulok

Doon, dinamdam ang masaklap na dagok.

 

Babae… Eba… Marikit… Kaibig-ibig

Aba! Iba. Ibang-iba ang natamong pag-ibig

Inspirasyon, ligaya, at sakit ang hatid

Subalit ang lalaki…  si Adan, `di nagpadaig

Sa kanilang tagpuan, palaging bumabalik

Umasa, umaasa, at aasang magbabalik

Subalit paghihintay ay nauwi lang sa hibik.

 

Aba, lampas dekada na ang lumipas

Pag-ibig ni Lalaki’y hindi pa rin kumupas

Si Eba, kaniyang pangarap, hinanap-hanap

Komunikasyon noo’y hindi na mahirap

Tulong ng teknolohiya’y ganap na ganap

Kaya ang dating kasintahan ay nahanap

Kanilang pagkikita’y pinag-usapan agad.

 

Aba! Aking mga tagapakinig, kilig na kilig

Pero teka muna… sandali… Makinig

Tuldukan itong pagtula, ang aking ibig

Sa lungkot at saya ako ngayo’y tigib

Sa kuwentong ito, ako ang mangingibig

Si Eba na aking sinisinta, aking inibig

Ayaw kong maalala, kahit kaniyang tinig.

 

Patawad, pero karugtong ay `wag nang hilingin

Wala na rin tayong magagawa kahit pa kiligin

Gayunpaman, pangako ko’y tutuparin

Na puso ko’y kaniya, puso niya’y akin

Hanggang tuluyang lumabo ang aking paningin

Hanggang tuluyang ang hininga ko’y bawiin

“Magkikita pa rin tayo,” pangako niya sa akin.

 

Sige na nga! Kayo’y aking pagbibigyan na.

Akin nang itutuloy ang karugtong nitong tula.

Mga babae, ako sa inyo ay hangang-hanga

‘Pagkat pagmamahal ninyo, ni kapares ay wala

Katulad ng abang Eba, na aking sinisinta—

Siya ay babaeng ekstraordinaryo talaga

Kaya’t puso ko’y nananatiling nasa kaniya.

 

Kami nga’y nagkita, matapos ang dalawang dekada

Biyernes Santo noon, nang kami’y magkita

Mga puso’t katawan namin ay tigib ng ligaya

Subalit wala pa ring nagbabago sa kaniya

May respeto sa sarili at sa kani-kaniya naming asawa

Pita ng laman ay wala sa kaisipan niya

Magkausap lang kami ay sapat na sapat na.

 

Kahanga-hanga talaga siyang Eba!

Kaya nga sobrang minahal at nirespeto ko siya.

Oo, mahal na mahal ko siya dahil siya’y naiiba

Siya ang nagpaiyak sa akin nang sobra—

Iyak na hindi dulot ng sakit at pagdurusa— kundi awa.

Awang-awa ako sa kaniya nang ipagtapat na niya.

 

Dahilan ng pakikipaghiwalay niya’y nakakaiyak talaga.

Tandang-tanda ko pa ang mga binigkas niyang salita—

Punong-puno ng galit at poot, pero sa akin ay naaawa

Sana raw ay mapatawad ko siya at aking maunawa

“Oo,” sabi ko, “Ang mahalaga ngayon ay masaya ka.”

“At sa lalaking mang-aagaw ay nakalaya ka na.”

Tumulo ang kaniyang luha, saka ako’y niyakap niya.

 

“Nilasing at pinagsamantalahan niya ako.”

Hanggang ngayon paulit-ulit pa rin dito sa ulo ko

Ang bulong ng hinagpis niya ay poot sa puso ko

Ngayon, sabihin ninyo… Sabihin ninyo…

Dapat ko na ba siyang iwaksi sa aking puso?

Dapat ko na bang kalimutan ang aming pangako,

Na kahit sa aming pagtanda—siya at ako?

 

Sa lahat ng Eba at Adan na narito, makinig kayo

Ang babae ay mahalagang hiyas, kapara ng ginto

Ang kanilang pagkababae ay biyaya at sagrado

Mga Eba, ingatan ninyo ang inyong imahe at pagkatao

Mga Adan, kanilang pagkababae ay ating irespeto

Huwag sanang umabot sa masalimuot na punto--

Na magdurusa ang babae dahil lamang sa tukso.

 

 

Saturday, March 15, 2025

Panaginip - Joshua

 

Nagulat ako paglabas ko sa hotel room kasi kasunod kong lumabas ang isang pamilyar na lalaki, mula sa katabing kuwarto. Pagkatapos niyang kumambiyo, halos mapaurong siya sa gulat nang makita akong gumagapang pababa sa hagdan. Antok na antok pa ako kaya naisipan kong gumapang upang hindi ako mahulog.

 

Namalayan ko na lang magkasalo na kami sa maagang almusal. Nasa gilid kami ng kalsada, at nasa gilid ng abandonadong bahay. Naalala ko, nag-inuman pala kami kagabi. Hindi ko lang matandaan kung sino-sino pa ang kasama namin.

 

Pakiramdam ko, matagal na kaming magkaibigan, batay sa aming kuwentuhan. Pinag-usapan namin ang pelikula, na pinagbibidahan naming dalawa.

 

Hindi ko pa nauubos ang sopas na nasa styro cup, may sasakyang dumaan. Mabagal lang ang takbo niyon, kaya naririnig ko ang usapan nila.

"Nandito siya!" tili ng isang babae, nang makalayo nang kaunti.

 

"Huh? Paano mo nasabi?" tanong naman ng isa pang babae.

 

"Ayan, o! May tarpaulin siya."

 

Naalala ko, may pa-welcome tarpaulin nga pala sa harap ng gate.

 

Ang sumunod na nangyari, naghanap kami ng matataguan dahil ayaw ng kaibigan ko na kuyugin siya ng fans. Sa aming paghahanap ng matataguan, noon ko lang napansin na nasa dystopian village pala ako. Kaya pala ang dilim sa hotel. Kaya pala andaming sinaunang bahay na sira-sira.

 

Nakahanap kami ng isang bukas na bahay. Nagtago kami roon. At dahil may mga butas ang bubong at dingding ng bahay na iyon, at may mga pumasok na liwanag, na hindi ko mawari kung saan nanggaling, naaninag ko ang mukha ni Joshua Garcia. Gusto kong itanong kung bakit nandoon siya, pero hindi ko na nagawa dahil kumatok na ang mga babae.

 

At nang makapasok ang isang babae, nagising na ako.

Friday, March 14, 2025

Mga P're (Tula para sa mga Lalaki)

Ang buwan ng Marso ay buwan ng kababaihan

Pero hindi para sa inyo ang tulang bibitawan

Makinig kayo, mga kapwa kong kalalakihan.

 

 

Sabi ni Miley Cyrus, “I can buy myself flowers.”

“Write my name in the sand. Talk to myself for hours”

Hindi niya kailangan ang lalaki, sa madaling salita

Hindi niya tayo kailangan upang siya’y lumigaya

Maaaring katulad siya riyan ng ibang babae

Na mas masaya kapag kapiling ang sarili

Maaaring dahil sa kaniyang pinagdaan

Kaya niya mas pinipili ang ganitong kalagayan

Subalit may magagawa tayo upang ito’y maiwasan

Mga babae ay mas maririkit at mas masisigla

Katulad ng mga bulaklak na sa alaga ay sagana

Iba ang kanilang halimuyak, tingkad, at ganda.

Ang bulaklak na alaga ng hardinero ay pambihira

Kung ikukumpara sa kulang sa dilig at alaga.

 

 

Kapuwa-lalaki ko, ang mga babae ay Gumamela

Karaniwan man sila, at kahit saan makikita

Subalit sila’y matitingkad at magaganda

Marami silang kakayahan at nagagawa

Pero huwag naman natin silang paglaruan

Gaya noong ating mga kabataan

Huwag nating pigain ang katas hanggang labasan

At nang bula ay maging ating kasiyahan

Upang maging bubbles, huwag hihipan nang hihipan

Maaaring liparin sa kalawakan, pumutok sa kawalan

At nang maging luha ng kanilang kalungkutan.

 

 

Common na ang pangalang Rose sa mga kababaihan

Pero ang kagandahan ng mga Rosas, `di mapapantayan

Matinik man, pero ang samyong taglay ay misteryosa

Gaya ng isang historikal na babaeng si Cleopatra

Maaari silang maging kaibigan, maaari ding kaaway

Nag-iiba ang kahulugan, depende sa kanilang kulay

Piliin ang dilaw, kung nais niyo silang kaibiganin,

Piliin ang puti, kung nais niyo naman silang suyuin.

Mag-ingat lang tayo sa buhay upang koronang rosas

Ay huwag munang matanggap `pagkat hindi pa natin oras.

 

Normal lang ang makaranas ng problema

Hindi ito matapos-tapos at mawala-wala

Pero ang mga babae, sa stress ay sanay na

Dahil katulad sila ng Bougainvillea

Kapag nai-stress ay gumaganda,

Saka sila namumulaklak

At lalong namumukadkad.

Kapag nalalanta at natutuyot,

Sa isang dilig, uusbong ang mga talutot.

Kaya, mga pare, sila’y huwag nating stress-in

Dahil ang Bougainvillea ay mahirap spelling-in.

 

 

May isa pang babae, este… bulaklak ang mahirap spelling-in

Walang iba kundi Chrysanthemum kung tawagin

Minsan, gugustuhin mo na lang si Rose

O kaya sina Katuray at Kampupot

Pero itong mga mums ay ubod ng ganda

Anomang okasyon, sila’y kahanga-hanga

Paborito ng lahat dahil kaakit-akit talaga

Hindi lang pang-display, nakakain pa.

Kulay nila’y sadyang kahali-halina

Kaya’t mga bubuyog ay nagpapantasya

Mga paruparo’y aali-aligid sa kanila.

 

 

Guys, mag-ingat sa mga Dama de Noche

Hindi naman sa sila ay ating isasantabi

Pambihira ang kanilang samyo sa gabi

Pamumukadkad nila ay parang pelikulang mystery

May itinatagong lihim, may hiwagang nakakubli

Igalang natin ang kanilang pagkababae

Dahil ang kanilang bulaklak ay ibang klase

Ayon sa alamat, si Dama ay pambihirang babae

Nakadarama ng damdamin ng ibang kauri

Nalulungkot siya kapag ang paligid ay gloomy.

Masaya naman siya kapag ang lahat ay happy.

 

 

 

Kung binata pa ako, pipiliin ko ang Dandelion

Mula bulaklak hanggang ugat ay walang tapon

Kapaki-pakinabang din ang kaniyang dahon

Ito ay matibay sa anomang uri ng panahon

Ito ay araw, buwan, at mga tala sa kalawakan

Malayo ang nararating kapag hinihipan

Kaya, mga pare ko, mga babae’y ating alagaan

Nang hindi sila lumayo at hindi magtampo

Mga babaeng Dandelion ay bulaklak, hindi damo.

Tingalain natin sila at ipagmalaki sa mundo

Sila ay araw na nagbibigay ng tanglaw

Sila ay buwan na gumagabay tuwing tayo’y naliligaw

Sila ay mga talang kumikislap kahit sa madilim na buhay.

Kaya piliin natin ang mga Dandelion, na hindi lang pambahay

Sa lahat ng aspeto ng buhay, sila’y maihahanay.

 

 

Ang mga babae ay katulad ng Saffron

Ito ang pinakamahal na rekado, mga `tol.

Tanyag sa buong mundo ang kanilang halaga

At sa tawag na red gold, ito ay nakilala

Sa bulaklak ng Crocus Sativus, nagmula ang mga hibla

Pampasarap at pampabango sa mga lutuin

Libo-libong bulaklak ang kakailanganin

Upang makabuo ng timbang na isang libra

Bawat hibla ay mahalaga sa kusina

Katulad ng bawat bahagi ng mga babae,

Bawat hibla nila ay talagang kapuri-puri

Pahalagahan natin ang kanilang katawan

Magbago man ang kanilang kaanyuan,

Palagi sana nating tatandaan---

Minsan sila’y naging primera klaseng nilalang

Kaya huwag natin silang lalayuan o kukutyain

Kung sala-salabid na ang kanilang varicose veins

Kung sa unli rice sila ay nahuhumaling

Kaya ang kanilang baby fats ay dumaraing

Huwag natin silang ikahiya… pakiusap

Bawat babae ay Saffron ang katulad

May pambihirang aroma at flavor na tinataglay

Sapat upang ang respeto, sa kanila ay ialay.

 

 

Madalas mapagkamalang Saffron ang Kasubha

Subalit malaki ang kanilang pagkakaiba

Kasubha’y nagbibigay-kulay sa lugaw na maputla

At sa paella ay nagbibigay ng kakaibang lasa.

Gayunpaman, ang mga babae ay magkakatulad

Pagtanggap at pagmamahal lamang ang hangad

Huwag natin silang gagamitin upang bumango

Sa tingin at pang-amoy ng mga nakapaligid na tao

Gamitin natin sila upang ang buhay natin ay magbago

Malasap natin ang tunay na kasiyahan sa mundo.

 

 

Mapagbalat-kayo ang mga Poinsettia

Kaya mag-ingat at huwag basta maniwala

Makukulay nilang panlabas ay hindi bulaklak

Kundi dahon, oo, dahong namumukadkad

Huwag agad mahumaling sa kanilang beauty

Baka kantahan ka ng “This guy is in love with you, Pare.”

Tuwing Pasko lamang natin sila naa-appreciate

Pero pahalagahan natin sila, gaya ng babaeng legit.

 

 

Sa kabila ng pagkakatulad, mga bulaklak ay magkakaiba

Sa gamit, sa kulay, sa laki, sa amoy, at sa lasa.

May isang uri ng bulaklak na kahanga-hanga at pambihira

Nakatitiyak akong kilala nating lahat ang Rafflesia

Pinakamalaking uri ng bulaklak, pero amoy ay kakaiba

Amoy-patay na daga man, pero panalo sa taglay na kagandahan

Kilala sa santinakpan, sa buong mundo’y hinahangaan

Endangered na rin sila, kaya dapat natin silang alagaan

Bago pa maubos, atin silang protektahan at paramihin

Kagandahan ng binhi o lahi, sa paligid ay ikalat natin.

 

 

May amoy rin ang mga Marigold, pero mahina lang

Bawing-bawi naman sa ningning at kariktan

Ginto kung ituring sa ibang bansa sa mundo

Isa sa mga paboritong alagaan ng mga hardinero

Ang mga Marigold ay mga babaeng anakin

Buto ay mabaon lang ay magiging supling

Sa Mexico, Marigold ay may natatanging simbolo

“Flowers of the dead” ang tawag nila rito.

Sa India, Marigold ay ginagamit sa mga pagdiriwang

Gaya ng Diwali o festival of lights, maging sa kasalan.

"Mary's Gold" ang iba pa nitong katawagan

Koneksyon kay Birheng Maria ang pinag-ugatan

Kaya, mga p’re, manatili tayong may kabanalan

Mga Marigold ay ating ingatan at protektahan

Kanilang pagkababae, huwag malapastangan

Kanilang kadalisayan, lubos nating igalang.

 

 

 

Guys, bulaklak nating maituturing ang mga babae,

Anoman ang kulay at samyo, sila'y natatangi.

Kawangis nila ay Sampaguitang mahalimuyak

Kagandahan nila’y wagas, puso nila'y busilak

Sana huwag nating silang gawing palamuti

O pampabango lang sa mga kotse at dyipni

Mga babae ay hindi lang pansabit kay Santo Niño

O dekorasyon sa karosa tuwing Flores de Mayo

Lalong hindi garland na inaalay sa turistang dayuhan

Sa altar dapat sila ay inihaharap

Mga babae ay sampaguita-- tapat, dalisay, at payak.

 

 

Ang mga babae ay hindi lang basta-bastang Mirasol

Na tuwing tag-araw lang namumulaklak at sumisibol

Hindi rin bulaklak lang na kung tawagi’y Morning Glory

Na tuwing umaga lang blooming, losyang na sa gabi

May mga babae na maaaring maiwangis sa cactus

Minsan lang bumuka, pero ganda’y hindi pumapaltos

Mga kaibigan ko, ang bawat babae ay may halaga

Bawat isa sa kanila ay may taglay na samyo at ganda

Huwag natin silang ipagsawalang-bahala

Gawin nating hardin ang lipunan para sa kanila

Kung saan sila’y magiging malusog, masigla, at malaya

May karapatan kahit ang mga bulaklak ng kalabasa

Na sumibol, lumago, at maging ganap na bunga

Ibigay natin sa kanila ang nararapat na pangangalaga

Iparamdam natin sa kanila ang pinakamataas na paggalang

Iparanas natin sa kanila ang pinakamasarap na kaligayahan

Mga p’re, sabay-sabay nating ipagsigawan:

Ipagdiwang natin ang Buwan ng Kababaihan!

Ipagsigawan natin ang kanilang kahalagahan!

 

 

 

 

Saturday, March 1, 2025

Ang Aking Journal -- Pebrero 2025

 Pebrero 1, 2025

Past 8 na ako nagising. Wala na namang internet. Mabuti na lang nagkaroon din bandang 9:30, kasi kung hindi ay mahihirapan ako sa pag-layout ng school paper. Kinailangan kong mag-chat kay Ma’am Mel para sa aking mga katanungan tungkol sa kaniya. Ipi-feature ko siya sa isang pahina ng pahayagan.


Maghapon akong nag-layout. Sinikap kong matapos na. Hindi na nga ako umalis para dito. Dapat dadalo ako sa Pasinaya sa CCP complex, pero nagdesisyon akong huwag na lang para matapos na school paper namin dahil sa Tuesday na ang deadline nito.


Hindi na nga rin ako nakaidlip. Bukod sa mainit, excited rin ako sa magiging output nito.


Past 10 pm, almost done na. Picture na lang ng faculty ang kailangan ko. Sabi ni Ma’am Mel, nanghingi na raw siya ng soft copy kay Kuya Jun, na aming opisyal na maniniyot.




Pebrero 2, 2025

Wala akong maayos at mahimbing na tulog. Sobrang init kasi. Bukod rito, maingay pa ang mga naglalampong na pusa—kasama na siguro si Herming. Mabuti na lang past 8 na ako nagising. Late na naman ang almusal ko. Nagdilig muna kasi ako ng mga halaman habang nagpapakulo ng tubig.


Hindi agad ako nakapaglaba. Hinayaan ko munang tapusin ni Zillion ang labahan niya. Sinimulan niya iyon kahapon. Mga past 11:20 na ako nakapag-start. Isang oras lang ang nakalipas, tapos na ako. Naisingit ko ang panonood ng ‘Tanong ng Bayan.’ Debate iyon ng mga senatorial candidates. 


Bago mag 2 pm, nakapagpasa ako ng kuwentong pambata sa Smart Kids Books. Sana mapili ako. 




Pebrero 3, 2025

Maaga akong nakarating sa school. Sinadya kong agahan ang pagbiyahe kasi may flag ceremony, kasama ang ilang mga pulis. Nakapag-almusal pa ako bago nagsimula.


Nag-play lang ako ng video ng storybook with voiceover para masagutan ng mga estudyante ang mga tanong tungkol sa kuwento. Halos gumawa naman ang karamihan. Nakaraos ang Lunes ko sa pagsasaway. 


Ang Love talaga ang nakaka-stress lalo na kapag malapit na ang uwian. Busy pa naman ako sa school paper—kausap ko si Ma’am Mel. Sigawan sila nang sigawan. Habulan nang habulan habang may naglilinis. Pinalakpakan ko na lang sila. Ang sakit lang sa puso kapag manggalaiti pa ako, gaya noong Friday.


After class, agad akong nag-lunch sa karinderya. Then nakipagkuwentuhan ako saglit kina Papang at Ms. Krizzy bago ako umakyat kay Ma’am Mel para mag-print ng school paper. Natagalan pa kami kasi nag-edit pa kami. Nag-diarrhea pa ako.


Three-thirty, lumabas na ako sa school. Action agad ako pagdating ko sa bahay. Nag-edit ako ng school paper. Gumawa ako ng cliparts ng Gotameciang lalaki at babae para sa diyaryo namin. Nag-record ng mga scores ng mga estudyante. Nag-workout nang kaunti.




Enero 4, 2025

Nag-storytelling ako sa bawat klase. Pagkatapos, pinasulat ko sila ng salaysay tungkol sa kuwento. Hindi ako masyadong nahirapan ngayon. Nasa mood akong makipagkulitan. Pabalik-balik din ako sa room ni Ma’am Mel para sa editing ng school paper namin. 


After class, tuloy ang editing. Dumating ang mga girl journalists para sa aming meryenda. Mayroon kaming pizza at pansit, saka softdrinks. Pina-edit namin sa kanila ang hard copies. Kahit paano ay may mga nakita silang dapat baguhin.



Four, umuwi na ako. After 1 and half hour, nasa bahay na ako. Wala nang pahinga. Diretso na ako sa pagharap sa laptop. Gumawa ako ng clipart para sa sports editorial. 




Enero 5, 2024

Nakakatamad bumangon. Ang sarap matulog, pero hindi puwedeng umabsent. Unang araw ng periodic test ngayon. Pumasok pa rin ako nang maaga.


Naging maayos naman ang periodic testing. Maiingay pa rin ang Love habang nagti-test, kaya apektado ang pag-eedit ko ng school paper. Hindi ko natapos bago nag-uwian.


Past 12:30, nagkaroon ng retirement party para kay Mang Bernie, ang aming admin aide. Past 1 na natapos. Late na ang lunch namin. Late na rin ako nakaakyat kay Ma’am Mel para sa printing ng school paper.


Past 4 naman ako nakauwi. Hinintay ko pa si Ma’am Mel. Pinakita niya ang draft ng school paper sa principal namin. As usual, marami siyang komento at nais ipabago kasi pinangangalandakan niyang journalist siya dati. Not manifesting. Kung journalist siya dati, dapat supportive siya sa amin. Ni ‘Hi,’ ni “Hoy” nga wala, e.


Bago ako umuwi, napadalhan ko na ng allowance si Hanna via GCash. 


Mga alas-sais, nasa bahay na ako. Habang nagkakape, nag-record ako ng test scores. Then, nag-workout ako, at nag-work tungkol sa aming Sinag publication sa social media. 




Enero 6, 2025

Second day of the quarterly test. Tahimik sila ngayon. Nakaidlip nga ako. Matagal nga lang silang nabakante dahil sa kahihintay sa test papers. Ang sumatotal, dalawang subjects lang ang na-test nila. May dalawa pang hindi na-test—TLE at Math. Nakipagkulitan na lang ako sa kanila. Tungkol sa mga crushes ang gusto nilang topic. Nagkabunyagan ng mga crushes at mga jowa. Grabe. Nakakagulat ang mga natuklasan ko. Gayunpaman, sigurado akong naging masaya sila sa mga sandalling iyon. Hindi muna ako nagsermon at nagalit sa kanila.


After lunch, pumunta kaming Grade 6 teachers, maliban kay Ma’am Amy, sa burol ng asawa ng SPTA president namin, na nanay rin ng estudyante ko. Mabilis lang kami roon. Mga past 2, umalis na kami. Past 3:30 nasa bahay na ako. Hindi ako umidilp, bukod kasi sa sinundan, hinarot, at tinabihan ako ni Herming, nag-record ako ng test scores at nanaood ng docu ni Kara David. 


Habang nanonood ng balita, sinimulan ko nang lagyan ng detalye ang SF 10 original. Nadiskubre ko na may tatlong wala pang SF10. Grabe! Napakapabaya ng dating adviser. 




Pebrero 7, 2025

Sobrang bigat ng katawan at kalooban kong bumangon. Nakakatamad pumasok. Pero hindi ko hinayaan ang sarili ko, na lamunin ng katamaran. Pumasok pa rin ako.


Naglipatan ng klase. Hindi ako handa, pero nagawa kong mapasulat ang bawat klase. Kaya lang, ang tagal ng oras habang naghihintay akong matapos ang period. 


Nainis ako sa Love. Grabe na naman ang pasaway nila. Hindi ko sila nabantayan habang naglilinis kasi inaasikaso namin ni Ma’am Mel ang diyaryo at habang nagpi-pictorial kaming Sinag Team. 


Mga past 1, umuwi na ako. Si Ma’am Mel naman ang bahala sa pag-send ng entry. Past 3, nasa bahay na ako. Agad akong gumawa ng poster para sa Sinag. Nag-edit din ako ng mga pictures ng mga campus journalists para sa susunod kong pag-post.


Sinikap naming makapag-submit ng entry. Gabi na nang magawa ni Ma’am Mel iyon. Sana makapasok kami sa Top 10. 




Enero 8, 2025

Past 9, umalis ako sa bahay para dumalo sa birthday treat ni Ate Bel. Wala pang 11 am, nasa La Fiesta na ako sa Seaside MOA. Ako pa lang yata ang naroon. Mga 11:30 na dumating sina Ms. Krizzy, nanay niya, at Kuya Allan, gayundin sina Ma’am Milo at Sir Joel K. Sabay-sabay na kaming pumasok. Wala pa si Ate Bel, pero kumain na kami. Nang dumating siya, ipinakilala niya ako sa ilan niyang kapatid at kamag-anak. Proud niyang sinabi na writer ako. 


Hindi na ako nagulat na dumating sina Ma’am Laarni at Ma’am Marcelo. Invited din sila ni Ate Bel. Hindi tuloy kami makapagkuwentuhan nang maigi. Pigil na pigil kami, pati sa pagkain. Gayunpaman, busog na busog ako. Mga 3 pm na yata kami lumabas doon. 


Bago ako umuwi, dumaan muna ako sa Puregold Tanza para bumili ng electric fan. Natakot na akong gamitin ang dating electric fan ko. Bukod sa mahina na, umiinit na ang makina. Worth it na rin naman ang serbisyo niyon. Siguro, mga 3 years old pa lang niyon si Ion nang bilhin ko iyon. Ten years din ang naging serbisyo. 


Pagdating ko sa bahay, nag-record ako ng mga scores sa written works ng mga estudyante ko. Nag-workout na rin ako. 


Hindi na ako kumain ng kanin. Uminom na lang ako ng FVP guyabano at apat na Silvanas, na bigay ni Ate Bel.




Enero 9, 2025

Napasarap ako sa tulog kaya late na ako nag-almusal at naglaba. Gayunpaman, mabilis akong natapos. Nagbasa ako ng mga sulatin ng mga estudyante ko. May mga napili ako para pagpilian pa. At nag-post ako ng isang akda sa Babasahin FB group ko.


Hapon, umidlip ako. Ang sarap matulog kasi malamig. Maingay lang ang rock drilling equipment sa likuran namin— ang dini-develop na subdivision. 


Ngayong araw, nakapaghanda ako ng apat na PPTs sa Filipino. Nasimulan ko rin ang PPT para sa NAT review sa Friday. Nakapag-encode at nakapag-post ako ng dalawang akda ng bata. Nakapanood rin ako ng series sa YT.




Enero 10, 2025

Nag-decide akong um-absent ngayon kasi wala akong tulog. Grabe, para akong inaasuwang. 


Nag-chat ako sa aming GC bandang 5:30 na absent ako, saka ako natulog uli. Past 8:30 na ako nagising at past 9 na ako bumaba para mag-almusal. May 4 hours din akong tulog, kahit paano.


Pagkatapos mag-almusal, nagsulat ako ng nobela para sa Inkitt. Ayaw kong sayangin ang pag-absent ko. Kailangang makabuo ako ngayon ng isa o mahigit pang akda. 


Past 12, nakapag-post na ako ng isang chapter ng nobela. Naisingit ko rin ang ilang workout routine sa pagitan ng pagsusulat ko. Siyempre, pinagbigyan ko ang sarili ko. Puyat ako kagabi kaya natulog ako hanggang 4 pm. Kahit paano ay nakabawi ako. Paggising ko, nag-encode ako ng akda ng estudyante ko, at pinost ko sa Babasahin. Sunod, nagsulat ako ng tula para sa Women’s Month.




Enero 11, 2025

Nakatulog naman ako kahit paano kaya masigla akong pumasok. Maaga pa nga nang dumating ako sa school. Nakapag-almusal pa ako bago nagsimulang magklase. 


Nagturo ako nang masigla sa lahat ng klase. Hindi naman sila naging pasaway. Gusto-gusto talaga nila ang writing activity, lalo na’t naunawaan nila ang aralin at ang gagawin. Habang nagsusulat nga sila, nakakapag-brainstorm kami ni Ma’am Mel tungkol sa Sinag. Nakapag-post nga rin kami sa Issuu at Heyzine Flipbooks ng aming school paper. Nakagawa pa siya ng QR codes. Napagplanuhan din namin ang mga susunod naming mga hakbang tungo sa effective campus journalism. 


Pagkatapos ng klase, nag-lunch lang ako, kasabay sina Papang, Ate Bel, at Ms. Krizzy. Then, nakisabay na ako kay Ma’am Wylene. Nakisabay rin si Ma’am Vi. Past 2, nasa bahay na ako. Agad akong umidlip. Mahigit dalawang oras din akong nakahiga. At nakatulog ako kahit paano. 


Pagbangon ko, nagmeryenda lang ako, saka nag-record na ako ng mga gawa ng mga estudyante ko. Pagkatapos, nag-encode ako ng napiling akda, gumawa ng mga bagay-bagay tungkol sa Sinag, at nag-workout. Siyempre, hindi ko pinalampas ang panonood ng balita at mga teleseryeng sinusubaybayan ko. 




Enero 12, 2025

Katulad kahapon, maaga akong nakarating sa school, kahit dumaan pa ako sa 7Eleven para i-withdraw sana ang working money from Triumphant Publishing. Not available pa pala.


Nagturo ako nang masaya sa halos lahat ng section. Nagsermon lang ako saglit sa Love. Ni-real talk ko ang mga tamad, gayundin sa Charity. Sa Hope naman, ni-reverse psychology ko. Effective naman kasi gumawa ang karamihan.


Na-withdraw ko na ang working money. May balance pa ang pub house na P5,000. 


Past 2, nasa bahay na ako. Iidlip sana ako pero hindi ko na nagawa kasi kinailangan kong i-post ang QR code ng school paper namin. Requirement iyon ng SDO para mapili kami. Nagtuloy-tuloy na ang paggawa ko. Nag-record ng scores habang nagbabasa ng sulatin ng mga bata. Gumawa rin ako ng mga ads ng Sinag. Nag-GC ako sa mga journalists. At nag-workout.  




Enero 13, 2025

Naging maayos naman ang mga klase ko kanina. Hindi ako na-highblood. Naturuan ko sila nang maayos. Tahimik din silang gumawa. May pailan-ilang akong na-real talk kasi ayaw na namang gumawa. Pinakitaan ko ng grade computation. Nagpakita rin ako ng mga katibayan na may pera sa pagsusulat, at wala sa pagdadaldal.


Pagkatapos ng klase, agad akong kumain sa karinderya at umuwi agada ko. Wala pang 2:30, nasa bahay na ako. Past 3, natulog ako. Kahit paano ay nakabawi ako sa kakulangan ko sa tulog. 


Past 5, nagrerekord ako ng mga activities ng mga estudyante ko. Pagkatapos, naglaan ako ng oras para mag-workout. Kahit paano, na-flex ang mga kalamnan ko.




Enero 14, 2025

Gusto ko sanang maging masaya habang nagtuturo, pero nainis na naman ako sa Love. Kung kailan Valentine’s Day, saka pa sila nagpakaloko at nagpakabobo. Announced naman ang graded recitation/performance task ko, pero parang ayaw nilang mag-perform. Kailangan ko pang mamilit. Andaming boring moments. Sayang ang oras. Kaya naman, pinagalitan ko sila. Sinabi kong huwag silang magpapakita o magpaparinig na nagsasalita. Tumahimik naman sila hanggang sa lumipat ako ng klase.


Kahit ang ibang section, ganoon din ang nangyari. Takot na takot silang magsalita at mag-perform, samantalang ang dadaldal nila. Ang hihina naman ng boses ng mga nag-recite, samantalang ang lalakas ng boses kapag dumadaldal. Walanghiya talaga! Baligtarin sana nila. 


Bago pa nag-uwian, minura ko ang buong Love bilang statement sa mga pang-aabuso nila sa akin. Sumobra na sa kawalanghiyaan. Hindi ko na talaga kinaya.


After class, nag-bonding kaming Grade 6 teachers sa pizza at donut na ibinigay ng mga estudyante namin. Iyon na ang lunch namin. Pagkatapos, nag-stay kami sa Guidance’s Office, at nagkuwentuhan, hanggang 5pm. 


Mga 6 pm, nag-start na ang GSP overnight camp. Nag-assist lang ako. 


Nagkaroon ng masayang hapunan pagkatapos ng maikling programa ang mga girl scouts. Naihatid na rin sila sa kani-kanilang rooms. 


Mga past 9 pm, nag-start naman ang bonfire. Bago iyon, tumulong ako sa paghahanda ng venue. Nagwalis ako sa sahig na uupuan ng mga girl scouts.


Then, ang mga sumunod na pangyayari, nakipag-inuman ako sa Grade 4 teachers, maliban kay Sir Joel. Hindi siya uminom. Para akong kabilang uli sa kanilang garde level. Ang sarap ng kuwentuhan at tawanan namin doon hanggang abutan kami ng 1 am. Dumating pa nga si Sir Archie.


Pagkatapos niyon, nag-inuman pa silang dalawa, kasama si Kuya Bohol, na isa sa mga school janitor. Hindi na ako sumali. Nahiga na ako. Nahirapan lang akong matulog. Siguro mga 4 am, nang matapos na silang uminom, saka ako nakatulog. Past 6 am naman ako nagising.





Enero 15, 2025

Naabutan kong nag-aalmusal na ang ilan sa mga kasamahan ko, naki-join na ako. At para makatulong, naligo na ako pagkatapos mag-almusal. 


Nahuli naman sa pag-almusal si Ma’am Mel kaya sinaluhan ko siyang mag-almusal. Nagkape naman ako habang kinikuwentuhan kami ni Ma’am Amy. Bago kami natapos, nahikayat niya kaming mag-tripping sa Batangas para makita naman ang mga binibenta niyang farm lot. Matagal na akong interesado sa mga inaalok niya, kaya iyon na siguro ang senyales ng Diyos sa akin. Pumayag akong mag-tripping sa Sunday—next week pa. 


Sunod, nag-bonding nga kami nina Sir Hermie, Sir Joel, at Sir Archie. May inayos kaming tarpaulin sa may gate. Nag-ambagan kami para makabili ng brandy. Then, natagpuan namin ang mga sarili namin sa room ni Sir Archie na nagba-bonding uli. Inabutan kami roon ng almost 1 pm. Iniwan namin ni Sir Archie ang dalawa kasi kinailangan naming pumunta sa Tramway. 


Mga 1 pm, nasa Tramway na kaming Tupa Group. Late birthday treat iyon ni Ate Bel at Papang. Masaya kaming nagkainan, nagkuwentuhan, at nagtawanan habang sa inabutan kami ng mga 3 pm. Busog na busog akong umuwi.


Past 5, nasa bahay na ako. Hindi agad ako inantok. Noong nasa bus ako, grabe ang antok ko. Ilang beses nga akong nakatulog at nagising. Mga past 6 na ako inantok. Pinagbigyan ko naman hanggang sa tuluyan na akong tinamid kumain ng hapunan. Nagtuloy-tuloy na ang tulog ko.





Enero 16, 2025

Past 6 nang magising ako. Hindi na ako nakatulog uli, kaya bandang 7 am, bumangon na ako para mag-almusal at maglaba. Mga 8:30, nakapagsampay na ako. Agad akong humarap sa laptop para maghanda ng mga lesson para bukas at mga susunod na araw.


After lunch, pinagbigyan ko ang mga mata ko. Kahit sobrang init, sinikap kong makatulog. Siguro, isang oras din akong nakatulog. Paggising ko, saka ko tinapos ang paghahanda ng PPTs sa Filipino at ESP. 


Hapon, bago nagkape, nagdilig ako ng mga halaman. At pagkatapos magkape, nagtanggal ako ng sukal sa garden. Kahit paano ay umaliwalas ang pader na ginagapangan ng mga Pothos at Syngonium.  


Gabi, kinausap ako ni Emily. Nakakatawa ang tanong niya sa akin. May jowa raw ba ako? This time, nakakatawa na lang. Kapag tumatanda ka na Talaga, matatawa ka na lang.





Enero 17, 2025

Tinatamad na naman akong pumasok, pero hindi ko pinagbigyan ang sarili ko. Ayaw ko na munang um-absent, since malapit na rin naman ang graduation. Kaunting tiyaga na lang.


Sinikap ko ring magturo nang masigla at masaya. Nagpalaro pa ako at namigay ng stars. Nagtagumpay naman ako. Sadyang madadaldal at maiksi ang atensiyon ng mga estudyante, pero pinagtiyagaan ko. Maya-maya lang ang saway ko. Mabuti na lang, mabilis ang oras.


Nakipagkulitan naman ako bago nag-dismiss ng klase at habang nagpapalinis ng classroom. Gustong-gusto nila iyon, kaya lang panay ang lapit nila sa teacher’s table. Sumusobra din ang kulit nila.


Agad akong kumain pagkahatid ko sa mga estudyante ko, at agad rin akong bumiyahe pauwi. 


Bago mag-three o’ clock, nasa bahay na ako. Sinikap kong matulog kahit mainit. Nakatulog naman ako kahit paano. Past 4:30, gising na ako. 


Habang nag-iinit ng tubig na pangkape, nagdilig ako ng mga halaman. Pagkatapos magmeryenda, nagrekord ako ng mga scores. Then, nag-work ako.


Past 7, nagluto ako ng ulam namin ni Ion. Wala si Emily, kaya ako na muna.




Enero 18, 2025

Ngayong araw, hindi mabuti ang pakiramdam ko. Wala ako sa mood magsaway. Ayaw ko sanang ma-stress, pero hindi naman nangyari. Kailangang magsaway at magalit. Mabuti na lang, nakikinig naman ang mga estudyante. Nagawa kong pakilusin sila pagkatapos kong magturo. 


Pasaway at madadaldal talaga ang Love. Kahit sa clinic, maiingay sila. Haist! Nakakasawa nang magalit. 


After class, dumalo ako sa LAC session na tungkol sa implementation ng PMES. Grabe! Kahit 4th Quarter na, ipinatupad pa rin nila. Inabot din kami ng almost 3 pm bago natapos. Mabuti, isinabay na ako ni Ma’am Wylene sa car niya. Kasama rin sina Ma’am Vi at Ma’am Venus. Four-thirty, nasa bahay na ako. Hindi na ako nakatulog. Pagkatapos kong magkape, nagsimula na akong mag-record ng mga scores ng mga estudyante. Sunod, nag-edit ako ng article ng campus journalist, nag-post niyon sa Sinag. Nagsulat din ako ng fact sheet para maisulat pa nila. 


Bago ako nagluto, nag-leg workout muna ako.





Pebrero 19, 2025

Ang hirap bumangon nang 3:30 am, pero kailangang gawin. Mabuti na lang, hindi na masyadong malamig ang tubig. 


Habang palapit nang palapit ang pagtatapos ng school year, patagal nang patagal naman ang pag-ikot ng oras. Kinaiinipan ko na ang bawat minuto, lalo na kung may nagpapasaway sa klase. Gayunpaman, kailangan ko pang magtiis, magtiyaga, at maging mahinahon. Hindi ko man kayang hindi magalit, pero nagagawa ko pa ring magpatawa sa klase para hindi sila ma-boring. 


Past 2:30, nasa bahay na ako. Hindi na ako nakaidlip. Pagkatapos kong mahiga at mag-cell phone, bumangon ako para magdilig at magkape. Pagkatapos magmeryenda, nag-record ako ng mga written works, nagbasa ng mga akda, at nag-post ng napiling output. Isinunod ko na ang pag-workout. 


Wala pa rin si Emily, kaya si Ion na ang naghugas, nagsaing, at nagpa-deliver ng ulam. 




Enero 20, 2025

Excited akong magturo sa bawat klase. Handang-handa ang PPT ko. Gusto ko rin ang aralin na aking ituturo. Kaya nga naging maayos ang teaching-learning process. Kahit nagpakapipi ako sa Peace, natuto naman sila at nakagawa ng seatwork. Nagpasaway sila kahapon kaya nangako akong hindi ako magsasalita ngayon. Gusto nilang magsalita na ako, pero hindi ko ginawa. Effective pa rin naman. Mas nakikinig nga sila. May mga lalaki nga lang talagang pasaway, madaldal, at kulang sa pansin. 


Pinatawag ko naman ang guardian ng isa kong absenerong estudyante. Dumating naman agad. Sakto nga sa vacant period ko. Marami akong nalaman at natutuhan mula sa mga kuwento at paliwanag niya. Mas mabuti talaga ang nakikipag-usap sa kanila. Nauunawaan ko na ang dahilan ng behavior ng apo niya. 


Pagkatapos ng klase, kumain agad ako sa classroom ni Ms. Krizzy. Wala siya roon. Marahil absent siya. Umalis din agada ko pagkakain. Past 2, nasa bahay na ako. 


Past 4:30, pagkatapos kong umidlip, bumangon na ako para magkape. Thank God kasi nakabawi ako ng puyat. Recharged.


Nag-record ako ng mga outputs, saka naghanda ng PPTs para sa Filipino at ESP, bago ako nag-workout. Then, panonood na ng balita at mga teleserye ang mga sumunod na pangyayari. Wala pa rin ang maybahay ko, kaya tahimik ang mundo namin ni Zillion.


May certificate palang inuwi si Zillion. With honors siya ngayong 3rd quarter. So proud of him kaya nag-post ako sa My Day ng picture ng cert. First time. Sana magtuloy-tuloy na.





Enero 21, 2025

Thank God, it’s Friday. Masigla akong pumasok. Masigla rin akong nagturo. Pero pagdating sa Faith, na siyang last period ko, napagod ako. Hindi ko kinaya ang kadaldalan ng mga lalaki, kaya huminto ako sa pagtuturo. Saka pinagawa ko na ang Pagtataya. Hayun, nasundan naman nila. Madali lang naman ang aralin—Pang-abay na Ingklitik. Nakasulat naman ang karamihan. 


Nag-stay muna ako sa PITX hanggang 3 pm. Umidlip ako sa waiting area. Gusto ko sanang magkape kasi naamoy ko ang aroma, na nanggagaling sa coffee shop, kaya lang nanghinayang ako sa pera. Kailangan kong magtipid ngayon dahil may plano akong bumili ng lote. 


Pagdating ko nga sa bahay, mga past 4, nabasa ko ang message ni Zildjian. Nanghihingi siya ng P800 para sa JS Prom nila. Gaya last year, sinuportahan ko siya.


Nagdilig muna ako ng mga halaman bago nagmeryenda, nag-workout, at nag-record ng mga outputs. Nag-encode din ako ng isang akdang napili ko. Na-ipost ko iyon sa Babasahin, bago magsimula ang BQ.


Wala pa rin ang maybahay ko. Tahimik pa rin kami ni Ion. Ako ang nagsaing. Siya ang pinabili ko ng ulam. Dumating siya bandang 9:30. Nasa kuwarto na ako—nakatutok sa teleserye.




Pebrero 22, 2025

Past 6, gising na ako, pero dahil Sabado naman ngayon, natulog uli ako hanggang 8 am. 


Maagang bumangon si Emily. Nakapaghanda na siya ng almusal kaya nag-almusal muna ako bago naglaba. Mga past 9:30, tapos na ako. Naisipan kong magpabunot ng ngipin, kaya bandang 10 am, pumunta na ako sa dental clinic, kung saan ako nagpabunot din noong 2021.


Past 11, nabunutan na ako. Natanggal na ang dalawang natitirang ngipin sa baba. Nagtanong na rin ako kung magkano ang aabutin sa false teeth. Six thousand daw lahat. Next week, magpapasukat na ako.


Naghanda ako ng PPT sa Filipino. Isang araw lang muna ang inihanda ko. Gagawin ko na lang bukas kung may time pa, ang para sa Martes hanggang Biyernes. Umidlip muna kasi ako. Paggising ko, nagsulat naman ako ng nobela para sa Inkitt.


Past 6, nagpagupit ako. Natagalan ako sa barbershop kasi may dalawa pang nauna sa akin sa pila. Sobrang nipis na ng buhok ko. Hindi ko masyadong nagustuhan. 


Past 8, iyak nang iyak si Emily. Tinatanong ko kung bakit, ayaw namang magsalita. Hinayaan ko na lang muna. 





Enero 23, 2025

Past 4:30, bumiyahe na ako patungong Imus, para abangan sina Ma’am Amy. Patungo kami sa San Juan, Batangas para sa tripping. Dalangin ko na sana makakuha ako ng Magandang lote sa murang halaga.


Past 6, nagkita-kita na kami. Siya lang at ang kaniyang asawa ang kasama ko. Hindi nila kasama ang dalawa nilang anak.


Mga 8:30, nakita ko na ang lote. Maganda. Strategic. Malapit sa sentro at highway. Farm na farm.

Kaya hindi na ako nagdalawang-isip pa. Kinuha ko na ang Block 2, Lot 4 na may 300 square meter, sa halagang P270K. Murang-mura na. Hindi na ako interesado sa unang inaalok ni Ma’am Amy na P230k/100sqm. Gayunpaman, titingnan pa rin namin iyon dahil magiging ahente na rin ako.


Wala na kaming inaksayang oras. Nagtungo kami sa opisina ng CMBS Real Estate Development para magbigay ng down payment. One hundred thousand na ang binitiwan ko para mas mababa ang monthly. Tuwang-tuwa si Ma’am Amy sa mabilis kong desisyon. Sabi ko sa kaniya, binigyan ako ng Diyos ng signs. Isa pang sign ay ang hindi pagdating nang maaga ng broker na kausap niya.


Mabuti na lang din na hindi ako nakakuha sa broker niya kasi hindi ko gusto ang lugar. Bukod sa malayo at bundok pa, 100sqm lang. Forty thousand lang naman ang idinagdag ko, may dagdag pang 200sqm pa ako. 


Binisita namin ang loteng nabili nina Ma’am Amy sa Coloconto. Bundok din iyon kaya medyo sloppy ang lote niya. Mas maganda ang loteng nakuha ko. 


Nag-enjoy ako sa food na inihanda ng mag-asawa para sa lunch namin. Medyo mabilis nga lang kami roon kaya hindi ko masyadong nalibot ang lugar. Mabuti na lang, nakakuha ako ng driftwood, shell, bato, at carabao mango. May binigay ring papaya ang kapitbahay niya.


Sunod naming pinuntahan ay ang lote sa Brgy. Bulsa. Hindi maganda ang daan. Matarik. Maputik. Delikado. One-way pa. Red flag agad iyon sa akin. 


Umuwi na kami after naming makausap ang broker. Pinakilala ako ni Ma’am Amy. Aniya, partner na niya ako sa pag-aahente.


Eager akong kumite nang ekstra para may panghulog ako sa loteng binili ko. One hundred seventy thousand pa ang dapat kong bayaran. I know, God will provide, pero kailangan kong kumilos.


Sa biyahe pauwi, panay ang kuwentuhan namin ni Ma’am Amy. Labis ang kasiyahan niya sa pagkuha ko ng lote. Interesado rin naman siyang tulungan akong kumita sa referral.


Nagpa-Jollibee pa si Ma’am Amy nang pauwi na kami. Nag-takeout siya ng chicken and rice, iced tean, and tuna pie. Thankful siya sa biyayang matatanggap niya.


Past 6, nasa bahay na ako. Agad kong ipinakita kay Emily ang resibo ng bayad ko sa lote. Parang hindi siya natuwa. Haist!


Agad kong nilinis ang driftwood at bato pagdating ko. Then, nag-post ako sa FB ng ads tungkol sa lote. Ang sumunod na pangyayari? Andaming inquiries. Umabot ako ng past 9 dahil sa kasasagot.




Enero 24, 2025

Masaya akong pumasok. Masaya kong hinarap ang mga estudyante ko. Hindi ako nagalit o wala akong pinagalitan. Pambihira ako ngayong araw, palibhasa may bago sa akin. Bukod sa may bago akong lote o utang na babayaran, may bago sa aking ngiti. Confident na ako ngayong magsalita kahit walang facemask. Walang nagtanong kung bakit wala akong facemask ngayon. Pero sigurado akong nagtataka sila. Sana masaya silang makita ako sa ganoon. Alam ko, ramdam kong nakikinig sila. 


Naging maayos ang mga klase ko. Sana raw-araw na akong ganito.


Grabe ang mga pangyayari ngayong araw! Nag-inquire si Auntie Vangie ng lote. Bandang hapon, nagdesisyon siyang magpa-reserve ng dalawang magkatabing lote. Late ko nang nabasa kasi nakisalo ako sa pag-lunch ng mga ka-Tupa ko, at bumiyahe pa kami pa-Baclaran. Sa bus ko na nai-chat si Ma’am Amy para maipa-reserve niya. Kaya lang, soldout na raw. 


Okey lang din kasi parang namali ng intindi si Auntie Vangie. Akala niya P500/sqm lang ang lote. Na-overwhelmed lang siya. 


Hinikayat ko na lang siyang kumuha sa ibang property. Nagpa-quotation nga siya sa akin. At ang reply niya ay “Thank you sa time mo Froilan ha,hamo pag usapan nmin muna ito ni Reggie ksi hnd na kya ng pension ko ang monthly nyan e bka pumayag si Reggie na sya na lang maghulog.”


Sana pumayag si Reggie. Interesado rin si Auntie Emole. Sana dalawa silang makakuha sa La Banana Farm.


Hindi na ako nakaidlip dahil dito. Okey lang. Na-eenjoy ko na ang buhay-real estate agent. 


Bago ako humarap sa laptop para gumawa ng PPT, nagdilig muna ako ng mga halaman, saka nagmeryenda. At bago ako nag-workout, nag-post muna ako. Ginandahan ko ang caption. Akda kung akda Talaga. Marami tuloy ang nag-react at comment. Sabi nga ni Ma’am Amy, “Sir marami na talagang mapapabili kasi sa Caption mo pa lang Panalo na.” Kako, sana nga.




Enero 25, 2025

May pasok ngayon kasi 39th EDSA People Power Revolution anniversary. Special working holiday raw. Haist, Marcos! Gayunpaman, masigla akong nagturo. Nagpa-game ako. Gustong-gusto ng mga estudyante ang palaro ko. Lahat halos ay active at attentive. Wala akong naging problema. Hindi ako nagsaway masyado. Natapos ang bawat period ko nang masaya kaming lahat. Masaya na, natuto pa. 


Nakisabay ako, saka si Ma’am Vi kay Ma’am Wylene sa car niya. Kaya past 2, nasa bahay na ako. Umidlip ako hanggang past 3:30. 


Wala na naman si Emily. Huwebes pa raw uuwi. Si Ion na ang pinabili ko ng ulam. Ayos lang naman kami.




Enero 26, 2025

Masigla at masaya akong nag-storytelling sa Love. Tuwang-tuwa at kilig na kilig sila sa alamat na aking binasa—Ang Gagamba at ang Langaw. Enjoy na enjoy rin ako sa aking ginagawa. Sana palaging ganoon.


Nagawa ko rin iyon sa Hope at Charity, pero nainis ako sa Faith, kaya hindi ko natapos ang storytelling. Andaming pasaway. Pinarinig ko na lang sa kanila ng voiceover ko niyon.


Naka-prorate ang isang section dahil nasa journalism si Ma’am Madz. May seminar naman si Sir Jess. May vacant sana ako, pero binantayan ko ang advisory class ko sa oras niya. Nakipagkulitan lang ako sa klase ko. Nakakatuwa sana kundi lang sila nagiging OA. Lahat gustong mapansin. Lahat gustong bumida. 


After lunch, nakisabay uli ako kina Ma’am Wylene at Ma’am Vi. Nagkuwentuhan uli kami. Nang kami na lang ni Ma’am Wylene, nag-confide ako tungkol sa saloobin ko sa journalism. Ikinuwento ko ang mga karanasan at hinanakit ko sa journalism at co-trainers ko.


Past 2, nasa bahay na ako. Antok na antok ako, pero kinulit muna at tinabihan ako ni Herming. Wala pang 20 minutes, nagising na ako. Past 3:30, nagdilig na lang ako ng mga halaman, saka nagmeryenda. Past 4, naglagay ako ng rades sa grading sheet ni Ma’am Wylene.


Five o’ clock, gumawa ako ng script na ipapasa ko sa ‘Love at First Script’ ng Bonifacio High Street. Motivated ako sa prizes. Bago ako nag-workout, natapos ko nang i-edit ang dati kong maikling kuwento, na love story. Tamang-tama sa hinihinging ng patimpalak, kaya napakadali ko na lang nagawa.


Bago mag-8 pm, email sent na ang entry ko. Sana ako ang Manalo. Ang ganda pa naman ng mga prizes-- 1 winner -- Dinner Grand Hyatt for 2; 1 winner overnight Grand Hyatt; at Grand Prize: 1 brand new Samsung S24 Ultra worth 90K. Nais ko ring maging short film ang akda ko kapag nanalo. 




Pebrero 27, 2025

Ang hirap bumangon ng 3:30 am, pero sinikap kong makapasok nang maaga. Inspired akong pumasok ngayon. Magpapasulat kasi ako ng kuwentong patula na may tugma, na gagamitan ng iba’t ibang salitang ginagamit ng mga Pilipino.


Nagtagumpay naman ako sa aking layunin ngayong araw. Hindi man 100% ang nagpasa, masaya na ako kasi nakita ko ang kagustuhan nilang makapagsulat ng akda. Sa Charity, nainis ako, kaya nasermunan ko sila. Naging dahilan iyon upang tumahimik sila. Sa Peace, nakipagkulitan ako. Sa Faith, natawa ako sa dalawang special children. Sa Love, kinulit ako ng ilang estudyante, kaya kinulit ko rin. Sa Hope, tahimik lang kaming lahat. Sila talaga ang pinaka-behave na section.


Nakisabay uli ako kay Ma’am Wylene, kaya past 2, nasa bahay na ako. Agad akong nag-input ng grades sa cards. Tinapos ko lang ang sa boys, bago ako umidlip. Ang sarap ang tulog ko. Grabeng antok! Imagine, almost 5 pm na ako nakapagmeryenda. 

 

Bago ako nag-workout, tinapos ko muna ang grades ng girls. 


Past 8, dumating na si Emily. 





Pebrero 28, 2025

Nagpa-summative test ako sa lahat ng klase. Hindi ako masyadong stress ngayong araw. Pero na-stress ako sa paisa-isang pagdating ng parents para sa Viewing of Cards. Mahigit sa kalahati lang ang nakapunta. Haist!


Past 3 na ako nakauwi sa bahay. Sobrang antok ko kaya natulog talaga ako. Bafore 5, gising na ako. Nagdilig muna ako ng mga halaman bago nagkape at nagmeryenda. Sunod, gumawa ako ng game-based lesson para sa Day Camp ng boy scouts bukas. Isa ako sa mga facilitators ng isang base. History ng boy scouts ang nakatoka sa akin. 


Ginawa ko ang mga tanong habang nagwo-workout. Past 8, pagkatapos mag-dinner, nag-check at nag-record naman ako ng summative test scores ng mga estudyante ko. Nakagawa rin ako ng fact sheet na isusulat ng young journalist ng Sinag Team. Pinasaringan ko rin silang kumilos pa rin kahit tapos na ang contest at ang school paper dahil bibigyan sila ng parangal sa Recognition Day. Ang tatamad nila, sobra!



Baon sa Puso

 Baon sa Puso     Mga guro’t estudyante, uwian na noon, Sa mga gawain sa umaga ay nagutom Pagkapananghali ay babalik sa hapon.  ...