Followers

Saturday, July 16, 2016

Ang Lapis ni Lite Rati

Labis ang kahirapan, gulo, inggitan, at bangayan ng mga tao sa kaharian ng Ocmatog. Nagsimula ito nang isalin ni Haring Oacos kay Haring Gurang-Utan ang kanyang korona. Ang kanyang pamumuno ay isang sumpa para sa karamihan ng mga nasasakupan.

Sa loob ng tatlong taong pamumuno ng matandang hari ay nagkamatayan sa gutom at sakit ang mga tao. Tila ikinakatuwa pa ito ng matanda at ng kanyang mga napagkakatiwalaang tauhan. Nais kasi nilang malipol ang sangkatauhan upang lalong lumakas ang puwersa ng bawat isa.

Isang araw, pinatawag ni Haring Gurang-Utan ang mga alagad. Palibhasa'y nalalapit na rin ang kanyang pagsasalin ng korona, ay ihahabilin na niya sa mga kanang kamay ang lahat ng mga dapat gawin upang mapanatili silang makapangyarihan sa kaharian ng Ocmatog.

"Ikaw, Madam Moth, bilang pinakamataas sa lahat, ay inaasahan kong magpapatuloy ng kasamaan sa Ocmatog. Panatilihin mong magulo at mabaho ang kahariang ito! Ipatupad mo ang batas ng galit, inggit, selos, at kayabangan. Gawin mong miserable ang buhay ng susunod na hari nang sa gayon ay ikaw ang maging reyna." Humalakhak muna ang gurang. "Sikapin mong magutuman ang karamihan sa mga alipin upang unti-unti silang manghina upang hindi nila magawang suwayin ang iyong mga kautusan, lalo na si Lite Rati."

"Siya nga, Haring Gurang-Utan! Siya ang tinik sa aking lalamunan. Kailangan siyang maidispatsa sa kahariang ito!" galit na sabi ni Madam Moth. Iwinagayway niya ang kanyang pakpak at nagliparan ang mga animo'y alikabok mula dito.

Naubo sina Haring Gurang-Utan, Morphino, Sisi-Hero, Recto, Miss Kroskopyo, at Malabanan. Sa tindi ng lason mula sa alikabok ng pakpak ni Madam Moth, maaaring mabulag o mamatay ang sinumang makalanghap niyon.

"Grabe! Ang tindi talaga ng kamandag mo, Madam!" bulalas ni Morphino, ang lider ng mga batugan at patulog-tulog sa kaharian.

"Oo nga, Mommy!" sabad naman ni Mariposa. "Kapag si Lite Rati ang nakalanghap niyan, siguradong tipok!" Humalakhak pa siya bago nangamot sa kanyang mga braso. "Ayan! Pati tuloy ako, nadale niyo, Mommy..."

"Sorry, anak." Masuyong nilapitan ni Madam Moth si Mariposa. Ikinulong niya ito sa kanyang mga pakpak. " Hayaan mo, pasasaan ba't tutubuan ka rin ng mga pakpak n akatulad ng mga ito."

"Talaga po?" Bumilog ang mga mata ni Mariposa at naramdaman niyang nawala ang pangangati niya.

"Oo! Promise. Maghintay ka lang, 'di ba, Haring Gurang-Utan?"

Tumango lang ang hari na mukhang unggoy. Natutuwa siya sa pagiging masama at ambiyosa ng mag-ina. Hindi siya nagkamali sa kanyang mga pinili.

"Ako, Madam Moth? Kailan niyo akong paliliparin?" tanong ni Morphino.

Nang humiwalay si Madam Moth sa kanyang anak, saka lamang niya sinagot si Morphino. "Hindi ba'y pinangkuan ka na ni Haring Gurang-Utan? Dahil sa iyong katamaran at kapabayaan, ikaw ay gagawaran ng gantimpala. Maghintay ka lamang. Hayaan muna nating manahimik si Lite Rati. Siya ang mortal mong kaaway. Hindi mo siya matatalo, kung hindi mo siya mapatulog."

"Parang imposible iyon, Madam Moth. Ang kanyang lakas ay nanggagaling sa kanyang lapis. Bawat isulat niya sa kanyang papel ay nagiging totoo. Ayaw ko siyang kalabanin. Natatakot ako sa kanya." Halata ang nginig sa boses ni Morphino.

Napangiti ang hari. "Morphino, may kakayahan kang hindi niya kaya. Gawin mo ang lahat para makuha mi ang kanyang mahiwagang panulat. Iyon lamang ang tanging paraan upang mapatulog mo siya. At kapag nagawa mo iyon, ikaw na... ikaw na!" Humalakhak si Haring Gurang-Utan.

Naghalakhakan ang lahat.

"Ako. Ako ang makakatulong sa'yo, Morphino," maarteng sambit ni Miss Kroskopyo, ang scientist ng kaharian. May hawak itong microscope. "Hahanapin ko ang pinakamaliit na kasalanan ng mortal nating kaaway para magkaroon tayo ng ground upang maparusahan siya."

"Tama ka, Miss Kroskopyo! Sige, silipin mo siya nang silipin." Tila nabuhay ng loob si Morphino. Humikab pa siya.

"Maiba ako, Haring Gurang-Utan..." Pumagitna si Sisi-Hero. Inayos niya muna ang kanyang kapa at itinaas ang kanang braso na animo'y handa na upang lumipad. "Kayo po ang may kasalanan, kaya lalong lumakas ang kapangyarihan ng lapis ni Lite Rati."

"Naninisi ka naman," sawata ni Madam Moth kay Sisi-Hero.

"Ang akin lamang naman ay pagpapaliwanag. Gusto kong ipaalam sa inyo na sinisisi ko ang aking sarili kung bakit hindi ko siya kayang sunggaban, dagitin, at dalhin sa malayo upang hindi na siya makapanghasik dito ng kabutihan. Mabuting impluwensiya siya sa sangkatauhan! Hindi siya dapat na pinakikinggan ng mga alipin!"

"Tama ka, Sisi-Hero." Si Malabanan ang nagsabi.

Natakip ng ilong ang lahat dahil sa mabahong amoy na nanggagaling sa bunganga ni Malabanan.

"Ano ba 'yan, Malabanan! Hindi ba't nagkasundo na tayo na hindi ka na magsasalita? Ang baho na naman ng hininga mo!" galit na galit na sabi ni Madam Moth. "Tinalo mo pa ang lason sa mga pakpak ko!"

"Sorry po. Sorry po."

Lalong nagalit si Madam Moth. Pinaghahampas niya si Malabanan ng kanyang pakpak. "Maligo ka na mga muna at magsipilyo. Sipsip ka kasi ng sipsip, e!"

Tahimik na umalis si Malabanan. Inamoy-amoy pa niya ang hininga.

Natawa na lamang ang hari at ang iba pa. Pagkatapos ay tila may dumaang demonyo sa kanilang gitna.

Maya-maya, pumasok si Recto, ang abogado ng kaharian. Pormal na pormal ang kanyang kasuotan. Bumagay sa kanya ang kanyang sungay at buntot. Para siyang lobo sa katawan ng tupa. "Magulong hapon sa inyong lahat! Nais kong ibalita ang nalalapit na araw ng pagpuputong ng korona sa bagong hari ng Ocmatog. Sa loob ng isang buwan, ikaw, Haring Gurang-Utan ay papalitan na ni Haring Huyu. Handa ka na po bang lisanin ang magulo, mabaho, at naghihirap na kahariang ito?"

"Matagal na akong handa! FYI lang... Kaya naghihirap na ang kahariang ito sapagkat nailipat ko na sa aking kastilyo ang mga kayamanan ng inyong kaharian," sagot ng hari.

"Ganoon ba?"

"Oo, Recto! Salamat sa'yo! At, salamat sa inyong lahat! Salamat sa inyong kasamaang-loob!" Humalakhak uli ang matanda. Pagkatapos, nagbalat siya ng saging at siya'y kumain.

Naubos ng hari ang isang piling na saging. Pagkuwa'y napansin niyang may nais pang marinig ang kanyang mga masasamang alagad.

"O, sige na! Balik na sa mga puwesto niyo. Manmanan ninyong maigi si Lite Rati at ang kanyang mga kaibigan. Gawin niyo silang miserable. Pahirapan niyo sila, hanggang sila na mismo ang sumuko at lumayas sa kahariang ito," makapangyarihang wika ni Haring Gurang-Utan.

Tahimik na nagsisunuran ang mga alagad, maliban kay Recto.

"Recto, mabuti at nagpaiwan ka," malungkot na turan ng hari.

"Bakit?"

"Gusto mong igawa mo uli ako ng mga pekeng kasulatan. Gusto kong manatiling mayaman, malakas, bata, at makapangyarihan. Gawan mo ng paraan! Gawan mo ng paraan!"

Napamaang si Recto.

Natataranta ang hari. "Si Lite Rati... si Lite Rati..."

"Ano si Lite Rati?"

"Pinadalhan niya ako ng sulat." Mula sa kanyang bulsa, dinukot niya ang sulat. "Hindi ko pa binasa. Natatakot ako. Alam mo namang sa bawat titik ng kanya isulat ay tila sumpa sa akin. Ayaw ko! Ayaw kong basahin ito!"

"Sunugin na natin," mungkahi ni Recto.

"Huwag!"Muling itinago ng hari ang sulat.

"Bakit?"

"Ayon sa sulat niya sa akin noong nakaraang araw, kapag sinunog ko raw ang huling sulat niya sa akin, kasama raw akong masusunog sa langit! Ayaw ko sa langit! Ayaw ko doon, Recto!" Halos maiyak na ang hari mula sa pagkakasubsob niya sa kanyang mga palad. "Tulungan mo ako."

Natatawang nilapitan ni Recto ang hari, saka ito niyakap at tinapik-tapik sa likod. Bago sila nagkahiwalay, nadukot na niya ang sulat mula sa bulsa ni Haring Gurang-Utan.

"Sige na, mahal na hari. Ako'y lilisan na upang matulungan kita sa iyong suliranin," seryoso niyang sabi. Pilit niyang pinipigilan ang pagtawa.

"Aasahan ko iyan, Recto."

Tumango lamang ang huwad na abogado. Agad din siyang tumalikod at tumungo sa tagong sulok ng kaharian upang basahin ang sulat.

"Mahal na Haring Gurang-Utan, Ako ang magiging hari ng Ocmatog. Lite Rati," basa ni Recto. Kinabahan siya nang husto. "Kailangang mapeke ko ang sulat na ito."

Tumakbo si Recto sa kanyang opisina. Doon ay pinag-isipan niya ng husto ang dapat gawin upang makuha ang matagal nang inaasam.

Tatlong oras ang nakalipas bago nagkaroon ng matinong solusyon si Recto sa kanyang problema. Daglian niyang tinungo ang kuwarto ng hari.

"Mahal na hari! Mahal na Haring Gurang-Utan!" Sunod-sunod na katok ang ginawa ni Recto sa pinto ng kuwarto ng hari, ngunit hindi niya narinig ang boses nito. Kaya, nagdesisyon na siyang pumasok, kahit alam niyang pagagalitan siya nito.

Pagbungad niya sa pinto, tumambad sa kanya ang hari.  Nakabigti ito. Laylay na ang dila at maputla na ang kulay ng balat nito.

Nagagap ni Recto ang kanyang bibig at takot na takot na umalis doon. Natagpuan niya ang kanyang sarili sa kanyang opisina. Saka lamang niyang napagtanto ang kanyang kasalanan nang makita ang mga abo ng sinunog niyang sulat.

Mula sa lilang kurtina, lumabas si Lite Rati. Ikinagulat iyon ni Recto.

"Nakita ko ang mga ginawa mo," ani Lite Rati. Dinuro niya ng kanyang lapis si Recto.

"Hindi! Hindi!" Napaurong si Recto, habang marahang lumalapit sa kanya si Lite Rati. Nagtakip siya ng mata. "Umalis ka na!" Pagkatapos ay naghintay siya ng gagawin o sasabihin nito. Nang wala siyang marinig, dumilat siya. Wala na si Lite Rati. Ngunit, sa kanyang mesa at may puting papel na nakapatong. Binasa niya ang nakasulat.

"Mamamatay ang lahat ng mga namemeke sa kahariang ito!"

Maya-maya, nagdilim ang kanyang paningin.

Mula nang mamatay ang lahat ng masasamang tao sa kaharian ng Ocmatog, nanumbalik na ang kapayapaan, kasayahan, kasaganaan, at pagkakaisa. Naging patas at makataong pinuno si Haring Huyu na naging dahilan upang kaluguran siya ng mga tao. Si Lite Rati naman at patuloy na naging tagapagbantay at tagpagtanggol ng lahat. Ang kanyang mahiwagang lapis ay kanyang ginagamit para sa pagpapalaganap ng kabutihan.






























No comments:

Post a Comment

Paano Sumulat ng Lathalain? #2

 Madali lang. Para ka lang nagbilang ng isa hanggang siyam.   Una, isulat mo ang unang talata. Ang unang talata ay tinatawag na ‘The Lea...