Indarapatra at Sulayman
Noong unang panahon, ang malaking pulo ng Mindanao ay halos
nakalutang sa katubigan, at wala halos makikitang kapatagan. Umaabot hanggang
sa mabababang bahagi ng lupa ang dagat, kaya tanging ang kabundukan lamang ang
natatanaw. Maraming taong naninirahan at namumuhay ng payapa at sagana sa mga
kabundukan, ngunit bigla silang binulabog ng apat na nakakatakot na halimaw.
Nilapa at nilamon ng mga ito ang bawat taong mahuhuli o madadaklot. Nasira rin
ang mga kabundukan at kagubatan.
Winasak ni Kurita—ang nakikilabot at dambuhalang halimaw na
maraming paa-- ang mga kabahayan. Takot na takot ang mga tao na lumabas at
mangisda sapagkat naninirahan ito sa lupa at bahagi ng dagat, subalit mas gusto
nitong manirahan sa bundok, kung saan ay may mga rattan.
Winasak din ni Tarabusaw-- isang pangit na nilalang na may
anyong tao—ang mga lupain, at nilamon ang mga tao. Takot na takot ang mga tao
na pumunta at umakyat sa Bundok Matutun sapagkat doon naninirahan ang halimaw
na ito.
Wala namang nakaliligtas kay Pah-- isang dambuhalang ibon,
na kayang takpan ang araw kapag lumipad ito, na nagdudulot ng kadiliman sa
lupa. Naninirahan at nangigitlog ito sa Bundok Bita, subalit walang makalapit
dito, dahil, bukod sa kasinglaki ng isang bahay ang itlog nito, tinutuka at
kinakain nito ang sinomang makita. Ang tanging kaligtasan ng mga tao ay ang pagtatago
sa mga yungib.
Nangwasak at naghasik ng lagim din si Malanog-- isa ring
nakakikilabot na ibong may pitong ulo, na kayang tumingin sa lahat ng
direksiyon nang sabay-sabay. Mula sa Bundok Gurayn, tanaw na tanaw nito ang
Bundok Gurayn, kaya madali nitong atakehin ang mga tao.
Nagdulot din ng pangamba sa malalayong lupain ang tungkol sa
pangangambala ng apat na halimaw. Nabalitaan
nila ang matinding kamatayan ng mga tao at pagkawasak ng kapaligiran.
Abot-langit ang kalungkutan ng lahat ng bansa dahil sa sinapit ng Mindanao.
Samantala sa malayong lupain, kung saan sumusikat ang
ginintuang araw, namumuhay nang payapa at masagana ang isang napakalaking
lungsod. Pinaghaharian iyon ni Haring Indarapatra.
Isang araw, ipinatawag ni Haring Indarapatra ang kaniyang
kapatid na si Sulayman. “Batid kong nabalitaan mo rin ang nangyari sa Mindanao.
Nais kong tulungan natin silang magapi ang apat na halimaw, na nagpapasakit sa
kanila.”
“Kahabag-habag ang sinasapit ng mga tao at kapaligiran sa
Mindanao, mahal kong hari. Tinatanggap ko ang iyong hamon,” tugon ni Sulayman.
“Sa lalong madaling panahon, tutungo ako roon upang ipaghiganti ko ang kanilang
lupain.”
Bago umalis si Sulayman, binigyan ni siya ni Haring
Indapatra ng singsing at espada.
“Gabayan ka nawa ng singsing at espadang ito sa iyong
paglalakbay at pakikipaglaban sa mga halimaw,” sabi ng kapatid. “At mamaya,
pag-alis mo, magtatanim ako ng munting puno sa tabi ng bintana sa aking silid
upang malaman ko ang iyong kapalaran. Kung magtatagumpay ka, mananatiling buhay
ang puno, pero kung matutuyo ito, ikalulungkot ko.”
“Magtitiwala ako sa proteksiyong ibibigay ng iyong mga
handog, mahal kong kapatid,” tugon ni Sulayman, na walang bahid ng pangamba at
pag-aalinlangan. “Asahan mong makalalaya ang mga taga-Mindanao.”
Noon din, nilisan ni Sulayman ang kaharian, sa pamamagitan ng
paglipad sa hangin. Dumiretso siya sa bundok ng mga rattan.
“Kalunos-lunos ang sinapit ng bundok na ito. Wasak na wasak
ang mga tahanan, at naglaho ang mga tao.
Walang ano-ano’y nayanig ang bundok, at narinig ni Sulayman
ang atungal ni Kurita. Nang lumitaw si Kurita, wala itong sinayang na sandal.
Agad itong sumunggab upang lapain siya, ngunit mabilis na inundayan niya ito ng
espada, at napatay ang halimaw.
Muling naglakbay si Sulayman, pagkatapos magapi si Kurita. Inakyat
niya ang Bundok Matutun, kung saan nakaharap niya si Tarabusaw. Kaagad silang
naglaban at nagtagisan ng lakas at bilis. Inabot ng gabi ang pakikipaglaban
niya sa halimaw, ngunit napatay niya ito nang ito’y napagod.
Kinaumagahan, tinahak ni Sulayman ang Bundok Bita. Nasa
kapunuan na siya nang biglang dumilim ang paligid dahil sa paglipad pababa ni
Pah. Agad siyang pumaimbulog upang tagain ang pakpak ng halimaw na ibon.
Matagumpay na nautas ni Sulayman ang pakpak ng ibon, kaya
bumagsak iyon sa lupa, ngunit naging dahilan iyon upang madaganan siya niyon,
at ikamatay.
Sa mga sandaling iyon, habang nakadungaw si Haring
Indarapatra, napansin niya ang biglang pagkatuyo ng puno ng buhay ni Sulayman. “Mahal
kong kapatid, bakit nagpagapi ka? Ipaghihiganti kita.” Tumangis siya nang
malakas habang nakakuyom ang kaniyang mga kamao, saka mabilis na pumaimbulog.
Pagkatapos ng paghahanap habang lumilipad, namataan ni
Haring Indarapatra ang mga buto nina Kurita at Tarabusaw. Kahit paano ay natuwa
siya sapagkat batid niyang si Sulayman ang tumalo sa dalawang halimaw.
Nang marating naman ni Haring Indarapatra ang Bundok Bita,
natagpuan niya ang patay na ibon, at sa ilalim ng pakpak nito, ang mga buto ni
Sulayman. Tahimik na lamang siyang napaluha, ngunit biglang lumiwanag ang
kaniyang puso, nang makita niya ang maliit na banga ng tubig sa tabi ng mga
buto. “O, mahabaging langit, salamat sa biyayang ito,” pagpupuri niya.
Pagkatapos niyon, ibinuhos niya ang tubig sa mga buto.
Muling nabuhay si Sulayman. “Mahal kong kapatid! Maraming
salamat sa tulong mo!” Nagyakapan silang magkapatid, saka nagkuwentuhan tungkol
sa mga nangyari. Nagplano rin sila para sa mga susunod na hakbangin.
Pinabalik ni Indarapatra si Sulayman sa kanilang kaharian,
ngunit nagpatuloy siya sa paglalakbay.
“Anoman ang kahihitnan ng aking paglalakbay, inihahabilin ko
sa iyo ang ating kaharian,” bilin ng hari sa kapatid.
“Mag-iingat ka,” sabi ni Sulayman bago lumipad pabalik.
Naglakbay si Indarapatra hanggang sa Bundok Gurayn. Doon,
natagpuan niya ang halimaw na ibon, na may pitong ulo. Taglay nito ang kakayahang
Makita siya saanman siya dumako, ngunit nakahihigit ang bilis niya at talas ng
kaniyang espada. Naputol niya ang bawat ulo ng halimaw, kaya bumagsak ito.
Sa kabila ng tagumpay, nakaramdam ng kalungkutan si Indarapatra
dahil wala siyang mamalas na buhay na tao. Gayunpaman, nag-ikot-ikot siya sa
paligid, bakasakaling may matanaw siyang tao, na nakaligtas sa paghahari ng mga
halimaw.
Pagkatapos ng mahaba-habang paglalakbay, natanaw niya sa
kakahuyan ang isang magandang dalaga, ngunit naglaho ito sa butas sa lupa.
Dahil sa matinding pagod, nagpapahinga si Indarapatra sa
ilalim ng puno. Pagmulat niya, nakakita siya ng palayok na may bigas at apoy.
“Tamang-tama ito dahil sadyang kumakalam na ang aking sikmura.” Agad niyang
isinaing ang bigas.
Bago iyon maluto, may matandang babaeng lumapit sa kaniya.
“Ginoo, iilan na lamang ang nabubuhay sa lupaing ito, at nagtago sila sa isang
yungib sa ilalim ng lupa.”
“Ligtas na ang lupaing ito. Nagapi na namin ng kapatid kong
si Sulayman ang apat na halimaw,” masayang balita ni Indarapatra. Hiniling din
niya sa matanda na samahan siya nito sa yungib upang makilala ang mga
nakaligtas.
Sa yungib, kung saan naroon ang pinuno ng nayon at ang ilang
nakaligtas, isinalaysay ni Indarapatra ang mga pangyayari. Pinasalamatan siya
ng mga ito.
Ipinakilala sa kaniya ng pinuno ng nayon ang anak nitong
babae.
“Magandang araw, binibini!” bati ni Indarapatra, saka
nagpakilala. “Ikaw ang nakita ko kanina.”
Ngumiti at tumango lamang ang dalaga.
“Dahil sa iyong kabayanihan, nais kong maikasal kayo ng
aking anak. Isinasalin ko na rin sa iyon ang paghahari sa lupaing ito sapagkat
ako ay may katandaan na,” sabi nito.
Malugod na tinanggap ni Indarapatra ang lahat, gayundin ng
dalaga. At hindi lumipas ang isang araw, ikinasal siya sa dalaga. Lumabas na rin
ang lahat ng nabubuhay na tao mula sa kani-kanilang pinagtataguang lungga, at
bumalik sa mga tahanan.
Unti-unti, nanumbalik ang kapayapaan at kasaganaan sa lupain
ng Mindanao. Umatras din ang dagat at muling lumitaw ang mabababang lupain,
kaya nagkaroon ng malalawak na kapatagan upang mapagtamnan ng mga tao.
No comments:
Post a Comment