Followers

Monday, July 25, 2016

Bulag, Pipi, at Bingi

Ika'y bulag--- bulag sa katotohanan.
Hindi nakikita ang tunay na kagandahan.
Tanging ang mga dungis iyong tinititigan.
Mga mata'y nakapinid sa mga katiwalian.
Opinyon ng iilan ang pinahahalagahan.

Ika'y pipi--- piping saksi sa katarungan.
Hindi naipapahayag ang nararamdaman.
Tango at iling lang ang kasagutan.
Bibig ay tikom sa mga kaganapan.
Kuro-kuro ay one-sided lamang.

Ika'y bingi--- bingi sa mga kaingayan,
Ngunit mga sutsot pinakikinggan.
Malakas ang pandinig sa sipsipan.
Sarado ang pandinig sa katahimikan.
Hinaing ng iba ay tinatanggihan.
Bungol sa mga iyakan ng karamihan.

Sunday, July 24, 2016

Ako si Froilan

Ako si Froilan. Mahalaga sa akin ang aking pangalan.

Noong una, hindi ko gusto ang pangalan ko dahil mahirap itong bigkasin. Tayong mga Pilipino ay inboluntaryong naipagpapalit ang tunog ng 'F' sa tunog ng 'P'. Kaya madalas, Proilan ang nabibigkas ko. Dahil dito, mas nakilala ako sa palayaw na Poroy. Ito raw kasi  ang bigkas sa akin ng nakatatanda kong kapatid noong kami ay mga bata pa.

Kinalakhan ko ang palayaw na Poroy. Sabi ng nanay ko sa mga kapatid ko, huwag daw akong tatawaging Poroy dahil tumatanda ako, lalo na't lagi raw nakakunot ang noo ko. Samantala, gustong-gusto kong tinatawag ako sa palayaw na Poroy, lalo na ng sumikat ang soap opera na 'Kirara'. Sumikat din kasi ang pangalang 'Ka Puroy'. Kaya kahit nasa college na ako, feel na feel ko pa rin kapag tinatawag akong 'Ka Poroy' ng mga kaklase ko.

Gusto ko rin naman tinatawag akong Froi. Pero, parang pambakla ito. Mas gusto ko pang huwag na lang akong tawagin sa nickname ko. Sana Froilan na lang talaga. Bakit pa kasi nauso ang palayaw?

Although, natutuwa ako dahil wala ako halos katukayo, nalulungkot ako kapag may nagtatanong sa akin ng pangalan ko at hindi kaagad marinig, ma-gets o maisulat. Kailangan ko pang ulitin, minsan i-spell para makuha nila. Ang hirap nang hindi common ang pangalan! Ni walang ibang lilingon kapag may tumawag ng 'Froilan'. Ako lang talaga.

Noong fourth year college ako, nagkaroon ako ng kapangalan. Aminado akong mas sikat siya. Nainggit ako kasi tinitilian siya ng mga babae kapag kumakanta. Kaya noong nalaman ko na tatakbo siya bilang Supreme Students' Council President, nagdesisyon akong kalabanin siya. Hindi ako born leader at alam kong underdog ako. Gusto ko lang patunayan na hindi lahat ng dehado ay natatalo. Bumuo pa rin ako ng line-up. Isa pa, bihira ang ganoong pagkakataon. Apelyido lang ang magkaiba sa amin. Naisip kong baka malito ang mga voters. Pabor iyon sa akin. Medyo naging ambisyoso rin ako that time. Subalit, hindi ko naman napatunayan ang claim ko. Talo ako. Forty-eight percent lang ang bumuto sa akin. Pero kahit paano ay may bumuto.

Naitanong ko nga noon sa Mama ko kung bakit Froilan ang pangalan ko. Sabi ng aking ina, kinuha niya raw ang pangalan ko sa isang radio broadcaster. Gusto niya raw kasi niyang maging ganoon ako. Hindi iyon ang gusto ko. Mahina ako sa oral. Pagsulatin mo na lang ako. Huwag lamang pagsalitain. Bulol kasi ako. May singaw sa 'S'.

Nabigo ko man ang aking ina, naging trainer naman ako ng radio broadcasting at dalawang taong naging champion sa division nang guro na ako. Kahit paano ay may connection ito sa pangarap ng aking ina.

Ang 'Froilan' at 'Poroy' ay pareho kong gustong katawagan sa akin. Kapag ang tunay kong name ang ginamit, pakiramdam ko ay matured ako. Kapag ang palayaw ko ang itinatawag sa akin, pakiramdam ko ay bumabalik ako sa pagkabata. Ang mga kaguro ko ay tinatawag ako sa palayaw ko. Gustong-gusto ko kapag Poroy ang gamit nila. Bumabata ako.

Ang hindi ko lang nagustuhan sa Poroy ay nang unang beses kong nagpagawa ng school ID.

"Hi, I'm Poroy!" Iyan ang napakalaking print sa harap ng ID ko. Unusual pa naman ang size namin. More than double sa normal ID size. Kaya, basang-basa ng mga estudyante. Tinatawag tuloy ako ng mga bata na 'Sir Poroy'. Iyon lang ang hindi ko na-appreciate.

Nang mabasa ko sa google ang meaning ng pangalan ko, nagustuhan ko itong lalo. Ang Froilan ay Germanic. "Rich and beloved young master" ang kahulugan nito. Totoo ito. Hindi man ako mayaman sa pera, sagana naman ako sa kabutihang-loob at pagmamahal sa Diyos at kapwa. Hindi man ako master, pero mahal ako ng aking kapwa. At higit sa lahat, bata pa ako-- by heart and by looks.

Ako si Froilan. I love my name! Subalit minsan, kailangan kong gumamit ng pen names upang maitago ko ang aking katauhan o madagdagan ng katangian ang aking pagkatao.

Mga Ahente ng Magandang Kinabukasan

Mga Ahente ng Magandang Kinabukasan

Business is business, 'ika nga. Totoo ito.

Ang mga health insurance companies ay tutulungan kang mag-save ng pera sa medical expenses sa hinaharap, pero hindi ka tuturuang magkaroon ng healthy lifestyle para hindi ka magkasakit.

That is business.

Ang mga banko ay hihikayatin kang maging mapag-impok para sa kinabukasan, ngunit ginagamit lamang nila ang iyong pera para sa kanilang marangyang kabuhayan. Hindi nila ituturo sa iyo kung paano kumita nang malaki sa perang hawak mo. Lagi silang may mas malaking tubo.

That is business.

Uulitin ko, business is business. Ngunit, may mga tao pa ring tuturuan ka, ngunit hindi ka ituturing na customer. Sila ay walang iba, kundi ang mga guro.

Ang mga guro ay tuturuan kang maging mabuting tao, maging edukado, at maging disiplinado. Ang halos lahat ng anggulo ng buhay ay itinuturo na nila sa iyo. Sila nga raw kasi ay nagsusuot ng iba't ibang sumbrero. Sila ay hindi lang guro, kundi dietitian, doktor, nars, pastor/pari, guidance counselor, psychologist, abogado, pintor, musikero, at kung ano-ano pang propesyon. Minsan pa nga ay tutor, yaya, at kaibigan. Ang pagiging guro nila ay hindi negosyo.

Teaching is a mission, not a business. Pero, learning is a business. Kapag nag-aral ka, nagnenegosyo ka. You earn from it. Maaari kang bumagsak. Maaari kang lumago. Depende sa'yo. Subalit, iyong tatandan na edukasyon ay walang lugi. Kaya nga dapat ang 'learning' ay nagbibigay ng 'earnings' sa bawat mag-aaral.

Maniwala ka lamang sa mga guro. Sila ang mga ahente ng magandang kinabukasan.

Saturday, July 23, 2016

Ang Alamat ng Walang Forever

Nagkaroon ng tampuhan ang magkaibigang sina PaperClip at StapleWire dahil kay Paper. Minsan, nagkasagutan sila.

"Ang landi mo! Lagi ka na lang nakakapit kay Paper. Para ka pa namang tuko kung makakunyapit sa kanya!" tudyo ni PaperClip kay StapleWire.

"Makapagsalita ka, akala mo hindi mo iyon ginagawa," cool na cool na sabi ni StapleWire.

"Hindi ako katulad mo! Haliparot! Kulang na lang magsama na kayo ng best friend natin! Hindi ka naman niya gusto! Mabilis kang kalawangin. Pandak ka na, ang pangit mo pa."

Nainis si StapleWire. "Maganda ka nga at matangkad, pero mas may pakinabang ako kaysa sa'yo. Hindi ko kailangan ng panlabas na kagandahan kung ang kaloob-looban ko naman ay kasing dumi ng sa'yo!" Pasigaw niya itong sinabi kay PaperClip.

"A, ganun? Kung baliin kaya kita!"

"Baliin mo! Kung kaya mo!"

Nagkatitigan sila habang naghihintay ng aksiyon ang isa't isa. Umuusok na ang mga ilong nila sa galit.

"Kung hindi lang kita kaibigan, pinatulan na kita," turan ni PaperClip.

Bigla namang dumating si Paper. "Oops! Teka, teka, mga girls! Huwag kayong mag-away," sawata ni Paper.

Naglayo ang dalawang babae.

"Anong problema?" tanong ni Paper nang mahinahon na ang dalawa.

"Iyan kasing babaeng 'yan! Kinaiinggitan ang kagandahan ko," sabi ni PaperClip.

"Hala! Ako pa ang napasama. Buhay nga naman ng mga inggetera. Bahala ka na nga!" Tumalikod na si StapleWire.

"Teka lang, StapleWire," nahawakan ni Paper ang kamay ng dalaga. Nagkatitigigan sila.

Lalong nagpuyos ang loob ni PaperClip. "See? Obvious naman na nag-iinarte ka lang, e."

Naghiwalay sina StapleWire at Paper. Hinarap ng binata ang selosang si PaperClip.

"Bakit ba nagkakagayan ka, PaperClip?"

"Tanungin mo ang sarili mo, Paper," sambit ni PaperClip. Masama pa rin ang tingin niya kay StapleWire.

"Ang tagal na nating magkakaibigan..."

Hindi na natapos ni Paper ang sasabihin niya. Si PaperClip na agad ang nagsalita. "Iyon nga, e! Ang tagal ko nang naghihintay na sana seryosohin mo na ako. Anong bang wala ako, na mayroon siya? Lagi na lang siya! Gamitin mo man ako, pansamantala lang. Gusto ko ng pangmatagalan. Gusto ko ng forever!"

Natawa si Paper. "Walang forever, PaperClip."

"May forever, Paper! May forever!"

"Ano?"

"Forever na akong PaperClip. Ibinigay mo na sa akin ang pangalan mo. Forever na ito sa akin. Pero ang iba diyan, mang-aagaw! Ang landi!"

Lalong natawa si Paper sa inasal ni PaperClip. At nang matapos ang pagtawa, saka siya nagsalita.

"Alam niyo, girls, pareho ko kayong kailangan. Pareho kayong mahalaga sa buhay ko, magkaiba man kayo ng anyo at pakinabang. Tandaan niyong walang forever sa ating tatlo. Pare-pareho tayong masisira o mabubulok. Huwag niyo na akong pag-awayan, please. Nakakalungkot lang."

"Mamili ka sa aming dalawa ngayon, Paper. Gusto kong marinig habang nandito iyang haliparot na iyan!" sabi ni PaperClip.

Tahimik lang si StapleWire. Nag-isip naman si Paper.

"Ano na? Mamili ka na sa aming dalawa. Ako ba o siya?"

Nag-aalinlangan si Paper. Naisip niya sina Fastener, Paste, at Glue. Lahat sila ay malalapit sa puso niya, ngunit isa lamang ang nagpapatibok sa kanyang puso. Subalit, kaya niyang mabuhay na wala sila.

"Ano na, Paper? Naghihintay kami ni StapleWire..." ani PaperClip. Nakapamaywang pa siya.

Bumuntong-hininga muna si Paper. "Ang totoo, wala sa inyong dalawa ang gusto ko."

"What?" Nagulantang si PaperClip.

Natawa naman si StapleWire. Natakpan niya ang kanyang bibig.

"Oo. Wala sa inyo."

"E, sino?"

"Si... si Pencil ang mahal ko. Kami naman talaga ang nababagay. Pasensiya na. Kaibigan lang talaga ang turing ko sa inyo."

Nag-walkout si PaperClip habang sumisigaw at nagmumura. Tawa naman nang tawa si StapleWire. Nakitawa na rin si Paper.

Galit Kayo?

Huwag kayong magalit sa akin
dahil lang sa ginagawa kong
akda na nagpapasaring.
Magalit kayo sa inyong sarili
sapagkat ginagawa niyo
ang aking ikinagagalit.
Matuwa na lang sana kayo
dahil may nagpapaalala
ng mga kamalian niyo.

Wednesday, July 20, 2016

Aber

Kung sa FB post ko'y ika'y nasasaktan,
Wala akong magagawa, walang pakialam.
Kung ayaw mong ika'y matamaan,
huwag kang liliko't gagawa ng kasamaan.
Kung hindi pang-propesyunal ang turing mo sa aking akda,
Ano naman ang tawag mo sa mga baluktot mong gawa?
Aber, ipaliwanag mo sa akin ngayon din,
Kung bakit ka guilty at napapraning?

Saturday, July 16, 2016

Ang Lapis ni Lite Rati

Labis ang kahirapan, gulo, inggitan, at bangayan ng mga tao sa kaharian ng Ocmatog. Nagsimula ito nang isalin ni Haring Oacos kay Haring Gurang-Utan ang kanyang korona. Ang kanyang pamumuno ay isang sumpa para sa karamihan ng mga nasasakupan.

Sa loob ng tatlong taong pamumuno ng matandang hari ay nagkamatayan sa gutom at sakit ang mga tao. Tila ikinakatuwa pa ito ng matanda at ng kanyang mga napagkakatiwalaang tauhan. Nais kasi nilang malipol ang sangkatauhan upang lalong lumakas ang puwersa ng bawat isa.

Isang araw, pinatawag ni Haring Gurang-Utan ang mga alagad. Palibhasa'y nalalapit na rin ang kanyang pagsasalin ng korona, ay ihahabilin na niya sa mga kanang kamay ang lahat ng mga dapat gawin upang mapanatili silang makapangyarihan sa kaharian ng Ocmatog.

"Ikaw, Madam Moth, bilang pinakamataas sa lahat, ay inaasahan kong magpapatuloy ng kasamaan sa Ocmatog. Panatilihin mong magulo at mabaho ang kahariang ito! Ipatupad mo ang batas ng galit, inggit, selos, at kayabangan. Gawin mong miserable ang buhay ng susunod na hari nang sa gayon ay ikaw ang maging reyna." Humalakhak muna ang gurang. "Sikapin mong magutuman ang karamihan sa mga alipin upang unti-unti silang manghina upang hindi nila magawang suwayin ang iyong mga kautusan, lalo na si Lite Rati."

"Siya nga, Haring Gurang-Utan! Siya ang tinik sa aking lalamunan. Kailangan siyang maidispatsa sa kahariang ito!" galit na sabi ni Madam Moth. Iwinagayway niya ang kanyang pakpak at nagliparan ang mga animo'y alikabok mula dito.

Naubo sina Haring Gurang-Utan, Morphino, Sisi-Hero, Recto, Miss Kroskopyo, at Malabanan. Sa tindi ng lason mula sa alikabok ng pakpak ni Madam Moth, maaaring mabulag o mamatay ang sinumang makalanghap niyon.

"Grabe! Ang tindi talaga ng kamandag mo, Madam!" bulalas ni Morphino, ang lider ng mga batugan at patulog-tulog sa kaharian.

"Oo nga, Mommy!" sabad naman ni Mariposa. "Kapag si Lite Rati ang nakalanghap niyan, siguradong tipok!" Humalakhak pa siya bago nangamot sa kanyang mga braso. "Ayan! Pati tuloy ako, nadale niyo, Mommy..."

"Sorry, anak." Masuyong nilapitan ni Madam Moth si Mariposa. Ikinulong niya ito sa kanyang mga pakpak. " Hayaan mo, pasasaan ba't tutubuan ka rin ng mga pakpak n akatulad ng mga ito."

"Talaga po?" Bumilog ang mga mata ni Mariposa at naramdaman niyang nawala ang pangangati niya.

"Oo! Promise. Maghintay ka lang, 'di ba, Haring Gurang-Utan?"

Tumango lang ang hari na mukhang unggoy. Natutuwa siya sa pagiging masama at ambiyosa ng mag-ina. Hindi siya nagkamali sa kanyang mga pinili.

"Ako, Madam Moth? Kailan niyo akong paliliparin?" tanong ni Morphino.

Nang humiwalay si Madam Moth sa kanyang anak, saka lamang niya sinagot si Morphino. "Hindi ba'y pinangkuan ka na ni Haring Gurang-Utan? Dahil sa iyong katamaran at kapabayaan, ikaw ay gagawaran ng gantimpala. Maghintay ka lamang. Hayaan muna nating manahimik si Lite Rati. Siya ang mortal mong kaaway. Hindi mo siya matatalo, kung hindi mo siya mapatulog."

"Parang imposible iyon, Madam Moth. Ang kanyang lakas ay nanggagaling sa kanyang lapis. Bawat isulat niya sa kanyang papel ay nagiging totoo. Ayaw ko siyang kalabanin. Natatakot ako sa kanya." Halata ang nginig sa boses ni Morphino.

Napangiti ang hari. "Morphino, may kakayahan kang hindi niya kaya. Gawin mo ang lahat para makuha mi ang kanyang mahiwagang panulat. Iyon lamang ang tanging paraan upang mapatulog mo siya. At kapag nagawa mo iyon, ikaw na... ikaw na!" Humalakhak si Haring Gurang-Utan.

Naghalakhakan ang lahat.

"Ako. Ako ang makakatulong sa'yo, Morphino," maarteng sambit ni Miss Kroskopyo, ang scientist ng kaharian. May hawak itong microscope. "Hahanapin ko ang pinakamaliit na kasalanan ng mortal nating kaaway para magkaroon tayo ng ground upang maparusahan siya."

"Tama ka, Miss Kroskopyo! Sige, silipin mo siya nang silipin." Tila nabuhay ng loob si Morphino. Humikab pa siya.

"Maiba ako, Haring Gurang-Utan..." Pumagitna si Sisi-Hero. Inayos niya muna ang kanyang kapa at itinaas ang kanang braso na animo'y handa na upang lumipad. "Kayo po ang may kasalanan, kaya lalong lumakas ang kapangyarihan ng lapis ni Lite Rati."

"Naninisi ka naman," sawata ni Madam Moth kay Sisi-Hero.

"Ang akin lamang naman ay pagpapaliwanag. Gusto kong ipaalam sa inyo na sinisisi ko ang aking sarili kung bakit hindi ko siya kayang sunggaban, dagitin, at dalhin sa malayo upang hindi na siya makapanghasik dito ng kabutihan. Mabuting impluwensiya siya sa sangkatauhan! Hindi siya dapat na pinakikinggan ng mga alipin!"

"Tama ka, Sisi-Hero." Si Malabanan ang nagsabi.

Natakip ng ilong ang lahat dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa bunganga ni Malabanan.

"Ano ba 'yan, Malabanan! Hindi ba't nagkasundo na tayo na hindi ka na magsasalita? Ang baho na naman ng hininga mo!" galit na galit na sabi ni Madam Moth. "Tinalo mo pa ang lason sa mga pakpak ko!"

"Sorry po. Sorry po."

Lalong nagalit si Madam Moth. Pinaghahampas niya si Malabanan ng kanyang pakpak. "Maligo ka na mga muna at magsipilyo. Sipsip ka kasi ng sipsip, e!"

Tahimik na umalis si Malabanan. Inamoy-amoy pa niya ang hininga.

Natawa na lamang ang hari at ang iba pa. Pagkatapos ay tila may dumaang demonyo sa kanilang gitna.

Maya-maya, pumasok si Recto, ang abogado ng kaharian. Pormal na pormal ang kanyang kasuotan. Bumagay sa kanya ang kanyang sungay at buntot. Para siyang lobo sa katawan ng tupa. "Magulong hapon sa inyong lahat! Nais kong ibalita ang nalalapit na araw ng pagpuputong ng korona sa bagong hari ng Ocmatog. Sa loob ng isang buwan, ikaw, Haring Gurang-Utan ay papalitan na ni Haring Huyu. Handa ka na po bang lisanin ang magulo, mabaho, at naghihirap na kahariang ito?"

"Matagal na akong handa! FYI lang... Kaya naghihirap na ang kahariang ito sapagkat nailipat ko na sa aking kastilyo ang mga kayamanan ng inyong kaharian," sagot ng hari.

"Ganoon ba?"

"Oo, Recto! Salamat sa'yo! At, salamat sa inyong lahat! Salamat sa inyong kasamaang-loob!" Humalakhak uli ang matanda. Pagkatapos, nagbalat siya ng saging at siya'y kumain.

Naubos ng hari ang isang piling na saging. Pagkuwa'y napansin niyang may nais pang marinig ang kanyang mga masasamang alagad.

"O, sige na! Balik na sa mga puwesto niyo. Manmanan ninyong maigi si Lite Rati at ang kanyang mga kaibigan. Gawin niyo silang miserable. Pahirapan niyo sila, hanggang sila na mismo ang sumuko at lumayas sa kahariang ito," makapangyarihang wika ni Haring Gurang-Utan.

Tahimik na nagsisunuran ang mga alagad, maliban kay Recto.

"Recto, mabuti at nagpaiwan ka," malungkot na turan ng hari.

"Bakit?"

"Gusto mong igawa mo uli ako ng mga pekeng kasulatan. Gusto kong manatiling mayaman, malakas, bata, at makapangyarihan. Gawan mo ng paraan! Gawan mo ng paraan!"

Napamaang si Recto.

Natataranta ang hari. "Si Lite Rati... si Lite Rati..."

"Ano si Lite Rati?"

"Pinadalhan niya ako ng sulat." Mula sa kanyang bulsa, dinukot niya ang sulat. "Hindi ko pa binasa. Natatakot ako. Alam mo namang sa bawat titik ng kanya isulat ay tila sumpa sa akin. Ayaw ko! Ayaw kong basahin ito!"

"Sunugin na natin," mungkahi ni Recto.

"Huwag!"Muling itinago ng hari ang sulat.

"Bakit?"

"Ayon sa sulat niya sa akin noong nakaraang araw, kapag sinunog ko raw ang huling sulat niya sa akin, kasama raw akong masusunog sa langit! Ayaw ko sa langit! Ayaw ko doon, Recto!" Halos maiyak na ang hari mula sa pagkakasubsob niya sa kanyang mga palad. "Tulungan mo ako."

Natatawang nilapitan ni Recto ang hari, saka ito niyakap at tinapik-tapik sa likod. Bago sila nagkahiwalay, nadukot na niya ang sulat mula sa bulsa ni Haring Gurang-Utan.

"Sige na, mahal na hari. Ako'y lilisan na upang matulungan kita sa iyong suliranin," seryoso niyang sabi. Pilit niyang pinipigilan ang pagtawa.

"Aasahan ko iyan, Recto."

Tumango lamang ang huwad na abogado. Agad din siyang tumalikod at tumungo sa tagong sulok ng kaharian upang basahin ang sulat.

"Mahal na Haring Gurang-Utan, Ako ang magiging hari ng Ocmatog. Lite Rati," basa ni Recto. Kinabahan siya nang husto. "Kailangang mapeke ko ang sulat na ito."

Tumakbo si Recto sa kanyang opisina. Doon ay pinag-isipan niya ng husto ang dapat gawin upang makuha ang matagal nang inaasam.

Tatlong oras ang nakalipas bago nagkaroon ng matinong solusyon si Recto sa kanyang problema. Daglian niyang tinungo ang kuwarto ng hari.

"Mahal na hari! Mahal na Haring Gurang-Utan!" Sunod-sunod na katok ang ginawa ni Recto sa pinto ng kuwarto ng hari, ngunit hindi niya narinig ang boses nito. Kaya, nagdesisyon na siyang pumasok, kahit alam niyang pagagalitan siya nito.

Pagbungad niya sa pinto, tumambad sa kanya ang hari.  Nakabigti ito. Laylay na ang dila at maputla na ang kulay ng balat nito.

Nagagap ni Recto ang kanyang bibig at takot na takot na umalis doon. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa kanyang opisina. Saka lamang niyang napagtanto ang kanyang kasalanan nang makita ang mga abo ng sinunog niyang sulat.

Mula sa lilang kurtina, lumabas si Lite Rati. Ikinagulat iyon ni Recto.

"Nakita ko ang mga ginawa mo," ani Lite Rati. Dinuro niya ng kanyang lapis si Recto.

"Hindi! Hindi!" Napaurong si Recto, habang marahang lumalapit sa kanya si Lite Rati. Nagtakip siya ng mata. "Umalis ka na!" Pagkatapos ay naghintay siya ng gagawin o sasabihin nito. Nang wala siyang marinig, dumilat siya. Wala na si Lite Rati. Ngunit, sa kanyang mesa at may puting papel na nakapatong. Binasa niya ang nakasulat.

"Mamamatay ang lahat ng mga namemeke sa kahariang ito!"

Maya-maya, nagdilim ang kanyang paningin.

Mula nang mamatay ang lahat ng masasamang tao sa kaharian ng Ocmatog, nanumbalik na ang kapayapaan, kasayahan, kasaganaan, at pagkakaisa. Naging patas at makataong pinuno si Haring Huyu na naging dahilan upang kaluguran siya ng mga tao. Si Lite Rati naman at patuloy na naging tagapagbantay at tagpagtanggol ng lahat. Ang kanyang mahiwagang lapis ay kanyang ginagamit para sa pagpapalaganap ng kabutihan.






























Mga Uri ng Doktor sa Paaralan

Maraming doktor sa bawat paaralan. Gusto niyo ba silang makilala?

Kung gayon ay hindi ko na patatagalin pa.

May mga punungguro o school principal na graduate ng doctorate degree. Mataas ang kanilang pinag-aralan. Nagagamit nila ito sa kanilang pamumuno. Pero, hindi lahat ng may matataas na pinag-aralan ay nagtapos ng doctorate degree. Ang iba, matataas ang kaalaman sa pagdodoktor ng liquidation of school fund. Tinalo pa nila ang bookkeeper at accountant sa husay nilang mag-compute ng mga expenses, na hindi naman nila iginastos para sa paaralan, mga guro, at mga mag-aaral. Personal consumption, kumbaga. Ang motto nila ay "May pera sa resibo."

Alam ni'yo na?

Next. May mga doktor na ring mga guro. Masisipag kasing mag-aral ang iba. Ito ay para sa personal development and promotion purposes. Bukod dito, doktor din sila sa mga grades ng mga mag-aaral. Sa sobrang baba na ng kalidad ng edukasyon ngayon, halos wala nang makakapasa kung tototohanin ang pagbibigay ng grades sa card. May mga estudyante na may general average na below 70%, which is failed. Hindi ito maaari sa K-12 curriculum. Kaya, no choice ang ulirang guro kundi pumikit at maging doktor. Hindi bale na ang quality education. Mas mahalaga na ngayon ang quantity education. Iyan kasi ang mission ng DepEd.

Zero dropout rate pa more para mas dumami ang teacher-doctor!

Hindi lang sa grades nagiging doktor ang isang guro, kundi sa paggawa ng report. Dahil sa sandamukal na paperworks, hindi na ito nagiging makatao at makatotohanan. Result-based raw. Laging may ebidensiya. Kailangan lagi ng pictures sa bawat gawain. Paperless na raw kasi 21st century na. Ngunit, lalo yatang nadoble ang trabaho nila. Nagpasa na sila ng hard copy. Maysoft-copy pang hinihingi. WTF? Nauurat ang mga guro. Kaya, no choice uli sila kundi doktorin ang report at mga documents.

Napepeke na nga rin ang mga pertinent papers for the sake of promotion. Ang school talaga ang orihinal na Recto.

Kaya sa mga guro diyan, huwag na kayong magalit sa mga estudyanteng doktor. Kung dinodoktor man nila ang mga sagot nila. Perfect lagi ang quiz dahil hindi nakikipagpalitan at dahil sila mismo ang naglalagay ng tamang sagot sa papel nila. It's a tie! Pareho na kayong doktor. Astig! Hindi pa nga grumadweyt, doktor na kaagad.

Iyan ba ang katuturan ng winika ni Dr. Jose Rizal na "ang kabataan ay siyang pag-asa ng bayan?"

I guess so...

Bago ako magtapos ng pagdodoktor, este ng pagsusulat, isa pang uri ng doktor sa paaralan ang nais kong ibigay. Sila ang mga estudyanteng doktor ang sulat-kamay. Kahuhusay nilang gumawa ng reseta. Pambihira ang font style na ginagamit nila sa pagsusulat. Mahihiya si Arial o si Calibri.

Nakaka-highblood! Kailangan ko ng doktor!

Thursday, July 14, 2016

Langgam VS Tao

Minsan naisip ko, sana langgam na lang ako. Marami kasi ang mga kakayahan nila kumpara sa mga tao. Ang pabula nga na "Si Langgam at si Tipaklong" ay hindi ko kailanman malilimutan. Ito ang nagpapaalala sa akin kung gaano kasisipag ang mga langgam.

Aminin man natin sa ating mga sarili o hindi, sa maraming kadahilanan ay mas malalakas, mas matatalino, at mas masisipag ang mga langgam kaysa sa atin. Ang kanilang pambihirang pagkakaisa ay isang hindi matatawarang katangian upang sila ay patuloy na dumami at mabuhay sa mundo.
Naisip ko, sila na yata ang pinakaraming nilalang sa mundo. At, kaya nila tayong sakupin...
Pag-isipan natin: "Kaya nila tayong sakupin."

Ang mga langgam ay may kakayahang magbuhat ng bagay na limampung beses na mas mabigat kaysa sa kanilang timbang. Samantalang ang tao ay kaya lang buhatin ang katumbas o doble ng ating timbang. Kaya nilang magbuhat gamit ang kanilang mga bibig (tuka); ang mga tao naman ay bihira ang may ganoong kakayahan.

Mas maliit ang langgam, mas malaki ang kalamnan. Kung ang proportion ng katawan at muscles natin ang mga langgam, malamang ay mabubuhat natin ang isang kotse. Exception na siyempre ang mga superhero.

Ang mga sundalong langgam ay may ekstraordinaryong kakayahan. Ang mga ulo nila ay tila hinulma upang maproteksiyunan ang colony. Kapag may mga kalaban, ang mga sundalong langgam ay inihaharang ang kanilang mga ulo sa bukana ng kanilang pugad upang hindi sila mapasok. Ang kanilang mga pintuan ay nakadesinyo upang maisakto sa mga ulo ng mga sundalong langgam na animo'y mga cork. Mahirap nga namang pasukin kapag ganoon.

Isa pang nakakatuwang sikreto ng mga sundalo o guwardiyang langgam ay ang pagiging mahusay nilang mag-detect. Kapag may papasok na manggagawang langgam ay ididikit nila ang mga antenna nila sa ulo ng papasok. Sa paraang ito nila malalaman kung kasamahan nila iyon o hindi. Ano ang panama ng mga security guards?

Ang pangkalahatang biomass ng mga langgam sa mundo ay katumbas ng pangkalahatang biomass ng mga tao sa mundo. Ang biomass ay ang volume ng tirahan ng mga tao at hayop. Ibig sabihin, kung isang hektara ang tirahan ng mga tao. Isang hektarya rin ang tahanan ng mga langgam. Whoah! Kayang-kaya talaga tayong sakupin ng mga langgam!

Paano ito mangyayari, kung napakaliit ng mga langgam?

Ayon sa mga siyentipiko, may humigit-kumulang na But scientists estimate there are at 1.5 milyong langgam sa ating planeta sa bawat isang tao. Yikes! Ang ratio ng langgam sa tao ay 1,500, 000 is to 1? Amazing!

And imagine, may mahigit 12,000 na species ng mga langgam ang nabubuhay sa mundo sa bawat kontinente, except sa Antartica. So, let's do an arithemetic. (6 x 12,000 =72,000) may 72,000 ant species ang mayroon sa ating mundo ngayon. Karamihan sa mga ito ay naninirahan sa mga tropikal na lugar.

Ang mga langgam ay kayang-kayang manakop. Sa katunayan, sila ay nagkakaroon ng mga alipin. May ibang uri ng langgam silang pinagtratrabaho para sa kanilang grupo.

Paano na kaya kung tayo na ang alipinin ng mga langgam? I can't imagine...

Heto pa... Ang mga langgam ay namumuhay na noon pang panahon ng mga dinosaurs. Pinatunayan ito ng isang ant fossil na natagpuan sa Cliffwood Beach, New Jersey, USA. Tinatayang 130 milyong taon nang nabubuhay ang mga langgam sa mundo. Nagkaroon na marahil ng maraming ebolusyon. Siguro, ang mga langgam noon ay kamukha pa ng mga tipaklong. O, 'di kaya ng mga unggoy.

Dahil dito, ang mga langgam pa ang maituturing na orihinal na mga magsasaka. Ang mga teknik nila sa pagsasaka ay talaga namang nakakamangha. Hindi maihahalintulad sa mga modernong pagsasaka nating mga tao. Kung paano man iyon, kayo na ang bahalang tumuklas.

Madalas kong mapagmasdan ang mga langgam na parang pumaparada. Mayroon ding tila sumasalubong sa kanila at sila ay nag-aamuyan. Napansin niyo rin ba?

May kakaibang pang-amoy kasi ang mga langgam na tinatawag na pheromones. Ito ang iniiwan ng langgam na siyang naatasang maghanap ng pagkain. Ito rin ang sinusundan ng mga langgam na susugod sa lugar kung saan nakita ang mga pagkain. Kaya sila parang nagbabatian ay dahil nagpapalitan sila ng signal upang hindi sila maligaw. Ang kanilang pagpaparada ay pagtratrabaho (pag-iipon at paghahakot) ng mga pagkain. Pabalik-balik sila hanggang maubos nila iyon.

Masisipag talaga ang mga langgam. Umulan, umaraw, sila ay nag-iimbak ng pagkain. May kakayahan pa ring ipreserba at itago ang kanilang mga suplay.

Sadyang kahanga-hanga ang mga langgam. Bukod sa masisipag, ang mga ito ay may sistema, may pagkakaisa, at may direksiyon ang buhay.

Sana ang mga tao ay parang langgam na lamang.

Wednesday, July 13, 2016

Huwag na Huwag

Huwag na huwag kang magrereklamo
pagkatapos mong angkinin ang lahat ng trabaho.
Kayanin mo dahil ika'y gahaman sa puwesto.
Akala mo, sobra ang sipag at galing mo.

Huwag na huwag ka ring magtatampo
Kung mga kasamahan mo'y naiinis sa'yo.
Kasalanan mo, ikaw ay nagpapakitang-tao.
Akala mo'y boss mo'y mapapaniwala mo.

Huwag na huwag kang magagalit dito:
"Paepal ka! Hindi ka naman santo
Upang sambahin ng iyong mga katoto.
Maghirap ka dahil iyan ang iyong gusto!"
         

Saturday, July 9, 2016

BlurRed: Beer

Habang naghihintay ako na matapos ang performances ng nakasalang na grupo, nakipagkuwentuhan sa akin si Boss Rey sa kanyang opisina. Pakiramdam ko, nagbago na siya. Hindi ko na siya nararamdaman ng kabaklaan. Ang layo na rin niya sa akin. O baka dahil wala na ang upuan sa harap ng table niya, kaya nasabi kong malayo na siya sa akin. Gayunpaman, natuwa akong makita siyang ganoon. Sana ay tuloy-tuloy na. May hitsura naman siya, kaya marami ang magkakagustong babae sa kanya.

"Kumusta ang pag-aaral mo?" tanong ni Boss Rey.

"Maayos naman po. Kailangan ko lamang ng extra income para makatulong sa lumalaking pamilya," seryoso pero nakangiti kong sabi.

"A, talaga! Ibig mong sabihin, buntis ang Mommy mo?" Parang wala talaga siyang alam. Ang hula ko nga ay naitsismis na ni Jeoffrey sa kanya iyon.

"Opo. December na nga siya manganganak."

"Mabuti 'yan. At least, may kapatid ka na. Mahirap ang solong anak..."

Tumango-tango na lang ako. Hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko, kahit sa tingin ko ay hindi naman mahirap 'yun.

"E, kumusta naman kayo ni... ng girlfriend mo?"

Natigilan ako. Hindi ko akalaing itatanong niya ang bagay na iyon. Nagkamali yata ako ng hinuha. Hindi pa siya lubusang nagbago. Kailangan ko pa rin yatang mag-ingat.

"Okay lang din po kami," pakli ko. Ayaw kong humaba ang usapan namin tungkol doon. "Titingnan ko lang po kung tapos na."

Bago ako nakalabas ay nagsalita siya. "Mamayang 12 ka na mag-perform, may nagtext pala sa akin. Mga fans mo raw. Gusto ka nilang maabutang tumugtog..."

Hindi na ako lumabas. Umupo uli ako at pinag-isipan ang bagay na iyon. Gumulo ang utak ko. Gusto kong isipin na ini-style-lan lang ako ni Boss Rey. Pero, nang naisip ko ang pangangailangan ko sa pera ay nawala ang pangamba ko. No problem, sabi ko sa sarili ko.

"Hello, Jeoff? Dalhan mo nga kami ng dalawang beer dito. Samahan mo na rin ng mani. Salamat!"

Mas lalong kumabog ang dibdib ko sa narinig ko. Napansin yata iyon ni Boss Rey. Lalo na't nalunok ko ang laway ko.

"Huwag kang mag-alala. Wala na akong interes sa'yo." Tumawa pa siya. Parang napahiya tuloy ako.

"Boss, wala naman akong iniisip na ganu'n," kako. 

"Mabuti naman..." 

Hindi na ako tumingin sa kanya. Iginala ko na lang ang paningin ko sa kanyang bagong ayos na opisina. Tama nga ako. Nagbago na siya. Panlalaki na ang desinyo nito. Ang mga kulay at mga gamit ay hindi kakikitaan ng feminity, gaya dati. Nice choice!

Maya-maya, bumukas na lamang ang pinto. Sumungaw si Jeoffrey. May hawak itong tray na kinapapatungan ng dalawang bote ng light beer at isang platito ng adobong mani.

"Heto na po, Boss, ang order niyo." ani Jeoffrey. Pagkapatong niya niyon sa table ng amo namin, lumapit siya sa akin. Ngayon na lang uli kami nagkita. "Red, kumusta?" Nakipag-apir pa siya sa akin.

"Ayos lang! Ito balik MusicStram."

"Ayos 'yan, Bro! Kay Boss Rey, walang problema..." Hawak pa rin niya ang palad ko. "Paano iwan muna kita. Mamaya ka pa sasalang. Relax ka muna dito." Nakipag-chest bump muna siya. Tapos, tinapik-tapik niya ang balikat ko bago umalis.

"Sige, Bro!" Kahit paano ay nabawasan ang pagiging close ko sa kanya, kaya okay lang sa akin na lumabas agad siya.

"Beer mo, o," alok ni Boss nang nakalabas ba si Joeffrey. Nakuha niya na ang kanya.

Lumapit ako upang kunin ang isang bote.

"Cheers?!" Iniabang pataas ni Boss Rey ang beer niya.

"Cheers!" Wala akong nagawa kundi makipag-untugan ng bote sa kanya. Wala naman sigurong masama at malisya.

Apat na lagok lang yata ni Boss Rey ang kanya. Kaya, tinawagan niya uli si Jeoffrey. Agad naman itong dumating na may dalang bote ng beer.

"Ikaw, Red?" ani Jeoffrey.

"Tama na 'to," agad kong sagot. Itinaas ko pa para makita niyang kalahati pa ang laman.

"Ang hina mo namang uminom! Wala. Takot sa jowa," tukso ng kaibigan ko. Tumawa pa bago lumabas.

Ngumiti lang ako. Nasanay na ako sa kanya.

Buwaya sa Gobyerno

Guro: Ano ang gusto ninyong trabaho paglaki ninyo? Maria: Maging guro! Guro: Wow! Gusto mo ring magturo sa mga bata? Maria: Opo! Masay...