Noong una, hindi ko gusto ang pangalan ko dahil mahirap itong bigkasin. Tayong mga Pilipino ay inboluntaryong naipagpapalit ang tunog ng 'F' sa tunog ng 'P'. Kaya madalas, Proilan ang nabibigkas ko. Dahil dito, mas nakilala ako sa palayaw na Poroy. Ito raw kasi ang bigkas sa akin ng nakatatanda kong kapatid noong kami ay mga bata pa.
Kinalakhan ko ang palayaw na Poroy. Sabi ng nanay ko sa mga kapatid ko, huwag daw akong tatawaging Poroy dahil tumatanda ako, lalo na't lagi raw nakakunot ang noo ko. Samantala, gustong-gusto kong tinatawag ako sa palayaw na Poroy, lalo na ng sumikat ang soap opera na 'Kirara'. Sumikat din kasi ang pangalang 'Ka Puroy'. Kaya kahit nasa college na ako, feel na feel ko pa rin kapag tinatawag akong 'Ka Poroy' ng mga kaklase ko.
Gusto ko rin naman tinatawag akong Froi. Pero, parang pambakla ito. Mas gusto ko pang huwag na lang akong tawagin sa nickname ko. Sana Froilan na lang talaga. Bakit pa kasi nauso ang palayaw?
Although, natutuwa ako dahil wala ako halos katukayo, nalulungkot ako kapag may nagtatanong sa akin ng pangalan ko at hindi kaagad marinig, ma-gets o maisulat. Kailangan ko pang ulitin, minsan i-spell para makuha nila. Ang hirap nang hindi common ang pangalan! Ni walang ibang lilingon kapag may tumawag ng 'Froilan'. Ako lang talaga.
Noong fourth year college ako, nagkaroon ako ng kapangalan. Aminado akong mas sikat siya. Nainggit ako kasi tinitilian siya ng mga babae kapag kumakanta. Kaya noong nalaman ko na tatakbo siya bilang Supreme Students' Council President, nagdesisyon akong kalabanin siya. Hindi ako born leader at alam kong underdog ako. Gusto ko lang patunayan na hindi lahat ng dehado ay natatalo. Bumuo pa rin ako ng line-up. Isa pa, bihira ang ganoong pagkakataon. Apelyido lang ang magkaiba sa amin. Naisip kong baka malito ang mga voters. Pabor iyon sa akin. Medyo naging ambisyoso rin ako that time. Subalit, hindi ko naman napatunayan ang claim ko. Talo ako. Forty-eight percent lang ang bumuto sa akin. Pero kahit paano ay may bumuto.
Naitanong ko nga noon sa Mama ko kung bakit Froilan ang pangalan ko. Sabi ng aking ina, kinuha niya raw ang pangalan ko sa isang radio broadcaster. Gusto niya raw kasi niyang maging ganoon ako. Hindi iyon ang gusto ko. Mahina ako sa oral. Pagsulatin mo na lang ako. Huwag lamang pagsalitain. Bulol kasi ako. May singaw sa 'S'.
Nabigo ko man ang aking ina, naging trainer naman ako ng radio broadcasting at dalawang taong naging champion sa division nang guro na ako. Kahit paano ay may connection ito sa pangarap ng aking ina.
Ang 'Froilan' at 'Poroy' ay pareho kong gustong katawagan sa akin. Kapag ang tunay kong name ang ginamit, pakiramdam ko ay matured ako. Kapag ang palayaw ko ang itinatawag sa akin, pakiramdam ko ay bumabalik ako sa pagkabata. Ang mga kaguro ko ay tinatawag ako sa palayaw ko. Gustong-gusto ko kapag Poroy ang gamit nila. Bumabata ako.
Ang hindi ko lang nagustuhan sa Poroy ay nang unang beses kong nagpagawa ng school ID.
"Hi, I'm Poroy!" Iyan ang napakalaking print sa harap ng ID ko. Unusual pa naman ang size namin. More than double sa normal ID size. Kaya, basang-basa ng mga estudyante. Tinatawag tuloy ako ng mga bata na 'Sir Poroy'. Iyon lang ang hindi ko na-appreciate.
Nang mabasa ko sa google ang meaning ng pangalan ko, nagustuhan ko itong lalo. Ang Froilan ay Germanic. "Rich and beloved young master" ang kahulugan nito. Totoo ito. Hindi man ako mayaman sa pera, sagana naman ako sa kabutihang-loob at pagmamahal sa Diyos at kapwa. Hindi man ako master, pero mahal ako ng aking kapwa. At higit sa lahat, bata pa ako-- by heart and by looks.
Ako si Froilan. I love my name! Subalit minsan, kailangan kong gumamit ng pen names upang maitago ko ang aking katauhan o madagdagan ng katangian ang aking pagkatao.
No comments:
Post a Comment