Followers

Monday, May 23, 2016

Ang Ginintuang Sungay ng Usa

Sa tabing-ilog, tanaw na tanaw ni Gunther ang isang magandang babae na nakikipaglaro sa mga paruparo, ibon at iba pang hayop. Mula sa hinawing mga matataas na damo sa kabila ng ilog, nawili siyang pagmasdan ang dalagang naka-bestidang puti at may koronang bulaklak.

Nang mapagod ang dalaga, lumapit siya sa ilog, dumukwang, at sumalok saka humigop ng mala-kristal na tubig, gamit ang kanyang mapuputing kamay. Naglapitan rin ang mga hayop, gaya ng usa, kuneho, bayawak, matsing at iba pa, upang uminom din ng tubig.

Sa tagal nang nangangaso si Gunther sa lugar na iyon, noon lamang siya nakikita ng tao sa lugar na iyon at ganoon kaganda pa. Suwerte siya sa araw na ito, nasambit niya sa sarili niya.

"Magandang umaga, Binibini!" pasigaw niyang bati sa dalaga.

Nagtakbuhan ang mga hayop pabalik sa gubat. Tila nagulat naman ang babae. "Magandang umaga rin sa'yo, Ginoo!"

Lumapit si Gunther. Naiwan doon sa pinagtaguan niya ang kanyang rifle. Bag lamang ang kanyang dinala. "Naliligaw ako," aniya, pagkatapos magpakilala.

"Ako naman si Adawiyah. Ano po ang maitutulong ko sa inyo?"

Napakaganda talaga niya, naisaloob niya, nang nginitian siya ng Adawiyah. Hindi niya lubos maisip na may nananahang binibini sa kagubatang iyon.

"Maaari bang ituro niyo sa akin ang daan pabalik?"

"Opo!"

"Bata pa ako," biro niya. "Maaari bang Gunther na lamang ang itawag mo sa akin?" Ngumiti siya, ngunit hindi niya nasilayan ang matamis na ngiti ng dalaga.

"Taluntunin mo ang ilog na ito," agad na sagot ni Adawiyah. "Bago ka marating sa talon, kumanan ka. Sundan mo naman ang matarik at mabatong bundok. Pagbaba mo, naroon na ang kalsada... Gunther, Gunther, nakinig ka ba?"

Nagitla ang binata. Hindi niya pinakinggan ang direksiyon ni Adawiyah. Tinitigan niya lamang kasi ito, habang nagmumuwestra. "Paumanhin. Hindi ko masyadong nasundan ang iyong sinabi..."

Inulit ng dalaga ang pagbibigay ng direksiyon. Natakot naman ang binata, sapagkat parang ikakapahamak niya ang itinuturo ni Adawiyah. Alam naman niya ang daan pauwi. Nagkukunwari lamang siya. Nais niya lamang talagang makilala ang dalaga. Hindi rin niya nakakalimutan ang pakay niya sa gubat na iyon--- ang makapag-uwi siya ng ulo ng usa. Iyon na lamang ang kulang niya sa kanyang koleksiyon. Kung papalarin, maiuuwi niya ang ulo ng usa na may gintong mga sungay. Iyon ang nakita niya kanina na kasama at kalaro ni Adawiyah.

"Nagugutom ako, Adawiyah... Maaari ba akong makiluto sa inyo ng aking baong noodles? Malayo-layo rin kasi ang aking lalakbayin pabalik..."

Saglit na nag-isip si Adawiyah. "Matanong ko lang, Ginoo... Ano ang sadya mo sa gubat na ito?"

"A... Ako? W-wala. Wala! Nahiwalay ako sa mga kasamahan ko. Namamasyal kami doon... Sinundan ko kasi ang usa. Unang beses kong makakita ng usang may ginintuang mga sungay. At mapalad ako't natagpuan kita, kasama ang usang nakita ko. Ang ganda mo... I mean, ang ganda ng lugar niyo... Mahiwaga." Kinakabahan siya.

"Masaya ang lugar na ito. Tahimik..." Tumalikod na ang dalaga. Sinenyasan si Gunther, na siya ay sumunod na sa kanya. "Tama ka. Ito ay mahiwaga." Halos pabulong niya itong sinambit, kaya hindi na naulinig pa ng binata.

"Marami ba kayong naninirahan dito?"

"Ako lang..."

Bumilog ang mga mata ni Gunther sa narinig. Namangha rin siya sa makurbang katawan ng dalaga, na naaaninag niya mula sa sutlang kasuotan niya.

"Bakit? Nasaan ang mga magulang mo?"

"Mahabang istorya, Gunther..."

Hindi na rin iyon mahalaga sa binata. Jackpot siya. Iyon lamang ang laman ng kanyang utak.

Sa 'di kalayuan mula sa ilog, nakatirik ang bahay ni Adawiyah. Gawa iyon sa mga sanga ng kahoy, mga kawayan, mga dahon, at mga baging. Ang ganda ng pagkakayari nito. Tila kahapon lamang ginawa dahil kulay-berde pa ang mga dahon na ginawang bubong. Ang paligid nito ay mga nagbabanguhan at naggagandahang bulaklak, na noon lamang nakita ni Gunther. Namangha siya. Hindi lamang niya ipinahalata.

"Tuloy ka..." yaya ng dalaga kay Gunther, pagkabukas ng pintuang kawayan, na kulay berde pa rin.

Pagpasok ng binata, isang maluwag na kabahayan ang nabungaran niya. May malinis na kusina. May mabulaklak sa kama. May mga kasangkapang yari sa driftwood. Muling nabusog ang mga mata ni Gunther.

Maingat niyang inilabas ang kanyang baong noodles. Ayaw niyang masabay ang mga kagamitang panluto na dala niya sa kanyang backpack.

"Naku, masama sa kalusugan ang dala mong pagkain. Hindi iyan ang nararapat mong ilaman sa iyong tiyan, gayong maglalakad ka ng milya-milya. Heto... kumain ka" Tinanggalan niya ng mga takip ang mga pagkaing nasa hapag.

Napa-wow si Gunther sa mga pagkain. Kay gaganda ng presentasyon ng mga pagkain. May isda. May litsong manok. May mga gulay. May mga bulaklak na salad. May mga prutas. Parang pista, naisip niya.

"Kaydami mong pagkain... Bakit?"

Tila hindi siya narinig ng dalaga. Kumuha siya ng malaking bao ng niyog na may tubig at mga puting maliliit na bulaklak. "Maghugas ka muna..."

Tahimik at hindi makapaniwalang sumunod si Gunther. Kapagdaka'y lumalantak na siya ng pagkain. Nakatingin at nakangiti lamang sa kanya si Adawiyah.

Sa buong buhay niya, noon lamang siya nakakain ng ganun kasasarap na pagkain. Simple, pero may kakaibang sarap—sarap na ayaw niyang tigilan. Halos maubos niya ang pagkain nakahain. Ramdam niya ang paglaki ng kanyang tiyan, gayundin ang antok dahil sa kabusugan.

“Inaantok ka na, kaibigan,’’ Malamyos ang inig ni Adawiyah. Napansin niya kasing humikab si Gunther, habang sapo-sapo nito ang tiyan. Agad siyang tumayo at inalayayan ang binata patungo sa kanyang puting kama, na napapalamutian ng mababangong bulaklak.

Wala sa loob na sumang-ayon si Gunther. Ayaw niya sanang aksayahin ang oras. Gusto na niyang planuhin ang pagsasamantala sa kabutihan ni Adawiyah. Nais niyang umuwi bukas ng umaga na bitbit ang ulo ng usa na may ginituang mga sungay. Subalit, tila tinatalo ng antok ang kanyang ang talukap ng kanyang mga mata. Kaybigat rin ng kanyang katawan. Pakiramdam niya ay bumigat siya ng doble sa dati niyang timbang.

Tahimik na nagligpit si Adawiyah ng pinagkainan ni Gunther. Ang binata naman ay unti-unting lumalangoy sa pagkahimbing.

Nagising si Gunther sa liwanag na tumama sa kanyang mata, mula sa siwang ng bubong na dahon. Umaga na pala, aniya. Narinig niya ang kakaibang huni ng mga ibon. Animo’y may choir na umaawit sa simbahan.

Agad, siyang bumangon pagkakuha ng kanyang bag, upang hanapin si Adawiyah.

“Magandang umaga, Gunther!’’ bati ng matandang babae, mula sa likuran niya.

Nagulantang siya nang makita ang matanda, na may nakakatakot na mukha. Puno ito ng mga ng bilog-bilog na laman. Hindi niya eksaktong alam ang tawag doon. Pero, alam niya na kapareho ito ng sakit ng isang lalaki sa kanilang lugar.

Hindi siya nagpahalatang natatakot. “Magandang umaga po, Lola! Si Adawiyah po, nasaan?” Luminga-linga siya, ngunit wala siyang nakita. Bagkus, napansin niyang nag-iba ang anyo ng paligid. Nawala ang mga kakaibang bulaklak sa palibot. Tanging mga tuyong dahon ang mga naroon. Nahintatakutan siya, ngunit buo pa rin ang loob niyang maiuwi ang ulo ng usa.

“Lumuwas sa bayan, si Adawiyah…”

“Po? Sana hinintay niya po ako. Sabay na po kami. Mapanganib sa kanyang daraaanan.’’ Peke ang pag-aalala niya.

“Paano mong nalaman na mapanganib?’’

“Ayon po sa binigay niyang direksiyon kahapon… Di bale po, susundan ko po siya. Siguro ay maaabutan ko siya…” Handa na siyang umalis, ngunit hindi upang agad na sundan si Adawiyah, kundi upang puntahanng muli ang ilog at bantayan ang usa. “Salamat po! Tuloy na po ako…” Agad siyang tumalikod at tumakbo palayo sa nakakahindik na tahanan nina Adawiyah.

Ngumisi ang matandang babae nang siya ay palayo na. “Mag-iingat ka!”

Pagingon ni Gunther, tila natanaw niya sa likod ng matanda ang mga kakaibang hayop. Noon lamang siya nakakita ng hayop na nahahawig sa tao ang ulo. Nagtaaasan ang kanyang mga balahibo at tila bumagal ang kanyang takbo, kahit naniniwala siyang namalik-mata lamang siya.

“Mapanganib ang lugar na ito,” sigaw uli ng matanda.

Hindi na iyon narinig ni Gunther. Hindi na rin niya nakitang naging si Adawiyah ang matanda. Mas nanaig ang kagustuhan niyang mapasakamay ang ginintuang sungay ng usa.

Naroon pa rin sa pinagtagunan ang rifle ni Gunther. Doon pa rin siya kumubli at nag-abang sa paglabas ng usa.

Kalahating oras ang lumipas, sukdulan ang ligaya ni Gunther sa bumulagang suwerte. Ang usa na may gintong mga sungay ay mag-isang lumapit sa tubig. Wala itong kamalay-malay na nakaasinta na ang rifle sa kanya.

Isang malakas na putok ang kumawala at nagpabagsak sa usa. Kasabay niyon ang pagliparan ng iba’t ibang uri ng ibon palayo sa kagubatan.

Dali-daling nilapitan ni Gunther ang hayop at isinagawa ang pagpugot sa ulo ng usa. Nilagyan niya ito ng mga likido at kung ano pa, saka isinilid sa itim na sako. “Tagumpay! Tagumpay! Sa wakas, kompleto na ang aking koleksiyon! Paalam gubat!” Humalakhak pa siya, bago nagdesisyong lumayo sa lugar na iyon, bago pa siya malapitan ng matanda.

Sa kanyang daraanan, nakasalubong niya ang daan-daang usa. Tila nagagalit ang mga ito at handan siyang suwagin. Naisip niyang ilabas ang kanyang rifle, ngunit magiging balewala lamang ito. Hindi sapat ang kanyang bala upang mapatay niyang lahat iyon.

Ang pinakamalaking usa ay parang nagsalita. Nag-iba naman ng puwesto ang mga mas maliliit na usa, ngunit may matatalas na sungay. Ang tantiya ni Gunther, inutusan ng lider ang mga tauhan na palibutan siya.

Naalala niya kasi ang direksiyong itinuro ni Adawiyah. Kaya, wala siyang inaksayang sandali. Kumaripas siya ng takbo. Hinabol naman siya ng mga usa. Muntikan na siyang masuwag ng isa. Mabuti at nakalusong siya sa ilog. Hindi sumunod ang mga usa sa sa tubig, kaya nakahinga nang maluwag si Gunther.

Desidido na siyang baybayin ang ilog upang makatakas sa mga galit na galit na usa. Pasalamat siya dahil hindi ganun kalalim ang tubig sa ilog. May mga bahaging malalim, ngunit kayang-kaya niyang lusungin.

Inabot siya ng dapit-hapon sa pagbaybay sa ilog, ngunit hindi pa niya naririnig ang talon. Hindi naman siya puwedeng umahon dahil sinusundan siya ng mga usa.

Sa gitna ng kadiliman, nanginginig sa lamig at s atakot si Gunther. Gusto na niyang magsisi, ngunit hindi niya alam kung paano. Mga hayop ang kanyang kalaban. Aniya, hindi siya ituturing na tao ng mga ito.

Nawalan ng ulirat si Gunther. Lumutang ang katawan niya at nabalahaw sa mga batong nasa gitna ng ilog. Tuluyan namang inanod ng tubig ang itim na sako.

Kusang bumukas ang talukap ng mga mata ni Gunther. Nakapatong siya sa ibabaw ng malapad na bato. Tanaw niya ang daan-dang usa sa mga pampang ng ilog. Hindi tulad kahapon, maaamo nang tingnan ngayon ang mga usa.

Sa di kalayuan, isang puting liwanag ang kanyang nasilayan. Nasilaw siya, kaya’y bahagya siyang napapikit.

“Ika’y isa sa mga hindi nakapasa sa aking pagsubok. Ginoo…’ Naulinig niya ang malamyos na tinig ni Adawiyah.

Dumilat siya nang dahan-dahan. “Adawiyah? Ada… tulungan mo ako!’’

“Nilapastangan mo an gaming tirahan…”

“Patawad… Patawad, Adawiyah.” Pilit niyang ibinangon ang sarili. Nakatayo naman siya, ngunit katulad na siya ng usa. Ang katawan, ang mga kamay at paa niya’y katulad ng sa mga usa. Gusto niyang matumba sa pagkakatayo.

“Walang kapatawaran ang iyong kahayupan, Ginoo! Mas hayop ka pa kaysa sa mga hayop dito sa kagubatan.” Tigib ng galit ang bawat salita ni Adawiyah. “Nararapat lamang sa’yo ang sumpang ‘yan!’’

“Sumpa?”

“Oo… Tingnan mo ang sarili mo sa tubig…”

Naaninag ni Gunther ang kanyang mukha. Gusto niyang matuwa nang makitang ganun pa rin naman ang hitsura niya. Kaya lang, nang kumurap siya, kumislap ang kanyang mga ginintuang sungay. “O, hindi! Hindi maaari ito, Adawiyah!”

“Dalawa lamang ang paraan upang makalaya ka. Sundan pauwi ang mapanganib na direksiyong itinuro ko sa’yo… o sundan mo kami at manilbihan sa kagubatng nilaspatangan mo ng matagal na panahon…” Lumutang palayo si Adawiyah sa hangin. Nagsunuran ang mga usa. Ang mga usang nasa kabilang pampang ay lumusong sa ilog at sumunod rin sa mga kasamahan, patungo sa kapunuan. Narinig niyang nag-uusap at nagtatawan, na parang tao ang mga usa. Wala siyang nagawa, kundi ang sumunod sa kanila. Handa siyang pagbayaran ang parusa dahil sa kanyang kahayupan.




No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...