Habang naghihintay ako na matapos ang performances ng nakasalang na grupo, nakipagkuwentuhan sa akin si Boss Rey sa kanyang opisina. Pakiramdam ko, nagbago na siya. Hindi ko na siya nararamdaman ng kabaklaan. Ang layo na rin niya sa akin. O baka dahil wala na ang upuan sa harap ng table niya, kaya nasabi kong malayo na siya sa akin. Gayunpaman, natuwa akong makita siyang ganoon. Sana ay tuloy-tuloy na. May hitsura naman siya, kaya marami ang magkakagustong babae sa kanya.
"Kumusta ang pag-aaral mo?" tanong ni Boss Rey.
"Maayos naman po. Kailangan ko lamang ng extra income para makatulong sa lumalaking pamilya," seryoso pero nakangiti kong sabi.
"A, talaga! Ibig mong sabihin, buntis ang Mommy mo?" Parang wala talaga siyang alam. Ang hula ko nga ay naitsismis na ni Jeoffrey sa kanya iyon.
"Opo. December na nga siya manganganak."
"Mabuti 'yan. At least, may kapatid ka na. Mahirap ang solong anak..."
Tumango-tango na lang ako. Hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko, kahit sa tingin ko ay hindi naman mahirap 'yun.
"E, kumusta naman kayo ni... ng girlfriend mo?"
Natigilan ako. Hindi ko akalaing itatanong niya ang bagay na iyon. Nagkamali yata ako ng hinuha. Hindi pa siya lubusang nagbago. Kailangan ko pa rin yatang mag-ingat.
"Okay lang din po kami," pakli ko. Ayaw kong humaba ang usapan namin tungkol doon. "Titingnan ko lang po kung tapos na."
Bago ako nakalabas ay nagsalita siya. "Mamayang 12 ka na mag-perform, may nagtext pala sa akin. Mga fans mo raw. Gusto ka nilang maabutang tumugtog..."
Hindi na ako lumabas. Umupo uli ako at pinag-isipan ang bagay na iyon. Gumulo ang utak ko. Gusto kong isipin na ini-style-lan lang ako ni Boss Rey. Pero, nang naisip ko ang pangangailangan ko sa pera ay nawala ang pangamba ko. No problem, sabi ko sa sarili ko.
"Hello, Jeoff? Dalhan mo nga kami ng dalawang beer dito. Samahan mo na rin ng mani. Salamat!"
Mas lalong kumabog ang dibdib ko sa narinig ko. Napansin yata iyon ni Boss Rey. Lalo na't nalunok ko ang laway ko.
"Huwag kang mag-alala. Wala na akong interes sa'yo." Tumawa pa siya. Parang napahiya tuloy ako.
"Boss, wala naman akong iniisip na ganu'n," kako.
"Mabuti naman..."
Hindi na ako tumingin sa kanya. Iginala ko na lang ang paningin ko sa kanyang bagong ayos na opisina. Tama nga ako. Nagbago na siya. Panlalaki na ang desinyo nito. Ang mga kulay at mga gamit ay hindi kakikitaan ng feminity, gaya dati. Nice choice!
Maya-maya, bumukas na lamang ang pinto. Sumungaw si Jeoffrey. May hawak itong tray na kinapapatungan ng dalawang bote ng light beer at isang platito ng adobong mani.
"Heto na po, Boss, ang order niyo." ani Jeoffrey. Pagkapatong niya niyon sa table ng amo namin, lumapit siya sa akin. Ngayon na lang uli kami nagkita. "Red, kumusta?" Nakipag-apir pa siya sa akin.
"Ayos lang! Ito balik MusicStram."
"Ayos 'yan, Bro! Kay Boss Rey, walang problema..." Hawak pa rin niya ang palad ko. "Paano iwan muna kita. Mamaya ka pa sasalang. Relax ka muna dito." Nakipag-chest bump muna siya. Tapos, tinapik-tapik niya ang balikat ko bago umalis.
"Sige, Bro!" Kahit paano ay nabawasan ang pagiging close ko sa kanya, kaya okay lang sa akin na lumabas agad siya.
"Beer mo, o," alok ni Boss nang nakalabas ba si Joeffrey. Nakuha niya na ang kanya.
Lumapit ako upang kunin ang isang bote.
"Cheers?!" Iniabang pataas ni Boss Rey ang beer niya.
"Cheers!" Wala akong nagawa kundi makipag-untugan ng bote sa kanya. Wala naman sigurong masama at malisya.
Apat na lagok lang yata ni Boss Rey ang kanya. Kaya, tinawagan niya uli si Jeoffrey. Agad naman itong dumating na may dalang bote ng beer.
"Ikaw, Red?" ani Jeoffrey.
"Tama na 'to," agad kong sagot. Itinaas ko pa para makita niyang kalahati pa ang laman.
"Ang hina mo namang uminom! Wala. Takot sa jowa," tukso ng kaibigan ko. Tumawa pa bago lumabas.
Ngumiti lang ako. Nasanay na ako sa kanya.
Followers
Saturday, July 9, 2016
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Ang Pinakamasamang Kuya
Pinagalitan ni Arnel ang kaniyang nakababatang kapatid na si Carmela dahil sa sinasabi niyang katamaran nito kaya hindi siya nito kinikibo...
-
Sorsogon, Isang Destinasyon Ang Sorsogon ay hindi magpapahuli sa kagandahan ng tanawin, at kalinisan na mga dalampasigan, bundok at kapaligi...
-
MGA BAGONG SALAWIKAIN TUNGKOL SA PERA Ang pera, ginagamit para makapagpaligaya, pero ang ligaya, 'di ginagamit para magkapera. An...
No comments:
Post a Comment