Followers

Friday, February 20, 2026

Balagtasan: Kapistahan at Pambansang Pistang Opisyal: Alin ang Higit na Mahalaga sa Mamamayan?

 

 Kapistahan at Pambansang Pistang Opisyal: Alin ang Higit na Mahalaga sa Mamamayan?


 

Lakandiwa:

Magandang araw sa inyong lahat, aking mga kababayan!

Dalawang magiting na mambabalagtas, nasa inyong harapan.

Pagtatalunan ang pambansang pistang opisyal at kapistahan,

Kung alin ang mas mahalaga at kapaki-pakinabang sa mamamayan.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Ang pambansang pistang opisyal ang mas mahalaga, mga kaibigan.

Mga manggagawa, trabahador, at empleyado, ako’y papanigan

Dahil ito na nga’y araw ng pahinga sa trabaho, sila pa’y babayaran

Kung papasok pa sila, ang kanilang suweldo ay madodoble naman.

 

Kapistahan:

May punto ka naman, katoto, ngunit ito’y sadyang may kababawan

Kung suweldo at pahinga lamang ang iyong habol at inaabangan,

Walang halaga iyan kung ikukumpara sa aking ipinaglalaban—

Ang kapistahan, gaya ng Ati-Atihan, ay higit na mahalagang ipagdiwang.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Hindi mababaw ang aking argumento, kundi ang iyong saradong isipan

Sa pambansang pistang opisyal, ang bawat Pilipino ay nagdiriwang

Kapag Rizal at Bonifacio Day, inaalala natin ang kanilang kagitingan

Tuwing Araw ng Kagitingan ---demokrasya, kalayaan, at kapayapaan.

 

Kapistahan:

Ang kapistahan naman ay nagiging tradisyon, kultura, at kaugalian

Naipapasa ito mula sa matatanda hanggang sa mga kabataan

Ang mga pamanang sayaw, awit, at pagkain ay pinagsasaluhan

Hindi man pambansa, subalit ito’y mas makulay, masaya’t makabuluhan.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Hindi lahat ng mga Pilipino ay niyayakap ang inyong kapistahan

Sapagkat magkakaiba ang ating relihiyon at sinasampalatayaan

Samantalang ang pistang opisyal ay walang sekta—pangkalahatan

Maging mga estudyante ay may natututuhan tungkol sa kasaysayan.

 

Kapistahan:

Hindi man kasaysayan, pero patron na santo ay pinasasasalamatan

Kung gayon, aking panig ay di-hamak na karapat-dapat paniwalaan

At ang argumento mo ay walang bigat, saka walang kahalagahan

Mabuti pa’y tanggapin mo nang dumayo ka rin minsan sa pistahan.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Oo na! Oo na! Aamin kong dumayo ako minsan sa isang pistang-bayan

Ngunit itatanggi kong walang saysay ang aking mga talasalitaan

Ikaw, ikaw itong mga binibigkas ay hindi lohikal at hindi makatotohanan

Kaya huwag mo akong husgahan, baka ako’y magsiwalat `pag napilitan.

 

Lakandiwa:

Sandali! Pakiwari ko’y dalawang magkatunggali ay nagkakainitan

Tandaan lamang, ating paksa ay huwag lalayuan at huwag iiwanan

Nang sa gayon, ang inyong mga argumento ay malayang mabitawan

Ituloy na natin ang palitan ng kuro-kuro nang may kahinahunan.

 

Kapistahan:

Akong namulat sa mga pistahan ay may respeto at paggalang

Hindi katulad sa iba riyan na kahit sa matanda’y walang pitagan

Kung manalita at mangatuwiran, daig pa ang matalas na sundang

Akala naman niya’y ako ay titiklop sa laban o siya ay aking uurungan.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Bakit hindi ka humarap sa akin at sabihin ang mga iyan nang harapan?

Kung ako nga ang iyong pinatutungkulan, wala akong panahon diyan

Ating balikan ang paksang pinagtatalunan nang ito na ay matuldukan

At natitiyak ko namang ang mga madla sa akin sila magpapalapakan.

 

Kapistahan:

Huwag mo silang pangungunahan dahil hindi pa kita inaatrasan

Nagkakatipon diyan ang aking pamilya, mga kamag-anak, at mga kaibigan

Ganyan kami kung magsuportahan--- matatag, buong-buo ang samahan

Katulad tuwing kami ay nagdiriwang ng pista—tila may bayanihan.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Samakatuwid, nakakatawa ka. Niyaya mo pa ang kapitbahayan

Kawawa ka naman, ni sa katiting, wala kang kalaban-laban

Tuwing pistang opisyal, buong bansa kami kung magdiwang

Kaya ang kakampi ko ay hindi lang bayan, kundi sambayanan.

 

Kapistahan:

O, sige, huwag tayo ritong magkampi-kampihan o magbilangan

Tingnan na lamang natin sa mga libro, babasahin, at sanggunian

Mga kapistahan sa Pilipinas iyong makikita at masisilayan

Kahit sa indeks at apendiks ng libro, salitang ‘pista’ ay nariyan.

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Wala ka sa pambansang pista opisyal, nasa kaledaryo lang naman

Nakapula ang karamihan, ang iba nama’y inaanunsiyo nang biglaan

Tinatingala ng balana, na animo’y isang haring makapangyarihan

Minsan pa nga, nagkakaroon ng long weekend sa isang buwan.

 

Kapistahan:

Ang kapistahan, kahit wala sa kalendaryo, ay masaya naman

Dahil may sayawan, kantahan, paligsahan, kainan-- may suman

Mga bisita nami’y talagang naliligayahan, kami’y babalik-balikan

Kaya daig pa ang holiday, na sa kultura ay walang kinalaman.

 

 

Pambansang Pistang Opisyal:

Meron naman kung iyong pang-unawa lang ay lalawakan

At ang nakasisiguro ako, ito ay tungkol sa ating kasaysayan,

Gaya ng “Araw ng mga Bayani” at ang “Araw ng Kalayaan.”

Huwag mong itangging ang panig na ito’y may kabuluhan.

 

Lakandiwa:

Magaling kayong pareho! At pareho kayong may pinatunayan.

Bagaman di-magkatulad ang inyong mga pinaniniwalaan

At magkatulad kayong may paninindigan at pinaninindigan

Ay aking ibibigay sa madla ang kapangyarihang kayo ay husgahan.

 

No comments:

Post a Comment

Balagtasan: Kapistahan at Pambansang Pistang Opisyal: Alin ang Higit na Mahalaga sa Mamamayan?

    Kapistahan at Pambansang Pistang Opisyal: Alin ang Higit na Mahalaga sa Mamamayan?   Lakandiwa : Magandang araw sa inyong lahat,...