DENNIS' POV
Naipangako ko sa sarili ko na hindi na muna makakarinig ng kahit ano mula sa akin si Denise, pero hindi ko kayang nakikita si Krishna at siya, na pinagtatawanan ako. Nakakalalaki siya, e!
Sa school, kinasabwat ko si Joven, ang pinakamaliit naming kaklase. Nanakawin nito ang cell phone ng kapatid ko. Pumayag itong gawin ang dare ko dahil natatakot itong isumbong ko kay Ma'am na ito ang kumuha ng beynte noong nakaraang buwan. At ito rin ang maaaring pagbintangan ng mga sunod-sunod na pagkawala ng mga gamit at baon ng mga kaklase namin.
Kapalit naman ng trabahong ipinapagawa ko rito ay ang pagbabagong-buhay nito at pagtago ng lihim na iyon. Kami lamang ang makakaalam.
Ang galing ni Joven! Ni walang nakakita sa ginawa nitong pagkuha sa mobile phone ni Denise. Pagkatapos, malinis din nitong naibigay sa akin.
Lumabas agad ako upang halughugin ang laman ng cell phone. Sobrang malas lang dahil may passcode pang nalalaman ang kapatid ko. Kailangan ko pa itong hulaan nang hulaan para lang ma-open. Nakatatlong subok na ako, pero wala pa rin. Hinintay ko pang maging puwede na ulit mag-passcode, ngunit bigo uli ako. Inabot ako sa CR ng siyam-siyam bago ko naisipang bumalik sa classroom.
"Si Dennis, kapkapain n'yo rin po, Ma'am." Nagulat ako nang ituro ako ni Alex pagbungad ko pa lang sa may pintuan. Galit na galit ito.
"Ha? Bakit?" maang ko.
"Nawawala ang cell phone ng kapatid mo," mahinahong sagot ng aming adviser.
Tila may gumulong na malaking bato sa aking dibdib. Gusto kong bumalik sa banyo para itago ang cell phone.
"A, gano'n po ba?" Mabilis akong bumalik sa upuan ko habang nagkakarera naman ang hininga ko.
"Denise, maaaring naiwan mo lang sa bahay ninyo," sabi ni Ma'am.
"Ma'am, hindi po. Kanina lang po ay ginamit ko iyon para tingnan ang oras," naiiyak na turan ni Denise.
Natigilan si Ma'am. Kinapa ko naman ang cell phone sa bulsa ko.
Lumapit si Ma'am kay Denise at iniabot ang cell phone nito sa kapatid ko. "I-type mo rito ang number mo."
Nang marinig ko iyon, palihim kong ipinasok ang aking kamay sa bulsa ko upang pindutin ang off ng cellphone. Hindi ko kaagad iyon nagawa. Nag-ring agad ito kaya ang volume ang kinapa ko.
Hindi naman sana malalaman na nasa akin ang cell phone ni Denise kung hindi naramdaman ng katabi kong babae na may narinig siya.
"Nasaan?" nabuhayang tanong ni Denise.
"Parang nakay Dennis!"
Tiningnan ako ni Denise nang masama at humingi siya ng pahintulot kay Ma'am na kapkapan ako.
Para akong matutunaw sa hiya habang ginagawa iyon ng kapatid ko.
"Kuya pa man din kita. Ikaw pa ang gagawa nito sa akin," marahang bulong ni Denise.
Tahimik ang buong klase habang bumabalik sa upuan niya si Denise. Si Ma'am naman ay animo'y tinakasan ng paningin. Malayo ang iniisip nito. Pero, maya-maya ay tinawag at pinasunod niya kami patungo sa Guidance' Office.
Wala kaming kibuan habang binabagtas namin ang opisina ng guidance counselor. Nag-iisip ako ng idadahilan. Gusto kong lumabas na bayani ako at hindi magnanakaw. Ang adviser din namin ay wala ni isang salitang binitiwan hanggang sa makarating kami kay Mrs. Taballa.
"Mrs. Taballa, heto po ang magkapatid. Iiwan ko na po muna sa inyo. Mayroon po silang ikukuwento tungkol sa pagkawala at pagkahanap ng cell phone ni Denise sa bulsa ni Dennis. Naniniwala po akong may malalim na kuwento sa likod nito," turan ng aming guro. Lalong lumakas ang kabog sa dibdib ko.
"O, sige po, Ma'am. Suki ko na yata ang kambal na ito. Ako na ang bahala sa kanila. Salamat po, Ma'am!"
Halatang masaya pa si Denise sa mga nangyayari. Hindi niya marahil naisip na mauungkat na naman ang tungkol sa rivalry namin kay Krishna. Mahina talaga ang utak niya.
No comments:
Post a Comment