Followers

Thursday, May 26, 2016

Pangarap na Pag-ibig

Sa ibabaw ng malaking bato, magkahawak-kamay at magkasandal sa balikat na nakaupo ang magkasintahang sina Dexter at Dorothy,  habang sinasaliwan sila ng musika ng mga alon ng ilog sa kanilang paligid.
Umiiyak si Dorothy.
"Tahan na," alo ng binata. "Patawad... pero kailangan kong tuparin ang pangarap ko sa Maynila." Kumalas siya sa kasintahan at marahan at maingat niyang binuhat patungo sa pampang.
Mahigpit ang pagkakapit ng dalaga sa batok ng nobyo. Alam niyang iyon na ang huli nilang pagsasama.
"Ihahatid na kita," yaya ni Dexter.
"Layuan mo ako!" singhal ni Dorothy. Naitulak niya pa ang dibdib ng lalaki. "Iwanan mo na ako dito!"
Naawa siya sa dalaga, habang nakikita niyang tumatangis. Ilang minuto niya itong pinagmasdan.
"Umalis ka na! Hindi mo kailangan ang isang bulag na katulad ko! Inutil ako! Sige na, sundin mo ang pangarap mo!"
Hindi naramdaman at nakita ni Dorothy ang mga luhang tumulo sa mga mata ni Dexter hanggang tuluyan siyang nakalayo.
Sa malayo, nilingon niya ang kanyang pinakiibig. "Mahal kita, Dorothy. Mahal na mahal. Pasensiya na dahil hindi pa kita kayang ipaglaban sa mga magulang ko... Hintayin mo ako... dahil pagbalik ko, magkikita na tayo. Ako ang magiging opthalmologist mo..."


No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...