Followers

Thursday, May 26, 2016

Pangarap na Pag-ibig

Sa ibabaw ng malaking bato, magkahawak-kamay at magkasandal sa balikat na nakaupo ang magkasintahang sina Dexter at Dorothy,  habang sinasaliwan sila ng musika ng mga alon ng ilog sa kanilang paligid.
Umiiyak si Dorothy.
"Tahan na," alo ng binata. "Patawad... pero kailangan kong tuparin ang pangarap ko sa Maynila." Kumalas siya sa kasintahan at marahan at maingat niyang binuhat patungo sa pampang.
Mahigpit ang pagkakapit ng dalaga sa batok ng nobyo. Alam niyang iyon na ang huli nilang pagsasama.
"Ihahatid na kita," yaya ni Dexter.
"Layuan mo ako!" singhal ni Dorothy. Naitulak niya pa ang dibdib ng lalaki. "Iwanan mo na ako dito!"
Naawa siya sa dalaga, habang nakikita niyang tumatangis. Ilang minuto niya itong pinagmasdan.
"Umalis ka na! Hindi mo kailangan ang isang bulag na katulad ko! Inutil ako! Sige na, sundin mo ang pangarap mo!"
Hindi naramdaman at nakita ni Dorothy ang mga luhang tumulo sa mga mata ni Dexter hanggang tuluyan siyang nakalayo.
Sa malayo, nilingon niya ang kanyang pinakiibig. "Mahal kita, Dorothy. Mahal na mahal. Pasensiya na dahil hindi pa kita kayang ipaglaban sa mga magulang ko... Hintayin mo ako... dahil pagbalik ko, magkikita na tayo. Ako ang magiging opthalmologist mo..."


Wednesday, May 25, 2016

Macho Pa More

Magkasunod na sumakay ang dalawang macho.
Ang una ay may kasamang lalaking guwapo.
Hand flex ang hawak ng pangalawa,
At panay tingin sa mga braso niya,
Pero nang nagsalita, boses niya'y parang nuno.

RealTalk

Kapag mag-a-outing ang buong pamilya at mga kamag-anak mo, hindi ka isasama ng nanay mo dahil wala raw magbabantay ng bahay niyo. Hindi ka kasi puwedeng magsabi na "Bakit po? Lalayas po ba ang bahay, kapag walang bantay?" Hindi mo ito masasabi, baka masampal ka pa, bago sila magliwaliw. At dahil wala kang magawa, iiyak ka na lang pag-alis nila.

Sad life, 'di ba?

Hijo de Puta: Ciento bente-tres

Nagpaalam na si Lianne, dahil papasok na raw siya. Agad ko siyang namiss, kahit alam kong babalik siya. Pero ang maganda, nakadama ako ng pag-asa. Tila lumakas na rin ako. Nabawasan pa ang kirot sa mga sugat ko.
Ilang minuto na siguro akong nakaidlip nang tatlong sunod-sunod na katok sa pinto ang gumising sa akin.
"Excuse me, Sir," bati ng sumungaw na nurse. "Nandito po si Doc. Caparas to inform you..."
Tumango lang ako at hinintay na makapasok ang doktor. Binati niya ako. Binati ko rin siya.
"About sa query mo, kung sino ang nagdala sa'yo dito... hmm. He would like to make it confidential..."
"But..." I protested.
"Don't worry, Mr...?" Hinarap niya ang nurse.
"Mr. Hector Placido, Doc."
"Don't worry, Mr. Placido about the expenses. It's his compliment. All you have to do is to rest... Hindi makakatulong sa'yo ang pag-aalala..."
"Doc. Caparas, it's my right to know the truth. Besides..."
"I'm sorry. It's an agreement between the administration and your benefactor. I'm just following the protocol. God bless, Mr. Placido." Iyon lang at tumalikod na sila.
Hindi na ako nagpumilit, ngunit naniniwala akong may kinalaman uli dito si Val. Marami siyang connection. Iyon ang huling pangungusap na binitawan niya sa kanya.
Napatiim-bagang ako sa isiping iyon. Sana hindi na lang ako pinagmalasakitan ni Val, dahil gaganti siya, gaano man kalakas ang kapit niya. Pagsisisihan niyang binuhay niya pa ako, bulong niya.
Sinikap kong ikalma ang sarili ko dahil sa tuwing nagpupuyos ako sa galit ay kumikirot ang mga sugat ako. Kailangan kong magpagaling sa lalong madaling panahon. Kaya lang, hindi naman ako makaiwas sa kalungkutan. Ang alaala naman ng aking ina ang nagpahirap sa akin. Labis ko siyang namimiss. Siya lamang kasi ang nariyan tuwing nagkakasakit ako.
Nakatulugan ko ang alaalang isinugod niya ako noon sa hospital dahil sa pagkakadulas ko sa basang sahig at ang pagkakabasag ng kanyang ulo.

Tuesday, May 24, 2016

Krus na Daan

Kung saan ako patungo ay 'di ko alam.
Ako ngayo'y nasa gitna ng krus na daan--
Nagtatanong, naliligaw, at nababalam
sa pagsulong tungo sa kaligayahan.

Sa kanan ko'y kay ganda ng mga daraanan,
Sa kaliwa ko'y, bahaghari ay nakaabang,
Sa harap ko naman, animo'y may pistahan,
Sa likod ko ay mga nangungulilang kaibigan.

Kay hirap mamili ng kalsadang tatahakin,
Pagkat sa puso ko'y lahat ay matimbang,
Subalit panganib ay aking sasapitin,
Kung sa pagpili ko'y maging mangmang.

Baong salapi, sa daan, ay maaaring maubos,
Lakas ay baka masimot; hininga'y malagot,
At sa panahon, puwedeng ako ay makapos,
Kapag ang gabay Niya ay aking nilimot.

Sa krus na daan ako ngayon ay nakatayo.
Susulong ba ako o dapat pang lumiko?
Ang isip ko'y nalilito at puso'y nagdurugo
Dahil bawat patunguhan, tila walang dulo.

Mayo 25, 2016
1:52 NU
Antipolo City

Monday, May 23, 2016

The Noble Family

Sa isang grandiyosong hapag-kainan, tahimik na naghahapunan ang mag-anak. Ang padre de pamilya ay patingin-tingin sa kanyang panganay na anak, na tila may nais sabihin. Nakaugalian nilang magpapamilya na hindi pagtatalunan ang isang bagay o isyu sa harap ng pagkain o sa oras ng kainan. Kaya, pagkatapos mag-dessert, bumuntong-hininga si Mayor Ben. At, nagbukas ng usapan. "I don't like to argue with you, Carlo, but... please, think about it again. Filing of candidacy is one week to go. Kung hindi ka tatakbo, maaaring maputol ang ating kapangyarihan sa bayang ito."

Sumulyap lang ang 25-anyos na binata, na si Carlo, sa kanyang ama at ipinagpatuloy ang pagkain.

"That's right, son!" sang-ayon ni Representative Cathy. "Ikaw na ang susunod na mayor. Your sister is not qualified yet."

Tiningnan ni Carlo sa mga mata ang ina, gayundin ang kapatid niyang si Brenda. Gaya niya, alam niyang napipilitan lamang ito sa pagsunod sa lahat ng mga kagustuhan at dikta ng kanilang mga magulang, katulad ng pagtakbo niya bilang konsehal ng bayan.

"Kuya, noong una... ayaw kong tumakbo, but later on I realized na wala namang masama kung susubukan ko..." litanya ng kanyang nakababatang kapatid. "We are family. Mom and Dad are being elected by our constituents dahil kilala nila tayo bilang nagmamahalan at nagkakaisang pamilya. Saksi rin tayo sa kanilang public service... Give it a try, Kuya."

Muling yumuko si Carlo. Tila nabingi siya nang maalala niya ang sinabi ng isang lalaki noong isang gabi, habang naglalakad siya sa kalsada.  "Noong nakaraang eleksiyon, binoto ko si Mayor dahil sabi niya, bibigyan niya ng libreng edukasyon ang mga tao, lalo na ang mga mahihirap. Nagkamali ako. Wala na akong tiwala sa kanila." Hiniwa-hiwa niya ang leche flan sa platito, hanggang sa magkandadurog-durog ito.

"Anak? Please, don't let us down..." pakiusap uli ng alkalde. This time, mas nagsusumamo na siya.

Kumislap ang mga mata ni Carlo, ngunit ayaw niya itong pakawalan. "Dad... Mom... Brenda, I thank you for this. Your eagerness to serve the people is undeniably great. Nakita ko ang mga nagawa niyo sa ating bayan... Mom, you're a competent congresswoman. Dad, you, too, has led this city into a progressive one. Brenda, I know, if you win, you will be a good leader, like our parents..."

Dahil sa tinuran ni Carlo, napangiti at animo'y nakasilip ng pag-asa ang tatlong miyembro ng pamilya.

"Is it mean, yes?" Excited si Mayor.

"Dad, when you told me to take up PolSci, nine years ago... I did. Mom, when you asked me help you in your charity works and activities, I did. But have you tell me to do what I want? Have you asked me what I really want to do? Hindi. Hindi niyo ako tinanong o tinatanong. Hindi niyo ako hinayaang gawin ang gusto kong gawin..." Noon din ay pumatak ang mga luhang kanina pa nagbabadya.

Natahimik sandali ang pamilya. Napayuko ang mag-asawa. Awang-awa naman si Brenda sa kanyang kapatid.

"Yes, you are different from other politicians. Maybe, you take less from the people's fund, but it is still a form of corruption... Sampalin niyo na ako ngayon. Okay lang po..."

"No, anak... We can't do that..." Her mother came to him and embraced him from the back. "That's how dirty the politics is, anak. Kung hindi naman iyon gagawin, hindi kami o tayo mananatili sa puwesto. Ang mahalaga, nakakatulong tayo sa kanila..."

"Carlo, hindi mo dapat isinasaksak sa utak mo ang ganyang bagay..." ani Mayor.

"My grade school teacher once told me, How honest you are with yourself directly impacts your ability to produce great results. I have lived those words. Tama po siya. If you think your deeds are good enough as public service... well, it's your perception."

Kumurba ang mga kilay ni Mayor Ben.

"Excuse me," paalam ni Brenda. Hindi niya kinakaya ang usaping ito.

"Saan ka pupunta?" tanong ng kuya.

"I have to ponder all these things." Tumalikod na siya, pero muling humarap. "I'll support you, Kuya. Whatever your decision, I know it is the best one..." Then, she left.

"As I said, ayaw kung mauwi ito sa mainit na argumento. Let me ask you. I want a honest and final answer..."

Naghintay si Carlo.

"Tatakbo ka ba o hindi?"

"Hindi! Honest and final answer," mabilis at matigas na sagot ni Carlo. Then, he stood up and tried to leave.

"Come back here!" Napalakas ang pagkakabigkas niyon ng ama.

Natigilan si Carlo. Nagulat naman ang ina.

"Beat me, Dad, for being suwail... But I just want to be honest. I hate politics. I hate it because it's dirty. I don't need a power to help the people. I can help our constituents, even if... I am just a... a teacher." Hindi humarap si Carlo sa mga magulang, ngunit alam niyang naulinigan nila ang gusto niya sa buhay.

"Anak?" Gumaralgal ang boses ng ina.

"Idiot! What are you talking about?" Nagmura pa ang kanyang ama.

"I know right. I am idiot..."

Niyakap ng ina si Carlo. "No, Carlo... You are not..." Tuluyan nang pinakawalan ng mag-ina ang kanilang mga luha, sa kabila ng katigasan ng puso ng mayor.

"Why didn't you tell us, anak?"

"You're too busy... You wouldn't care if I tell you, because para sa inyo, mabuti kayong mga magulang..."  Kumawala sa ina si Carlo. "Akala ninyo, sapat na, na mapag-aral kami magkapatid sa magandang paaralan. Mapakain. Madamitan... O, yes, you are both responsible parents, but your family is just a decoration. A political propaganda."

Isang malakas na sampal ang dumapo sa kanang pisngi ni Carlo.
"I'm sorry..." sambit ng ina, pagkatapos ng kalahating minuto.

Sapo-sapo ang pisngi at nakayuko, muling pumatak ang mga luha ni Carlo sa mamahaling sahig ng kanilang dining area. Hindi niya naramdaman ang pisikal na sakit, dahil mas naramdaman niya ang kawalang-halaga niya bilang anak. "I value our family so much, Mommy, but you, two of you, did not. That's why I hate politics." Hindi siya nagtaas ng boses. Mataas pa rin ang respeto niya sa kanyang mga magulang. Iyon ang isa sa mga kinalakhan niya sa kanyang pamilya.

Ang ama ay iiling-iling sa kanyang kinauupuan. Hinagod-hagod rin niya ang kanyang dibdib.

"I value teachers. I admire my former teachers, thus I wanted to be like them. Sana..."

"Bakit, anak?"

"Sila ang tunay na nagsasakripisyo para sa ating bayan, sa ating mga kabataan. They are the real public servants, who are the most neglected ones nowadays. Pero, hindi na bale. Ang mahalaga, they love what they are doing..."

"Is that what you want to do?" mahinahong tanong ng ina.

Nagtinginan silang mag-ina. Magkasabay din nilang sinulyapan si Mayor Ben.

"Opo... I'm sorry." Tumalikod na siya.

Bago nakalayo si Carlo, tinawag siya ng kanyang ama. Wala siyang dahilan upang hindi tumigil at humarap. Napakababa kasi ng kanyang boses. "You're free now..."

Bumalik si Carlo at niyakap ang ama. "Thank you, Dad! Thank you!"

"Welcome, anak!" Pumatak na rin ang mga luha sa kanyang mga mata. " Tomorrow, your Mom and I will withdraw our candicacy. We will no longer running for any position. Brenda, for sure, will be glad to do so..."

Niyakap ng ama ang kanyang mag-ina.

"Why Dad?"

"Because... politics is dirty. Your teacher is right. I have never been honesty for the past 4 decades... And most of all, we will support your candidacy..."

Biglang kumawala si Carlo.

"No, I'm kidding! We will support your studies and later, your profession--- the noblest of all." Ngumiti siya.

"Alam mo bang frustrated teacher iyang Daddy mo? Pasaway kasi."

"Wee!?"

"Oo nga! Di ba, Ben?"

"Yes!" Tumawa siya.

Nagtawanan silang tatlo.

Sumungaw si Brenda. "Nakaka-proud namang maging miyembro ng Noble Family na ito!"

"Yes, anak! Ang pamilya ang tunay na kayamanan, lakas at kapangyarihan... Halika ka nga dito," malambing na yaya ng ama kay Brenda. At, buong pagmamahal niyang niyakap ang kanyang pamilya.


Ang Ginintuang Sungay ng Usa

Sa tabing-ilog, tanaw na tanaw ni Gunther ang isang magandang babae na nakikipaglaro sa mga paruparo, ibon at iba pang hayop. Mula sa hinawing mga matataas na damo sa kabila ng ilog, nawili siyang pagmasdan ang dalagang naka-bestidang puti at may koronang bulaklak.

Nang mapagod ang dalaga, lumapit siya sa ilog, dumukwang, at sumalok saka humigop ng mala-kristal na tubig, gamit ang kanyang mapuputing kamay. Naglapitan rin ang mga hayop, gaya ng usa, kuneho, bayawak, matsing at iba pa, upang uminom din ng tubig.

Sa tagal nang nangangaso si Gunther sa lugar na iyon, noon lamang siya nakikita ng tao sa lugar na iyon at ganoon kaganda pa. Suwerte siya sa araw na ito, nasambit niya sa sarili niya.

"Magandang umaga, Binibini!" pasigaw niyang bati sa dalaga.

Nagtakbuhan ang mga hayop pabalik sa gubat. Tila nagulat naman ang babae. "Magandang umaga rin sa'yo, Ginoo!"

Lumapit si Gunther. Naiwan doon sa pinagtaguan niya ang kanyang rifle. Bag lamang ang kanyang dinala. "Naliligaw ako," aniya, pagkatapos magpakilala.

"Ako naman si Adawiyah. Ano po ang maitutulong ko sa inyo?"

Napakaganda talaga niya, naisaloob niya, nang nginitian siya ng Adawiyah. Hindi niya lubos maisip na may nananahang binibini sa kagubatang iyon.

"Maaari bang ituro niyo sa akin ang daan pabalik?"

"Opo!"

"Bata pa ako," biro niya. "Maaari bang Gunther na lamang ang itawag mo sa akin?" Ngumiti siya, ngunit hindi niya nasilayan ang matamis na ngiti ng dalaga.

"Taluntunin mo ang ilog na ito," agad na sagot ni Adawiyah. "Bago ka marating sa talon, kumanan ka. Sundan mo naman ang matarik at mabatong bundok. Pagbaba mo, naroon na ang kalsada... Gunther, Gunther, nakinig ka ba?"

Nagitla ang binata. Hindi niya pinakinggan ang direksiyon ni Adawiyah. Tinitigan niya lamang kasi ito, habang nagmumuwestra. "Paumanhin. Hindi ko masyadong nasundan ang iyong sinabi..."

Inulit ng dalaga ang pagbibigay ng direksiyon. Natakot naman ang binata, sapagkat parang ikakapahamak niya ang itinuturo ni Adawiyah. Alam naman niya ang daan pauwi. Nagkukunwari lamang siya. Nais niya lamang talagang makilala ang dalaga. Hindi rin niya nakakalimutan ang pakay niya sa gubat na iyon--- ang makapag-uwi siya ng ulo ng usa. Iyon na lamang ang kulang niya sa kanyang koleksiyon. Kung papalarin, maiuuwi niya ang ulo ng usa na may gintong mga sungay. Iyon ang nakita niya kanina na kasama at kalaro ni Adawiyah.

"Nagugutom ako, Adawiyah... Maaari ba akong makiluto sa inyo ng aking baong noodles? Malayo-layo rin kasi ang aking lalakbayin pabalik..."

Saglit na nag-isip si Adawiyah. "Matanong ko lang, Ginoo... Ano ang sadya mo sa gubat na ito?"

"A... Ako? W-wala. Wala! Nahiwalay ako sa mga kasamahan ko. Namamasyal kami doon... Sinundan ko kasi ang usa. Unang beses kong makakita ng usang may ginintuang mga sungay. At mapalad ako't natagpuan kita, kasama ang usang nakita ko. Ang ganda mo... I mean, ang ganda ng lugar niyo... Mahiwaga." Kinakabahan siya.

"Masaya ang lugar na ito. Tahimik..." Tumalikod na ang dalaga. Sinenyasan si Gunther, na siya ay sumunod na sa kanya. "Tama ka. Ito ay mahiwaga." Halos pabulong niya itong sinambit, kaya hindi na naulinig pa ng binata.

"Marami ba kayong naninirahan dito?"

"Ako lang..."

Bumilog ang mga mata ni Gunther sa narinig. Namangha rin siya sa makurbang katawan ng dalaga, na naaaninag niya mula sa sutlang kasuotan niya.

"Bakit? Nasaan ang mga magulang mo?"

"Mahabang istorya, Gunther..."

Hindi na rin iyon mahalaga sa binata. Jackpot siya. Iyon lamang ang laman ng kanyang utak.

Sa 'di kalayuan mula sa ilog, nakatirik ang bahay ni Adawiyah. Gawa iyon sa mga sanga ng kahoy, mga kawayan, mga dahon, at mga baging. Ang ganda ng pagkakayari nito. Tila kahapon lamang ginawa dahil kulay-berde pa ang mga dahon na ginawang bubong. Ang paligid nito ay mga nagbabanguhan at naggagandahang bulaklak, na noon lamang nakita ni Gunther. Namangha siya. Hindi lamang niya ipinahalata.

"Tuloy ka..." yaya ng dalaga kay Gunther, pagkabukas ng pintuang kawayan, na kulay berde pa rin.

Pagpasok ng binata, isang maluwag na kabahayan ang nabungaran niya. May malinis na kusina. May mabulaklak sa kama. May mga kasangkapang yari sa driftwood. Muling nabusog ang mga mata ni Gunther.

Maingat niyang inilabas ang kanyang baong noodles. Ayaw niyang masabay ang mga kagamitang panluto na dala niya sa kanyang backpack.

"Naku, masama sa kalusugan ang dala mong pagkain. Hindi iyan ang nararapat mong ilaman sa iyong tiyan, gayong maglalakad ka ng milya-milya. Heto... kumain ka" Tinanggalan niya ng mga takip ang mga pagkaing nasa hapag.

Napa-wow si Gunther sa mga pagkain. Kay gaganda ng presentasyon ng mga pagkain. May isda. May litsong manok. May mga gulay. May mga bulaklak na salad. May mga prutas. Parang pista, naisip niya.

"Kaydami mong pagkain... Bakit?"

Tila hindi siya narinig ng dalaga. Kumuha siya ng malaking bao ng niyog na may tubig at mga puting maliliit na bulaklak. "Maghugas ka muna..."

Tahimik at hindi makapaniwalang sumunod si Gunther. Kapagdaka'y lumalantak na siya ng pagkain. Nakatingin at nakangiti lamang sa kanya si Adawiyah.

Sa buong buhay niya, noon lamang siya nakakain ng ganun kasasarap na pagkain. Simple, pero may kakaibang sarap—sarap na ayaw niyang tigilan. Halos maubos niya ang pagkain nakahain. Ramdam niya ang paglaki ng kanyang tiyan, gayundin ang antok dahil sa kabusugan.

“Inaantok ka na, kaibigan,’’ Malamyos ang inig ni Adawiyah. Napansin niya kasing humikab si Gunther, habang sapo-sapo nito ang tiyan. Agad siyang tumayo at inalayayan ang binata patungo sa kanyang puting kama, na napapalamutian ng mababangong bulaklak.

Wala sa loob na sumang-ayon si Gunther. Ayaw niya sanang aksayahin ang oras. Gusto na niyang planuhin ang pagsasamantala sa kabutihan ni Adawiyah. Nais niyang umuwi bukas ng umaga na bitbit ang ulo ng usa na may ginituang mga sungay. Subalit, tila tinatalo ng antok ang kanyang ang talukap ng kanyang mga mata. Kaybigat rin ng kanyang katawan. Pakiramdam niya ay bumigat siya ng doble sa dati niyang timbang.

Tahimik na nagligpit si Adawiyah ng pinagkainan ni Gunther. Ang binata naman ay unti-unting lumalangoy sa pagkahimbing.

Nagising si Gunther sa liwanag na tumama sa kanyang mata, mula sa siwang ng bubong na dahon. Umaga na pala, aniya. Narinig niya ang kakaibang huni ng mga ibon. Animo’y may choir na umaawit sa simbahan.

Agad, siyang bumangon pagkakuha ng kanyang bag, upang hanapin si Adawiyah.

“Magandang umaga, Gunther!’’ bati ng matandang babae, mula sa likuran niya.

Nagulantang siya nang makita ang matanda, na may nakakatakot na mukha. Puno ito ng mga ng bilog-bilog na laman. Hindi niya eksaktong alam ang tawag doon. Pero, alam niya na kapareho ito ng sakit ng isang lalaki sa kanilang lugar.

Hindi siya nagpahalatang natatakot. “Magandang umaga po, Lola! Si Adawiyah po, nasaan?” Luminga-linga siya, ngunit wala siyang nakita. Bagkus, napansin niyang nag-iba ang anyo ng paligid. Nawala ang mga kakaibang bulaklak sa palibot. Tanging mga tuyong dahon ang mga naroon. Nahintatakutan siya, ngunit buo pa rin ang loob niyang maiuwi ang ulo ng usa.

“Lumuwas sa bayan, si Adawiyah…”

“Po? Sana hinintay niya po ako. Sabay na po kami. Mapanganib sa kanyang daraaanan.’’ Peke ang pag-aalala niya.

“Paano mong nalaman na mapanganib?’’

“Ayon po sa binigay niyang direksiyon kahapon… Di bale po, susundan ko po siya. Siguro ay maaabutan ko siya…” Handa na siyang umalis, ngunit hindi upang agad na sundan si Adawiyah, kundi upang puntahanng muli ang ilog at bantayan ang usa. “Salamat po! Tuloy na po ako…” Agad siyang tumalikod at tumakbo palayo sa nakakahindik na tahanan nina Adawiyah.

Ngumisi ang matandang babae nang siya ay palayo na. “Mag-iingat ka!”

Pagingon ni Gunther, tila natanaw niya sa likod ng matanda ang mga kakaibang hayop. Noon lamang siya nakakita ng hayop na nahahawig sa tao ang ulo. Nagtaaasan ang kanyang mga balahibo at tila bumagal ang kanyang takbo, kahit naniniwala siyang namalik-mata lamang siya.

“Mapanganib ang lugar na ito,” sigaw uli ng matanda.

Hindi na iyon narinig ni Gunther. Hindi na rin niya nakitang naging si Adawiyah ang matanda. Mas nanaig ang kagustuhan niyang mapasakamay ang ginintuang sungay ng usa.

Naroon pa rin sa pinagtagunan ang rifle ni Gunther. Doon pa rin siya kumubli at nag-abang sa paglabas ng usa.

Kalahating oras ang lumipas, sukdulan ang ligaya ni Gunther sa bumulagang suwerte. Ang usa na may gintong mga sungay ay mag-isang lumapit sa tubig. Wala itong kamalay-malay na nakaasinta na ang rifle sa kanya.

Isang malakas na putok ang kumawala at nagpabagsak sa usa. Kasabay niyon ang pagliparan ng iba’t ibang uri ng ibon palayo sa kagubatan.

Dali-daling nilapitan ni Gunther ang hayop at isinagawa ang pagpugot sa ulo ng usa. Nilagyan niya ito ng mga likido at kung ano pa, saka isinilid sa itim na sako. “Tagumpay! Tagumpay! Sa wakas, kompleto na ang aking koleksiyon! Paalam gubat!” Humalakhak pa siya, bago nagdesisyong lumayo sa lugar na iyon, bago pa siya malapitan ng matanda.

Sa kanyang daraanan, nakasalubong niya ang daan-daang usa. Tila nagagalit ang mga ito at handan siyang suwagin. Naisip niyang ilabas ang kanyang rifle, ngunit magiging balewala lamang ito. Hindi sapat ang kanyang bala upang mapatay niyang lahat iyon.

Ang pinakamalaking usa ay parang nagsalita. Nag-iba naman ng puwesto ang mga mas maliliit na usa, ngunit may matatalas na sungay. Ang tantiya ni Gunther, inutusan ng lider ang mga tauhan na palibutan siya.

Naalala niya kasi ang direksiyong itinuro ni Adawiyah. Kaya, wala siyang inaksayang sandali. Kumaripas siya ng takbo. Hinabol naman siya ng mga usa. Muntikan na siyang masuwag ng isa. Mabuti at nakalusong siya sa ilog. Hindi sumunod ang mga usa sa sa tubig, kaya nakahinga nang maluwag si Gunther.

Desidido na siyang baybayin ang ilog upang makatakas sa mga galit na galit na usa. Pasalamat siya dahil hindi ganun kalalim ang tubig sa ilog. May mga bahaging malalim, ngunit kayang-kaya niyang lusungin.

Inabot siya ng dapit-hapon sa pagbaybay sa ilog, ngunit hindi pa niya naririnig ang talon. Hindi naman siya puwedeng umahon dahil sinusundan siya ng mga usa.

Sa gitna ng kadiliman, nanginginig sa lamig at s atakot si Gunther. Gusto na niyang magsisi, ngunit hindi niya alam kung paano. Mga hayop ang kanyang kalaban. Aniya, hindi siya ituturing na tao ng mga ito.

Nawalan ng ulirat si Gunther. Lumutang ang katawan niya at nabalahaw sa mga batong nasa gitna ng ilog. Tuluyan namang inanod ng tubig ang itim na sako.

Kusang bumukas ang talukap ng mga mata ni Gunther. Nakapatong siya sa ibabaw ng malapad na bato. Tanaw niya ang daan-dang usa sa mga pampang ng ilog. Hindi tulad kahapon, maaamo nang tingnan ngayon ang mga usa.

Sa di kalayuan, isang puting liwanag ang kanyang nasilayan. Nasilaw siya, kaya’y bahagya siyang napapikit.

“Ika’y isa sa mga hindi nakapasa sa aking pagsubok. Ginoo…’ Naulinig niya ang malamyos na tinig ni Adawiyah.

Dumilat siya nang dahan-dahan. “Adawiyah? Ada… tulungan mo ako!’’

“Nilapastangan mo an gaming tirahan…”

“Patawad… Patawad, Adawiyah.” Pilit niyang ibinangon ang sarili. Nakatayo naman siya, ngunit katulad na siya ng usa. Ang katawan, ang mga kamay at paa niya’y katulad ng sa mga usa. Gusto niyang matumba sa pagkakatayo.

“Walang kapatawaran ang iyong kahayupan, Ginoo! Mas hayop ka pa kaysa sa mga hayop dito sa kagubatan.” Tigib ng galit ang bawat salita ni Adawiyah. “Nararapat lamang sa’yo ang sumpang ‘yan!’’

“Sumpa?”

“Oo… Tingnan mo ang sarili mo sa tubig…”

Naaninag ni Gunther ang kanyang mukha. Gusto niyang matuwa nang makitang ganun pa rin naman ang hitsura niya. Kaya lang, nang kumurap siya, kumislap ang kanyang mga ginintuang sungay. “O, hindi! Hindi maaari ito, Adawiyah!”

“Dalawa lamang ang paraan upang makalaya ka. Sundan pauwi ang mapanganib na direksiyong itinuro ko sa’yo… o sundan mo kami at manilbihan sa kagubatng nilaspatangan mo ng matagal na panahon…” Lumutang palayo si Adawiyah sa hangin. Nagsunuran ang mga usa. Ang mga usang nasa kabilang pampang ay lumusong sa ilog at sumunod rin sa mga kasamahan, patungo sa kapunuan. Narinig niyang nag-uusap at nagtatawan, na parang tao ang mga usa. Wala siyang nagawa, kundi ang sumunod sa kanila. Handa siyang pagbayaran ang parusa dahil sa kanyang kahayupan.




Sunday, May 22, 2016

Memo+

Isang poging lalaki ang sumakay sa lumang dyipni.
Nagbayad na kaagad siya sa drayber ng pasahe,
Ngunit, gurang ay naniningil pa.
"Sisirain ko ba ang aking hitsura?"
Pinaiinon niya ang gurang ng memo+ at nagbayad uli.

Saturday, May 21, 2016

Kanang Binti

Hindi pa rin ako dalawin ng antok, lalo na't nananaig sa akin ang takot sa kuwartong kinaroroonan namin ng malapit kong kaibigan na si Joan. Nagsumiksik pa nga ako sa kanya, kaya nagising siya. Alam niyang hindi lamang ako giniginaw, kundi natatakot rin.

"Bro, mag-pray ka lagi, bago ka matulog. Lalo na ngayon, dito. Nakita mo naman... At alam mo kung ano ang mayroon dito sa bahay," payo sa akin ng kaibigan ko, na halos kapatid na ang turing ko.

Hindi na ako umimik. Nagtalukbong na lang ako ng kumot. Naalala ko ang mga kababalaghang naranasan namin noon sa lugar na iyon.

Ilang sandali lang ang lumipas, nanigas ang kanang binti ko, na nakadantay sa unan. Hindi ko ito maibaling.

"Sis..." tawag ko sa kanya. Tinapik-tapik ko pa ang kanyang braso.

Tatlong beses ko pa siyang niyugyog, bago siya naalimpungatan. "Bakit?"

"Hindi ko maigalaw ang binti ko."

Agad niyang tinanggal ang kumot ko at buong lakas niyang itinulak ang binti ko pakanan.

Bumalikwas ako... dahil sa takot. Pagkatapos, naalala kong hindi ko pala natapos kagabi ang panalangin ko.

Friday, May 20, 2016

Double Trouble 43

DENNIS' POV

Naipangako ko sa sarili ko na hindi na muna makakarinig ng kahit ano mula sa akin si Denise, pero hindi ko kayang nakikita si Krishna at siya, na pinagtatawanan ako. Nakakalalaki siya, e!

Sa school, kinasabwat ko si Joven, ang pinakamaliit naming kaklase. Nanakawin nito ang cell phone ng kapatid ko. Pumayag itong gawin ang dare ko dahil natatakot itong isumbong ko kay Ma'am na ito ang kumuha ng beynte noong nakaraang buwan. At ito rin ang maaaring pagbintangan ng mga sunod-sunod na pagkawala ng mga gamit at baon ng mga kaklase namin.

Kapalit naman ng trabahong ipinapagawa ko rito ay ang pagbabagong-buhay nito at pagtago ng lihim na iyon. Kami lamang ang makakaalam.

Ang galing ni Joven! Ni walang nakakita sa ginawa nitong pagkuha sa mobile phone ni Denise. Pagkatapos, malinis din nitong naibigay sa akin.

Lumabas agad ako upang halughugin ang laman ng cell phone. Sobrang malas lang dahil may passcode pang nalalaman ang kapatid ko. Kailangan ko pa itong hulaan nang hulaan para lang ma-open. Nakatatlong subok na ako, pero wala pa rin. Hinintay ko pang maging puwede na ulit mag-passcode, ngunit bigo uli ako. Inabot ako sa CR ng siyam-siyam bago ko naisipang bumalik sa classroom.

"Si Dennis, kapkapain n'yo rin po, Ma'am." Nagulat ako nang ituro ako ni Alex pagbungad ko pa lang sa may pintuan. Galit na galit ito.

"Ha? Bakit?" maang ko.

"Nawawala ang cell phone ng kapatid mo," mahinahong sagot ng aming adviser.

Tila may gumulong na malaking bato sa aking dibdib. Gusto kong bumalik sa banyo para itago ang cell phone.

"A, gano'n po ba?" Mabilis akong bumalik sa upuan ko habang nagkakarera naman ang hininga ko.

"Denise, maaaring naiwan mo lang sa bahay ninyo," sabi ni Ma'am.

"Ma'am, hindi po. Kanina lang po ay ginamit ko iyon para tingnan ang oras," naiiyak na turan ni Denise.

Natigilan si Ma'am. Kinapa ko naman ang cell phone sa bulsa ko.

Lumapit si Ma'am kay Denise at iniabot ang cell phone nito sa kapatid ko. "I-type mo rito ang number mo."

Nang marinig ko iyon, palihim kong ipinasok ang aking kamay sa bulsa ko upang pindutin ang off ng cellphone. Hindi ko kaagad iyon nagawa. Nag-ring agad ito kaya ang volume ang kinapa ko.

Hindi naman sana malalaman na nasa akin ang cell phone ni Denise kung hindi naramdaman ng katabi kong babae na may narinig siya.

"Nasaan?" nabuhayang tanong ni Denise.

"Parang nakay Dennis!"

Tiningnan ako ni Denise nang masama at humingi siya ng pahintulot kay Ma'am na kapkapan ako.

Para akong matutunaw sa hiya habang ginagawa iyon ng kapatid ko.

"Kuya pa man din kita. Ikaw pa ang gagawa nito sa akin," marahang bulong ni Denise.

Tahimik ang buong klase habang bumabalik sa upuan niya si Denise. Si Ma'am naman ay animo'y tinakasan ng paningin. Malayo ang iniisip nito. Pero, maya-maya ay tinawag at pinasunod niya kami patungo sa Guidance' Office.

Wala kaming kibuan habang binabagtas namin ang opisina ng guidance counselor. Nag-iisip ako ng idadahilan. Gusto kong lumabas na bayani ako at hindi magnanakaw. Ang adviser din namin ay wala ni isang salitang binitiwan hanggang sa makarating kami kay Mrs. Taballa.

"Mrs. Taballa, heto po ang magkapatid. Iiwan ko na po muna sa inyo. Mayroon po silang ikukuwento tungkol sa pagkawala at pagkahanap ng cell phone ni Denise sa bulsa ni Dennis. Naniniwala po akong may malalim na kuwento sa likod nito," turan ng aming guro. Lalong lumakas ang kabog sa dibdib ko.

"O, sige po, Ma'am. Suki ko na yata ang kambal na ito. Ako na ang bahala sa kanila. Salamat po, Ma'am!"

Halatang masaya pa si Denise sa mga nangyayari. Hindi niya marahil naisip na mauungkat na naman ang tungkol sa rivalry namin kay Krishna. Mahina talaga ang utak niya. 


Thursday, May 19, 2016

Napagod Ako

Napagod akong masumpungan ang mga rason,
kung paano kita makakasama sa maraming taon.
Kaya, kahit dalawang supling ang ating
nabuo,
kailangan kong masaktan sa aking sakripisyo.

Napagod akong pilitin ang aking sarili na mahalin ka,
sa kabila ng kagustuhan ko at mahabang
pang-unawa.
Masakit man at tunay na nakakabasag ng buhay,
tinanggap ko kaysa buhay ko'y mawalan ng saysay.

Napagod akong makita ang iyong pangangalunya,
na sa hindi naman talagang gawain ng isang ina.
Napakasakit para sa isang haligi ng tahanan,
na ang kabiyak mo'y hanapin sa iba ang kalinga.

Napagod akong unawain ka at ang dahilan mo,
sapagkat walang dahilan upang ipagpalit mo ako.
Naging responsableng ama ako at naging magiliw.
Sa kabila ng aking kakulangan, ako sana'y 'di bibitiw...

Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...