Liwanag ng Kabutihan
Isang gabi, nagbabasa si Marc sa
may gilid ng kalsada. Nanggagaling ang liwanag sa solar lights sa poste roon. Ilang sandali ang lumipas, may
humintong sasakyan sa tapat niya.
“Bata, ang sipag mo namang magbasa.
Kahanga-hanga ka,” sabi ng drayber ng sasakyan.
“Salamat po, Kuya. Wala po kasi
kaming kuryente sa bahay kaya madalas dito ako nagbabasa, nag-aaral, at
gumagawa ng assignment,” paliwanag ni
Marc.
“Bihira ang katulad mo.”
Nagpatuloy si Marc sa pagbabasa
pagkatapos niyang ngitian ang lalaki. Hindi niya napansin ang pagbaba nito mula
sa sasakyan.
“Dahil sa determinasyon mong
makapag-aral kahit sa ganitong paraan, gusto kong mag-abot ng kaunting tulong
para sa pag-aaral mo,” sabi nito, sabay abot sa lilibuhing pera.
Hindi agad iyon inabot ni Marc
dahil sa pagtataka. “Pero~” Napakamot na lamang siya sa ulo, saka nagpasalamat.
“Puwede kang makabili ng solar lamp para sa bahay mo na gawin ang
mga assignment mo.”
Biglang umaliwalas ang mukha ni
Marc. “Tama po, Kuya! Maraming salamat po ulit!”
“O, sige na, tutuloy na ako. At
kung ano pa ang kailangan mo sa eskuwelahan mo, puntahan mo na lang ako sa
bahay ko.” Inabot ng lalaki ang isang tarheta.
Saglit na binasa iyon ni Marc.
Naunawaan niya ang ibig sabihin niyon. Alam niyang calling card iyon dahil may mga phone
numbers, email address, at home
address. “Naku, malaking tulong na po itong binigay ninyo.”
“Maliit na bagay lang iyan kumpara
sa inspirasyong naidudulot mo sa iba, gaya ko. Sobra akong humanga sa `yo kaya deserve mong tulungan.”
Maluha-luha si Marc habang
nagpapaalam sa estranghero.
“Kyler Dequino. Siya si Kuya
Kyler,” sabi niya nang mabasa iyon sa tarheta. “Ang bait niya.”
Kinabukasan, nagpabili si Marc ng solar lamp sa kaniyang ina. Kinagabihan,
tuwang-tuwa siya, gayundin ang kaniyang mga kapatid dahil maliwanag na sa
kanilang bahay. Hindi na niya kailangang pumunta sa may tabing kalsada para
mag-aral doon.
“Nanay, gusto kong magpasalamat kay
Kuya Kyler. Paano po ba sumulat ng liham pasasalamat?” tanong niya sa ina,
isang umaga.
Natawa muna ang kaniyang ina. “Alam
mo namang hindi ako marunong magbasa at magsulat, `di ba? Paturo ka na lang uli
kay Marjorie.”
“Ay, tama! Sa kaniya na lang po uli
ako magpapatulong sa pag-research.”
“Bakit hindi na lang ikaw? Gamitin
mo ang natitirang pera sa computer shop.”
“Huwag na po. Sayang po. Hindi
naman po ako magtatagal. Gusto ko lang makakuha ng ideya.”
Pagpunta ni Marc sa bahay ng
kanilang kapitbahay na si Marjorie, abala ito sa mga gawaing-bahay. Gayunpaman,
tinulungan pa rin siya nito.
“Salamat, Ate Marjorie, sa mga
ito!” ani Marc habang hawak ang dalawang papel. “Pinag-print mo pa talaga ako kahit busy
ka.”
“Sus! Maliit na bagay. Basta para
sa pag-aaral mo, suportado kita.”
Nagpalitan sila ng matatamis na
ngiti bago umuwi si Marc. Subalit naglaho ang ngiti sa kaniyang mga labi nang
mabasa ang nilalaman ng dalawang papel.
“Balangkas at dayagram lang pala
ito ng pagsulat ng liham pasasalamat,” sabi niya, sabay kamot sa ulo. “Walang
halimbawa? Paano ako makakasulat?”
Dahil sa paulit-ulit na pagbasa ni
Marc sa mga iyon, unti-unting lumilinaw sa kaniya ang gagawin. Kaya pagkalipas
ng tigsasampung minutong pagbabasa sa bawat papel, sinisimulan na niya ang
pagsusulat ng liham pasasalamat.
“Ang galing! Nakasulat na ako.
Mahalaga pala ang balangkas at dayagram,” bulalas niya. Iwinagayway pa niya ang
liham.
Bago inilagay ni Marc sa sobre ang
liham, binasa niya muna iyon.
Pebrero 10,
2026
Kuya Kyler,
Magandang araw sa iyo!
Kumusta ka na po? Kung ako ang tatanungin mo, mabuti naman ang
kalagayan ko.
Sumulat ako para magpasalamat sa perang
binigay mo sa akin. Gusto ko ring ibalita sa iyo na nakabili na ako ng solar
lamp. Nagagamit ko na ito, at mas komportable na ang pag-aaral ko sa bahay.
Hindi ko na kailangang pumunta sa tabing kalsada.
Siyanga pala, may natitira pang sangkapat ng
kabuuang halagang ibinigay mo. Ang kalahati nito ay plano kong ibili ng mga
school supplies. At ang tatlong-ikalima sa natitirang kalahati ay ilalagay ko
sa aking alkansiya. At ang dalawang-ikalima naman ay ipinambaon ko noong Lunes.
Nabigyan ko rin ng tiglilimang biskwit
ang mga kapatid ko.
Huwag kang mag-alala, Kuya Kyler,
iingatan ko ang solar lamp, at mag-aaral pa ako nang mabuti. At sana patuloy
kang biyayaan ng Diyos dahil mabuti kang tao.
Maraming salamat pong muli.
Marc,
Pagkatapos
itinupi niya ang liham sa tatlong bahagi, kaya nang isuksok niya iyon sa sobre
ay naging sangkatlo. Kasyang-kasya! Isinunod niya ang paglalagay ng mga address sa harapan ng sobre.
“Ay,
hala! Nasa kabilang kanto lang itong Langka Street,” sabi niya. “Ihahatid ko na
lang doon para personal ko siyang mapasalamatan at mabalitaan.”
Gayon nga ang ginawa ni Marc. At
madali niyang nahanap ang bahay ni Kyler dahil maraming beses na siyang
napadaan doon. Subalit, pagdating doon, kasambahay lang ang nakausap niya.
Sabi nito, nasa outreach program sa Cagayan Valley si
Kyler, at sa makalawa pa babalik.
“Pakiabot na lang po kay Kuya
Kyler. Salamat po, Ate!” Magkahalong lungkot at saya ang naramdaman niya.
Malungkot siya dahil posibleng hindi maibigay ang liham niya. Masaya naman siya
dahil may mga matulunging tao, katulad ni Kuya Kyler.
Umalis si Marc na puno ng
pasasalamat at pag-asa, determinado na mag-aral nang mabuti upang balang araw
ay makapagbigay rin siya ng liwanag ng kabutihan sa iba.
No comments:
Post a Comment