Followers

Friday, March 22, 2019

Driver

Ang driver na hindi nagsusukli ay hindi naman bobo sa Matematika, kundi mapanlamang lang talaga sa kapwa.

Sipsip

Tanong:

Kapag sinipsip ba ng linta ang dugo ko, magkadugo na kami?

unfriend

Bago mo ako i-unfriend 

o i-block sa Facebook, 

siguraduhin mo munang 

hindi mo na ako kailangan.

Hanapin

Huwag mo nang hayaang mawala ang isang tao o bagay bago mo hanapin. 

Pahalagahan mo na kaagad nang hindi na  mawala at hindi mo na hanapin. 

Sunday, March 17, 2019

Ranny Tingi

Tuwing papasok si Ranny sa paaralan, anim na kilometro ang nilalakad niya. Dumadaan siya sa isang sapa. Tumatawid siya sa dalawang ilog. Umaakyat at bumababa siya sa tatlong bundok. Tinatakbo niya ang apat na burol. Tumutulay-tulay, nagpapalipat-lipat, at lumulukso-lukso siya sa limang pilapil. Sa bawat pagpasok niya sa paaralan, hindi lang bag ang kanyang bitbit. May dala rin siyang isang bayong na may lamang paninda—kamote, ube, gulay, at saging. Ibinibenta niya iyon sa kaniyang mga guro sa ikalimang baitang. Sa halos araw-araw na pagpasok ni Ranny, hindi siya nagreklamo o sumuko. Pinahahalagahan niya ang edukasyon. Mataas ang pangarap niya para sa sarili, sa pamilya, at sa kaniyang komunidad. Kaya naman, hangang-hanga sa kaniya si Binibining Nancy Lisa. "Karlo, hindi mo ba talaga titigilan si Ranny? Ano ang masama kung magtinda siya ng saging?" Madalas ipagtanggol ni Binibining Lisa si Ranny kay Karlo. Titigil naman si Karlo, pero kapag reses, tutuksuhin na naman niya si Ranny. "Hoy, Ranny, nilagang saging na naman ang baon mo?!" "Gusto mo?" "Yak! Ano ako, unggoy? Tabi ka nga riyan!" Hinawi ni Karlo ang baon ni Ranny na nasa lamesang kawayan. Nagkandalaglagan iyon. Walang kibong pinulot ni Ranny ang mga nilagang saging. Walang araw na hindi siya inaasar ni Karlo. Minsan, sinasaktan pa siya kapag hindi niya sinunod ang utos sa kaniya, kaya madalas siyang umuuwi nang umiiyak. Wala ring araw na hindi makakapagtumba si Ranny ng puno ng saging. Bago didiretso sa bahay, dadaaan muna si Ranny sa sagingan ng kaniyang ama. Susuntok-suntukin niya ang isang puno ng saging na may bungang nasa hustong gulang na. "Ikaw, ang sama-sama mo sa akin!" sigaw niya sa harap ng puno ng saging, sabay suntok. Halos lumubog ang kamao ni Ranny sa puno. "Bakit? Bakit?" Sunod-sunod na muli niyang sinuntok ang puno hanggang sa unti-unti itong yumuko. Natuwa si Ranny. Naglaho ang mga luha niya. "Bukas, may ibebenta na naman ako." "Saging na naman? Mukha ka na talagang unggoy!" pamimintas ni Karlo kay Ranny. "Gusto mo?" Inialok ni Ranny ang hawak niyang lakatan. Kinuha iyon ni Karlo at idinuldol iyon sa bibig ni Ranny. "Bagay sa unggoy 'yan." Pagkatapos, inihagis niya sa likod ang balat. Hindi nakaimik si Ranny dahil halos mabulunan siya sa isinubong saging. Tawa nang tawa namang tumalikod si Karlo. Hindi lumipas ang kalahating minuto, si Ranny naman ang humagalpak. Nakita niya kung paanong umangat si Karlo sa lupa na parang baboy na inihagis sa ere nang maapakan nito ang balat ng saging. "Aray ko... Walang hiya kang baluga ka! Kapag nakatayo ako rito, yari ka sa akin," banta ni Karlo. Bago pa nakatayo si Karlo, bumalik na si Ranny sa kanilang silid-aralan. Subalit bago naman siya nakauwi, inabangan siya ni Karlo. Galit na galit ito sa kaniya. Noon lamang siya nakakita ng baboy na parang torong nag-aapoy ang ilong. Sinubukan pang tumakbo ni Ranny, pero nagsilabasan mula sa likod ng mga halaman at puno ang mga kaibigan ni Karlo. Nahuli siya ng mga ito. "Tatakas ka pa, unggoy!" sabi ni Karlo habang palapit kay Ranny. "Bitawan ninyo ako. Ano ba ang kasalanan ko sa inyo?" Nagpumiglas siya, pero wala siyang nagawa sa apat na kaklaseng humahawak sa kaniya. "Mamaya, pakakawalan ka nila." Kinuha ni Karlo ang gunting sa kaniyang bag. "Ano ang gagawin mo sa akin, Karlo?" "Kakalbuhin kita, kulot-salot ka kasi." Nagtawanan ang limang kaklase ni Ranny habang nagpupumiglas siya. "Hindi bagay sa unggoy ang kulot na buhok," sabi pa ni Karlo habang ginugupit niya ang buhok ni Ranny. Tumulo nang tumulo na lang ang luha niya kahit alam naman niyang muli siyang tutubuan ng buhok. Nagtatawanan at nagtatakbuhan ang limang bully. Sa sagingan, muling nagpatumba ng puno ng saging si Ranny dahil sa galit niya sa mga kaklase. Bukas, may ititinda na naman siya sa mga guro. Pagdating sa bahay, hindi malaman ni Ranny kung paano itatago ang buhok. "Sino ang gumawa niyan sa 'yo, Ranny?" tanong ng ina. "Wala po." "Wala? E, halos makalbo ka na," sabi naman ng ama. "Sino ang gumupit ng buhok mo?" Matagal bago nakasagot si Ranny. "Si Karlo po." "Naku! Nagpatalo ka na naman sa kaniya. Lagi ka na lang naiisahan. Susunod niyan, ano? Lumaban ka naman, Ranny!" pagalit ng ama. Kinabukasan, hindi pumasok si Ranny sa paaralan. Itininda na lamang niya ang mga saging. Naghanap din siya ng barberong mag-aayos ng buhok niya. Naglakad-lakad si Ranny sa plasa upang magpalipas ng oras. Sa isang bulletin board, nabasa niya ang isang anunsiyo. "Sasali ako!" Sinuntok niya ang kaniyang kamao, saka tumakbo pauwi. Tumakbo siya nang tumakbo. Tumutulay-tulay, nagpapalipat-lipat, at lumulukso-lukso siya sa limang pilapil. Tinatakbo siya sa apat na burol. Umaakyat at bumababa siya sa tatlong bundok. Tumawid siya sa dalawang ilog. Dumaan siya sa isang sapa. Parang hindi siya napagod nang narating niya ang sagingan. Doon, agad niyang pinagsusuntok ang mga puno ng saging. Marami siyang napatumba, bago siya umuwi. Kinabukasan, galit na galit ang ama ni Ranny. "Rannnnny! Sino ang may gawa niyon sa sagingan?" "Ako po," mangiyak-ngiyak na pag-amin ni Ranny. Pinalo si Ranny ng kaniyang ama. "Bakit mo ginawa iyon? Wala pang bunga ang mga iyon." "Sasali po kasi ako sa boksing." "Ha? Boksing? Magboboksing ka? E, hindi ka nga makaganti sa kaklase mo. Tigilan mo nga ako, Ranny, kundi hindi palo lang ang aabutin mo sa akin." Hindi nagpapigil si Ranny sa kaniyang pangarap. Gusto niyang sumali sa boksing sa darating na kapistahan. Dumating ang araw ng pista. Ang boksing ang pinakatampok na paligsahan sa araw na iyon. Pinatawag na ang lahat ng gustong sumali para maipagtambal na ang magkakatimbang at magkakasingtaas. Nagkagulatan sina Ranny at Karlo nang makita nila ang isa't isa. Nanginig bigla ang mga tuhod ni Ranny. Napakain siya ng saging. Napangisi naman si Karlo habang sinusuntok-suntok ang kamao niya. Dahil silang dalawa lang ang batang nakapila, sila ang magkatunggali. Gusto nang umiayaw ni Ranny habang tinitimbang siya, pero naisip niya ang kanyang ama. "In the blue corner, weighing 112 pounds... Karlo Dapig!" sabi ng announcer. Mayabang na umakyat sa ring si Karlo, habang naghihiyawan ang mga manonood. Umalog-alog ang taba nito sa dibdib habang nagsa-shadow boxing ito. And, in the red corner, weighing 45 pounds... Ranny Tingi!" pakilala ng announcer. Nahihiya at nanginginig na umakyat si Ranny sa ring. Narinig at nakita niya ang tawanan ng mga manonood. May masasakit na salita siyang narinig, pero sa halip na masaktan siya, lalong lumakas ang loob niyang talunin si Karlo. Pumagitna na ang referee kina Karlo Dapig at Ranny Tingi. May mga sinabi ito sa kanila, saka pinasimulan ang labanan. Agad na natamaan ni Karlo sa mukha si Ranny. Lumayo muna si Ranny. Pinag-aralan niya ang galaw ni Karlo. Kaya nang lumapit ito, nasuntok niya ito nang sunod-sunod sa panga. Napapalakpak ang mga tao sa ipinakita niyang husay. Tila nag-iba na ang sigaw ng madla.. Inisip ni Ranny ang mga saging na pinapabagsak niya. At tiningnan niya si Karlo bilang puno ng saging at saka siya maingat na sumugod. Pinagsusuntok niya ito. Uppercut dito! Jab doon! Nawalan ng balanse si Karlo bago pa tumunog ang bell. Round 2 na. "Ranny Tingi! Ranny Tingi!" Iyan na ang sigaw ng mga manonood na lalong nagbigay ng inspirasyon sa kaniya. Pumagitna uli ang referee at naghudyat ng pagsisimula. Sumuntok agad si Karlo pero nakaiwas si Ranny. Nagpalipat-lipat si Ranny ng puwesto na parang tumutulay-tulay siya sa mga bato at pilapil. Hindi tuloy makasuntok si Karlo. Hindi nagtagal, nakorner niya ito at agad niyang pinaulanan ng suntok. Jab dito! Uppercut doon! "Whoooooah!" halos sabay-sabay na sigaw ng mga manonood nang matumba si Karlo Dapig. Binilangan ng referee si Karlo, pero hindi na ito nakatayo pagkatapos ng sampu. "The winner by technical knockout is... Ranny Tingi!" sabi ng announcer. Itinaas ng referee ang kamay ni Ranny Tingi, habang nagpapalakpakan at naghihiyawan ang mga manonood. Nakatanggap ng limang libong piso at tropeo si Ranny. Halos hindi rin magkamayaw ang tao sa pagbati sa kaniya. Ang iba ay nagpakuha pa ng larawan na kasama siya. "Ranny Tingi, nakapahusay mong boksingero. Ikaw na ang susunod na pambansang kamao," sabi ng isang lolo. "Salamat po!" Pag-uwi niya, naalala niya ang kaniyang ama at ang mga puno ng saging na pinatumba niya. Nalulungkot siya. Binagalan niya ang paglakad pauwi. Nang makarating siya sa pilapil, naramdaman niyang may parang sumusunod sa kaniya. "Papa?" Nagitla siya at napahinto. "Ranny, anak." Agad na lumapit ang ama. "Papa, nanood ka po ng laban namin?" "Oo. Ang galing mo! Pinahanga mo ako, anak. Pasensiya na kung hinusgahan kita," maluha-luhang sabi ng ama. Hindi na nakapagsalita si Ranny dahil niyakap na siya ng kaniyang ama. "Simula ngayon, magtatanim pa ako ng maraming saging para may pagpraktisan ka," biro ng ama. Natawa na lamang si Ranny kahit kumikislap na ang kaniyang mga mata. "Heto po ang premyo ko. Pambili po natin ng maraming pagkain." Ang ama naman ang natawa pagkatapos tanggapin ng sobre.

Saturday, March 16, 2019

Mga Bulaklak para kay Quennie

Alagang-alaga ni Lolo Tasyo ang mga halaman niya sa kanyang hardin. Umaga at hapon, binibisita at dinidiligan niya ang mga ito. Kaya naman, halos wala nang mapaminsalang insekto ang nakakapanira ang mga dahon at bulaklak. Tanging mga bubuyog at makukulay na paruparo ang bumibisita rito. 


Madalas ding kinakausap ni Lolo Tasyo ang mga ito. Gayunpaman, lahat ng mga kapitbahay ay humahanga sa ganda ng hardin niya. 


Isang hapon, nakadungaw si Lolo Tasyo sa bintana. Tinatanaw niya ang masasayang bulaklak sa kanyang hardin.


Hindi nagtagal, may mga batang babae ang pumitas ng mga bulaklak. Gusto sana niyang sawayin sina Mimay, Joy-joy, Laleng, Manilyn, at isa pa. 


Noon niya lamang nakita ang batang iyon. Siya ang pinakamaliit sa lima. Ang buhok niya ang pinakakaiba. Malungkot ang kanyang mga mata.


“Ayan, Quennie, ang ganda-ganda mo na!” bulalas ni Manilyn nang mailagay nito ang bulaklak sa tainga ng bata.


“Quennie pala ang pangalan niya,” bulong ni Lolo Tasyo. “Kay ganda ng pangalan niya. Bagay na bagay sa kanya.” Nawala ang inis niya nang ngumiti na si Quennie.


Inayos-ayos pa nina Mimay at Joy-joy ang buhok ni Quennie. Si Laleng naman, nilagyan pa ng cosmos sa buhok nito. 


Naglagay din ang apat sa kanilang buhok, kaya lalong lumapad ang ngiti ni Quennie. Hindi nila namalayan na nasisiyahang nakamasid sa kanila si Lolo Tasyo.


Araw-araw, inaabangan ni Lolo Tasyo ang mga batang babae. Araw-araw nga nilang ginagawa iyon. Minsan, rosas at gumamela ang inilalagay nila sa kanilang buhok. Minsan naman, zinnia at sampaguita. 


Lalo tuloy nawiling magtanim si Lolo Tasyo. Sinisikap niyang laging namumukadkad ang mga bulaklak sa hardin upang may mapitas ang mga batang babae.


Isang umaga, nasa hardin si Lolo Tasyo. 


“Lolo Tasyo, puwede po ba kaming humingi ng bulaklak?” tanong ni Mimay, kasama niya si Quennie.


Ngitian muna niya ang dalawa. “Sige, sige, mga apo! Mamili na kayo.”


“Salamat po!” Agad na namili si Mimay.


Nakatayo lang si Quennie. Malungkot siya at malumbay. 


“Ayan! Ang ganda-ganda mo na, Quennie!” puri ni Mimay.


“Oo nga, Quennie, lalo na kung ngingiti ka pa,” sang-ayon ni Lolo Tasyo. 


Pilit na ngiti ang ipinasilay ni Quennie kina Lolo Tasyo at Mimay.


“Lagi kang ngingiti, Quennie, ha? Tingnan mo si Mimay.”


Ngumiti si Mimay saka umakbay kay Quennie. “Salamat po uli sa bulaklak!”


Maligaya na naman si Lolo Tasyo kasi napaligaya niya ang mga bata. 


Araw-araw, humihingi ang mga batang babae ng bulaklak. Kung hindi si Joy-joy ang kasama ni Quennie, si Manilyn. Kung hindi si Manilyn, si Laleng. Madalas, lahat silang apat ang kasama ni Quennie. Lahat sila, pinasasaya nila ang kalaro.


Isang araw, nagtataka si Lolo Tasyo dahil wala ni isa sa kanila ang humingi ng bulaklak. Nalungkot siya at nanghina. Inaalala na lamang niya ang maamong mukha ni Quennie. Naalala kasi niya ang kanyang apo tuwing nakikita si Quennie. 

Kinabukasan, nakadungaw lang si Lolo Tasyo sa bintana, habang pinagmamasdan ang mga halaman at bulaklak sa kanyang hardin.


“Lolo Tasyo, Lolo Tasyo!” humahangos na tawag ni Laleng. Kasama niya si Manilyn.


“O, mga apo, bakit natataranta kayo? Nasaan si Quennie?” nagtatakang tanong ni Lolo Tasyo.


“Pahingi po ng bulaklak para kay Quennie,” sabi ni Manilyn.


“Sige, sige, mga apo! Pumitas na kayo.”


Pinagmasdan ni Lolo Tasyo ang pamimitas ng dalawang bata. Nagtaka siya dahil marami silang pinitas, pero hindi siya nagalit. 


“Salamat po, Lolo Tasyo! Matutuwa po nito si Quennie,” sabi ni Laleng.


“Walang anuman! Balik kayo, kasama si Quennie,” pasigaw niyang sagot dahil nakalayo na ang dalawa.


“Wala na po si Quennie,” tugon ni Manilyn.


Hindi agad naunawaan ni Lolo Tasyo ag sagot ni Manilyan, pero nang makuha niya ang kahulugan, bigla na lang tumulo ang mga luha niya.


Agad siyang bumaba at tumungo sa hardin. Namitas siya ng mga bulaklak. Pagkatapos, hinanap niya ang bahay ni Quennie. 


“Mga bulaklak para kay Quennie,” sabi ni Lolo Tasyo sa mga magulang nito habang palapit siya sa kabaong ng bata. 


Nalaman niyang binawian na ng buhay si Quennie dahil sa sakit na cancer. Muling tumulo ang mga luha ni Lolo Tasyo.

Sunday, March 10, 2019

LiKha

Sa umagang kay lamig

habang kalamna'y nanginginig,

kailangan ang kapeng mainit

at isang ngiting matamis.


----



Panibagong simulain

at panibagong suliranin

ang bubunuin at bubuuin

sa landas na tatahakin.



----


Sa landas nitong buhay,

dapat handang bumaybay.

Sa Kanyang gabay,

ika'y hindi malulumbay.


----



Ang bawat pangarap

ay laging magaganap.

Basta't laging positibo,

iwasang maging negatibo.


-----



May isang kaibigan,

handa kang damayan

sa anumang laban,

lalo na sa kasiyahan.


----



Anumang kabiguan

ang dumating, humarang,

may isa kang tahanang

mauuwian, nag-aabang.


----



Kung pasani'y kay bigat,

pasakit, 'di na mabalikat,

gitara ay ilabas, 

musika ang ipantapat.


----



Sa pag-abot ng mithiin,

pagsisikap ang gawin.

Huwag itong madaliin,

bagkus maging madasalin.


----



Mga ibon sa kapaligiran,

patuloy na ginagabayan

ng Diyos sa kalangitan,

gaya ng mga nasa sanlibutan.


----



Pagsilang at pagtanda

ay parehong mahalaga.

Dapat ang bawat isa

ay laging nakahanda.


----



Wednesday, March 6, 2019

Sutsot

Huwag kang maniwala sa sutsot ng tauhan mo. Nilaglag nga niya ang kasamahan niya, ikaw pa kaya. Hintayin mo dahil ikaw naman ang susunod niyang itutulak pababa. Huwag kang t*nga! Ginagamit ka lang niya para umangat siya. Kapag nangyari iyon, tatawanan ka pa niya. 

Tuesday, March 5, 2019

Ano ang mas Nakakatakot?

Ano ang mas Nakakatakot?


Kung nakakatakot ang masamang anghel na nagkatawang tao,

Mas nakakatakot ang mga taong umaakto na parang demonyo.

 

Kung nakakatakot ang mga nakapaligid na maligno.

Mas nakakatakot ang mga taong gumagawa ng milagro.

 

Kung nakakatakot ang mga nagpaparamdam na multo,

Mas nakakatakot ang katrabaho mong nagpaparamdam lang kapag may kailangan sa 'yo.

 

Kung nakakatakot ang pisikal na kamatayan,

Mas nakakatakot ang taong handa kang saksakin nang talikuran. 

 

Kung nakakatakot ang mababangis na hayop sa gubat,

Mas nakakatakot ang mga taong asal-hayop na nasa siyudad.

 


Alibangbang

Sa madilim na tirahan ako isinilang at lumaki. Masaya naman ako roon dahil kasama ko ang mga kapatid kong binhi na sina Butbot, Kuya Pod, at Ate Syd. Lahat kami ay nangangarap maging matayog na puno pagdating ng panahon gaya ng aming ama. "Naiinip na ako rito. Gusto ko nang lumabas," sabi ko. "Ako nga rin... Gusto ko nang makita ang mundo sa labas," sang-ayon ni Kuya Pod. "Sabi ni Ina, may tamang panahon daw para sa ating paglabas," turan ni Ate Syd, ang pinakamalaki sa aming magkakapatid. "Kailan naman kaya iyon?" tanong naman ni Butbot, ang pinakamaliit sa aming apat. "Oo nga! Hindi na ako makakapaghintay," sabi ko. "Huwag nating madaliin ang paglago natin. Iyan ang madalas sabihin sa atin ng ating mga magulang. Sige na, matulog na tayo," utos ni Ate Syd. Wala kaming nagawa kundi ang matulog nang matulog. Lagi naman kasing gabi sa loob ng bahay namin. Sa paglipas ng mga araw, palaki kami nang palaki. Natutuwa kami dahil nararamdaman na namin ang aming paglabas. Nang bumuka ang mga bubong ng bahay namin. Nasilayan namin ang liwanag sa unang pagkakataon. "Wow, ang ganda!" bulalas ko nang makita ko ang kapaligiran. "Kuya Ben, nasaan ka? Bakit ako, hindi pa nakalalabas? Nasaan sina Ate Syd at Kuya Pod?" sunod-sunod na tanong ni Butbot. "Wala na sila sa kuwarto nila, Butbot. Nakakainis! Hindi man lang sila nagpaalam." "Ha? Paano ako? Iiwanan mo rin ba ako?" malungkot na tanong ng aming bunso. "Hindi kita iiwanan. Aabangan ko ang paglabas mo," sabi ko. "Sige. Pangako mo iyan, ha?" "Oo, Butbot. Kahit anong mangyari, hindi kita iiwan. Sabay tayong lalabas." Natuwa si Butbot sa pangako ko. Nagtago muna ako sa aking silid. Alam kong hindi magtatagal, bubuka na rin ang silid ni Butbot. Isang araw, humangin nang malakas. Nauga ang tirahan namin. "Butbot, kumapit ka!" utos ko, pero hindi yata ako narinig ng kapatid ko. Ako na lang ang kumapit nang mahigpit. Umihip pa ang hangin. Sa kabila ng aking pagkapit, tinangay pa rin ako palayo. Bumagsak ako sa lupa. "Patawad, Butbot, hindi ko natupad ang pangako ko sa 'yo." Natatanaw ko pa rin ang dati kong tirahan. Ligtas naman ang bunso kong kapatid. Kahit paano maaari pa kaming magkita. Hindi nagtagal, bumuhos ang ulan. Palakas iyon nang palakas. "Ate Syd! Kuya Pod! Nasaan kayo? Natulungan ninyo ako!" Pasinghap-singhap na ako. Marami na akong nainom na tubig, ngunit wala man lang sumaklolo sa akin. Sa malamig at madilim na lugar ako nagising. Basang-basa pa rin ako. Pero lubos ang aking pasasalamat dahil buhay pa ako. "Magandang gabi po, Ginoo!" bati ko sa kakaibang nilalang na mahaba ang katawan at kaya nitong ibaluktot at pahabain. "Magandang umaga!" Nginitian niya ako. "Umaga po pala ngayon." Tumango siya lang "Gusto ko pong makita ang araw. Puwede po ba ninyo akong tulungang makaahon?" sabi ko. Tumawa muna siya nang malakas. Naubo pa nga siya. "Kung gusto mong makita ang araw, manatili ka rito... May tamang panahon para sa paglabas mo." Tinalikuran na niya ako. Para siyang si Ina kung magsalita. Nakakapagtaka talaga. Bakit kailangan ko na namang maghintay? Hindi ko maintindihan. Gusto ko lang namang makita ang mga kapatid ko. Hihingi ako ng tawad kay Butbot at tatanungin ko sina Ate Syd at Kuya Pod kung bakit hindi sila nagpaalam sa amin. Maghapon akong nalungkot. Nasanay na rin ako sa malamig at madilim na lugar na iyon, pero nawalan ako ng pag-asang matupad ko ang pangarap ko. Lumipas ang mga araw. Nakaramdam ako ng pagbabago sa katawan ko. "Magandang araw po!" bati ko sa kakaibang nilalang na mahaba ang katawan. "Magandang gabi!" "Ay, gabi na pala!" Natawa kaming pareho. "May itatanong po sana ako sa inyo, Mang Ano," sabi ko. "Mang Bulate. Ako si Mang Bulate. Ano ang itatanong mo, bata?" "Ben po. Ben po ang pangalan ko... May nagbago po sa akin. Ano po ba ang mga ito?" Sinipat-sipat muna ako ng bulate. "Ugat ang mga iyan." "Ugat? Para saan po ito? Hindi na po ba ako makakaalis dito?" "Malalaman mo ang sagot sa mga susunod na araw." Naiwan akong nagtataka at lalo akong nawalan ng pag-asa. Gusto ko nang kalimutan ang pangarap ko. Gusto ko na ring isipin na hindi na kami magkikita-kita ng nga kapatid ko. Ngunit, isang araw, nasilaw na lang ako ng liwanag mula sa araw. "Yehey! Nakalabas na ako! Nakalabas na ako!" Tumalon-talon pa ako, pero hindi umangat ang katawan ko. Bumagsak ang balikat ko dahil sa panlulumo. "Bakit kasi may ugat pa ako?" Lalo pa akong nalungkot nang hindi ko makita ang dati naming tirahan. Napalayo na ako sa mga magulang ko, gayundin sa mga kapatid ko. "Nasaan na kaya si Butbot?" Nakayuko ako nang mapansin kong may tumubo sa ulo ko. "Ano ito? Ano ito?" Naguluhan at natakot ako. "Ano na naman ang mangyayari sa akin?" Isang malutong na tawa ang narinig ko mula sa isang kakaibang nilalang. "Sino ka? Bakit mo ako tinatawanan?" tanong ko. "Wala lang. Nakakatawa ka kasi. Parang takot na takot ka sa sarili mo." "E, kasi... hindi ko alam kung ano ang tumubo sa ulo ko." "Dahon mo iyan. Unti-unti ka nang lumalago," paliwanag niya. "Dahon? May dahon na ako? Ibig sabihin, magiging puno na ako?" Tuwang-tuwa ako. "Oo, dahon. Magiging puno ka kung makakaya mo ang mga pagsubok," sabi niya. Pagkatapos, gumapang na siya palayo. "Anong pagsubok?" sigaw ko. "Ano ang pangalan mo?" "Kuya Suso!" Narinig ko pa ang sagot niya dahil hindi pa ito nakalalayo. "Ako naman si Ben!" sigaw ko rin. Punong-puno ng ngiti ang mukha ko buong maghapon. Muli kong nasilayan ang ganda ng kapaligiran. Hindi man ako nakakalakad dahil sa mga ugat kong nakakapit sa lupa, nabuong muli ang pangarap kong makikita ko ang pamilya ko. "Magiging puno ako!" sigaw ko. Inunat ko pa ang katawan ko. At naramdaman ko ang bahagyang pagtangkad ko. Mas lumapad din ang dahon ko. Kinabukasan, dumaan si Kuya Suso. Nagbatian kami. Pagkatapos, may napansin siya sa akin. "Wow, dalawa na ang dahon mo, Ben!" "Yes! Dalawa na! Unti-unti na akong lumalago. Kuya Suso, ano po ba ang mga pagsubok na darating sa akin?" "Darating ang mga iyon sa mga panahong hindi mo inaaasahan, kaya lagi kang maghahanda. Mag-iingat ka." Habang papalayo ang suso, nag-iisip naman ako. Hindi ko siya maintindihan. Lumipas ang mga araw. Parami nang parami ang mga dahon ko. Patangkad din ako nang patangkad. Tuwang-tuwa ako dahil mas marami na akong natatanaw. Ngunit isang araw, dumilim ang kalangitan. Alam kong may parating na ulan. Pagkalipas ng ilang sandali, kumulog at kumidlat. Kasunod na ang pagbuhos ng malakas na ulan. Nanginig akong bigla. Sumuray-suray din ako dahil sa pag-ihip ng hangin. "Ama! Ina! Nasaan kayo! Tulungan ninyo ako." Hindi ko na alam kung may luha ba ako. Ang alam ko lang, umiiyak ako sa takot. Mabilis na tumaas ang tubig. Nangamba ako. Ayaw kong maanod at matabunang muli ng lupa, kaya kumapit ako. Noon ko lang nalaman ang halaga ng mga ugat ko. Nakatulong ang mga iyon upang hindi ako tangayin ng baha. Magdamag na umulan kaya lumampas sa pinakatuktok ko ang baha. Nawalan yata ako ng malay kasi paggising ko nakabaluktot ako. Halos mabali ang katawan ko. Nakabagsak sa lupa ang mga dahon ko. Sinikap kong tumayo para sa pangarap ko. Hindi madaling bumangon, pero nagawa ko paunti-unti. Nang nakatayo na ako, naalala ko si Kuya Suso. Tama siya. Dumarating nga ang mga pagsubok sa hindi inaasahang oras. Kaya, lagi na akong mag-iingat. Hindi nagtagal, naalala ko ang mga kapatid ko. "Dumaan din kaya sila sa pagsubok. Nakaligtas kaya sila?" Nalungkot ako. Gusto ko na silang makita. Mas matatag ako sa pagharap sa pagsubok kung kasama ko sila. Lumipas ang ilang araw at gabi. Umulan. Umaraw. Humangin. "Aray!" Napasigaw ako nang isang dambuhalang hayop ang umapak sa sanga ko. Nabali iyon. "Bakit mo ako inapakan?! pasigaw kong tanong, pero hindi niya ako narinig. Nang makalayo ang hayop, tinanggap ko na lang na isa na namang pagsubok iyon. Simula noon, naging maingat na ako. Sinipagan ko ang pagpapalago sa aking mga sanga. Mabilis na dumami ang mga dahon ko. Tumaas pa ako nang tumaas. Ngunit, isang araw, halos masunog ako sa tindi ng sikat ng araw. Wala nang masipsip na tubig ang mga ugat ko. Uhaw na uhaw na ako. Nalalanta na rin ang mga dahon ko. "Ama! Ina! Tulungan ninyo ako!" sigaw ko. "Uhaw na uhaw na ako." Halos mawalan ako ng malay sa sobrang pagkatuyot ng puno ko. Mabuti na lang ay may hamog sa gabi. Kahit paano, nakakainom ako ng tubig. Lumalambot din ang lupa, kaya nagagawa kong pahabain ang mga ugat ko. Noon ko natuklasan ang kakayahan ng aking mga ugat. Mas marami akong ugat, mas marami akong maiimbak na tubig sa katawan ko. Unti-unting nanumbalik ang sigla ng mga sanga at dahon ko. Tumangkad pa nga yata ako. Mas marami na kasi akong natatanaw. Parang nakikita ko na nga si Ina. Lumipas pa ang mga araw. Dinadapuan na ako ng mga ibon. Masasaya silang naglalaro sa mga sanga ko. "Ina! Narito po ako!" pasigaw kong bati at kaway sa kanya, na sa tingin ko ay lalo siyang tumaas. "Ben, ikaw pala iyan?" sigaw rin ng aking ina. "Mabuti naman, nandiyan ka lang. Nasaan na kaya ang mga kapatid mo?" Nalungkot akong bigla. "Hinahanap ko rin po sila. Pakisabi ko kay Ama, maayos naman ako." Nasa likod lang ni Ina si Ama. Hindi na niya ako nakikita at naririnig, kaya ipinasabi ko na lang ang aking pangungumusta. "Sige, Ben! Mag-iingat ka lagi. Lumaki ka sanang maganda at mabuting puno. Marami ka pang pagsubok na mararanasan. Lagi kang magpakatatag." Nginitian ako ni Ina. Halos mapawi niyon ang kalungkutang naranasan ko simula nang bumagsak ako sa lupa. Sa palagay ko, magiging matatag ako sa mga pagsubok. "Opo, Ina," sagot ko. Nakita ko ang mga lilang bulaklak niya, na animo'y mga paruparo. Napakaganda ni Ina. Isang hapon, nakuha ang atensiyon ko ng sumisigaw na puno. "Huwag! Huwag ninyo akong akyatan!" Nakita ko ang tatlong batang lalaki ang naglalaro sa mga sanga nito. "Bumaba kayo! Baba!" sigaw ng puno. Pero patuloy pa rin sa paglalaro ang mga bata. "Butbot? Butbot?" pasigaw kong tanong. Napalingon sa akin ang puno. "Kuya Ben? Kuya Ben, ikaw nga! Nandiyan ka lang pala." "Oo, Butbot. Natutuwa ako dahil nagkita na tayo. Patawarin mo ako kasi hindi na ako nakapagpaalam sa 'yo." "Wala iyon. Naunawaan ko na ngayon ang buhay natin. Naunawaan ko na ang mga salita ni Ina." "Salamat naman kung ganoon. Isa na lang ang hiling ko... ang makita sina Kuya Pod at Ate Syd." "Sina Ate Syd at Kuya Pod ba? Nandoon sila. Katulad na natin sila. Malalagong puno na rin. Si Ate Syd, namumulaklak na." "Nakakausap mo ba sila?" "Oo, pero kailan ko lang sila nakilala. Grabeng pagsubok kasi ang pinagdaanan ko." "Pareho tayo, Butbot. Mabuti na lang, naging matatag tayo." "Oo nga, Kuya Ben. Akala ko nga, hindi ko na kayo makikita." "Matutuwa sina Ina at Ama kapag nalaman nila ang tungkol sa iyo at sa mga kapatid natin," sabi ko. Hangang-hanga talaga ako sa katatagan ng mga kapatid ko. "Talaga, Kuya Ben? Nakakausap mo sila?" Nakangiti akong tumango. "Nasa unahan ko lang si Ina." "Ikumusta mo ako sa kanila. Mahal na mahal ko sila." "Sige, ikukumusta kita. Ikumusta mo rin ako kina Ate Syd at Kuya Pod, ha?" "Sige, Kuya Ben." Sobra akong natuwa sa mga biyayang iyon. "Salamat sa Diyos! Natupad na ang pangarap ko. Wala na akong mahihiling pa." "Ako rin, Kuya Ben." "Sigurado ka?" Tumango si Butbot. Natawa ako. "Kanina lang, nagagalit ka sa mga bata." Nahiya ang kapatid ko. "Kasi baka mahulog sila at mabakli ang mga sanga ko." "Naku! Kasingtibay ng mga sanga ni Ama ang mga sanga mo, kaya hayaan mo ang mga bata. Patunay lamang iyan na isa kang biyaya sa kanila." "Sige, mga bata, laro lang kayo riyan!" masayang sabi ni Butbot. "Sabihin mo sa kanila, akyatin din nila ako," biro ko. Nagtawanan kami ng bunso kong kapatid.

Sunday, March 3, 2019

Palaging Panalo si Paolo sa mga Laro

Sa baryo ng San Lazaro, ang batang si Paolo ang pinakamahusay sa bawat laro. Hindi siya matalo-talo ng kaniyang mga kalaro. Madalas siyang umuwing masaya dahil sa pagkakapanalo. Kapag uso ang trumpo, lagi siyang panalo. Hindi ito nasusugatan man lang o nabibiyak. Samantalang ang mga kalaro niya ay umuuwing umiiyak. Ang galing pa niyang magpaikot. Kukunin pa niya ito habang umiikot, ilalagay sa palad, at padadaanain sa kaniyang braso. Napapapalakpak tuloy ang kaniyang mga kalaro. Tuwing sila ay maglalaro ng piko, lagi siya ang nananalo. Maraming bahay siyang nabubuo kasi naman parang binubulungan niya ang kaniyang pamato. Madalas, kapag siya ang nauunang tumira, ang mga kalaban niya'y hindi na nakakapaglaro. Ang galing kasi ng kaniyang pamato-- isang makinis, makintab, at flat na bato. Sa habulan, si Paolo ang number one. Para siyang palos. Hindi siya mahuli-huli, hindi mahipo, at lalong hindi mayapos. Kapag Langit-Lupa ang laro, hindi siya maabot ng taya dahil siya'y lumalayo. Sinisigurado niyang hindi siya binabantayan nito. At kapag nataya siya, agad siyang nakapaglalaro. Kapag sila ay nagluluksong-baka, hindi siya natataya. Ang taas kasi ng lundag niya. Tinalo pa niya ang mga palaka. Talong-talo talaga niya ang mga baka. Sa luksong tinik, si Paolo ay may teknik. Laging siya ang tumitira. Hindi siya natataya, pero hindi siya mandaraya. Para siyang kabayo dahil sa taas ng talon niya. Kapag siya ay lumalaban sa sungka, ang panalo ay laging siya. Ang mga bato ay napupunta sa kaniya. Kahit may kakampi pa ang kalaban niya, siya pa rin ang panalong idinideklara. Kapag nakikipaglaro siya ng patintero, hindi siya natataga. Kung tumakbo kasi siya'y parang si Lydia de Vega. At kapag ang grupo niya ang taya, siya ang madalas na nakakataga. Ang husay niyang magbantay. Parang si Lastikman, na humahaba ang mga kamay. Sa tago-taguan, ang husay rin niya. Hindi siya nakikita kahit malapit lang siya sa taya. May lahi yata siyang multo kasi bigla na lang nawawala at susulpot sa dilim. Palibhasa siya ay maitim. Kapag siya ay nakikipaglaro ng sipa, nabuburot ang taya. Ang galing niyang talaga! Parang may isip ang sipa kasi sumusunod sa kaniya. Kaya niyang sumipa-sipa kahit isandaang bilang pa. Tuwing panahon ng yoyo, wala nang mas gagaling pa kay Paolo. Andami niyang alam na tricks at exhibition. Nagagawa niyang palakarin ang yoyo. Kaya niyang ipagbuhol-buhol ang tali nang hindi tumitigil sa pag-ikot nito. May pasayaw-sayaw pa nga siya kapag naglalaro, kaya tuwang-tuwa ang kaniyang mga kalaro. Kapag sila ay naglalaro ng tumbang preso o tumba lata, bihira siyang mataya. Ang tsinelas niya ay parang may mahika. Ang galing niyang tumira. Lumilipad ang lata kapag tinamaan ng tsinelas niya. Kawawa nga ang taya, panay ang habol nito sa lata. Sa larong tatsing, siya ay napakagaling! Sa pagtarget ng mga tansan sa loob ng bilog ay bihasang-bihasa siya. May sikreto yata ang pamato niya. Kaya naman, naiuuwi niya ang halos lahat ng tansan ng kaniyang mga nakakalaban. Sa holen, mahusay rin siya. Kapag ang laro ay karera sa butas sa lupa, lagi siyang nauuna. Kapag ang laro ay parang tatsing, siya pa rin ang bida. Kaya naman, may koleksiyon na siya ng mga holen. Umabot na iyon sa walumpu. Magkakaiba ang mga kulay niyon at disenyo. Sa siyato, siya lagi ang kampeonato. Sa husay niyang maglaro nito, iniisip tuloy ng kaniyang mga kalaro na marunong din siya sa tsako. Sa isang tira, nakakatatlo siya bago niya mapalayo. Ang lakas niyang pumalo. Umaabot ng limang metro ang madalas bilangin ni Paolo. Kapag sila ang taya, madalas siya ang tagasalo. Kaya ang iskor ng kalaban nila ay malayong-malayo. Ang parusa pa naman ay tatalon-talon nang malayo. Pagdating sa teks, ang may pinakamaraming koleksiyon ay si Paolo. Pambihira kasi ang kaniyang pamato. Para itong manghuhula dahil laging naiiba. Kaya naman, ang galing niyang magbilang. "Isa, dal'wa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu, cha!" Ganyan din ang bibilangin ng dalawa niyang kalaban. Meron na kaagad siyang apatnapu't dalawang teks. Ang sampu't cha kasi ay katumbas ng dalawampu't isa. Kampeon din si Paolo sa goma. Bawat pagsipa niya sa mga binuhol na goma, marami ang makakawala. Gamit ang hinliliit sa paa, kukuhitin naman niya nang paisa-isa ang mga nakaambang goma. Madalas nauubos niya ang mga iyon, bago pa makatira ang kalaro niya. Pag-uwi niya, nakatirintas pa ang mga goma. Isasabit niya iyon sa kaniyang balikat, kaya para siyang si Zuma. Kahit sa Chinese garter, hindi nagpapatalo si Paolo. Ang galing pa rin niya kahit talagang pambabae ang larong ito. Sabagay, hindi lang naman siya ang nag-iisang lalaki. Naglalaro rin sina Nepthali at Isagani. Sa hula hoop, ang galing din niyang kumembot. Tinalo niya pa ang katawan ng bulate sa sobra nitong lambot. Sa loob ng labinlimang minuto ang hula hoop ay nananatili pa ring umiikot. Sa jackstone, lagi rin siyang panalo. Kahit ang mga babae, kaniya pang natatalo. "Ang laki kasi ng kamay mo." Madalas, si Athena ang nagrereklamo. "Hindi, ah! Madiskarte lang talaga ako. Sa bawat laro, hindi lang galing ang kailangan mo," sabi ni Paolo. "Ano pa?" tanong ni Athena. "Talino!" mabilis na sagot ni Paolo. Marami pang laro ang nilalaro ni Paolo. Madalas siyang manalo at bihira matalo. Minsan, wala nang gustong makipaglaro kay Paolo. Siya kasi lagi ang nanalo. Bihira siya maging taya, kaya laging siya ang naglalaro. "Sali naman ako sa inyo," pakiusap ni Paolo. "Huwag na," sabi ni Nepthali habang nakanguso. "Oo nga! Lagi ka na lang panalo," sang-ayon ni Isagani, sabay layo. "Halika, Nepthali, doon tayo." Nalungkot si Paolo. Nanghinayang siya sa mga gagambang nasa loob ng posporo. "Wala nang gustong makalaro ako. Sige, pakakawalan ko na lang kayo." Pauwi na sana si Paolo nang tinawag siya ni Athena, na nasa malayo. "Paolo, halika, laro tayo!" Nakangiting lumapit si Paolo. "Talaga? Gusto mo akong isali sa laro ninyo?" "Oo naman. Hindi ba, mabait ka namang kalaro?" Tumango-tango si Paolo. Nang nasa bahay na siya ni Athena, nakilala ni Paolo ang kanilang kalaro --si Andrea, kapatid nitong bunso. "Ano ang ating laro?" tanong ni Paolo. Ngumiti muna si Athena, saka tiningnan ang kapatid niya. "Mayroon kaming paperdolls, Barbie dolls, rag dolls, at iba pang manika. Mamili ka." "Yay! ang sabi ni Paolo. "Hindi na! Uwi na ako, Athena." Tawa nang tawa sina Athena at ang kapatid niya.

Ang Aking Journal -- Hulyo 2026

Hulyo 1, 2026 Muntik na akong ma-late dahil sa bus na nasakyan ko. Panay ang hinto at pick-up niyon ng mga pasahero. Hindi ko na tuloy naa...