Nagkaroon ng tampuhan ang magkaibigang sina PaperClip at StapleWire dahil kay Paper. Minsan, nagkasagutan sila.
"Ang landi mo! Lagi ka na lang nakakapit kay Paper. Para ka pa namang tuko kung makakunyapit sa kanya!" tudyo ni PaperClip kay StapleWire.
"Makapagsalita ka, akala mo hindi mo iyon ginagawa," cool na cool na sabi ni StapleWire.
"Hindi ako katulad mo! Haliparot! Kulang na lang magsama na kayo ng best friend natin! Hindi ka naman niya gusto! Mabilis kang kalawangin. Pandak ka na, ang pangit mo pa."
Nainis si StapleWire. "Maganda ka nga at matangkad, pero mas may pakinabang ako kaysa sa'yo. Hindi ko kailangan ng panlabas na kagandahan kung ang kaloob-looban ko naman ay kasing dumi ng sa'yo!" Pasigaw niya itong sinabi kay PaperClip.
"A, ganun? Kung baliin kaya kita!"
"Baliin mo! Kung kaya mo!"
Nagkatitigan sila habang naghihintay ng aksiyon ang isa't isa. Umuusok na ang mga ilong nila sa galit.
"Kung hindi lang kita kaibigan, pinatulan na kita," turan ni PaperClip.
Bigla namang dumating si Paper. "Oops! Teka, teka, mga girls! Huwag kayong mag-away," sawata ni Paper.
Naglayo ang dalawang babae.
"Anong problema?" tanong ni Paper nang mahinahon na ang dalawa.
"Iyan kasing babaeng 'yan! Kinaiinggitan ang kagandahan ko," sabi ni PaperClip.
"Hala! Ako pa ang napasama. Buhay nga naman ng mga inggetera. Bahala ka na nga!" Tumalikod na si StapleWire.
"Teka lang, StapleWire," nahawakan ni Paper ang kamay ng dalaga. Nagkatitigigan sila.
Lalong nagpuyos ang loob ni PaperClip. "See? Obvious naman na nag-iinarte ka lang, e."
Naghiwalay sina StapleWire at Paper. Hinarap ng binata ang selosang si PaperClip.
"Bakit ba nagkakagayan ka, PaperClip?"
"Tanungin mo ang sarili mo, Paper," sambit ni PaperClip. Masama pa rin ang tingin niya kay StapleWire.
"Ang tagal na nating magkakaibigan..."
Hindi na natapos ni Paper ang sasabihin niya. Si PaperClip na agad ang nagsalita. "Iyon nga, e! Ang tagal ko nang naghihintay na sana seryosohin mo na ako. Anong bang wala ako, na mayroon siya? Lagi na lang siya! Gamitin mo man ako, pansamantala lang. Gusto ko ng pangmatagalan. Gusto ko ng forever!"
Natawa si Paper. "Walang forever, PaperClip."
"May forever, Paper! May forever!"
"Ano?"
"Forever na akong PaperClip. Ibinigay mo na sa akin ang pangalan mo. Forever na ito sa akin. Pero ang iba diyan, mang-aagaw! Ang landi!"
Lalong natawa si Paper sa inasal ni PaperClip. At nang matapos ang pagtawa, saka siya nagsalita.
"Alam niyo, girls, pareho ko kayong kailangan. Pareho kayong mahalaga sa buhay ko, magkaiba man kayo ng anyo at pakinabang. Tandaan niyong walang forever sa ating tatlo. Pare-pareho tayong masisira o mabubulok. Huwag niyo na akong pag-awayan, please. Nakakalungkot lang."
"Mamili ka sa aming dalawa ngayon, Paper. Gusto kong marinig habang nandito iyang haliparot na iyan!" sabi ni PaperClip.
Tahimik lang si StapleWire. Nag-isip naman si Paper.
"Ano na? Mamili ka na sa aming dalawa. Ako ba o siya?"
Nag-aalinlangan si Paper. Naisip niya sina Fastener, Paste, at Glue. Lahat sila ay malalapit sa puso niya, ngunit isa lamang ang nagpapatibok sa kanyang puso. Subalit, kaya niyang mabuhay na wala sila.
"Ano na, Paper? Naghihintay kami ni StapleWire..." ani PaperClip. Nakapamaywang pa siya.
Bumuntong-hininga muna si Paper. "Ang totoo, wala sa inyong dalawa ang gusto ko."
"What?" Nagulantang si PaperClip.
Natawa naman si StapleWire. Natakpan niya ang kanyang bibig.
"Oo. Wala sa inyo."
"E, sino?"
"Si... si Pencil ang mahal ko. Kami naman talaga ang nababagay. Pasensiya na. Kaibigan lang talaga ang turing ko sa inyo."
Nag-walkout si PaperClip habang sumisigaw at nagmumura. Tawa naman nang tawa si StapleWire. Nakitawa na rin si Paper.
Followers
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Paano Sumulat ng Lathalain? #2
Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam. Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...
-
Ayaw na ayaw ni Tommy ang Sabado kasi ito ang araw ng paglilinis. Biglang bunso, gusto lamang niya ang kumain, matulog, manuod ng t...
-
Sa kabila ng hamon sa pagbubukas ng panuruang taon 2020-2021, natuloy pa rin ito noong Oktubre 1. Gayunpaman, mayroon pa ring mga kinahahar...
No comments:
Post a Comment